09. YOUTH
|09. Youth|
Odette Marie "Dette" Ojera
"Anak, tahan na."
"No, I wanna be alone here!" Ibinaon ko ang mukha ko sa unan at doon humagulhol. "Leave me alone, Ma!"
Pero hindi siya umalis. Naramdaman kong umupo siya sa tabi ng kama ko.
Bakit gano'n? Bakit hindi nila sinabi na nagbabalak na talaga sila na maghiwalay? Ang sabi niya noon, masyado lang busy si Papa sa trabaho niya kaya hindi siya nakakauwi, at naniwala naman ako.
"Anak, matagal mo naman nang alam na on the rocks na ang relasyon namin ng Papa mo kahit noong bata ka pa."
Hinarap ko siya. My vision was blurry because of my tears. "But you never told me about the annulment! I thought you could get along because you've always talked on the phone these past few months. Bakit hindi niyo sinabi sa'kin?"
"Dahil alam naming masasaktan ka, anak."
Bumangon ako mula sa pagkakadapa at tinitigan siya. "Hindi niyo po ba naisip na nasasaktan na 'ko ngayon? Hindi niyo po ba naisip na kapag naghiwalay kayo, ako 'yung mas maaapektuhan?"
Napayuko si Mama at narinig ko ang mahinang hikbi niya. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa nilang maghiwalay. I know Papa cheated on her but that was eight years ago. Bakit hindi niya na lang patawarin si Papa?
"H-He...fell out of love." She started crying in front of me. "W-We tried... Sinubukan naming ayusin, anak... days, months, years... pero wala na talaga."
My brows met, confused. "Paanong nangyari na... Paanong fell out of love? Uso pa ba 'yon, Ma? Nagpakasal kayo ni Papa at nangako na magmamahalan habangbuhay sa harap ng altar. Nagpakasal kayo kasi mahal niyo ang isa't isa—"
Nag-angat siya ng tingin at nakita ko ang pamamasa ng pisngi niya dahil sa luha. "Lahat nagbabago, anak. Pati ang nararamdaman ng isang tao." Hinawakan niya ang isang kamay ko at pinisil iyon. "Kung inaakala mo na kapag ikinasal o nagsama ang dalawang tao ay puro saya lang ang mararanasan nila, nagkakamali ka. Your father fell out of love kaya nagawa niya akong lokohin."
"But that was eight years ago, Ma!" mariing sigaw ko sabay bawi ng kamay ko sa pagkakahawak niya. "Bakit hindi mo na lang siya patawarin? Kahit para sa akin na lang."
Umiling siya at yumuko. "Hindi gano'n kadali 'yon, anak."
Napasuntok na lang ako sa kama ko habang pinipigilan ang sarili na sumabog sa galit. Ang bilis ng kabog ng dibdib ko at para itong tinutusok ng karayom dahil sa nalaman ko. Kaya nakakatulong talaga ang pag-iyak ko para mabawasan ang bigat na nararamdaman ko.
"Gaano po ba kahirap ang magpatawad?" tanong ko maya-maya nang kumalma ako.
"Alam mo..." Nag-angat siya ulit ng tingin sa akin. "Kapag niloko ka ng taong mahal na mahal mo, hindi lang tiwala ang masisira sa'yo. Hindi mo pa alam 'yan kasi bata ka pa. Kaya nga mahigpit ako pagdating sa pakikipag-boyfriend mo dahil ayokong maranasan mo ang naranasan ko, anak. At masyado ka pang bata para maranasan 'yon."
Umiling ako. Parang ayokong pakinggan ang mga sinasabi niya.
"You never cared about my feelings, Ma. Palagi mo akong pinagbabawalan sa lahat ng bagay na gusto kong gawin. Isang buong pamilya na nga lang ang hinihingi ko sa'yo, eh. Bakit hindi mo pa maibigay?!"
"You're father is a cheater!" Nagtaas na siya ng boses na ikinagulat ko. "Huwag ka nang umasa na mabubuo pa ang pamilya natin, Odette. Dahil wala na! Sira na ang pamilya natin dahil sa babaero mong ama!"
Tumayo na siya at naglakad palabas ng kwarto ko. Naiwan akong nakatulala habang tahimik na umiiyak.
Ang gusto ko lang ay kumpletong pamilya...pero bakit kailangang mangyari 'to? Bakit hindi man lang nila inisip na masasaktan ako kapag naghiwalay sila? Siguro hindi nila ako mahal. Wala silang pakialam sa nararamdaman ko.
Hindi ko na alam kung paano ako nakatulog. Hindi na rin ako nakakain at ilang beses akong tinawagan ni Papa pero hindi ko na siya sinagot. Ayoko siyang makausap, ayoko silang makausap ni Mama.
"Anak..."
Naalimpungatan ako dahil sa tawag ni Mama. Niyugyog niya ang balikat ko para magising ako.
"Anak, gising..."
Iminulat ko ang mga mata ko at nakita ko ang mukha ni Mama. Nakasuot siya ng panlakad na damit kaya bumangon ako para tingnan ang kabuuan niya.
"Saan po kayo pupunta?" tanong ko habang humihikab.
Nang tingnan ko ang wallclock sa itaas ng pinto ay nakita kong mag-aalas sais pa lang ng umaga.
"Pupunta akong Maynila."
Parang nawala ang antok ko dahil sa sinabi niya. Napakurap ako nang ilang beses.
"B-Bakit? Anong gagawin niyo do'n? Makikipag-ayos kayo kay Papa?"
Bumuntong-hininga siya at umupo sa gilid ng kama. Hinaplos niya ang buhok ko at saka ngumiti.
"Aayusin namin ang annulment papers. I have to sign it to make our separation official."
Pakiramdam ko ay gumuho ang mundo ko nang marinig ang sinabi ni Mama. Napatulala na lang ako habang nakaawang ang bibig at nakatingin sa kaniya.
"Kinausap ko na si Tita Divina mo, pumayag na siyang dito patulugin si Tonette para may kasama ka."
Parang wala akong narinig. Parang wala na rin akong ganang magsalita. Akala ko panaginip lang ang lahat. Akala ko hindi totoong maghihiwalay na si Mama at Papa. Totoo pala. Hindi pala panaginip.
"Take care of yourself, huh? Babalik rin ako next week." Niyakap niya ako at hinalikan sa noo. "I love you."
"Y-You won't...change your mind?" tanong ko, umaasa pa rin kahit alam kong hindi na magbabago ang isip niya.
Malungkot siyang tumango. "I'm sorry, Odette. Hindi ganito ang gusto kong mangyari sa pamilya natin. When I married you father, everything was amazing... until he cheated on me. At mahirap nang maibalik ang tiwalang nasira, anak."
Hindi ako sumagot at kinagat ko na lang ang labi ko, pinipigilan na umiyak.
"I have to go." She kissed my temple and stood up. "I love you."
"I love you too, Mama. Take care," nakayukong sagot ko.
Narinig ko ang pagsara ng pinto kaya alam kong nakaalis na siya.
Binaon ko ang mukha ko sa unan para doon umiyak. Wala na talaga. Maghihiwalay na sila Mama at Papa at wala na akong magagawa pa.
"I-I hate them... Hindi man lang nila iniisip ang mararamdaman ko..."
Hindi na ako natulog ulit dahil oras na rin ng pasok ko. Inasikaso ako ni Manang Rosie at mukhang napansin niya na matamlay ako kaya hinaplos niya ang buhok ko habang kumakain ako ng breakfast.
"Huwag ka nang malungkot. Isipin mo na lang na makikita mo pa rin ang Papa mo kahit hiwalay na sila ng Mama mo," pagpapagaan niya ng loob ko.
"Manang, kahit naman noong hindi pa sila naghihiwalay ni Mama ay never pumunta dito si Papa," nakasimangot na sagot ko habang nilalaro ng tinidor ang hotdog na nasa plato ko.
"Ay, oo pala ano?"
"Manang...sa tingin mo, mahal ba ako ni Mama at Papa?" tanong ko habang pinaglalaruan pa rin ang hotdog sa plato ko.
Kasi parang ayoko na maniwala hangga't hindi ko naririnig mula sa iba na mahal ako ng mga magulang ko.
"Oo naman. Mahal na mahal ka ng mga magulang mo, lalo na ang Mama mo." Umupo siya sa tabi ko at pinaharap sa kaniya ang mukha ko. "Bakit mo naman naitanong 'yan?"
Huminga ako nang malalim at binitawan ang tinidor ko.
"Ayaw niya kasi akong pagbigyan sa gusto ko, Manang. Desidido na siyang makipaghiwalay kay Papa nang hindi man lang iniisip ang nararamdaman ko."
"Naku, hindi gano'n 'yon," kontra niya. "Mahal ka ng Mama mo pero hindi niya na siguro kaya na matali sa Papa mo." Hinawakan niya ang kamay ko. "Alam mo, intindihin mo na lang ang Mama mo. Balang araw, maiintindihan mo rin kung bakit niya ginawa 'yon."
Malungkot akong umiling. "Hindi ko maintindihan, Manang. Wala akong maintindihan sa ginawa niya."
Siya naman ang napabuntong-hininga. "Bata ka pa kasi."
Hindi na ako sumagot. Palagi nilang sinasabi na bata pa ako at hindi ko pa naiintindihan ang lahat. Pero alam ko sa sarili ko na naiintindihan ko ang mga nangyayari sa paligid ko.
Oo, bata pa nga ako pero nakakaramdam na rin ako ng sakit. Lahat ng kabataan na kaedad ko ay hindi exempted sa sakit, lahat kami ay nasasaktan kahit wala pang masyadong alam sa mundo. At 'yon ang hindi naiintindihan ng mga matatanda.
As usual, sinundo ako ni Tonette. Sinalubong niya ako ng yakap pagpasok ko pa lang sa loob ng kotse.
"I've heard about what happened," bulong niya habang hinahagod ang likod ko. "I'm sorry."
Tumawa ako at kumalas sa pagkakayakap niya. "Bakit ikaw ang nagso-sorry? Dapat nga ako ang mag-sorry kasi may nasabi akong hindi maganda sa'yo."
"Wala na 'yon..." Ngumiti siya. "Hindi naman ako galit sa'yo. Malungkot lang talaga ako kasi...alam mo na..." Nagkibit-balikat siya at tumawa nang mapakla.
Kahit hindi niya sinabi ay alam ko na kung ano ang tinutukoy niya. Hinawakan ko ang kamay niya at ngumiti.
"Okay lang 'yan."
"I'm trying my best to distract myself, pero ang hirap pala." Pinaypayan niya ang mga mata gamit ang sarili niyang mga kamay. "Ano ba 'yan, naiiyak na naman ako."
Hindi ako nakaimik at napatitig na lang kay Tonette. Napaisip ako kung bakit nagagawang mapaiyak ng pag-ibig ang mga tao. Si Mama at si Tonette, silang dalawang importante sa buhay ko ang nakita kong umiyak sa harap ko at sa parehong dahilan.
Ano kayang pakiramdam ng masaktan dahil sa pag-ibig?
Alam kong masakit pero parang masarap. Masarap sa pakiramdam na nasasaktan ka dahil sa pag-ibig. Ewan, 'di ko rin maintindihan ang sarili ko minsan.
"Take care, huh? Sa bahay niyo ako matutulog mamaya," bilin ni Tonette bago ako bumaba ng kotse sa harap ng Henderson University.
Pumunta na ako ng classroom namin. Halos wala ako focus dahil sa kakaisip sa mga nalaman ko, sa paghihiwalay nila Mama at Papa. Umabot pa sa punto na para akong tanga na nakatulala habang nagtuturo sa harap si Ma'am Caroline, ilang beses niya tuloy akong sinigawan.
Ang hirap pala kapag bata ka pa. Lahat ipagkakait sa'yo dahil wala ka pa sa tamang edad, lahat hindi mo pwedeng pakialaman, parang hindi ka pwedeng pakinggan.
"Miss Ojera."
Natinag ako sa tawag ni Ma'am Joy, ang lecturer namin sa E.P. Kanina pa siya nagsasalita sa harap pero nakatulala lang ako sa labas ng bintana kanina pa.
Umayos ako ng upo at tumingala sa kaniya.
"Y-Yes, Ma'am?"
"Okay ka lang ba?" tanong niya, may pag-aalala sa boses.
Sa lahat yata ng lecturer namin, si Ma'am Joy ang pinakamabait, siya rin ang pinakamaganda. Morena siya at chinita, parang ate ko na rin siya dahil siya ang napagsusumbungan ko kapag sumusobra na si Ma'am Caroline sa'kin.
"O-Okay lang po." Ngumiti ako.
Bumalik siya sa harap at itinuro ang nakasulat sa blackboard. "Answer this."
Binasa ko ang nakasulat sa blackboard.
'What is your opinion about the youth empowerment?'
"May I know your opinion about this topic, Miss Ojera?" nakangiting tanong ni Ma'am Joy.
Napatingin sa akin ang mga kaklase ko, naghihintay sa isasagot ko.
Sa totoo lang, madali lang naman ang tanong. Hinihingi lang naman ang opinyon ko at kailangang ipaliwanag kung bakit. At isa pa, magaling ako pagdating sa pagbibigay ng opinyon lalo na't Editorial writer ako ng campus paper.
Pero bakit parang ang hirap sagutin ng tanong?
"Miss Ojera," untag ni Ma'am Joy.
Tumayo ako at huminga nang malalim bago nagsalita.
"For me...we should honor the youth's voice."
Ngumiti siya at humalukipkip. "And why?"
"Kasi po... maraming nagsasabi na hindi na raw kabataan ang pag-asa ng bayan sa panahon ngayon. Well, I can't blame them. Some of the teenagers nowadays...are becoming curious in everything around that will eventually take away their innocence.
Katulad ng drugs, sex, alcohol, cigarettes... basta marami. Kasi alam niyo 'yon? Curiosity is one of the reason why teengagers are doing such things kahit alam nilang masama o hindi pwede. Isa siguro 'yon sa dahilan kung bakit hindi pinapakinggan ng iba ang boses ng kabataan dahil sa pagiging mapusok nila sa mga bagay-bagay."
Nanatiling nakatingin sa akin si Ma'am Joy habang nakikinig sa mga sinasabi ko, gano'n na rin ang mga kaklase ko.
"Pero kahit bata pa kami, kaya na rin naming maging independent kung gugustuhin namin. Oo, nagkakamali kami pero at least natututo kami ro'n. Ang kailangan lang namin ay—"
"Damn, ang dami nang sinabi para lang sa isang question," pagpaparinig ni Mitsy kaya napatigil ako sa pagsasalita.
"Mitsy," saway sa kaniya ni Ma'am Joy. "Her words are worth to listen for compared to your nonsense filthy mouth."
Dahil nakatalikod ako kay Mitsy, singhap niya lang ang narinig ko. Buti nga sa kaniya at pinagalitan siya.
"Continue, Miss Ojera," utos ni Ma'am Joy kaya tumango ako.
"My point is...For us to grow, adults should listen to our complaints, rants, and opinions. Kahit alam niyong petty o childish, it wouldn't hurt you when you listen to us for once."
Naalala ko ang paghihigpit sa akin ni Mama at 'yung hindi niya pakikinig sa'kin. Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga mata ko kaya tumigil muna ako sa pagsasalita.
"We are the future leader of our nation, you should include us in decision-making processes in any aspects," patuloy ko. "Marami kaming pwedeng gawin at maambag sa lipunan kung hahayaan niyo kaming matuto sa sarili naming paraan."
"Do you honestly think na hindi kami nakikinig sa inyong mga kabataan?" nakangiting tanong ni Ma'am Joy.
Hindi kaagad ako nakasagot dahil napaisip din ako.
"Tama ka, minsan nga hindi kami nakikinig sa mga sinasabi ninyo, pero may dahilan 'yon." Naglakad siya pabalik-pabalik sa harapan namin habang nakahalukipkip.
"Unang-una, kailangan niyo ng gabay naming matatanda dahil mas alam namin kung ano ang makakabuti para sa inyo. Pangalawa, mahirap mabuhay lalo na't hindi ka pa handang harapin ang mundo nang mag-isa." Tumigil siya sa harap ko at nginitian ako nang ubod nang tamis. "You just thought that we weren't listening to your rants and opinions, but the truth is, we just know what's the best for all of you."
"Pero paano kami mag-gogrow kung pinagbabawalan niyo kami sa mga gusto namin?" tanong ko, nakakunot na ang noo.
Hindi ko mapigilan ang sarili ko dahil alam ko ang pakiramdam na parang ibon na nakakulong sa hawla at pinapanood na umikot ang mundo sa labas.
Hindi sumagot si Ma'am Joy at ngumiti lang, 'yung ngiti na para bang aliw na aliw siya sa'kin.
"Thank you, Miss Ojera. You may seat down."
Nakagat ko ang labi ko dahil sa hiya.
Bakit ba nagpadala ako sa emosyon ko? Halos masigawan ko na siya.
Umupo na ako at nagpatuloy naman si Ma'am Joy sa paghingi ng opinyon sa mga kaklase ko tungkol sa topic niya.
Lunch break na pero hindi ko nakita si Echo sa canteen. Medyo nalungkot ako kasi akala ko sasabayan niya rin ako katulad ng ginawa niya kahapon.
Galit kaya siya sa'kin? Pero bakit? Dahil ba hindi ako sumasagot sa mga chat niya mula pa kagabi?
Kung alam niya lang ang nangyari kagabi, sana maintindihan niya. Ayokong madamay siya sa galit ko kay Mama at Papa kaya iniwasan ko muna na kausapin siya kagabi.
Hihingi na lang ako ng sorry. Pero paano ako makakahingi ng sorry kung wala siya dito sa canteen?
Tinapos ko ang kinakain ko at nagpasyang puntahan ang classroom nila Echo. Baka sakaling nando'n siya.
Pagdating ko ng Night Class 10 ay bumungad sa akin ang dalawang babae at dalawang lalake. Nasa canteen pa yata ang iba kaya sila pa lang ang nandito.
Aalis na sana ako dahil wala naman si Echo pero may naamoy akong bagoong. Sinilip ko ang apat na tao sa loob. Magkatabi sa isang gilid 'yung babaeng payat at 'yung lalakeng may sumbrero sa ulo. Nakasandal ang ulo ng lalake sa balikat ng babaeng payat habang may nakapasak na earphone sa tenga nilang dalawa. Parehas rin silang kumakain ng Pillows.
"Hiroshin..." Inis na tinanggal ng babaeng payat ang ulo ng lalakeng tinawag niyang Hiroshin sa balikat niya. "Ang init na nga, eh. Sumasandig ka pa."
Napatingin tuloy sa ako sa kisame nila at sa pader. Wala pala silang aircon.
Ano pa bang aasahan ko sa Night Class?
"Ang labo niya..." Suminghot 'yung Hiroshin, umiiyak yata.
"Palinawin mo," walang kwentang sagot ng babaeng payat.
Binalingan ko naman sa kabilang gilid 'yung isang babae na may hawak na compact powder. Napakunot ang noo ko kasi hindi naman oily ang mukha niya pero panay ang lagay niya ng powder sa noo niya. Maganda siya, actually.
"Tadeo, ang baho!" Nalukot ang ilong niya sabay lingon sa lalakeng nakaupo sa pinakalikod at nakaupo ng de-kwartro.
Ngayon ko lang napansin na si Tadeo pala 'yon. Kumakain siya ng mangga na may bagoong. Naglaway tuloy ang kasulok-sulukan ng gilagid ko dahil natatakam ako.
Saan kaya siya nakabili niyon?
"Uy, Dette!"
Nakita ako ni Tadeo at mabilis na tumayo at tumakbo palapit sa akin, hawak pa rin sa kanang kamay ang isang pisngi ng mangga na may bagoong.
"H-Hi..." Ngumiti ako.
Napatingin sa akin 'yung tatlo pang kaklase niya at nginitian ko naman sila, pero 'yung Hiroshin lang ang ngumiti pabalik kahit parang umiiyak siya. Iyong babaeng payat kasi ay yumuko lang at 'yung isa naman ay inirapan lang ako.
"Hinahanap mo ba si Echo?" tanong ni Tadeo sabay kagat sa mangga niya. Mas lalo tuloy akong naglalaway.
Tumango ako at ngumiti. "Oo. Nasaan siya?"
"Nasa gymnasium," sagot niya. "Excused siya sa klase kanina kasi may training sila sa Arnis. Malapit na kasi 'yung laban nila kaya ayon."
"Ah..." Napatango ako. "Sige. Pupuntahan ko na lang siya."
"Chinese ka ba?"
"Ha?" Napakunot ang noo ko sa tanong niya.
"Kung chinese ka kako?" Inginuso niya ang hairstick sa ulo ko.
Natawa ako. "Hindi ako chinese. Hilig ko lang talaga maglagay ng hairstick sa buhok. Hindi naman siya matalim kaya okay lang na may ganito dito sa school."
"Naks, baka magamit mo 'yan kay Echo in the future." Tumawa siya at umiling na parang may naisip na kalokohan ni Echo na siya lang ang nakakaalam.
"Bakit ko naman gagamitin 'to kay Echo?"
"Wala. Loko-loko kasi ang kaibigan ko pero mabait rin 'yon."
Natawa na lang ako pero napaisip din.
Anong klase kayang kalokohan mayroon si Echo?
Nagpaalam na ako kay Tadeo at mag-isang pumunta ng gymnasium na malapit sa college campus building .
Pagkapasok ko pa lang ay nakarinig na ako ng mga hampas ng kahoy na nag-eecho sa buong gymnasium.
Natanaw ko sa pinakagitna ang anim na lalakeng nakasuot ng plain white t-shirt at pulang jogging pants. Nakahilera sila at isa-isang hinahampas gamit ang Arnis stick ang malaking gulong na nakasabit sa gilid.
Napangiti ako nang makita si Echo na basang-basa na ng pawis at mukhang pagod na pero swabe pa rin ang bawat wasiwas ng hawak na Arnis stick.
Nakabantay sa kanila ang isang lalake na mukhang coach nila kaya hindi ako nakalapit. Umupo lang ako sa bench na nasa tabi at hinintay na matapos sila.
Inilabas ko muna ang phone ko habang naghihintay. Nagsi-scroll ako sa news feed ng Facebook account ko nang biglang nag-chat si Tonette.
From: Tonette Cousin
Hindi ako makakauwi nang maaga mamaya, couz. Huhuhu. May research kaming tatapusin sa house ng classmate ko.
Imbes na malungkot ay napangiti na lang ako. Tamang-tama dahil may hihingiin akong pabor kay Echo.
"Sa Sabado, huwag niyong kakalimutan, ah," bilin ng coach nila nang matapos sila. "At mag-exercise kayo araw-araw kahit walang training."
"Opo, coach!"
Nakayuko at hinihingal na tumakbo papunta sa direksyon ko si Echo para kunin ang bag niya na nakalagay sa bench kung saan ako nakaupo.
Ngumiti ako at tumayo. "Hi."
"Hi ka! Depungal!" Napaatras siya at napahawak pa sa dibdib nang pag-angat niya ng tingin ay nakita niya ako. Magugulatin talaga siya. "Dette? Ginagawa mo dito?"
Napasimangot ako. "Ayaw mo ba?"
"Eh..." Napahawak siya sa manggas ng damit niya at inamoy iyon. "Ang baho ko ngayon, eh. Nakakahiya."
"Okay lang." Ngumiti ako. "Hihingi lang sana ako ng sorry sa'yo kasi hindi ko sinasagot mga chat mo kagabi."
"Gano'n ba? Ayos lang 'yon," nakangiting sagot niya habang panay pa rin ang amoy sa sariling damit. "Sandali nga muna. Magbibihis lang ako."
"Teka, mamaya na." Pinigilan ko ang braso niya nang akmang kukunin niya na ang bag. Kaagad siyang umatras palayo sa'kin.
"Malagkit pa 'ko." Ngumiti siya sabay kamot sa batok. "Kumain ka na ba? Sabay na tayo. Tinapos muna kasi namin 'yung training kaya—"
"Pwede ba kitang maging tutor, Echo?" putol ko sa sasabihin niya dahilan para manlaki ang mga mata niya.
To be continued...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top