07. PIGHATI

|07. Pighati|

Gericho "Echo" Escobar



Kanina pa ako nakatitig sa salamin, nakahawak sa pisngi kong hinalikan ni Dette. Hindi ko alam kung bakit niya ginawa 'yon pero aaminin kong nagustuhan ko ang ginawa niya.

Napangiti ako. Malakas ang pakiramdam ko na mabilis ko siyang mapapasagot. Mukhang tinamaan na ako sa babaeng 'yon.

Nagsimula akong sumayaw na parang bulate. Okay lang, wala namang nakakakita na para akong tanga kakasayaw dito sa loob ng kwarto ko.

"Nong, kakain na daw—anong ginagawa mo?"

Tumigil ako sa pagsayaw at natuod sa kinatatayuan ko.

Parakpatakan... Nakita ako ni Gian!

"Nong, bakla ka ba?" tanong niya habang nakasilip sa pinto.

Lumingon ako sa kaniya at tinapunan siya ng matalim na tingin.

"Anong bakla? Sumasayaw lang bakla na kaagad?"

"Mama! Si Kuya Echo, bakla!" pang-aasar niya at bago ko pa siya mabato ng arnis stick ko ay nakatakbo na siya paalis.

"Gago!" inis na sigaw ko bago ko siya hinabol sa kusina.

"Bakla!" pang-aasar niya habang nagtatago sa likod ni Mama na nagsasandok ng kanin sa mesa.

"Tumigil nga kayong dalawa! Nasa hapag tayo!" saway ni Mama pero binatukan ko pa rin si Gian.

"Parang mga bata, 'di naman na bagets," pagpaparinig ni Gia na kakaupo lang sa mesa.

"Oh, talaga? Pa'no nga 'yung sayaw mo sa Tiktok kanina?" pang-aasar ni Gian sa kaniya. "Ah, ganito," pumuwesto siya sa gitna at nagsimulang sumayaw. "Tala, tala, talaaa. Ang ningning ng mga tala'y nakikita ko sa'yong mga mata!"

"Mama, oh! Si Kuya inaasar ako!" pagsusumbong ni Gia pero tinawanan lang siya ni Mama.

"Mukha ka nang Tiktok!" pang-aasar ni Gian.

"Mukha ka nang ML!" pang-aasar rin ni Gia sabay labas ng dila. "Pati rin ikaw, Kuya Echo!"

Tumigi ako sa pagtawa. "Oh, bakit nadamay ako?"

"Tigilan niyo na 'yan. Kumain na kayo."

"Mama, oh!" sumbong ni Gia nang binelatan siya ni Gian bago umupo sa tapat ng mesa.

"Gian!" saway ni Mama kaya tumigil na si Gian. "Paiiyakin mo ba kapatid mo?"

Umupo na kami sa mesa at napansin kong wala si Papa.

"Ma, si Papa?" tanong ko.

"Hindi ko alam. Umalis kanina," sagot niya nang hindi nakatingin sa akin. "Kain na kayo."

"Nag-away sila kanina, Kuya Echo," sabad ni Gia kaya nanlaki ang mga mata ko.

"Ma? Nag-away kayo?" Bumaling ako kay Mama na nilalagyan ng kanin ang mga plato namin.

"Ayoko lang na sinasaktan ka niya, anak. Sinabihan ko siya pero siya pa ang galit kaya ayon, umalis siya
Hayaan mo at uuwi rin 'yon."

"Ma, naman. Dapat hindi niyo na—"

"Kahit sino sa inyong tatlong anak ko, ayokong nasasaktan," putol niya at tiningnan ako na para bang sinasabi na kumain na lang ako.

Napabuga na lang ako ng hangin.

Nang matapos kaming kumain ay pumasok na ako sa kwarto ko para mag-aral. May long quiz kasi kami bukas sa Math. Oo, bulakbol ako dati pero dahil nga nasa Night Class ako ay kailangan kong ma-maintain ang mga grades ko.

"Kuya?" tawag ni Gia. Naramdaman kong umupo siya sa kama ko. At kahit hindi ko siya nakikita ay alam kong nakanguso na naman siya.

"Oh?" sagot ko habang nililigpit ang lecture notebook at libro ko na nakakalat sa study table. "Bakit?"

"Kuya, ang hirap ng Math! Paturo naman ako. May long quiz kami bukas."

Sa San Martino National High School nag-aaral si Gia at Gian. Parehas nilang pinili na mag-aral sa public dahil hindi nila kayang mag-aral sa Night Class ng Henderson University.

"Bakit sa'kin ka nagpapaturo?" tanong ko.

Nilingon ko siya kaya nakita kong nakanguso talaga siya habang hawak ang isang notebook.

"Ikaw lang naman ang magaling sa Math, eh!" sagot niya.

"Patingin nga." Tumayo ako at kinuha ko ang notebook niya at tiningnan ang coverage ng long quiz nila. "Oh, Algebra lang naman ito, ah!"

"Lang?! Ang hirap kaya ng Algebra, Kuya!" reklamo niya, inirapan pa ako.

"Hindi mahirap kung pag-aaralan mo nang mabuti," sabi ko at umupo sa tabi niya. "Halika, tuturuan kita."

Tinuruan ko siya at nakinig naman siyang mabuti.

"Dapat kasi, noong Sabado mo pa pinag-aralan 'to. Hindi kung kailan bukas na ang quiz, saka ka magre-review," panenermon ko.

"Eh, bakit ikaw ngayon lang din nag-review?" pamimilosopo niya kaya piningot ko ang tenga niya.

"Busy ako, 'di ba? Eh ikaw nandito ka lang sa bahay kaya dapat pinag-aaralan mo na 'yan."

Tumayo para itali ang mahaba niyang buhok. Nakaharang kasi sa mukha niya.

"Mas magandang mag-aral kapag bukas na ang quiz, Kuya. Mabilis kasi ako makalimot sa mga na-memorize ko."

"Sa bagay," sabi ko na lang.

"Pero ang galing mo magturo, Kuya! Bakit 'di ka mag- Engineer? Total, magaling ka sa Math."

Napangiti ako. Iyon din ang nasa isip ko. Gusto kong mag-Engineering kaya balak kong mag-STEM sa Senior High School. Kukuha ako ng scholar para makapag-aral ako sa college.

"Negative times Negative, ano?"

"Positive," mahinang sagot niya, napapapikit na.

"Uy, umayos ka nga. Integers na tayo, oh. Dali na." Kinalabit ko siya dahil bumabagsak na ang ulo niya sa notebook. Nakadapa kasi kami pareho habang tinuturuan ko siya.

Napabuga na lang ako ng hangin nang marinig ko na humihilik na siya.

"Hmp, antukin." Niligpit ko na ang notebook at ballpen niya bago ko siya binuhat palabas ng kwarto.

Nakita ko si Papa na nanunuod ng tv sa sala. Napatingin siya sa'kin.

"Anong nangyari diyan?" tanong niya, nakatingin kay Gia.

"Nakatulog po," sagot ko. Nang hindi na siya umimik ay dumiretso na ako sa kwarto ni Gia at hiniga ko siya sa kama niya.

"Thank you, Kuya," mahinang sabi niya bago niyakap ang sariling unan.

"Pahinga ka na," sabi ko at hinalikan ko siya sa noo.

Humagikhik siya habang nakapikit pa rin. "Para kang si Hans, Kuya. Napaka-gentleman."

Napakunot ang noo ko. "Sinong Hans? Boyfriend mo?"

"Hindi. Iyong bida sa binabasa kong story sa Wattpad. Sana makahanap rin ako ng katulad niya. Almost perfect na siya, eh. Iyong katulad mo."

Piningot ko ang tenga niya. "Walang gano'n sa totoong buhay. Lahat ng tao, may imperfections."

"Mayroon kaya. Ikaw. Gwapo ka, masipag, gentleman, matalino, marunong magluto tapos Arnis player pa."

Umismid ako. Kung alam niya lang ang mga kagaguhan ko, siguradong maiinis lang siya. Napailing na lang ako.

"I love you, Kuya. Ikaw ang living Hans Villareal ko," pahabol niya kaya napangiti ako.

Paniwalang-paniwala siya na isa akong ideal man ng karamihan. Pero hindi. Malayong-malayo.

"Tulog ka na," sabi ko saka pinatay na ang ilaw.

Lumabas na ako ng kwarto niya at naabutan ko ulit si Papa sa sala.

"Magbabayad tayo ng kuryente bukas," sabi niya nang maramdaman niya ang presensya ko, sa tv nakatutok ang mga mata niya.

Napahawak ako sa bulsa ko. Nagastos ko 'yung ibang pera ko kanina. "Pwede bang sa susunod na Linggo na lang po ako magbibigay? Nagastos ko na po kasi sa—"

"Wala ka talagang kwenta," putol niya sa sasabihin ko. "Paano? Inuuna mo kasi 'yang pakikipaglandian mo. Saka ka sana lumandi kapag nakapagtapos ka na. Pabigat ka pa rin, eh."

Napayuko ako kasabay ng pagkukuyom ng kamao ko. Gusto kong sumagot pero ayoko ng gulo.

Bakit? Hindi ba ako nagbibigay ng panggastos dito tuwing nagsasahod ako? Ngayon linggo nga lang ako hindi nakapagbigay dahil may binayaran ako sa school.

"Umalis ka na sa harap ko."

Napabuga na lang ako ng hangin bago umalis roon. Ang bigat tuloy ng pakiramdam ko. Paulit-ulit niyang pinapamukha sa akin na wala akong kwenta. Akala niya ba hindi ako nasasaktan?

Pumunta ako sa banyo para maligo at pagkatapos magpatuyo ng buhok ay humiga na ako ng kama para magpahinga. Hindi na ako naglaro ng ML dahil maaga pa ako bukas.

***

Kinabukasan ay alas-kwatro ako bumangon. Alas-cinco kasi ang shift ko sa Dreamy at alas-dies naman ang out ko. Nagkape ako at kumain ng pandesal na binili ni Mama.

Habang nag-aalmusal ay nakipag-chat muna ako sa mga babaeng kalandian ko sa Facebook. Wala lang, parang hindi kasi kumpleto ang araw ko kapag wala akong naging kalandian. Pero siempre, hindi ko sila nililigawan. At kung may liligawan man ako ay si Dette lang 'yon. Hindi ko siya ni-chat. Gusto kong magpa-miss sa kaniya.

Nagbaon na rin ako ng uniform at ng pagkain ko na si Mama ang naghanda.

"Ma, alis na po ako," paalam ko kay Mama na nasa kusina at naghuhugas ng pinaglutuan.

Maaga rin siyang gumigising dahil inaasikaso niya kami tuwing papasok sa school. Tapos alas-siete siya aalis at pupunta ng palengke para magtinda ng mga isda na dini-deliver sa kaniya.

"Si Papa po?" tanong ko.

"Maagang namasada. Oh, sige na. Mag-iingat ka at huwag kang magpapagutom, ha?" bilin niya.

"Opo," sagot ko bago humalik sa noo niya.

Naglakad lang ako papunta sa Dreamy, malapit lang kasi ito at nakatayo sa mismong harapan ng Henderson University kung saan ako nag-aaral.

Malayo pa lang ay tanaw ko na ang Dreamy. Kitang-kita mula sa glass wall ang nasa loob nito.

Pwedeng mag dine-in sa loob ang mga costumers dahil mayroong 20 wooden tables at sa bawat mesa ay may apat na wooden chairs. Color blue ang theme ng store na binagayan ng sobrang lamig na temperatura kaya mae-engganyo ang mga tao na gustong magpalamig o kaya mag-relax na pumasok sa loob.

Pumasok na ako sa loob at nakita kong nagpupunas ng mga mesa si Marife, suot ang uniform namin. Kaklase at kaibigan ko rin siya kaya madalas ko siyang asarin kahit hindi niya ako inaasar pabalik, mahiyain kasi siya at palaging nakayuko.

"Aga mo ngayon, Pikachu," pang-aasar ko sa kaniya. Dumiretso ako sa loob ng counter at nilagay ang bag ko sa loob ng drawer sa baba.

"Tigilan mo nga ako. Nakiki-Pikachu ka na rin," nakasimangot na sabi niya habang nagpupunas pa rin ng mga mesa.

"Badtrip ka, gurl?" pang-aasar ko pa lalo sa kaniya.

Tiningnan ko ang inventory ni Cherwin, 'yung cashier kagabi.

"Good morning mga, repapips!" bungad ni Hiroshin na kakarating lang.

Nakasuot na siya ng uniform ng Dreamy. Kaklase ko rin siya at kaibigan ni Marife. Isa rin siya sa pinaka-close kong kaibigan sa Night Class katulad ni Tadeo.

Ginulo ni Hiroshin ang visor ni Marife dahilan para mapasimangot ito lalo.

"Tigilan mo nga ako!"

"Hindi mo 'ko hinintay, Pikachu!"

"Bakit kita hihintayin? Kailangan ba lagi tayong magkasama?"

Lumipat si Marife ng mesang pinupunasan para maiwasan si Hiroshin pero sinusundan pa rin siya nito.

"Galit ka ba dahil hindi ako umuwi kagabi? Sorry na—"

"Shh! Tama na, ayoko nang pag-usapan 'yon," putol ni Marife sa sasabihin sana ni Hiroshin.

Napangisi tuloy ako kasi kapag kausap niya si Hiroshin ay nawawala ang hiya niya.

Napatingin sa'kin si Hiroshin at binigyan ako ng nagtatanong na tingin, nagtataka siguro kung bakit bad mood si Pikachu niya.

"Aba, huwag niyo 'kong idamay sa LQ niyo," pang-aasar ko.

Nagsimula na akong bilangin ang mga pera sa kaha para siguruhin kung tama ang nakalagay sa inventory ni Cherwin. Mahirap na, baka mag-abuno ako kapag nagkulang ang pera.

"Anong LQ?"

Sinamaan ako ng tingin ni Marife pero kaagad ding yumuko nang makitang tumingin ako sa kaniya. Mahiyain talaga.

"Ang LQ ay para lang sa mag-jowa. Hindi ko naman jowa 'tong si Sasuke!" Siniko niya si Hiroshin nang akbayan siya nito.

"Oo ngja, repapips. Hindi pwede, may girlfriend ako, eh. Saka kaibigan ko lang 'tong si Pikachu ko," sabi ni Hiroshin sa akin sabay akbay ulit kay Marife. "Ang cute talaga ng Pikachu ko na 'yan, eh! Hmp, ang cute!"

"Cute pala, bakit hindi mo ligawan, men?" pang-aasar ko.

Sinamaan ako ng tingin ni Marife pero kinindatan ko lang siya.

May alam kasi ako sa lihim na pagsinta ni Marife kay Hiroshin pero nakiusap siya na huwag kong sabihin sa kaibigan niya kaya hanggang pang-aasar lang ako.

"Hindi nga pwede, repapips. May girlfriend ako. Gusto mo, ikaw na lang manligaw kay Marife?" inasar ako pabalik ni Hiroshin kaya napangiwi ako.

"Sorry, may nililigawan na rin ako."

"Ikaw! Hindi ka talaga titigil?!" pikon na sigaw ni Marife kay Hiroshin sabay punas ng hawak na basahan sa mukha ng kaibigan.

"Pwe! Pwe! Ano ba, Pikachu! Kapag hindi ka tumigil hahalikan kita!" banta ni Hiroshin.

Alam kong biro niya lang iyon pero mukhang apektado si Marife. Nakita kong natigilan siya kaya pumeke ako ng ubo.

"Malapit nang mag-alas sais. Mag-ayos na kayo," sabi ko.

Umayos na rin naman si Hiroshin. Tinapos na ni Marife ang pagpupunas sa lamesa habang si Hiroshin naman ang nag-mop ng sahig.

Nagbihis na ako ng uniform sa loob ng banyo namin. Kulay blue na polo shirt na may tatak na logo ng Dreamy ang uniform namin na pinaresan ng itim na slacks at itim na sapatos. Kulay blue rin ang visor namin pati ang I.D lace.

Nagtitinda kami ng milkshakes, frappes, nachos, sandwich, mojos at mini-cakes na mabenta sa mga tao lalo na sa mga estudyante sa Henderson University. Alas-sais at alas-nuebe ang peak hours dito sa Dreamy kaya pa-petiks-petiks lang kaming tatlo kapag walang costumer.

Ako ang kumukuha ng order dahil ayaw ni Marife na humarap sa mga tao. Siya ang gumagawa ng mga order at si Hiroshin naman ang nagse-serve sa bawat table.

Wala kaming problema pagdating sa trabaho ng bawat isa dahil maayos kaming magtrabaho kahit pa minsan ay puro ako kalokohan. May costumer kasi kami na chicks at hiningi niya ang number ni Hiroshin sa akin. At dahil type ko 'yung babae, number ko ang binigay ko. Oh, 'di ba? Ang gago lang.

Naging busy ulit kaming tatlo pagpatak ng alas-nuebe dahil breaktime ng mga taga-Henderson. Pwede kasi lumabas ang mga estudyante kapag ganitong oras.

Halos mapuno ang lahat ng mesa dahil sa dami ng costumers. Pagod na pagod kami at hindi magkanda-ugaga hanggang sa dumating ang oras ng out namin.

Dumating ang mga kapalit namin at inayos ko ang inventory ko at pagkatapos ay nagbihis ako ng uniform ko ng Henderson University. Isang puting long-sleeved iyon na polo at pinatungan ng maroon na vest. Slacks na itim naman ang pang-ibaba na pinaresan ng itim na sapatos. At siempre, hindi mawawala ang ID ko. Oh, 'di ba? Mukha na akong mamahalin.

Pagkatapos kong magbihis ay si Marife naman ang pumasok sa loob ng banyo. Gusto pa nga ni Hiroshin na sumabay pero nakatikim lang siya ng hampas kay Marife.

Nang matapos silang dalawa na magbihis ng uniform ay sabay-sabay na kaming tumawid sa kabilang kalsada. Naging traffic enforcer namin si Hiroshin dahil siya ang nagtaas ng kamay para patigilin ang mga sasakyan, sobrang higpit rin ng hawak niya kay Marife habang tumatawid kami. Parang magsyota ang mga tanga.

Nang makarating kami sa second floor ng building namin, kung saan naroon ang classroom namin ay naabutan namin ang maingay na klase ng Night Class 10.

May nagbabatuhan ng mga papel, may nagbabardagulan, mayroon namang walang pakialam, may natutulog at may nagmi-make-up. Ganyan sila kapag wala pang lecturer, pero kapag dumating na ay akala mo mga santo sa sobrang tahimik.

"Men!" Sinalubong kaagad ako ni Tadeo at niyakap. Nakita ko tuloy ang pagngiwi ni Marife at Hiroshin bago umupo sa upuan nila.

"Pukingina ka, men!" Tinulak ko siya palayo pero dumikit pa rin siya sa'kin ulit. "Kaya tayo pinagkakamalan na bakla, eh!"

"Ay, Papa!" At nagbinakla na naman si gago.

"Oy, ano ba!" sigaw ko nang sumakay siya sa likod ko at pinaghahalikan ang pisngi ko. "Taena mo, Tadeo!"

"Kadiri kayo!" nakangiwing sigaw ni Lovely habang hawak sa kamay ang compact powder niya.

Nagtawanan ang mga kaklase namin habang ang iba ay nandidiri sa ginagawa ni Tadeo. Siguro ay iniisip ng iba na bakla si Tadeo pero ako na ang magsasabi na hindi. Ganito lang talaga siya gumanti kapag nakalimutan kong balitaan siya sa naging lakad ko kahapon kasama si Dette. Langya naman kasi, nakalimutan ko.

"Yak! Kadiri ka, oy!" sigaw ko nang leeg ko naman ang pinaghahalikan niya. Hindi naman nadikit ang labi niya pero nakikiliti ako sa hininga niya. "Oy, parang gago!"

"Hi, Night Class 10! May pinapasabi pala si—"

Parehas kaming natigilan ni Tadeo nang makita namin sa pinto si Dette!

Natigilan rin siya at nanlaki pa ang mga mata nang makita ang itsura namin ni Tadeo.

"P-Pighati," bulong ni Tadeo.

Pighati talaga! Ano na lang ang iisipin ni Dette sa amin?!

To be continued...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top