05. DATE

|05. Date|

Gericho "Echo" Escobar



"Depungal! On the way 'agad?!"

Bumangon kaagad ako at kinuha ko ang mga pagkain sa tray. Mabilisan ko iyong inubos kainin.

"Kuya, dahan-dahan lang!"

Nilagok ko nang isahan ang tubig sa baso nang maubos ko ang pagkain saka ako tumayo para maligo.

"Sige, Kuya! Ako na ang maghuhugas ng pinagkainan mo! Mabait ako ngayon, eh!" narinig kong sabi ni Gia at maya-maya pa ay narinig ko na ang pagsarado ng pinto.

"Parakpatakan..." inis na bulong ko nang makita sa salamin ng banyo ang pasa sa ilalim ng mata ko. Hindi iyon gano'n kalala pero halata pa rin. May bukol pa nga ako sa noo tapos nadagdagan pa.

Tsk! Bakit ko ba niyaya si Dette nang ganito ang itsura ko? Siguradong mapapangitan siya sa akin o pagtatawanan niya lang ako.

Umiling ako. "Bahala na si Batman!"

Naligo na ako at nagbihis. Nagsuot ako ng simpleng shirt na kulay asul na may tatak ng Lee, hindi kasi ako mahilig magsuot ng damit na hindi original. Pinaresan ko iyon ng kulay gray na khaki shorts.

"Bunso, alis muna ako." Humalik ako sa noo ni Gia na naghuhugas na ng pinggan.

"Ingat, Kuya."

"Saan punta mo, nong?" tanong ni Gian na nakahiga na naman sa sofa at naglalaro ng ML.

"Sa tabi-tabi lang. Kapag hinanap ako ni Papa sabihin mo mamayang gabi pa ang uwi ko," sagot ko habang sinisipat ang buhok ko sa salamin na nakadikit sa sala namin.

"Sus! Makikipag-date lang 'yan si Kuya Echo!" sigaw ni Gia mula sa kusina.

"Makikipag-date ka, nong?" paniniguro ni Gian.

"Date kaagad? Hindi ko pa nga nililigawan, eh."

"Gano'n na rin 'yon." Umismid siya.

Nilingon ko siya at sinamaan ng tingin. "Inggit ka? Maghanap ka ng babae mo."

Inggitero! Palibhasa walang lovelife!

Nangasim ang mukha niya dahil sa sinabi ko. "'Study first."

"Baka ML first." Inirapan ko siya bago naglakad papunta sa pinto. "Alis na 'ko. Si bunso, ha?" bilin ko.

"Oo na."

Paglabas ko ng bahay ay hindi ko nakita si Papa. Nasa likod siguro siya kung saan nakalagay ang mga manok niya.

Pagbukas ko ng gate ay nakasalubong ko si Mama. Mukha siyang pagod na pagod habang nakasabit ang isang sako bag sa balikat niya. Wala pa sa kwarenta si Mama pero mukha na siyang matanda dahil sa pagtatrabaho. Nagmano ako sa kaniya.

"Teka, anong nangyari sa mata mo? Bakit may pasa ka?" turo niya sa pasa ko na galing sa pagsuntok sa akin ni Papa.

"Ah, wala 'to, Ma." Yumuko ako nang bahagya para hindi niya ako matitigan.

"Nakipag-away ka ba?"

"Hindi, Ma. Nauntog lang." Ngumiti  ako sa kaniya.

Ayokong sabihin sa kaniya ang ginawa ni Papa. Baka mag-away pa sila. Ayaw kasi ni Mama na sinasaktan ako ni Papa, paborito niya ako, eh.

"Saan ang punta mo?" tanong niya nang tingnan niya ako mula ulo hanggang paa.

"May pupuntahan lang, Ma. Sa tabi-tabi lang."

Piningot niya ang tenga ko. "Naku, bata ka! Alam ko na ang pupuntahan mo! May natipuhan ka na naman sigurong babae. Tapos ano? Kapag nagsawa ka, iiwan mo rin?"

Napahawak ako sa tenga ko na piningot niya. Palibhasa alam niya ang mga kalokohan ko pagdating sa mga babae. May nangyari kasi minsan na may inuwi akong babae sa bahay namin tapos pinakilala kong girlfriend ko. Tapos nagulat na lang si Mama dahil makalipas ang isang linggo ay ibang babae naman ang inuwi ko. Lakas ko talaga sa mga chicks!

Siempre nagalit siya pati si Papa. Eh anong magagawa ko? Mabilis akong magsawa sa mga babae. Ganito na ako lumaki at sa tingin ko ay hindi na ako magbabago.

Wala akong malalim na dahilan kung bakit gago ako pagdating sa mga babae. Para sa'kin, natural na sa aming mga lalake ang hindi makuntento. Kumbaga, nagsasawa rin kami sa iisang babae lang.

At sa panahon ngayon, na marami nang magagandang babae at sexy sa kahit saang lugar, mahirap nang magpaka-faithful sa iisang babae. Gago na kung gago pero ganito kaming mga lalake. Pero masasabi ko rin naman na may ibang lalake pa rin na marunong makuntento sa isa. Kaunti nga lang...at hindi ako kasama doon.

Kaya nga sinusulit ko ang paghahabol ko kay Dette kasi hindi ko rin alam kung kailan ako magsasawa sa kaniya.

"Hindi babae ang imi-meet ko, Ma. Si Tadeo," pagsisinungaling ko.

Siguradong manenermon na naman siya kapag nalaman niyang may bagong target na naman akong babae.

"Siguraduhin mo lang, Gericho. Naku! Sinasabi ko sa'yo! Kakarmahin ka sa ginagawa mo!"

Napakamot na ako sa ulo ko, naiirita. na. "Mama naman, eh. Sige na. Alis na po ako."

"Ang Papa mo?"

"Nasa manukan po. Hindi namasada."

"Gano'n ba? Hayaan mo at pahinga niya rin ngayong Linggo."

"Pahinga na rin kayo, Ma." Humalik ako sa pisngi niya. "Una na ho ako." Patakbo na akong tumawid sa kabilang kalsada.

"Umuwi ka bago mag-alas sais!" pahabol na sigaw niya sa'kin.

"Opo, Ma!"

Malalaki ang hakbang ko habang naglalakad papunta sa covered court. Siguradong nandoon na siya.

"Hanep, saan ang punta?!"

Napatigil ako sa paglalakad nang salubungin ako ni Tadeo. Wala siyang suot na damit at may hawak pa siyang plastic ng sofdrinks. Mukha siyang tambay sa gilid-gilid. Magkalapit lang kasi ang bahay namin kaya madalas kaming nagkakasalubong.

"Kay Dette," nakangising sagot ko. "Ayos ba porma ko?"

Sinipat niya ang kabuuan ko at napakunot-noo siya. "Ang simple pero okay na 'yan. At least hindi ka mukhang nakatira sa imburnal." Tumawa siya.

"Taena mo," asik ko. "Sige na." Naglakad na ulit ako at nilampasan siya.

"Good luck! Balitaan mo 'ko, p're! Ikalma mo bayag mo, ha?!"

Maya-maya ay nakarating na ako ng covered court ng Barangay Otso. May naglalaro sa court pero hindi sila ang sadya ko kaya luminga-linga ako sa paligid para hanapin si Dette.

"Nasaan na 'yon?" Kinuha ko ang cellphone ko mula sa bulsa ng short ko para i-chat si Dette.

"Hoy!"

"Hoy ako!" Napatalon ako sa gulat dahil may sumundot sa pwet ko. Napahawak tuloy ako roon at lumingon sa likod ko.

Aba, manyak 'to, ah.

Handa na akong murahin kung sinuman ang may gawa niyon pero umurong ang dila ko kasabay ng panlalaki ng mga mata ko nang makita ko ang nakangiti na si Dette.

Ang cute niya talaga.

Nakasuot siya ng navy blue off-shoulder top at denim skirt. Napapansin kong mahilig siya sa pormang gano'n pero bagay naman sa kanya. Iyong buhok niya ay nakapusod ulit at may hairstick na nakatusok. At lalong nagpa-cute sa kanya ang malapad niyang noo na tinatakpan ng bangs.

"Kanina ka pa ba?" tanong niya, nakangiti pa rin.

"Hindi." Umiling ako at ngumiti nang malawak. "Kakarating ko lang. Ikaw?"

"Kakarating ko lang din. Wait, anong nangyari sa mata mo?" Dumukwang siya sa mukha ko para tingnan ang pasa sa mata ko. "Ano ba 'yan, medyo namamaga pa nga ang noo mo tapos may pasa ka sa mata?"

Shuta. Ang bango ng hininga niya.

"A-Ah..." Umiwas ako ng tingin sa kanya at umatras nang kaunti dahil para akong hinihigop ng mga mata niya na wagas kung tumitig. "Mahabang kwento. Ikaw? Kamusta noo mo? Sorry pala—"

"It's okay." Hinawi niya ang bangs na nakatakip sa noo niya at nakita ko na medyo namamaga rin iyon at namumula pa. "Natatakpan naman ng bangs ko." Tumawa siya.

"Tara?" Hinila niya ang braso ko kaya napakagat-labi ako nang maramdaman ang malambot niyang kamay.

"Teka, naglakad ka lang papunta dito? Nasaan kotse niyo?" tanong ko nang mapansing wala 'yung kotseng sinakyan niya kanina.

"Wala. Malapit lang naman ang Barangay Siete dito, ah. Tumakas lang kasi ako."

"Ha? Bakit ka tumakas? Dapat nagpaalam ka." Tumigil ako sa paglalakad kaya napatigil din siya at tiningnan ako.

"Bakit pa? Hindi rin naman ako papayagan ni Mama."

"Patay tayo diyan." Napangiwi ako.

Baka mamaya mag-report sa pulis ang Mama niya at isipin na kinidnap ko siya. Gwapo lang ako pero hindi ako kidnapper!

"Don't worry. Akong bahala. Gusto ko lang makahinga. They're suffocating me, you know?" Ngumiti siya pero parang pilit lang iyon.

Tumango na lang ako. "Kaya pala ang bilis mong pumayag na makipagkita sa'kin."

"Yup. Can you do me a favor?" Niliitan niya ang mga mata niya nang itanong iyon sa akin.

"Ano 'yon?" tanong ko, nadi-distract sa mga titig at ngiti niya.

"Samahan mo lang ako ngayon. Gusto kong maramdaman na malaya ako."

Natigilan ako sandali.

Gano'n na ba talaga kalaki ang kagustuhan niya na maging malaya para tumakas siya sa bahay nila at magtiwala sa akin?

"Silence means yes!" Hinawakan niya ulit ang braso ko. "Let's go!"

"Saan tayo pupunta?" tanong ko habang hila-hila niya ako.

"Sa Centro. Maraming kainan doon, 'di ba?" tukoy niya sa isang lugar kung saan naroon ang pinakasentro ng San Martino.

Naku, baka yayain niya ako sa mamahaling restaurant. Hindi kaya ng budget ko 'yon.

"Uy, may kwek-kwek!"

Mabilis siyang nawala sa paningin ko at nagtatakbo papunta kay Manong na nagtitinda ng kwek-kwek sa gilid, iyong mabagal magluto.

Napakamot ako sa ulo ko habang nakangangang nakatingin sa kaniya. Kumuha siya ng stick at nakipagsiksikan sa mga bumibili para lang makatuhog.

"Excuse me, tutuhog lang ako," sabi niya sa katabi.

Kakaibang babae.

Dahan-dahan akong napangiti at napailing. Akala ko, dahil mayaman siya ay wala siyang hilig sa mga street foods. Nagkamali ako. Siya 'yung tipo ng babae na low maintenance, iyon bang mabilis mapasaya.

"Echo! Halika rito!" yaya niya sa akin pero umiling lang ako at nginitian siya.

Mahilig ako sa kwek-kwek pero ngayong nakikita ko siyang sarap na sarap sa kinakain niya ay parang busog na rin ako.

Makailang beses niyang sinawsaw sa suka ang kwek-kwek niya hanggang sa makaubos siya ng sampung piraso.

"Grabe, nabusog ako do'n, ah," sabi niya habang naglalakad na kami papunta sa parking area ng mga tricycle. May hawak siyang plastic cup ng buko juice.

"Grabe, 'no? Mahilig ka pala sa mga street foods." Tinakpan ko ang bibig ko para pigilan ang pagtawa.

"Actually, ngayon lang ulit ako nakatikim ng kwek-kwek. Pinagbabawalan kasi ako ni Mama na kumain ng mga street foods."

"Pero kumain ka pa rin."

Nagkibit-balikat siya. "I told you, I wanted to feel free even just for today. Matagal din akong hindi nakakain ng kwek-kwek kaya nakarami ako ng kain." Inubos niya na ang laman ng plastic cup at saka itinapon sa basurahan na nadaanan namin.

Bumulanghit ako nang tawa dahil hindi ko na napigilan. Napahawak ako sa tiyan ko at napatigil sa paglalakad para ipagpatuloy ko ang pagtawa ko.

"Hoy, anong nangyari sa'yo?" nagtatakang tanong niya at napatigil na rin sa paglalakad. "Baliw."

"S-Sorry! Ano...Kasi..." Bumulanghit na naman ako ng tawa.

"Ano ba? Para kang baliw diyan." Nakanguso na siya.

"B-Bakit mo dala 'yang takip ng sawsawan ng suka?" turo ko sa hawak niya at mas lalong lumakas ang tawa ko.

Nanlaki ang mga mata niya at napatingin sa hawak niyang takip ng sawsawan ng suka. Napalingon siya kay Manong at saka ibinalik ang tingin sa hawak na takip.

Kanina ko pa nakitang hawak niya 'yon pero pinigilan ko lang ang sarili ko na sabihin sa kaniya dahil gusto kong makita ang reaksyon niya. At hindi ko maiwasang humalakhak nang malakas dahil nakanguso na siya ngayon.

"Bakit hindi mo sinabi kaagad?" nakangusong tanong niya. "Tawang-tawa ka pa."

"E-Eh, kasi..." Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang humalakhak. "Ako na ang magbabalik."

Tiningnan niya ako nang masama. "Saya ka?"

Umiling ako, nagpipigil pa rin ng tawa. Kinagat niya ang labi niya na para bang nagpapa-cute habang nakatingin sa akin hanggang sa bumulanghit na rin siya ng tawa.

"I'm so stupid!" Tinampal niya ang noo niya habang tumatawa.

"Hindi ka stupid. Lutang ka lang," pang-aasar ko. Inagaw ko sa kaniya ang takip. "Dito ka lang. Ibabalik ko lang 'to.

Tumakbo ako pabalik kay Manong at pasimpleng binalik ang takip ng sawsawan ng suka.

"Pasensya na, Manong! God bless!" sabi ko sabay takbo pabalik kay Dette. "Tara na, Miss Lutang."

"Cut it out," natatawang saway niya sa akin. "Nahihiya na tuloy ako."

"Sus, bakit ka mahihiya? Okay lang 'yan. Natural lang maging lutang minsan."

Sumakay na kami sa tricycle at nagpahatid sa Centro. Nag-alangan pa ako kung tatabi ako sa kaniya. Maliit kasi ang tricycle kaya siksik kami sa loob. Medyo nakayuko pa ako dahil mas matangkad ako kumpara sa kaniya.

Pasimple kong sininghot ang pabango niya.

Amoy mamahalin. Ano kayang gamit niyang pabango? Siguro kapag naging girlfriend ko siya, hindi ko siya mabibili ng ganiyan kamahal na pabango.

Pagdating namin sa Centro ay inakay ko siya papunta sa tabi dahil nasa highway na kami at maraming sasakyan ang dumadaan. Marami rin kaming nakakasalubong na mga tao.

"Saan tayo pupunta?" tanong ko sa kaniya.

Nilingon niya ako at saka ngumiti, kumikislap ang mga mata. "Sa Jobee."

Napakunot ang noo ko. "Jobee? Meron ba niyon?"

Tumango siya at may tinuro sa likod ko. Nang tingnan ko iyon ay nakita ko ang isang sikat na fastfood chain na Jollibee. Napapangiting nilingon ko siya.

"Jobee ang tawag mo sa Jollibee?"

Tumango siya at ngumiti na para bang nahihiya. "Nasanay kasi ako, eh."

"Ang cute mo," gigil na sabi ko at hindi sinasadya na kinurot ang pisngi niya. Nanlaki ang mga mata ko at kaagad inalis ang kamay ko. "S-Sorry!"

"Cute na cute ka sa'kin, 'no?" pang-aasar niya at hinawakan pa ang pisnging kinurot ko.

"Cute ka naman talaga," sabi ko na lang para pagtakpan ang hiya ko.

Langya, may hiya pa pala ako sa katawan?

Pumasok na kami sa Jollibee. Ako na ang nagprisinta na mag-order pero nagpumilit siya na sasama raw siya.

Nag-order siya ng Pancit palabok at iced tea habang ako naman ay Chicken joy at Jolly Spaghetti. Gusto niya sana na mag-order ng Chicken joy pero wala nang drumstick kaya Palabok na lang ang in-order niya.

Ako na ang nagbayad kahit nagprisinta siya. Hindi ako papayag na babae ang gagastos kapag ako ang kasama. Nakababa ng pagkalalake ko 'yon. Mabuti na lang talaga at simple lang si Dette.

Umupo na kami sa upuan na pangdalawahan habang hinihintay ang order namin. Pinagmasdan ko siya habang palinga-linga siya sa paligid na para bang first time niyang makapunta rito.

Maya-maya ay nakita kong nakatitig siya sa isang batang kumakain ng Chicken joy sa kabilang mesa. Dumukwang ako sa kaniya.

"Bakit ka nakatingin ro'n? Crush mo 'yung bata?" tanong ko.

Tinulak niya ang mukha ko, nakasimangot. "Sira."

"Eh ba't ka nakatitig?"

Ngumuso siya at humalukipkip. "Gusto ko ng drumstick, dude."

Umayos ako ng upo at ngumiti. Kaya pala nag-iba ang timpla ng mukha niya nang makapag-order na kami. Gusto niya pala talaga ng drumstick.

Tumayo ako kaya napatingin siya sa akin habang nagce-cellphone. "Saan ka pupunta?"

"May kukunin lang ako," nakangiting sabi ko.

Saktong may dumaan na service crew sa gilid namin at tinawag siya ni Dette.

"Psst! Kuya!"

Tumigil ang service crew at tumingin kay Dette. "Yes, Ma'am?"

"May wifi kayo rito? Pahingi  password."

Napanganga ako dahil sa sinabi niya.


To be continued...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top