01. SELF-DEFENSE

|01. Self-defense|

Gericho "Echo" Escobar



"Manong, matagal pa ba 'yan?" tanong ko kay manong na nagtitinda ng kwek-kwek.

"Malapit na, boy."

"Gutom na 'ko," nakabusangot na bulong ko.

Hinimas ko ang tiyan ko. Hindi ako nagbibiro. Gutom na talaga ako. Sabado ngayon. Pagkatapos ng klase namin sa Night Class ay nag-training pa kami ng Arnis sa gymnasium. Inabot na 'ko ng hapon.

Kapagod ng pukingina.

Pinunasan ko ang mukha ko gamit ang dala kong face towel dahil sa pawis. Gusto ko sanang punasan ang kili-kili ko pero may lumapit na mag-jowa, bibili rin yata ng kwek-kwek kay Manong na sobrang bagal magluto.

Napatingin ako sa mukha ng babae. Maganda. Bumaba ang tingin ko sa hita niya. Maputi.

Napangisi ako sa kamanyakan ko. Pero kaagad napawi iyon nang makitang masama ang tingin sa akin ng lalakeng kasama niya. Napaiwas tuloy ako ng tingin.

Bakit? Nakikitingin lang naman, ah.

"Echo!"

Nakita ko si demonyo—ay este si Tadeo na tumatakbo papunta sa akin.

Magpapalibre na naman 'to.

Nang makalapit siya sa akin ay binunot niya ang Arnis stick ko mula sa holder na nakasabit sa balikat ko. Winasiwas niya 'yon sa ere at pinaghahampas sa braso ko.

"Animal ka, Tadeo!" reklamo ko dahil masakit ang ginawa niya.

"Kaya pala hindi ka nakasama sa computer shop kanina, nag-training ka pala!" Ibinalik niya ang dalawang arnis stick ko sa holder bago ako binatukan. "Libre naman diyan!"

"Magtrabaho ka kasi, gago!" Kumuha ako ng stick at nagsimulang tumusok ng bagong lutong kwek-kwek. Nakapagluto din si Manong sa wakas.

Umuusok pa! Yummy!

Nakipag-unahan ako sa mag-syota dahil gusto ko ng malalaking kwek-kwek.

"Sandali lang! Food trip muna 'ko!" Kumaway si Tadeo habang nakatingin sa loob ng covered court.

Nasa harap kasi kami ng covered court na katabi ng Barangay Hall. Malapit na rin ang bahay namin kaya napatigil muna ako dito para mag-foodtrip.

"Bilisan mo!" sigaw ng lalakeng may hawak na bola at walang suot na damit kay Tadeo. Kilala ko siya pero hindi kami gano'n ka-close. Nagba-basketball pala sila.

Sinawsaw ko sa suka ang kwek-kwek ko bago ko siniko si Tadeo.

"Kumuha ka na. Sampung piso lang, ha?"

Napapalakpak si gago dahil sa sinabi ko. "Ayos! Salamat, ang bait mo talaga! Kaya tropa kita, eh!"

Kumuha na rin siya ng stick at tumusok ng kwek-kwek.

Kapag hindi ko siya nilibre ay manunumbat na naman siya at ipagkakalat sa school na madamot ako. Isip-bata 'tong hinayupak na 'to, eh.

Nakasampung piraso na ako ng kwek-kwek nang hilain ako ni Tadeo papunta sa loob ng court. Siempre binayaran ko muna si Manong at kinindatan 'yung babae bago ako nagpahila sa kanya.

Pagpasok namin sa covered court ay nakita kong may nakalagay nang volleyball net sa gitna.

"Ang tagal mo, Tadeo! Ayan tuloy, may iba nang maglalaro!" reklamo ni Mccoy, 'yung lalakeng may hawak ng bola kanina.

Isa siya sa mga tropa ni Tadeo at mahilig talaga silang maglaro ng basketball dito sa court ng Barangay Otso.

"Uy, Echo! Kamusta?!" bati niya nang makita ako.

Tinanguan ko siya pati 'yung mga kasama niya. Hindi talaga kami close, wala naman kasi akong hilig sa basketball kaya si Tadeo lang ang ka-close nila.

"Punyemas naman, oh! Sandali lang akong nawala, may pumalit na?!" napapakamot sa batok na reklamo ni Tadeo.

Hinila ko siya papunta sa tabi dahil may dumaan na dalawang chicks. Kasama yata sila sa maglalaro ng volleyball.

Sinundan ko ng tingin 'yung isang matangkad na babaeng nakasuot ng itim na spandex shorts at plain white t-shirt. May nakalagay pa na itim na knee pads sa tuhod niya. Nakapusod ang buhok niya kaya hindi ko alam kung gaano kahaba iyon.

Pero hindi talaga 'yon ang dahilan kung bakit sinundan ko siya ng tingin.

"Hoy, Echo! Sabi ko uwi na tayo! Umuwi na sila Mccoy, oh!" Kinalabit ako ni Tadeo. "Nakakita ka lang ng chicks nabingi ka na—aray ko!" Sinuntok ko ang braso niya at itinuro 'yung babaeng sinusundan ko ng tingin. "Oh, anong mayroon doon? Type mo?"

"Taga-Henderson din 'yon, 'di ba?" tanong ko kay Tadeo habang nasa babae pa rin ang tingin ko.

Hawak niya na ang bola ng volleyball habang dini-dribble sa sahig. Kausap din niya ang mga ka-team niya.

Tinitigan ni Tadeo nang mabuti 'yung babae. "Oo. Taga-Henderson pero taga-regular class. Wala kang pag-asa dyan, men."

"Tangek, sinabi ko bang liligawan ko?" Umupo ako sa pinakaibabang bleachers.

"At talagang umupo ka pa. Hindi ka pa ba uuwi?"

Umiling ako, nasa babae pa rin ang tingin. "Manonood muna ako ng Volleyball."

"Aba, kailan ka pa nahilig manuod ng Volleyball?!" Umupo rin siya sa tabi ko at tiningnan ulit ang babaeng tinititigan ko. "Type mo 'yon? May itsura siya pero walang appeal."

"Wala akong pakialam," sabi ko.

Minsan ko lang siya makita sa Henderson University, isang private school kung saan kami nag-aaral ni Tadeo.

Pero huwag kayo. Hindi kami mayaman ni Tadeo. Sa Night Class kami naka-enroll kaya nakapasok kami sa Henderson nang walang binabayarang tuition fee o kahit walang scholarship.

Tamang Certificate of Indigency at pasadong marka lang ang kailangan para makapasok kami sa Night Class. Sinikap ko talaga na sa Henderson makapag-aral ng high school dahil maraming nag-aabang na magagandang opportunities kapag doon ako nagtapos.

Isa pang dahilan ay sikat na sikat ang Henderson University dito sa Bicol dahil palagi itong nanalo sa mga pa-contest. Palaging overall-champion sa kahit anong larangan. Mapa-sports man o academics.

Nagsimula na ang Volleyball. Siya ang nag-serve at napangiti ako nang makita kung gaano kalakas ang palo niya. Maraming chicks na naglalaro pero nasa kanya ang atensyon ko.

"Alam ko na kung bakit type mo siya," bulong ni Tadeo sa akin habang nakangisi nang nakakaloko.

Tinaasan ko siya ng kilay at inabangan kung ano ang sasabihin niya.

"Maganda katawan..." Tumawa siya. "Saka malaki 'yung ano..."

Binatukan ko siya pero mas lalo lang siyang natawa. Pero aaminin kong totoo 'yung sinabi niya.

Muli kong tiningnan 'yung babae. Hindi ko alam ang pangalan niya pero nakikita ko siya palagi sa canteen at mag-isang kumakain. Nakapagtataka lang dahil wala akong makitang kaibigan niya sa school pero dito ay nakikita kong mayroon naman pala.

Dumami kaming mga nanonood. Karamihan ay mga lalakeng may natitipuhan sa mga naglalaro.

"Mine!" sigaw niya at saka pinalo ang bola papunta sa kalaban.

Ang lakas talaga ng palo niya, parang sanay na sanay siyang maglaro ng volleyball. Inaalala ko kung kasama ba siya sa Volleyball team ng Henderson pero wala siya roon.

Napapatingin ako sa pang-upo niya tuwing pinapalo niya ang bola. Ewan ko ba, mabilis talaga akong ma-attract sa mga babaeng maganda ang pangangatawan.

Ang mga katulad niya ang tipo ko. Wala akong paki kahit hindi ma-appeal basta maganda ang katawan okay na 'ko. Kulay dark brown ang buhok niya na ngayon ay nakapusod at may nakatusok na itim na hairstick. Maputi rin siya, matangkad at pamatay ang kurba ng bewang at hita.

Ano kayang pangalan niya?

Sampung minuto na ang lumipas mula nang magsimula ang laro pero sa kanya lang ako nakatingin. Malapit na siya sa net at nakita kong hinampas niya nang malakas ang bola papunta sa kalaban pero napangiwi ako nang matamaan sa mukha ang isang member ng kalaban nila.

Nagsigawan ang mga nakakita dahil maganda 'yung natamaan ng bola. Napahiga pa ito sa sahig kaya natigil sandali ang laro.

"Nakita mo 'yon? Sapul sa mukha!" Tumawa nang malakas si Tadeo. Halos mamatay na siya sa kakatawa.

Natawa na rin ako pero kaagad akong napaseryoso nang makitang tumayo 'yung babaeng natamaan ng bola at tumawid sa kabilang ng net para itulak 'yung babaeng kanina ko pa tinititigan.

"Sinadya mo!" asik ng babae sa kanya.

"Hindi ko naman sinadya," seryosong sagot niya.

Pumagitna sa kanilang dalawa ang isa pang babae na maikli ang buhok, siya 'yung kasama niya kanina.

"Stop it, Kendra. Nag-sorry na siya sa'yo."

"Hindi!" sigaw n'ong Kendra at dinuro 'yung crush ko. "Sinasadya niya, eh! Bakit ba kasi isinali mo pa 'yan dito?! Hindi naman Volleyball player 'yan, eh!"

"Stop!" Sumigaw na 'yung babaeng maikli ang buhok na umaawat. "You're annoying, Kendra."

"Iyang pinsan mo ang annoying! Hindi ako!"

Umiling na lang 'yung crush ko at tumalikod na. Halatang ayaw niya nang patulan 'yung Kendra.

"Hoy, Odette! Hindi pa ako tapos sa'yo!" Hinila ni Kendra ang buhok ng crush ko kaya napaupo ito sa sahig at lumagapak.

Odette. Kapangalan niya pala 'yung crush kong ML hero. Gandang pangalan.

Pero hindi maganda 'yung bagsak ng pwet niya.

Inawat si Kendra ng mga kasama niya at ng pinsan ni Odette pero ang higpit ng pagkakasabunot niya sa buhok nito.

"Awatin niyo na!" sigaw ni Tadeo. Loko-loko 'yan pero ayaw niyang nagsasakitan ang mga babae.

Akala ko ay hindi lalaban si Odette pero tumayo siya at hinawakan ang kamay ni Kendra na nakasabunot pa rin sa buhok niya. Sa isang iglap ay nakita ko na lang na pinipilipit niya na ang braso ni Kendra.

"O-Ouch! Get off me!" naiiyak nang sigaw ni Kendra habang hawak ang nasaktang braso. Tinulak pa siya ni Odette kaya nasubsob siya sa sahig.

"Hoy! Anong ginagawa mo sa girlfriend ko?!"

Napatingin ako sa lalakeng lumapit sa kanila. Hindi ko siya kilala pero nairita ako sa buhok niyang blonde. Hindi naman bagay.

Dinuro niya si Odette pero walang ganang tiningnan lang siya nito.

"Self-defense," tipid na sagot ni Odette.

"Self-defense?! Halos mabali mo ang braso ni Kendra!" Tinulungang makatayo ni blonde boy si Kendra. Umiiyak naman na yumakap sa kanya ang babae.

"Halos makalbo din ako nang dahil sa kanya kaya quits lang kami," dahilan naman ni Odette.

"Quits?! Magiging quits lang kayo kapag sinapak kita!"

Nanlaki ang mga mata ko nang inambahan niya ng suntok si Odette. Napatayo ako kaagad pero mas lalong nanlaki ang mga mata ko nang makailag si Odette sa suntok ni blonde boy. Pinilipit niya ang braso ng lalake at binigyan pa niya ito ng elbow strike sa batok.

Napanganga ako. Wow.

Lumagapak sa sahig si blonde boy.

"Self-defense," sambit pa ni Odette bago tiningnan 'yung babaeng kasama niya kanina, pinsan niya na maikli ang buhok. "Una na ako sa kotse, Tonette."

Sinundan ko siya ng tingin habang naglalakad palabas ng covered court.

"Hanep! Ang bilis niyang kumilos! Bagsak si blonde boy! Kinginang 'yan!" natatawang sabi ni Tadeo pero hindi niya alam na mas naging interesado ako sa babaeng 'yon.




To be continued...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top