Sayaw sa Hangin
Mahirap ba ang maging isang magulang? Hanggang kailan kaya ang magagawa ng isang magulang para lang mapasaya ang kanilang anak?
Kapapasok palang ni Alyanna sa eskwelahan nang makita niya ang kanyang estudyante nasa pinakaunang building. Naglakad siya patungo sa estudyante niya para sana utusan ito. Ngunit, natigilan siya nang marinig niya na may kausap ito.
"Pwede ba! Huwag ka nga pumupunta sa room ko!" inis na bulyaw nito sa kausap.
Kumunot naman ang noo ni Alyanna, tila ba'y nagtataka siya sa sinabi nito. Napatingin siya sa taong kausap ng estudyante. Si Aling Winnie, ang isa sa mga janitress na nagtatrabaho sa eskwelahan, at magulang din ito ng estudyante niya.
"Bakit? Gusto ko lang naman ihatid ang baon mo sa tanghali, anak," banayad na sabi ng janitress.
"Basta! H'wag kang magpapakita sa labas ng room namin. Nakakahiya! Ayaw kong malaman ng mga kaklase ko na isang janitress lang ang nanay ko rito!" pabalang na sabi ng estudyante.
Napahawak sa bandang dibdib si Alyanna dahil sa sinabi ng estudyante niya. Kumirot ng bahagya ang puso niya na parang nakakonekta ito sa sakit na nakita niya sa mata ni Aling Winnie. Humakbang ulit siya papunta sa mag-ina.
"Andrea." Tawag niya sa kanyang estudyante.
Hinarap agad siya ng estudyante niya.
"M-Ma'am... good morning po," bati nito sa kanya. Nakaramdam naman ng kaba ang estudyante dahil baka narinig ng guro niya ang mga sinabi niya sa kanyang ina.
"Narinig ko ang sinabi mo sa iyong ina. Believe na believe pa naman ako sa score na nakuha mo sa Edukasyon Sa Pagpapakatao, dahil ang akala ko alam mo na ang tama sa mali, ngunit nagkamali pala ako roon. Dahil sa narinig ko ngayon... napagtanto ko na ang lahat ng sagot mo sa papel ay hindi mo isinasapuso," dismayadong saad naman ni Alyanna.
Kumirot ulit ang puso niya nang inirapan lang siya ng estudyante niya.
"Ma'am, hindi ba sa pag-aaral, ang ginagamit ay utak, at hindi puso? Ginamit ko lang naman ang utak ko para makapasa, at para lang tumaas ang grades ko, kaya bakit kayo ganyan sa akin kung maka-judge? Akala mo naman perpekto kayo!" pabalang na sagot ng estudyante.
Pumikit ng mariin si Alyanna dahil sa naging sagot ng estudyante niya. Isang pagkabigo ang naramdaman niya ngayon, hindi para sa kanyang estudyante kundi para sa sarili niya. Dahil sa buong buhay na pagtuturo niya... akala ni Alyanna nagawa niya na ang lahat. Akala niya naituro na niya sa kanyang mga estudyante ang tamang asal at pag-uugali, pero hindi pa pala.
At mas lalo pang nadismaya si Alyanna na matanto ang sinabi niya kanina. Dala ng bugso ng damdamin imbes na sawayin o payuhan ito, ininsulto niya pa ito. At dahil doon hindi niya na maiwasan pigilan ang ala-alang kusang pumuslit sa kanyang isipan.
"Andrea, teacher mo 'yan. Huwag kang bastos," saway ni Aling Winnie sa anak.
"Tsk. Pakialamerang teacher!" sabi ni Andrea at saka umalis.
"Andrea!" tawag naman ni Aling Winnie sa anak ngunit hindi na ito lumingon pa.
Sinundan ng tingin ni Alyanna si Andrea. Napansin agad ni Alyanna na ang kilos at ang pananalita ng kanyang estudyante, pati na rin ang ugali na mayroon nito, ay nagpapaalala sa kanya sa kabataan niya.
"Ma'am, pagpasensiyahan n'yo na 'yong anak ko. Ako na po humingi ng despensa sa sinabi ng anak ko sa inyo," ani Aling Winnie.
Umiling agad si Alyanna. "Ako dapat ang humingi ng despensa sa inyo, Aling Winnie. Sana hindi ako nangialam sa inyo, at sana pinayuhan ko na lamang siya. Hindi rin po kasi maganda ang sinabi ng anak n'yo sa inyo," marahan na saad ni Alyanna sa janitress.
"Naku, Ma'am. Sanay na ako sa anak ko na 'yan. Tinitiis ko lang kasi anak ko, e! Kasalanan ko naman kung bakit siya ganyan. Hindi ko kasi maibigay ang pangangailangan niya. Isa lang po kasi akong janitress," malungkot na saad nito.
Ang alala na pumuslit sa isipan ay tuloyan nang nabuhay. Hindi makapaniwala si Alyanna na ang ala-ala niyang iyon ay parang kahapon lang nangyari. Sariwang-sariwa pa...
"Anak! Gising na! May pasok ka pa ngayon!" tawag ng ama ni Alyanna sa labas ng kuwarto niya.
"Inaantok pa ako!" sabi niya habang nakatalukbong pa rin sa kumot.
"Pero male-late ka na, anak!" sabi ulit ng ama niya.
Napadaing si Alyanna sa sinabi ng ama niya. Gusto niya pa sana matulog dahil inaantok pa. Ngunit, wala naman siyang magagawa dahil may klase pa siya ngayon. Kaya bumangon na lamang siya sa kama at pumunta na sa banyo para maligo.
Matapos niyang maligo at magbihis ay lumabas agad siya sa kuwarto.
Naabutan niya na naghahanda ng baon nila ang ama sa lamesa. Lumapit si Alyanna sa lamesa nila at agad pinasadahan ng tingin ang mga nakahandang pagkain naroon. Awtomatiko, kumunot ang kanyang noo nang makita niya ang nakahandang ulam sa lamesa sa araw na iyon.
"Tuyo na naman! Hindi ba kayo nagsasawa sa tuyo?!" inis na tanong nito sa ama.
"Pagpasensiyahan mo na! 'Yan lang kasi ang nakayanan ko."
Umirap si Alyanna, at padarag na umupo sa upuan. Pinasadahan niya ng tingin ang inihandang baon ng ama.
"Ano naman ang baon na ulam ko riyan? Huwag mong sabihin..." Natigil sa pagsasalita si Alyanna nang ipinakita agad ng ama ang isang de lata.
"Cornbeef!" nakangiti naman sabi nito. "Binilhan na kita ng ganito para naman ganahan kang kumain mamaya."
Hindi na nagsalita si Alyanna at tumingin na lamang sa pagkain nasa harapan niya. Napabuntong hininga siya dahil sa ulam nasa harapan niya ngayon. Imbes na kumain ay napagdesisyonan niya na tumayo na lang ulit. Nawala na ang gana niya sa pagkain dahil sa tuyo ang ulam. At saka naisip niya, kapag kumain siya ng tuyo ay baka maamoy pa siya ng mga kaibigan at mga kaklase niya. Nahihiya siyang malaman ng mga estudyante na tuyo lang ang ulam nila, dahil baka pagtatawanan lang siya ng mga ito.
"Saan ka pupunta? Hindi ka pa kumakain!" gulat na tanong ng ama.
Umirap naman si Alyanna. "Ayaw ko ng kumain. Nakaka walang gana ang ulam."
Kumirot naman ang puso ng ama dahil sinabi ng anak.
"Pasensiya na, anak. Pinang bayad ko kasi ng mga utang ang sweldo ko kahapon kaya tuyo lang ang nakayanan kong bilhin ngayon," pagpapaliwanag nito.
Umirap ulit si Alyanna, at tumalikod na. Binaliwala lang niya ang sinabi ng ama.
"Wala naman akong magagawa, e. Gaya ng wala rin akong magagawa na kayo ang magulang ko. Sana talaga mayaman na lang ang tatay ko, hindi isang janitor lang," pabulong na sabi ni Alyanna habang kinukuha ang mga gamit niya sa eskwelahan.
Para naman nadurog ang puso ng ama dahil sa narinig. Hindi niya mapigilan damhin ang mga salita na sinabi ng anak, dahil totoo naman na kulang na kulang talaga ang maibigay niya rito dahil sa hirap ng buhay. Hindi sapat ang sweldo ng pagiging janitor, ngunit kahit gano'n pinipilit niyang bigyan na magandang buhay ang anak. Gaya ng pinag-aaral niya ito sa isa sa mga pribadong eskuwelahan.
"Ang tagal mo naman, Alyanna. Akala ko late ka na naman," reklamo ng kaibigan ni Alyanna.
"Pasensiya na, traffic kasi, e," pagdadahilan ni Alyanna kahit hindi naman talaga traffic.
"O, napano 'yang palda mo?" tanong naman ng isa pang kaibigan nang makita ang gusot sa gilid ng palda ni Alyanna.
Napatingin naman siya sa kanyang palda, at nakita niyang gusot na gusot nga ito. Naalala niya ang pagsakay sa jeep na sobrang sikip, na halos hindi na siya makaupo ng maayos, at iniipit pa siya ng katabi niya sa upuan. Kaya hindi niya na naayos pa ang kanyang palda sa pag-upo.
"A-Ahh, ano. H-Hindi lang na-plantsa ng yaya ko kaya gusot pa ito," pagdadahilan ulit ni Alyanna.
Naniwala naman ang mga kaibigan niya at hindi na nagtanong ulit. Sanay sa paggawa ng kasinungalingan si Alyanna. Araw-araw na kasi niya ginagawa ito.
Lingid sa kaalaman ng mga kaibigan at kaklase, mahirap lang si Alyanna. Kaya kinakahiya niya ang kanyang istado sa buhay, lalong-lalo na ang trabaho ng ama. Isang janitor ng eskwelahan na pinapasukan niya ang kanyang ama. At sa tuwing magkikita sila sa loob ng eskwelahan ay palaging iniiwasan niya ito, at hindi pinapansin, lalong-lalo na kapag kasama ang kanyang mga kaibigan. Hindi niya kasi matanggap na anak lang siya ng isang janitor. Ikinakahiya niya ito. Kaya nagpapanggap siya ng mayaman, na nakatira sa napakalaking bahay, at nakasakay sa isang engrandeng sasakyan.
Alam na alam ng ama ang ginagawa niya. Ngunit, hinayaan lang siya nito. Dahil nakita ng ama niya na kung gaano kasaya ang kanyang anak.
Isang araw lumapit sa kanya ang ama dahil may gusto itong ibigay.
"Hindi ba ang sabi ko huwag kang lalapit sa akin?!" inis na saad ni Alyanna sa ama.
"E-E, g-gusto ko lang naman ibigay itong paborito mong tinapay na may monggo," dahan-dahan na sabi ng ama niya habang inaabot sa kanya ang isang supot na may laman na tinapay.
Tinapik agad ni Alyanna ang kamay ng ama na may hawak na supot. Natakot kasi siyang baka may makakita sa kanila. Nagulat naman ang kanyang ama, at napatingin sa tinapay na natapon sa lupa.
"Hindi ko na 'yan paborito ngayon! Kaya pwede ba huwag mo akong lalapitan kapag nandito tayo sa eskwelahan! Dahil baka makita pa tayo ng mga kaibigan ko na kinakausap kita!" galit na sabi ni Alyanna sa ama.
"'Y-Yong tinapay... binili ko para sa 'yo, madumi na..." sabi ng ama ni Alyanna habang isa-isa ibinalik sa supot ang mga tinapay na natapon sa lupa. "Masarap pa naman 'to, bakit ayaw mo na?" sabi pa nito.
"Sa susunod huwag mo akong bibigyan ng ganyan ka-pangit na tinapay! Dahil hindi ko na 'yan paborito!" sabi ni Alyanna habang nakatingin sa ama na pinupulot ang tinapay sa lupa.
"Oh, Alyanna? Ano'ng ginagawa mo?" Napatingin naman bigla si Alyanna sa nagtanong.
Napalunok si Alyanna habang nakatingin sa kaibigan niya. Hindi niya alam kung ano ang isasagot.
"May ginawa ba ang janitor na 'yan sa 'yo?" tanong ulit ng kaibigan niya.
"Ha? Naku, wala! Binangga niya lang ako kaya hayan, nahulog niya ang dala niyang tinapay," pagsisinungaling ni Alyanna.
"Oo nga, Miss. Pasensya na, hindi kasi ako nakatingin sa dinaraanan ko, e," sabi ng ama ni Alyanna nang makatayo na ito.
Nagulat si Alyanna sa sinabi ng ama. Hindi siya makapaniwala na tutulongan siya nito sa pasisinungaling. Pagkatapos tapikin ang kamay nito, tinulongan pa rin siya.
Natahimik si Alyanna, at tila ba'y may nararamdaman sa kanyang dibdib, ngunit, binaliwala niya lamang ito. At sumama na siya sa kanyang mga kaibigan. Iniwan niya ang ama na nakatingin lamang sa kanila.
-
Isang gabi, niyaya ng mga kaibigan si Alyanna na lumau. Kaya nagmamadali itong magbihis at lumabas ng kuwarto. Ngunit, sa paglabas niya ng kuwarto. Naabutan naman niya ang ama na nagkukumpuni ng electric fan. Napatigil ito at nagtatakang tumingin sa kanya.
"Lalabas ka ba, anak?" tanong ng ama.
"Ah, oo, may bibilhin lang sa tindahan," pagsisinungaling ulit ni Alyanna.
Tumayo sa kinauupuan ang ama, at itinabi muna ang ginagawa. Tumingin ito sa orasan na nakasabit lang sa dingding ng bahay nila.
"Gabi na. Baka wala ng bukas na tindahan ngayon."
Umirap si Alyanna sa sinabi ng ama. "Meron pa 'yan, at saka importante ang bibilhin ko. Kaya kailangan ko talagang lumabas," mariin na sabi ni Alyanna.
"Ano bang bibilhin mo? Ako na lang ang lalabas, o 'di kaya'y sasamahan na lang kita," sabi naman ng ama niya.
"Pwede ba kaya ko ng bumili ng mag-isa! Hindi na ako bata. At saka may ginagawa ka, 'di ba? Ipagpatuloy mo lang 'yan," inis na bulyaw ni Alyanna saka lumabas ng bahay.
Walang magawa ang ama kundi ang mapabuntong hininga na lamang. Nag-alala siya sa anak dahil malalim na ang gabi, ngunit wala siyang magawa upang pigilan itong lumabas. Ayaw niyang higpitan o malupitan ang anak dahil baka mas lalo lang lalayo ang loob nito sa kanya. Kaya madalas hinahayaan niya lang ito sa ginagawa.
"Uy, Alyanna! Nandito ka na pala! Ang tagal mo naman dumating," reklamo ng isang kaibigan sa bagong dating na si Alyanna.
Nasa bar sila ngayon, at first time ni Alyanna ang pumunta rito. Natagalan siya dahil nagdadalawang isip pa siya pumasok. Labing pito palang siya, menor-de-edad pa. Una, natatakot siyang pumasok dahil baka mahuli siya, kaya nag-isip muna siya ng paraan sa labas. Wala kasi siyang pera para pang-suhol sa mga nagbabantay sa labas, gaya ng mga kaibigan niya.
"Pasensiya na kayo. Tumakas pa kasi ako sa yaya ko, e!" pagsisinungaling ulit ni Alyanna habang kinakamot ang batok niya.
"Huwag mong sabihin na inakyat mo ang napakataas na bakod ninyo?" nag-aalalang tanong ng kaibigan niya.
Tumawa ng pilit si Alyanna sa sinabi ng kaibigan niya. "Parang gano'n na nga..." sabi pa niya.
"Naku, buti at hindi ka naman napilayan, ano?"
"Oo nga. Gaano ba kataas ang bakod ninyo? Parang gusto kong makita... at saka 'yung bahay ninyo, gusto ko makita kung gaano ba talaga kalaki iyon. Sa susunod nga... doon naman kami matutulog sa inyo."
"Oo nga, Alyanna! Papuntahin mo naman kami bahay ninyo!"
Natigilan si Alyanna dahil sa sinabi ng mga kaibigan niya. Pinagpapawisan na siya ng malagkit dahil sa kaba. Hindi siya agad nakaisip ng mabuti.
"A-Ahh, Sige, magpapaalam muna ako sa parents ko. N-Nasa ibang b-bansa kasi sila ngayon para sa business trip, at hindi nila ako pinapayagan na magpapapasok ng ibang tao sa bahay namin."
Kumunot naman ang noo ng mga kaibigan ni Alyanna, tila ba'y nadismaya o nalulungkot ang mga ito dahil sa sinabi niya.
"Gano'n? Mga kaibigan mo naman kami, e. Kaya sure ako na papayag naman ang mommy at daddy mo," sabi ng kaibigan niya.
"Oo nga, papayag 'yon."
"Mga mababait naman kami, e."
Pagsasang-ayon ng lahat. Hindi na alam ni Alyanna kung ano pa ang isasagot niya sa mga kaibigan niya. Ngayon niya lang natanto na hindi niya dapat sinabi pa ang mga iyon. Dahil pinapalala lang nito ang sitwasiyon.
Nag-aabang pa rin ng sagot ang mga kaibigan niya sa kanya, ngunit wala na talaga siyang maisip pa. Gulong-gulo na ang kanyang isipan. Buti na lang may biglang lumapit sa kanila kaya nagbago ang kanilang pinag-uusapan.
Habang nag-uusap sila ay may kasamang inuman naman iyon. Ayaw sana uminom ni Alyanna dahil first time niya makapunta sa lugar na iyon, gusto niya muna magmasid-masid sa paligid. Ngunit, mapilit ang mga kaibigan niya kaya napainom na siya. Pagkatapos mag-inuman ay sumayaw naman sila sa dance floor.
Nagpatuloy sa pagsayaw sila Alyanna hanggang sa napahiwalay na siya sa mga kaibigan niya. Hindi niya napansin iyon dahil nag-e-enjoy siya sa pagsasayaw sa gitna. Hindi nagtagal niyaya siya ng isang lalaki na lumabas sa bar. Sumama naman agad si Alyanna sa lalaki.
At habang palabas sila sa bar ay bigla na lang nawalan ng malay si Alyanna. Binuhat naman siya agad ng lalaki papuntang sasakyan nito. Walang kamalay-malay si Alyanna na ang lalaking sinamahan niya ay may binabalak na masama sa kanya.
-
Kinabukasan, nagising sa matinding sakit ng ulo si Alyanna. Minulat niya ang kanyang mata at ang unang bumungad sa kanya ay ang puting kisame ng isang silid.
"Buti naman, Miss. Gising ka na," sabi ng isang nars.
Bumangon naman si Alyanna mula sa pagkakahiga sa kama.
"Saan ako?" tanong niya agad.
"Nandito ka sa ospital, Miss. Dinala ka rito ng isang babae. Mukang muntik ka na raw magahasa, buti na lang may nagligtas sa 'yo."
Natigilan si Alyanna dahil sa narinig niya sa nars. Hindi siya makapaniwala na mangyayari sa kanya iyon. Pumikit siya ng mariin at sinubukan alalahanin ang lahat, ngunit kaonti lang ang mga naalala niya. Ang naalala lang niya ay 'yung tungkol sa pagsisinungaling niya sa kanyang mga kaibigan.
"Mabuti naman walang nangyaring masama sa 'yo, Miss." Napatingin naman siya sa babae na kapapasok lang, pagkatapos lumabas ng nars. "Ako nga pala ang nagdala sa 'yo rito."
"Maraming salamat po sa pagligtas sa akin," saad ni Alyanna.
"Naku, hindi ako ang nagligtas sa 'yo sa manyakis na lalaki. Ako lang ang nagdala sa 'yo rito. Ang totoo niyan... ang nagligtas sa 'yo ay nasa operating room pa. Malala kasi 'yung naging sugat niya. Nakipag away kasi siya sa manyakis kaya siya nasaksak ng kutsilyo na dala ng manyakis," pagpapaliwanag ng babae.
Kumirot naman ng bahagya ang dibdib ni Alyanna dahil sa sinabi ng babae. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya ngayon.
"Huwag kang mag-alala, nakulong na ang manyakis. Dinakip na siya ng mga pulis bago pa siya makatakas, " dagdag pa ng babae ikina hinga naman ng maluwag ni Alyanna.
"Salamat naman po at nahuli na 'yung may sala. Maraming salamat po talaga sa pagtulong ninyo sa akin." paulit-ulit na pagpapasalamat ni Alyanna sa babae.
Hihintayin pa sana ni Alyanna na matapos ang operasyon ng taong nagligtas sa kanya para makapagpasalamat, ngunit naalala niya naman na kailangan pa niyang umuwi dahil baka naghihintay na sa kanya ang ama niya sa bahay. Kaya nang makauwi siya'y nagtaka naman siya nang wala siyang naabutan sa sala. Nakahinga naman siya ng maluwag doon. At inisip na lang na baka natulog sa kuwarto ang ama. Kaya dumiretso na siya pumasok sa kanyang kuwarto upang matulog.
-
Kinaumagahan, nagising ulit si Alyanna dahil sa katok sa pintuan ng bahay nila. Ayaw na sana niyang bumangon ngunit kanina pa kasi ang katok na 'yan, kaya wala na rin siyang magagawa kundi ang buksan ito.
"Sino po sila?" tanong niya agad pagkabukas niya palang sa pinto ng bahay. Natigilan siya nang makita ang dalawang tao sa harapan ng bahay nila ngayon.
Nakaramdam siya ng kaba.
"Miss, ikaw ba ang anak ni Juanito Santos?" tanong agad ng isang pulis.
"O-oo, ako nga po," utal na sagot ni Alyanna.
"Kagabi kasi sinaksak ang ama mo sa tapat ng isang bar habang tinutulongan niya ang isang babae. Nasa ospital siya ngayon, at wala na'ng buhay."
Natigilan si Alyanna sa sinabi ng isang pulis. May biglang pumasok sa kanyang isipan ngunit binaliwala niya agad ang mga ito.
"S-Saan po na b-bar?" pagdadalawang isip niyang tanong, habang abot-abot ang tahip ng kanyang puso.
Pumikit siya ng mariin, at tahimik na nagdadasal, na sana mali ang nasa isip niya. Pero natigil siya at napamulat ng mata nang marinig ang sagot ng pulis. Umiling siya at kinumbinsi ang sarili na hindi totoo ang sinabi ng mga pulis.
Magsasalita pa sana ang mga pulis nang biglang isinara ni Alyanna ang pinto. Napaupo siya sa tapat ng pintuan, tila ba'y nawawalan ng lakas ang mga tuhod. May naalala siya sa kagabi. Nakita nga niya ang ama na nakipagsuntukan sa isang lalaki, pero hanggang doon lang 'yon. Dahil nakatulog na agad siya dahil sa kalasingan.
Umiyak na magdamag si Alyanna dahil sa sinapit ng ama. Sinisisi niya ang sarili sa nangyari. Alam niya kasi na kasalanan niya ang lahat kung bakit nangyari sa ama niya iyon. Sana pala hindi na siya lumabas ng bahay kagabi, hindi na sana siya susundan ng ama sa bar na iyon. Sana nakinig na lamang siya sa ama, edi sana hindi mangyayari ang lahat ng iyon. Puno ng pagsisisi ang puso ni Alyanna, na kahit nakaburol na sa bahay ang ama, hindi niya pa rin nilapitan ang kabaong nito para tingnan.
Naalala niya kasi ang mga ginawa niya no'ng nabubuhay pa ito. Kinakahiya niya ito, hindi lang dahil sa trabaho nito, kundi sa buhay ibinigay nito sa kanya. Natanto niya na mali ang lahat ng ginawa niya. Hindi siya nakontento sa buhay na binigay ng ama, at hindi niya rin pinapahalagahan ang lahat ng ginawa ng ama para sa kanya.
Naging malupit siya na anak. Walang kwenta! Hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili niya.
"Alyanna! Si Tita Mildred mo ito. M-May... ibibigay lang ako sa 'yo," sabi ng tita niya sa tapat ng kanyang kuwarto.
Simula nang binurol sa bahay ang ama ni Alyanna, ay nanatili lang siya sa loob ng kuwarto niya. Umiiyak at sinisisi ang sarili.
Hindi sumagot si Alyanna sa tawag ng tita niya kaya pumasok na lamang ito sa loob. Dala-dala ang malaking box.
Hindi nilingon ni Alyanna ang tita niya. Hindi siya interesado sa ibibigay nito, kaya patuloy na lamang siya pag-iyak sa gilid ng kanyang kama habang nakatuko ang ulo niya sa tuhod. Nilapitan siya ng tita niya at pinatayo.
"H'wag ka na ngang umiyak d'yan! Hali ka, tingnan mo ito," sabi ng tita niya habang tinuro ang malaking box sa kama.
Napatingin naman si Alyanna rito.
"Buksan mo." Utos naman ng tita.
Walang ka-buhay-buhay na binuksan ito ni Alyanna. Pagkabukas, nakita n'ya ang isang napakagandang white dress sa loob ng box. Pero kahit na ganoon ay hindi pa rin nagbago ang reaksyon ni Alyanna. Nakatitig lang siya sa damit na sa harapan niya ngayon.
"Magde-debut ka na pala, ano? Talagang pinaghandaan ng ama mo ang susuotin mo sa araw na iyon."
Napakurap si Alyanna dahil sa narinig. Tila ba'y ngayon lang nakabalik ang kaluluwa niya sa katawan. Tumingin siya sa kanyang tita. Bakas sa mga mata ni Alyanna ang isang tanong na hindi niya masabi-sabi.
Dahan-dahan tumango ang tita niya.
"Oo, binili 'yan ng ama mo. Pinag-ipunan niya 'yan, dahil gusto niya may bagong damit ka susuotin sa araw na 'yon. Bumili rin s'ya ng suit para sa kanya. Siguro, 'yun din ang susuotin niya sa debut mo, at habang sumasayaw kayong dalawa."
Tumingin siya ulit sa damit. Kinuha niya ito at niyakap. Hindi na niya mapigilan kumawala ang malakas na hikbi.
"P-Papa..." sabay hikbi niya. "Patawarin ninyo po ako! Patawad po sa lahat, Papa!" tanging nasabi niya sa gitna ng pag-iyak.
Huli na ang lahat nang matanto ni Alyanna na sobrang mahal na mahal pala talaga siya ng kanyang ama, na sobrang suwerte niya naging ama niya ito. Ngayon lang niya natanto ang lahat.
Kaya sa araw ng libing ng kanyang ama. Isinuot niya ang damit na bigay ng ama. At doon niya ipinapangako na iingatan niya ito, at balang araw ipapana niya ito sa kanyang magiging anak.
-
"Ma, sino ba ang dadalawin natin dito?"
Napatingin naman si Alyanna sa kanyang anak na babae.
"'Yong lolo mo, anak," sabay ngiti ni Alyanna.
Umupo sila sa tapat ng puntod ng ama ni Alyanna. Nilinis niya muna ang lapida ng ama saka nilagay ang bulaklak sa tabi nito.
"Happy birthday, Pa. Nandito po ako, kasama ang apo mo," marahan na saad niya.
"Happy birthday din po, Lolo! Gusto n'yo po sayawan ko kayo? Magaling po ako sumayaw," sabi naman ng anak ni Alyanna.
Nagsimula nang sumayaw ang anak ni Alyanna, at habang sumasayaw ito. Hindi maiwasan ni Alyanna sariwain ang ala-ala na sumayaw rin siya no'ng araw na ilibing na ang kanyang ama. Sumayaw siya habang suot ang damit na bigay ng ama niya, na suot din ng anak niya ngayon. At habang sumasayaw siya sa hangin... ramdam niya parang nakipagsayaw din ang kanyang ama dahil sa paru-paro na sumusunod sa bawat galaw niya, gaya ng nakikita niya ngayon sa kanyang anak na sumasayaw sa harap ng puntod ng ama niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top