Chapter 05

TRIGGER WARNING!

This book contains content that some may find disturbing. Hallucinations, depression, pessimism in every chapter, suicidal thoughts and suicide will be tackled in this story.

Read at your own risk.


Chapter 05

When did you first realize that you can't do it anymore?


Isang linggo na ang nagdaan simula no'ng araw na 'yon. Tumambay siya sa harap ng kanilang bahay dahil wala naman siyang ginagawa sa loob, kaya naman naisip niyang sa labas ng bahay na lang nila siya manatili, kahit na may mga taong tumitingin sa kaniya, na alam niyang hinuhusgahan siya.

Ilang saglit pa ay may nakita siyang batang ang edad ay nasa pito hanggang walo. May dala itong mahabang bagay. Nang makita niya 'yon ay naramdaman niya ang napakabilis na tibok ng puso niya, malalamig na pawis na lumalabas mula sa katawan niya at ang panginginig ng kaniyang buong katawan, lalo na ng kaniyang mga kamay.

Nang tuluyan na sa kaniyang nakalapit ang batang 'yon ay sumigaw siya nang sumigaw, lalo na at huminto pa ito sa harap niya dahil nagulat ang bata sa kaniyang pagsigaw. Lalong lumakas ang sigaw ni Serene nang dahil doon.

Mabilis na lumabas si Lerma at Helene nang dahil sa malakas na mga sigaw ni Serene. Maging ang kanilang mga kapit-bahay ay nakuha na niya ang atensiyon dahil doon.

"Serene, ano bang nangyayari?!"

Tinakpan niya ang kaniyang tainga habang nakapikit nang mariin ang kaniyang mga matang linalabasan ng napakaraming maiinit na luha.

"'Ma, may ahas, 'Ma!" malakas na aniya, nagpa-panic. "'Ma!"

Pinaalis ni Lerma ang batang may hawak na laruan ng ahas, habang si Helene naman ay inaakay si Serene papasok sa loob ng kanilang tahanan. Nang makarating sa sala ay pinaupo siya ni Helene at iniwan doon para kumuha ng tubig na maiinom. Ilang saglit pa ay pumasok na rin si Lerma.

"Akala ko kung napaano ka na, Serene! Laruan lang naman 'yon, ano bang isinisigaw mo r'yan?!"

Dumating si Helene dala ang tubig at ipinainom kay Serene.

"Sigaw ka nang sigaw sa labas, akala namin kung ano nang nangyari sa 'yo! Laruan lang naman iyong iniiyak mo r'yan!"

Ginustong pigilan ni Serene ang sarili niya sa pagsagot, ngunit hindi niya nagawa.

"'Ma, kahit na totoo man 'yon o laruan lang, sa mata ng taong may phobia, ahas pa rin 'yon! Hinding-hindi mo ako maiintindihan, 'Ma! Hinding-hindi niyo ako maiintindihan!"

"Tumigil ka na, ha!" malakas na sabi ni Lerma. "Aanhin ka ba ng ahas na laruang 'yon, ha?!"

Nakatitig si Serene sa kaniyang mga kamay na nanginginig ngayon, habang sunud-sunod na hikbi ang lumalabas mula sa kaniyang bibig. Hindi pa rin natitigil ang pagtulo ng mga luha niya at ang paglabas ng malalamig na pawis sa kaniyang katawan, lalo na sa kaniyang mukha.

"Hindi niyo napapansin na kayo ang gumagawa ng dahilan para mawalan kayo ng anak, 'Ma..."

Hindi niya alam kung ano na ang naging reaksiyon ng kaniyang ina matapos niyang sabihin 'yon dahil bigla siyang nakaramdam ng sobrang panlalambot, pagdilim ng mga paningin, hanggang sa hindi na niya alam kung ano na ang sumunod na nangyari dahil tuluyan na siyang nawalan ng malay.

***

Gabi na nang magising siya ngunit hindi niya pa rin maikilos ang kaniyang katawan nang buong lakas dahil ramdam niya pa rin ang panlalambot na naramdaman niya noong makita niya ang bagay na sobrang kinatatakutan niya.

Lumingon siya sa gawi ng pintuan nang bumukas ito. Pumasok ang kaniyang kapatid na si Helene na may dalang pagkain. Ngumiti ito sa kaniya.

"Buti naman at gising ka na," panimula nito habang naglalakad papunta sa kan'ya. Nang maupo ito sa gilid ng kaniyang kama ay muli siyang nagsalita. "Pagpasensiyahan mo na si Mama, alam mo namang may pagka-insensitive 'yon. Alam mo rin na madalas siya mag-victim blaming pero hindi naman ibig sabihin no'n ay kasalanan mo ang mga nangyayari sa 'yo ngayon."

Ipinatong nito ang tray sa side table niya at tinulungan siyang bumangon. Ngunit sa paghawak nito sa kaniyang braso ay napapiglas siya dahil ang nahawakan nito ay ang sugat niyang nanggaling mismo sa kamay niya.

"Anong nangyari? May masakit pa ba sa 'yo?" umiling siya bilang tugon. "Patingin nga."

Itinaas ni Helene ang sleeve ng kaniyang suot na manipis na long sleeve at nakitang may dalawang hiwa doon, at mga kalmot na halatang galing sa kamay ng tao. Kitang-kita ni Serene ang panglalaki ng mga mata nito.

"S-Saan nanggaling 'yan?"

Tinanggal ni Serene ang pagkakahawak ni Helene sa braso niya, tsaka muling ibinaba ang sleeve ng suot.

"Wala."

"Saan nga?!" galit na tanong ni Helene sa kaniya.

Umiling si Serene bago magsalita. "Hindi ko alam."

"Anong hindi mo alam? Imposibleng hindi mo alam! Hindi mo ba nararamdaman na nasasaktan ka na para masabi mong hindi mo alam kung saan nanggagaling ang mga sugat na 'yan?!"

Ang tagal...

Ang tagal nanahimik ni Serene matapos marinig ang sinabi ng kaniyang kapatid.

Ang totoo ay huli na sa tuwing nakikita niyang may sugat na siya. Huli na para malaman niya kung bakit siya nagkasugat, pero alam niyang sa kaniya nanggaling ang mga sugat na 'yon. Alam niyang sinasaktan niya ang sarili niya, pero hindi niya alam na nagagawa na pala niya 'yon. Hindi niya napapansin kasi hindi naman niya nararamdaman.

"Oo, eh."

"Serene, ano ba?!" iritang sabi ni Helene sa kan'ya. "Ano bang ginagawa at sinasabi mo?! Bakit ba sinasaktan mo ang sarili mo?!"

Tumingin siya kay Helene at nakita niya ang sobrang takot sa mga mata nito.

"Hindi ko nga alam, Ate. Please naman, 'wag mo na akong pagalitan, oh?"

"Serene, sa nakikita ko ngayon, hindi pa ba kita dapat pagalitan? Alam mo ba kung ano ang ginagawa mo? Self-harming! That's self-harming, Serene! Bakit mo ba ginagawa 'yan sa sarili mo?!"

Ngayong itinanong sa kaniya ni Helene 'yon ay inalala niya ang mga pagkakataong sinasaktan niya ang sarili niya.

Sa tuwing nag-iisip siya nang malalim at matagal, binubunot niya ang buhok niya isa-isa, na para bang nagkukusa na ang mga kamay niyang gawin 'yon sa tuwing abala siya sa pag-iisip.

Kapag kinakabahan siya ay kinukutkot niya ang mga kuko niya hanggang sa maubos ito. Minsan ay kinakagat niya pa na para bang ito ang paraan para mawala ang kaniyang mag kaba.

Kapag nasasaktan siya sa mga salitang binibitawan sa kaniya ay palihim niyang kinukurot ang sarili niya na para bang mawawala ang sakit na nararamdaman niya sa mga salitang binibitawan sa kaniya at matutuon ang atensiyon niya sa pisikal sakit na nararamdaman niya.

At kapag nasasaktan ang kaniyang ina at kapatid, ay doon niya nagagawang saktan nang sobra ang sarili niya; sinasampal niya hanggang sa mamanhid ang kaniyang mga mukha, tinutusok ang sarili ng gunting na para bang karayom lang na itinusok sa pin cushion, hinihiwa gamit ang kung anong matalim na bagay ang hawak, kinakalmot ang sarili...

Hindi sobrang dalas, pero sapat na ang beses na 'yon para masabing hindi na normal tulad ng iba ang pag-iisip at ginagawa ni Serene.

Nakakaalarma na.

"Ate, hindi ko talaga alam..."

Nakita niya ang pangingilid ng mga luha ng kaniyang kapatid, pero nandoon pa rin ang galit at takot sa mga tingin nito sa kaniya.

"Serene, lahat ng bagay na gusto mo, nakukuha mo. Lahat ng lugar na gusto mong puntahan, napupuntahan mo," tuluyan nang tumulo ang mga luha nito. "At ang gagawin mo ngayon ay saktan ang sarili mo? Bakit? Nababaliw ka na ba?"

Muli, ay kusang pumunta ang kaniyang daliri sa kaniyang binti, at kinurot nang manipis ang sarili, nang marinig ang sinabi ni Helene. Lalo na noong makita niya ang pagluha ng mahal niyang kapatid.

"Alam mo ba kung gaano na ako naiinggit sa 'yo, Serene? Hindi ko nakukuha at napupuntahan lahat ng gusto ko, pero masaya ako. Masaya ako sa mayroon ako ngayon. Ikaw na nakukuha mo ang mga bagay na mayroon ka ngayon, sana naman umayos ka, oh? Tumino ka naman. Iayos mo naman ang isip mo kasi...kasi ang unfair mo na."

Mabilis nitong pinunasan ang luha niya habang siya ay lalong idinidiin ang mga kurot niya sa sariling binti, ngunit hindi pa rin sapat.

"Serene, please lang. Huwag na huwag kang gagawa ng bagay na ikapapahamak mo. Huwag kang unfair, Serene. Nasa iyo na lahat ng gusto mo. Huwag mo namang gawin 'yan sa sarili mo."

Nang kumalma na si Helene ay lumabas na ito ng kaniyang k'warto, habang siya naman ay idinidiin lalo ang mga kurot sa sarili, para mapunta dito ang atensiyon niya—para hindi matuon ang atensiyon niya sa sakit na naramdaman nang makitang umiiyak ang kaniyang kapatid.

Naalala niya ang sinabi ng kaniyang kapatid— napangiti siya.

Buti naman at masaya ka, Ate. Sana ako rin.

***

Siguro nga ay totoo ang mga sabi-sabing kapag nakukuha mo ang mga gusto mo ay hindi ka nakukuntento; maghahangad at maghahangad ka pa rin ng mas marami, mas malaki, mas maganda, mas... sa lahat.

Ngunit hindi iyon ang nararamdaman ni Serene.

Maaaring tama ang lahat, na nakukuha niya ang lahat ng gusto niya kahit na hindi naman sila ang pamilyang masasabi mong mayaman, kung hindi, may kaya lang. Pero hindi siya ang naghahangad ng mas. Ang gusto niya, makuntento. Ang gusto niya, maging masaya.

Ang gusto niya, mahanap ang sarili niya.

Gusto niyang mahanap ang dahilan kung bakit siya nabubuhay sa mundong ito. Bakit siya ang napili Niya para mabuhay sa magandang mundong ito? Maaaring walang pakialam ang ibang tao tungkol sa bagay na iyon, pero para kay Serene, iyon ang magiging buhay niya kung sakaling mahanap na niya ang bagay na hinahanap niya.

Hubad ang buong katawan niya habang nakatingin sa harap ng salamin.

Ang dami niyang galos; ang dami niyang gasgas. At ang lahat ng ito ay kasalanan niya; kasalanan ng mga kamay niyang hindi niya alam kung bakit hindi na niya magawang kontrolin pa.

Nakakaawa.

Kinamumuhian niya ang sarili niya dahil ang mga sugat at peklat niya sa katawan niyang iyon ay ang simbolo ng pananakit niya sa damdamin ng kaniyang pamilya.

Kung gaano karaming sugat at peklat ang makikita sa kaniyang katawan, ganoon rin karami ang beses na nasaktan niya ang damdamin ng kaniyang pamilya; baka nga mas marami pa dahil nawala na ang iba sa paglipas ng panahon.

Galit na galit siya sa sarili niya, dahil ang simple lang ng buhay kung tutuusin, pero pinakumplikado niya dahil sa paghahanap ng bagay na hindi niya makita at iyon ay ang kaniyang gamit sa mundo.

Sana ay nabuhay na lang siya tulad ng iba na walang pakialam sa kung ano ang magiging katauhan niya sa mundong ito. Sana nabuhay na lang siyang masaya, walang pakialam, walang ibang iniisip na problema. Sana nabuhay na lang siya tulad ng ibang tao, na ang tanging problema lang ay ang pera at ang makakain sa araw-araw.

Sana ganoon na lang kasimple ang buhay niya.

Ngunit hindi niya mapigilan ang sarili niya tungkol sa bagay na iyon, dahil hindi niya naman kontrolado ang isip niya. At 'yon din ang sinasabi ng puso niya...na gawin ang bagay na dapat makapagpapasaya sa kaniya.

Pero hindi niya alam kung ano 'yon. Pagod na rin siyang hanapin ang bagay na 'yon.

Pagod...na pagod na siya.

Suko na siya sa buhay niya.

Ayaw na niyang ituloy pa ang buhay niyang wala namang silbi.

Wala na nga siyang silbi sa pamilya niya, palamuti pa siya sa mundo. Ano pa ang silbi ng buhay niya kung itutuloy niya lang?

Habang-buhay na lang ba niyang hahanapin ang layunin at dahilan ng buhay niya? Nabuhay lang ba siya para huminga?

Hindi. Ayaw na niya. Gusto na niyang mamatay.

Gusto na niyang magpakamatay...

Pero paano niya magagawa 'yon nang hindi masasaktan ang kaniyang mga mahal sa buhay?

Paano siya magpapakamatay nang hindi masasaktan ang kaniyang ina at kapatid, na walang ibang ginawa kung hindi ang mahalin siya, at ibigay ang lahat ng gusto at pangangailangan niya?

Ang pagsuko ng kaniyang buhay ay hindi nangangahulugang duwag siya. Iba na kasi ang nararamdaman niya ngayon. Iba-iba ang emotional tolerance ng isip at puso ng bawat tao. At kumbaga sa alak, mababa lang ang alcohol tolerance niya.

Lasing na siya sa sakit na nararamdaman niya.

Lasing na siya sa pagod na nararamdaman niya.

Lasing na siya sa lahat ng emosiyon na nararamdaman niya ngayon.

Hilong-hilo na siya... at konting-konti na lang ay isusuka na niya ang sarili niya sa mundong kinagagalawan niya.

Umiikot na lang ang buong pagkatao niya sa pagkabuhay, paghinga, paghanap ng solusyon sa buhay niyang walang patutunguhan, sa pag-kain, pagdighay, pagtae, pagtulog...paulit-ulit...

Paikot-ikot na lang...

Wala na siyang maramdaman ngayon. Ngayong nasa harap siya ng salamin at kitang-kita niya ang buong katawan niya, alam niyang OA, pero kitang-kita niyang wala na siyang maramdaman.

Wala nang maramdaman ang puso niya.

Wala nang emosiyong mababakas sa mukha niya.

Pagod na rin siguro ang puso niyang makaramdam...

Pagod na rin siguro ang mukha niyang magpakita ng iba't-ibang klase ng emosiyon.

Pagod na siya sa lahat...

Nagbuntonghininga siya bago lumusong sa bathtub na napupuno ng tubig at bula. Dumikit sa kaniyang balat ang lamig na ibinibigay ng tubig, maging ang bango na ibinibigay ng mga bula na nanggaling sa liquid bath soap.

Inihiga niya ang buo niyang katawan, at ipinatong ang ulo sa gilid ng bathtub. Ipinikit niya ang mga mata niya at muli, ay nag-isip.

Mamamatay na ba ako kapag nagpakalunod ako sa bathtub na ito?

Iniusog niya ang kaniyang katawan nang sa gano'n ay mailubog niya rin ang kaniyang ulo. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at inilubog ang mukha, kasama ang buong katawan niya, sa tubig na puno ng bula.

Pinakiramdaman niya ang sarili niya sa ilalim ng tubig.

Parang namamanhid ang buong katawan niya.

Parang sinasakop ng mga tubig na ito ang kaniyang buong katawan.

Pinigil niya ang paghinga niya...hanggang sa naalala niya ang kaniyang pamilyang naghihintay sa kaniyang lumabas ng CR dahil maliligo rin ang mga ito.

Bigla niyang naalala ang kaniyang ina, na ginagawa at binibigay ang lahat para sa kaniya...

Ang kaniyang kapatid na sinusuportahan siya sa lahat ng gusto niya...

Kahit madalas silang mag-away dahil normal naman iyon sa magkakapatid, bigla niya iyong naalala, lalo na ang dalas ng pag-aaway nila, pero sa huli ay magbabati pa rin sila.

Ang kaniyang inang hindi napapagod na magtrabaho para sa kanilang magkapatid...

Ang kaniyang ina, na kahit gaano na ang pagod na nararamdaman sa trabaho nito sa araw-araw, hindi pa rin napapagod na unawain siya...kahit ang tagal na niyang walang silbi sa pamilya at sa mundo.

Ang kaniyang kapatid na si Helene...

At ang kaniyang ina...si Lerma...

Hindi niya alam ngunit naramdaman niyang may lumabas na luha mula sa mga mata niya. Mabilis siyang umahon mula sa ilalim ng tubig at hinabol ang hiningang kanina ay pinigilan niya sa ilalim ng tubig.

Iyak siya nang iyak nang mapagtanto niya ang lahat ng sakit at hirap na pagdadaanan ng kaniyang pamilya sa oras na iwanan na niya nang tuluyan ang mundo. Niyakap niya ang kaniyang mga binti habang umiiyak. Ipinatong niya ang kaniyang ulo sa mga tuhod, at doon, ibinuhos ang lahat ng luha.

Hindi pa...

Hindi pa puwede...

Kailangang mawala muna ang mga pagmamahal at pag-aalala nila sa kan'ya...

Kailangang mawala muna ang lahat ng nararamdaman nila para sa kaniya... bago niya sila iwanan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top