Chapter 04

TRIGGER WARNING!

This book contains content that some may find disturbing. Hallucinations, depression, pessimism in every chapter, suicidal thoughts and suicide will be tackled in this story.

Read at your own risk.

Chapter 04

When did you first feel that you are mentally suffocated?

Hindi naman iyon ang unang beses na nangyari kay Serene ang bagay na 'yon. Maraming beses na siyang napahiya sa sarili niya at sa pamilya niya sa harap ng hapag-kainan—sa umagahan man, tanghalian, o hapunan.

Hindi iyon ang unang beses na nasabihan siya ng tamad, kahit katatapos niya lang gawin ang bagay na ipinagawa sa kaniya.

Hindi 'yon ang unang beses na sinabihan siya ng pagod na pagod ka eh, gamit ang sarkastikong boses.

Madalas niyang marinig ang lahat ng iyon.

Madalas...

Sobrang dalas...

Dahil nga sa sobrang dalas ay madalas din na nagsasawa na siya at sabihin sa mga itong sawang-sawa na siya sa mga salitang 'yon.

Pero ano ba ang magagawa niya, hindi ba? Dahil siya ang pinakabata sa pamilya, kailangan niyang manahimik na lang. Kailangan niyang huwag na lang magsalita dahil kailangan niyang galangin ang mas nakatatanda sa kaniya.

Oo, kasalanan naman niya, 'yon ang nasa isip niya.

Ang tamad niya, alam niya 'yon sa sarili niya.

Sa sobrang tamad niya ay hindi na niya masiyadong pinag-iigihan ang paghahanap ng trabaho dahil sa mga requirements na experience, pleasing personality, at CSE passer.

Ang dami niyang nakitang job opening na hindi kailangan ng experience sa past job, pero kailangan ng pleasing personality.

Ang dami niyang nakitang job opening na hindi kailangan ng pleasing personality, pero kailangan ay CSE passer ka.

Ang dami niyang nakitang job opening na hindi kailangan ng CSE passer, pero kailangan, may backer ka sa loob ng kumpanya.

Kaya paano siya magkakaroon ng pag-asa sa mundo at bansang punung-puno ng diskriminasiyon? Paano siya magkakaroon ng pag-asa sa buhay kung ang unang tinitingnan ay ang narrating at ang pisikal na anyo, at hindi ang talinong nakatago at puso para sa mga tao?

Nang bandang hapon, sinubukan niyang matulog, ngunit bigo pa rin siya. Kahit nakakaramdam siya ng antok at pagod ay hindi niya pa rin magawang makatulog dahil punung-puno ng isipin ang kaniyang utak.

Habang nakahiga siya sa kaniyang higaan ay pumasok ang kaniyang ina sa k'warto.

"Serene..." sambit ng pangalan niya habang nagbibilang ng pera.

"Oh, 'Ma?" sagot niya kasabay ng pagbangon mula sa pagkakahiga.

Inabutan siya ni Lerma ng pera, na puro isandaang pisong papel, na siyang ipinagtaka niya.

"Bakit? Para saan 'to?"

"Baka wala ka nang pera, eh. Para may panggastos ka."

Umiling si Serene kay Lerma.

"Hindi mo ako kailangang bigyan palagi ng pera, 'Ma. Meron pa naman ako rito."

"Tsk. Kuhanin mo na! Itabi mo na lang kung hindi mo kaagad magagastos."

"'Ma, ano ba? May pera pa nga ako," saka mo na lang ako bigyan ng pera kapag may silbi na ako.

Gustong ituloy ni Serene ang sasabihin ngunit ayaw niyang maramdaman na baka mabastos niya ang kaniyang mahal na ina sa mga sasabihin.

"Serene, 'wag ka nang matigas ang ulo! Kuhanin mo na 'to kung hindi itatapon ko 'to!"

Pinilit ni Lerma na ilagay sa kamay niya ang perang iyon kahit na ayaw niya. Nang sa wakas ay nasa palad na niya ang perang iyon, saka pa lang umalis ng kaniyang k'warto ang kaniyang ina.

Nilamukos ni Serene ang pera at pinagpunit-punit saka ibinato sa kung saan kasabay ng malakas na pagsigaw niya sa loob ng k'warto.

"Hindi ko kailangan ang pera na 'yan!"

Ngunit imahinasiyon niya lang ang lahat ng 'yon.

Dahil ang totoo, hawak niya pa rin ang perang maayos na nakatupi, habang siya ay nakatitig dito. Tumulo ang mga luha niya dahil pakiramdam niya ay natapakan ng perang ito ang pagkatao niyang wala na ngang kasilbi-silbi sa mundo, ay nakuha pang makatanggap ng ganoong karaming pera.

Gusto niyang punitin at itapon ang perang hawak niya.

Gusto niyang sumigaw sa loob ng k'wartong iyon ay sabihing, hindi niya kailangan ang mga perang iyon.

Ngunit paano niya magagawa 'yon kung hindi niya naman nagawa kahit na minsan ang mailabas ang lahat ng nararamdaman niya? Kahit ang magpaliwanag ng punto sa mga nakatatanda ay hindi naituro sa kaniya ng kaniyang mga magulang.

Pinalaki siya ng mga ito na may respeto sa mga nakatatanda.

Pinalaki siya ng mga itong maging mahina.

Pinalaki siya ng mga ito upang manahimik sa mga kamalian na nararamdaman niya.

Lagi siyang binibigyan ng pera ng kaniyang ina, dahil alam niyang umaasa ito sa kaniya na balang-araw ay magsisipag din siya sa paghahanap ng trabaho; na balang-araw ay siya ang magbibigay sa kaniya ng mas magaan na buhay.

Hindi sila mahirap; sa totoo lang ay kaya niyang makuha ang gusto niya sa isang salita lamang. Pero hindi sila mayaman para bilhin ang mga bagay na hindi naman kailangan.

Sakto lang ang buhay nila—nasa pagitan ng mayaman ay mahirap.

Pero kahit na ganoon na kaginhawa ang buhay nila, gusto pa rin ni Serene na mailagay sa maganda at malaking bahay ang kaniyang pamilya. Gusto niya na mailibot ang kaniyang pamilya sa magagandang lugar sa Pilipinas, maging sa ibang bansa. Gusto niya magkaroon ng magandang sasakyan para may magagamit siya sa paglilibot kasama ang kaniyang pamilya niya.

Pero paano niya magagawa 'yon kung wala man lang siyang kahit na anong pangarap?

Hanggang dito na lang ba siya? Hanggang dito na lang ba siya sa loob ng bahay, nakakulong, at hinihintay ang araw na mamamatay na siya?

Ayaw niyang tumigil lang sa pag-aaral ang buhay niya. Ayaw niyang tumigil sa pagiging tambay ang buhay niya. Pero paano niya maitutuloy ang buhay niya kung hindi niya alam kung ano ang gusto niyang gawin?

Hanggang dito na lang ba siya sa pag-iisip kung ano ang silbi niya sa mundong ginagalawan niya?

Kinagabihan ay nag-message sa kaniya ang isa niyang kaklase noong kolehiyo.

Micaela Cruz: 
Uy, Serene! Kumusta ka na?

Serene: 

Ah, okay lang naman.

Hindi niya alam kung bakit nagdalawang-isip pa siya noong isi-send na niya ang reply niyang 'yon.

Micaela:
Saan ka nagwo-work?

Serene: 

Wala pa, e...

Gusto niyang mahiya dahil dalawang taon na silang nakapagtapos pero hanggang ngayon ay wala pa siyang trabaho. Ang Micaela na kausap niya ay mayroon kaagad trabaho pagkatapos nitong magtapos.

Maganda kasi, kaya nakahanap kaagad ng trabaho.

Micaela:
Hala, 2 years ka nang ganyan? Bakit?

Serene: 

Hindi ko alam, e. Ayaw nila sa akin? Haha

Micaela: 
Uy, grabe ka. Ang daming hiring ah? 'Di nauubusan ng hiring, lalo na sa call center, makukuha ka doon!

Serene: 

Hindi. Hindi ako pwede sa call center.

Mahina ang katawan ni Serene, kaya naman hindi niya kaya ang sunud-sunod at sabay-sabay na puyat, pagpipigil ng ihi, antok at gutom. Umpisa pa lang ay alam na niyang hindi niya kakayanin 'yon, at ayaw rin ng kaniyang ina dahil alam niyang ganoon nga sa call center.

Micaela:
Grabe, ano ba ang gusto mo?

Ano nga ba ang gusto ko?

Serene: 

Hindi ko alam. Hindi ko nga alam ano silbi ko sa mundo at bakit pa ako nabuhay, e. Haha

Micaela: 
Grabe kahit kailan ang drama mo. Haha!

Bumilis ang tibok niya nang mabasa ang reply ng kaniyang kaklase. Hindi niya sukat akalain na iyon ang unang sasabihin nito. 'Yon pa naman ang tunay niyang nararamdaman ngayon. Mabuti na lang pala at nilagyan niya ng tawa ang dulo ng reply niya dito.

Serene: 

Nagbibiro lang naman ako ☺

Micaela: 
Wag ka kasing maarte sa pagpili ng trabaho. Kung ano 'yung dumating sa 'yo, grab mo kaagad. Paano ka uunlad niyan? Baka mamamatay ka na lang, tambay ka pa rin hahaha

Pigil ni Serene ang paghinga niya sa tuwing nakikita niya ang tatlong tuldok na lumalabas sa screen, na ang ibig sabihin ay typing, lalo na nang mabasa niya ang reply na 'yon. Mukhang nagkamali pa siya ng desisyon ng pag-reply sa mensahe nito sa kaniya. Sana pala ay hindi na lang niya pinansin, alam naman niyang walang pakialam sa nararamdaman niya ang mga kaklase niyang ginamit ang talino at kakayahan niya.

Serene: 

Feeling ko rin hahaha. :)

Hindi na niya nireplyan pa ang kaklase niyang 'yon at pinatay ang internet ng cellphone. Nagsisi lang siya sa ginawa niyang pag-reply sa kan'ya, dahil ngayon ay nasira pa lalo ang gabi niyang sirang-sira na dahil sa mga taong katulad ng Micaela na 'yon.

Gano'n ba ang motto ng mga tao sa buhay? Dahil ba desperado na ang mga tao na magkaroon ng trabaho, tatanggapin na ang kahit na anong ialok dito? Kahit ba hindi niya gusto ang trabahong iniaalok sa kaniya ay kailangan niyang tanggapin 'yon dahil kailangan niya ng trabaho?

Para lang magmukhang may silbi sa mundo?

Ang laging nasa isip niya, bakit niya gagawin ang bagay na hindi naman niya gusto sa simula pa lang? Sa buong buhay niya sa kolehiyo, gaano man niya kagusto ang kurso niya, hindi niya gustong makipag-plastikan sa mga propesor na walang ibang nakikita kung hindi ang mga mayroon nang mga parangal. Hindi niya gustong maging taga-gawa ng school works ng mga kagrupo niya.

Pagod na siya sa ganoong klaseng buhay. For once, gusto niyang gawin ang bagay na gusto talaga ng isip at puso niya. 'Yong bagay na kahit nakakapagod man gawin ay ngingiti pa rin siya kasi 'yon ang gusto niyang gawin.

Ngunit paano niya gagawin 'yon kung hindi naman niya alam kung ano ang gusto niya sa buhay?

Paano niya gagawin 'yon kung wala man lang siyang maisip na kahit na anong plano para magkaroon siya ng pangarap?

Okay lang ba ang mabuhay nang walang pangarap?

Hindi...

Para sa kaniya, kahit kailan, hindi magiging okay ang mabuhay nang walang pangarap. Dahil para sa kaniya, kung wala siyang pangarap, para lang siyang nabuhay para huminga.

***

Kinabukasan ay maaga siyang umalis ng bahay para maghanap ng maaaring magbigay sa kaniya ng idea kung ano ang dapat niyang gawin sa buhay niya.

Baka kapag namasyal siya habang inoobserbahan ang kapaligiran, malalaman na niya kung ano ang gusto niya, 'di ba?

Baka kapag naobserbahan na niya nang mabuti ang kapaligiran, magkakaroon na siya ng ideya sa kung ano ang dapat niyang gawin para maging okay ulit siya.

Una niyang pinuntahan ang eskwelahan kung saan gusto niya dating mag-aral. Pero dahil ayaw niyang gumastos nang malaki at maging pabigat sa magulang at sa Tita niya na nagbigay sa kan'ya ng scholarship, hindi na niya binanggit pang muli 'yon.

Hindi na niya napansin ang sarili niya na sumakay siya ng jeep at nagpahatid sa mall. Una niyang pinuntahan ay ang National Book Store kung saan palagi siya dating tumatambay pagkatapos ng klase.

Mapait ang mga ngiti niya habang binubuklat ang bawat pahina ng isang aklat kung saan itinuturo ang iba't-ibang bagay tungkol sa emosiyon ng tao.

Ilang oras siyang nagtagal sa book store, paulit-ulit na binubuksan ang mga aklat na may kinalaman sa sikolohiya. Ang mga nobela na nai-publish ng mga manunulat kahit sa murang edad pa lang ay nagbibigay ng kirot sa puso niya.

Lahat ng ngiti niya ay may halong pait... dahil hindi niya nagawa ang mga bagay na nagawa ng mga taong nagsulat ng mga aklat na 'yon.

Nang magutom siya ay pumasok siya sa loob ng fast food para kumain. Mahaba ang pila dahil oras na ng tanghalian, pero hinayaan na niya dahil kahit saan naman siyang fast food chain magpunta ay mahaba ang pila.

Makalipas ang ilang minuto ng pagpila ay siya na ang o-order ng pagkain niya. Hindi niya alam kung bakit siya kinakabahan sa tuwing nasa harap na siya ng cashier para sabihin ang order niya.

"What's your order, Ma'am?" tanong sa kaniya ng magandang babae sa counter.

Hindi kaagad siya nakasagot dahil bigla ay parang umurong ang dila niya, at parang nakalimutan na niya ang pangalan ng pagkain na oorderin niya.

"Ang tagal naman, gutom na ako..." rinig niya ng taong nakapila rin sa likod niya.

Lalong bumilis ang tibok ng puso niya. Naramdaman niyang pinagpapawisan na siya nang malamig dahil sa kabang nararamdaman niya. Para sa sarili niya, mukha siyang tanga, dahil ang simpleng pag-order lang ng pagkain ay kinakabahan kaagad siya, samantala lagi naman siyang umo-order ng pagkain niya dati.

"Ahh, ano po, 'yung burger patty..." panimula niya dahil bigla niyang nakalimutan ang pagkain na oorderin niya, pero sigurado siyang alam niya ang pangalan ng pagkaing 'yon bago pa siya dumating sa counter.

"Ano po? Burger po?"

"Ahh, hindi po. 'Yung patty po na may rice..."

Hiyang-hiya si Serene habang ipinapaliwanag ang meal na gusto niyang order-in pero nakalimutan niya ang pangalan.

"Ahh, gutom na talaga ako, nakakainis..." muli, ay rinig niyang sabi ng taong nakapila sa likod niya.

Napakuyom siya ng kamao sa sobrang hiya na nararamdaman nang dahil doon.

"Ahh! Mushroom Pepper Steak po, Ma'am!" nakangiting sambit ng cashier sa kaniya.

Tumango lang siya at ngumiti rito bilang tugon, tsaka ni-punch ng huli ang mga order niya. Sobrang bilis at lakas ng tibok ng puso niya habang nandoon siya sa harap.

Nang babayaran na niya ang order niya ay dumagdag pa sa kaba niya dahil 'di pa pala siya nakakakuha ng pambayad at nasa bag niya pa ang wallet niya. Nagmamadali niyang kinuha ang wallet niya sa bag para bayaran ang pagkaing in-order niya nang sa gano'n ay makaalis na siya sa lugar na 'yon.

"I received five-hundred pesos, Ma'am."

Nakahinga siya nang maluwag nang sinuklian na siya ng cashier. Ilang saglit lang ay ibinigay na sa kaniya ang order niya. Kinuha niya ang tray at naghanap ng bakanteng upuan. Buti na lang at mayroon nang natapos kumain sa two-seater table, kaya naman doon siya umupo. Mabilis na nilinis ng crew ang table bago niya ipinatong ang tray niyang may pagkain.

Sunud-sunod ang pagbuga ng hininga ni Serene nang sa wakas ay nakaalis na siya sa nakakasakal na lugar na 'yon. Pakiramdam niya ay pinipiga siya kanina habang nandoon siya sa harap ng counter. Napahilamos na lang siya ng kaniyang mukha dahil sa pawis na lumalabas dito.

***

Kinagabihan, habang kumakain sila ng hapunan ay nagsalita ang kaniyang ina.

"Serene, wala ka bang nahanap na ideya ng negosyong itatayo mo?" panimula ni Lerma.

Bumilis ang tibok ng puso niya nang bumalik na naman doon ang topic nila ng kaniyang ina.

"W-Wala po."

Nagbuntonghininga si Lerma. "Alam ko namang hindi madali 'yan. Gusto mo bang mag-aral ulit?"

Nanlaki ang mga mata ni Serene sa narinig.

"Po?"

"Hindi ba't sinabi mo sa akin na makakapagturo ka kung mag-aaral ka ng Masters?" tumango siya. "Kailan mo balak kuhanin 'yon?"

Ibinaba niya ang tingin sa plato. Akala niya, tapos na ang usapin tungkol sa pagtuturo. Hindi pa pala.

"H-Hindi pa sa ngayon, 'Ma."

"E, kailan pa? Kapag matanda ka na?"

Napalunok siya sa kaba nang marinig ang bahagyang pagtaas ng tono ng boses ni Lerma.

"Ma naman, bata pa naman ako."

"Kailan mo gustong kuhanin 'yon? Kapag matanda ka na at hindi mo na 'yon kailangan?"

Hindi nakasagot si Serene. Tumingin lang siya sa kapatid niyang si Helene, na nakatingin lang sa kaniya, pero walang bakas ng panghuhusga sa mga mata nito. Wari ba'y naiintindihan siya nito sa nararamdaman niya ngayon.

"Ma, bakit ba kailangang magmadali? Bata pa ako, 22 pa lang ako. Puwede kong kuhanin 'yon kahit anong edad ko basta nakatapos ako ng college. Bakit niyo ba ako minamadali, 'Ma?"

Ibinaba ni Lerma ang hawak na kutsara at tinidor, tsaka sumandal sa upuan.

"Pinagtsi-tsismisan ka na ng mga kapit-bahay natin, palamunin ka raw. Gusto mo bang gano'n na lang ang tingin nila sa 'yo? Ayaw mo bang patunayan sa kanila ang sarili mo?"

Muntik na siyang maiyak nang marinig ang salitang naglalarawan sa kaniya para sa mga kapit-bahay nila. Siguro nga tama sila, na palamunin lang siya. Kasi wala naman siyang naitutulong sa kanila, eh. Buti pa ang kapatid niya, marunong sa gawaing-bahay. Samantalang siya, walang alam. Kahit ang magsaing ng bigas ay nasusunog niya pa.

"Bakit ba kasi kailangan nating sundin ang mga sinasabi nila?" nauubusan ng pag-asang sabi ni Serene nang hindi na niya matiis pa ang pananahimik. "Hindi naman sila ang nagpapakain sa atin, ah? Bakit nagpapaapekto kayo sa kanila? Wala akong dapat patunayan sa kanila, 'Ma! Sino ba sila? Bakit ako makikinig sa kanila? Hindi ako magbabago hangga't hindi na ikaw ang nagsasalita, 'Ma!"

"Dahil hindi ko kaya nang nilalait-lait ka nila!"

Lalong naramdaman ni Serene ang pagbabara ng kung ano sa lalamunan niya habang ang mga luha niya ay pilit niyang pinipigilan.

"Ma, wala akong pakialam sa kanila! Buhay natin 'to, bakit kailangang pakialaman nila? Bakit hindi nila pakialaman 'yong mga asawa nilang walang ibang ginawa kung hindi ang lumaklak ng alak? Bakit akong nananahimik ang pinupuntirya nila?"

"Tumigil ka na, Serene. Kumain na lang nga kayo, 'Ma."

Natigil lang silang dalawa nang magsalita nang kalmado si Helene. Ngunit akala niya lang pala 'yon...dahil muling nagsalita ang kaniyang ina.

"Kuhanin mo na 'yon, bago ko pa isiping tama sila sa mga sinasabi nila sa 'yo."

Nanginig ang mga kamay niyang nakahawak sa kutsara't tinidor, kasabay ng mabilis na pag-agos ng mga luha sa pisngi niya.

Hindi na siya makahinga sa patong-patong na responsibilidad na binibigay sa kan'ya, kahit na alam niyang 'yon naman talaga ang dapat gawin niya. Kahit na alam niyang responsibilidad naman niya talagang pagandahin ang buhay niya at ng pamilya niya.

Masiyado na siyang nape-pressure sa mga tao sa paligid niya. Gusto niyang huminga...ngunit hindi niya alam kung saan siya lulugar na walang may pakialam sa mga ginagawa niya.

Ngunit saan siya pu-pwesto kung sa bawat lugar na puntahan niya ay may mga mapanghusgang tao sa paligid niya?

Gusto na lang niyang mamatay nang sa gano'n ay matigil na siya sa pag-iisip kung ano ba ang dapat niyang gawin sa buhay niya.

Gusto na lang niyang magpakamatay nang matigil na ang lahat ng mapanghusgang tao sa pagsasabi ng kung anu-ano tungkol sa kaniya.

___

So, what do you think? What are your thoughts while reading this story? ☺

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top