Chapter 02


TRIGGER WARNING!

This book contains content that some may find disturbing. Hallucinations, depression, pessimism in every chapter, suicidal thoughts and suicide will be tackled in this story.

Read at your own risk.


Chapter 02

When did you first feel that you're too pressured?


Isang buwan pa lang ang lumilipas simula noong nagtapos sa kolehiyo si Serene, pero ang mga kamag-anak niya ay nagpupunta sa kan'ya para sabihing tulungan sila sa pagpapaaral sa kanilang anak.

"Kailan ka ba magta-trabaho, hija?" tanong ng Tito ni Serene sa kaniya.

"Nagpapahinga lang po ako."

"Naku, kapag ikaw naubusan ng bakanteng posisyon, wala ka nang maabutan na trabaho dito! Mabuti pa, maghanap ka na ng trabaho mo ngayon pa lang."

Bahagyang ngumiti si Serene bago niya inilapag ang juice na kinuha niya para rito. "Hindi naman po ako minamadali ni Mama na magkatrabaho kaagad. Gusto niya rin po na magpahinga ako dahil masiyado akong napagod sa college," mahinahong paliwanag niya sa kaniyang tito.

"Pero paano mo kami matutulungan sa pagpapabaon sa mga anak ko?"

Napaawang ang bibig ni Serene sa narinig. Ano raw?

"Ano po?" takang tanong ni Serene dahil hindi niya naiintindihan ang sinasabi ng kaniyang tiyuhin.

"Hindi ba't tapos ka na sa kolehiyo? Ibig sabihin ay mabilis ka nang makakahanap ng trabaho dahil may kurso kang tinapos. Eh 'di, puwede mo na kaming tulungan sa pagpapa-aral sa mga anak ko. Noon ka pa namin hinihintay na makatapos at makahanap ng trabaho, eh."

Hindi nakasagot si Serene, dahil hindi niya inaasahang may nakaabang na palang responsibilidad sa kaniya noong bago pa man din siya makatapos ng pag-aaral.

"Kahit sa pagpapabaon lang, matulungan mo sana kami. Nahihirapan na kami sa buhay, hindi ko na rin alam kung makakapag-aral ba ng senior high ang pinsan mo. Kung bakit ba naman kasi naisipan pang dagdagan ang high school ng dalawang taon, eh 'di sana maaga siyang makakapag-kolehiyo."

Muli, hindi siya nakasagot.

"Basta, tutulungan mo kami, ha? Susubukan kong magtanong sa mga kakilala ko kung puwede ka nilang ipasok sa pinagta-trabahuhan nila nang sa gano'n ay hindi ka na mapagod sa paghahanap."

Gusto niyang tumanggi sa mga sinasabi nito dahil sigurado siyang ang mga trabahong sinasabi ng kan'yang Tito ay malayo sa trabahong gusto niyang gawin.

Pero ano nga ba ang gusto niya?

"P-Pero hindi po ako nagmamadali sa paghahanap ng trabaho, Tito."

Ngumiti ito sa kan'ya. "Pero kailangan mo nang magkaroon ng trabaho nang sa gano'n ay matulungan mo na kaagad kami sa pagpapabaon sa pasukan."

Kung hindi mo sana pinangbibili ng alak ang perang kinikita mo at ng asawa mo, 'di sana maluwag kayo sa buhay ngayon! Hindi mo ba kayang huwag tumikim ng alak kahit isang araw lang?!

Ngunit, s'yempre, hindi na naman niya nasabi 'yon dahil pinalaki siyang may respeto sa mas nakatatanda, dahil isang pambabastos 'yon para sa kanila. Kahit na siya ang nasa tama sa mga katwiran na gusto niyang sabihin, hindi niya pa rin magawa dahil hindi pwede. Kailangan mo pa rin gumalang kahit na ikaw na ang naaagrabyado.

Tumango si Serene bilang tugon.

***

Sinubukan ni Serene na maghanap kaagad ng trabaho matapos marinig na mayroong palang umaasa sa kaniya. Ilang resume na ang naipadala niya sa through email sa mga malalayong job opening. Nag-ikot na rin siya sa bayan kung saan maraming puwedeng pasukan ng trabaho, ngunit nabigo siya.

"Thank you, Ms. Villanueva. Tatawagan ka na lang namin kung pasok ka sa kumpaniya."

Bakit ba kailangan pang sabihin na tatawagan na lang, kung ang totoo, hindi naman talaga hired, 'di ba? Bakit kailangan nilang paasahin sa wala ang taong umaasang magkakaroon ng trabaho?

Sa paghahanap niya ng trabaho, unang hinahanap sa kaniya ay ang experience. Ngunit paano siya magkakaroon ng experience sa trabaho, kung kaga-graduate niya lang, hindi ba? At paano siya magkakaroon ng experience kung ayaw nilang tumanggap ng taong gustong magkaroon ng experience sa trabaho?

Ang ibang pinag-apply-an niya, ay tinanong kaagad sa kaniya kung nakapasa ba siya sa Civil Service Exam, na hindi pa niya kinukuha sa ngayon, dahil wala siyang reviewer no'n, at gusto niyang ipahinga pansamantala ang sarili sa pag-aaral.

Mabilis siyang humiga sa higaan nang makauwi siya mula sa huling interview na pinuntahan niya. Panglimang interview na 'yon, at alam niyang wala na naman siyang aasahan doon. Alam niyang walang tawag siyang matatanggap para sabihing pasok na siya sa kumpaniya. Wala siyang tawag na matatanggap dahil hindi naman talaga siya tanggap.

Hindi siya tanggap kasi with experience ang kailangan nila. Kaga-graduate niya lang at hindi siya makakakuha ng experience kung paulit-ulit nilang tatanggihan ang mga fresh graduates na naghahanap din ng experience.

Hindi siya tanggap kasi CSE passer ang hanap nila, dahil gobyerno sila, at kailangan nila 'yon. Hindi pa siya handang mag-take ng exam ng civil service dahil gusto muna niyang ikondisyon ang utak at katawan niyang napagod sa kolehiyo.

Hindi siya tanggap kasi with pleasing personality ang kailangan nila. Hindi naman niya nakikitang maganda siya. Simula noong bata pa lang siya ay kitang-kita na niyang wala siyang ganda. Hindi siya maganda para sa kaniya, lalong-lalo na sa mga mata ng mga taong mapanghusga.

Ipinikit niya ang mga mata niya at tumulo roon ang mga luhang bunga ng pagod niya sa buhay.

***

Ilang buwan na ang nakalipas simula nang makapagtapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo, at wala pa rin siyang nahahanap na trabaho. Nang mapagod umasang may tatanggap sa kaniyang kumpaniya, tumigil na siya at nanatili na lang sa bahay. Wala na siyang pakialam kung tawagin siyang palamunin ng mga taong makakakita sa kaniyang hanggang ngayon ay tambay siya. Unti-unti, nararamdaman niya na rin na bumibigay na ang lahat-lahat sa kaniya.

"'Ma..." pagtawag ni Serene sa kaniyang ina, na ngayon ay nananahi.

"Oh, Serene?" sagot nito habang nakatuon ang atensiyon sa mga damit na itinatahi.

"Okay lang ba sa 'yo na wala na muna akong trabaho?"

Ngumiti ito sa kaniya. "Oo naman. Kailan ba kita pinilit na magtrabaho?"

Bahagya siyang ngumiti. "Ayaw nila akong tanggapin, 'Ma."

"Okay lang, anak. 'Wag mong ipilit ang sarili mo sa mga kumpaniyang ayaw tumanggap sa 'yo. Sila naman ang nawalan ng masipag at matalinong empleyado. Kahit hindi kayo magtrabaho ng ate mo, kaya ko kayong buhayin. Kahit ako lang mag-isa. Kaya huwag ka nang malungkot d'yan."

Bilang mababaw ang luha ni Serene, sapat na ang mga salitang iyon para pagaanin ang loob niya. Sapat na ang mga salitang 'yon para malaman niyang hindi mataas ang expectation sa kaniya ng ina niya. Sapat nang dahilan 'yon para ngumiti siya.

Pero hindi sapat na dahilan 'yon para maging okay siya.

Hindi sapat 'yon para mabigyan niya ng tunay na ngiti ang kaniyang ina. Hindi sapat 'yon para maging kampante siya sa buhay niya.

Kailan nga ba siya naging kampante? Hindi siya naging kampante sa buhay niya. Kailanman ay hindi niya naisip na kampante na siya sa buhay niya, dahil lagi niyang iniisip, kailan ba niya mapapalitan ang kabutihang ibinigay sa kaniya ng pamilya niya?

Gusto niyang bigyan ng magandang buhay ang pamilya niya. Gusto niya na rin magkaroon ng trabaho nang sa gano'n ay tumigil na sa pagta-trabaho ang ina niya at siya na ang bahalang sustentuhan ang mga pangangailangan nito sa bahay.

Gusto niyang mabilhan ito ng bahay at lupa, kung saan, puwede nilang tirhan kung sakaling gustuhin man nilang lumipat ng bahay.

Gusto niyang ibigay ang lahat sa pamilya niya...pero paano niya gagawin 'yon kung walang tumatanggap sa kaniya? Paano niya magagawa 'yon kung hanggang ngayon ay nananatili siya sa bahay bilang walang kwenta?

Halos isang taon na siyang frustrated sa paghahanap ng trabaho. Halos isang taon na simula noong makatapos siya sa kolehiyo. Halos isang taon na siyang walang silbi sa kanilang bahay, pero ganoon pa rin ang sasabihin sa kaniya ng mabuting ina?

Pakiramdam niya ay hindi karapat-dapat na maging ina ng isang tulad niya si Lerma. Para sa kaniya, sobra-sobrang regalo mula sa Diyos ang maging ina si Lerma, at ang maging kapatid si Helene.

Pakiramdam niya ay wala naman siyang naiambag sa mundo kung hindi ang sama ng loob niya sa lahat, kaya para sa kaniya ay hindi siya nararapat magkaroon ng ganoong kabuting pamilya.

***

Lumipas pa ang mga linggo at buwan, pinili niya ang manatili na muna sa kanilang bahay. Habang siya ay nabo-browse sa Facebook isang gabi bago siya matulog, nakita niya na ang mga kagrupo niya sa paper works na ginagawa niya ay may kani-kaniya nang trabaho.

Buti pa sila... ang unfair ng mundo.

Nag-react siya ng heart sa mga posts nila na kasama ang mga workmates. Napagtanto niya na simula noong nagtapos sila ng kolehiyo, wala man lang kahit isa ang kumausap sa kaniya at nagpasalamat sa lahat ng ginawa niya para sa kanila.

Wala man lang nanatiling kaibigan niya sa lahat ng mga naging kagrupo niyang 'yon. Sobrang laking sama ng loob ang ibinigay sa kan'ya ng mga taong nakasama niya sa mga proyektong ginawa niya; mga taong naging kagrupo niya para sa proyektong ginawa niya.

Hindi siya nagmamayabang sa isip niya, dahil 'yon naman talaga ang totoo, dahil sa tuwing sinusubukan niyang humingi ng tulong sa kanila para sa group project nila, ang isinasagot ng mga ito sa kaniya palagi ay,

"Kaya mo na 'yan!"

"Wala akong laptop, kayang-kaya mo naman 'yan, ikaw pa ba?"

"Hala, anong alam ko d'yan? Ikaw na lang, please!"

"Uy, hindi ko alam kung paano, eh. Sorry..."

"Ako na lang bahala magpa-print!"

Sampo sila sa grupo, ngunit ang siyam sa sampung katao na 'yon ay iisa lang ang sinasabi sa tuwing humihingi siya ng tulong sa kanila. Na kaya na niya 'yon at hindi na niya sila kailangan. Na, wala siyang mapapala sa kanila.

Hindi niya pa rin nakakalimutan 'yong mga madaling-araw na ay nagbi-brainstorming pa siya, habang ang lahat ng kagrupo niya ay mahimbing nang natutulog. Hindi niya makakalimutan noong magpunta sila sa bahay ng kagrupo nila para sama-samang gumawa, pero iniwan siya sa harap ng laptop na nagtitipa, habang ang mga kagrupo niya ay naglalaro ng pusoy at nag-iinuman.

Putang-ina niyo, kayo ang pinakawalang kwentang tao.

Masiyado nang naging toxic ang isip ni Serene nang nilamon na siya ng inggit dahil ang lahat ng mga kagrupong wala namang ginawa para sa kaniya, ay may kani-kaniya nang trabaho ngayon.

Hindi man lang ako nagawang kumustahin...

Masayang-masaya na sila ngayong nakakatulong sa pamilya nila, habang siya ay nandito pa rin sa loob ng bahay nila, nananatiling walang kwenta. At sa loob ng halos isang taon na 'yon, hindi man lang siya nagawang kumustahin ng mga taong tinulungan niya sa lahat.

Nag-aral ba ako ng college para maging taga-gawa ng project niyo?

Hindi napansin ni Serene, na habang tinitingnan niya ang mga litrato ng workmates ng mga dating groupmates niya sa paper works, ay iniisa-isa niya na rin ang pagbubunot sa buhok niya.

Shit! Ito na naman 'to...

Dumadalas ang pangyayari sa buhay niya na may nagagawa siya sa sarili niya nang hindi niya sinasadya. Ang pagbunot ng buhok ay naging mannerism niya na simula noong mapahiya siya sa harap ng propesor at ng buong klase noong hindi tinanggap nito ang excuse letter niya. Sinubukan na niya 'yong tigilan, pero sa tuwing nag-iisip siya ng malalim, hindi niya napapansin na nagagawa na pala niya ulit.

Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya mailugay ang buhok niya. Masiyado na siyang maraming buhok na nabunot, na ngayon ay nahihirapan na sa paghaba, kaya makikita mo na ang anit niya kung sakaling ilulugay mo ang buhok niya.

"Serene! Bakit nagbubunot ka na naman ng buhok mo?!" sigaw sa kaniya ni Lerma, dahilan para magulat siya.

"'Ma, 'di ko napapansin na nagagawa ko na pala..."

Hindi pinansin ni Lerma ang paliwanag niya, dahil para rito, paulit-ulit na lang ang mga dahilan niya.

"Hindi ba't sabi ko naman sa 'yo na huwag mong hahayaan ang kamay mong walang hawak na kahit na anong gamit sa tuwing nag-iisip ka nang malalim?! Sinasabi ko sa 'yo, Serene. Sakit mo na 'yan!"

Muli siyang bumalik sa pagbo-browse sa Facebook noong matapos niyang pakinggan ang mga sinasabi ni Lerma.

Ni-click niya ang group chat nilang magkakaibigan, and at the same time, magkakagrupo sa paper works. Pinindot niya ang leave group at pagkatapos no'n ay nawala na sa Messenger niya ang group chat nila.

***

Eksaktong isang taon na ang nakakalipas noong makapagtapos siya ng kolehiyo, at ngayong gabi, magkasama si Serene at ang nakatatandang kapatid niyang si Helene sa kan'yang k'warto.

"Ate, bakit hindi ka naghanap ng trabaho?" tanong ni Serene.

"Alam mo namang wala na si Papa," panimulang sagot nito. "Sino na ang makakasama ni Mama dito kung, pati ako, aalis din? Nag-aaral ka pa no'n, eh. Ayoko namang iwan si Mama dito. Okay na 'yong ako na ang gagawa ng gawaing-bahay. Gusto kong samahan si Mama dito habang nagta-trabaho siya."

Tumango si Serene bilang tugon. Hindi na makahanap pa si Serene ng sasabihin kaya naman muli siyang nagtanong.

"Okay lang ba sa 'yo na gayahin ko ang dahilan mo?"

Tumawa si Helene. "Pagod ka na bang tanggihan at paasahin ng paulit-ulit?" tumango siya. "Ayaw mo bang maghanap ng dahilan para mawala 'yong pagod mo?"

"Hindi ko na alam kung saan ako mag-aapply, Ate. Sinubukan ko namang maghanap ng trabaho, pero wala talaga akong mahanap. Ayaw nila sa katulad kong hindi maganda."

"Huwag mo ngang sabihin 'yan. Maganda ka, okay?" nagbuntonghininga si Helene. "Sa totoo lang, mataas ang expectation ko sa 'yo. Na, ikaw ang magiging paraan para magpahinga na sa pagta-trabaho si Mama, pero hindi naman kita puwedeng pilitin na magtrabaho, 'di ba? Kasi tulad ng sinabi mo, pagod ka na," ngumiti si Helene sa kaniya. "Pero umaasa akong, nagpapahinga ka lang, at hindi ka tuluyang sumuko sa paghahanap ng trabaho."

Hindi na alam pa ni Serene kung ano ang sasabihin kaya nanatili na lang siyang tahimik.

"Serene, ano ba ang gusto mong gawin sa buhay kung hindi ka makakahanap ng trabaho?"

Lalong napatahimik si Serene, dahil sa buong buhay niya, hindi niya naisip kung ano ang gusto niyang gawin kung sakali mang hindi siya makakahanap ng trabaho. Gusto niyang magtayo ng negosyo kung sakaling magkakapera sila, pero hindi niya alam kung ano ang itatayo niya. Kumbaga, parang wala siyang pangarap na naiisip sa buhay niya.

"Hindi ko alam..."

"Bakit hindi mo alam?"

"Ikaw, Ate. Anong gusto mong gawin kung sakali?"

Natatawang umiling ito. "Hindi ko sasagutin 'yan, dahil alam kong gagayahin mo lang ang sasabihin ko," tumawa silang pareho. "Basta, Serene, malaki ang tiwala ko sa 'yong makakahanap ka rin ng trabaho, at pagagaanin mo ang buhay natin."

Muli, ay ngumiti na lang si Serene bilang tugon sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Helene.

***

Naging dagdag palaisipan sa kaniya ang tanong sa kaniya ni Helene.

Ano nga ba ang gusto niyang gawin kung hindi siya magiging empleyado? Ano nga ba ang kaya niyang gawin bukod sa paasahin sa wala ang mga taong umaasa sa kaniya?

Ano pa ba ang pwede niyang gawin?

Bakit hindi niya masagot? Bakit hindi niya mabigyan ang sarili niya ng kahit na isang halimbawa lang ng gusto niyang gawin? Bakit wala siyang alam? Pakiramdam niya ay nangangapa siya sa loob ng madilim na madilim na lugar. Wala siyang alam—para siyang mangmang sa isip niya.

Mahigit dalawang dekada na siyang nabubuhay sa mundo, pero bakit hindi niya alam kung ano ang gusto niya? Bakit hindi niya mabigyan ang sarili niya ng sagot? Masiyadong maraming pwedeng maging halimbawa sa kung ano ang puwede niyang gawin sa buhay niya, pero bakit wala siyang maisip kahit isa?

Nagbuntonghininga si Serene habang nakapikit at nakahiga sa bubungan ng bahay nila. Hindi na nga siya masaya sa buhay niya, wala pa siyang pangarap gawin. Para siyang nabubuhay sa mundong siya lang ang hindi tao—para siyang nabuhay para lang huminga.

Buhay nga bang matatawag 'yon kung wala naman siyang magawa? Pakiramdam niya ay wala siyang layunin sa mundo—na parang wala siyang dapat gawin. Parang binuhay lang siya para gawing palamuti sa mundong napupuno ng pangarap, saya at pag-asa. Wala siya sa tatlong nabanggit na iyon, dahil tulad ng naunang nabanggit, isa lang siyang palamuti. Pampadagdag lang—walang gamit, walang kwenta, walang silbi.

Binuhay Niya ba siya para lang mamatay ulit? Gusto niyang malaman kung ano ang silbi niya sa mundo. Gusto niyang malaman kung bakit nandito siya sa mundong ito. Bakit siya ang pinili Niyang mabuhay kung mas marami namang tao ang may silbi kaysa sa kaniya?

Umiling siya nang umiling nang sa ganoon ay mawala sa isip niya ang lahat ng iniisip niya ngayon.

Simula noong magkolehiyo siya ay napapadalas ang isip niya kung kailan ba siya mamamatay, at ayaw na niyang sumunod iyon sa mga iniisip niya ngayon, kaya naman inalis na niya sa isip niya ang lahat bago pa man magtuluy-tuloy.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top