Raquel Sein Lucid
Tirik na tirik ang araw sa kalangitan kaya hindi lang napapaso ang aking balat, mabubulag pa ako nang tuluyan kung hindi ko pa ibabaling ang aking paningin sa nakabubulag na liwanag ng araw.
Ilang beses na akong tumingin sa aking bagong relos kahihintay sa mga taong makikipagkita sa akin ngayon. Pinag-usapan naming magkakaibigan na magkita-kita sa araw na ito subalit mukhang isa lang sa kanila ang sisipot.
Lagi siyang huli sa oras. Kahit siya pa mismo ang nagsabi kung ano ang eksaktong oras kung kailan kami magkikita ay siya pa ang nahuhuli. Habang hinihintay ang mga kaibigan ko, nilingon ko na lamang ang naitayong Clock shop sa likuran ko.
Bagong tayo lang ito at ipinagmamalaki kong naabangan ko kung paano ito nasimulang maitayo at isa ako sa tumulong upang tuluyan itong matapos. At ngayon, tapos na nga ang inaabangan kong establisyimento.
Pakiramdam ko kasi, itinayo ito para sa akin. Parang nilikha ang bawat orasang nasa loob ng Clock shop na ito gamit ang kung ano mang pagmamay-ari ko. Ang bawat kamay at kasangkapang ginamit sa bawat orasang gumagana rito sa Clock Shop ay gawa sa bawat piraso ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ko.
Natulala ako sa malaking orasang nasa gitnang bahagi ng establisyimento at napansin kong tila nag-iba ang bilis ng kamay nito kaya napakurap ako. Sakto namang isang pamilyar na boses na ang tumatawag sa akin mula sa likuran ko.
Nilingon ko si Anthony na kumakaway at may dalang palumpong binubuo ng hindi gaanong sikat na uri ng bulaklak.
"Nahuli ka na naman sa ibinigay mong oras ng pagkikita natin sa kasunduan!" reklamo ko sa kanya ngunit nagawa pa rin niyang humalakhak sa paghingi ng kapatawaran.
Hinihingal siyang napapunas ng pawis sa pisngi at mabagal na iniawat sa akin ang palumpon ng bulaklak. "P-Pasensiya na, Raquel. May inasikaso lang ako kaya nahuli ako. Ito nga pala, sana magustuhan mo."
May nanaig na kiliti mula sa aking tiyan pero napili ko na lang na itago ang naramdaman ko. Malawak ang ngiti sa labi kong tumanggap ng bulaklak mula sa kanya saka ito inamoy. Ramdam na ramdam ang kalagitnaan ng Nobyembre sa bulaklak na ito.
Isang amoy na nagbibigay ng senyales na bukas na bukas ay tag-lamig na.
"Nagustahan ko nga. Salamat, Anthony." Medyo nanginginig ang aking labing ngumiti dahil sa pagpigil ko ng hindi mapigilang pakiramdam. Kapag nakikita ko ang nakangiting itsura ni Anthony, kapag naaamoy ko ang pabango niya, wala na akong ibang hinihingi pa kung hindi ang mga malapitan siya palagi.
"Hayst, sana tumuloy ka na lang sa loob ng shop para sumilong," payo ni Anthony sabay lagay ng suot na ivy cap sa ulo ko. "Nagbabad ka pa sa init ng araw."
"Ayos lang, basta sumipot ka," sagot ko sa kanya bago kami lumingon sa Clock shop na kailan lang ipinatayo.
"Anong masasabi mo sa Clock Shop? Raquel?" nakangiting tanong ni Anthony sa akin. Pirmi siyang nakatitig sa malaking orasan subalit ang titig ko'y nakatatak sa mukha niya.
Hindi ko maikurap ang aking mga mata, tila umaayon ang mga mata ko sa sarili nilang layunin. At iyon ay ang kay Anthony na lamang tumuon.
Napansin niyang napatitig ako sa kanya kaya umiwas ako ng tingin. Maamo siyang napangiti. "Ang Clock Shop, Raquel. Hindi ako."
"T-Tumigil ka nga. Nagtaka lang ako kasi napaka-disente mo sa kahit saang anggulo." Sobrang init ng mukha ko nang aminin ko iyon. Narinig ko ang halakhak niyang mas mahinhin pa sa mga babaeng bihirang makasalamuha sa ganitong panahon.
"Gusto mo ba sa disenteng lalaki?" tanong niya sa akin kaya napapikit ako. "Gusto kong makita ang mga mata mo. Tingnan mo ako nang maayos, Raquel."
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at nabigla ako nang nagtama kaagad ang aming mga titig. Nakalulunod ang mga mata nitong malalalim ang dalang mensahe para sa akin.
Mas nakakaakit ang kanyang bilog na mga mata kaysa sa mga orasang hindi nakasasawang tignan ng isang katulad ko.
"Napakaganda mo, kahit kailan. Simula noon, hanggang sa mga sumusunod na panahon," dagdag ni Anthony at sa labi niya ako napasulyap. Wala akong masabi. Wala akong balak itugon dahil mas lumalala ang nagwawalang kung ano man sa aking kalooban.
"Ganoon ka rin, Anthony." Nginisihan ko siya at tila kami na ang pinagtutuunan ng mga taong napapadaan dahil sa kalagayan ng mga mukha naming magkalapit ngayon habang ang palumpon ng bulaklak ay hawak ko mula sa likuran. "Hinding-hindi ka magiging isang dahilan ng pagsisisi kahit kailan."
Marami akong gustong sabihin sa kanya. Sobrang dami ng gusto kong aminin subalit naghihintay ako ng tamang araw, oras, panahon. Hinihintay ko.
Napalunok ito at nanatiling nakamantsa ang titig sa aking mga mata kahit tumayo na siya nang maayos. "Gusto kong gumana ang Clock shop na ito kahit hindi na umiikot ang takbo ng panahon sa ating dalawa."
Tinanguhan ko siya. Alam ko kung gaano kaseryoso si Anthony tungkol sa ipinatayong Clock Shop.
Mahal na mahal namin ang tirahan ng mga orasan na ito.
"Si Celestine at William?" tanong ko kay Anthony na dahilan ng muli nitong paglingon sa dako ko. Bumuka nang kaunti ang kanyang labi. Kalaunan, naipinta ang ngisi.
"Umalis sila nang panandalihan. Alam mo na." Umangat ang mga kilay ko dahil may kakaibang kahulugan ang mahina niyang tawa.
Si Celestine at William ang dalawa pa naming kaibigan. Mas nauna kaming nagkakilala ni Anthony bago namin ang dalawa.
At dahil kilala na namin ang sila. Isa pa ay, alam na alam na rin namin ang namamagitan sa kanila, naintindihan ko na ang nais iparating ni Anthony.
"Silang dalawa, malapit nang ikasal kaya...."
Napatakip ako ng bunganga. Buntis na si Celestine kaya magiging abala na siguro sila sa pag-aasikaso ng kanilang kasal ni William Lewis.
"Masaya ka ba para sa kanila?" ani Anthony kaya walang pagdadalawang-isip ang pagtango ko. "Sobrang saya ko. Kailan lang noong, nag-aasaran lang silang dalawa."
Napapikit ang kausap ko at mapapansin ang malalim niyang paghinga. "Tama, kailan lang."
"Alam mo? Napakahusay ng lumikha ng Orasan. Isang pahabang pana na hindi tumitigil sa pag-ikot, Tatlong daan at Animnapung Digri ang kayang maglahad ng panahon. Dahil sa imbensyong ito, nasasabi natin kung kailan natin sinimulan at tinapos ang isang bagay. Kung kailan hindi pa nagbago ang lahat o kung kailan nasa dati pa lang ang mga bagay."
"Dahil sa bagay na ito." Dahan-dahan siyang lumingon sa akin. "Mas patuloy akong nahihila ng kyuryusidad tungkol sa mangyayari sa hinaharap."
"Alam mo namang hilig na hilig ko ang orasan, hindi ba? Raquel?" Ngumiti siya sa akin na mas ikina-init ng magkabila kong pisngi.
Umiwas ako ng tingin dahil ayaw kong makita niya ang pamumula ko. "O-Oo."
"Kada tumitingin ako sa orasan, mas ginaganahan akong magpatuloy sa lahat ng bagay. Para makaiwan ako ng senyales sa kada segundong nadaraanan ko. Hanggang sa mailapag ko ang marka sa huling segundo kung kailan ako huminto sa pagpapatuloy."
"Kailan mo gustong ikasal, Raquel?" tanong niya matapos biyang banggitin ang kanyang dahilan sa pagkagusto sa orasan. Awang ang labi kong natulala dahil sa diretsahan niyang tanong. Wala akong maisip na sagot.
Wala akong dapat na ihayag bilang tugon.
Kasi minsan, may mga bagay na hindi mo na dapat ipaliwanag, sagutin o tanungin lalo na kung nasa harapan mo mismo ang dahilan.
"Kapag mayroon na 'yong tamang tao at sumapit na 'yong tamang panahon."
Lumawak ang ngiti niya bago hinawakan ang ulo ko. "Mayroon na ba?"
"Meron na."
"Ganoon din ako. Tila hinihintay na lang natin ang tamang panahon."
Tama ka, Anthony.
Hinihintay na lang din natin. Kagaya nina Celestine at William.
Sana dumating.
Siguro, darating.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top