Meeting Spot
-Raquel Sein Lucid-
Maaga akong lumabas ng bahay para puntahan ang hulugan ng sulat sa may harapan ng gate namin. Inaasahan ko ang bagong balita mula sa kaiimprintang diyaryo na tungkol sa ipinapatayong pagawaan ng orasan sa may Kiran Street. Interesadong interesado ako sa pagawaang iyon at hindi na ako makapaghintay na matapos nila ang pagawaan ng Orasan.
Bumalik ako sa loob ng bahay na may dalang ngiti sa mukha saka diyaryo sa kamay. Umupo ako sa may salas saka humigop sa kape bago ibinuklat ang pahayagan at sa wakas ay mayroon nga sa mga pangunahing isyu 'yon.
Kasalukuyang pagpapatayo ng Pagawaan ng Orasan Ngayong 1995 sa Kiran Street dito sa Syudad ng Ireal.
Kasalukuyang inaasikaso ang pagpapatapos ng ipinapatayong bagong Pagawaan ng Orasan dito sa Kiran Street na pinangungunahan ng Arkitektong si Mr. Antonio. Ayon kay Mr. Antonio, nais niyang maayos ang magiging resulta ng establisyimentong siya ang may disenyo at hinihiling na lamang nito na magtatagal ng ilan pang dekada ang Pagawaan para maipakita sa mga susunod na panahon ang ganda ng Orasang ating pinagbabasehan ng panahon.
Sa mga iteresado hinggil sa mga detalyeng nagbibigay-impormasyon sa bagong Pagawaan ng Orasan. Maaari ninyong lapitan si Mr. Antonio sa Kiran Street ngayon. Siya na rin ang nagsasabing hihintayin niya ang mga taong lalapit, kakausap at magtatanong sa kanya.
Isinara ko kaagad ang binabasa kong Journal nang dumaan si Rosellia sa harapan, may dalang tasa ng kape.
"Interesado ka na naman sa Pagawaan? Iba ka talaga, Raquel," saad niya na umiiling pa. "Nabasa ko na 'yan, at sino naman ang may sira sa ulo na lalapit kay Mr. Antonio na 'yan para pag-usapan ang Pagawaan?"
Kumibit ako kay Rosellia bago siya humigop sa kape niya. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon ang sinabi ni Mr. Antonio sa mga tao. Siguro, ang akala niya ay maraming lalapit sa kanya para tanungin siya at pag-usapan ang Clock Shop.
"Hindi natin alam, mukhang may inaasahan naman talaga siya," saad ko kay Rosellia at humalakhak. Ilang beses na lamang na umiling at umungot si Rosellia nang mapansin niyang mabilis akong tumayo para magbihis na.
"Eh? At saan ang punta mo ngayon? Hindi ba't wala ka namang trabaho?" tanong niya kasi may dala na akong tuwalya patungo sa banyo.
"Huwag mong sabihing ikaw 'yong isa sa mga inaasahan ng Arkitekto na lalapit sa kanya ngayon?" tila hindi niya makapaniwalang tanong at halos ibuga niya ang hinihigop na kape dahil sa pagsagot ko ng, "Ganoon, na nga. Kakausapin ko siya nang personalan!"
Hindi man alam ni Mr. Antonio na isa ako sa mga interesado tungkol sa Clock Shop, dali-dali pa rin akong tumungo sa Kiran Street upang makipagkita sa kanya at sana naman ay pansinin niya ako.
Wala naman akong nais na tanungin sa kanya tungkol sa Clock Shop. Gusto ko lang na malaman niya kung gaano ako ka-interesado. Gusto kong malaman ng Arkitekto na sang-ayon ako sa nais niya.
Nais niyang tumagal ang Clock Shop sa matagal na panahon.
Inayos ko ang aking sarili bago ako tumawid sa kalsada para dumiretso sa kasalukuyang ipinapatayong gusali sa tapat ko. Pagkarating ko ay halos mawalan ako ng hininga sa pagtawid dulot ng kaba at pagod. Mainit pa kasi kaya mas dumagdag 'yon sa paghingal ko.
"Magandang umaga," bati ng isang lalaki sa tapat ko. Mula sa pagkakasandal ko sa sariling mga tuhod, napatayo ako nang maayos at aking nasilayan ang napakapormal na lalaki.
Ang bata ng itsura niya at mukhang matalino rin. Hindi ko namalayang matagal kaming nagkatitigan hanggang sa ako ang umiwas ng tingin.
Nanikip ang dibdib ko dahilan ng aking paglunok. Hindi ko alam, iba ang epekto niya sa akin. Ang pagtitig niya.
Ang itsura niyang umagaw talaga sa atensyon ko.
"Magandang araw din po. Nakita niyo po ba ang Arkitektong si Mr. Antonio rito?" tanong ko sa kanya at nagtaka ako sa biglang paglaki ng mga mata niya.
Kalaunan din ay napahalakhak ito sabay turo sa sariling dibdib. "Ako ba ang hinahanap mo, binibini?"
Napatakip na lamang ako ng bunganga sa pagkabigla dahil hindi ko naman inasahang siya si Mr. Antonio. Hindi ko pa naman kasi nakikita sa larawan o personal ang taong 'yon.
"M-Magandang araw po sa inyo! Kagaya po ng sinabi niyo mula sa balita. Nandito ako ngayon para makipag-usap sa inyo tungkol sa ipinapatayong Pagawaan ng Orasan ngayon," nahihiya kong pahayag sa kausap ko. "Ako nga pala si Raquel Sein Lucid!"
Iginawad ko ang aking palad sa kanya. Nakipagtitigan muna siya sa akin bago tinanggap ang kamay ko. Mas nilalamon tuloy ako ng hiya.
"Masaya akong makilala ka, Raquel Sein." Nginitihan niya pa ako bago namin binitawan ang isa't isa. Napakadisente niya, sobrang buti kung huhusgahan. "Ako nga pala si Anthony Antonio. Kasalukuyang naka-destino sa pagdisenyo ng Clock Shop na ito."
Halos kuminang ang mga mata ko sa lubos kong paghanga sa kanya.
"M-Maraming salamat sa pagdidisenyo mo nito! Hindi mo alam kung paano mo nakumpleto ang buhay ko sa Pagawaang ito. Tila kasi..."
"Tila napagtanto ko na, nahanap ko na, nalaman ko na kung ano ba 'yong matagal ko nang hinahanap pero hindi ko lang masabi," masaya kong sabi kay Mr. Anthony at hindi ko napansing sobrang lapit ko na pala sa kanya.
Dahil sa hiya, mainit ang mukha kong lumayo at humingi ng paumanhin. Nadala lang talaga ako.
"Sa totoo lang, hindi ko maipalawanag kung bakit sobra akong nasisiyahan pero sana maintindihan niyo ako," dagdag ko sa kanya. Laking gulat ko nang sa akin lang siya nakatuon, mariin siyang nakikinig.
"Gustung-gusto ko pa kasi ang tumitig sa mga orasan." Napangiti ko pa siya sa mga pinagsasabi ko kaya nagawa niya pang hawakan ang tuktok ng ulo ko.
Natutuwa siya sa akin.
"Masaya ako sa pagpunta mo rito. At sana malaman mo rin na sobra akong nalugod sa dahilan mo para makipagkita sa akin ngayon, Raquel," ani Mr. Anthony sa akin.
"Ako pa lang ba ang lumapit sa inyo ngayon?"
Ngumiti siya. "Ganoon na nga."
Natawa ako. "Mukhang inasahan niyo talagang may pupunta at kakausap sa inyo sa araw na ito."
Hindi nawala ang ngisi sa labi nito at bago pa man siya makapagsalita, isinuot niya ang Ivy cap niya sa akin. "Pag-usapan natin ang kahit na anong gusto mong pag-usapan, Raquel. Ako na ang bahala sa gagastusin sa pagkain."
Malugod kong tinanggap ang alok niya sa akin at hindi ko inasahang hindi lang ang tungkol sa Clock Shop ang pinag-usapan namin. Lumayo pa kami tungkol sa personal na mga bagay katulad ng buhay namin, mga gusto naming gawin at ayaw namin. Nalaman niya kung paano ang nararamdaman ko sa Pagawaan ng Orasan. Nasabi ko sa kanya kung paano binubuo ng Pagawaan ang sarili ko.
Na tila binubuo ito para sa akin.
"Matagal na tayong magkakilala at halos araw-araw na rin tayong nagkikita rito sa Kiran Street, gusto mo bang magkaroon ka ng bahagi sa pagdisenyo?" alok no Anthony sa akin kaya halos ibuga ko ang tubig na iniinom ko. Inayos ko ang isinuot niyang Ivy cap niya bago ko siya sinimangutan. "Wala akong alam sa mga ganiyan. Isa pa, hindi ko inaral ang pagiging Arkitekto."
Humalakhak lang siya kaya bumuga ako ng hangin. Kaya ako pumupunta rito sa Kiran Street para makita siya at ang Pagawaan. Matagal na namin itong ginagawa at mukhang nagsasawa na rin ang mga naririto sa pagnumukha namin.
Nahalata ko rin namang nandito rin si Anthony kapag mayroon ako. Hindi ko alam kung nakatadhana ba o hindi.
Pero masaya ako kapag nakikita kong nandito rin siya.
"Sabihin mo na lang kung napag-isipan mo na," ani Anthony sa akin. Sandali akong napatigil para titigan ang mga mata niya. Hindi siya nagpatinag.
"Napag-isipan kong?"
Kumibit ang mga balikat niya. "Na tumulong." Mabagal kong iginawad ang ngisi sa labi bago bumuga ng hangin. "Masaya akong tatanggap ng alok mo."
Tumagal ang apat na taon, natapos na rin sa wakas ang pinakainaabangan kong Clock Shop. Sobra akong napamahal dito, sa tuwing naririto ako sa mismong harapang ng malaking orasan, mas nadadama ko ang rason kung bakit ako nabuhay. Kung bakit kailangan kong magkaroon ng buhay na may magandang kinabukasan at kapalaran.
At napakalaki ng pasasalamat ko sa kanya. Gusto kong malaman ni Anthony kung gaano kahalaga ng disenyo niya, at siya mismo para sa akin.
Apat na taon din akong nagkaroon ng kakaibang daloy ng buhay. Na tila, simula noong nakilala ko siya, nagkaroon ng pagbabago ang lahat ng bagay, ang buong mundo para sa akin. Binago niya ang kasiyahan ko, nagmumula na sa kanya ang lahat ng rason ko sa araw-araw.
At nakalulugod ang katotohanang iyon.
Kumurap na ako upang makabalik sa kamalayan.
"Kailan mo gustong ikasal, Raquel?" tanong niya sa akin. Ngumiti ako kasama ang itsurang nagpapakita ng sobra kong pagka-lugod na makilala siya. Na naitanong niya iyon. Ngunit hindi ko alam ang nais kong isagot.
Wala akong dapat na ihayag bilang tugon.
Kasi minsan, may mga bagay na hindi mo na dapat ipaliwanag, sagutin o tanungin lalo na kung nasa harapan mo mismo ang dahilan.
"Kapag mayroon na 'yong tamang tao at sumapit na 'yong tamang panahon."
Lumawak ang ngiti niya bago hinawakan ang ulo ko. "Mayroon na ba?"
"Meron na."
"Ganoon din ako. Tila hinihintay na lang natin ang tamang panahon."
Tama ka, Anthony.
Hinihintay na lang din natin. Kagaya nina Celestine at William.
Sana dumating.
Siguro, darating.
Si Celestine at William, malapit nang ikasal at hinihintay na lang namin ang araw na iyon. At hinihintay ko rin kung kailan kay Anthony. Kung kailan din sa akin.
Hinawakan na ni Anthony ang kamay ko at tila humihingi ang kanyang itsura ng pahintulot para hawakan ako.
"Kumain na muna tayo," aya niya kaya masaya akong tumango bago kami tumawid sa kalsada.
At sana, hindi na lang kami nagpatuloy.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top