1999
-Raquel Sein Lucid-
Magkahawak ang mga kamay naming humakbang para tawirin ang kalsada. Sinusundan ko siya. Hindi ako nagsasawang titigan ang itsura ni Anthony. Ang ngiti niya, ang itsura niya sa kahit na anong emosyon at ang buo niyang pagkatao.
Sobrang saya ko, kasi nakilala ko siya.
Gusto kong magpasalamat sa kahit na anong rason kasi nagkakilala kami.
Malawak ang ngiti sa labi ko habang hawak niya ang kamay ko. Ilang sandali lang ay tila bumagal ang lahat ng mga bagay nang lumingon si Anthony sa akin na may itsurang nakagagambala.
Ako kaagad ang tiningnan niya at hindi na ako nakapagbigay ng tugon dahil mabilis niyang binitawan ang kamay ko.
Hindi ko alam ang dapat kong sabihin o gawin.
Basta na lang ay napakalakas niya akong itinulak. Magkakahalong lungkot at takot ang nasa mukha niya. Nawala ang maliwanag na ngiti ni Anthony.
"Raquel!"
Sigaw nito at bago ko pa man siya tawagin sa kanyang pangalan. Nawala na lang siya sa paningin ko. Tanging ang mabilis na humarurot na sasakyan ang sumunod na nasilayan ko.
Pero bago niyon, ngumiti siya sa akin. Ginawa niya ang lahat para muli kong makita ang mukha niyang puno ng kasiyahan. Na kahit sa bandang huli, nakita ko ang pasasalamat niya kasi nagawa niya iyon sa akin. At ako ang huli niyang nakita't nakasama hanggang sa huli.
Rest In Peace
Anthony Antonio
Born on April 09, 1976
Died on November 24, 1999
Umuulan nang sobrang lakas at ako na lang ang naiiwang nakatayo sa harapan ng puntod niya. Gusto kong panatilihing nakasindi ang kandilang pinapayungan ko. Mabuti na lang at hindi pa ito nababasa.
Ayaw kong ganito ang hangganan namin. Ayaw kong mawawala na lang siya. Paano na 'yong pangarap namin? Hindi ba, balak pa naming ikasal? Sigurado akong pareho kami ng balak. Gusto naming dalawa na panatilihing nasa maayos na kalagayan ang Clock Shop. Pareho ang nais namin.
At iyon ay ang magkasama kami hanggang sa hulihan.
Pero hindi ko naman inasahang ito ang hulihang naisulat sa kapalaran namin. Hindi ko matanggap.
Bakit niya ginawa sa akin 'yon? Mas magandang siya na lang ang nabuhay kaysa sa akin.
Namatay siya para protektahan ako.
Namatay si Anthony dahil prinotektahan niya ako. Ang kapalaran ang nagtungo sa amin sa hantungang ito.
Hindi ko na natiis ang pagpigil sa pag-iyak kaya napaupo ako sa damuhan, gusto ko siyang yakapin ngayon.
Nabitawan ko na rin ang payong kaya sumabay na sa luha ko ang pagpatay ng kandila. Wala akong pakialam sa makakarinig sa akin.
Gusto kong ilabas ang sakit kasi hindi ko matanggap.
Pumikit ako at umiyak nang umiyak. Hinihiling ko na sana mabigyan ako ng paraan para mailigtas siya.
Kahit bumalik man lang ako sa nakaraan. Kahit mabuhay man lang siya sa mga tila makatotoohanang panaginip ko kada gabi.
Pero iba pa rin.
Iba ang totoo sa makatotohanang panaginip.
Mabagal akong bumangon saka tumayo bago iniyuko ang ulo.
Kung puwede lang kitang iligtas ulit, baka magagawa pa nating maging masaya.
Nang pumikit ako para patuluhin ang mga luha ko ay tila nawala ang ginaw na nararamdaman. Tila natuyo kaagad ang akimg damit at katawan.
Dahil sa pagkabigla ay napansin ko na lamang na nasa loob ako ng isang silid. Hindi---- ang mga orasang makikita sa buong paligid.
Nasa Clock Shop ako.
Anong nangyayari?
Lumabas ako para malaman ang lugar na kinaroroonan ko at napansin kong gabi na. Nasa Clock Shop ako ngayon. Alas dose na ng gabi.
Bakit?
Nananaginip ako.
Muli akong pumasok sa loob ng clock shop at nagtaka ako kung bakit may naidikit na papel sa isang malaking orasan. Ang orasang ito ay isa sa mga gustung-gusto kong titigan.
Nagtataka man ay binasa ko ang nilalaman ng papel at tila liham ito.
Ang sulat pa lamang na nilalaman ng kasulatan, alam ko na kung kanino ito nanggaling.
Halos manlamig ako sa pagbabasa.
"Malugod ako't nakilala kita. Hindi ko alam kung ano ang paraan para maipakita ang pasasalamat na ito. Raquel Sein, sobrang bilis ng panahon. Pero sa tingin ko ay magtatagal ang takbo nito kung palagi nating ginagamit sa masayang bagay ang bawat segundo."
"Dahil sa 'yo, hindi nasayang ang bawat segundo ko. Naging matagal ang takbo ng bawat kamay ng orasan para sa akin nang naging magkasama tayo."
"Bago kita nakilala, bago kita nakausap at nakita sa personal, tila isahang kurap lang ang baente-kuwatrong oras na iniikot ng orasan sa akin. Sobrang bilis, hindi ba? Pero kahit gaano pa man kabilis o katagal ang takbo ng bawat segundo, ginagawa ko ang lahat, mapatagal lang ang panahong natitira sa akin. At iyon ay ang paraan para maging masaya ako, hindi ako nagsising ikaw ang naging paraan na iyon."
"Nais kong sabihin sa 'yo na, tila isang kurap lang ang dalawang ikot ng kamay ng orasan. Napakabilis matapos ng isang araw, hindi ba?"
"Pasensiya na, Raquel. Pero kalahating kurap lang ang itatagal ng panahon ko. Kung ihahambing nga ang tagal ng buhay ko sa pag-ikot ng orasan kada isang araw ay labindalawang oras lang ang naitadhanang oras ko para mabuhay."
"At sapat na rin iyon para maitayo ko ang Clock Shop. Nakita mo 'yon, natupad din ang pangarap ko na makita ka."
"May mukha ang orasan. Pero may mata nga rin ba ito? Raquel? Tinatanong ko 'yon noon sa sarili ko.
"At napagtanto kong may magagaang mata nga ito. Hindi ako nagsasawang makipagtitigan sa 'yo."
"Nababasa mo man ito ngayon, maraming salamat. Maraming-maraming salamat, Raquel."
"Subalit hayaan mong hanggang alas-dose lang ang hangganan ko. Gusto kong sumaya ka sa susunod na panahong natapos na ang hangganang mayroon sa akin."
"May mata ang mga orasan, nakita ko rin ang takbo nito nang magkatitigan tayo sa harapan ng itinatayong Clock Shop. Mabuti't nagpakita ka noon, dahil nagawa kong masilayan ang imahe ng Clock Shop na kumpletong naitayo at kasama pa kitang nakaharap dito."
"Sana maging masaya ka, magpatuloy ka kahit ano man ang mangyari. Hindi tayo hinihintay ng panahon, iniiwan tayo nito kung magpapaiwan tayo, Raquel."
"Magpatuloy ka at lulunasan ka rin ng sarili mo. Lulunasan ka ng bawat segundong lumilipas. Wala akong pinagsisihan."
"Mahal na Mahal din kita, Raquel. Mahal na mahal."
Hindi ko na naman mapigilan ang sarili ko sa paghagulgol. Inasahan ng sino mang makababasa ng kasulatan niya ang mga luha kong tutulo. Hinahayaan ako ng buong mundo ngayon para sumigaw at iyakan ang lahat-lahat.
Marami akong nabuong katanungan. Punung-puno ako ng mga katanungang dapat siya ang sasagot. Buo rin ang desisyon kong iligtas siya.
"Anong ibig mong sabihin dito? Anthony?"
Tanggap mo na ba?
Inasahan mo ang maaga mong pagkamatay? Hindi ko maintindihan. Bakit mo ginawa 'yon? Bakit kailangan mong mawala? Bakit tinanggap mong mawala?
May pag-asa ka ba sana para mabuhay?
Siguro, siguro sobrang laki ng pagkakataon mo para iligtas ang iyong sarili pero napili mong paiklihin ito kasi ito ang naitadhanang haba ng buhay mo.
Nagawa mong paiklihin ito para sa kapakanan ko.
Napapunas ako ng mga tumulong luha sa pisngi ko. Subalit wala rin iyong silbi ngayon at wala nang balak para huminto ang mga mata ko sa pagluha.
Muli kong binasa ang katuloy ng kanyang kasulatan.
"Masaya ako sa maikli kong panahon. Pero, gusto kong maging maligaya ka hanggang sa katapusan ng mahabang oras na mayroon sa iyo."
"Natapos na ang araw ko nang hindi ko ito nakukumpleto. Subalit may kukumpleto ng panahon ko sa susunod na araw, Raquel. Iligtas mo ako sa susunod na araw. Iyon ang hinihiling ko para sa 'yo. Iligtas mo ako sa araw ng naging hangganan ng aking panahon."
---
"Ibig sabihin, may malala siyang sakit at inasahan niya ang maaga niyang pagkamatay," wika ko sa aking sarili habang kaharap ang limang piraso ng puting matitibay na papel. Mariin ko itong inaanalisa habang katabi ang isang orasang binili ko sa Clock Shop. Ito ang orasan kung saan ikinabit ni Anthony ang liham niya para sa akin.
Kahihingi ko lang kay Mamá ang limang piraso ng importanteng matitibay na papel na ito para sa dapat kong gawin.
Nalaman ko na rin ang buong detalye sa mga magulang ko. Tungkol sa tunay kong pagkatao na matagal ko na ring napapansin. At hinggil na rin sa kung paano ako bumalik sa nakaraan noong nabasa ko ang liham niya. Nagawa ko ring makabalik sa kasalukuyang panahon, dala ang isinulat ni Anthony.
"Magandang araw, Raquel. Kaarawan ni August bukas. At sana ay makadalo ka sa pagdiriwang ng bago naming anak," masiglang bati ni Celestine sa kabilang linya ng telepono matapos ko itong sagutin.
Hindi ako nagbigay ng nabiglang reaksyon kahit na tila may boltahe ng kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko nang mabanggit ni Celestine ang panganay nilang anak ni William na si August Lewis.
Higit sa lahat, bagong silang ang ikalawa nilang anak na lalaking si Austin Lewis.
Sumilay ang ngiti sa labi ko.
"Sure, pupunta ako. Pakisabi kay August na bibilhan siya ni Tita ng toys, okay? Hindi na rin ako makapaghintay na makilala si Austin."
"Masaya kami ni William sa pagtanggap mo! Aasahan ka namin next week!"
Ibinaba na namin ang tawag at mabilis kong kinuha ang kalendaryo saka ang marker pen sa ibabaw ng lamesa.
Noong isang linggo naipanganak si Austin Lewis.
Ika-siyam ng Marso sa taon ng 2003 o ngayong taon ito naipanganak at magiging dalawampu't tatlong taong gulang na siya sa taong 2026.
Namatay si Anthony sa gulang na dalawampu't tatlo. At sa araw din ng Nobyembre 24.
Nilagyan ko ng ekis na simbolo ang petsa ng ika-syam ng Marso dahil iyon ang kaarawan ni Austin. At ang dapat kong puntahang araw ngayon ay ang bawat Nobyembre 24 ng mga sumusunod na taon.
Huminga ako nang malalim saka ngumiti. Kailangan kong magtagumpay. Ngunit kung mabibigo ako sa unang subok, gagawin ko ang bagay na ito nang paulit-ulit. Para kay Anthony.
Hawak ang limang piraso ng matitibay na papel, tumayo ako nang matuwid para harapin ang gumaganang orasan.
Nang kumurap ako ay kaharap ko na ang Clock Shop. Awang ang labi kong namangha sa nakikita kong pagbabago ng mga sasakyan, mga ibang establisyimento ang ng mga kasuotan ng napadadaang tao.
Ang laki ng pagbabago ng lahat sa susunod na mga taon. Pero, ang Clock Shop, nandito pa rin.
Anthony, nakikita mo ba 'to? Nakita mo ito, hindi ba? Mayroon pa rin! Walang pinagbago.
Unti-unti akong naganahan para gawin ang misyon kong ito. Napangiti ako nang makita ko ang dalawang taong magkahawak ang kamay sa may tapat ng Clock Shop at tatawid na sila.
Muli akong bumalik sa kasalukuyang taon at araw para isulat ang araw kung kailan mangyayari ang nangyari kay Anthony. At tama ang araw na hinala ko.
Pagkatapos niyon, lumipat ako sa ika-23 ng Nobyembre, taon ng 2026 para ayusin ang magaganap.
Paano nalaman ni Anthony ito? Paano niya nadiskubreng mauulit ang nangyari?
Iwinaglit ko muna iyon sa isipan ko upang makapagpokus sa dapat kong pagtagumpayan.
Sinubaybayan ko nang maayos ang pagtanda ng kukumpleto sa hindi nakumpleto ni Anthony.
Tutuparin ko ang kanyang kahilingan, ano man ang mangyari.
Dala ang limang piraso ng papel na may lamang guhit at kulay. Idinikit ko ito sa ilalim ng orasan ng tinitirhan kong apartment bago umalis sa kasalukuyang panahon nang hindi nagpapaalam kay William at Celestine. Nanatili ako, nagpatuloy ako sa hinaharap para subaybayan ang kahilingan ni Anthony.
"Inasahan mo naman ang abilidad ko para sa kahilingang ito, hindi ba? Anthony?" tanong ko habang kaharap ang puntod nito. "Kung puwede lang na iligtas ka sa nakaraan, gagawin ko iyon."
"Pero mas ginusto mong tuparin ko ang hiling mo," dagdag ko pa bago naglakad para dumiretso na sa Café kung saan ako makikipagkita kay Austin at sa mga kaibigan niya.
At sana ay, hindi lang si Sophia ang makikilala ko sa kanila ngayong araw na ito.
Dahil kung mayroon ang mga taong inaasahan kong magpapakilala, magtatagumpay ako.
---
A/N: If you ever felt unsatisfied with how did Raquel get such abilities. As dropped before, this story has a huge connection to Conflict of Confucius. Kapag nabasa niyo man 'yong first to third chapters ng Conflct of Confucius, malalaman niyo 'yong existence ng ability ni Raquel Sein Lucid. Period.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top