Chapter 7: Tunggalian

"ZOMBIE!"

Kaagad nagsitayuan ang lahat at nag-umpisang magtakbuhan papalayo nang nagsimulang umatake ang mga halimaw sa kapwa lang din nila estudyante. Kitang-kita ni Mills kung papaanong sa isang iglap lang ay nagkagulo ang loob ng cafeteria.

Kaliwat kanan ang nakikita niyang takbuhan at ang halo-halong sigawan at angil na pumupuno sa malawak at kwadrado nitong silid. Ngunit sa kabila ng kaniyang mga nasaksihan ay nanatili siyang tuod. Kasalukuyan pa rin siyang nakatayo habang bitbit  ang order ng kaniyang guro. Ni kahit ang kumurap o umatras man lang ay hindi na niya nagawa pa dahil sa tila takot na bumabalot ngayon sa kaniyang sistema.

"A-Anong nangyayari?" nalilito niyang usal nang hindi mapigilan ang sarili na manginig at magpalipat-lipat ng tingin. Hindi niya magawang intindihin ang gulong nangyayari ngayon at ang isang bagay na hindi niya maipaliwanag ay kung bakit may mga kapwa siya estudyante na hindi na maipinta pa ang itsura. Marahas ang mga iyon kung kumilos at ang mas nakakahindik pang senaryo na nasaksihan niya ay kumakain ito ng tao. Bagay na mas lalong nagpanindig sa kaniyang balhibo dahil hindi talaga sila nalalayo sa itsura ng isang zombie.

"Mills!"

Patuloy din siyang nababangga ng ibang mga nandito  na mahahalatang nawawalan na nga ng pakialam sa ibang tao at puro na lamang sarili ang iniisip. Sa halip na mainis o pumatol sa mga nakakadaupang palad niya ay hindi na niya iyon pa napagtuunan ng pansin. Saktong paglingon niya sa bandang kaliwa ay ang siya namang pagkabasag ng dingding na gawa sa salamin. Mabilisang nagsihulog ang nagkapira-pirasong bahagi nito maging ang mga bubog sa ibaba at ang siya ring pagpasok ng mga panibagong grupo ng mga halimaw.

"Mills!" Muling isinigaw ni Yohan ang pangalan ng kaibigan sa kagustuhang agawin ang atensyon nito. Hindi niya alam kung naririnig ba siya ng kaklase o hindi lalo na at punong-puno ng ingay ang loob. Idagdag pa ang katotohanan na may kalayuan na ang agwat nila ngayon lalo na at naitulak din siya papalayo ng mga estudyante rito kanina.

Kahit ano pa ang gawin niyang pagkuha sa atensyon ng dalaga ay hindi  talaga ito lumilingon sa gawi niya. Lalo na at may mga halimaw din sa paligid na pinipilit harangan ang kaniyang pag-alis. Akmang makikipagpalitan ng atake si Yohan pero natigil na lamang iyon nang biglaan niyang marinig ang isinambit ni Corbin.

"Tol, si Mills!"

Nang mag-umpisang umatake ang panibagong grupo ng mga halimaw ay ang siya ring pagbagsak ni Mills sa matigas na sahig. Hindi na nakayanan pa ng kaniyang sarili ang panatilihin ang kaniyang balanse lalo na at kung sinu-sino na lamang ang tumutulak sa kaniya. Ramdam niya ang sakit na nagmumula sa kaniyang likod at ang namumuong  kirot sa kaliwang siko na siyang ginamit niyang pantukod para hindi mauntog ang kaniyang ulo.

Sa kabila ng kaniyang sinapit ay tiniis niya ang sakit saka nag-umpisang gumapang paatras para makaiwas sa mga mesang nagsisitumbahan at para na rin makahanap ng mapagtataguan. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay naagaw niya nang tuluyan ang atensyon ng isang zombie na nakatalikod ngayon sa kaniya.

Dahan-dahang lumingon ang ulo nito kasabay ng marahan nitong pagkilos. Kitang-kita ni Mills kung paanong binago ng hindi matukoy na dahilan ang itsura ng kapwa niya estudyante. Inusisa niya itong maigi, una niyang napansin ang nanlilisik at napakaputi nitong mata, mga dugong tila bahang patuloy na dumadaloy paibaba mula sa ilong at bibig nito, at panghuli ay ang maputlang balat ng kaharap na pinaliligiran ng mga nagsilitawang itim na ugat.

Dala ng labis na pagkagulat ay muli siyang hindi nakakilos, tila ba nakandado ang kaniyang mata sa halimaw at nakalimutan na ng kaniyang katawan ang gumalaw.

"Tangina!" magkahalong kaba at takot niyang usal.

Walang sinayang pang pagkakataon ang papalapit na zombie at parang asong ulol na sinarado ang distansya nila ni Mills. Huli na para sa dalaga ang makaiwas lalo na at mabilisan itong pumaibabaw sa kaniya, mabuti na lamang at naigawa niyang mapigilan ang magkabila nitong balikat kaya hindi umabot ang mukha nito sa leeg niya. Pigil-hininga siyang nakipagtagisan ng lakas habang pinipilit na itinikom ang kaniyang labi nang sagayon ay hindi mapasukan ng pinaghalong dugo at laway na galing sa katunggali ang bibig niya.

Humugot nang malalim na hininga si Mills kasabay ng marahan niyang pagtulak sa zombie na nagawa naman niyang mapaalis. Sa lakas ng kaniyang pagkakatulak dito ay bumagsak din iyon kaagad sa sahig ngunit hindi pa man lumilipas ang minuto ay nakabawi rin ito kaagad.

Sa ikalawang pagkakataong pag-atake ng halimaw ay hinuli nang mabilisan ng dalaga ang kamay nitong nagbalak na kalmutin siya. Madalian niya itong inikot patalikod saka pwersahang sinipa ang likurang bahagi ng tuhod nito. Muling bumagsak sa ibaba ang zombie at nagpupumilit na makawala para lang atakehin siya, ngunit hindi nagpatinag si Mills. Daglian niyang inikot ang mata sa kaniyang gilid kung saan mayroong mesa na nakapwesto. Sa ibabaw no'n ay nagkalat ang mga kubyertos at ang nagsitumbahang baso. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at hinablot na kaagad ang baso saka niya iyon hinampas sa ulo nito. Hindi pa siya nakuntento at sinunod niyang kinuha ang tinidor bago nagpasyang ibaon iyon nang tuluyan sa sentido ng zombie.

Sa kabilang banda, kitang-kita ni Yohan kung paano iyon pabagsakin ni Mills, bagay na siyang nakapagpagulat sa kaniya. Hindi niya inaasahan ang magiging galaw ng dalaga lalo na at wala naman itong karanasan sa kahit anong pisikalang labanan. Kaya papaanong nagawa nitong patumbahin ang hindi ordinaryong nilalang nang gano'n lamang kadali?

Patuloy niyang inoobserbahan ang nakakapagtakang kilos ng kaklase at halos hindi na niya inabala pa kung gaano kadelikado ang kanilang lagay ngayon.

"Yohan, ilag!" Kung hindi lang niya narinig ang nakakabinging boses ni Corbin ay baka hindi pa rin siya kikilos. Saktong paglingon niya ay nakita niya ang papasugod na zombie sa kaniyang pwesto. Hawak ang kaniyang dalang tray ay daglian niya itong hinampas sa ulo ng halimaw. Makailang beses niyang inulit-ulit iyon hanggang sa tuluyang tumilapon ang zombie palayo sa kaniyang kinatatayuan.

"Tangina mo, Yo! Umayos ka naman!" singhal sa kaniya ng kasama matapos mapansin ang biglaan niyang pagkatulala kanina. Hindi na lamang siya nakipagtalo pa bagkus ay hinanda na ang sarili para sa panibagong zombies na papunta sa kanilang gawi.

Samantala, hindi pa rin tumitigil si Mills sa pakikipagbuno sa mga halimaw na pilit siyang inaabot. Kasalukuyan na siya ngayong nakatayo sa ibabaw ng mesa dahil hindi niya na rin kinakaya pang manatili sa ibaba dahil parami na nang parami ang bilang ng mga zombies na napapadpad dito sa loob. Kaya wala siyang pagpipilian kundi ang sumunod sa ibang mga estudyante na sumampa rito sa ibabaw.

"N-No, you're not going anywhere. H-hindi ako papayag na aalis ka, Selwyn!" Kahit pa abala si Mills sa pag-iwas mula sa mga kamay ng mga halimaw  na pilit hinahablot ang paa niya, hindi niya rin mapigilan ang sarili na mapalingon sa kaniyang gawing gilid kung saan nakapatong din doon ang dalawang estudyante. Sa unang tingin ay mahahalatang magkasintahan ang dalawang iyon.

"I am not going t-to leave you, okay? Kailangan mo lang na maunang umalis. Susunod din naman ako kaagad sa'yo, Ely," paniniguro ng binata saka marahang hinawakan ang magkabilang palad ng kasama. Hindi na nito inantay pa ang magiging sagot ng kaharap bagkus ay walang pasa-pasabi itong bumaba sa mesa at doon patakbong tinungo ang bakanteng long table. Buong pwersa niya iyong itinulak patungo sa mesang kinalalagyan nila Mills na para bang plano nitong idugtong doon.

Nang matagumpay niya iyong nagawa ay sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglaan itong inatake ng zombie. Kitang-kita ni  Mills kung paano sumirit mula sa leeg nito ang preskong dugo ng lalaki. Ang senaryo ring iyon ang naging dahilan kung bakit napasigaw ang kasintahan nito.

"A-Alis, Ely," nahihirapang sambit ng lalaki bago ginamit ang natitirang lakas para hilahin ang monoblock chair bago niya iyon hirap na hirap na pinatong sa mesa. "U-Umalis ka na!"

Nang hindi pa rin ito kumilos ay si Mills na ang nagkusang hilahin ang kamay ng dalaga. Maingat niya itong inalalayan patawid sa mesa saka dahan-dahang inihakbang ang paa lalo na at may mga halimaw pa rin na pilit silang inaabot.

"Selwyn!" Mangiyak-ngiyak na sigaw ng babae sa pangalan ng kaniyang nobyo. Nagpupumilit siyang magpumiglas mula sa pagkakahawak ni Mills ngunit sinisiguro talaga ng dalaga na hindi siya makakaalis. Binaybay nilang dalawa ang pinakadulong bahagi ng mesa hanggang sa narating nila ang pinakagilid ng cafeteria. May kalakihan ditong salamin na binata at kasyang-kasya talaga ang sinumang tao na magbabalak na lumabas mula rito.

"Kaya mo naman sigurong akyatin 'yan di'ba?" Turo ni Mills sa bintana. Daglian siyang lumapit doon saka niya itinulak ang casement window. Sandali siyang tumingkayad para silipin ang ibaba ngunit gaya ng inaasahan ay may nagtatakbuhan din ditong estudyante pero hindi gano'n karami ang bilang. Sa isip niya ay ligtas itong daan para makatakas kahit papaano.

Nanginginig siyang tinanguan ng estudyanteng kasama kaya wala na siyang sinayang pang oras at ipinuwesto ang monoblock chair bago siya nagdesisyon na pasampahin ang dalaga. Hindi pa man ito nakakakilos ngunit biglaan na lamang na umalog-alog ang mesa dulot ng mga nagtutulakang mga estudyante sa ibaba kaya naman ay pareho silang nawalan ng balanse.

Ngunit hindi lang iyon ang ikinabahala ni Mills, dumagdag ang kaba na namumuo sa loob niya nang makita ang kaklaseng si Quincy na walang kahirap-hirap na sumampa sa lamesa. Sunod niya na lang nalaman na itinulak nito ang dalagang kanina lamang ay inaalalayan niya.

"Ahh!" sigaw ng babae matapos itong bumagsak sa grupo ng mga zombies na nag-aantay sa ibaba. Hindi nakayanan ni Mills na marinig ang iyak ng babae kaya lihim niyang kinagat ang ibabang bahagi ng kaniyang labi bago ikinuyom ang kaniyang kamao.

Diretsong pumukol ang mata niya sa direksyon ng binata ngunit hindi man lang siya nito binigyan ng pansin.

Akmang sasampa na sana si Quincy sa bintana pero dagliang sinipa ng dalaga ang tinutuntungan nitong monoblock. Tumilapon ang upuan sa ibaba kasabay ng pagbagsak ni Quincy sa ibabaw ng mesa.

"Lintik!" pasigaw na usal ng binata bago marahang nilingon ang kaniyang pwesto. "Ano bang problema mo, Mills? Kung gusto mong mamatay dito sa loob, pwes magsolo ka. Huwag na huwag mo akong idadamay sa mga kaputanginahang trip mo ngayon!"

"Kaputanginahan?" sarkastikong ulit ng dalaga. "Sino kaya iyong mas putangina sa'tin ngayon ha, Quincy? Bakit, ako ba iyong selfish na inuna iyong sarili at kayang manulak para lang maunang makalabas diyan?"

Gumuhit ang hilaw na ngisi sa labi ng kaharap bago sumagot. "Ano bang pinuputok ng butsi mong babae ka?" Nanghahamon nitong tanong. "Teka teka, huwag mong sabihin sa'kin na dahil lang iyon sa babaeng iyon?" Turo nito sa dalagang naging isa ng zombie.

Nang hindi sumagot ang kaklase ay doon na siya mapaklang natawa bago naghilamos ng mukha. Hindi niya makapaniwalang tignan ang pwesto ng dalaga bago dismayadong umiling.

"Pwes kung 'yan lang din naman ang ikinarereklamo mo, madali lang naman akong kausap." Agarang sinarado ng binata ang distansya nilang dalawa bago pwersahang hinila ang kamay ni Mills. "E 'di samahan mo siya, putangina ka."

Marahang tinulak ni Quincy ang dalaga paibaba at dahil din sa umaalog ang mesa ay tuluyang itong nawalan ng balanse at nahulog nga sa ibaba. Bumagsak ang katawan ni Mills sa madulas na sahig na hindi rin kaagad nakakuha ng tiyempo para makatayo.

"Mills!" Magkasabay na tawag ni Corbin at Yohan.  Umalingawngaw sa loob ang nakakabingi nilang sigaw na siya ring naging rason kung bakit pati si Quincy ay napalingon sa gawi nila.

"Nagsama ka pa ng mga bodyguard na walang silbi, tss. E 'di magsama kayong mabulok dito." Huling sambit ng binata at nang binalak niya ulit na tumakas ay hindi iyon natuloy dahil sa mga kamay ng zombies na nakapulupot sa paa niya.

"Mills!" sigaw ulit ni Yohan saka daglian tinungo ang pwesto ng dalaga. Pilit niyang itinitulak palayo ang mga zombie na humaharang sa kanila ni Corbin. Pahirapan din ang paglapit nila rito dahil sa pwersa na nagmumula sa mga halimaw.

"Tangina!" wala sa wisyong naiusal ni Quincy nang makita kung paano nag-umpisang nagsitumbahan ang estante ng mga plato sa gawing gilid. Naunang nagsihulog ang mga babasagin sa gawing ibabaw niya kaya wala siyang ibang pagpipilian kundi ang iwan ang lamesa at patakbong bumaba.

"Dito, Mills!" sigaw ni Corbin bago hinila ang kamay ng kaklase. Ramdam ng binata ang malamig nitong balat dala ng labis na pawis at pagod. Nanginginig din ito kaya naman maingat niya itong inalalayan patayo. Patakbo silang lumayo roon para hindi sila tamaan ng mga nagsibagsakang gamit.

Giniya sila ni Yohan sa pinakasulok na lamesa. May kalakihan ito at medyo mababa kaya hindi sila masyadong kita. Walang ni isa sa kanila ang nagbalak na nagsalita at puro mabibigat lang na paghinga ang maririnig.

Halos mapakapit si Corbin kay Yohan nang biglaang bumagsak sa mismong sahig hindi kalayuan sa kanilang kinalalagyan ang isang estudyante na inaatake ng zombie. Nakaharap ang mukha nito sa kanila habang punong-puno ng luha ang mukha at nanghihingi ng tulong.

Hindi nakatakas sa kanilang mga mata kung paano ito binawian ng ulirat at tuluyang nilamon ng pagbabagong-anyo.

"Iyong mga itsura nila," biglaang usal ni Mills, "hindi nalalayo sa itsura ni Chloe kanina," diretso niyang dugtong.

Hindi siya maaaring magkamali dahil kung titignang maigi ang mga bagay na napansin niya kanina, kuhang-kuha talaga ang bawat detalye. Mula sa maputla nitong balat hanggang sa kung paano ito naging bayolente.

"Ano namang kinalaman ni Chloe rito kung gano'n?" kunot-noong tanong ni Corbin. "Na siya iyong naging rason kung bakit nagkandaletche-letche na iyong nangyayari, gano'n? Para na nga tayong nasa Leaf 4 Dead nito, e. Ang kaibahan lang, kapag napatay tayo rito, patay na talaga, wala ng round 2."

"Hindi ko rin alam, Corbin," pag-amin ng dalaga.

"Hoy, Yohan. Ano bang sinilip-silip mo riyan?" sita ni Corbin sa kaibigan na kanina pa yumuyuko at paulit-ulit na nag-oobserba sa labas. Hindi kumibo ang kaklase bagkus ay pinanatili lamang nito ang tingin sa labas at paminsan-minsa'y sinisilip ang suot na relo.

Ilang saglit pa ay biglaang tumunog ang school bell senyales na tapos na ang recess at magsisimula na ang panibagong period. Naalerto silang tatlo lalo na nang tila nagkaroon ng pagyanig ang loob ng cafeteria dulot ng mabibigat na yabag ng mga zombies waring naging isang asong ulol sa tunog. Tumakbo ang mga ito at pasarampay na tinungo ang speaker na nakapwesto sa gawing ibabaw ng malaking pinto.

Gulat at nagtataka man sa inaasal ng mga halimaw ngunit binalewala na ito ni Yohan, mabilis niyang nilingon ang dalawang kasama saka tahimik na sumenyas.

Iminuwestra ng binata ang kaniyang hintuturo palabas bago binigyan ng nag-uutos na tingin si Corbin. Subalit sa halip na kumilos para sana maunang lumabas ay daglian itong umiling at piniling manatili sa kaniyang pwesto. Nakita niya pa kung paano ito siniko ng dalaga para paunahin ngunit sinamaan lamang ito ni Corbin ng tingin.

Nang akmang si Mills na sana ang lalabas para mauna ngunit madalian siyang pinigilan ni Yohan. Naunang gumapang ang binata palabas at saka pa sumunod ang dalaga, hindi pa sana lalabas si Corbin ngunit dahil nga sa ayaw niya ring maiwang mag-isa, wala siyang ibang pagpipilian kundi ang labag sa loob na sumunod.

Tahimik nilang binaybay ang cafeteria at nagbabakasakali na makahanap ng ibang daanan ngunit napaliligiran ng mga halimaw ang dalawang pinto nitong loob. Miski ang mga bintana ay pahirapan ding malapitan lalo na at madulas na ang sahig at mahihirapan na silang makasampa.

"Ano ng plano mo, Yohan?" mabilisang tanong ni Corbin na mahahalatang natataranta na.

"May isang pinto pa akong alam. Nasa kitchen area iyon," kalmadong sagot ng binata bago ninakawan ng tingin ang tinutukoy.

"Gago? Papasok tayo riyan tapos hindi man lang natin alam kung anong sasalubong sa atin doon?" mabilisang tutol ng kasama.

"Wala tayong choice, Corbin. Kung gusto mong manatili rito, bahala ka," gatong ni Mills bago sumenyas kay Yohan na iilang minuto na lamang ang natitira para huminto ang paulit-ulit na pagtunog ng bell.

"Aish, bahala na nga lang. Kung mamatay man ako, at least di'ba kasama ko kayo," napipilitang sambit ng binata at doon na nagdesisyong sumunod.

Pinasok nilang tatlo ang kitchen area at muntik pang madulas si Corbin sa gulat dahil sa isang zombie na naipit sa natumbang dish rack. Nagpupumilit itong abutin sila ngunit mabuti na lamang at nahihirapan itong makaalis kaya wala na silang dapat pang ipag-alala.

Akmang tutuloy na sila sa paglalakad pero biglaang sumenyas si Yohan ng hinto. Si Mills ang unang nakakita sa senyas niya kaya agaran siyang huminto, hindi kagaya ni Corbin na bumangga pa sa likod ng dalaga.

"Tago!"  pabulong na sambit ni Yohan nang makita ang mga aninong walang direksyon kung kumilos na papalapit ngayon sa pwesto nila. Magkasabay na nagtago ang tatlo sa panibagong mesa na kanilang natiyempuhan. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay ang napili nilang pwesto ay ang siya rin pa lang pinagtataguan ni Quincy.

"Kita mo nga naman oh, dito pa talaga tayo nagkita-kita ulit," mahina nitong sambit saka pinaglaruan ang kutsilyong hawak. Nilalapit-lapit pa niya ito sa mukha ni Yohan at tila ba binabalak niyang hiwain ang pisngi ng binata.

"Quincy, tumigil ka na." Mahinahong sita ni Mills at pilit na kinakalma ang sarili lalo na at naaalala niya na naman ang nangyari sa pagitan nilang dalawa kanina. Sa halip na tumigil ay ginantihan lamang siya nito ng mapang-asar na ngisi.

"Bakit, takot ka ba?" baling nito kay Mills at sa kaniya na tinutok ang kutsilyo.

"Hindi ako takot. Kung gusto mo talagang pumatay, bakit hindi iyong mga zombie sa labas ang atakehin mo? Nang magkaalaman na talaga tayo kung hanggang saan aabot 'yang yabang mo," pagtutuloy ng dalaga dahilan kung bakit nawala ang ngisi sa labi ng katunggali at doon nito tinutok ang kutsilyo sa leeg ni Mills.

"Mills, mas mabuti pa siguro kung t-tumigil ka na. H-Hindi na maganda iyong n-nararamdaman ko rito," kabadong sita ni Corbin sa kaibigan pero hindi natinag ang kaklase.

Saglit na tinignan ni Mills ang kutsilyong hawak ni Quincy at doon niya malinaw na nakita ang repleksyon nito. Klaro niyanv nakita ang isa pang pinto sa mismong likuran lang ng mesa. Sa isip niya ay baka ito na nga ang tinutukoy ni Yohan. Lihim siyang nabuhayan ng loob at ang kailangan lang niyang gawin ngayon ay humanap ng tiyempo kung papaano sila makakaalis dito sa ilalim ng mesa.

"Tutal, sa pagkakataong ito hindi na ilegal ang pumatay. Ba't hindi ko na lang kaya kayo unahin?" banggit ni Quincy at nang bubuwelta na sana siya para umatake ngunit naunahan siya ni Yohan. Mabilisang  itinulak ng binata ang mesa paitaas na siyang naging isa ring rason kung bakit tuluyan nilang naagaw ang pansin ng mga zombie. Nag-umpisang  nagsilapit ang mga halimaw sa pwesto nila kaya naman ay dagliang nahila ni Mills si Yohan at Corbin patungo sa pinto.

Minadaling pinihit ni Corbin ang pinto at  nagbukas naman iyon kaagad. Naunang pumasok ang binata at sumunod naman din  si Mills. Akmang papasok na rin sana si Yohan kasunod nila pero nahinto lang iyon nang hilahin siya ni Quincy. Hindi na rin nagtaka pa ang binata kung bakit sa kanilang tatlo, siya ang mas pinag-iinitan nito.

"Yohan!" tarantang sigaw ni Mills bago kinalampag ang pinto. Makailang ulit niyang pinaghahampas ang pinto sa kagustuhang mabuksan iyon ngunit naging mabilis si Yohan at ginamit ang mesa para gawing pangharang.

Makailang-ulit niya pang narinig ang pamimilit ng dalawa na buksan niya ang pinto ngunit hindi siya nagpatinag. Hindi nagbitaw ng isang salita si Yohan bagkus ay diretso siyang tumitig sa mata ni Quincy at doon na nag-umpisang nagpalitan ng atake ang dalawa. 

Samantala, halos kalampagin na ni Mills ang pintuan ngunit ramdam niya ang mabigat na pwersang kumukontra sa kaniya.

"Punyeta bakit ayaw bumukas?!" naiinis na tanong ng dalaga at muli na namang hinampas ang pinto at pinihit nang paulit-ulit ang doorknob.

"Paniguradong hinarangan ni Yohan 'yang pinto, Mills," sambit ni Corbin saka siya pinukulan ng tingin. "Kaya mas mabuti pa siguro kung itigil mo na muna 'yan. Mapapagod ka lang."

Nang hindi nagpatinag si Mills ay wala na nga pang nagawa pa ang binata kundi ang hayaan na lamang ito. Sa hindi inaasahan ay  dumapo ang tingin niya sa unahan na kung saan may isa na namang casement window.

"Hindi pwedeng ganito lang, kailangan nating tulungan si Yohan, Corbin. Baka mapatay siya ni Quincy!" kabadong sambit ng dalaga at dinamba na naman ang pinto. Paunti-unti na rin itong lumuluwag senyales na malapit na itong bumukas ngunit hindi niya na rin kinakaya pa ang pwersa dala ng matinding pagod kaya wala na siyang ibang nagawa pa kundi ang  pabagsak na umupo sa sahig. Pakiramdam niya ay kung hindi pa rin siya hihinto ay tila mawawalan na siya ng malay.

"Bwisit!" inis niyang mura saka siniko ang pinto.

Sa kabilang banda naman ay halos bumagsak na ang balikat nila Yohan at Quincy dulot ng patuloy na pakikipagpalitan ng atake sa isa't-isa at sa pagpigil ng mga zombies na pilit dinsilang inaatake, pero kapwa sila hindi nagpapatalo at para bang walang planong tumigil.

"Isuli mo na kasi sa'kin ang SD Card, Yo. Para namang hindi mo 'ko tinuring na kaibigan dati,"  seryosong banggit ni Quincy pero sinuklian lamang siya ni  Yohan ng iling.

"Para ano?" panghahamon niya. "Para i-upload mo sa Facebook ang scandal ni Chloe? Quincy, hindi na makatarungan 'yang ginagawa mo," tutol niya pa habang  pilit na iniiwas ang  paa sa kamay ng isang zombie na nadaganan ng refrigerator.

"Tss, hindi mo hawak ang buhay ko kaya wala ka sa posisyon para utusan ako kung ano ang makatarungan sa hindi," mariing  sabi ni Quincy at binalak ulit na atakehin siya pero mabilis naman niyang pinangharang ang hawak na utility tray.

"Lalaki ka rin naman, Yohan. Alam mo ang pangangailangan natin. Kung hindi niya kayang ibigay iyong gusto ko, pwes gagawa pa rin ako ng paraan para mapapayag siya," nakangisi nitong sabi dahilan kung bakit halos mapailing si Yohan. Nang dahil din sa sinambit nito ay agarang bumakas ang matinding pagkadisgusto sa mukha niya.

"Sino ba naman kasing matutuwa kung iyong kalaro mo ay ayaw na talagang makipaglaro sa iyo di'ba? Kaya para makapaglaro ulit kami ni Chloe, gagamitin ko iyong baraha ko laban sa kaniya. Kaya ibigay mo na kasi sa'kin ang putanginang SD Card na iyon!" banggit nito bago siya pwersahang tinulak. Nawalan kaagad ng balanse ang binata at kamuntikan pang tumama ang likod niya sa umaapoy na kalan.

"Nababaliw ka na," hindi makapaniwalang sambit ni Yohan at doon niya na hinanda ang sarili sa panibagong atake ng katunggali. Wala sa wisyo niyang naiharang ang utility tray sa kutsilyong tatama sa kaniya at sige naman sa pagsiko si Quincy upang hindi siya tuluyang malapitan ng isang zombie sa kaniyang likod.

"Akala mo makakalabas kayong tatlo sa kusinang 'to nang buhay?" tila nanghahamong tanong ng kaharap.  "Pwes diyan ka nagkakamali. Kung mamamatay lang din naman ako, isasama ko na kayo," dugtong nito at mas lalo pang diniinan ang pagkakatulak kay Yohan sa kalan.

Ramdam  na ng binata ang init na nagmumula rito, pakiramdam niya ay tila nasunog na yata ang likurang bahagi ng kaniyang uniporme. Dulot ng nangyari ay mas lalo niya lamang na pinilit ang kaniyang sarili na kumawala.

"M-Mamamatay naman talaga tayong lahat," pauna niyang sagot. "P-pero sinisiguro ko sa'yo na hindi k-kami ang mauuna." Nahihirapan niyang dugtong.

Ilang ulit pa siyang nagpumiglas hanggang sa nakahanap siya ng saktong tiyempo. Biglaan niyang pinagilid ang pagkakahawak ng utility tray dahilan kung bakit dumulas ang kamay ni Quincy at nawalan siya ng balanse. Agarang umalis si Yohan mula sa kaniyang pwesto kaya naman  diretsong sumubsob ang mukha ni Quincy sa kalan.

"AHH!" malakas nitong sigaw dulot ng labis na sakit at pagkabigla. "HAYOP KA, YOHAN!" sigaw pa nito bago mariing tinapon ang hawak na patalim.

Pwersahan nilayo ni Quincy ang mukha mula sa apoy at nanginginig na tinakpan ang napinsalang parte ng kaniyang mukha. Nag-umpisa siyang maglakad at hinayaan ang kaniyang isang kamay na mangapa sa ere. Nang makabawi ay doon niya na inalis ang pagkakatakip sa kaniyang kaliwang mata.

"B-Bakit wala akong makita sa kaliwang mata ko?" nanginginig niyang tanong sa sarili.

Kahit ano mang gawin niyang pilit ngunit hindi niya talaga halos maigalaw ang kaliwang mata. Ito kasi ang siyang napuruhan nang todo sa apoy. Ramdam na ramdam niya  ang pangangati at sakit sa kalahating mukha niya na nasunog.

"YOHAN!" muling  sigaw ni Quincy. "PAPATAYIN KITANG HAYOP KA!"

Sa paulit-ulit niyang paggawa ng ingay ay doon na tuluyang nagbukas ang pinto ng kusina na siyang kanina pa kinakalampag ng mga zombie sa labas. Nabulabog ang mga ito dahil sa ingay na nagmumula sa kanila rito sa loob. Ngunit sa halip na matakot ay walang pakialam na nagwala sa loob si Quincy at kung saan-saan na lang siya pumupunta sa kagustuhang mahagilap si Yohan.

Ilang sigaw pa ang tumakas mula sa kaniyang bibig hanggang sa naramdaman niya na ang unang kagat na nagmumula sa kaniyang binti, sumunod sa bandang siko, hanggang sa sunod-sunod siyang pinagpiyestahan ng mga zombie.

Hirap man ngunit ginamit niya pa rin ang natitirang lakas para tignan gamit ang  kaniyang kanang mata ang pinto sa gawing likod na kasasarado lang. Nanghihina niya iyong dinuro bago muling nagsalita.

"B-Babalikan k-kita, Yohan. B-Babalikan k-kita!" huli niyang sigaw matapos makitang tuluyang nakapasok ang katunggali sa loob.

Pabagsak na sinara ni Yohan ang pinto at mabilis namang napatayo si  Mills na nakaupo lang sa gawing gilid at inaantay siya. Lumapit kaagad sa kaniya ang dalaga saka madaliang sinipat ang itsura niya. Nagawi naman kaagad ang tingin ng kaklase sa putok na labi ni Yohan. Hindi nagdalawang-isip si Mills at iniangat kaagad ang daliri para hawakan iyon. Sa pagdampi pa lang ng mga daliri nito ay mariing napapikit si Yohan dahil sa sakit.

"Ayos lang ako Mills," paniniguro niya. "Pasa lang naman ang inabot ko kay Quincy kaya hindi mo na pa kailangang mag-alala para sa'kin."

Tinapik niya ang balikat ng kaharap nang sagayon ay hindi na ito mag-alala pa. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay ang biglaang pag-angat ng kaliwang paa nito saka sinipa ang binti niya.

"Bakit ba hindi mo na lang tinulak palayo si Quincy? Ano ba kasing pumasok sa utak mo at nakipagbuno ka pa sa kaniyang bwisit ka?" napipikon nitong tanong at nagtangka pa itong hampasin siya pero napigilan niya kaagad ang kamay nito.

"Nagkapasa na nga ako sa kaniya tapos plano mo pang dagdagan? Adik ka ba?" asar na tanong ng binata pero wala siyang nakuhang sagot mula sa dalaga.

"Putangina, nagka zombie apocalypse na nga at lahat lahat pero mas inuna niyo pa LQ niyo. Awit talaga 'tong dalawang 'to kahit kailan," reklamo ni Corbin na kanina pa sila inoobserbahan.

Akmang sasabat na sana si Yohan pero kaagad din iyong natigil dahil sa pagkalampag ng pinto. Bumuntong-hininga na lamang si Corbin bago itinuro ang bintanang nakita nila ni Miils. Nilapitan naman iyon kaagad ng bagong dating saka sumilip para tignan kung ligtas bang bumaba at para na rin matantsa kung gaano ba iyon kataas.

"Huwag mong sabihin sa'kin na tatalon tayo sa bintanang 'yan?" alanganing tanong ni Corbin bago tinuro ang casement.  "Ang galing mo naman yatang magplano, Yohan kung gano'n. Hindi nga kami mamamatay sa zombie pero sa bali, oo."

"Athelete ka, Corbin kaya huwag kang maduwag. Magpakalalaki ka naman kahit ngayon lang," komento ni Yohan sa kaibigan. Hinila niya kaagad ang kamay nio saka pinaharap sa bintana.
Nakita nita pa kung paano ito lumunok at alanganing hinawakan ang glass.

"Kaya mo 'to Corbin. Hindi ka bakla, lalaki ka," pangungumbinsi niya sa sarili.

Nag-ipon pa siya ng lakas ng loob pero nang tignan niya ulit ang ibaba ay nakaramdam siya kaagad ng agkalula. Sa halip na tumuloy siya ay nauwi na lamang iyon sa padadabog. Nilingon niya ang pwesto ni Yohan saka niya  ito tinignan gamit ang nangungusap niyang mga mata.

"Pero hindi naman kasi kami pinapatalon nang ganito kataas sa tuwing maglalaro kami ng arnis, Yohan! Kaya hindi ko to kaya, mamamatay ako pag gina— AHH!" Hindi na niya natapos pa ang sasabihin dahil tinulak na siya ng kaibigan paibaba.

Hindi naman kasi ito ganoon kataas, magaling lang talaga magreklamo ang matalik niyang kaibigan. Namutawi ang sigaw ng binata paibaba at sinundan naman ito ng tingin ng dalawa hanggang sa bumagsak nga si Corbin sa nagkumpulang  mga trashbags.

"O-Okay, Corbin. Buhay ka pa," natutuwa niyang sabi. "Masamang damo ka remember? Kaya matagal kang mamamatay, so dapat chill ka lang," paniniguro nito sa sarili matapos niyang hawakan ang kaniyang katawan upang damhin kung humihinga pa ba siya.

Sumunod na tumalon si Mills at gaya ni Corbin ay sa trashbag din siya bumagsak. Kaagad dumikit ang mga nakakadiring amoy sa uniporme niya na siyang hindi na niya lamang pa pinagtuunan ng pansin. Nag-angat siya ng tingin saka sumenyas kay Yohan na mabilis naman ding tumalon.

Kaagad namang nilibot ni Corbin ang kaniyang tingin sa ibaba at napagtantong nasa likod sila ng cafeteria. Sa gawing gilid naman ng kumpulang mga trashbag ay nakasandal ang mga pinaglumaang patpat na may iba-iba ang haba at tila binasura na rin ang mga ito. Agarang kinuha ni Corbin ang isang mahabang patpat at doon niya ito binali sa dalawa. Winasiwas niya pa ito upang tantsahin ang bigat ng hawak at nang makampante ay doon siya ngumiti.

"Ayos, pwede na 'to," sambit niya.

"Kailangan na nating umalis dito," usal ni Yohan matapos itong magpagpag. "Sa lakas ba naman ng bunganga mo, Corbin, imposibleng walang zombies na nakarinig no'n."

"May utang ka pa sa'king bwisit ka. Sa susunod, ikaw naman itutulak ko," pagbabanta  nito na siyang ikina-iling na lamang ni Mills.

"Balik na tayo sa room, sigurado rin akong nando'n din iyong iba," singit ni Mills at  nang akmang lalakad na sana sila paalis pero mabilis din iyong nahinto nang makita ang isang pamilyar na dalaga  sa 'di kalayuan. Duguan ang bibig nito at hindi na rin halos maipaliwanag ang itsura. Ngunit kahit man nagbago ng iilang detalye ang panlabas nitong anyo, hindi pa rin iyon naging hadlang upang hindi makilala ni Mills kung sino ang dalagang iyon.

"C-Collins?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top