Chapter 4: Umpisa

Nawindang ang lahat nang makita nila ang kalagayan ni Chloe na kapapasok lamang sa loob ng classroom. Hindi nila mapigilang makaramdam ng takot at pandidiri dahil sa itsura ngayon ng kaklase. Kung iisiping mabuti ay hindi na ito maituturing pang normal dahil sa lala ng kaniyang panlabas na kaanyuan.

"P-Parang hindi na siya si Chloe," komento ni Alison na wala sa wisyong napakapit sa upuan ni Willow. Maging ang katabi ay hindi nakaimik matapos niyang makilatis ang itsura ng bagong dating.

"S-She looks like a freaking monster," nandidiring pahayag ni Shilloh. "Fuck, I cannot stand watching her. It's creeping me out," dagdag niya pa at hindi man lang nag-atubili pang sundan si Meadow na agarang umalis sa kaniyang tabi para daluhan ang kaklase.

"Deputa, anong nangyari sa'yo?!" Magkahalong gulat at takot na tanong ni Mills. Ramdam niya ang bahagyang pagnginig ng kaniyang katawan at ang agarang paglamig ng magkabilang kamay lalo na at hindi niya inaasahan ang biglaan nitong paglitaw. Idagdag pa na sa mismong paahan niya pa ito natumba.

Nataranta naman kaagad ang katabi ni Mills na si Collins nang nag-umpisang maging bayolente ang dalaga kaya kahit napapangunahan ng takot ay mas pinili pa rin nitong hawakan ang magkabilang balikat ng kaklase para kahit papaano ay pigilan itong makagalaw.

Nang unti-unti na itong kumalma ay doon na siya inihiga ni Ms. Garcia sa kaniya mismong kandungan at saktong pagdampi pa lang ng balat ni Chloe, ramdam na niya kaagad kung gaano kalamig ang temperatura ng estudyante.

"S-Sir Winston," biglaang usal ng dalaga. Saktong pagbitaw niya ng mga katagang iyon ay ang siyang muling pagragasa ng dugo mula sa kaniyang ilong at ang pagiging dominante ng kaniyang mga ugat sa leeg na para bang pinipiga ang kaniyang mga kalamnan.

"Anong meron kay Sir Winston, Chloe? May ginawa ba siya sa'yo?" sunod-sunod na tanong ni Mills na halatang mas lalong naguguluhan sa kasalukuyang kaganapan.

"He i-injected me s-something," pagpapatuloy pa nito saka binalingan ng tingin ang guro na bakas ang matinding pag-aalala sa kaniya. "I c-can't control myself a-anymore, Ms. Garcia."

Sa halip na magpadala sa emosyon ay mas pinili ng maestra ang umayos bago nilingon ang kaniyang mga estudyante.

"Tulungan niyo ako, dalhin natin siya sa clinic," pasya niya na siyang hindi na rin nila tinutulan pa. Mabilis na nakakilos si Cody at siya na ang bumuhat sa dalaga bago kinarga sa likuran. Sumunod naman kaagad si Mills sa kaniya para magsilbing suporta sa likod nang sagayon ay hindi mahulog si Chloe.

Kung pagbabasehan lang ni Collins ang kaniyang naobserbahan sa inaasal ng kaklase, nakakatiyak siyang hindi na normal ang kinikilos nito. Para bang hindi na ito tao kung gumalaw kaya nakakaramdam siya ng takot dahil tila hayop na ito kung kumilos. Mas lalo lamang siyang dinunggol ng takot nang mapansin niyang nilalapit ng dalaga ang bibig nito sa leeg ni Cody na tila ba balak na nitong kagatin kaya kahit naduduwag man siya na lumapit ay mas pinili niya pa ring hawakan ang ulo ng kaklase para kahit papaano ay mailayo iyon nang kahit kaunti.

"Bilisan mo lang, Cody," untag Collins sa binata nang hindi man lang ito binabalingan ng tingin. Nang makarating na sila sa clinic ay si Ms. Garcia na ang nagbukas ng pinto, pinasok nila kaagad si Chloe sa loob at maingat na inihiga sa hospital bed. Agad na napabitaw si Cody nang mag seizure ang dalaga kaya hinayaan na niya lamang ang kaklase sa kamay ng nurse.

"Hawakan niyo siya nang mabuti. Bibigyan ko lang siya ng pampakalma," utos ng nurse at agad namang sumunod ang tatlo. Dalawang kamay ang hawak ni Mills habang sa paa naman si Cody, si Collins naman ang humarang sa gawing bibig ni Chloe nang magsimula ulit itong magwala. Nang saktong maiturok na ito ng nurse ay unti-unting kumalma ang sistema ng dalaga pero hindi pa rin bumabalik ang namumutla nitong balat, miski ang temperatura nito ay mababa pa rin. Patuloy lang din ang pagdurugo ng ilong at bibig nito na siyang hindi matukoy ng nars.

"Walang available na doctor ngayon kaya hindi muna siya madadala sa hospital," paliwanag ng babae saka niligpit ang syringe at needle na ginamit niya kanina. "Pero huwag kayong mag-alala, aasikasuhin ko siya rito. Kung saka-sakali mang magising na siya maya-maya ay tatawagan ko kayo kaagad."

"You guys may now leave. Mauna na kayong bumalik sa classroom natin, sasabihan ko lang si Mrs. Montemayor na nakita na natin si Chloe," bilin sa kanila ng guro at doon iminuwestra ang kamay sa gawing pinto senyales na pinapabalik na niya ang tatlo. Sumunod naman kaagad si Cody habang si Mills naman ay hinila na si Collins na hindi pa rin halos maialis ang tingin kay Chloe.

"Collins?" pagtawag niya sa atensyon ng kaklase. Mabilis naman siya nitong nilingon na para bang ngayon lang ito nakaahon mula sa malalim na pag-iisip. "Pinapabalik na tayo ni Ma'am sa Aries kaya halika na."

Walang imik itong sumunod kay Mills at doon muling ninakawan ng tingin ang dalagang nakaratay sa kama. Nang saktong makalabas na sila sa clinic ay doon nila nadatnan si Cody na inaantay sila sa gawing corridor.

"Gets mo sinasabi ni Chloe kanina?" salubong ng binata kay Mills. Kung hindi dahil sa kausap ay baka naiwala na ng dalaga sa kaniyang isip ang mga katagang binitawan ng kaklase bago ito dalhin sa klinika.

"Hindi ko talaga siya naintindihan, promise," sagot ni Mills habang nakakunot ang noo.

"Nawiwirduhan ka rin?"

"Sino ba namang hindi? Kasi tignan niyo ha, sobrang caring kaya ni Sir kay Chloe. Alam kong hindi lang ako ang nakakapansin niyan, kayo rin di'ba?" panimula ni Mills bago tinuro ang dalawang kasama. "Tapos kanina lang sinabi niya na si Sir Winston mismo iyong dahilan kung bakit siya nagkaganon? E kung tutuusin si Sir kaya iyong tatay material dito sa Juanico High kaya parang hindi ko iyon matanggap."

"Ano ba exactly iyong gusto mong ipunto ha, Mills?" singit ng binata. "Na nagsisinungaling kanina si Chloe, gano'n ba?"

"Hindi naman," kalmado niyang tugon. "Ang akin lang, hindi lang ako kumbinsido sa sinabi niya kasi para talagang imposible."

Bakas sa mukha ng dalaga ang labis-labis na pagtataka. Nagsalubong na rin ang kaniyang kilay waring pinipilit niyang ipagtagpi-tagpi ang sitwasyon.

"Ay jusko, ewan. Ang hirap talaga mag-overthink kapag wala kang utak," bagsak ang balikat niyang sabi bago sumenyas na mauuna na ito sa loob ng classroom. Tanging tango na lang ang naisagot ng binata at akmang susunod na sana siya sa kaklase pero nahagip ng kaniyang tingin ang kasabayan niyang dalaga na para bang lumulutang ang isip.

Madalas namang tahimik ito sa klase pero sadyang may napansin lang talagang kakaiba si Cody sa kasama kaya agaran niya itong tinapik sa balikat.

"Okay ka lang, Collins?" madalian niyang tanong na siyang ikinagulat ng kaklase. Nang mapansin ni Collins na nagtataka na ito sa inaakto niya ay doon na siya pilit na ngumiti nang sagayon ay makumbinsi ang kausap na ayos lang ang kaniyang lagay.

"Oo, ayos lang ako. Siguro nadala lang ako sa nangyari kanina kaya medyo nanginginig pa ako nang kunti," kalmado at may kahinaan niyang paliwanag. Sanay naman ang binata sa liit ng boses nito pero may pagkakataon lang din na naninibago siya lalo na at hindi talaga ito palasalita.

"Mauna ka na muna Cody, CR lang ako saglit," paalam nito at hindi niya na pa inantay ang sagot ng kaklase at tinungo na kaagad ang daan patungong restroom. Wala nang nagawa pa ang binata kundi ang sundan ito ng tingin at halata pa rin ang pagtataka sa kaniyang mukha. Wala sa wisyo siyang bumuntong-hininga bago nagpasyang pumasok sa loob ng room.

Saktong pag-upo ni Mills sa kaniyang armchair ay agad siyang pinalibutan ng kaniyang mga kaklase. Muling nangunot ang kaniyang noo nang halos sabay-sabay ang mga nandito na magbato ng tanong.

"Ano raw nangyari kay Chloe, Mills?" bungad sa kaniya ng isa.

"Tsaka bakit siya duguan kanina? Tinorture ba siya ng Bermuda Triangle?" sabat pa ng katabi nito.

"I wouldn't think twice if damay ang name ni Quincy diyan. Like girls, hello! Siya lang naman at si Shilloh sa Bermuda Triangle ang nakikita kong gagawa ng gano'n kay Chloe 'di─"

"Putangina, pwede bang manahimik kayo?" naaasar niyang sita sa mga kaklase na agaran ding nagsitikom ang bibig. "Hindi ko obligasyon na bigyan kayo ng impormasyon dahil unang-una, hindi ako reporter."

"Harsh, hindi ba pwedeng makibalita lang kami? Kawawa kasi siya."

"Gusto niyo naman pa lang makakuha agad ng balita tungkol sa kaniya. E 'di sana kayo iyong bumuhat sa kaniya papuntang clinic. Mga siraulo," umiiling niyang komento bago umayos ng upo at doon kinuha ang kaniyang hoodie.

Mas pipiliin na lamang niya ang sarilihin ang mga kaganapan kanina sa clinic, lalo na at alam niya na pagchichismisan na naman ng mga 'to si Chloe kaya mas mabuti kung mananahimik na lamang siya.

Akmang itatalukbong na niya sana ang hawak pero nahinto lamang iyon nang kalabitin siya ni Elsie. Mabilis niya itong nilingon at doon niya nakita na inurong pa ng kaibigan ang kaniyang upuan palapit sa kaniya na para bang gusto talaga nitong pag-usapan ang nangyari.

"Okay na si Chloe?" tanong nito pero umiling lang si Mills.

"Antayin na lang natin iyong balita mamaya kung okay na ba siya o hindi," diretsang sagot ni Mills saka tinanguan ang kaibigan. Pinili na lamang din niyang ilihim kay Elsie ang kalagayan ni Chloe dahil alam niyang daldalita ang kaibigan kaya hindi malabong ito pa ang magpaulan ng chismis.

Samantala, sa kabilang dulo ng classroom ay nakapabilog ang upuan ng grupo nila Yohan. Kadarating lang din ni Cody sa kanilang pwesto at madalian itong umupo sa tabi ni Ryder.

"She's really acting weird," komento ni Ledger na siyang naging rason kung bakit nilingon siya ni Earlyseven.

"Bakit, ano ba nasa isip mo?" interesadong tanong nito. Ilang sandaling natahimik ang katabi na para bang sinisiguradong tama ang naging kalkulasyon niya sa kasalukuyang kaganapan. Inayos niya muna ang kaniyang salamin bago nagpasyang sagutin ang tanong ng binata.

"First, ito iyong unang beses na na-nosebleed si Chloe. Alam naman nating lahat na hindi siya sakitin. Second, she keeps vomiting blood at imposible rin namang may deperensya iyong intestine niya para umakto siyang gano'n, ni hindi ko pa nga nakitang nalipasan ng gutom iyong babaeng iyon," paliwanag ni Ledger bago pinaglaruan ang ballpen sa kamay.

"Bobo mo maghanap, Yo. Sabi mo wala sa Science Lab si Chloe?" baling ni Earlyseven kay Yohan na nakaupo na malapit sa pwesto niya, katabi rin nito si Corbin na nakikinig sa kanilang usapan.

"Promise, hindi ko talaga siya nakita sa Science Lab. Alam niyo naman na ang liit ng pwesto roon, di'ba? Pinag-isa kay ni Sir iyong office at lab niya. At sa liit ng pwestong natira, imposibleng nando'n si Chloe," depensa ni Yohan sa sarili dahilan kung bakit napakunot ang noo ni Cody.

"Pero kasi, ang sabi niya kanina. May ini-inject daw si Sir Winston sa kaniya kaya siya nagkaganon," naguguluhan niyang sabi, "imposible rin namang nag-hahalluscinate siya kasi visible pa iyong vision niya kanina. Nakilala niya nga agad si Ms. Garcia eh. Miski tayo, naririnig niya rin kasi sumasagot pa nga siya sa'tin. Kaya sobrang complicated isipin kung ano ba talaga iyong eksaktong pinupunto niya."

Atentibong nakinig ang mga kaibigan niya sa kaniya hanggang sa nailipat ang kanilang atensyon sa katabi niyang si Ryder na bigla na lamang ngumisi.

"Baka ibang injection talaga tinurok kay Chloe kaya siya nagkaganon. Malay ba natin baka first time niyang maturukan kaya siya nagka- Aray!" Hindi na natapos pa ng binata ang kaniyang sinasabi nang hampasin siya ni Yohan.

"Sakristan ka ni Lord at hindi servant ni Satanas kaya tigil-tigilan mo na 'yang pagiging manyak mo, gago," sita ng binata bago binalik sa mesa ang librong ginamit niya sa paghampas.

"Theoretically thinking, Ryder seems right," singit ni Ledger dahilan kung bakit ngumisi nang nakakaloko si Earlyseven.

"Iba ka rin pala mag-isip, Ledger. Akala ko puro kaseryosohan lang sa buhay inaatupag mo, may kapilyohan ka rin pala," mapanudyo nitong sabi saka kiniliti ang kaibigan pero blangko lang siyang tinignan nito.

"Isa ka pa, Agapito," dismayadong wika ng katabi at binalak pang ipitik ang ballpen dito ngunit nang nakailag ito ay hindi na nga niya iyon itinuloy pa.

"Grabi, dami nga talagang ganap habang wala ako. Nawawala pala si Chloe kahapon tapos ngayon bigla siyang lumitaw na gano'n ang itsura? Pero by the way, ano bang ibig mong sabihin, Ledger?" sabat ni Corbin bago nakapangalumbabang tinignan ang kaibigan.

"If my theory is right, pumasok si Chloe sa loob ng Science Lab kahapon pero walang nakapansin na lumabas siya. Tapos after a couple of minutes, pumasok si Yohan sa loob pero si Sir Winston lang ang naabutan niya roon," pag-uumpisa niya.

"Jusko, kanina pa nila inuulit-ulit 'yan pero hindi ko pa rin ma-gets. Papaanong nangyari na hindi nakita ni Yohan si Chloe sa loob?" singit ni Ryder.

"Maybe, may isa pang pinto ang lab na hindi natin napapansin at doon pinapasok ni Sir Winston si Chloe," pagtutuloy ng binata.

"Pero ano namang motibo ni Sir para gawin niya iyon kay Chloe?" nagtatakang tanong ni Yohan.

"Mali ang tanong mo," agarang singit ni Ledger matapos niyang ayusin ang suot na salamin. "Kundi ano ang itinurok na gamot ni Sir Winston kay Chloe para umakto siyang bayolente at parang ibang tao." Pagpapatuloy nito na siyang nakapagpatahimik sa mga kaibigan.

Sa kabilang banda naman ay halos durugin na si Collins ng kaba nang makita niya ang estado ng kaniyang kamay. Ngayon niya lang napagtanto na habang pinipigilan niya si Chloe kanina sa pagwawala ay nakagat pala siya nito sa kaniyang palapulsuhan. At ngayon, nagiging kulay lila na ang sugat niya at hindi rin humihinto sa pagdurugo ang marka ng kagat. Patuloy lang itong hinuhugasan ni Collins at umaasang kahit papaano ay magawa niyang malinis iyon. Hindi na niya rin napigilan ang kaniyang luha dala ng pagkataranta at takot. Dama niya na rin na tila ba paunti-unting nagbabago ang kaniyang katawan sa hindi matukoy na rason. Iba ang epekto ng mga ingay sa labas sa kaniyang tainga, para bang nahihipnotismo siya at inaanyayahang lumabas. Idagdag pa na parang gustong lumayo ng kaniyang sarili sa tubig dahil sa hindi pangkaraniwan nitong lamig. Hindi niya magawang maintindihan ang nangyayari, halos mapuno na rin ang kaniyang utak ng mga samut-saring tanong. Bagay na siyang nagtulak sa kaniya para mainis at wala sa wisyong sinipa ang trashcan na nasa gilid niya. Agaran iyong natumba at nag-umpisang magsikalat ang mga tissue na nakatapon doon.

Marahang naipikit ni Collins ang kaniyang mata habang hinahabol ang kaniyang hininga. Pinupwersa na niya ang sarili na kumalma kahit papaano. Kinakailangan niyang umakto na normal nang sagayon ay magawa niyang makaalis sa CR. Aminado siyang hindi siya pwedeng magtagal dito lalo na at paniguradong hahanapin siya ng mga kaklase at ayaw niyang malaman ng Aries ang lagay niya.

Ilang sandali rin siyang nanatili sa ganoong pwesto at nang magpasya siyang mag-angat ng tingin ay mas lalo lamang siyang naiyak at mas natakot nang naging maputla na ang kulay ng kaniyang balat. Nanginginig niyang iniksamina ang kaniyang sarili sa harap ng salamin at kahit ayaw man niyang aminin, nakikita na niyang hindi na nalalayo ang balat niya sa estado ni Chloe kanina.

"H-Hindi pwede 'to. Ano bang nangyayari s-sa'kin?" kinakabahan niyang tanong. Kahit makailang ulit na siyang nag-isip kung ano ba ang posibleng dahilan ng kaniyang postura ay wala siyang mahanap na naaangkop na sagot. Isang bagay na mas lalong nagpabagabag sa kaniya.

"A-Ano ba 'to?" dagdag niya pa. Mabilis niyang inalis ang tingin sa salamin saka nagpasyang hilahin paitaas ang manggas ng kaniyang coat. Doon niya klarong nakita na nag-uumpisa na ngang magsilitawan ang ugat niya sa braso. Paunti-unti rin itong gumagapang paitaas at ang mas nakakakilabot pa ay kulay itim ang mga iyon.

"Am I going to die here?" hindi niya siguradong konklusyon. Hindi pa man lumilipas ang minuto ay kitang-kita na niya kung paano kumilos nang marahan ang kaniyang buto. Nang magsimula na ngang maging bayolente ang kaniyang katawan ay pakiramdam niya ay pinagdadaanan na niya ngayon ang dinanas ni Chloe kanina. Kung saan-saang parte siya ng Comfort Room bumabangga pero nang dahil nga sa soundproof ang CR dito ay kampante siyang walang makakarinig sa kaniya.

Nang umabot siya sa punto na kumalma nang dahan-dahan ang kaniyang sarili ay dali-dali siyang tumayo at dumampot ng tissue. Halos irolyo na niya iyon sa kaniyang sugat para lang hindi bumakas kaagad ang dugo. Nang makasiguro ay inayos niya na ang pagkakasuot ng kaniyang coat bago nagdesisyon na lumapit sa pinto. Saktong pagpihit niya sa seradora ay pigil-hininga siyang lumabas at pinilit ang sarili na umakto na parang wala lang. Ngunit sa hindi inaasahan ay tila mas lumala ang kaniyang sitwasyon ngayon. Dahil sa pagdapo pa lang ng kaniyang mata sa labas, tanging pula na lang ang kulay na naaaninag niya. Ilang beses pa siyang nagkusot ng mata ngunit wala pa ring nagbabago. Nagkukulay dugo talaga ang kaniyang paningin.

"Something is not right here. W-What the hell is wrong with me?"

***

"Ibili mo na rin ako ng lemon juice, Mills. Promise, pagbalik mo rito sa room. Tapos na activity mo," sambit ni Elsie na para bang ito na ang magiging kapalit ng paghihingi niya ng pabor sa kaibigan. Mabilis na binawi ni Mills ang kaniyang notebook sa kamay ng kaibigan bago niya iyon itinago sa loob ng kaniyang bag.

"Kaya ko na ngang tapusin iyon kaya huwag na," pagmamatigas niya na siyang naging rason kung bakit napanguso ang kausap.

"Ang sama. For the tanggi ang ferson for today's video," tila nagtatampo nitong sabi.

"Jusko ka, Elsie. Sapat na iyong plus points na nakuha ko kay Sir Winston doon sa pa-group task niya. Ikaw na nga halos gumawa sa part ko eh. Tsaka hindi naman required na kailangan may ibigay ka sa'kin in return kapag may ipapabili ka 'no! Magkaibigan kaya tayo!" hirit ni Mills bago pabirong sinuntok ang balikat ng kaibigan.

"Pero what if isama mo na lang ako sa cafeteria para ma─Aray!"

"Isasama kita sa loob para ano? Para atakehin ka na naman niyang hika mo?" diretsa niyang sabi. "Hindi pwede iyon, Elsie. Yari ako sa parents mo kapag nagkataon. Ayaw kong maging punching bag no'ng kuya mong nagbo-boxing."

"Ayan, for the high blood ang ferson," wika nito bago nagligpit ang mga gamit niya. "Pero kahit na, ang dami-dami kaya nong pinabili ko. Nakakahiya tu─"

"Oo nga. Sa dami ng pinapabili mo sa'kin, ang cashier pa siguro iyong magtataka kung for recess ba iyon o pang-piyesta na. Nahiya ka pang bilhin iyong buong cafeteria," natatawang sabat niya na siyang muling nakapagpasimangot sa kausap.

"Alis na ako, balik ako agad," paalam niya at hindi na nagtagal pa sa loob ng room. Kahit ano pang gawing pilit ng dalaga na sumama ito sa kaniya ay hindi niya pa rin ito pinapayagan. May hika kasi ito kaya mas mabuting dumito na lang sa loob ng classroom ang kaibigan. Mas maiging makaiwas si Elsie sa napakaraming tao nang sagayon ay hindi umatake ang sakit nito.

Kasalukuyang binabaybay ni Mills ang daan patungong cafeteria para bumili ng pagkain. Nautusan din kasi siya ni Ms. Garcia kanina na siya muna ang kumuha ng pagkain para sa maestra dahil may aasikasuhin muna ito sandali.

Hindi rin naman siya nagrereklamo na madalas siyang utusan ng kanilang class adviser dahil sa mga ganitong pagkakataon niya lang naigagalaw nang malaya ang sarili. Iyong tipong walang Loli na bubulyaw sa kaniya sa oras na susuwayin niya ang bilin nitong huwag magpakapagod. At mas lalong wala siyang Kuya ngayon na agaran siyang babatukan sa oras na makita siyang tumatakbo.

Matapos mag-unat ay agarang tinakbo ni Mills ang kahabaan ng pasilyo. Magiliw niyang hinahakbang ang kaniyang paa habang pinapanatili ang liksi nang sagayon ay hindi siya makakabangga. Wala rin siyang pakialam kung may sisigaw sa kaniyang caretaker na bawal tumakbo sa corridor dahil alam niyang maaabswelto naman siya ni Ms. Garcia kung saka-sakali mang mahuli siya.

Pagpasok niya pa lang sa malaking pinto ng cafeteria ay bumungad sa kaniya ang napakahababang pila sa bawat estante. Sa halip na sumama ang timpla ng kaniyang mukha ay kampante lang siyang ngumisi. Hindi na niya kinakailangan pang mamomroblema dahil para naman sa teacher ang i-oorder niya at may hawak naman siyang notice para makalusot kaagad. Prente siyang naglakad matapos makakuha ng tray at dumiretso na sa harap. Nakasabayan niya pa si Yohan habang kasabay nito si Corbin na may hawak na dalawang tray na naglalaman ng pagkain.

"Awit, ginawa na naman siyang utusan," pang-aasar ni Corbin sa dalaga. Sa halip na patulan ay mas pinili niyang balewalain iyon. Agad niyang inabot ang hawak na listahan sa kaharap na cashier. Pinakita niya rin ang notice na pinabigay ng maestra kanina nang sagayon ay unahin siya.

"Sabi ko naman kasi sa'yo, Mills. Sumabay ka na sa'min ni Yohan lagi para naman 'di ka na alilain ng mga teacher dito sa Juanico High," dagdag pa ng binata pero umiling na lamang siya sa inasal nito. Ilang sandali siyang nag-antay sa harap hanggang sa may lumapit na cooker sa kaniya at inabot nito ang isang paperbag na naglalaman ng order ng guro at isang utility tray kung saan nakalagay ang kay Elsie.

"Mabigat?" Turo ni Yohan sa mga dala niya. Magkabilang kamay na ang pinaghawak niya rito pero hindi naman ito ganon kabigat, nakakangalay nga lang sa kamay.

"Medyo."

"HAHAHA deserve," diretsa nitong komento na siyang naging rason kung bakit sinamaan niya ito ng tingin. Inis niya itong sinipa pero nang makailag ang binata ay doon mas lalong nasira ang kaniyang mukha. Akmang mumurahin na sana niya ito pero aksidente namang tumilapon ang juice sa ibabaw ng tray ni Yohan at dire-diretso itong nahulog sa ibaba. Nang ibalik ng kaklase ang tingin sa kaniya ay napansin niya agad ang pasimple nitong pag-iling dahil sa kaniyang ginawa. Isang bagay na nagtulak sa kaniya para ngumisi nang mapang-asar.

"'Yan, tama 'yan. Mainis ka sa'kin, putangina mo," hirit niya pa at tuwang-tuwang inayos ang sarili.

"Awit talaga, at sa harap ko pa talaga kayo nag-LQ, 'no? Tangina ginawa pa akong thirdweel. Inabisuhan mo na lang sana ako Yohan na maghaharutan lang pala kayo ni Mills sa harap ko, e 'di sana hindi na lang ako sumama sa'yo. Bwisit ka," reklamo ni Corbin pero tinignan lang siya ng katabi.

Akmang sisingit na sana siya sa pila pero napahinto lang ang paa niya nang mapansin ang lemon juice na nasa ibabaw ng utility tray ng dalaga.

"Kanino 'yang lemon juice, Mills?" tanong ni Corbin saka nginuso ang inumin. Nilayo naman kaagad ni Mills ang hawak nang madaliang nilapit ni Corbin ang bibig nito sa straw.

"Gago, kay Elsie 'to. Kalalaki mong tao pero ang hilig-hilig mong mamburaot," asar nitong sambit pero nagkibit-balikat lang si Corbin bago natawa. Akmang kukuha pa sana ng panibagong order ang binata pero mabilis na siyang hinila ni Yohan dahil kakapusin na sila sa oras at hindi pa sila nakakakain.

"Mauna na ako, kita na lang tayo mamaya. Dadalhin ko muna 'tong meryenda kay Ms. Garcia," paalam ni Mills at hindi na niya pa inantay ang magiging sagot nila dahil nakakaramdam na rin siya ng gutom.

Hindi pa man tuluyang nakakaabot sa pinto si Mills pero may biglaang nakaagaw ng kaniyang pansin. Dumiretso ang kaniyang mata sa napakalaking glass window kung saan nakikita niya ang duguan niyang mga ka-schoolmate na humihiyaw sa takot.

Hindi rin nakatakas sa kaniyang mata kung paano marahang bumukas ang dambuhalang pinto ng cafeteria at doon nagsitulakan ang iba pang estudyante na para bang may kung ano itong tinatakbuhan.

Nangunot ang noo ni Mills maging ang ibang mga nandito dahil sa biglaang komusyon ngayon.

"Teka, anong nangyayari?" naguguluhan niyang tanong at bahagya pang tumingkayad nang may mga estudyante ring mas mataas kaysa sa kaniya ang humarang sa kaniyang pwesto. Ilang baha pa ng mga estudyante ang lumipas hanggang sa wala na ngang sumunod pa. Hindi pa man lumilipas ang minuto pero sunod na lang nilang nakita ang panibagong alon ng mga estudyanteng duguan ang mukha at marahan kung tumakbo. Dire-diretso itong pumasok sa loob na siyang naging dahilan kung bakit tuluyang nagsimula ang matinding gulo sa loob ng cafeteria.

"ZOMBIE!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top