Chapter 3: Pagbabalik
Nang saktong nagpakita ang araw sa gawing silangan ng San Juanico ay ang siya ring paglabas ni Mills sa kaniyang kwarto suot ang kaniyang uniform. Kasalukuyan niyang inaayos ang napakagulo niyang buhok na nagmukha ng pugad dahil sa hindi kaaya-aya nitong itsura. Umaga pa lang ay tinubuan na siya ng inis dahil kahit anong gawin niyang pagsuklay, wala pa ring nangyayari.
"Kung bakit ba kasi nakalimutan ko pang bumili ng conditioner. E 'di sana, hindi ako magtitiis ngayon," mahina niyang maktol nang sagayon ay hindi siya marinig ng kaniyang lola. Saktong pagdaan niya sa salamin ay hindi na niya pinagtuunan pang tignan ang sariling ekspresyon dahil tiyak na hindi siya matutuwa pagkatapos.
"Ang aga-aga pa oh, pero hindi ko na maipinta 'yang mukha mo," salubong sa kaniya ng matanda na ngayon ay hinahanda na ang baon niya sa eskwela. Asar namang bumaba si Mills sa hagdan at bago tinuro ang suklay na pinalilibutan ng gahul-gahol niyang buhok.
Palihim na lamang itong napailing saka hinawakan sa kamay ang dalaga para paupuin sa may kaliitang silya.
"Ang sabi ko naman kasi sa'yo na gupitan na natin 'tong buhok mo pero ayaw mo namang pumayag," sabi nito pero nangunot lang ang noo ni Mills.
"Luh, ayaw ko nga. Gusto mo kayang i-lebel sa balikat ko iyong buhok ko tapos gusto mo rin na gupitan iyong harapan para may bangs ako," madalian niyang reklamo. "Hindi ko ma-imagine sarili ko, Loli. Ang pangit no'n."
Napatingala si Mills sa matanda nang may bigla siyang maalala. "Siya nga pala, Loli. Nakaalis na ba si Kuya?"
"Kanina pang madaling araw umalis ang Kuya mo," mahinahong sagot ng kasama. "May usapan ba kayong sasabay ka sa kaniya?"
Umismid ang dalaga. Muli na naman niyang naalala ang bangayan nila kagabi. Kung alam niya lang sana na babarahin siya ng kapatid, hindi na lang sana siya nagtanong pa.
Akmang sasagot na sana si Mills pero natagpuan niya na lang ang sarili na napahinto nang maunahan siya ng kausap.
"Kahit pa kumbinsihin niya akong isama ka nang gano'n kaaga ay hindi pa rin ako papayag," aniya habang inaayos ang hapag-kainan.
"Po? Pero si Kuya naman iyong kasama ko ah?"
"Hindi sa wala akong tiwala riyan sa kuya mo o kahit sa seguridad ng school niyo. Ang akin lang naman..." saglit itong huminto saka binalingan ng tingin ang apo. "Gusto ko lang masiguro ang kaligtasan mo."
"Pero nasa loob lang naman ako ng Juanico High, loli. Hindi naman ako lalabas kaya bakit—"
"Kahit pa sabihin mo sa'kin na nasa loob ka lang ng school niyo, hindi mo pa rin masisiguro kung ligtas ka. Tignan mo nga iyong nangyari sa kaklase mong si Chloe. Ikaw na nga iyong nagsabi na hindi iyon lumabas, tama? Pero hanggang ngayon wala pa rin tayong natatanggap na balita kung nasaan na nga ba ang batang iyon," paliwanag pa nito na siyang nakapagpaurong sa dila ng dalaga. "Tsaka hindi rin naman kasi sila magtatagal sa school. Didiretso na sila kaagad sa City Gym at ayaw ko namang tumambay ka roon sa room niyo nang mag-isa. Delikado iyon para sa iyo, babae ka pa naman."
Walang salitang tinanggap ni Mills ang mga pangaral nito. Mas mainam pa para sa kaniya ang labag sa loob na sumang-ayon dito lalo na't alam niya rin na kukulangin ang isang araw kapag magsisimula ulit itong ikumpara ang kapanahunan nila sa kasalukuyang henerasyon.
"Andito na ako!"
Agad nabaling ang atensyon nila sa labas nang may marinig silang boses. Sandaling nagkatinginan ang dalawa at nang nagrepresenta ang matanda na ito na mismo ang magbukas ay wala na ngang nagawa pa si Mills kundi ang palihim na bumuntong-hininga. Hindi na siya nagtaka pa kung sino ang bubulabog sa kanila nang ganito kaaga dahil iisang tao lang naman ang naiisip niyang mag-aabala pang sunduin siya kahit hindi naman talaga kailangan.
"Si Mills, loli?" bungad ng binata sa kaharap matapos nitong buksan ang pinto. Dali-dali rin siyang nagmano rito na siyang ikinatuwa naman ng matanda dahil sa pinakita niyang kagalangan.
"Kaawaan ka ng Diyos, hijo. Si Mills nasa loob pa, kumakain. Mas mabuti pa siguro kung pumasok ka muna at sa loob ka na lang mag-antay," aya ng matanda na siyang hindi na rin nito tinanggihan.
Saktong pagpasok nila sa loob ay doon na nakita ng binata ang kaklase na hindi man lang siya tinatapunan ng tingin. Sa isip niya ay paniguradong naiinis pa ito sa kaniya dahil sa kaniyang ginawang pangongontrata kahapon patungkol sa kanilang proyekto.
"Maupo ka muna rito at nang makakain ka rin. Sandali lang, kukunin ko lang iyong pancake sa loob," muling sambit ng matanda na siyang agaran niyang pinaulankan. Nang ipaghila siya nito ng upuan ay malugod din siyang umupo katapat lang ng dalaga.
"Awit talaga, ang kapal ng mukha. Hindi ba 'to marunong tumanggi? 'Di niya kaya bahay 'to," rinig niyang maktol ng kaharap. Hindi nakatakas sa kaniyang mata kung paano nawala ang masiglang ekspresyon ng kasama na siyang lihim niyang ikinangisi.
"Kabahan ka na. Baka sa susunod ako na iyong magiging apo, 'di na ikaw."
"Tangi—"
"May sinasabi ka ba, apo?" Mabilis na napatigil sa pagsasalita ang dalaga nang marinig niya ang boses ng kaniyang Lola. Agaran din siyang nag-angat ng tingin bago sapilitang ngumiti at kinuha sa gawing gitna ang isang sachet ng juice.
"Wala, Loli. Tinatanong ko lang 'tong si Yohan kung gusto niya ba ng Tang. Mainit pa naman ngayon. Baka lang naman na gusto niyang magpalamig," mahinahon niyang sagot saka marahang nilingon ang kaharap. Pinanliitan niya ng tingin ang binata na para bang pinapahiwatig nitong makisakay siya sa palusot niya.
"H-Ha?" Maang na tanong ng kaibigan dahilan kung bakit tumalim ang titig ni Mills.
"Di'ba, Yohan?" ulit niya pa at nang hindi nakasagot kaagad ang kausap ay pasimple niyang inapakan ang paa nito dahilan kung bakit napaigik ito sa sakit.
"O-Opo!" wala sa wisyong sagot ng kasama. "Gusto ko sanang mag-juice pero next time na lang po siguro, busog pa po ako sa tubig."
"Sa bagay, hindi rin naman talaga nakakaganda sa katawan na iinom kayo ng juice nang ganito kaaga. Aba, matuto rin kayong magtubig. Huwag niyong gayahin 'yang mga kaedaran niyo sa labas na umagang-umaga pa lang eh nagso-softdrinks na," pangangaral ng matanda sa kanila bago sinilid sa paperbag ang hawak na pancake para gawing pabaon sa apo.
"Huwag mo na lang ako pabaunan, Loli. Sa school na lang ako bibili para may kasabay si Elsie."
"Naku, tigil-tigilan mo akong bata ka. Hindi kita pinabaunan ng pera para ipanggastos diyan sa mga nauusong pagkain ngayon. Matuto kang magtipid dahil hindi madaling maghanap ng pera sa panahon ngayon," muli na naman nitong pagleleksyon na siyang naging mitsa kung bakit bagsak-balikat na sumang-ayon ang dalaga.
Kahit saang anggulo niya pa tignan, alam niyang tama ito. Kaya sa halip na makipagpalitan pa ng argumento para ipilit ang kaniyang gusto, mas pinili niya na lamang ang manahimik.
Saktong pagtunog ng alarm ay mabilis na nag-angat ng tingin si Mills at Yohan. Walang salita silang tumayo at nagmadaling magligpit para ihanda ang sarili sa pag-alis. Kaunting oras na lang ang natitira bago magsara ang gate ng Juanico High kaya kinakailangan na nilang umalis.
Pansamantalang kinalikot ng dalaga ang laman ng kaniyang knapsack para tignan kung may naiwan pa ba siyang gamit o wala na. Nang masigurong kompleto na ang lahat ng mga gagamitin niya ngayong araw na 'to ay doon na siya tumalima.
"Alis na kami, loli. Babye!" Paalam niya at patagilid na kumaway sa matanda na kasalukuyang nagpupunas ng mesa.
"Hindi kayo sabay ng kuya mo?" biglaang tanong ni Yohan dahilan kung bakit nag-angat ng tingin ang dalaga.
"Kung pinasabay lang ako ni kuya e 'di sana hindi ako magtitiis sa'yo ngayon," pabalang na sagot ni Mills. "Pero dahil nga sa pareho kayong kupal, pinili niya lang akong tarantaduhin kaysa sa isama. Ewan ko ba, kami iyong magkapatid pero parang kayo iyong magkaugali. Kunti na lang talaga Yohan, iisipin kong ikaw iyong tunay na apo at hindi ako."
"Hindi ka rin naman papayagan ni loli, di'ba?" sagot ng kasama. "Ang sabi sa'kin ni Cody, didiretso raw agad ang team sa venue. Kung sinama ka pa ni kuya, paniguradong maiiwan kang mag-isa sa school. Kung pinilit mo pa iyong gusto mo, sinong mapapagalitan sa huli?"
"Syempre si kuya."
Umismid si Yohan saka pinitik ang kaniyang noo. "Baliw, damay ka rin. Alam mo naman pa lang maiiwan kang mag-isa bakit ka pa sasama? Ipapahamak mo pa si Kuya First."
Nagmaktol pa si Mills pero hindi na iyon pinansin ng kaibigan. Nasanay na siya sa ugali nito magmula pa no'ng dati kaya hindi na bago para sa kaniya na pangaralan ang dalaga. Suwail man ito paminsan-minsan, ngunit nakikinig naman sa kaniya.
Ilang metro pa ang nilakad ng dalawa hanggang sa tuluyan nilang narating ang eskwelahan. Kahit sa gawing labasan pa lang ng campus ay hindi na mahulugang-karayom ang kalsada. Sa sobrang dami ng bilang ng mga estudyanteng nag-aantay sa labas, halos hindi na makausad ang trapiko.
Nang mag-angat ng tingin ang dalaga ay doon niya pa nakita na nakasabit na ang watawat sa flagpole. Isang senyales na tapos na ang paunang aktibidad sa araw na 'to. Wala sa wisyo tuloy niyang nakagat ang ibabang bahagi ng kaniyang labi saka palihim na minura ang sarili.
"Bwisit, hindi ko na maalala kung kailan ba ako huling naka-attend ng flag ceremony."
"Kahit huwag ka nang umattend, 'di ka rin naman kailangan," sabat ni Yohan na sinamaan niya lang ng tingin.
Nag-umpisang maglibot ang mga senior students ng school council. Agarang nagsisunuran ang mga estudyante at nagkanya-kanya sa paggrupo batay sa kanilang year levels.Hindi naman nagpahuli ang dalawa at agaran ding kumilos para makihalo sa pila ng iba pa nilang batchmates.
"Ikaw na naman, Santero?" pambungad ng isang binatang may hawak na logbook.
Napasulyap agad si Mills dito at nahihiyang napakamot sa kaniyang batok. Kahit man kilala na niya ang lalaki, hindi niya pa rin maiwasang tubuuan ng hiya lalo na at kaklase ito ng kaniyang kuya. Ayaw niya man sanang aminin, ngunit sinusubukan niyang huwag sirain ang reputasyon ng kapatid. Alam niyang nirerespeto ang kaniyang kuya sa loob, kaya naman ay pinipilit din ng dalaga na maging maingat sa kaniyang kinikilos nang sagayon ay hindi niya maapektuhan ang iniingatan nitong reputasyon. Siyang tunay na maaasahan at maingat si Mills, subalit nakaligtaan niyang isali sa kaniyang bokabularyo ang pagiging maagap.
"Kung gaano ka-early bird iyong kuya mo, ay ganoon ka naman ka-late shift. Pauwi na iyong lahat, ikaw papasok pa lang." Hindi na lamang siya sumagot bagkus ay binigay niya lang ang student id niya sa kaharap. "Kaya kami pinapadala ng logbook para i-track ang progress niyo araw-araw. Napag-usapan na natin 'to during orientation, tama? Ang goal natin dito ay para i-encourage kayong gumising nang maaga, hindi iyong i-career iyong pagiging late."
Ilang mga pangaral pa ang tiniis nilang dalawa ni Yohan hanggang sa tuluyan na nga silang pinapasok sa loob. Binaybay ng dalawa ang napakahabang pasilyo ng Juanico High. Umaga pa lang ay may kaniya-kaniya ng pinagkakaabalahan ang lahat. Mula sa nagbeberdehan nilang quadrangle ay naroon ang mga ka-schoolmate nilang Boy Scouts na nakapila sa ilalim ng araw. Sa gawing gilid naman nila ay may mga athletes na nagmomorning jog. Hindi naman maiwasan ni Mills na mapasilip sa loob ng kanilang school gym nang mapadaan sila sa gawing iyon. Nandoon nakapwesto ang naglalakihang speaker para sa mga ka-batch nilang kasali sa cheerdance.
Saktong pagliko nila sa panibagong pasilyo ay doon sumalubong sa kanila ang iba't-ibang amoy ng pagkain. Kahit hindi pa sumasapit ang tanghali ay halos makompleto na ang lutong pagkain na binebenta sa loob ng canteen.
"Tangina, ang aga-aga pa lang oh, pero magkasama na naman kayong dalawa. Hindi ba pwedeng maghiwalay muna kayo kahit saglit? Ang sakit niyo kaya sa mata."
Agad na napalingon ang dalawa sa gawing gilid nang may narinig silang nagsalita. Doon nila nakita ang kaklaseng si Corbin na may kagat-kagat na straw. Mabilis na umalis ang binata sa stool para bumaba at lumapit sa kanilang pwesto.
"Corbin!" Kaway ni Yohan dito na mabilisan naman siyang sinuklian ng ngisi.
"Totoo nga talaga ang kasabihan na kung sino pa iyong pinakamalapit iyong bahay sa school, sila pa iyong palaging late. Damn, minor moments." Umiiling nitong komento bago nakipag-fist bump kay Yohan.
"Kung maka minor moments 'to kala mo nag-dese otso na. Hoy gago, kinse ka pa lang," sabat ni Mills pero nakakaloko lang siyang nginitian ng kausap.
"Hoy, bakit wala ka kahapon? Nag-quiz kaya kami," pang-uusisa ng kaibigan. "Yari ka talaga kay Ms. Blaire mamaya, ikaw na lang iyong hindi nakakapasa no'ng Arduino project niya. Ayaw pa naman no'n tumanggap ng late submission."
"Kahapon nga rin iyong weekly test ni Sir Winston tapos grabi namulubi ako sa sobrang hirap. Ewan ko ba kung saan niya pinulot iyong mga tanong, ni hindi nga natin na-lesson iyon eh. Puro mga virus lang iyong paulit-ulit niyang pinapaliwanag sa'tin eh wala namang connect iyon sa textbook natin," gatong ni Mills na siyang sinang-ayunan ni Yohan.
Miski siya ay nawiwirduhan na sa inaakto ng kanilang Science Teacher, hindi naman daw talaga ito ganito dati. Marahil ay gusto lang talaga ng guro na maging malawak ang kaalaman ng kaniyang mga estudyante patungkol sa mga ganitong usapin.
"Pati nga si Wren, hindi pumasa," dagdag ni Yohan na siyang hindi man lang nagdala ng kahit katiting na kaba kay Corbin. Bagkus ay kampante lang itong ngumiti bago nilagay ang magkabilang kamay sa likod ng kaniyang ulo.
"Grabi, ang dami pala talagang ganap kahapon. Buti na lang excuse ako."
"Luh, ang unfair. Ginamit pagiging athlete para makalusot," hindi makapaniwalang tugon ni Mills dahilan kung bakit tinapik lang siya nito.
"Inggit ka lang kasi wala kang talent," pang-aasar nito pero hindi ito tumalab sa dalaga nang may bigla itong naalala.
"Maiba ako, nakita mo na ba si Ryder?" agarang tanong ni Mills na siyang naging rason kung bakit napahinto si Corbin sa paglalakad at agad na binalingan ng tingin si Yohan.
"Naranasan ko na rin 'yan tol. Iyong ako iyong kasama pero iba iyong hinahanap."
"Baliw!"
"Ito seryoso na. Si Ryder nasa room, bakit mo natanong?" pambawi ni Corbin saka nagtatanong na tinitigan ang kaklase.
Sandaling inalis ni Mills ang kaniyang bag para buksan ang zipper. Doon niya maingat na kinuha sa loob ang notebook niya kung saan nakaipit ang papel na binigay sa kaniya ni First kagabi.
"Pinapabigay kasi 'to ni kuya kay Ryder."
"Luh, seryoso 'to? Galing talaga sa head coach 'tong paper?" gulantang na tanong ni Yohan matapos mabasa iyon. Nang tumango ang kausap ay doon siya mas lalong bumilib sa galing ng kaniyang kaibigan. Iba talaga ang galing nito sa basketball lalo na at sa mura nitong edad ay ang head coach na ng Juanico High ang mismong nagpaabot ng mensaheng hawak nila ngayon. Alam niya ring puro mga senior students ang pinapapasok sa team at ang kaibigan lang nila ang nag-iisang junior na kasali.
"Alam naman nating pareho na gustong-gusto niya talagang maglaro di'ba? Kaya paniguradong matutuwa iyon kapag nabasa niya na 'yan," sagot ni Mills at pinaubaya na sa dalawa ang agreement paper. Gusto niya rin kasi na ang mismong mga kaibigan niya ang magdala ng balitang iyon.
Sa huling pasilyong nilikuan nila ay ang siyang pagpasok nila sa corridor ng Junior Building. Unang pinto pa lang ng gusali ay section na kaagad nila ang bumungad.
"Shoes off!" Hindi pa man sila tuluyang nakakapasok sa loob ay agad na silang hinarang ni Shilloh sa gawing pinto. May hawak itong listahan at hindi na nagtaka pa ang tatlo kung para saan iyon.
"Ang aga-aga pa oh tapos ikaw pa sumalubong sa'kin. Panget naman ng araw ko," reklamo ni Corbin bago padabog na inalis ang sapatos nang ayaw pa rin siyang papasukin ng kaklase.
"Hey, may contribution fee tayo every morning, right? Kaya nasa'n na ambag mo?" sita ulit nito dahilan kung bakit nagdabog na naman si Corbin at pabagsak na binigay ang barya. Halatang hindi talaga siya natutuwa sa presensya ng kaklase.
"Oh ayan," walang kagana-ganang sambit ng binata.
"You're also late kaya ilabas mo na flashcard mo. Athlete na athlete pero walang good manners and right conduct."
"Sabog ka ba? Mas nauna pa nga akong dumating dito kaysa sa iyo tapos ngayon sasabihin mo sa'kin na late ako? Ano ba namang klaseng utak meron ka, Shilloh?" kalmado pero kababakasan ng pagpipigil niyang sabi. Nang dahil din sa inasal niya ay doon na pumagitna si Yohan para awatin ang kaibigan.
"Uso kasi gumamit ng utak, huwag puro suso," prangkang banggit ni Willow saka tinaasan ng kilay si Shilloh na sinamaan lang siya ng tingin.
Sumunod naman kaagad si Mills at akmang sisitain siya nito pero tinitigan niya lang ito nang mariin. Nang hindi nga ito umimik ay doon na siya pabirong ngumisi.
"Ganyan nga. Makuha ka sa tingin."
Agad na umupo ang dalaga sa upuan niyang nakapwesto sa gawing gilid ng pinto. Sandali niya ring minasahe ang kaniyang sentido nang makaramdam siya ng pagkahilo. Saka niya lang naalala na hindi pala talaga siya nakatulog nang maayos kagabi. Bukod sa magdamag na nag-videoke ang kapitbahay nila, tinapos niya rin ang paborito niyang movie series sa Netflix. Akmang yuyuko na sana siya para bumawi ng tulog pero nahinto lang iyon nang kalabitin siya ni Elsie. Tinuro ng kaibigan ang scrapbook na nakapatong sa ibabaw ng armchair nito bago sumenyas ng 'okay na' senyales na naipacheck na nito ang group task nila kay Sir Winston. Napangiti naman kaagad si Mills bago antok na antok na tinanguan ang kaibigan. Sa isip niya ay maaasahan talaga ito kahit kailan. Kung hindi dahil sa dalaga, hindi na niya alam pa kung kakayanin niya pa bang manatili sa loob ng Juanico High lalo na at hindi siya biniyayaan ng katalinuhan gaya ng halos lahat ng mga estudyante rito.
"Seryoso 'to Mills?" Nagtatakbong bungad sa kaniya ni Ryder at walang pasa-pasabing hinila ang armchair sa tabi ni Mills.
Bitbit na ng binata ang agreement paper na halos iwagayway na nito sa itaas. Tumango kaagad ang kausap na siyang naging mitsa kung bakit napasigaw sa tuwa ang kaklase.
"Hulog ka talaga ng langit, Mills! Makakalaro na ako ulit! Yes, tangina! Thank you Lord!" Sunod-sunod nitong sigaw na siyang ikinainis ni Shilloh.
"Warning ka na Legaspi," muli na naman niyang paninita pero hindi naapektuhan ang kaklase, sa halip na manahimik ay mas pinili pa nitong umismid.
"Mama mo warning," natatawa nitong sagot saka hinalikan ang papel.
"Baka nakakalimutan mo na hindi ka pa rin tuluyang makakalaro kapag bumagsak ka na naman," singit ni Earlyseven bago inakbayan ang kaibigan.
"Maawa ka naman sa sarili mo, tol. Dalawang beses ka na nag-fourth year, huwag mo na sanang gawing tatlo," Sabat ni Cody dahilan kung bakit nauwi lang sila sa tawanan.
"Good morning Aries!"
Agad silang nagsi-ayos para bumalik sa kaniya-kaniya nilang upuan nang pumasok si Ms. Garcia. Saktong makaupo na silang lahat ay inikot ng maestra ang mata sa loob na waring may hinahanap. Gumuhit ang pagkadismaya sa kaniyang mukha nang makitang wala pa rin si Chloe. Siya at si Quincy lang ang wala rito ngayon pero hindi niya na lamang hahanapin pa ang binata dahil hindi naman talaga ito madalas pumasok.
Nang magawi ang tingin nito sa gawing gitna ay naagaw ng kaniyang pansin ang abot taingang ngiti ng kaniyang isa sa pinakapilyo niyang kaklase.
"Bumalik ka na pala, Corbin." Bungad niya bago inayos ang gamit sa kaniyang mesa.
"Hindi, Ma'am. Picture ko lang 'to," pabiro nitong sagot na siyang ikinailing lamang ng guro.
"Since excuse ka kahapon. I am going to give you another one day to finish your Arduino task, okay? Kailangan mong humabol sa mga kaklase mo. Kung kinakailangan mong magpatulong para mas madali, you may," kalmado niyang imporma sa binata na walang reklamo namang sumang-ayon sa kaniyang sinabi.
"Noted po!"
"Okay let's have a recap about our topic yesterday." Binuklat muna ng maestra ang kaniyang notebook para sandaling basahin ang laman nito.
"For ten points. How can we run a controlled toy using android phone?" Mabilis namang siniko ni Shilloh si Meadow para kunin ang atensyon ng katabi.
Pasimple siyang nilingon ng kaklase at nang magtama ang kanilang tingin ay doon na siya palihim na bumulong kung ano ba ang sagot. Gustuhin man ni Meadow na humindi pero nang dahil nga sa ayaw niya ng gulo. Wala na siyang nagawa pa kundi ang isulat ang sagot sa kaniyang papel bago pinakita sa katabi. Ilang sandali lang ay nabaling ang atensyon ng guro sa kanilang pwesto at hindi na siya nagtaka kung bakit, dahil sa peripheral vision niya ay nakita niyang nagtaas ng kamay ang dalaga.
"Yes, Shilloh?"
"By connecting Arduino to our android devices, ma'am," puno nang kumpiyang sagot ni Shilloh. Nang makitang kumbinsido ang kaharap sa kaniyang sinagot ay doon niya pasimpleng hinawi ang buhok bago muling naupo. "Turuan mo'ko ulit, Meadow ha." palambing niyang sabi sa katabi na pilit lamang siyang nginitian.
Saglit na minarkahan ng puntos ni Ms. Blaire ang record ng kaniyang estudyante bago siya muling naghanap ng tanong na pwede niyang ibato.
"Okay, let's proceed. By using Arduino, why we should use Bluetooth instead of WiFi?" Nilibot muli ni Ms. Garcia ang mata niya upang maghanap ng tatawagin pero sa pagkakataong 'to ay walang nagtaas ng kamay.
Ilang sandali pa siyang nag-antay ngunit nang makitang wala talaga ay doon siya muling nagsalita.
"Ayaw niyo na namang mag-volunteer?" tila dismayadong tanong ng guro. "Oh, come on. Hindi ito iyong Aries na kilala ko way back first semester. Nasaan na ba iyong Aries ko na active listeners?"
Nang wala talagang nagbalak na sagutin siya ay saka pa siya nagdesisyon na ilabas ang kaniyang baraha."Okay, madali lang naman akong kausap eh. Idadaan na lang natin ang lahat sa flashcards."
Matapos niyang banggitin iyon ay doon na umugong ang bulungan at reklamo sa loob. Hanggang sa lingunin nila ang pwesto ni Willow na ngayon ay boryong nagsusulat.
"Luh, bahala kayo. Problema niyo na 'yan. As if namang ako ang tatayo buong period kung 'di kayo makakasagot. Punyeta, lagi na lang ako," reklamo ni Willow na siyang naging mitsa kung bakit lihim na napatawa ang katabi nitong si Alison.
"Ms. Wren Soriano," tawag ni Ms. Garcia matapos niyang mabunot ang flashcard ng dalaga.
Walang emosyon na tumayo ang kaniyang estudyante bago sinabit sa kaniyang leeg ang lagi nitong dala na headphone. Matapos tawagin ang kaniyang pangalan ay binalot ng katahimikan ang buong silid na para bang lahat ay nag-aabang sa kaniyang magiging sagot.
"In Arduino systems, Bluetooth offers a more energy-conscious, infrastructure-free, and latency-reduced solution for close-range interaction, whereas Wi-Fi’s extended range comes at the cost of higher complexity and consumption."
Napailing dahil sa pagkabilib si Mills. Hindi niya maiwasang humanga lalo na at tila ba hindi man lang kinabahan ang dalaga sa pagsagot. "Tangina, hindi man lang nautal."
Miski si Elsie na nasa likod niya lang ay hindi maiwasang bumilib sa galing ng kaklase.
"Exactly!" tila tuwang-tuwang komento ng guro. Wala sa wisyong napahilamos ng mukha si Earlyseven at pasimpleng sumandal sa upuan upang pantayan si Ledger.
"Punyeta 'tol, wala akong naintindihan," komento niya bago nagpasyang pumalakpak. Isa-isa iyong nasundan hanggang sa tuluyang nakisabay ang lahat.
Agad namang nagtaka ang magkatabing si Ryder at Cody sa gawing likod nang biglang nagsipalakpakan ang lahat kaya nakisabay na rin sila para hindi mahalatang himdi sila nakikinig. Abala kasi ang dalawa sa pag-uusap para sa magiging laban ni Ryder maya-maya kaya naman ay wala talaga silang kaalam-alam sa nangyayari.
"Anong meron?" wala sa wisyong tanong ni Cody sa katabi.
"Ewan, makipalakpak na nga lang din tayo para hindi halata," sagot ng katabi bago sila lihim na nagtawanan.
"Do you have anything to say, Mr. Porter?" banggit ni Ms. Garcia sa binata na walang ka-ide ideya sa nangyayari. Pilit siyang ngumiti at wala nang nagawa pa kundi ang tumayo.
"Kaya mo 'yan, Fil-Am," pang-aasar ni Corbin bago nilukot ang notebook at ginawang mikropono para makantyawan ang kaibigan.
"Fil-Am? You mean Filipino-American? Kasi half 'tong si Cody, e," kuryosadong tanong ni Ms. Garcia pero umiling lang si Earyleven.
"Hindi, Ma'am. Fil-Am po, Filipinong amputa," natatawa niyang sagot at hindi naman siya sinita ng guro bagkus ay nakitawa lang din ito.
"Okay, Fil-Am. Agree ka ba sa sinagot ni Ms. Soriano?" ulit nitong tanong dahilan kung bakit pasimpleng nilingon ni Cody si Wren na diretso lang ang tingin sa harap.
"Y-Yes, Ma'am," hindi niya siguradong sagot bago nagkamot ng ulo.
"Why?"
"I mean, no Ma'am," pag-ulit niya. Pasimpleng iniisa-isa ng guro ang flashcard na hawak para hanapin ang kay Cody at para na rin bigyan ito ng pagkakataong na makapag-isip ng maisasagot.
"Why no?" Hindi na nakaimik pa ang binata bagkus ay nililibot niya na lang ang tingin sa buong room na para bang sa paligid niya hinahanap ang sagot.
"K-Kasi... a-ano..." paulit-ulit niyang sabi at hindi naman nakaligtas sa tainga niya ang mahinang tawa ni Ryder na siyang naging rason kung bakit lihim naman niyang inapakan ang paa nito.
"Aray!"
"No po... kasi..."
"Chloe!" Agad silang napalingon sa gawing harap nang bigla na lamang na sumigaw si Meadow. Nawala ang lahat ng atensyon sa binata at kung kanina ay punong-puno pa ng pang-aasar ang kani-kanilang mga mukha, ngayon ay napalitan na ito ng labis-labis na pagkalito at pagkagulat.
Bigla na lamang bumukas ang pinto at doon nila nakita ang nawawalang kaklase. Bagsak ang balikat nito habang ang magkabilang kamay ay nakasuporta sa gilid ng pinto para hindi siya tuluyang matumba. Nakayuko ang dalaga habang panay suka ng dugo.
"Chloe!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top