Chapter 24: Sagupaan

"Aantayin ba nating makaalis si Chloe sa loob bago tayo papasok?" Mahinang tanong ni Cody nang hindi pa rin inaalis ang tingin sa dalagang nasa sahig at patuloy pa rin na sinisira ang lahat ng cellphone na makikita niya.

"Hindi, kailangan lang nating maghintay sandali. Delikado tayo kung magkataon," paunang sagot ni Yohan saka muling sumilip para obserbahan ang galaw ng kaklase. "Malayo sa kaniya iyong modified control car ni Willow kaya hindi niya iyon makikita kaagad."

"Ano bang meron? Bakit niya sinisira 'yan?" Puno nang pagtatakang tanong ng kasama pero hindi sumagot si Yohan. "Bakit ganoon na lang kalaki ang galit ni Chloe para bumalik pa siya rito sa room at basagin lahat ng cellphones na nandito?" Dagdag pa ni Cody pero muli, hindi magawang makasagot ng kausap. Nanatiling tikom ang bibig nito habang pilit na inaalisa ang pagkakataon kung kailan siya kikilos para makuha ang sadya.

Sa kakalibot ng kaniyang tingin ay doon nahagip ng kaniyang mata ang isang napakapamikyar na notebook na siyang hindi naman siya nagdalawang-isip na kunin. Nirolyo niya iyon saka maingat na isiniksik sa kaniyang bulsa.

Muli niyang ibinalik ang tingin sa harap hanggang sa sumakto namang  tumalikod si Chloe. Saglit niyang sinulyapan si Cody at nang tanguan siya ng kasama ay doon na siya kumilos. Agad siyang dumapa at dahan-dahang gumapang  papasok. Maingat siyang kumilos nang sagayon ay hindi siya nito mapansin. Palipat-lipat din ang kaniyang tingin kay Chloe at sa sadyang laruan. Nang ilang dangkal na lamang ang layo ng kamay niya mula sa controlled car ay ang siya namang paghinto ng dalaga sa ginagawa. Bumakas ang gulat sa mukha ni Yohan dulot ng naging reaksyon nito dahilan kung bakit hindi rin siya kaagad nakakilos.

Ilang segundong nanatiling nakahinto si Chloe waring nararamdaman niya na hindi lang siya nag-iisa rito sa loob. Bagay na mas lalong nagpakaba sa sistema ng dalawang binata. 

"Don't you guys familiar about the quote that says 'When you managed to escape from death. Don't you ever dare to show yourself from it again, because demons won't want to let you go for the second time.' " Kaswal nitong sabi saka marahang lumingon sa pwesto ni Yohan na kasalukuyan pa ring nakadapa sa sahig at pilit na inaabot ang pakay.

"It's been awhile, how are you Yohan and Cody?" Dugtong nito bago tumayo at ngumiti na siyang lagi nitong ginagawa. Ni isa sa kanila ay hindi nakasagot dahil sa matinding kaba na bumabalot ngayon sa kanilang sistema. Kahit ilang beses man nilang pilitin ang sarili na kumalma, hindi pa rin nila magawa, dahil alam nilang pareho na ang kaharap nila ngayon ay hindi na katulad noong dati.

"Hindi namin intensyon na istorbohin ka," paunang sambit ni Yohan habang pilit na kinakalma ang sistema.
"Bumalik lang kami rito dahil may kailangan kaming kunin. Iyon lang." Matapos niyang idugtong iyon ay kaagad na nagawi ang tingin ni Chloe sa ilalim ng armchair kung saan nandoon ang modified control car na siyang hindi niya napansin kanina. Kitang-kita niya rin ang cellphone ni Mills na nakadikit doon, ang nag-iisang cellphone na hindi niya pa nasisira.  Saglit siyang nanahimik upang analisahin ang sitwasyon hanggang sa tuluyan niya na ngang napagtanto ang gustong gawin ng dalawa.

"Oh, so you guys are planning to escape without me?" Inosente niyang tanong saka makailang beses na kumurap. Nagkatinginan si Yohan at Cody sa itinanong nito at mahahalata ang matinding pag-aalangan kung sasagutin ba nila ito o hindi.

"Oo nga naman. Bakit ko nga ba nakalimutan na tinalikuran niyo na nga pala ako." Pagpapatuloy niya
bago nagpagpag. Sumeryoso bigla ang mukha niya at ni kahit anong bahid ng kainosentehan ay hindi na magawang makita ng dalawa. Tuluyan na nga itong nagbago at sa isang iglap lang ay nawala ang dating Chloe na lubos nilang kilala. Sa uri pa lang ng tingin na ginagawad sa kanila ng dating kaklase ay para bang hindi na sila nito kilala.

"Sinunod mo na lang sana ang suggestion ni Cody kanina, Yohan. Inantay niyo na lang sana ako na umalis bago kayo kumilos," panimula niya saka dahan-dahang inilapit ang sarili sa binata. "Dahil hindi ko na kayo palalabasin pa rito nang buhay." Tuloy nito dahilan kung bakit halos manlaki ang mata ng dalawa.

Akmang ibubuka na ni Cody ang bibig niya para sana magtanong pero inunanahan na siya nito.

"Dinig na dinig ko iyong pinag-uusapan niyo kanina, akala niyo hindi ko alam?" Kaswal niyang banggit. "Sa inyo na nga mismo nanggaling na isa akong zombie and that is a fact that I'll never deny." Bagot na bagot itong tumayo bago humikab.

"Isa kang z─"

"Yes, Cody. I am a zombie," nakangiti niyang sagot. "I can hear 100 feets away from here, kaya kahit ilang beses pa kayong magbulungan diyan, maririnig at maririnig ko kayo."

"Hindi mo 'to gagawin, Chloe," sambit ni Yohan saka tinitigan nang diretso sa mata ang dalaga. Tila ba hinahanap ng binata ang dating Chloe sa likod ng nagbabaga nitong mga titig. "Hindi ikaw 'to kaya sana huwag kang magpadala." Dagdag niya bago inalalayan ang sarili para makatayo.

"Magpadala sa alin?" Inosenteng tanong ng kaharap.

"Magpadala sa bugso ng damdamin," dugtong ni Yohan. "Nakita ka namin, Chloe. Sinisira mo lahat ng mga gadgets dito sa loob dahil diyan mo binuhuhos ang lahat ng galit mo sa mga nangyari."

Sa idinugtong ng binata ay doon gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ng dalaga.

"Aware rin ako na ginagawa mo 'to dahil nagbabakasakali ka na naka-insert sa mga gadgets na 'yan ang SD card na pakay mo." Matapos niya iyong banggitin ay doon na muling sumeryoso ang mukha ng sadya.

Ang diretsong titig ni Chloe ay muling pumukol kay Yohan. Iilang tao lang alam ng dalaga na may alam patungkol sa SD card, at hindi niya lubos na inakala na kasali si Yohan dito.

"Where is it?" Diretso niyang tanong sa kaharap.

"Sasabihin ko lang sa'yo kung nasaan iyon sa oras na hahayaan mo kaming makaalis." Sagot ni Yohan.

Labag sa loob ng binata na banggitin ang SD card lalo na at isa ito sa mga bagay na labis niyang iniingatan. Ngunit wala siyang mapagpilian kundi ang isugal ang nag-iisa niyang baraha para makasigurong makalabas pa silang dalawa ni Cody mula sa napakadelikado nilang sitwasyon ngayon.

"Hayaan mo kaming makaalis, Chloe." Pag-ulit niya. Buong akala niya ay magagawa niya itong makumbinsi at madadaan sa mahinahong usapan ngunit tila nagkamali si Yohan, dahil taliwas sa kaniyang inaakala ang sumunod na nangyari.

"Oh come on, Yohan. You guys don't have to rush things out, okay? Hindi pa nga tayo nagsisimula  oh, bakit parang nagmamadali yata kayo?" Mapanudyong  sagot ni Chloe saka inayos ang pagkakatali ng coat sa kaniyang bewang.

"No matter what you say, I won't let you have that freaking controlled car," banggit niya bago ngumisi. "Bakit hindi niyo na lang kasi tanggapin na walang kahit sino sa atin ang makakaalis sa impyernong 'to?" Dugtong niya at doon na inumpisahang iginalaw-galaw ang kaniyang leeg. Mabilisang tumunog ang kaniyang buto waring hinahanda ang sarili sa isang sagupaan.

Nang matapos siya ay doon biglaang lumitaw ang nangingitim niyang ugat. Nag-umpisa iyong kumalat sa kaniyang leeg hanggang sa gumapang iyon patungo sa kaniyang mukha.

Hindi mapigilan ni Cody ang mapaatras  nang makita ang pagbabagong anyo ni Chloe. Kahit saang anggulo man tignan ay para na talaga itong zombie.

Nang makita naman ng dalaga ang pagkasindak sa mukha ng dalawang binata ay doon gumuhit sa kaniyang labi ang isang nakakakilabot na ngisi. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at sinugod niya kaagad si Yohan, pero maagap na nakaiwas ang binata saka matamang iniikot ang mata na tila naghahanap ng puwede niyang gamiting panlaban dito.

"Nasaan ang SD card?" Untag ni Chloe at doon mariing tinutok ang mata sa kaklase.

"Kung hindi mo kami hahayaang makaalis, mas lalong hindi ko sasabihin sa'yo kung nasaan iyon ngayon." Ganti ni Yohan at muli na naman siyang sinugod nito pero sa pagkakataong 'to ay hindi siya umilag. Bagkus ay sinalubong niya ang nangangalaiting si Chloe. Sa lakas ng impact ay hindi niya man lang nakayanang pigilan ang pwersang nagmumula sa dalaga. Tuluyan siyang bumangga sa pader dahilan kung bakit napadura siya ng dugo. Alanganin niyang tinitigan ang mukha ng kaklase na hindi man lang kakikitaan ng kahit katiting na pagsisisi.

"YOHAN!" Sigaw ni Cody at nang akmang lalapit na sana ito para daluhan ang kaibigan pero inilingan lamang siya ni Yohan senyales na huwag na itong tumuloy. Makahulugan siya nitong tinignan hanggang sa nahinuha niya ang gusto nitong iparating. Agaran siyang kumilos at doon itinuon ang pansin sa bagay na mas mahalagang gawin.

"N-naiintindihan ko ang nararamdaman mo, Chloe. P-pero sana, huwag tayong umabot sa ganito." Bakas ang sakit sa mukha ni Yohan nang hindi niya pa rin halos mapakiramdaman ang kaniyang likod. Pakiramdam niya ay napuruhan siya sa unang atake nito at kung tatagal sila sa ganitong sitwasyon, hindi malabong isipin na baka hanggang dito na lang talaga siya.

"Kung binigay mo na lang sana sa'kin kaagad, e'di sana hindi tayo aabot sa pisikalan."

Mas lalo lang siya nitong inipit sa pader dahilan kung bakit mas namilipit siya sa sakit at hindi mapigilan ang sarili na mapasigaw.

"I will ask you the same question for this time, nasaan ang SD card?" May halong pagbabanta nitong tanong.

"A-as long as walang kahit sino ang mag-iinsert ng SD card sa k-kahit anong card slot, w-wala kang dapat ikabahala. A-alam ko kung saan nagmumula ang takot mo, Chloe d-dahil hindi lang naman ikaw ang may tinatago. Ako rin, kami r-rin." Sa kalagitnaan ng kaniyang pagsasalita ay pinipilit niya ring itulak ang kaklase palayo pero para bang kahit anong gawin niya ay hindi niya talaga kayang pantayan ang lakas nito.

"Huwag mong sayangin ang oras ko, Yohan. Ibigay mo na." Muli nitong sabi pero mas lalo lamang nag-alburuto sa galit si Chloe nang nagmatigas pa rin ang binata kaya hindi niya makuha ang gusto.

"So you want to play longer huh, fine. I'll forgive you for that." Malamyos niyang sambit bago nagpunas ng ilong.

"How many times I've tried eating process foods here but I don't feel full. Kung anu-anong pagkain na sa cafeteria ang kinain ko para lang mapunan iyong gutom na nararamdaman ko pero hindi pa rin ako nabubusog. You know why?" Panimula niya saka nilapit ang bibig sa leeg ni Yohan dahilan kung bakit halos manigas sa kinatatayuan ang binata.
"Because I am craving for flesh, human flesh to be exact." Ngumisi siya ulit saka pinatong ang kaniyang baba sa balikat ng kaharap.

"So Mr. Vergara, do you want to be my happy meal,  hmm?" Tila paslit nitong tanong na siyang nagpatayo sa lahat ng mga balahibo sa katawan ng binata. Mas lalo lamang itong lumala nang maramdaman ang likidong dumadaloy na ngayon sa kaniyang leeg. Ramdam niya ang panginginig ng kaniyang labi at ang mas lalong pagkataranta ng kaniyang sistema.

Sa kabilang banda naman ay kanina pa naisagawa ni Cody ang plano. Tuluyan na niyang naipalipad sa ere ang drone ni Ledger at nakakasiguro na siya na minamaniobra na ito ngayong ng kaklase. Nang matapos niyang mai-switch on  ang radio controlled car ni Willow ay ilang segundo lang ang inantay niya at biglaan na rin iyong umandar at doon nag-umpisang humarurot palayo.

Nang sa wakas ay natapos siya ay doon na siya nakakuha ng oras para kumuha ng panibagong tubo. Daglian niyang nilingon ang pwesto nila Chloe at Yohan, kitang-kita niya kung papaano lumatay ang hirap sa mukha ng kaibigan dulot ng sinapit nito sa kamay ni Chloe. Agarang humigpit ang pagkakahawak ni Cody sa tubo dahil sa nakikita, kinakailangan na nga ng kasama ang tulong niya. Walang imik siyang tumayo saka tahimik na lumapit sa nakatalikod na dalaga. Saglit siyang bumwelo para makaipon ng sapat na lakas, nang makasigurong sakto na ang inilapat niyang pwersa ay doon na niya mabilisang iniangat ang tubo saka diretso iyong inihampas  mismong ulo ng dating kaklase.

Kitang-kita ni Cody kung paano marahang napagilid ang ulo nito na halos dumikit na iyon sa balikat ng dalaga. Nang mapabitaw na nga ito sa pagkakahawak kay Yohan ay doon pa kumilos  ang binata para makaalis.

Hindi kaagad naihakbang ni Yohan ang kaniyang paa lalo na at hindi niya pa nakakayang indahin ang sakit. Ilang segundo rin siyang napaluhod hanggang sa alalayan siya ni Cody. 

Ganon na lamang ang gulat nilang dalawa nang makita ang paggalaw ni Chloe. Iniangat ng dalaga ang dalawa niyang kamay saka niya ito ipinuwesto sa magkabilang gilid ng kaniyang ulo. Hinawakan niya iyong maigi hanggang sa dahan-dahan niya itong iniangat at itinayo.
Maingat niya iyong inayos-ayos na para bang ulo ng isang mannequin na natanggal. Ilang saglit niya pang hinawak-hawakan ang ulo niya hanggang sa bumalik iyon sa dating ayos na para bang walang nangyari.

Hindi maipaliwanag ang magkahalong takot at kaba sa ekspresyon ng dalawang binata dahil sa nakita. Ilang sandali pa ay marahan silang nilingon ni Chloe at doon nagsalita.

"Fuck you, Cody." Mura nito at nang nag-umpisa na siyang tumakbo ay doon pa nabalik sa realidad ang dalawa.

"Takbo!" Nagmamadaling sigaw ni Yohan. Ramdam pa rin niya ang sakit na natamo sa dalaga kaya may parte sa kaniya na nahihirapan pa sa pagkilos, pasalamat na lang siya at kasama niya si Cody na mabilis naman siyang inalalayan para hindi siya matumba sa pagtakbo.

Nagsimula silang maghabulan sa kinalalagyang gusali at kung saan-saang pasilyo ulit sila lumulusot para lituhin si Chloe pero tila hindi nila ito magawang mailigaw. Biniyayaan man ng liksi ang dalawa ngunit hindi iyon naging sapat para tumbasan ang angking bilis ng dalaga sa paghabol.

"Fuck, huwag diyan!" Kaagad na nahila ni Cody si Yohan nang magtangka itong lumiko sa pasilyong pader lang ang sasalubong sa bandang dulo. Marahil ay naiwala na sa isip ng kaibigan ang paparoonang pasilyo dala na rin ng labis na pagmamadali. Maagap niyang inalalayan ang kasama patungo sa kabilang pasilyo. Mabibilis ang yabag nila habang diretsong tinungo ang gawing dulo ng daan. Saktong paglabas nila ay tuluyan silang nakalabas ng building at sa malapad na quadrangle napunta.

"Tangina, bakit nakakasunod pa rin siya?!" Bakas ang pagkairitado sa boses ni Cody nang makitang nakasunod pa rin sa kanila si Chloe. May kalayuan ang agwat nila pero sapat na iyon para tubuan siya ng kaba dahil nakita niya kung paano nito balibagin si Yohan kanina. Kung pati siya ay mapuruhan din, hindi na siya sigurado pa kung makakabalik pa nga ba silang dalawa sa classroom na siyang pinagkukublian ng mga kaklase, o 'di kaya ay tuluyang magkatotoo ang tinuran ni Chloe kanina na wala talagang kahit isa sa kanila ang makakalabas pa rito nang buhay.

"Dapat tayong makalayo, Cody. Hindi dapat malaman ni Chloe kung nasaan sila Mills." Tugon ni Yohan habang nakatuon pa rin ang mata sa daan at pinipilit ang sarili na masabayan ang bilis ng kasama. Taka naman siyang nilingon ng binata dahil kanina pa siya nilalamon ng mga patung-patong na tanong. Nagtataka na siya sa mga nangyayari dahil pakiramdam niya, may mga bagay siyang hindi alam.

"Ano ba talagang nangyayari, Yohan?" Pero muli, ay hindi na naman siya nito sinagot. Sa muling pagliko nila sa isang corridor ay puro  zombie ang sumalubong. Akmang aatras na sana sila para bumalik pero nakita na rin nilang papalapit si Chloe na ngayon ay may hawak ng kutsilyo.

"Kailangan nating umakyat! Mauna ka na!" Utos ni Yohan kay Cody na kaagad namang sinunod ng binata. Hindi naging madali para sa kaniya ang makaabot sa ikalawang palapag ng building dahil sa mga zombies na pilit din siyang inaatake pero kahit papaano ay naagapan niya pa rin. Nilingon niya si Yohan na ngayon ay nakasuporta na ang kamay sa kaliwa nitong balikat. Bago pa siya makasenyas ay mabilisan na itong umakyat upang sumunod.

Muli nilang tinakbo ang corridor sa second floor habang pilit na iniiwasan ang mga zombies na pursigido rin silang sunggaban. Nang saktong naitulak ni Cody pababa ang isang zombie ay saka naman nahila ng panibagong halimaw ang paa niya. Diretso siyang sumubsob sa sahig nang tuluyan nga siya nitong hilahin palapit. Pilit siyang nagpumiglas at paulit-ulit niyang sinisipa ang noo no'n para mailayo lang ito sa kaniya pero sadyang mapilit iyon kaya ayaw pa ring bumitaw.

Sa muling paglipat ng kaniyang tingin sa hagdan na dinaanan nila kanina ay doon niya na nakita si Chloe na prenteng naglalakad patungo sa pwesto nila. Paunti-unti nitong hinakbang ang magkabilang paa hanggang sa unti-unti rin iyong bumibilis at kalaunan ay tuluyan na nga itong naging takbo.

Sa muling pagsipa ng binata sa zombie ay doon pa siya tuluyang nakawala. Hindi siya halos magkandaugaga para lang makatayo at mahila si Yohan na halatang malapit na ring bumigay. Walang pasa-pasabing hinila niya ito palapit saka muling sinuportahan sa pagtakbo. Sa muling pag-akyat nila sa itaas ay halos nag-alangan ang dalawa kung tutuloy ba sila o hindi.

Puno ng zombies ang corridor at nakatalikod ito sa pwesto nila. Alanganing tinignan ni Cody si Yohan upang tanungin kung babalik ba sila pero hindi ito nagpatinag bagkus ay sumenyas lamang ito na tumuloy sa pag-akyat. Pigil-hiningang binaybay ng dalawa ang hagdan patungong fourth floor at pilit na hinahakbang nang buong ingat ang paa para hindi ito makagawa ng ingay.

Sunod nilang narinig ang pagkalansing ng tubo sa handrail. Tila ba sinadya itong ipukpok nang dahan-dahan na para bang sinasabi nito na may tao sa ibaba. Hindi na nag-abala pa ang dalawa na sumilip nang mag-umpisang maging agresibo ang mga zombies sa third floor. 

"Cody," tawag ni Yohan sa binata na kaagad namang lumingon sa pwesto niya. "Kung saka-sakali mang maipit tayo sa pagkakataong 'to. Siguraduhin mong makakabalik ka nang buhay sa room." Dugtong nito bago isinandal ang sarili sa pader. Nalukot naman kaagad ang mukha ng kausap na halatang hindi nagustuhan ang kaniyang sinambit.

"Tangina, Yo. Hindi kita sinundan dito para magpaiwan. Sinigurado kung makakasunod ako sa'yo para siguraduhing makakakabalik ka rin."

"Pero k—"

"Tangina tol, kung balak mong magpakamatay, pwedeng huwag ngayon?" Putol niya sa gustong sabihin ng kaibigan. Hindi ito kaagad sumagot bagkus ay dinukot lamang ng binata ang nakarolyong notebook mula sa kaniyang bulsa. 

"Dalhin mo 'yan." Kaagad niya itong inabot sa kaharap na mahahalatang hindi rin maintindihan kung ano ba ang saysay ng bagay na hawak niya.

Sandali pang nangunot ang  noo ni Cody kung ano ang gagawin  niya sa kwaderno lalo na at nag-abala pa talaga ang kasama na itago iyon. Ngunit nang mas ilapit pa ito ni Yohan ay wala na nga siyang ibang nagawa pa kundi ang tanggapin iyon.

Puno nang pagtataka niya iyong binuklat at doon tumambad sa kaniya ang nakaipit na sd card na nakasiksik sa plastic cover.  Akmang magsasalita siya ulit para sana makapagtanong kung ano ba ang meron sa bagay na iyon pero hindi na iyon naituloy pa lalo na nang nahagilap ng mata niya ang papalapit na kutsilyo. Gulat siyang napayuko at sinundan ang patalim na kaagad ding tumama sa pader. Doon na lang namalayan ni Cody ang pagdating ni Chloe. Nasa ibaba pa rin ito at iilang baitang na lang ang layo ng dalaga mula sa kanila.

Nang tuluyan na nga itong nakaakyat at doon na niya pwersahang pinagtutulak palayo ang mga zombies na humaharang sa daanan niya. Ganoon na lamang ang gulat ng dalawa nang para lang itong mga basurang hinahawi. Alam ng dalawa kung gaano kalakas ang isang zombie, at hindi nila lubos na inakala na mas mangingibaw pa pala ang pwersa ni Chloe.

"Ang aga mo naman yatang sumuko, Yohan. Pagod ka na bang makipaglaro sa'kin?" Mapanudyo nitong turan bago ngumisi.

Hindi sumagot ang binata bagkus ay tinutulak lang nito palayo  si Cody na ngayon ay wala talagang planong umalis.

"Kahit pa bugbugin mo'ko nang paulit-ulit. Wala ka pa ring makukuha sa'kin." Pagmamatigas ni Yohan at doon binalingan ng tingin ang kaibigan.

"Kung ano man 'yang pinaplano mo pw—"

"Susunod ako." Daglian niyang singit bago niya ito pwersahang tinulak papalayo senyales na pinapatakas niya na ito.

Sandali pang sinundan ng tingin ni Chloe si Cody pero wala siyang kainte-interest na sundan iyon, dahil sa pagkakataong 'to. Si Yohan ang pakay niya.

"Kanina ko pa 'to gustong itanong eh.  Where are they?" Banggit niya saka dahan-dahang umakyat paitaas. Paatras namang inihakbang ng binata ang kaniyang paa para magkaroon sila ng distansya ng dalaga. "Saang lupalop ba ng Juanico High niyo sila tinago?"

"Huwag mo na silang idamay dito, Chloe. Labas na s—"

"Labas? Patawa ka? Nakakalimutan mo na yata na halos silang lahat, damay sa gulong 'to." Putol ni Chloe hanggang sa tuluyan na nga silang nakaakyat sa fourth floor. Ramdam ulit ni Yohan ang kirot na nagmumula sa kaniyang likod dahilan kung bakit wala sa wisyo siyang napasandal sa bakal ng corridor.

"Naipit lang sila kaya nila nagawa iyon. Ginawa namin ang lahat ng kaya naming gawin para mailayo ka  pero hindi madaling kalaban si Quincy, at alam kong alam mo 'yan," depensa ng binata. "Limitado ang kilos namin at kahit ilang beses man tayong kumuha ng ebidensya, nababasura pa rin lahat ng iyon dahil tiyahin niya ang principal natin. Kaya huwag mo sanang isipin na tinalikuran ka namin dahil pare-pareho tayong naging biktima rito." Tutol niya pa at doon pinilit ang sarili na tumayo nang maayos.

"Matitiis ko iyong mga puntong hindi kayo nakikialam kasi ayaw niyong madamay. Tanggap ko rin na hindi niyo ako kayang protektahan dahil hindi niyo kaya sila Quincy. Pero alam mo ba kung ano iyong pinakahindi ko kayang tanggapin?" Huminto muna si Chloe saka niya isinuot muli ang kaniyang coat. "Iyon ay ang naging isa na rin kayo sa mga taong nanira sa'kin."

Sa idinugtong ng dalaga ay hindi na nagulat pa si Yohan sa kung ano ang nais na ipahiwatig nito ngunit sa halip na magsalita, ay mas pinili niyang manahimik.

"Ayos lang naman kasi sa'kin na pagtulungan nila ako kasi alam kong pagkatapos kong masaktan, nandiyan kayo para itaas ako. Kayo  lang kasi iyong meron ako, Yohan. Kayo lang iyong mga taong kaya akong intindihin. Pero anong ginawa niyo pagkatapos? Tinalikuran niyo rin ako." Namamaos niyang turan. "Ano lang ba para sa inyo iyong mga pinagsamahan natin? Wala lang? Ganoon na ba ako kawalang kwentang tao para pagkatapos niyong gamitin eh itatapon niyo na lang kaagad? Kaibigan niyo lang ako kasi may pakinabang ako? Tapos kung wala na, ayaw niyo na? Ano 'yan, friends with benefits?"

"Chloe, alam kong alam mo na tinuring kang kaibigan ni Willow n—"

"Putangina, isa pa 'yan." Mariin niyang putol. "Kung kaibigan niya nga talaga ako, hindi niya gagawin sa'kin iyon. Sinira niya ako, winasak niya iyong dignidad ko!" Putol ng dalaga sa kaniyang sinasabi.

"Kaya pwede bang tumigil ka na sa pangungimbinsi sa'kin, Yo? Dahil hinding-hindi na ako ulit makikinig sa mga kasinungalingan niyo."

Wala sa wisyong nagbaba ng tingin ang binata dahil sa narinig. Kung may tao mang dapat na kumausap sa kaharap, si Willow iyon at hindi siya. Naipaliwanag niya na lahat ng kaniyang dapat na sabihin at aminado rin siyang hindi niya alam ang buong kwento kaya hindi siya ang tamang tao para kumausap kay Chloe. Ngunit iba na ang kanilang sitwasyon ngayon, hindi na ito ang dating Chloe na kilala niya kaya hindi siya sigurado kung marunong pa rin ba itong makinig lalo na at sa nakikita niya ay tuluyan na nga itong napuno at nagpalamon sa galit. Idagdag pa ang katotohanan na isa na itong halimaw.

"Sagad na sagad na rin naman ang pasensya ko sa'yo kaya mas mabuti pa kung tapusin na lang natin 'to." Matapos niya iyong banggitin ay muli na namang nagsilitawan ang itim niyang mga ugat. Nang muling lumukob ang halimaw sa pagkatao niya ay doon niya diretsong  sinugod ang binata.

Diretso ang tingin ni Yohan sa kaharap at hindi man lang nakakaramdam ng kahit anong takot sa kaniyang sistema. Kalmado lamang siyang nakatayo lalo na at may plano rin naman siyang inihanda. Labag sa kalooban niya na gawin ang kaniyang naiisip pero ito na lang ang kaisa-isang pagpipilian niya para sa ikabubuti ng lahat, kahit mali.

Nang saktong susunggaban na siya ng dalaga ay kaagad siyang umupo saka hinawakan ang dalawa nitong binti at pwersahang itinulak palikod dahilan kung bakit tuluyan itong nahulog.

"Ahh!"

Hindi nakatakas sa pandinig ni Yohan ang nakakabinging sigaw ni Chloe. Hindi niya maiwasan ang sarili na mag-iwas ng tingin lalo na at hindi niya magawang tignan ang katawan nitong bumubulusok sa ibaba. Hindi niya rin naman maitatanggi ang katotohanan na may pinagsamahan sila ng dalaga, ngunit hindi iyon naging hadlang para ituloy ang balak niya.

"Hindi ko intensyon na ilagay ka sa kapahamakan, Chloe. Pero  ito na lang ang nakikita kong paraan para tuluyan ka na ngang makapagpahinga sa magulong mundong 'to," mahina niyang sambit sa sarili. "Wala ako sa posisyon para tumapos ng buhay nang may buhay, pero wala akong mapagpipilian kundi ang gawin iyon lalo na at alam kong mas malalagay ang lahat sa alanganin kung masisira mo ang SD card. Ito na lang ang nag-iisang ebidensya na meron ako na siyang naging saksi sa lahat ng gulong 'to."

Dahan-dahan siyang umalis mula sa pagkakasandal at doon pinilit ang sarili na maglakad.

"Hindi ko rin kayang isipin na mamamatay sila nang dahil din sa'yo." Huli niyang sabi bago nagdesisyong umalis.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top