Chapter 2: Tanong

Mag-aala sais na ng hapon pero nandito pa rin sa Juanico High si Ms. Garcia at nagbabakasakali na babalik pa rito sa classroom si Chloe, pero papalubog na lang ang araw at hindi pa rin bumabalik ang dalaga. Kabado niyang nilihis ang tingin sa gamit ng kaniyang estudyante saka siya nagpasyang lumabas muna sandali. 

Saktong pagsarado niya sa pinto ay nakasalubong niya na rin sa labas ang mga guwardiya na nag-uumpisa na sa pagronda at paninita sa mga estudyante na natira sa loob para utusan na magsi-uwi. Agad niyang nilapitan ang guard na pinakamalapit sa kaniya. Nang mapansin  nito ang kaniyang presensya ay mabilis naman itong napalingon.

"Pasensya na sa istorbo pero nakita niyo po ba siya?" tanong kaagad ng maestra saka madaliang pinakita ang profile picture ni Chloe sa Facebook.

Tinitigan naman ito nang mabuti ng guard at inaalam nang mabuti kung napansin niya ba ito kanina o hindi.

"Teka, bakit parang pamilyar sa'kin 'tong batang 'to?" aniya nang hindi inaalis ang tingin sa screen. "Ito iyong sinasabi nilang Chloe di'ba?"

"Napansin niyo ba siya kanina na lumabas ng gate, guard?" dagdag ng guro.

Ilang sandaling natahimik ang gwardiya na para bang inaalalang mabuti kung nakalaalis na nga ba ito.

"Pasensya na, ma'am. Pero ito pa lang iyong unang beses na hindi ko nakita ang bata na lumabas sa gate kaya sigurado ako na baka nandito lang iyon sa loob ng eskwelahan," komento nito bago sumenyas sa iba pa nitong kasama na guard. Rumadyo na rin siya sa iba pa para bigyan sila ng order.

"Hanapin niyo 'to," utos niya bago pinakita sa mga kasama ang picture ng dalaga.

Kumuha sila ng tig-iisang kopya hanggang sa isa-isa na silang nagsi-alisan para mag-umpisa sa paghahanap.

"Huwag kang mag-alala, Ma'am. Paniguradong mahahanap din natin ang bata," pampalubag loob ng gwardiya bago tinanguan ang guro senyales na aalis na ito.

Bago pa man makalakad si Ms. Blaire ay agarang tumunog ang cellphone niya kaya sandali siyang napatigil para tignan iyon. Matapos niyang mabasa ang pangalang nakatatak sa kaniyang screen ay doon siya muling dinunggol ng kaba nang ang mismong nanay na ng bata ang tumatawag sa kaniya.

Mrs. Montemayor calling...

Sandali munang pinakalma ng maestra ang kaniyang sarili bago nagpasyang sagutin ang tawag.

"Hello, Ma'am? Good evening po. Nandiyan pa rin po ba si Chloe?" paunang sambit ng babae na siyang naging mitsa kung bakit hindi siya kaagad nakasagot.  "Nakakapagtaka lang po kasi na umuwi ang driver ko rito sa bahay nang hindi dala ang anak ko." 

Sandaling nagkaroon ng ilang segundong katahimikan hanggang sa nagpasya na nga ang maestra na aminin ang kasalukuyang pangyayari.

"Mrs. Montemayor, si Chloe po... nawawala," diretsa niyang pag-amin na siyang naging rason kung bakit bigla na lamang hindi nakasagot ang nasa kabilang linya.

"A-Ano? Anong ibig niyong sabihin na nawawala ang anak ko?"  Nauutal nitong tanong.

Ramdam na ng maestra ang matinding kaba at pagkapahiya lalo na at sa kaniya pa mismo ibinilin na bantayang maigi ang dalaga. Ngunit bigo siyang magampanan ang kaniyang tungkulin lalo na at nawawala nga ito ngayon.

"Nasa premises niyo siya, Ma'am kaya papaanong bigla na lang siyang nawala?"  hindi makapaniwala nitong tanong at kababakasan nang labis-labis na pagkadismaya at pag-aalala.

"Mrs. Montemayor, we're doing our part to find your daughter. Nagroronda na po ang mga guards sa buong Juanico High para hanapin ang anak niyo," pagpapakalma ng maestra at ilang saglit pa ay naririnig niya na ang paghagulgol nito kaya miski siya ay naaapektuhan na rin.

"S-Sa oras na hindi niyo pa rin siya mahanap sa school. Irereport ko na ito sa police." 

Wala sa wisyong nahilot ng guro ang kaniyang sentido bago lumingon sa kaniyang gawing likod. Nilibot niya ang tingin sa lahat ng buildings na nandito at halos nawawalan na siya ng ideya kung saan niya hahanapin ang estudyante. Akmang babalik ulit siya sa paglalakad pero aksidenteng tumama ang kaniyang mata sa isang pinto sa gawing dulo ng pasilyo.

"Tama, ang science lab,mahina niyang konklusyon sa sarili at  tinakbo ang silid na sadya.

Saktong pagdating niya sa dulo ay doon niya naabutan ang maestro na sinasarado na ang kaniyang opisina. 

"Sir Winston," agaran niyang tawag sa maestro na napalingon din kaagad sa pwesto niya. "Pwede ko ba kayong makausap sandali?"

Pansamantalang binitawan ng guro ang seradora bago siya hinarap. "Tungkol saan ito?"

"Tungkol ito sa estudyante kong si Chloe. Si Chloe Montemayor."

"Anong meron sa kaniya?"

"Si Chloe nawawala. Kanina pa iyong lunch break lumabas and up until now hindi pa rin siya bumabalik sa classroom. Miski ang mga gamit niya ay nasa loob pa rin," panimula niya at nahalata kaagad ng kaharap na may nais itong ipahiwatig. "Ang sabi ng mga estudyante ko, dito nila huling nakita si Chloe sa office mo."

Walang salitang inalis ni Sir Winston ulit ang kandado bago nilawakan ang pagkakabukas ng pinto.

"Go on and check it."

Nag-umpisang maghanap si  Blaire sa bawat sulok ng silid, una niyang pinasadahan ng tingin ang bawat likod at gilid ng mga may kalakihang estante ng libro. Hindi pa siya nakuntento at tuluyan niya na  ngang inihakbang ang paa papasok hanggang sa umabot siya sa may kaliitang laboratory ng room. Muli niyang inikot ang kaniyang mata pero kataka-takang wala man lang siyang makita.

Umabot pa siya sa pinakadulong parte kung saan nakapwesto ang mesa ng maestro ngunit gaya nga ng mga naunang resulta, wala pa rin siyang kahit anumang bagay na makakapagpaturo kung nasaan ang kaniyang estudyante.

"Pero dito siya huling nakita." Bakas sa mukha ni Ms. Garcia na hindi ito makapaniwala na wala si Chloe rito. Malakas ang kutob niya kanina pa na nandito lang iyon sa Science Lab kaya papaano nangyari na ni kahit anino nito ay hindi niya magawang mahagilap?

"As you can see, she's not here. Oo nga, nandito siya kanina tapos sumunod naman dito sa loob iyong lalaki mong estudyante," pagtatapat ng maestro bago inayos ang kaniyang salamin. "And as of now, I don't have any idea about your student's whereabouts. But don't worry, if ever na makita ko siya I'll inform you right away."

Sa isip niya ay baka dito nga huling namataan ng mga estudyante niya si Chloe pero hindi lang nila ito napansin na umalis. Hindi rin kasi niya alam kung sino ba ang lalapitan upang makapagtanong dahil sira ang CCTV sa corridor.

"I am very sorry if ever I interrupted your time. Thank you so much for your cooperation, Mr. Winston. Magandang gabi sa'yo," huling banggit ni Ms. Garcia at nang tinanguan lang siya nito ay dumiretso na lamang siya sa guard house upang kamustahin kung may nahanap ba sila tungkol kay Chloe.

"Something fishy is happening," mahinang banggit niya sa sarili bago tinapunan ng panghuling tingin ang silid kung saan siya nanggaling.


***

"Loli? Andito na po kami!" Pasigaw na bungad ni First matapos niyang mabuksan ang gate sa bahay nila. Naunang pumasok ang binata at nagbalak pa itong pagsarhan ang kapatid. Mabuti na lamang at naisingit kaagad ng dalaga ang kaniyang sarili papasok kundi ay magbabatuhan na naman sila ng argumento ng kaniyang Kuya.

"Gago ka talaga kahit kailan." Umiiling na  komento ni Mills sa inasal ng kaharap. Nang gantihan siya nito ng namimikon na ngisi ay mabilis niyang sinipa ang bato na malapit sa kaniya  at dumiretso itong gumulong patungo sa binata na mabilis din namang nakailag.

Akmang mag-uumpisa ulit sila sa asaran pero hindi na iyon natuloy pa nang biglaang bumukas ang pinto at doon lumabas ang kanilang lola na mapaghahalataang galing pa sa pagluluto. Kasalukuyang nakasuot ng lumang apron ang matanda at may hawak pa itong sandok.

"Kakauwi niyo lang nag-away na naman kayo," mabilis nitong sita bago sila tinurong dalawa.

"Kasalanan ni Mills, Loli." Turo ng kapatid dahilan kung bakit sinamaan siya ng tingin ng dalaga.

"Anong ako? Ikaw kaya iyong nagbalak na pagsarhan ako ng pinto. Balak mo ba akong patulugin sa labas?"

"O'siya tama na 'yan. Magsipasok na kayo rito sa loob. First, magpalit ka na muna ng damit. Pinadalhan na nga kita ng extra pero hindi mo pa rin sinuot. Pasaway ka talagang bata ka," panguna nitong sermon sa binata na nagkamot lang ng batok at naunang pumasok sa loob. Nang balingan nito ng tingin si Mills ay mapang-asar lang siya nitong tinawanan dahilan kung bakit dinuro ito ng kapatid na halatang nagbabanta.

"Loli! Si kuya may sinasabi pa!" Sumbong ng dalaga rason kung bakit mabilis na ibinaba ni First ang kamay at pumasok na lamang sa kwarto niya.

"Kumusta ang araw ng paborito kong apo? Natapos mo na ba project mo, hija?" salubong ng matanda sa kaniya bago niya ito niyakap.

Tumugon naman kaagad si Mills at hindi mapigilang isiksik ang mukha sa braso ng kaharap. Isa ito sa  pinakapaborito niyang gawin sa oras na makauwi na siya sa bahay, at iyon ay ang salubungin ng yakap ang nag-iisang taong kumalinga sa kanilang magkapatid.

"Siyempre naman, galing kaya nitong apo mo," pagyayabang niya pa bago tinaas-baba ang kilay. Wala sa wisyong napailing ang kaniyang Loli dahil sa kalokohan ng kaniyang apo bago niya ito sinamahan papasok sa kanilang mumunting tahanan.

Pagdating nila sa loob ay nakahanda na ang hapunan. Amoy pa lang ng lutong-bahay ay kaagad na kumalam ang tiyan ni Mills. Mabilis niyang nilapag ang kaniyang knapsack at hindi na nag-abala pang magpalit muna ng damit bagkus ay dali-dali niyang tinungo ang mesa.

"Kumusta ang practice niyo kanina sa basketball, First?"

"Ayos lang, Loli. Sure ball na panalo namin bukas. 'Tamo, iuuwi ko iyong trophy namin dito sa bahay," pagkwento ng binata na siyang naging rason kung bakit napaismid ang nakakabatang kapatid.

"Sure ball daw, eh si Ryder kaya ace niyo. Di'ba hindi na siya naglalaro? E'di talo kayo bukas," sabat ni Mills na siyang nagtulak kay First na samaan ng tingin ang kaharap.

"Maglaro man siya o hindi, panalo pa rin kami. Aba, baka nakakalimutan mo na alagang Juanico High 'to," dagdag pa nito ulit saka pabirong nagtaas ng noo.  "Siya nga pala, nakabalik na ba kaklase mo?"

"Sino, si Chloe?" pag-ulit ni Mills. "Hindi ko alam. Tsaka alam mo, kuya, nakakapagtaka lang talaga na bigla na lang siyang nawala kanina sa classroom."

"Ano? May nawawalang estudyante sa eskwelahan niyo?" Hindi makapaniwalang tanong ng matanda. 

"Madalas din kasi iyong nabubully, loli. Nakasalubong ko nga pa iyon kanina tapos nakita ko pa na may nakadikit pang bubble gum sa palda niya."

"Nakita mo pala, ba't hindi mo tinulungan? Hindi kita pinalaking ganyan," sermon ng matanda dahilan kung bakit napakamot ulit sa batok ang binata.

"Tangina, gusto ko lang namang magkwento bakit nauwi sa sermon?" mahina niyang bulong sa sarili bago uminom ng tubig.

"Luh, anong ginagawa mo sa Junior Building kanina? Hindi mo naman ako dinalaw sa room," naghihinalang singit ni Mills at doon niya pinanliitan ng tingin ang kapatid. "Siguro may bago ka na namang pinopormahan, ano? Asus, parang kailan lang si Ate Kimber pa iyong nilalapit-lapitan mo tapos—"

"Ingay mo, manahimik ka."

Tinuro ng matanda ang panganay na apo saka nagsalita. "Bantayan mo 'tong kapatid mo, First ha. Kapag nabalitaan ko talaga na pati 'tong si Mills ay binubully na rin. Magdadala talaga ako ng itak sa school niyo."

"Ikalma mo, loli. Baka umangat na naman altapresyon mo," madaliang sambit ni Mills saka hinagod ang likod ng katabi. "Tsaka sino ba namang magtatangkang i-bully ako? Subukan lang talaga nilang lapit-lapitan ako. Matitikman nila ang bagsik ng isang Mills Santero." 

Wala sa wisyong naitakip ni First ang kamay sa kaniyang mukha nang muli na namang makalimutan ng kaniyang kapatid ang paulit-ulit na ibinibilin ng kanilang lola.

"Ilang beses ko bang ibibilin sa'yong bata ka na hindi nga ganyan kung umasal ang isang babae?" seryosong tanong ng matanda na siyang nakapagpatahimik sa apo. "Pinalaki kitang dalaga at hindi binata kaya umayos ka."

"Paanong 'di 'yan babaliko, Loli eh puro sa babae mo pinapasama 'yan," patay-malisyang sabat ni First saka muling uminom ng tubig. Nang tapunan siya nito ng tingin ay agad niyang iniwas ang mata at bumalik sa pagkain.

Inurong na lamang ni Mills ang kaniyang dila at labas sa ilong na sumunod sa bilin ng kaniyang lola. Kahit alam niya pang hindi kakayanin ng kaniyang kaluluwa na kumilos sa pambabaeng pamamaraan.

"Sige na. Tapusin niyo na 'yang hapunan niyo at nang makatulog na kayo. Maaga pa pasok niyo bukas," bilin nito sa kanila bago tumayo at hinubad ang suot na apron.

"Lalo ka na, First. Laban niyo na bukas at kailangang mahaba tulog mo ngayon. Sa susunod mo na lang atupagin 'yang mobile legend mo na 'yan." Akmang tatawa na sana ang dalaga pero agad na binalik ng matanda ang  tingin sa pwesto niya.

"Opo, Loli."

"Isa ka pa. Tigil-tigilan mo na 'yang pagpupuyat mo. Akala mo hindi ko alam na mag-aalas dos na lang ng madaling araw eh gising ka pa rin? Tumigil ka na sa kalokohan mong bata ka kung ayaw mong kunin ko 'yang selpon mo," banta nito sa kaniya bago umakyat sa taas upang ipagpatuloy ang naantala niyang pananahi.

Mabilis namang tinapos ni Mills ang kinakain niya sa kadahilanang may tatapusin pa siyang asignatura na hindi niya nagawa kanina sa library. Akmang tatayo na sana siya  para kunin ang mga gamit niya pero agad siyang hinarangan ng kapatid.

"Teka, Mills!" tawag sa kaniya ni First habang abala ang kamay sa pagdukot ng nakatuping papel sa loob ng kaniyang suot na jersey short. Agad naman na napalingon ang dalaga sa kaniyang pwesto at dumapo kaagad ang tingin nito sa hawak niyang papel.

"Ano 'yan? Huwag mong sabihin na assignment niyo 'yan tapos sa'kin mo papasagutan?" mabilisan nitong angal.

"Ulol, lessons niyo nga 'di mo maintindihan, iyong sa'min pa kaya? Tigil-tigilan mo'ko, Mills," tugon niya sa kaharap at bago pa man ito makapagreklamo pa ulit ay ipinatong na niya ang papel sa palad niya.

Kuryosado namang binuklat ni Mills ang hawak saka niya ito dagliang binasa. Doon niya lang napagtanto na isa pala iyong agreement paper na mismong ang head ng sports department ang nagbigay.

"Ayaw niya kasing mag-facebook kaya hindi ko siya ma-chat. Wala rin akong number ni gago kaya hindi ko siya matawagan," panimula ng binata habang hindi inaalis ang tingin sa papel. "Kaya inuutusan kita ngayon na ibigay mo 'yang papel kay Ryder bukas na bukas."

"Hayop 'to, ginawa pa akong utusan."

"Aba, anong silbi ng kapatid kung hindi ko gagawing utusan?"

"Sabay ba tayong pupunta sa school bukas? Baka kasi late ko 'tong maibigay kay Ryder," madalian niyang banggit at umaasang makukuha siya ng matinong sagot sa kaharap pero gaya nga ng pagkakikilala niya sa kapatid, wala talaga itong kwentang kausap.

"Luh, asa ka. Bahala ka sa buhay mo. Sinabi ko lang naman na ibigay mo 'yan kay Ryder ni hindi ko nga binanggit na sasabay ka sa'kin," reklamo ng kapatid dahilan kung bakit nasuntok niya sa balikat ang kausap na hindi kaagad nakailag.

"Pwera biro. Importanteng maibigay mo 'yan sa kaniya bukas. Pakisabi na rin na kung saka-sakali mang magbago ang isip niya at gusto niyang lumaro ulit, sabihin mo lang na pirmahan niya 'tong agreement paper at sumunod kaagad sa City Gym. Aantayin namin siya," mahinahon niyang bilin bago tinuro ang papel na hawak. "Gawin mo lahat para makumbinsi iyong gagong iyon ha? Magaling ka mambola di'ba? Plastic ka rin kaya sure akong mapapayag mo 'yong ga— Aray!" Hindi na niya natapos pa ang kaniyang  sinasabi matapos siyang apakan ng dalaga.

"E'di umamin ka rin sa katotohanan na talo kayo 'pag wala si Ryder! Bwisit 'to, nagmamagaling pa," naiinis na sambit ni Mills at hindi na lamang pa inantay ang sagot ng kausap bagkus ay tumungo kaagad siya sa kwarto bitbit ang kaniyang knapsack.

Pagkatapos niyang magbihis ng damit pantulog ay doon na niya kinuha ang kaniyang notebook. Doon niya inipit ang contract paper na bigay ni First kanina. Sa hindi inaasahan ay dumapo ang kaniyang mata sa plastic cover ng hawak. Doon niya nakita ang nakaipit na SD card na ilang linggo na ring pinatago sa kaniya ni Yohan.

Hindi niya maiwasang titigan iyon nang mabuti at magmula noong binigay ito ng binata sa kaniya ay hindi niya pa iyon nabubuksan dahil sa bilin din nitong huwag muna iyong gamitin. At kung anuman ang dahilan, iyon din ang hindi niya alam.

"Ano ba kasing meron sa'yong memory card ka at kailangan pa kitang itago?" tanong niya habang tinititigan iyon. Ilang segundo pa siyang natulala at pinipilit pa ring alamin ang rason kung ano ba talagang meron dito, ngunit wala talaga siyang maisip na sagot.  Gustuhin man niyang buksan iyon ngunit sadyang may isang salita siya kaya kahit kinakain man siya nang kuryosidad, marunong pa rin siyang magpigil.

Para na rin hindi siya masyadong matukso ay sinarado niya na lamang ang kwaderno bago isinilid muli sa bag.

Akmang itutuon na niya sana ang atensyon sa pagsagot ng kaniyang naantalang aktibidad pero natuon ang kaniyang mata sa cellphone na nakapatong sa ibabaw ng kama niya. Kanina pa ito umiilaw kaya hindi niya na napigilan pa ang sarili na kunin iyon para tignan.

"Ay gago, 'di ko pala napatay iyong data ko. 30% na lang tuloy." Naiinis niyang sermon sa sarili bago kinalikot ang hawak.

Grade 10- Aries Hshs

99+ unread messages

Meadow Villarreal ( Ms. President )

Guys, may balita na ba kayo kay Chloe? Tumawag kasi sa'kin si Mrs. Montemayor as in ngayon lang tas sabi niya hindi pa rin daw siya umuuwi.

Alison ʚїɞ
Kakadaan ko lang sa bahay nila Ms. Garcia. Naka off pa ilaw niya sa bahay. Nasa school pa rin ba siya?

Willow Dela Peña Marasigan
Yes po, opo. Si Ms. Garcia nandito pa sa school.

Alison ʚїɞ
Ay 'di ka pa tapos sa training mo sa Tech? Uwi ka na teh, late na.

Earlyseven Neverbroke
Uwi ka na raw, Willow. Papakasalan ka pa ni @Ledger Chavez

Willow Dela Peña Marasigan
Ulol

Shilloh Shilloh
She's actually standing right infront of the Science Lab kanina, @Meadow. Maybe she went there and decided to perform some incantation that's why she disappeared? Have you guys forgot that she's  a freaking alien?

Meadow Villareal (Ms. President)
Watch your mouth, @Shilloh. This is not the right time for you to act that way.


Shilloh Shilloh
Fine. I was just trying to lessen the atmosphere😏

Meadow Villareal (Ms. President)
Sabi ng mga nakausap ko, naunang pumasok si Chloe sa Science Lab and after a couple of minutes, si Yohan iyong sumunod. Hindi mo ba talaga nakita si Chloe sa loob @Yo Han?

Yo Han
Si Sir Winston lang talaga naabutan ko sa loob, pres.


Seen by you,  Alison ʚїɞ, Earlyseven Neverbroke and 20+ others

Wala sa wisyong naibaba ni Mills ang hawak niyang cellphone bago tumingin sa wall clock sa gawing gilid.

"Mag-aalas otso na, pero wala ka pa rin. Nasaan ka na ba kasi Chloe?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top