Save Me 1.1
Save Me
Written by: Xenon
- - -
Nang maramdamang lumuwag ang tali sa 'king kamay ay marahas ko itong hinila para makawala, damang-dama ko ang pagdaan ng makapal na tali sa 'king namamaga at nasugatang kamay. Ininda ko ang hapdi at tinaggal ang sakong nakatakip sa 'king ulo, nang mahiwalay ito sa 'king ulo ay pinalitan ng nakakasilaw na liwanag ang kaninang madilim na paligid. Napayuko ako ako at mariin na napapikit para iwasan ang ilaw, ilang saglit pa ay nasanay na ang aking mga mata. Halos hindi ko na makilala ang aking sarili dahil sa dami ng pasa at dugo sa 'king katawan, ang paligid din at hindi pamilyar sa 'kin, siguro'y nasa loob ako ng abandonadong bahay.
Dali-dali kong kinalagan ang tali sa 'king mga binti at agad na napatayo, pagtayo'y natalisod ako sa panghihina ng aking mga binti---sa ilang araw kong pagkakaupo rito ay malamang naninibago ang aking sistema at may pagkakataong mawawalan na ako ng balanse. Kahit nadarapa ay agad akong bumabangon para tumakas.
Wala pa sila, ito na lang ang natitirang pagkakataong makatakas sa mga halimaw na lumapastangan at nagpahirap sa 'kin. Hanggang ngayon ay damang-dama ko pa ang sakit ng aking katawan na gawa nila--- bawat pagdampi ng suntok, tadyak at hampas sa 'kin ay sariwang-sariwa pa sa 'king isipan at katawan.
Mga hayop sila!
Pagbukas ko sa pintuan ay sinalubong ako ng sariwa at malamig na hangin, napakadilim ng paligid pero naaaninagan ko pa ang makakapal, mayayabong at matataas na kahoy sa paligid. Itinago ako ng mga kidnappers sa gitna ng gubat, hindi ko alam kung nasaan ako.
Kahit natatakot ay mas pinili ko na suongin ang madilim at nakakatakot na gubat, kailangan kong mahanap ang daan palabas dito dahil ito na lang ang natitirang pag-asa para sa 'king sarili, kung maliligaw man ako ay wala na akong pakialam pa basta't nakalayo na ako sa kanila.
Lakad, takbo, dapa, bangon. Paulit-ulit na nangyayari sa 'kin pero mas pinili kong magpakatatag at indahin lahat ng hirap para masalba ang sarili at makalayo sa impyerno, wala nang iba pang umiikot sa 'king isipan kung hindi ang mga mukha nina Mama at Papa.
- - -
Humihingal akong napaupo at napasandal sa puno nang makadama ng labis na pagod at panghihina. Napatingin ako sa direks'yon ng aking pinagmulan at matamis na napangiti---ligtas na ako, nakalayo na ako mula sa kamay nila at hindi na ako maghihirap pa muli.
"D'yos ko po!" Napasigaw ako nang makarinig ng nakakabinging putok ng baril ewan kung nasaan nagmumula, kasunod nito ay ang nakakahindikna sigaw ng mga lalakeng kumulong sa 'kin.
"Mincy! Kung sa tingin mo'y makakatakas ka ay nagkakamali ka!" Sigaw ng isa sa kanila. "Hindi ka makakaalis dito! Hahanapin ka namin at papatayin!" Kahit malayo sila o nakalayo man ako sa kanila ay ramdam kong nasa paligid sila't nagmamasid sa 'kin, parang kahit anong oras ay bigla lang silang susulpot kung saan at susunggaban ka bigla.
Napatayo ako at iginala ang paningin sa paligid, mistulang binalot ako ng yelo nang makita ang kumpol ng sulo sa isang sulok, lahat ng ito'y gumagalaw patungo sa gawi ko.
Nand'yan na sila!
Kumaripas ako ng takbo dahil sa takot, parang nawala lahat ng pagod at sakit sa 'king katawan dahil sa bilis ng aking pagtakbo. Walang eksaktong direks'yon ang tinutungo ko kaya wala na akong pag-asa pang makalabas sa gubat nito---okay lang na hindi makalabas basta't makalayo lang sa kanila.
Siguro'y ilang oras na lang ang dadaan ay sisikat rin ang ilaw at mahahanap ko na ang daan.
"Aray!" Napadaing ako sa sakit nang mahagip ng paa ko ang nakalitaw na ugat na siyang nagpabagsak sa 'kin. Parang nabali ang binti ko sa sama ng aking pagkakabagsak.
"Hin-hindi." Mahinang saad ko nang makitang may sugat sa 'king tuhod, umagos ang dugo mula rito at dumaan sa 'king binti.
Paika-ika akong naglakad matapos makatayo, pagod na pagod na talaga ako at nanghihina, gusto ko mang magpahinga ay hindi pwede, lalo na't nasa paligid lang sila at naghahanap sa 'kin. Kahit nahihirapan ay hindi pa rin ako nawalan ng pag-asang makakalayo at maligtas ang sarili. Nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad hanggang sa makita ang pag-asa.
"I-ilaw!" Tuwang-tuwa ako nang makitang may kulay orange na liwanag sa dulo, kung hindi ako nagkakamali ay ilaw itona nagmumula sa poste---ibig sabihin ay may kalsada ro'n.
Mistulang nagbalik lahat ng lakas ko at agad na tinungo ang ilaw, ang ilaw na sasagip sa 'kin at mag-aahon sa 'kin mula sa kapahamakan. Habang lumalapit ako ay unti-unting lumalaki ang ilaw na siyang nagpapalaki rin sa 'king pag-asa.
Ligtas na ako! Magiging ligtas na ako.
Nang marating ang kalsada ay napahiga ako sa malamig na semento at hinabol ang aking hininga. Kahit nanghihina ay bumangon ako at sinalubong ang rumaragasang sasakyan.
Bago ang sasakyan ay binulag ako ng liwanag, kasunod nito ay ang nakakabinging tunog ng gulong na pilit pinatigil mula sa mabilis na pagtakbo. Nang tuluyang tumigil ito ay tinungo ko ang tabi ng kotse at kinatok ang bintana.
"Tulong! Tulong! Tulungan n'yo ko---" Bigla akong napatigil nang makita kung sino ang nasa loob ng sasakyan. "Diana! Diana! Tulungan mo 'ko!" Iyak ko at pinaghahampas ang binatana.
Gaya ko ay nagulat rin si Diana at halos hindi makagalaw.
"Diana!" Sa huling hampas ko ay parang nagbalik na siya sa kaniyang sarili at binuksan ang pintuan ng kotse sa kabila. Agad naman akong umikot at pumasok sa loob. "Diana salamat! Tara na kailangan na nating umalis! Paparating na sila!"
"Si-sino sila Mi-mincy?" Nauutal niyang tanong at titig na titig sa 'kin.
"Basta tara na! Papatayin nila ako!" Sigaw ko sa kaniya.
Nakahinga na ako ng maluwag nang buhayin niya ang kotse at pinaandar ito kaagad. Napasandal ako sa upuan at pinakalma ang sarili.
Ligtas na ako, hindi na nila ako maaabutan at masasaktan pa.
"Min-mincy? Ano-anong nangyari? Ba't ka du-duguan?"
Sumulyap siya sa 'kin saglit at muling itinuon ang paningin sa daan.
"Kinidnap ako Diana at ngayon ko lang nagawang makatakas."
Naiiyak kong sagot. Sa tuwing naaalala kong kinidnap ako ay biglang bumabalik 'yong pinaggagawa nila sa 'kin.
"Si-sino ang kumidnap sa 'yo?"
"Hindi ko sila kilala."
Namayani ang katahimikan sa 'ming dalawa, hindi na nagsalita pa si Diana at itinuon ang sarili sa pagmamaneho.
"Ilang araw ba akong nawala Diana?" Tanong ko, gusto kong makipag-usap sa kaniya para naman maibsan ang pagkaumay ko at matanggal ang ilang sa 'ming dalawa.
"Anim na buwan na." Matipid niyang sagot.
"Ano!?" Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya, akala ko ilang araw lang ako nawala at 'yon pala'y buwan na. Kaya pala medyo naiilang siya sa 'kin. "Si-sina Mama at Papa? Kumusta na sila?
"O-okay lang si-sila."
"A-ah gano'n ba." Medyo nadismaya at nalungkot ako sa sinabi niyang okay lang sina Mama at Papa. Hindi ba sila nag-aalala sa 'kin? Hindi ba nila ako hinahanap? Tutal anim na buwan naman akong nawawala malamang ay inisip nilang patay na ako. "Pwede mo ba akong dalhin sa kanila?" Gusto ko silang sorpresahin at yakapin. Miss na miss ko na sila talaga.
"Hin-hindi na pwede pa." Nagtaka ako sa isinagot niya. Papaanong hindi pwede?
"Bakit Diana?"
"May kailangan ka munang puntahan bago sila. Mas importante 'yon."
"Si-sige." Nagtataka man ay hinayaan ko na lang si Diana, alam kong gagawin niya ang mas nararapat para sa 'kin. Siguro'y sa prisinto ang unang pupuntahan namin para mai-report ang nangyari sa 'kin at para mahanap 'yong kidnappers ko.
- - -
"Diana? Ba't nandito tayo sa sementeryo?" Tanong ko nang makarating kami, nagkakamali ako na sa prisinto ang aming pupuntahan. Hindi ko alam kung bakit dito kami unang pumunta, ito ba ang sinasabi niyang mas importante?
"Ik-kaw na ang u-umalam." Aniya at naunang naglakad, dahil gusto kong malaman kung bakit ay tahimik na lang akong sumunod sa kaniya.
Bawat lapida ay binabasa ko ang pangalang nakaukit nito habang naglalakad kami, mahaba-haba ang nilakad namin bago marating ang isang puntod. Punong-puno ito ng tuyong bulaklak at ilang natutunaw na kandila.
"Hi-hindi!" Biglang nanlambot ang aking tuhod nang mabasa ang pangalan sa lapida. "Hindi 'to totoo 'di ba? Sabihin mo sa 'kin Diana na hindi ito totoo!"
Parang may punyal na bumaon sa 'king dibdib dahil sa napakasamang balita. Nakatakas nga ako sa banta ng mga kidnappers ko pero parang binawian na rin ako ng kalayaan at buhay dahil dito.
"Tot-too 'yan Mi-Mincy. Pat-tawad kung hindi ko agad ito sinabi sa 'yo."
"Hindi! Hindi 'to totoo! Nananaginip lang ako."
"Min-Mincy, alam ko-kong masakit tanggapin ang katotohanan, ga-gaya mo ay hindi rin namin lubos matanggap, pe-pero kailangang tanggapin talaga."
"Diana..."
"Mincy, magpahinga ka na. Hindi ka nabibilang dito, matagal ka nang patay."
...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top