Kabanata 7

"BOYFRIEND ho ako ni Mirai." Halos malaglag ang panga ko nang iyon ang sabihin niya.

Kitang-kita ko kung paano nawala ang pagkasalubong ng kilay ni Nanay at bigla ba namang ngumiti ng gano'n lang.

"Sinasabi ko nga ba at tama ako," sabi nito at siniko ba naman ako sa tagiliran. "Katulad ng pabango mo ang naamoy ko sa anak ko."

"Nay, hindi—" at bago ako makakontra ay biglang itinaas ni Boaz ang cell phone niya at pinakita sa'kin ang text doon, na kung kokontrahin ko siya'y isusumbong niya ako sa boss niya. Bina-blackmail ba niya ako?!

"Ihatid ko na ho kayo sa bahay n'yo," maamong sabi ni Boaz pero nanatiling matalas ang tingin sa'kin.

Hindi ako nakaangal nang akayin niya si Nanay nang mapagtanto ko na posibleng narinig niya 'yung pinag-uusapan namin kanina.

Tulala lang ako buong biyahe. Maging ako'y nagugulumihanan sa sarili ko kung bakit hinayaan ko na sumakay kami sa kotse niya.

Ibinaba niya kami sa tapat ng barangay hall dahil hindi magkakasya ang kotse niya papasok sa eskinita papunta sa'min. Ang buong akala ko'y aalis na siya pero bumaba rin siya ng sasakyan para ihatid pa kami sa looban.

Pinagtitinginan kami ng mga kapitbahay namin at gustuhin ko man siyang sipain ay hindi ko magawa.

"Aba, sino itong gwapo n'yong kasama, Aling Myrna?" hindi na nakapagpigil 'yung tsismosang nadaanan namin.

"Boyfriend ng anak ko," sagot ni Nanay at sinamaan ko ng tingin si Boaz nang makita ko siyang ngumisi.

Pagkapasok namin sa loob ay mabilis ko siyang hinila sa labas. Wala na akong pakialam kung pagtinginan kami hanggang sa makapunta kami sa bahaging walang tao.

"Anong trip mo?!" sigaw ko sa kanya. "Bakit mo kami sinundan?!"

Nawala na ang ngiti niya at prenteng sumandal sa poste, nilabas ang yosi at sinindihan 'yon.

"Nanggaling mismo sa bibig mo na tinulungan mo si Miss Saoirse para sa pansariling interes," sabi niya sabay hithit. "Pinlano mo ba 'yung pagbagsak no'ng ilaw sa kanya?"

"Siraulo ka ba? Sa tingin mo paano ko sasadyain 'yon?" Biglang kumabog ang dibdib ko. Hindi ko sinadya pero nakita ng Sapantaha ko, siyempre hindi ko 'yon pwedeng sabihin dahil magmumukha akong timang.

"Nakapagtataka lang na ang ganda ng timing ng pagkakahila mo sa kanya." Tumingin siya sa'kin at humakbang ng isa. "Pagkatapos bigla kang nagkaroon ng break sa negosyo mo sa tulong ni Miss Saoirse."

"Sinasabi mo bang oportunista ako?" naniningkit kong tanong ulit sa kanya.

"Hindi ba?" nagsukatan kami ng tingin at ilang segundo ring walang nagpatalo sa'ming dalawa hanggang sa ako ang unang bumigay.

"Hindi ko magagawa 'yung binibintang mo sa'kin," sabi ko saka tumingin ulit sa kanya. "S-siguro nga oportunista ako dahil kinuha ko 'yong pagkakataon na 'yon para masalba ang nalulugi naming negosyo. Kung ikaw ba ang nasa posisyon ko, hindi mo rin ba 'yon palalagpasin?"

Muli kaming napatitig sa isa't isa at napansin kong mas lumambot ang itsura niya, mukhang napaisip. Bigla siyang napabuntong-hininga at ngumisi.

"Malamang, mukha akong pera, eh." Hindi ko alam kung bakit bigla akong tumawa, mas lumawak ang ngiti niya. Sumeryoso rin ako agad at humalukipkip.

"Kung gano'n ay bakit mo 'ko minamanmanan at sinundan mo pa talaga kami ngayon. Isusumbong mo ba talaga ako kay Saoirse?" kung kailan talaga kinabukasan na 'yung flight namin papuntang Japan. Naisip ko tuloy na baka bigla akong hingian nito ng pera.

"Napag-utusan lang," sagot niya.

"Nino? Ni Saoirse?" tanong ko at umiling siya.

"Hindi naman talaga si Miss Saoirse ang boss ko," tumigil siya saglit para mag-isip, "si Felix."

Napa-ah na lang ako. Gets ko na kung bakit niya 'yon ginawa. Halata namang walang tiwala sa'kin si Felix kahit noon pa, siguro minamata-mata ako dahil bakit sa dami ng nail artist ay ako ang napili ni Saoirse.

"Siya ang nag-utos sa'yo na espiyahan ako, at ginawa mo naman."

"Trabaho lang, walang personalan." Baka extra sideline na pinatos niya. Pera rin 'yun.

."Isusumbong mo ba 'ko?" Saglit siyang napaisip at tumitig sa'kin sabay ngumiti nang nakakaloko, tiningnan ba naman ako sa ibaba. "Gago--"

"Assuming ka masyado." Tinawanan lang niya ako at naglakad palayo. Hindi ko tuloy alam kung sina-psycho niya lang ako.

Eh, ano naman kung isumbong niya ako kay Felix? Si Saoirse pa rin naman ang magde-decide dahil siya ang amo ko.

"T-teka lang." hinabol ko siya. "So, hindi ka talaga bodyguard ni Saoirse?" bakit ba panay tanong ko sa kanya.

"Minsan."

"Ha? Anong minsan?"

"Kung anong iutos ni Boss, sinusunod ko." Napansin niya yata 'yung mukha ko kaya bigla ba naman niya 'kong tinapik sa ulo. "Huwag kang mag-alala, hindi ako magsusumbong."

"May kapalit?"

Natawa siya pero tumigil din. "Kung ako rin naman siguro ang nasa posisyon mo, hindi ko aaksayahin ang pagkakataong 'yon." Pagkatapos ay naglakad na siya palayo.

Tinanaw ko lang siya hanggang sa maalala ko bigla noong hayskul. Siguro nga hanggang ngayon ay hindi pa rin nakaluluwag ang buhay nila.

At least, naiintindihan niya ako.

"Boaz!" habol ko sa kanya.M-may favor lang sana ako sa'yo."

"Ano 'yon? Gusto mong totohanin maging boyfriend mo?"

"Sira. Hindi." Hinampas ko siya.

Siya ang pwede kong maasahan sa oras na malagay ulit sa panganib ang buhay ni Saoirse, kung kailan mangyayari ang nakita kong Sapantaha—hindi ko alam dahil kulang pa ang detalye na nakita ko.

"Please, bantayan mong maigi si Saoirse."

*****

FIRST time kong sumakay ng eroplano kaya medyo kabado ako. At mas lalo akong ninerbiyos nang malaman kong private plane pala ang sasakyan namin papuntang Japan.

Para maibsan ang kaba ko ay binasa ko na lang 'yung mga message nila sa'kin bago mag-take off ang eroplano. Hindi ko rin kasi maiwasang mailang dahil si Felix at ilang staff lang ang kasama ko rito. Nandito rin si Boaz pero hindi pa kami nag-uusap dahil iba ang sumundo sa'kin kanina.

Inalok ako ng pagkain at inumin ng flight attendant pero tumanggi ako. Tumayo ako para mag-CR pero hindi ko sukat akalain na tatayo rin si Felix kaya parehas kaming nakapila.

"Umm... Nasaan 'yung glam team ni Miss Saoirse?" hindi ko nakaya ang awkwardness kaya tinanong ko 'yon. Kung tutuusin ay parte na ako ng glam team niya, eh.

Tinitigan lang ako ni Felix, ni hindi ko pa siya nakitang ngumiti. Ang akala ko nga'y i-si-seen niya lang ako ng literal.

"They're already in Japan," matipid nitong sagot.

Mabuti na lang ay lumabas na 'yung tao sa CR kaya pumasok na ako sa loob. Hindi ko na kakayanin pang makipag-usap sa taong mukhang ayaw naman akong kausapin.

Pagbalik ko sa pwesto'y sinalpak ko 'yung earphones ko para makinig ng music. Apat na oras lang naman daw ang travel time kaya pwedeng itulog ko na lang ang buong biyahe. Sinubukan kong pumikit pero hindi ako dinapuan ng antok.

"Ma'am Mirai?" lumapit sa'kin 'yung flight attendant. "Ma'am Saoirse's calling for you."

Hindi na ako nagtanong kung bakit. Tinatawag ako ng Boss ko kaya tumayo ako at sumunod sa kanya hanggang sa dinala ako sa isang private room, nagbabantay sa pintuan si Boaz at nagsalubong lang ang tingin namin bago niya ako papasukin.

"Saoirse?" tawag ko sa kanya nang makita ko siyang nakaupo sa reclining chair, nakasuot siya ng itim na robe at bare face ang itsura.

"Sit down, Mirai," sabi niya at tinuro ang katabing bakanteng upuan. Pagkaupo ko'y inabutan niya ako ng goblet at nilagyan 'yon ng wine. "Drink with me."

"Ang akala ko magpapagawa ka na ng nails," komento ko at alanganing ngumiti.

Madilim ang ilaw dito sa loob ng kwarto at may mabagong humidifier na umuusok sa gilid. Kung dito siguro ako ay tiyak makakatulog ako agad.

Ngumiti si Saoirse at pumangalumbaba. "I heard from Boaz that you told him to take care of me."

Muntik ko nang mabuga 'yung wine nang marinig ko 'yon. Walangyang Boaz 'yun, hindi raw ako isusumbong pero sinabi niya Saoirse 'yun. Ha, malamang sinumbong na rin niya ko kay Felix.

"Ah... Eh..." Hindi ko alam kung anong isasagot ko.

"You're so sweet, I appreciate it," sabi niya at kumuha ng grapes. "Thank you for accepting my offer."

Umiling ako. "Kami ang dapat magpasalamat sa'yo, alam mo 'yan," sabi ko at napabuntong-hininga. "Sa isang iglap nagbago ang lahat—palubog na kami pero dahil sa'yo nakaahon kami."

Tumitig lang siya sa'kin at marahang tumango.

"You saved me."

Napapikit ako saglit. "Sa totoo lang... Gusto kong humingi ng sorry."

"For what?"

"Sorry kung kinuha ko 'yong opportunity na 'yon para... para sa salon namin."

"Oh, Mirai, don't be sorry," she tried to assure me pero hindi nawala 'yung nararamdaman kong kunsensiya. "You deserve it because you're kind." Napansin niyang parang hindi ako naniniwala. "You're a good listener, you understood your clients, and did your best to help them."

Napakunot ako.

"Ang bola mo naman," biro ko at awkward na tumawa.

"Now that your dream is fulfilled, is there anything left that you want to achieve in this life?"

Parang pang-Miss Universe naman 'tong mga tanungan niya. Uminom muna ako bago sumagot.

"Parang okay naman na ako sa meron ako ngayon," sagot ko.

"Don't you have any desires?"

"Desire?" Nag-isip akong mabuti. Ano pa nga ba? Bukod sa gusto kong makitang umunlad 'yung mga empleyado namin ni Fumi at makatulong din sa iba na matupad ang pangarap nila...

Ano pa bang gusto ko?

Kung si Nanay ang tatanungin malamang ay marami 'yong sasabihin. Bahay, lupa, kotse, at marami pang iba. Baka nga biruin pa ako non ng pag-aasawa. Bakit naman hindi?

Bubuka na sana ang bibig ko nang biglang may pumasok sa isip ko.

Kung mayroon man akong gusto, siguro ay 'yung mabuhay ng walang Sapantaha.

"Parang imposible pero isa lang ang gusto ko."

"What is it?" namilog ang mga mata niya na animo'y bata na sabik marinig ang sasabihin ko.

Umiling ako. "Hindi mo mage-gets, basta iyon na 'yon." Napanguso siya, kahit na gano'n ay hindi pa rin nabawasan ang ganda niya. Pero paano kung... Kung sabihin ko sa kanya ang nakita ko? Mababago ba ang hinaharap? "Hindi ko gustong makita..."

Napahikab ako bigla at biglang bumigat ang dalawang talukap ng mata ko.

"What?" She's too young to die.

"T-tingin ko kailangan ko nang matulog—" pero nanghina ang dalawang tuhod ko nang subukan kong tumayo.

"Mirai." Mukha ni Saoirse ang huli kong nakita bago nagdilim ang paningin ko, hawak-hawak niya ang goblet ng wine, saka ako bumagsak sa sahig. 

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top