Kabanata 3
"SURE ka bang okay ka lang talaga?" pangalawang ulit na tanong sa'kin ni Fumi. "Sino ba kasi ang ale na 'yon? Bakit siya naging aggressive bigla sa'yo?"
Nagdalawang isip ako kung sasagutin ko ba ang tanong niya na 'yon. Napasapo ako sa sentido ko.
"F-Fumi, pwede mo ba 'kong ikuha ng paracetamol sa medicine cabinet? Saka tubig."
"Sige, wait lang," sagot niya saka lumabas.
Sa pintuan ay nakita kong dumaan si Boaz at pasimpleng sumilip sa'kin. Fumi told him to patiently wait as I get myself together, medyo hindi pa rin kasi ako nakakabawi sa nangyari. Mabuti na nga lang din ay nag-cancel ang kasunod na dapat na client kahit na hindi 'yon gusto ni Fumi.
"Thank you," sabi ko sa kanya nang iabot sa'kin ang ni-request ko. Sinara ni Fumi ang pinto ng mini studio saka umupo ulit sa tabi ko.
"Sabi ni Winona hindi na raw nakita pa 'yung babae pero humingi na siya ng tulong sa barangay just in case manggulo ulit 'yon sa susunod," sabi niya, mukhang desidido na makakuha ng impormasyon sa'kin. "Gusto mo bang magpahinga na muna? Baka pwedeng ipa-resched mo na lang 'yung appointment kay Miss Saoirse?"
Umiling ako. "Si Miss Saoirse 'yon, ayoko namang masira ang good reputation natin nang dahil lang sa nangyari sa'kin."
"Hindi mo ba talaga kilala ang ale na 'yon?"
"Actually..."
"Ano?"
"Kapitbahay namin dati sa probinsya si Aling Katrina," mahinang sagot ko. "Hindi ko alam kung paano niya ako natunton dito, pero baka nagtanong-tanong siya sa tiga-sa'min tungkol kay Nanay."
"May utang ka ba kayo sa kanya?" hula niya.
Mabuti sana kung iyon na lang, at least pwedeng mabayaran. Pero ito . . .
Napapikit ako saglit at rumagasa agad sa isip ko ang memorya ng kabataan ko. Simple lang naman ang buhay namin noon sa probinsya, si Tatay may disenteng trabaho bilang guro at si Nanay naman ay manekurista. Tuwing bakasyon ay sinasama ako ni Nanay maglibot sa barangay kapag may mga kapitbahay kaming nagpapagawa sa kanya. Kaya nga siguro sa kanya ko nakuha 'yung interes ko sa kung anong trabaho ko ngayon.
Naengganyo ako sa mga kulay ng cutix kaya minsan kong pinangarap noon na maging artist. Kaso, sa bunga ng pagiging sugalera ni Nanay ay nalugmok kami sa utang. Ang sabi ng Tatay, kaya raw kami naghirap ay dahil sa Karma, ginamit daw kasi ni Nanay ang Sapantaha niya sa kasakiman.
Bata pa lang ako ay pinagtatalunan na ng mga magulang ko ang bagay na 'yon. Katwiran ni Nanay ay para raw umahon kami sa kahirapan, katwiran naman Tatay ay mas mainam daw na magsumikap kaysa umasa sa mga Sapantaha.
Wala silang kamalay-malay na ang musmos nilang anak ang makakakita ng mga numerong hinahangad ni Nanay. Pero mas naniwala ako sa Tatay ko, naniwala ako na mas mainam mamuhay ng marangal.
Kaya nang minsang sumama ako kay Nanay sa pagho-home service niya, pumuslit ako ng ilang gamit niya at pumunta sa katabing bahay—sa bahay nina Aling Katrina. Inalok ko siya na linisan siya at dahil kilala nila ako na marunong ay hinayaan niya ako.
"Pinaglaruan mo naman ang kuko ko, Mirai, eh," reklamo ni Aling Katrina nang makita niyang ginuguhitan ko ng numero ang mga kuko niya. "Tama na nga 'yan—" pero natigilan siya nang magka-ideya. Kilala rin sa barangay namin na manghuhula ang Nanay ko.
Hinayaan lang ako noon ni Aling Katrina at nang mga sumunod na araw ay bigla na lang siyang naglaho na parang bula sa aming barangay.
Bakit si Aling Katrina ang binigyan ko ng numero? Dahil akala ko noon ay matutulungan ko sila ng pamilya niya. Pito ang anak nila ng asawa niya at naririnig ko sa mga kapitbahay namin na isang kahig at isang tuka ang pamumuhay nila.
At sa muli niyang paglitaw sa buhay ko dalawampung taon ang lumipas, hindi ko sukat akalain na gano'n ang makikita kong Sapantaha sa kanya.
"Wala kaming utang sa kanila," sawakas ay sagot ko kay Fumi. "Ang alam ko nga tumama sila sa Lotto."
"Oh?"
"Pero mukhang nauubos na 'yung yaman nila ngayon," sabi ko sabay buntong-hininga. "Napariwara rin 'yung mga anak niya dahil sa kagahaman."
"Eh, ano namang kinalaman no'n sa'yo?" takang-taka na tanong niya.
"Gusto niyang bigyan ko ulit siya ng numero, para tumama ulit siya sa Lotto."
Kulang na lang ay kumuliglig pagkatapos kong sabihin 'yon, at pagkatapos ay napabuga siya ng tawa.
"Sorry, Mi, ha. Baka naman nagda-drugs 'yang si Aling Katrina. Adik lang?" natigilan siya saglit. "Hala! Adik siya! Ipa-blotter na kaya natin siya?" biglang napalitan ng pag-aalala ang itsura niya.
"Huwag na, hindi na siya babalik dito," sabi ko at tumayo. Pumunta ako sa mesa para ayusin 'yung mga dadalhin kong gamit.
"Paano ka naman nakasigurado?"
Nakita ko, gusto ko sana isagot. Lilipad sila ng pamilya niya sa Malaysia at doon magtatago mula sa mga pinagkakautangan nila.
"Pakisabi kay Boaz lalabas na ako," utos ko sa kanya imbis na sagutin ang tanong niya. "Fumi, thank you, ha."
Sumeryoso siya at akma akong hahawakan nang mapaatras ako. "Sorry, lagi kong nakakalimutan." Alam ni Fumi na hindi ako sanay ng hinahawakan. "Hindi ko na muna dadagdagan ang stress mo. Pagkatapos ng appointment mo kay Miss Saoirse, kailangan nating mag-usap."
"Sige."
Pagkatapos kong ihanda 'yung mga dadalhin kong gamit ay sumalubong sa'kin sa labas ang mga nag-aalala naming staff. I appreciate their concern and after reassuring that I'm okay, lumabas ako ng shop at doon naghihintay si Boaz, nakasandal sa kotse habang patingin-tingin sa orasan niya.
"Hindi na," sabi ko ng akma niyang kukunin 'yung bitbit ko.
"Diyan ka talaga sasakay sa likod?" komento niya bago ako pumasok sa loob.
"Bakit? Sa bubong ba dapat?" Wala na siyang nagawa nang sumakay ako sa likuran ng kotse.
Sinubukan kong pumikit pero hindi ko magawang makatulog. Pagdilat ko'y saktong nakita ko sa rearview mirror na sumulyap sa'kin si Boaz. Ang awkward naman nito.
"Bakit hindi ka pumunta ng high school reunion?" basag nito sa katahimikan.
"Busy ako."
"Paano mo naging client si Miss Saoirse?" hindi ko alam kung gusto lang ba niya ng small talk o sadyang usisero lang siya.
"Nakita lang niya 'yung page namin sa Instagram last year. "Ikaw? Bagong body guard ka kamo?"
"Oo. Artista talaga ang balak ko pero naging bantay ng artista." Hindi ko alam kung joke ba 'yon kaya hindi na ako kumibo. Malayo man siya sa pagiging patpatin noong highschool, nandoon pa rin 'yung bakas ng kahanginan niya.
Binuksan niya ang radyo at saktong tumugtog ang latest single ni Saoirse Soraya.
*****
HINDI nga ako nagkamali ng hinala nang tumambad sa'kin ang mansion pagbaba ko ng sasakyan. Matapos baybayin ng sasakyan ang isang executive village ay narating na rin namin ang residence ni Miss Saoirse. Ito ang unang beses na makapunta ako rito kaya muntik na akong mapanganga.
Sinalubong ako ng isang kasambahay at iginiya ako sa loo ng mansion. Inalok akong kumain muna pero tumanggi ako dahil mas nakakapagfocus ako nang maigi kapag walang laman ang tiyan ko. Kaya naman hinatid na ako nito sa ikalawang palapag sa harap ng isang silid.
Ganito ba talaga kapag bahay ng artista? Bukod sa malaki na nga ang tahimik pa.
Huminga muna ako nang malalim bago ako kumatok. Umayos ako nang marinig ko ang yabag palapit hanggang sa bumukas ang pinto.
"Mirai! It's good to see you again!" natulala lang ako sa kanya nang makita siya. Kahit walang make up at naka-bun ang buhok ay mala-diyosa pa rin ang ganda ni Miss Saoirse, nakasuot siya ng silk gown na lagpas tuhod kaya expose na expose ang flawless niyang balat na halos kasing kulay na yata ng bondpaper.
"Come in. Have you eaten? I told Manang to prepare your lunch."
Pinatuloy niya ako sa loob ng kwarto at iginiya sa sala ng kwarto niya. 'Di hamak na doble ng laki ng kwarto niya ang bahay naming.
"Later na lang siguro."
"Okay. Pasensiya ka na kung pinasundo kita rito, hindi kasi ako pinayagan ng Manager ko na lumabas," sabi niya habang inaayos 'yung mga gamit sa mesa sa gitna. "Sabi ko nga kay Boaz kung may client ka pa, okay lang naman ako to wait." Umiling ako. Nakakalaki ng ulo marinig na gustong-gusto niya talagang magpagawa sa'kin.
"Wala naman akong client na naka-book." Humarap siya sa'kin at parang nakahinga nang maluwag.
"That's great. Kasi I really want to have my nails today, two days to go na 'yung party ko, punta ka, ha?"
Ngumiti lang ako na alanganin saka inayos 'yung mga gamit na dala ko sa table. I'm sure she's just being nice. Umupo kami parehas at sinimulan kong suriin ang mga kamay niya.
"Mirai." Tumingin ako sa kanya. "Punta ka ng party ko." Akala niya yata hindi ko siya narinig.
"Umm..."
"Huwag mong sabihing hindi ka sure at susubukan mo. Please, I want you to be there."
Medyo napaisip ako kung gano'n ba kami ka-close para imbitahan niya ako sa isang intimate celebration. Isang taon ko na siyang sineserbisyohan dahil sabi niya gustong-gusto raw niya ang mga disenyong ginagawa ko, at katulad ng iba kong mga kliyente ay nakikinig lang naman ako sa mga kwento niya.
"Alam ko kung anong iniisip mo," naniningkit niyang sabi habang binabrush ko 'yung kuko niya. "I really want you to be there because I'm really grateful to you."
Ah. Siguro 'yung tinutukoy niya 'yung time na sinabi kong bakit 'di niya subukang pumirma sa isang commercial ad na ayaw ng manager niya na siyang naging dahilan kung bakit na-meet niya 'yung foreign producer na nagbigay sa kanya ng break.
Deserve niya 'yon dahil pinaghirapan niyang marating ang pangarap niya. Deserve niya rin dahil mabuti siya sa mga tulad kong simpleng tao, na kahit na naging isa siyang bituing nagniningning ay nanatiling nakaapak ang kanyang paa sa mundo ng mga hampaslupang katulad ko.
Kung minsan gano'n yata talaga ang takbo ng buhay, maging mabuti ka at magiging mabuti rin sa'yo ang buhay. Hindi na nga nakapagtataka na gano'n ang nangyari sa Nanay ko dahil katulad nga nang sinabi ni Tatay ay naging abusado siya sa Sapantahang kinaloob sa kanya. At ayokong maging gano'n.
"Thank you for always being thoughtful, Miss Saoirse," sabi ko. "Kaso marami akong clients, alam mo naman 'yan," dahilan ko na lang.
"Palagi mo na nga akong tinatanggihan maging personal nail artist ko, eh." Napanguso siya, hays, maganda pa rin siya.
What if sabihin kong, "Sige pero i-endose mo naman 'yung nail salon namin." Kaso baka ma-turn off siya at magmukha akong user. I tried to ask her before but she told me na manager niya ang dapat kausapin sa gano'n.
"Connections, Mi! Connections!" biglang umalingawngaw sa isip ko 'yung boses ng best friend ko.
"Please? It's my birthday." Bigla niyang pinisil 'yung kamay ko. "Bring Fumi with you."
Hindi ko kaagad nabawi 'yung kamay ko kaya naman sa isang iglap ay lumitaw ang makukulay na abo mula sa kawalan at unti-unting nagkaroon ng hugis at porma. Parang pelikulang mga nakalutang . Pero sa pagkakataong 'yon ay napasinghap ako't napatayo bigla.
"Mirai? What's wrong?"
"A-ano... H-hindi lang ako makapaniwala kasi..."
Natawa siya. "Ano ka ba, it's just a party. You'll be fine. Punta ka na, ha?"
At namalayan ko na lang 'yung sarili ko na tumango.
###
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top