Kabanata 2

"OH, isa na lang aalis na, sinong single diyan at mag-isa sa buhay, huwag nang pumila—"

"Oo na, Manong, ako na, ako na single," sabi ko habang nilagpasan ang mahabang pila sa terminal. Nakangisi lang si Manong barker nang iabot ko sa kanya ang bayad. Pagpasok ko sa loob ng jeep ay nagsi-usuran ang mga pasahero. "Meron pa ba?"

"Meron pa! Diyan sa kanan may isa pa. Pakiusod na lang at nang makaalis na kayo." Hinampas-hampas pa ni Manong 'yung jeep. Pero kahit na umusod na ang mga pasahero ay kakapiranggot pa rin ang natirang espasyo.

Wala na akong choice kundi umupo roon kahit na sobrang sikip at kalahati lang ng pwet ko ang nakaupo. "Dapat kalahati lang din ang binayad ko, eh," bulong ko sa sarili habang nakayakap sa bag ko. Okay na rin 'to kaysa sa mag-Grab ako pauwi katulad ni Fumi.

Saglit lang din naman akong nagtiis. Pagbaba ko ay tumambad sa'kin ang mga naglalaro ng basketball. Gabing-gabi na pero buhay na buhay pa rin ang lugar namin. Palibhasa maluwag ang nanalong chairman.

Pinasok ko ang eskinita at binati naman ako ng mga kapitbahay naming nakatambay pa rin sa labas ng bahay nila, ang iba nagti-tsismisan sa tindahan, 'yung iba naman ay nag-iinuman pa.

"Hi, Ate Mirai!" bati pa ng mga batang makasalubong ko.

"Gabi na magsitulog na kayo."

"Penge piso, 'teh."

"Bukas na, bawal ang candy pag gabi." Ngumuso lang ang tatlo bago muling tumakbo palayo.

Pagliko ko sa kanto ay nakita kong may naglalaro pa ng Bingo habang may nakaburol sa multi-purpose hall ng barangay. Pumasok ulit ako sa eskinita sa gilid papunta sa mismong bahay namin.

Kung hindi ka tiga-rito ay tiyak na maliligaw ka dahil kasing gulo ng mga kable ng kuryente 'yung mga bahay dito. Sa kabila nito'y maririnig pa rin ang halakhakan sa kani-kanilang mga bahay.

"Sana tama nga 'tong hula sa'kin ni Aling Myrna." Natigilan ako saglit nang makasalubong ko 'yung dalawang kapitbahay namin pero hindi nila ako napansin.

Pagpasok ko sa loob ng bahay ay naabutan ko si Nanay sa sala. Napailing ako at kinuha 'yung remote para patayin 'yung TV.

"Bakit mo pinatay, nanonood ako," reklamo niya at muntik na 'kong matawa.

"Gabi na, 'Nay, saka nanggaling dito sila Aling Tess, may pinahulaan na naman sa'yo, ano?"

"Aba, Mirai, kasalanan ko ba kung dinadayo ako rito. Saka hayaan mo na, pandagdag din sa pambili ko ng gamot 'yung inaabot nila." Tumayo siya at gamit ang tungkod ay maingat na kinapa ang paligid.

Dumiretso ako sa kusina para tingnan kung anong ulam sa mesa. May natirang Adobo, mukhang nagluto 'yung kasambahay namin bago umalis.

"'Nay naman, 'di pa ba sapat 'yung pension ni Papa saka 'yung kinikita ko para sa maintenance mo?" nakakunot kong sabi habang nagsasandok ng kanin. Nakita ko siyang papunta sa direksyon ko, maingat na naglalakad.

"Eh, ano ngang magagawa ko kung dinadayo ako rine?"

"Sabihin mo hindi ka na nanghuhula, bulag ka na kamo at wala kang makita."

"Mas may impact nga pag bulag tulad ko kaya mas madali silang mauto," pagkabi niya no'n ay tumawa siya. "Itimpla mo nga ako ng kape."

"Bawal sa'yo ang matamis." Nang mahawakan niya ang mesa ay inalalayan ko siyang makaupo. "Inamin n'yo rin na nang-uuto lang kayo."

"Tumutulong lang naman ako sa mga aalalahanin nila sa buhay. Si Tess pinahulaan kung matutuloy ba sa abroad 'yung anak niya at nagalak siya nang sabihin kong oo."

Halos mapaikot ang mga mata ko sa sinabi niya. "'Nay, nasa kamay ng anak niya 'yon kung gagalingan niyang mag-apply, wala sa hula-hula 'yan. Paano kung hindi natuloy? Eh, 'di ikaw pa ang masisisi." Napailing ako.

Natahimik siya saglit at natulala sa kawalan, pagkaraa'y tumingin siya sa direksyon ko na animo'y nakikita pa rin ako. Sabi ng doktor ay kaunting aninag na lang ang nakikita ng mga mata niya.

"Ikaw ba, eh, ginagamit mo pa rin ang Sapantaha mo?" Hindi ako nakasagot agad. "Baka akala mo 'di ko naririnig kay Fumi na lagi kang dinudumog ng mga kliyente mo dahil magaling ka raw mambudol—o manghula."

"Hindi ako nanghuhula." Muntik ko nang mabagsak 'yung kutsara. "Iba ang tumutulong sa nangingialam, 'Nay."

"Aber ipaliwanag mo sa'kin."

Napabuga ako ng hangin. "Oo, nakikita ko 'yung . . . 'yung ilang mangyayari pero hindi ako nangingialam, nagbibigay lang ako ng suggestion sa kanila at sila pa rin ang magdedesisyon sa buhay nila. Hindi ako, hindi tayo."

"Ay sus, manang-mana ka talaga sa Tatay mo, sumalangit nawa."

"Talagang mana ako sa Tatay ko," proud kong sabi.

"Kung nakakakita lang ako, hindi ko sasayangin ang Sapantaha na meron ako, 'di tulad mo." Hindi na ako kumibo pa dahil alam kong sinabi niya 'yon para inisin ako.

Sapantaha, iyon ang naisip na itawag ng mga ninuno namin sa abilidad na makakita ng mga imahe tungkol sa hinaharap. Hindi man buo ang detalye subalit sa ilang piraso ay maaari nang matukoy ang kapalaran ng isang nilalang.

Noon pa man ay ginagamit na ng lahi ng Nanay ko ang Sapantaha para sa pansariling interes, kung talagang swerte nga 'di sana ay marangya kami ngayon. Si Tatay ang tanging nagtangka na putulin ang linya na 'yon pagdating sa'kin.

Ang Sapantaha ay kinaloob hindi para mangialam sa buhay ng tao, sabi ni Tatay.

"Tingnan mo." Inabot ni Nanay ang kamay niya pero tinitigan ko lang 'yon. "Pabigat na ako sa'yo, hindi ba?" Napaikot na naman 'yung mata ko dahil ito na naman ako. "Tingan mo na kung kailan magwawakas ang letseng buhay na 'to."

"'Nay, itulog mo na lang 'yan."

"Kunsabagay, lahat naman tayo ay mamamatay sa huli, hindi ba?"


*****


HINDI pa gano'n kaliwanag nang makarating ako sa salon, tunog ng susi at kalampag ng roller shutter ang bumasag sa katahimikan. Mamaya pa naman ang opening namin pero nakasanayan ko nang dumating ng maaga dahil minsan may nagpapabook sa'kin ng umaga. Bitbit ang isang plastik na mainit na pandesal ay pumasok ako sa loob ng shop.

Pagbukas ko ng ilaw ay tumambad ang soft pastel colors ng pader at minimalist décor ng salon na magaan pagmasdan. Huminga ako nang malalim at nalanghap ang pamilyar na amoy ng lavender at eucalyptus.

Pagkababa ko ng mga gamit ko ay tinaas ko ang mga kurtina para pumasok ang liwanag ng umaga. Una kong binuksan ang speakers para magpatugtog, at nang mapuno ng instrumental music ang paligid ay mas gumaan ang pakiramdam ko.

This place was like a sanctuary where we could create beauty and provide comfort for our clients.

Sunod akong nagtungo sa manicure stations para buksan ang UV lamps at ayusin ang mga gamit at products namin. Bawat station ay metikulosong nakaayos ang mga nail polishes, brushes, at files. Siniguro ko na ayos at sanitize ang lahat.

Tiningan ko rin 'yung supply closet para tingnan 'yung inventory ng nail polishes at para i-check kung alin ang mga kulay na paubos na at kailangang i-reorder.

Pagkatapos kong magpunas at magpagpag ay bumalik ako sa pantry para mag-brew ng kape, hinanda ko rin 'yung pandesal na iinitin ko ulit mayamaya.

Pagsapit ng alas dyis ay tumunog ang door chime. As always ay unang dumating si Winona with her usual get up na white blouse and long black skirt.

"Good morning, Mirai," bati niya sa'kin habang kaagad na pumunta sa area niya para buksan 'yung computer.

"Good morning, kape tayo."

"Salamat, may i-check lang ako sa computer."

Sunod na dumating si Shammy na basang-basa pa ang buhok.

"Kakahatid ko lang sa kapatid ko, kaka-stress may bayad pa pala 'yung summer class!" reklamo niya. "Good morning, Boss! Ano 'yan? Mukhang masarap 'yan, ah."

"Kain tayo," alok ko.

"Ay, hindi ko tatanggihan 'yan kahit na kumain na 'ko sa bahay."

"Good morning, everybody!" masiglang bati ni Gigi pagpasok.

"Oh, himala, hindi ka late," puna sa kanya ni Winona. Hindi ito pinansin ni Gigi at dumiretso sa pantry para sumalo sa'min ni Shammy.

"Half-day lang daw si Juliet," sabi ni Winona paglapit sa'min sa pantry. "May sakit daw ang anak niya."

Tiningan ko 'yung phone ko at nakita ang chat nito sa'kin kaninang umaga. Tumango lang ako at halatang dismayado si Winona.

Huling dumating si Fumi at napansin kong mas lumalim ang eyebags niya. Hindi ako nagtanong ng kahit na ano nang umupo siya at kumuha ng kape.

Dumating ulit si Winona hawak ang appointment book, ten minutes na lang kasi bago mag-open ang salon.

"So, ito ang mga appointment natin for today. First, 'yung regular Fumi dadating in a while. Shammy, another regular mamayang eleven. Gigi, ikaw na muna sumalo ng client ni Juliet mamayang eleven thirty dahil half-day daw siya ngayon."

"Na naman?" reklamo ni Gigi at sumulyap sa'min ni Fumi. "Okay, tapos?"

"The rest, iko-confirm ko pa dahil may dalawang nag-back out."

"Dumadalas yatang may magcancel sa'tin," nababahalang komento ni Shammy.

"Ano ka ba, think positive, nakakahawa 'yang ganyang mindset," saway sa kanya ni Gigi.

"And also we have a VIP client today, si Miss Saoirse nagpabook mamayang gabi," dagdag ko at napapalakpak sila.

"Oh, ha! Meron ba silang Miss Saoirse Soraya na singer, multi-awarded actress, model, and influencer lang naman!" sabi ni Gigi at nag-apir silang dalawa ni Shammy. Si Winona naman ay nag-note lang sa hawak niya.

"Hala, gusto kong magpapicture mamaya!"

"Alam n'yo naman na bawal," kontra sa kanila ni Winona. "Bawal daw sabi ng management."

Nang magsialisan sila sa pantry ay natira kaming dalawa ni Fumi.

"Really? Nagpabook ulit si Miss Saoirse?" saka lang ulit lumiwanag ang mukha niya at tumango ako. "This is good." Napahing siya nang maluwag. "Baka naman pwede mo na siyang ma-convince na maging . . . brand ambassador natin?"

"Brand ambassador?" ulit ko. "Fumi, I think hindi yata basta-basta 'yon, I mean may manager siya—"

"I know, pero baka naman pwede mo siyang direktang tanungin? Kahit na i-promote niya 'yung salon natin?" She sounds desperate pero 'di ko muna 'yon inintindi.

"Hindi ako sure, Fumi." Dahil isang taon na naming client si Miss Saoirse at bilang proteksyon sa private time niya ay hindi ina-allow ng management nito na matuklasahan ng public kung saan siya nagpupunta.

"Mirai, I think we should talk—"

"Mirai, may new client nga pala na nagrequest sa'yo, dadating na rin in a while," sabi ni Winona na muling sumilip sa pantry. Tumunog 'yung door chime at narinig ko 'yung pagbati nila. "I think nandito na siya."

Nagkatinginan na lang kami ni Fumi bago ako tumayo.

"Okay, mag-ready lang ako saglit," sabi ko bago ako pumasok sa studio.

Nang makapaghanda na ako ay bumukas ang pinto at bumungad ang isang ginang na pamosong pamoso ang pagkakaayos ng itsura. Damit at bag pa lang nito ay mamahalin na.

"Wow! Pang-VIP nga talaga ang service mo!" walang pasubaling sabi nito at alanganin akong napangiti.

"Welcome po, upo po kayo, Madam."

Umupo naman ang ginang kaharap ko at ngiting-ngiti pa rin siya sa'kin.

"Big time ka na Mirai! Ang dami mo na rin sigurong pinayaman katulad ko!"

"P-po?" napakunot ako dahil ano bang pinagsasasabi niya?

"Hala hindi mo ba ako natatandaan? Ako 'to, si Aling Katrina, dati n'yong kapitbahay sa Bulacan! Dito na rin kami sa Maynila nakatira simula noong—" napatakip siya ng bibig at halos dumukwang sa mukha ko kaya napasandal ako. "Noong nanalo ako sa lotto," bulong niya at kumindat sa'kin.

Nanigas ang buo kong katawan nang marinig ko 'yon.

"A-Aling Katrina?" bumilis ang pintig ng puso ko kasabay ng pag-alala ng nakalipas.

Itinaas niya ang dalawang kamay at pinakita ang mga kuko sa'kin.

"Magpapagawa ulit ako sa'yo," sabi niya, ang ngiti'y napalitan ng desperasyon. "Katulad ng ginuhit mo noon sa mga kuko kong numero."

Malamig ang silid pero naramdaman ko na namawis ang nook o dahil sa mga sinabi niya. Bata pa ako noon, hindi ko alam ang ginagawa ko.

Hindi ko alam na tatayaan niya talaga sa lotto 'yung mga numerong nakita ko noon.

"H-hindi ko po alam ang sinasabi n'yo—"

"Sige na naman, Mirai!" dinakma niya ang dalawa kong kamay at bago pa ako makapikit ay mabilis na lumitaw ang Sapantaha sa mga mata ko. Nakuha niya ang yaman pero nalulong sila sa bisyo, mawawala rin lahat ng mga ari-arian nila't babalik sila sa hirap katulad noon. "Bigyan mo ulit ako ng numero!" naghihisterikal niya akong niyugyog kaya napapikit na lang ako.

Hanggang sa makakuha ako ng lakas para itulak siya pero muli niya akong sinunggaban. Nagpumiglas ako pero natumba ako sa sahig.

"Kung hindi mo ako binigyan ng numero noon eh 'di sana tahimik ang buhay namin!" Para siyang higante na anumang sandali ay dadambahan ako. "Hindi sana magiging gahaman ang mga anak ko sa pera!"

"Wala akong kasalanan!" sigaw ko sa kanya. Nagdedelihiryo na ang ginang, hindi ko kaagad napansin pagpasok niya na gulo-gulo na ang buhok niya't namumula ang mga mata.

"Mirai—" bago pa ako muling dambahan ng ginang ay bumukas ang pinto at isang matangkad na pigura ang pumigil sa kanya.

"B-Boaz?" hindi ako makapaniwala na nandito ulit siya sa harapan ko, pigil-pigil ang ginang.

"Okay ka lang?" nag-aalalang tanong niya sa'kin, napansin ko agad na pormal ulit katulad kagabi ang suot niya.

Sunod-sunod akong umiling.

"My goodness! Anong nangyari?!" sunod na dumating si Fumi at siya naman ang nagpanic nang makitang gulo-gulo ang studio ko. Nailabas na ni Boaz ang ginang, sinaklolohan ako ni Fumi at kaagad ko siyang niyakap ng mahigpit. "Are you hurt?"

Umiling lang ako at tahimik na humikbi sa bisig niya.

"Boss!" sunod na umalo sa'kin ang mga empleyado ko. "Nang kumalma ako'y iniwanan nila kami ni Fumi para balikan ang mga customer nila.

"Who's that woman?" tanong sa'kin ni Fumi pero hindi ako sumagot. "Hindi mo siya regular." Tango lang ang sinagot ko.

"Tumawag na sa barangay 'yung receptionist n'yo." Sabay kaming napatingin ni Fumi sa bagong dating. Nandito ulit siya.

"Bakit ka nandito?" kunot noo kong tanong sa kanya.

"Wala bang thank you? You're welcome ha," sarkastiko niyang sabi sabay halukipkip.

"Pwede bang pakisagot 'yung tanong ko," inis kong sabi.

"Pinapasundo ka ni Miss Saoirse."

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top