Kabanata 19

BILOG ang buwan noong gabing 'yon, tumingala ako sa langit nang lumabas ako. Nagkaroon kami ng kaunting pagtatalo ni Fumi tungkol sa negosyo kaya hinayaan kong umuwi na muna silang lahat at ako na ang nagsara ng salon.

Papunta sana ako sa basurahan para itapon 'yung dala kong malaking trash bag nang may humintong sasakyan sa gilid ko. Nang bumaba ang sakay nito'y natigilan ako nang makita ang isang magandang babae. Pamilyar siya pero hindi ko naalala.

"Hi," bati niya sa'kin na tila nahihiya pa. "Sarado na ba kayo?"

Lumingon ako sa salon, hindi ko pa kasi napapatay 'yung ilaw, at saka tumingin sa kanya.

"Magpapagawa ka ba ng kuko?" tanong ko at tumango siya. "Sige, itatapon ko lang 'to." Akma akong aalis nang harangan niya ako.

"No, can you just do it later?" pigil niya sa'kin. Naisip ko noon na baka nagmamadali rin siya dahil gabi na kaya umoo na lang ako.

Pumasok kami sa loob ng salon at dinala siya sa private studio ko. Hindi ko kaagad napansin noon na tahimik lang siyang nakatitig sa'kin. Nang tanungin ko siya kung anong disenyo ang gusto ko ay sinabing ako na raw ang bahala.

Hindi ko ugaling dumaldal sa mga kliyente habang gumagawa kaya madalas sila ang nag-uumpisang magkwento at hinahayaan ko lang sila. Tahimik lang din ang babae at natapos kami nang walang nagsasalita sa amin.

"Ang ganda," puri niya matapos tingnan ang mga kuko. Inabutan niya ako ng bayad na sobra pa sa siningil kong presyo. "No, insist."

Noong mga panahon na 'yon ay wala akong kamalay-malay na papasikat na artista ang babaeng 'yon. Simula rin nang dumating siya'y naging sunod-sunod ulit ang dating ng kliyente namin, naisip ko nga na nagmistula siyang 'lucky charm'. Hanggang sa nagkaroon siya ng matunog na pangalan sa industriya, patuloy pa rin siyang bumabalik para magpagawa sa'kin.

Hindi ko masabi kung magkaibigan ba kami ni Saoirse, bukod sa pagiging loyal niya sa serbisyo ko, ay wala na akong ibang kaugnayan sa kanya. Kung bakit niya napili ang Mystic Nails noong gabing 'yon ay hindi ko alam.

Kumurap ako at nakita ko ang kumikininang niyang mukha. Saka ko namalayan na parehas kaming nababalutan ng mga lilang abo na nakalutang sa paligid, dahan-dahang gumagalaw at pumapaikot sa amin. 

Hindi ako binitawan ni Saoirse, nang muli akong kumurap ay naglaho ang lahat at tila nadala ako sa ibang lugar.

"Congratulations, Lady Mirai! You are the champion of the wildcard event of this year's game!"

Halos masilaw ako sa liwanag pero hindi ko matukoy kung nasaan ako. Tumingin ako sa gilid at nakita ang isang hindi pamilyar na lalaki na katulad ko'y inanunsyo rin ang pagkapanalo nito.

Tumingin ako sa harapan at lumutang ang isang larawan... Larawan ni Fumi.

"To ensure the continuity of the games, we urge the winners to nominate our selected person from your circle to play the next event."

Lumitaw sa harapan ko ang isang holographic button at wala sa pag-iisip na pinindot ko 'yon.

Sinubukan kong kumilos pero tila may sariling buhay ang katawan ko. Sa isang iglap ay nagbago ang paligid, nagpaikot-ikot ang mga abo at dinala ako sa ibang lugar.

Namalayan ko ang sarili na nakatayo sa harapan ng isang maliwanag na establishment. Nakita ko ang signage ng Mystic Nails, biglang lumitaw ang gunting sa kamay ko at ginupit ang pulang ribbon. Nagkislapan ang mga camera sa paligid. Sinubukan kong hawakan ang katabi ko pero parang abo lang ako na tumagos sa kanya.

Sunod akong hinigop ng liwanag sa loob ng isang silid. Kaharap ko si Fumi at inabot sa kanya ang isang calling card na may nakasulat na'THE MOON COMPANY'.

"They will help us, Fumi, you'll just have to attend the conference," sabi ko sa kanya. 

"Anong conference?" inosenteng tanong niya at napakibit-balikat ako.

"It's just a virtual reality game."

Muli akong naglaho sa eksenang 'yon at dinala sa loob ng isang malaking bahay. Nalaglag ko ang hawak kong baso at nabasag 'yon habang pinapanood ang balita sa TV.

"Patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad ang labi ng eroplano na may flight number 339 patungong Beijing matapos bumagsak sa karagatan. Sa ngayon, inilabas na ang mga pangalan ng mga pasahero."

Napatakip ako ng bibig nang makita ko ang larawan at pangalan ni Fumi sa screen. Tila umikot nang umikot ang buong paligid. Umalingawngaw din ang aking sigaw at panaghoy.

Napuno ng kumikinang na lilang abo ang kapaligiran hanggang sa unti-unti nitong binalot ang mga gamit maging ang aking buong katawan.

Pabilis nang pabilis hanggang sa lamunin ako ng mga abo at maglaho sa kawalan.

Sa isang kisapmata'y nakasubsob ako sa sahig. Dahan-dahan akong bumangon at nakitang nasa loob ako ng maliit naming bahay.

Nanghihina ang buo kong katawan pero pinilit kong kumilos, nanlalambot ang mga tuhod ko nang lumabas ako ng silid at nakita ang aking ina sa kusina, nakaupo at nagkakape.

"'N-nay?"

Natigilan siya sa pag-inom at tumingin sa direksyon ko na animo'y nakakakita.

"Mirai? Ikaw ba 'yan?" tanong niya. Sa mesa ay nakita kong nakalapag doon ang luma niyang cell phone.

"A-ako nga." Naguguluhan ako pero natigilan ako nang makita ko ang pangamba sa kanyang mukha.

"Kakatawag mo lang sa akin at sinabing nasa salon ka kasama si Fumi."

"Si Fumi?" kumabog ang dibdib ko nang marinig ko ang pangalang 'yon. "B-buhay si Fumi?"

Tinitigan lang ulit ako ni Nanay at mabagal siyang napailing.

"Ano bang sinasabi mo?"

"N-nay—" hindi ko alam kung paano ipaliliwanag sa kanya.

"Sino ka?" bigla niyang tanong.

"A-ako si Mirai, anak n'yo." Pero parang hindi siya naniwala. "Nasaan si Fumi?"

"Magkasama sila ni Mirai sa salon," sagot niya kaya mas lalo akong naguluhan.

Hindi na ako nagsalita at dali-dali akong tumakbo palabas. Pumunta ako sa Mystic Nails pero natigilan ako nang makitang may mga nagpipintura sa labas. Napaatras ako nang makita ko si Fumi na lumabas... at kasunod... ang sarili ko.

I-imposible... P-paanong?

Sa takot ay para akong batang bumalik sa bahay namin kung saan ay naabutan ko si Nanay na tila hindi na gumalaw sa kanyang pwesto. Hingal na hingal ko siyang hinarap.

"A-anong nangyayari, 'Nay?! N-nakita ko 'yung sarili ko... K-kasama ko si Fumi... B-buhay si Fumi? N-namatay siya... tapos... tapos..."

Walang ano-ano'y sinaboy niya sa'kin ang malamig na kape.

"Hindi ka nararapat dito," malamig niyang saad at pagkatapos ay may sinabi sa sarili, "Totoo nga ang sinabi nila inang sa akin noon..." 

"A-ano 'yon? Nay, ipaliwanag mo sa'kin 'to! Ano 'to?!"

"Saan ka nanggaling?"

"H-ho?"

"Sinabi mong buhay dito si Fumi... kung gano'n ay galing ka sa hinaharap." Halos malaglag ang panga ko nang marinig 'yon. Tuluyan nang bumigay ang mga tuhod ko at napasalampak ako sa sahig.

"G-galing sa hinaharap?" bulong ko sa sarili at tiningnan ang mga palad ko.

"Higit pa sa Sapantaha ang nakuha mo sa ating mga ninuno, Mirai," dinig kong sabi ni Nanay. "Nakabalik ka rito sa nakaraan dahil sa hinagpis ng pagkawala ni Fumi sa panahon mo."

Tumulo ang luha ko nang marinig 'yon. Gamit ang natitirang lakas ay muli akong bumangon at umupo kaharap niya.

"H-hindi ko alam... Nay... Anong gagawin ko?"

"Marahil ay nakabalik ka upang pigilan ang kapalaran na sasapitin ni Fumi."

Muli kong naalala ang nakita kong balita. Nangyari 'yon sa best friend ko dahil hinayaan ko siyang magpatuloy sa laro, sa pag-aakalang virtual reality lang ang nangyari noon.

Kung gano'n... Kung nakabalik ako mula sa hinaharap, mangyayari pa rin na mahahanap ko ang calling card ng The Moon Company sa basurahan at masasali ako sa wildcard tournament nito.

Kailangan kong pigilan 'yon.

Subalit nang magsasalita pa ulit ako'y biglang muling nabalot ng lilang abo ang paligid at hinigop ang lahat. Nawala ako sa aking katawan at tila isang pelikula na pinanood ang mga sumunod na pangyayari.

Noong gabing dapat na mapupulot ni Mirai ang calling card sa basurahan, nauna kong kinuha 'yon saka tinunton ang The Moon Company upang sumali sa patimpalak nila. Muli akong nanalo gamit ang kapangyarihan ko, subalit sa pagkakataong 'yon ay hindi ko pumayag sa kagustuhan nila na i-nominate si Fumi.

Humantong kami sa death match ng nakapareha ko at nagawa ko siyang matalo gamit ang aking Sapantaha. Nagwagi ako ng milyones at ng isang kahilingan...

"You are free to ask us anything that your heart desires," sabi noon sa'kin ng lalaking nagtatago sa likuran ng itim na maskara.

Knowing that I am in a timeline where the two of us exist... I remember my mother telling me...

"Hindi ka nararapat dito."

I cannot ruin my other self and Fumi's life at that moment. So I decided...

"Give me a new identity."

"As you wish."

Sa isang iglap ay napunta sa sumunod na eksena ang pangyayari, pagkatapos ng mahabang operasyon at proseso ay tinanggal ng doktor ang benda sa aking mukha.

Pumasok sa silid ang isang misteryosong lalaki at sinabing...

"We found a new identity for you, Miss Mirai." Hindi ko siya tiningnan dahil hindi maalis ang tingin ko sa salamin. Malayong malayo sa itsura ko noon. "This young actress was found dead in her condo, we managed to retrieve the body first...

Her name is Saoirse Soraya."

Nang marinig ko 'yon ay tila sumabog ang buong paligid. At bumalik ako sa kasalukuyan, nakahawak pa rin sa'kin si Saoirse pero kaagad ko siyang naitulak.

Parehas kaming hingal na hingal at tiningnan ko ang paligid. Nandito na ulit ako sa condo niya. Tumingin ako sa kanya at nakita siyang blangko.

Umiling ako nang sunod-sunod.

"I-imposible." Mababaliw na yata ako.

"Now, you finally learned the truth, Mirai," sabi niya at humakbang palapit sa'kin. Kaagad akong napaatras subalit naramdaman ko ang malamig na pader. "You and I are one."

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top