Kabanata 15
ANG buhay daw ay tila isang malaking laro. May iba't ibang rules at level of difficulty. May mga talunan at may mga nagwawagi. At kung minsan hindi patas, pwedeng dayain.
Parang kami.
Nilaro lang namin ang laro sa ikatlong level. Magkahawak kamay kaming tumatakbo ni Boaz sa madilim na pasilyo ng Hiraya Mansion, iyon ang tawag sa tila horror house na arena kung saan may mga nakakatakot na multo, nakakaligaw na mga silid, at mga umaandar na hagdanan. Simple lang naman ang objective ng pangtlong laro, kailangan lang naming mag-unahan makalabas ng mansion para makapunta sa final round.
Imbis na matakot sa mga multo at halimaw na sumusulpot sa kadiliman ay panay tawa lang naming dalawa. Habang sa paligid ay umaalingawngaw ang sigaw ng ibang grupo. Habang kami ni Boaz ay sa bawat silid na pasukan ay hindi namin mapigil ang isa't isa na magnakaw ng panandaliang halik, tatawa tapos tatakbo ulit kapag may paparating na halimaw.
"Malapit na ba tayo?" tanong niya nang pumasok kami sa isang silid at tumambad ang isang lumang library.
"Yeah, ito na 'yung marker," sabi ko at tinuro 'yung pugot na ulo na nakasabit sa isang shelf. "Sa pinto na 'yon may hagdanan ulit na magdadala sa'tin sa top floor."
"Kung gano'n mag-relax muna tayo," sabi niya sabay hinapit ako at akmang hahalik nang sampalin ko siya. "Bakit?"
"Kanina ka pa," natatawang sabi ko. "Malamang nagtataka na 'yung mga nanonood sa'tin kung bakit parang ang saya-saya natin."
Napakibit-balikat siya. May mga kumakalampag sa bintana pero hindi naman kami natakot doon. Lumapit ako sa isang shelf at tiningnan ang mga libro roon. Kumuha ako ng isa at binuklat, walang nakasulat.
"Pakyu sila," sabi niya at tinaas pa ang middle finger sa ere. "We will surely win this game," sabi niya at pagkatapos ay nagpunta sa likuran k, nilagay ang baba niya sa balikat ko. Ang clingy niya pala.
Binalik ko 'yung libro at humarap ako sa kanya.
"Pagkatapos ay ano?" tanong ko at napakunot siya. "Makakauwi na ba tayo?"
"Makakauwi tayo ng may maraming pera," sabi niya. "Anong bumabagabag sa'yo?"
Nag-alangan ako sa tanong niya.
"Paano sila?" tanong ko pabalik. "Paano silang..."
Napabuga siya ng hangin sabay tumingala. Pagkatapos ay muli siyang tumingin sa'kin. Hinawi niya ang buhok sa gilid ko.
"Hindi na dapat pa siguro nating problemahin 'yon," sagot niya.
Kumunot ang noo ko. Parang naalala ko bigla ang Nanay ko, parehas silang mag-isip. Kung tutuusin ay tama naman si Boaz, at kung wala akong ganitong kakayahan ay baka noong una pa lang ay naligwak na ako.
"Ibig sabihin ba, kapag nakalabas na tayo rito at nakuha ang premyo ay mananahimik lang tayo?" tanong ko sa kanya at hindi siya nakasagot. Mukhang napaisip na rin siya sa sinabi ko.
Napaatras siya at umiling. "I don't know, Mirai. Hindi ba pwedeng isipin muna natin kung paano tayo makaka-survive dito?"
"Paano sila—"
"We cannot save everyone," putol niya sa'kin. Nagsukatan kami ng titig.
Hindi ko alam kung bakit parang may tumarak sa dibdib ko nang marinig 'yon. Ano pa bang aasahan ko dahil iyon ang katotohanan?
Naglakad ako papunta sa pintuan at naramdaman ko siyang sumunod sa'kin.
"Mirai?" tawag niya at nilingon ko naman siya. "Let's win this, okay?"
Akma niyang hahawakan ang pisngi ko nang bigla kaming makarinig nang matinis na sigaw sa paligid. Sa pagkabigla ay kaagad kaming tumakbo palabas. Katulad nang inaasahan ko'y tumambad ang hagdanan. Sumampa kami ro'n at kaagad na umandar.
Napakapit ako sa barandilya dahil sa pagkalula sa dami ng mga hagdan na gumagalaw at lumulutang sa paligid.
"Help us!" tinig 'yon ni Jasmine at nakita namin siya na nasa kabilang pintuan.
Iaabot ko sana 'yung kamay ko nang pigilan ako ni Boaz.
"No! Masyado nang malayo!"
"Help!" wala na akong nagawa at napatakip na lang ako ng bibig nang makita kong may sumunggab na itim na pigura sa likuran niya't nahulog siya sa walang hanggang katapusan.
Umalingawngaw ang sigaw ni Jasmine hanggang sa tuluyan 'yong naglaho. Napapikit na lang ako't napasapo sa ulo.
"Mirai—"
"H-huwag mo muna akong hawakan," sabi ko at bahagyang umatras sa kanya. Nanatili akong nakakapit sa kahoy.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Boaz at naupo siya sa hagdanan, dinadala kami nito sa huling silid kung saan naghihintay ang finish line.
"Let's just focus on the game and then we'll figure things out," dinig kong sabi niya kaya napatingin ako sa kanya.
Sinubukan kong unawain ang punto niya. Tama naman siya, hindi ko matutulungang isalba ang lahat—sinubukan ko naman noong ikalawang level pero nabigo pa rin ako, pati kanina.
Sa laro, palaging may natatalo—at kapag hindi namin ginalingan, buhay namin ang mawawala.
Pero may kung ano sa kalooban ko ang hindi matanggap ang bagay na 'yon.
"Lahat ng 'to, mali," sabi ko.
"Ano?" tumayo siya. "Mali?" parang nakuha ko agad ang gusto niyang ipahiwatig.
"Hindi 'to tungkol sa'ting dalawa, Boaz. Itong laro na 'to, kung paano ako niloko ni Saoirse dalhin dito, at kahit pa may naghihintay na premyo sa'tin. Mali 'to."
Napakunot siya. Hindi ko alam kung nauubusan na ba siya ng pasensiya nang mapahilamos siya ng mukha.
"Ayon na nga eh, nandito na tayo, hindi ba? Ang mahalaga ay 'yung makauwi tayo ng buhay pabalik sa mga mahal natin sa buhay," paliwanag niya.
Pero mukhang hindi niya naiintindihan ang nararamdaman ko.
"Kaya ka kampante dahil alam mo ang kakayahan ko, alam mong madali na lang tayo mananalo," hindi ko napigilang sabihin. "Kaya ang tanging nasa isip mo lang ay 'yung premyo."
Umismid siya. "Dahil tanggap ko na wala akong magagawa para sa iba hindi katulad mo." Halos mapanganga ako nang sabihin niya 'yon. "I'm being realistic, Mirai. Kung talagang gusto mong isalba lahat, eh 'di sana noong una pa lang ginamit mo na 'yung kapangyarihan mo para ma-figure out kung sino ba nag nasa likuran nito."
"Pero—"
"Pero hindi mo kasi alam noon kung paano gamitin 'yang kapangyarihan mo, hindi ba?" putol niya sa'kin. "Sana kung noon mo pa alam ay hindi ka na pumayag sa offer ni Saoirse."
"Tama na," pigil ko sa kanya. "Walang patutunguhan 'tong usapan na 'to."
"Exactly!" bulyaw niya pero kaagad din siyang nagsisi. "I'm sorry. Kung tingin mo na masyado akong kampante dahil sa kakayahan mo... Kung gano'n, hayaan mo akong maglaro ng patas para wala kang isumbat sa'kin."
"A-ano?"
"Naiintindihan ko na ang pinanggagalingan mo," malumanay na niyang sabi. "Madali sa'ting manalo dahil nakikita mo ang future, pero paano 'yung iba na hindi na makakauwi sa mga pamilya nila? Sa pagkapanalo natin ibig sabihin... kapalit no'n ang buhay ng iba. At hindi patas ang laban dahil sa'yo."
Ang buong akala ko'y hindi niya 'yon maiisip kaya hindi ako nakapagsalita agad. Naiintindihan na rin niya na hindi madali sa'king tanggapin ang pagkapanalo dahil kung tutuusin ay dinaya namin ang iba naming mga kasama, bukod pa sa lahat ng kamalian ng larong 'to at kung sino man ang nasa likuran nito.
"Gusto ko ring makauwi sa mga mahal natin sa buhay," sabi ko nang bahagyang nakayuko. "Gusto ko na lang matapos 'to."
Hindi namin namalayan na huminto na ang hagdanan at kusang bumukas ang pintuan. Narinig ko ang palakpak na nanggagaling sa isang TV screen at naroon ang Punong Ginoo.
"Maligayang pagbati sa inyo Binibining Mirai at Ginoong Boaz! Kayo ang ikalawang nagwagi sa ikaapat na level."
Nakita namin sina Isla at Boaz na nakatayo lang sa gilid. Hindi ko sukat akalaing mauuna silang makarating dito.
Ang buong akala ko'y dadalhin na nila kami sa pahingahan pero mula sa kadiliman ay sumulpot ang dalawang pintuan na may signage ng pambabae at panlalaki.
"Kaya naman ay huwag na nating patagalin pa ang huling round ng larong ito kung saan ay magtatapat ang bawat isa. At sinumang magwawagi sa bawat kasarian ay tatanghaling kampeon sa taong ito."
Kung gano'n ay makakalaban ko si Isla. Saktong nagkatingnan kami, nakahalukipkip siya't seryoso. Noon pa man ay may kutob na ako na magkakaharap din kami. Pero hindi sa ganitong paraan.
Tiningnan ko si Boaz, walang bakas ng pangamba sa itsura niya pero naroon ang pagkadesidido na dapat siyang manalo. Nang tumingin siya sa'kin ay tila nakuha ko kung anong gusto niyang ipakahulugan, bigla siyang humakbang palapit at akma ko siyang hahawakan nang umiling siya.
"Boaz—"
"Mangyari lamang na pumasok na ang mga kalahok sa inyong mga respetadong silid," boses 'yon ng Punong Ginoo.
Tiningnan ko ang makakalaban niya na si Alvin at naalala ko ang sinabi nito noon sa'kin. Katulad namin ay may naghihintay din sa kanyang pamilya. Tumingin din ako kay Isla at naisip na mayroon ding naghihintay sa kanya.
Kung tutuusin ay lahat kami mayroong naghihintay sa'min pauwi.Kaya binaba ang kamay ko at tumango ako kay Boaz bago kami tuluyang naghiwalay papunta sa pintuan kung saan naghihintay ang huling laro.
Sa pagkakataon na 'yon ay hahayaan kong kapalaran ang humusga kung sino sa amin ni Isla ang matitira.
###
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top