Kabanata 10

KUNG mayroon man akong pinaka-ipinagpapasalamat dahil sa Sapantaha? Iisa lang lagi ang binabalikan kong alaala, iyon ay noong nalaman kong niloloko ako ng kauna-unahang lalaking naging nobyo ko noong kolehiyo.

Sabi nga nila kapag nagmamahal ka'y napapawi ang takot, dahil mahal mo, eh. At kapag nagmamahal ka raw ay kung minsan nagiging tanga ka.

Sa pangungulila sa koneksyon at init ng pagmamahal, tinahak ko pa rin ang makipagrelasyon. Hindi nga rin nagtagal ay nakita ko ang hinaharap. Tinu-two time pala niya ako. Noong una, masaklap sa pakiramdam. Pero natuklasan ko na wala ring kaalam-alam ang babaeng sinabay sa'kin ng ex ko. Nagdesisyon ako na komprontahin ang babae para ipaalam ang totoo na parehas kaming niloloko.

Iyon ang isa sa pinaka-dabest kong desisyon na ginawa, dahil kung hindi? Malamang ay hindi kami matalik na magkaibigan ni Fumi.

Napabalikwas ako nang makita ko si Fumi sa aking isip. Saka ko namalayang nasa kwarto ulit ako, nakahiga sa kama.

Bumangon ako't napasapo sa ulo. Hindi ko maalala kung paano ako nakabalik dito at natulog. Pinakiramdaman ko 'yung katawan ko at mukhang nakapagpahinga naman ako.

"Fumi," bulong ko sa pangalan ng best friend ko at inalala ang panaginip ko tungkol sa nakaraan.

Bigla akong naalerto at hinalughog ang mga aparador sa silid pero hindi ko mahanap 'yung phone ko. Mukhang lahat ng gamit namin ay kinuha nila.

Suot-suot pa rin ang damit ko kagabi'y lumabas ako ng silid at halos mapatalon ako sa gulat nang pagbukas ko ng pinto ay tila nakaabang doon ang isang babaeng staff, matuwid na matuwid ang tayo, at ngumiti sa'kin nang makita ako.

"Magandang araw, Binibining Mirai, sana ay nakatulog ka nang mabuti," sabi nito.

"Nasaan 'yung phone ko? Kailangan kong tumawag—"

"Paumanhin, subalit hangga't hindi po natatapos ang laro ay hindi kayo maaaring makipag-usap sa mga taga-labas, isa po 'yon sa mahigpit na patakaran dito," sabi ng babae sabay hila sa gilid ng trolley at walang paalam na pumasok sa loob ng kwarto ko.

"T-teka—" at wala naman akong nagawa kundi gumilid.

"Mangyaring kainin mo, binibini, ang almusal na ito. Pagkatapos ay maligot' gumayak ka para sa pagsisimula ng patimpalak," sabi nito at pinanood ko lang siya na ilagay 'yung mga tray sa ibabaw ng mesa. "Hihintayin ka ng lahat sa bulwagan. Magandang araw, Binibining Mirai."

Pinigilan ko ang sarili ko na mainis dahil kakagising ko lang. Ni hindi ko nga ginusto na mapunta rito!

Muli kong naalala ang pag-uusap ni Boaz kagabi. Napabuntong-hininga na lang ako imbis na mainis. Kung manalo ako'y imposible namang mabigay nila ang kahilingan kong matanggal ang sumpa na 'to, kaya nakapagdesisyon na ako. Kung hindi ako papayagang mag-quit mamaya ay magpapatalo na lang ako sa unang laro para makauwi na ako agad.

Kumilos na ako para matapos na 'to, kinain ko 'yung almusal na dinala sa'kin at pagkatapos ay naligo sa banyo. Nakatapis lang ako nang lumabas, pero laking pagtataka ko nang buksan ko ang tokador. Iisa lang ang damit na nandoon bukod sa mga panloob.

"Ano 'to?" isang baro at sayang pula na may disenyo ng bulaklak.

Sa huli ay wala akong nagawa kundi isuot 'yon kaysa naman naka-panty at bra lang ako. Baka parte rin ito ng pakulo nila, 'yung makaluma, katulad ng istilo ng hotel na 'to at ng pagka-pormal ng mga staff.

*****

TAMA nga ang hinala ko na naghihintay sa labas ng kwarto ang babae kanina. Sinisiguro yata na hindi ako tatakas.

Ngumiti lang siya at tahimik lang akong sumunod sa kanya hanggang sa narating namin ang tinatawag niyang bulwagan. Para 'yong maliit na teatro na may mataas na kisame. Naroon ang mga kasama ko at katulad ko'y nakasuot din sila ng makaluma, bagay naman sa vintage na design ng lugar.

Umupo ako sa bandang gitna kung saan wala akong kahilera. Hinanap ng mga mata ko si Boaz pero naagaw ang atensyon naming lahat nang dumilim ang mga ilaw at tumutok ang spotlight sa balkonahe.

Humawi ang pulang kurtina at lumabas ang lalaking kumausap sa amin kahapon, ang Punong Ginoo. Mas mestizo siya sa personal at mukha siyang galing sa lumang panahon dahil sa suot niyang barong.

"Magandang araw, mga mahal naming kalahok. Muli, ako'y nalulugod na makita kayong handa na sa patimpalak na aming handog. Ako ang Punong Ginoo, ang inyong tagabantay," sabi nito. Kahit walang mikropono ay umalingawngaw pa rin ang tinig sa buong siid. "Kayo ang mga hinirang sa taong ito, na susubok ng inyong lakas, talino, at husay. Ang Lihim ng Hiraya ay hindi ordinaryong laro. Ito ay isang virtual reality game laro na patuloy na pinaghuhusay ng mga developer, at ang inyong partisipasyon ay malaking tulong upang lalong mapayabong ang mekanismo ng larong ito.

Napili kayo rito dahil mayroong nagtiwala sa inyo na kaya n'yong lampas an ang bawat pagsubok, at dalawa sa inyo ang tatanghaling kampeon, isang babae at isang lalaki ang mag-uuwi ng isang daang libong dolyar at mga karampatang kahilingan na maaaring tuparin ng mga benefactor."

Umugong ang bulungan, narinig ko na may mga nagsalita sa likuran ko.

"Two winners?"

"One-hundred thousand dollars, that's five million pesos!" nadama ko ang kasabikan sa mga boses nila.

Malamang ay dahil napagtanto nila na mas mataas lalo ang tsansa na manalo kami kung dalawa ang tatanghaling winner. Muling nagsalita ang Punong Ginoo.

"Kaya't inaanyaan ko kayong tumuloy na sa unang pagsubok na naghihintay sa inyo," pagkasabi niya no'n ay tinapatan ng liwanag ang entablado at dahan-dahang nahawi ang kurtina. Tumambad sa'min ang malaking itim na pinto.

Bago magsitayuan ang mga kasama ko ay nagtaas ako ng kamay.

"Ano 'yon, Binibini?"

"P-pwede bang mag-voluntary exit?" tanong ko. PBB lang ang peg, Mirai?

Hindi nakaligtas sa pandinig ko na natawa 'yung ilan, hindi ko lang alam kung sino. Nakakatawa nga siguro, at mas pabor sa kanila dahil bawas kakumpitensya rin.

Nasulyapan ko si Boaz na nasa bandang harapan, nakakunot.

"Kung ako sa'yo ay hindi ko 'yon gugustuhin, Binibini," nakangiting sagot lang nito sa'kin. Mukhang bawal mag-quit, siguro nga magpapatalo na lang ako. "Huwag na tayong mag-aksaya pa ng oras, mga minamahal naming manlalaro, halina't humayo kayo sa unang pagsubok."

Naglakad sila papuntang entablado at wala naman akong nagawa kundi sumunod sa kanila.

Automatic at dahan-dahan na bumukas ang malaking pinto, umugong ang tunog ng bakal at makina nito. Madilim ang naghihintay sa kabila pero makatapak kami sa labas ay halos mapanganga ako.

Pare-parehas kaming natahimik dahil mukhang katulad ko'y namangha rin sila. Kaagad kaming napatingala sa mga higanteng puno.

Wala nang nakapansin pa ng unti-unting pagsara ngp pinto sa likuran namin, hanggang sa umalingawngaw sa buong paligid ang tunog na nilikha ng pagsara nito.

Napatingin ako sa mga kasama ko at nakita silang bahagyang naglakad-lakad habang patuloy na tinitingala malawak na kagubatan.

"This is an arena? This place is huge!" boses 'yon ni Marc.

"Virtual reality daw kaya most likely baka simulation lang lahat ng 'to," komento naman ni Jasmine.

Bukod sa matatayog na puno at mga sanga nitong tila kamay na umaabit sa langit, madilim ang paligid pero may maliwanag na buwan ang tumatanglaw sa'min, bilog na bilog at tila ang lapit. Kamangha-mangha rin ang mga kumikislap na dahon sa sahig.

"Maligayang pagdating sa Marahuyong Gubat!" boses 'yon ng Punong Ginoo na umalingawngaw sa buong paligid, pero hindi namin siya nakita. Sinubukan naming hanapin ang speaker pero hindi namin 'yon nahagilap. "Narito ang inyong unang pagsubok, kailangan n'yong suungin ang loob ng kagubatan upang makalabas sa kabilang bahagi sa loob ng isang oras. Handa na ba kayong suungin ang Marahuyong Gubat? Kung ganoon..."

Nakita namin sa buwan ang countdown. 10...

"Wait, 'yun na 'yon?" angal ni Gabe. "Kailangan lang nating makalabas ng forest?" 3...2...

"I doubt it, hindi biro ang premyo rito. Given na rin na may oras," sinundan 'yon ni Sofia. "There must be a trick or traps—" 1...

Saktong pagkasabi niya no'n ay biglang yumanig ang kinatatayuan namin at napasigaw halos ang lahat.

"I think we need to move!" sigaw 'yon ni Roderick at nagimbal kami nang makitang gumuguho ang lupa mula roon sa pintuan na pinanggalingan namin.

Natulala lang ako sa kawalan. Iniisip ko pa rin na gusto ko nang umuwi, kung gano'n ay hahayaan ko na lang siguro 'yung sarili ko na lamunin ng lupa, tutal, virtual reality lang naman 'to, 'di ba?

Pero pagkapikit ko'y biglang may humawak ng kamay ko. Sa isang iglap ay hila-hila ako ng kung sino at walang iba kundi si Boaz.

Lumingon ako at nakita ang madilim na bangin mula sa gumuguhong lupa, para akong natauhan kaya mas lalo kong binilisan ang pagtakbo. Muli ko siyang tiningnan at ang mga kamay naming magkahawak.

Hinintay ko ang Sapantaha na lumitaw sa aking paningin subalit hindi sapat ang koneksyon na mayroon ako sa kanya para makita nang malinaw ang hinaharap niya.

Naalala ko 'yung naisip ko kagabi, na kung gusto kong manalo sa kumpetisyon na 'to ay kailangan kong mapalapit sa kanya... malapit sa damdamin... emosyon. Sa ganoong koneksyon ko nakikita ang Sapantaha ng isang tao.

Halos patalon ang huling hakbang na ginawa namin bago sa makatawid kami sa kinaroroonan ng mga kasama naming matagumpay na nakasampa sa kahoy na tulay. Damang-dama ko ang pagkabog ng aking dibdib nang makasampa kami at galit niya akong hinarap.

"Sira ka ba?!"

Sumulyap ako sa lugar na pinanggalingan namin at nakita ang walang hanggang kadiliman. Bigla kong napagtanto ang mga narinig ko kanina. Sa laki ng premyo na nakataya ay hindi basta-basta ang mga pagdadaanan namin para makalabas dito.

Wala na akong aatrasan.

Pinagmasdan ko ang dalawang palad ko at naalala ang aking ina. Kung biniyayaan ako ng kaloob para sa ganitong pagkakataon... Bakit... Bakit hindi ko pa subukang manalo?

"Nakikinig ka ba, Mirai—" humakbang ako palapit sa kanya at hindi niya napaghandaan ang sunod kong ginawa. Napasinghap ang mga kasama namin at napasipol ang ilan.

Hinalikan ko si Boaz sa labi. 

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top