Kabanata 1

SABI nila madalas daw talagang tama ang hinala ng mga babae.

"May business meeting daw sila," sabi niya na sumisinghot-singhot pa. "Ako naman si tanga naniwala. Kaya pala linggo-linggo siyang nasa Tagaytay dahil doon sila nagtitirahan, mga hayop sila!"

"Sshh, huwag kang malikot," saway ko naman sa kanya dahil papaling 'yung linya na ginuguhit ko sa kuko niya. Patuloy pa rin siya sa paghikbi kaya huminto ako saglit para iabot sa kanya 'yung isang box ng tissue.

"Ginawa nilang motel 'yung condo na hinuhulugan ko, kung hindi lang nagdilim ang paningin ko ay baka nataga ko na silang dalawa ng kutsilyo." Mukha na siyang sabog dahil sa kumalat niyang maskara.

"Kung gano'n ay baka nasa kulungan ka na ngayon," komento ko at tinuloy ang pagguhit. Isang French tip na lang, 'di pwedeng pumalya ang record ko.

Saktong tumugtog ang next song sa speaker, kanta ni TJ Monterde na Hanggang Dito Na Lang, tumahimik siya saka biglang humagulgol nang malakas. Mabuti na lang hindi pumaling 'yung ginuguhit ko at mabuti na lang din ay malaya siyang nakakaiyak dito sa loob ng mini studio.

"Kung hindi mo sa'kin sinabi na subukan kong pumunta sa condo namin sa Tagaytay, hindi ko sila mahuhuli."

"At hindi mo na mapapakasalan ang cheater na 'yon," dugtong ko at tumingin sa kanya saglit. "Isipin mo na lang na blessing in disguise ang nangyari."

"Pero . . . ang sakit-sakit!" napasapo pa siya sa dibdib, halos maubusan ng hininga sa paghikbi.

Tahimik kong pinagpatuloy ang paggawa sa kuko niya habang siya naman ay sinasabayan ng iyak ang background song.

"Mirai, tapos ka na ba—" biglang bumukas ang pinto at dumungaw ang best friend ko na si Fumi. Sumenyas ako na umalis siya dahil nagmo-moment ang client ko. Tinuro niya ang labas, mukhang napaaga 'yung kasunod.

Nang mawala si Fumi ay muli kong tiningnan ang kaharap ko at 'di ko mapigilang mapabuntong-hininga. Kinuha ko 'yung phone ko para ihinto 'yung music.

"Hanggang kailan ka iiyak?" tanong ko sa kanya at dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin sa'kin. "Gets ko, masakit talaga 'yung ginawa niya sa'yo. Masakit matraydor lalo na kapag minahal mo." Dinampot ko ulit 'yung brush ko. "Pero hindi na worth it pang iyakan 'yung mga taong hindi ka pinahalagahan. Sabi nga nila, kapag may nawala, may ipapalit na mas mainam."

"T-talaga?" Tumango ako habang nilalagyan ng finishing touches ang mga kuko niya. Pagkatapos ay tumingin ako ng diretso sa mga mata niya.

Nakita ko siyang tumatawa, napaliligiran siya ng mga tao na totoong nagmamahal sa kanya. Hindi ko mapigilang mapangiti at napansin kong napakunot siya.

"Maraming nagmamahal sa'yo, hindi mo kailangang maghanap, kailangan mo lang tumingin nang maigi sa malapit sa'yo." Pumalakpak ako bigla na kinapitlag niya. "Ayan, tapos na ang nails mo! Tag mo kami sa IG, Mystic Nails, ha. That's one thousand and seven hundred pesos only, discounted na 'yan." Halos mapanganga siya at kaagad namang kinuha ang wallet.

"Here." Inabot niya sa'kin 'yung one thousand bill.

"Ay, kay Winona mo na lang iabot 'yung bayad."

"That's my tip for you, Mirai," ako naman ang halos mapanganga, "thank you for listening to my drama and well . . . for helping me out."

Umiling ako. "Wala naman akong ginawa." Nagbigay lang ako ng suhestiyon pero siya pa rin ang nagdesisyon para sa sarili niya sa huli.

"Pumalya ang woman instinct ko, pero malakas ang sapantaha mo na may babae talaga ang ex-fiance ko." Napalunok ako nang banggitin niya ang salitang 'yon. "Balik ako next time."

Hindi ko na nagawang tanggihan 'yung tip na binigay niya nang ilapag niya 'yon sa mesa. Nang umalis siya'y akala ko 'yung susunod na client na 'yung papasok.

"Another satisfied customer for today's video," nakangiting sabi ni Fumi, kaagad kong inabot sa kanya 'yung tip na nakuha ko. "Wow, ang lakas talaga ng mambudol ng frenny ko."

"Gaga." 'di ko mapigilang matawa. "Order ka sa Grab ng meryenda natin."

"'Yan ang gusto ko sa'yo, always sharing your budols este blessings." Nakasanayan ko na lang din sa pang-aasar niyang 'yon dahil matagal na silang nagtataka kung bakit ang dami kong client na nagbibigay ng malaking tip. 

Nang umalis si Fumi at habang hinihintay na pumasok 'yung susunod kong client ay sumulyap ako sa drawer 'di kalayuan. Muli akong napangiti nang makita ang portrait niya na tila nagmamasid sa'kin palagi, sana pinapanood mo ako sa langit, 'tay.

"Ate Mirai!" napatingin ako sa pintuan nang pumasok ang next client ko na hanggang tenga ang ngiti. Mukhang galing siyang school dahil nakasuot pa rin siya ng uniform. "Guess what?!" pag-upo pa lang niya ay dumaldal siya agad.

Pinindot ko 'yung phone ko para sa next song at tumugtog 'yung Salamin ng Bini.

"Umamin ka na sa crush mo?" 

"Yes!" halos mapatili siya, buti na lang din ay pinasadya kong soundproof 'tong kwarto. "I'm so really excited to go here kaya ang aga ko dumating."

Tumayo ako saglit at pumunta sa mini fridge, kumuha ako ng paborito niyang soda at inabot 'yon sa kanya. Nilapat niya na sa patungan 'yung isa niyang kamay.

"Anong bet mong design? May reference ka?" tanong ko.

"Ikaw na bahala, basta I want something summer vibes dahil malapit na magbakasyon," sagot niya at alam ko na kung anong gagawin. Lilinisin ko muna 'yung kuko niya. "Ayun nga, Ate, just like what you said—I admitted my feelings at na-crush back ako!"

"Nag-suggest lang naman ako na what if umamin ka." At sana all na-crush back. 

Nagsimula siyang magkwento at habang nililinis ko ang mga kuko niya'y maingat kong pinisil ang palad niya. Sumusulyap-sulyap ako sa mga mata niya habang nakikinig.

"Of course, I still don't want to give him the idea na easy to get ako, basta sabi ko lang I just want to get to know him better, you know."

Nang mga sandaling 'yon ay tila humina ang boses niya at ang background music. Kusang lumitaw ang mga imahe sa harapan ko na animo'y isang hologram na pira-pirasong nakalutang sa hangin. Minsan madaling pagtagpiin, minsan mahirap unawain. Nakasanayan ko na lang din siguro na pagdugtong-dugtongin ang mga imahe habang nakikinig sa sinasabi ng kaharap ko.

At sa pagkakataong 'yon, hindi pa man malinaw, nakita ko na agad ang piraso ng hinaharap niya ukol sa kinukwento niya. 

"Niyaya ka niyang manood ng sine?" ulit ko sa sinabi niya. Sa isang iglap ay nawala ang mga imahe na parang abo.

"Yup, we both like movies. I think that's a good start for us."

Hindi ba sinabi sa'yo ng magulang mo na hindi sa sinehan dapat nagliligawan kundi sa bahay? Hindi ko masabi sa kanya.

"Sure ka? Sine talaga? What if pakilala mo muna sa parents mo?"

"Huh? I think 'di pa naman gano'n ka-serious para ipakilala agad sa parents. Saka that's old school."

Hindi na ako kumibo, sabi ko nga iba na ang generation ngayon. Kung iyon ang gusto niya, hindi ko siya pipigilan. Nagpatuloy siyang magkwento habang nakikinig lang ako.

Nang matapos kong gawin ang kuko niya ay tuwang-tuwa siya sa kinalabasan nito. Summer tropical vibes pero nilagyan ko ng design ng mga prutas, mukhang nagustuhan na naman niya dahil nag-picture siya agad. 

Tinanggahihan ko 'yung tip niya at sinabi kong itabi na lang dahil alam kong allowance 'yon galing sa parents niya.

"Thank you so much, Ate Mirai, I'll be back again," sabi niya habang nag-aayos ng gamit.

"Tag mo kami, ha," bilin ko. "Saka..." sasabihin ko ba?

"Yeah?" nag-angat siya ng tingin at hinihintay ang sasabihin ko.

"Sa huli, sila pa rin ang magdedesisyon sa buhay nila." Umalingawngaw ang boses ni tatay sa isip ko.

Umiling ako. Protect your heart, dear.

Nang umalis na siya ay tumayo ako at lumapit sa larawan ni Tatay.

"Binigay lang sa'kin ang mga sapantaha para magbabala, hindi para magdesisyon para sa kanila, hindi ba, 'Tay?"

Nag-angat ako ng tingin at nakita ang repleksyon ko sa salamin. Nakikita ko nga ang sapantaha ng iba pero kailan ko kaya makikita ang akin?


*****


"BOSS, thank you sa pameryenda, ang sarap talaga ng pizza lalo na pag libre!" iyon ang bungad sa'kin Juliet paglabas ko ng studio, halata naman sa itsura niya dahil namumutok na 'yung blouse sa kanya. Naabutan ko silang naglilinis at nag-aayos para magsara ng salon.

"Naku, boss, ang daming nakain niyang ni Juliet, kung 'di mo awatin uubusan ka talaga," sumabat si Shammy, ang raketerang breadwinner nail artist namin dito.

"Grabe, kapagod magpaganda ng kukows, sino gustong umawra sa Timog?" umeksena si Gigi, nakapagpalit na ng damit dahil mukhang gigimik na naman, namumutok ang red lips. 

"Hay nako, huwag mo na kaming idamay sa kagastusan mo," kontra sa kanya ng receptionist namin na si Winona. "Kaya wala kang naiipon, eh."

"Mind your own biz. Kasalanan ko ba kung masyado kang manang para umawra." Kunsabagay ay para kasing pang-Miss Minchin ang fashion ni Winona, pero maaasahan siya sa trabaho niya at tapat.

"Tama na 'yan, magkapikunan na naman kayo," awat sa kanila ni Fumi na galing sa labas.

"Bakit parang problemado ka?" tanong ko sa kanya, halos magkasalubong kasi 'yung kilay niya. "Stress na ang red bangs mo, girl." 

"Alam ko na!" sumingit si Shammy. "Ngayon nga pala 'yung opening nung bagong tayong aesthetic spa malapit sa'tin. Hala, dinumog ba sila, Boss Fumi?"

"Oo," sagot ni Fumi at pinakita ang phone niya.

"Naku, surely mas maganda pa rin dito sa Mystic Nails!" si Gigi na lumapit kay Fumi para tingnan ang phone nito.

Pasimple akong hinila ni Juliet sa gilid habang abala sila sa panglalait sa bagong open na spa 'di kalayuan.

"Bakit, Juliet?" tanong ko.

"Ahm, Boss, pwede bang humingi ulit ng advance?" mahina niyang tanong. "Sorry, Boss, nahihiya talaga ako kaso kailangan lang talaga kasi nakasanla pa rin 'yung ATM ng asawa ko." Napayuko siya.

Tumingin ako kay Fumi, alam ko 'di siya sasang-ayon dito. Muli akong bumaling kay Juliet.

"Sige, i-Gcash ko na lang."

Lumiwanag ang mukha niya at halos mangiyak-ngiyak akong niyakap pero kaagad din akong bumitaw dahil mahirap na't may lumitaw pang imahe sa paningin ko.

"Thank you, Boss!"

Ilang sandali pa'y nauna na silang nagsi-alisan. Hindi na kami nakapag-usap ni Fumi at mainam na rin 'yon dahil parehas kaming pagod at baka kung saan pa mapunta ang usapan.

Bago ko patayin ang ilaw ng salon ay napatitig lang ako sa flower wall art sa reception area kung saan naka-display ang logo ng shop. Pinagmasdan ko ang kabuuan nito, pink interior at minimalist na appealing sa mga mahilig sa aesthetic, iyan ang na-envision namin na design ni Fumi noon. 

Mystic Nails, dati isa ka lang malaking pangarap.

Hindi ko man nakikita ang sarili kong hinaharap, malugod kong tinanggap na kahit ano ay mararating mo basta ay magsumikap ka, at ito ang ebidensya. 

Pagkababa at pagka-lock ko ng roller shutter ay muntik na akong mapasigaw paglingon ko. Paano ba naman ay may lalaking nakatayo at nakasandal sa itim na kotse. Napakapit ako sa bag ko at handa na sana akong tumakbo pero nang humakbang ang lalaki't natamaan ang mukha niya ng liwanag ng poste ay nanlaki ang mga mata ko.

"Ikaw? Anong ginagawa mo rito?" Huwag mong sabihing magpapagawa siya ng kuko, eh, sarado na kami.

"Dito ka nagtatrabaho?" tinuro niya 'yung signage. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa, gabi na pero ang pormal ng suot niya. Muli kong tiningnan 'yung mukha niya, halos wala siyang pinagbago maliban sa lumaki ang katawan niya at mas...kumisig. 

"Ako ang may-ari," taas-noo kong sagot at humalukipkip. "Akala ko kung sinong holdaper." Akma akong aalis pero hinarangan niya ako.

"Teka lang, Mirai." Nang mas lumapit siya sa'kin ay halos tingalain ko siya. Amoy na amoy ko agad 'yung pabango niyang panlalaki.

"Bakit ba?" hindi kami magkasundo noong hayskul kaya hindi ako makikipagplastikan sa kanya ngayon. Inabot niya sa'kin 'yung calling card ng salon. "Bakit meron ka nito? Magpapagawa ka?"

Napahinga siya nang malalim. "My boss asked me to go here. Mabuti na lang naabutan kita."

"Boss? Sinong boss mo? Nagtatrabaho ka na sa mafia?" 'di ko alam kung bakit nakuha ko siyang biruin no'n. Noong hayskul kasi napakaloko nitong taong 'to, kaya sa ayos niya ngayon iyon talaaga ang naisip ko.

Natawa siya at napalunok naman ako.

"No. Bodyguard ako ni Miss Saoirse."

"Saoirse? As in . . . Saoirse Soraya? 'Yung singer? Kailan pa siya nagka-body guard? At ikaw kupal ka?" Ang bait-bait ni Miss Saoirse tapos siya ang body guard?

"Bago lang ako. Anyway, pinapunta niya ako rito para magpaschedule ng appointment bukas ng gabi, usual time daw."

"O-okay." Pwede naman akong i-chat ni Miss Saoirse.

Pasakay na siya ng kotse habang nakatulala pa rin ako.

"At hindi ako kupal, gwapo lang," sabi niya saka sumakay ng kotse.

"Ang hangin pa rin ng kupal." 

###


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top