Sandig
Isang gabing pagdalaw ni bakunawa upang kainin ang nag-iisang buwan sa kalangitan, ay may dalawang puso na tila hindi itinakdang pagbuklurin.
"Iniibig kita, Ahrem..."
"Aking Ginoo, paumanhin ngunit hindi maaari— ako'y inyong sandig at tiyak ako'y mapupugutan ng ulo ng inyong amang Rajah," tugon ng kanyang matapat na sandig.
"Ahrem, tumingin ka sa aking mga mata... Batid mo na sa simula pa lamang ako sa iyo'y may pagtatangi—"
Tumingin ang sandig sa mga mata ng Ginoo at agad rin itong nag-iwas.
"Ginoo, isantabi na lamang natin ang ating nararamdaman, hindi ko ibig na ako ang siyang maging dahilan nang hindi niyo pagkaka-unawaan ni Dayang Mayumi."
"Hindi ko iniibig ang aking asawa, pakiusap Ahrem, sumama ka sa akin, tayo ay magpakalayo-layo, tayo'y magtutungo sa ibang banwa—" mungkahi ng Ginoo.
"Upang ano Ginoo? Upang Maging uripon sa ibang banwa? Hindi maaari Ginoo, mas nanaisin ko pa na maging iyong sandig kaysa masilayan ka bilang uripon sa ibang banwa," tugon ng sandig, na nangingislap ang mga mata.
"Hindi mangyayari ang iyong sinasabi— ano at— tila ikaw ang aking nag-iisang buwan, ako ang kalangitan at pilit na kinukuha ka sa akin ni Bakunawa..."
Sa iwinika ng Ginoo ay tila humaplos ito sa kanyang puso, dahilan upang manghinayang ang dalagang sandig— ngunit isinantabi niya ang nararamdaman sa kanyang panginoon.
"Ginoo, hindi nga siguro ngayon ang ating panahon, iba ang bugna na nakaguhit sa ating mga palad ngunit—"
(A/N) bugna - tadhana.
"Ah-rem, pakiusap..."
"Ito ang una at huli ngunit hindi ang siyang katapusan, na sasabihin ko sa iyo na iniibig kita, Ginoong Alon..." Wika ng sandig.
"Ahrem..." Bulalas ng Ginoo atsaka mahigpit na niyakap ang kanyang sandig.
Ngunit lingid sa kanilang kaalaman na sila'y sinundan ni Dayang Mayumi, ang asawa ni Ginoong A-lon kasama ang mga sandig ng Rajah.
"Mga taksil!"
Gulat na napalingon ang Ginoo at ang kanyang sandig sa Dayang Mayumi.
"Mga sandig ng Rajah, dakpin niyo ang tampalasang sandig ng aking bana!" Utos ng Dayang.
"Mayumi, pakiusap! Huwag mong gawin ito!" Pigil ng Ginoo sa kanyang asawa. "Mga sandig ng aking Baba, pakiusap huwag niyong gawin ito!"
"Ipinagtatanggol mo ang babaeng ito! Na iyong hamak na sandig lamang, ano pa ang inyong hinihintay? Dakpin niyo ang ahas na iyan!" Utos ng Dayang.
Inilabas ni Ahrem ang kanyang kampilan, atsaka ay nakipaglaban sa mga sandig ng Rajah. Handa siyang makipaglaban para sa Ginoo ngunit hindi para sa kanyang nararamdaman.
Sa kanyang pakikipaglaban gamit ng kampilan, siya ay nasugatan sa kanyang braso ng isang sandig ng Rajah. Ngunit patuloy pa rin ang pakikipagtagis ng kanyang sandata, isa laban sa tatlong mandirigma ng Rajah na lubos nang may karanasan. Siya'y nadaig ng isa sa mga ito, siya'y natumba— at nasa kanyang leeg ang matalim na kampilan nito.
"Ano Ahrem? Na matapat na sandig ni Ginoong A-lon, nasaan ang iyong kahusayan na lubos na kinagigiliwan ng Ginoo?" Tanong ng sandig.
Hindi umimik si Ah-rem.
"Dakpin niyo na siya!" Utos muli ng Dayang Mayumi.
Ngunit mabilis na nakawala sa kampilan ng sandig ng Rajah si Ahrem, tumindig ito na animo'y hindi ininda ang malalim na sugat sa kanyang braso.
"Hindi pa ito ang aking katapusan," wika ng dalagang sandig.
"Ahrem... Madali ka! Ika'y lumayo na!" Utos ng kanyang Ginoo.
"Ginoo..." Bulalas ng dalaga.
"Madali ka! Ahrem! At huwag ka padadakip sa mga sandig ng aking ama!"
Sa iwinika ng Ginoo ay aakmain nang tatlong sandig na lapitan ang babaeng mandirigma, ngunit mabilis na humarang ang Ginoong A-lon.
"Ginoo..." Bulalas ni Ahrem, habang dahan-dahan nang tumutulo ang kanyang mga luha sa kanyang pisngi.
"Pakatandaan mo, iniibig kita... Ikaw lamang ang tanging babae na aking iibigin..."
"Aking Ginoo, hahanapin kita sa panahon na naroon ka, at pangako sa panahong yaon ikaw at ako ay magsasama muli bilang magsing-irog."
Ngumiti ang Ginoo sa kanyang sandig. Siya'y natuwa sa kanyang narinig mula sa dalaga.
"Magmadali ka Ahrem! Magtanan na! Pakiusap! Magtanan na Ahrem! Magtanan ka na!!!" Halos pasigaw na utos ng Ginoo, habang pigil-pigil ang mga sandig ng kanyang amang Rajah.
Tumakbo ang mandirigma na si Ahrem, at hindi rin nagtagal ay hindi na napigilan pa ni Ginoong A-lon ang mga sandig ng kanyang ama, hinabol ng mga ito ang mandirigmang dalaga.
Ilang mga bangkaw ang humabol sa kanya, at ilang mga palasong may lason ang kanyang nailagan, ngayo'y hinahabol na rin siya ng mga mandirigma. Lumuluhang tinutumbok ni Ahrem ang isang burol na kilalang pinangangalagaan ng isang diwata. Walang nakalalabas ng buhay rito, haka-haka ng mga nakatatanda at ng mga Babaylan. Nanghihina na ang sandig pagkat marami na ang dugong nawala sa kanya. Narinig niya ang mga sandig ng Rajah, nauubusan man nang lakas ay pilit siyang nagtungo sa isang malaking puno upang roon ay magkubli.
At kanyang napagtanto na siya'y may sugat sa kanyang tagiliran.
"Aba, mga Diwata, at aking mga umagalad hindi ko ibig na malagutan ng hininga, nais ko pang makapiling ang aking Ginoo... Ngunit kung ito ang aking kapalaran ay siya kong tatanggapin."
Ngunit sa magandang magbubukangliwayway na ay kakatwa na biglang kumulog, at nagkaroon pa ng manaka-nakang kidlat— na ikinagulat at ikinatakot ng mga sandig ng Rajah kung kaya't sila'y mabilis na nilisan ang pook na yaon.
Isang napakagandang babae naman ang nagliliwanag at tila naglalaro ng panahon ng kalangitan, nang matiyak niyang wala na ang mga sandig ng Rajah, ay tila majika niyang napahinto ang animo'y namumuong sama ng panahon.
Makaraan ng ilang segundo lamang ay nagtungo ito sa sugatang sandig.
"Tila hindi maganda ang iyong lagay, Binibini..."
-------
Itutuloy...
Karagdagang kaalaman:
Bugna- tadhana
Tanan- takas, umalis ng walang paalam.
-Papel📝
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top