Kabanata I: Lagusan
Kabanata I: Lagusan
--
A/N: Paumanhin, sa aking magigiliw na mambabasa. Dito ko na lamang isusulat kung sino si Bakunawa, muli ang inyong lingkod na baguhang may-akda ay humihingi ng paumanhin— kung kayo ay nalito sa unang bahagi.
Karagdagang Kaalaman:
Bakunawa- Si Bakunawa ay isang serpyenteng dragon pang-dagat, siya'y lumalabas mula sa kailaliman ng dagat tuwing bumibilog ang buwan, upang ito ay kainin. Noon ay may pitong buwan ngunit si Bakunawa ay naakit sa kagandahan ng mga ito, at isa-isa niya'ng kinain ang anim na buwan. Kung kaya't isang buwan na lamang ang ating nakikita sa kalangitan.
Ang paglabas ni Bakunawa upang kainin ang nag-iisang buwan ay sanhi ng "eclipse" kung ating tawagin.
Sandig- Pinakamaaasahang mandirigma ng isang Datu o Rajah, na may mataas na antas sa isang puod o banwa na kung sila'y tawagin ay Timawa o Taong malaya. Ang mga sandig ng isang Rajah o Datu ay binubuo ng Atubang (tagapayo) Paratawag (taga-anunsyo) Paragahin (ingat-yaman) at Bilanggo ( hukom)
--
Nagising ang sandig sa isang magandang himig, pagkuwan ay nagpakurap-kurap ang kanyang mga mata sa sinag ng araw, na tila ikinukubli ng mga dahon ang liwanag.
Nang siya'y nasa ulirat na, ay mabilis siyang tumayo at nagtaka kung bakit siya'y walang nararamdamang sakit sa kanyang braso at tagiliran. Dali-dali niyang tiningnan ang mga bahagi ng kanyang katawan, na kanina lamang ay may malalalim na sugat ngunit wala siyang nakita ni pilat. Subalit siya'y may napansin sa kanyang tagiliran na kanyang winalang-bahala.
Hinanap niya ang himig kung saan ito nagmumula, sa pagitan ng mga madadahong baging ay siya'y may naaninag. Hinawi niya ang mga baging atsaka nasilayan ang animo'y nagliliwanag na nakatalikod na Diwata, siya'y namangha sa kanyang nakikita.
"Ikaw ba'y diwata?" Tanong ng babaeng sandig sa misteryosong nilalang.
Humarap ang isang napakagandang diwata atsaka ito lumapit sa kanya.
"Ako ang Diwatang nagbabantay at nangangalaga sa burol na iyong kinasadlakan Binibining Sandig, ako si Ap-way," tugon niyang nakangiti.
"Ap-way, ikinagagalak kong makilala ka Diwatang Ap-way," magalang na pagbati ng sandig. Ngunit siya'y nagulat nang masiglang hinawakan ng diwata ang kanyang mga kamay.
"Hay! Kanina pa kita nais gisingin ngunit napakasarap ng iyong paghimbing, napakaganda mong pagmasdan! Tila mas maganda ka pa nga sa asawa ni Ginoong A-lon! Ako'y iyong tagahanga sandig na maisog." Kanyang tuluy-tuloy na wika sa sandig, siya'y palipad-lipad at ang mga bulaklak, halaman at puno sa paligid na kanyang madaanan o mahawi, ay lalong nabubuhay at nagiging makulay. Tila nagulat naman sa inaasal ng diwata ngayon ang sandig.
Ganito pala ang mga diwata? Ngayon lamang ako nakakita ng isang diwata, at hindi ko inaasahan na sila pala ay lubos na masayahin.
"Tagahanga?" Tanong niya.
Ngumiti ang diwata atsaka tumugon.
"Oo. Binibining Ahrem, ako ay iyong tagahanga, ngunit ikinalulungkot ko ang naganap sa iyo at sa Ginoo," kanyang saad, at nawala ang ngiti sa kanyang mga labi.
"Hindi kami ang itinadhana ng panahon, Diwatang Ap-way," wika ng sandig.
"Nakalulungkot nga iyan, Ah-rem." At humilig ito sa kanyang balikat.
"Ako'y sinawing palad sa pag-ibig, malayo ang kanyang katayuan sa akin isa lamang akong hamak na Timawa, samantalang siya'y anak ng kilalang Rajah sa maraming pulo," saad ni Ahrem.
Napabalikwas naman ang diwata mula sa pagkakahilig nito sa dalaga.
"Kilala ka rin naman sa iba't-ibang pulo Ahrem, pagkat ikaw ang natatangi na babaeng sandig, ngunit huwag ka ng malungkot pa Binibining Ahrem." Alo ng diwata sa namamanglaw na sandig.
"Sana nga'y ipinanganak na lamang ako bilang anak ng Datu o ng Rajah, nang sa gayon ako'y naging isang Binukot at baka ako'y natagpuan pa ng Ginoo—"
Napahinto sa pagsasalita si Ahrem nang ikumpas ng diwata ang kanyang kamay, at waring naghulma ng isang mahiwagang bagay. Ngumiti ang diwata sa kanya.
"Ano ang mahiwagang bagay na iyan?" Tanong ng sandig, na nahihiwagaan.
"Iyan ay isang lagusan patungo sa nais ng iyong puso, kaya lakad na!" Ani ng Diwata.
"Sa nais ng aking puso?" Tanong ni Ahrem.
"Oo, aking Binibining sandig. Madali ka na! Upang maituloy niyo na ang aklat na aking sinusulat ay, este! Masubaybayan kita muli," wika ng Diwata.
"Ngunit sa aking pakiwari ay nakakatakot ang bagay na iyan!"
Ngunit ang pilyang diwata ay siya'y itinulak papasok ng lagusan.
"Diwata—"
"Sige na! Maligayang paglalakbay!"
"Diwatang Ap-way! Sandali lamang—"
Lumiliit na ang lagusan nang animo'y may nakalimutan ipaalala ang diwata, kung kaya't dali-dali itong dumungaw sa lagusan.
"Sandig na Ahrem, ang iyong pilat sa tagiliran— mananariwa ito sa oras na tangkain kainin ni Bakunawa ang buwan, at iyon ang oras upang ikaw ay mamili..."
Matapos sabihin iyon ng diwata ay tuluyan nang naglaho ang mahiwagang lagusan, atsaka nagpagpag ng kamay ang diwata na animo'y nag-alis lamang ng alikabok.
--
Iniluwa si Ahrem ng lagusan, mula sa isang malaking balete. At hindi sinasadya na siya'y mamudmod sa lupa.
"Ang sakit naman niyon, tila ako'y itinulak palabas ng lagusan!" Kanyang daing nang makatayo, nasa kanyang balakang ang dalawa niyang kamay.
Ngunit pagkuwan ay napadilat siya nang makita ang paligid na kanyang kinasadlakan. Kakaiba sa kanyang paningin, malaki ang pagkakaiba sa nakagisnan niyang panahon.
Ano ito? Nasaan ako? Ako ba'y nasa ibang buntala? Aba, nasaan ako? Ano itong pook na aking kinaroroonan ngayon?
Maliwanag ang paligid dahil sa mga ilaw na nagkalat sa kung saan-saan, mga makabagong makinaryang umaandar lulan ang tao. Maingay, mga busina ng mga ito ang maririnig. Nagtataasang gusali ay makikita kahit saan ka lumingon, ang mga kasuotan ng mga tao ay malaki ang pinagkaiba sa kanyang kasuotan.
Pinagmasdan niya ang kanyang sarili, tao ako, tao rin naman sila ngunit bakit iba ang kanilang kasuotan? Ang kampilan ng mga kalalakihan nasaan? Hindi ba sila nag-aalala na baka may mangayaw sa kanilang puod? Ang mga kababaihan? Ano at tila karamihan sa kanila ay halos mahubaran na? At bakit wala sila sa kani-kanilang balay na dapat ay naghihintay lamang sila sa kanilang mga bana?
"Pre, mukhang cosplayer 'to naligaw yata."
"Oo nga pre, hanep sa costume!"
Rinig niyang bulung-bulungan sa paligid na hindi niya maunawaan. Nasa isang lugar ang sandig na kung tawagin ay restaurant. Napakaganda ng lugar na ito, sapagkat ang kainan ay nasa labas malapit kung saan sa kinasadlakang balete ni Ahrem. Kita ang kalsada at mga sasakyan.
Sa kabilang dako naman, sa parehong lugar ay may isang Ginoo naman ang abala sa ibang bagay. Nasa isang mesa ito at hawak ang kanyang telepono.
"I understand you Mr. Pascual. My father? All right I'll tell him when we meet, yeah thank you Mr. Pascual."
Matapos niyang makipag-usap sa telepono, ay agad siyang tumayo.
Bakit ba lagi na lang si Dad ang gusto nila makausap? Pagdating talaga sa pulitika ang mga taong 'to nagiging gahaman.
Samantala, ang sandig naman ay nasa nakalagitnaan nang pakikipagtunggali sa mga kung sinuman, ano nga ba ang nangyari? Bakit ngayon ay hawak niya ang kanyang kampilan? Pinipilit siya kanina ng isang lalaki na sumama sa kanya sa kung saan man. Ngunit ang Sandig na dayo ay naging listo, mabilis niyang kinuha ang kanyang sandata.
"Matapang kang babae ah! Ano 'yan laruan?" Tanong ng lalaki na nakangisi.
Nagtawanan ang mga kasama nito atsaka pinalibutan ang sandig na si Ahrem. Sa simula ang mga taong nakaupo sa restaurant ay tila natutuwa pa, ngunit nang sugurin nang isa sa mga lalaki ang sandig, ay nasugatan ang braso nito dahil sa matalas na kampilan. Nang makita ng mga tao iyon ay natakot ang mga ito.
"Tawagin niyo ang security guard!" Hiyaw ng ilang mga tao.
Susugod pa sana sila ngunit nabaling ang paningin ni Ahrem sa kilala niyang wangis.
Ginoo?
"Ginoo! Ginoo!" Tawag ni Ahrem sa isang lalaki na palabas na ng restaurant.
Nang hindi siya nito lingunin ay mabilis niya itong hinabol, habang tumatakbo ay ipinasok niya ang kanyang kampilan sa sisidlan nito, na nakalagay sa kanyang baywang.
Ang mga tao naman sa restaurant na tumawag ng tulong, ay hinahanap ang babaeng pinagsimulan ng gulo ngunit wala na ito, nakaalis na.
"Ginoo! Hintay! Hintay— Ginoo!" Kanya muling tawag sa lalaki.
Pasakay na ito ng sasakyan ngunit siya'y nilapitan agad ni Ahrem.
"Ginoo!"
"A-ako ba Miss?" Tanong ng lalaki.
M-mis? Anong mis ang sinasabi ni Ginoong A-lon?
"Mis? Ginoo, hindi kita maunawaan—" Mabilis na yumukod si Ahrem, bilang papugay sa kanyang Ginoo. Ngunit...
"Aha— a-anong ginagawa mo?" Tanong ng lalaki.
"Ako'y nagbigay papugay sa iyo, Ginoo," tugon ni Ah-rem.
"A-ano? I'm sorry Miss, pero wala akong oras para makipaglokohan sayo, may lakad pa 'ko, kaya tumabi ka—" ani ng Ginoo.
"Ngunit Ginoo, tayo na sa inyong puod tiyak ay—" Hindi naituloy ng sandig ang kanyang sinasabi.
"Hindi ka ba makaintindi, Miss? Tumabi ka! Umalis ka diyan!"
"Ako'y aalis Ginoo? Ngunit—"
"Oo, paano ako makakapasok sa kotse ko kung nakaharang ka? Tss!" Saad ng Ginoo.
Gumilid si Ahrem upang makapasok ang Ginoo sa loob ng sasakyan.
"Oh! Paano naman ako aalis nito kung nakaharang ka sa daan?" Tanong ng Ginoo sa sandig, na wari ay walang muwang sa bagay na nasa kanyang harapan.
Nagtungo si Ah-rem sa bintana kung saan kanina nakadungaw ang Ginoo.
"Ginoo, maaari ba akong sumama sa'yo?" Tanong niya, na palinga-linga sa loob ng sasakyan.
"Ikaw? Sasama sa'kin ng ganyan ang hitsura mo? Miss, ang dami ko pang gagawin huwag ka ng dumagdag pa pwede?" Ani pa ng Ginoo.
Naman! Bakit ba may mga pasaway na cosplayer na pakalat-kalat sa restaurant na 'to? Puro kamalasan ang dala sa'kin. Una kay Mr. Pascual, pangalawa itong babae.
Tila bugnot ang Ginoo sa kanyang gabi, ngunit...
"Sige, pumasok ka na rito—"
Matamis naman na ngumiti ang sandig at pinagbuksan siya ng pinto ng Ginoo.
"Daghang salamat, Ginoo."
Nang makaalis sila sa lugar na yaon ay bilog ang buwan sa kalangitan na pinagmasdan ni Ahrem. Animo'y ang kanyang mga mata'y mapupunan na ng liwanag nito.
"Nawa'y hindi kainin ni Bakunawa ang ang nag-iisang buwan," wika niyang nangingislap ang mga mata, at hindi inaalis ang paningin sa kalangitan.
"A-ano? —Sandali, anong address mo? Para maihatid kita at hindi ka pakalat-kalat sa kung saan."
"A-ano? Ginoo? Hindi kita lubos na maunawaan."
-------
Itutuloy...
Karagdagang Kaalaman:
Kampilan- patalim na pandigma. Espada.
Pangangayaw- ito ay pagkamkam sa isang banwa, mga yaman, mga mamamayan nito ay maaaring maging alipin kung sino mang Rajah o Datu ang mangangayaw. Ginagawa ito noon upang mapanatili ng isang pinuno ang kasaganahan ng kanyang puod o banwa.
-Papel📝
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top