Kapitulo XIV - Fire
"Apo..."
Ngumiti ako sa kanya nang matamis upang mapawi ang pag-aalala sa kanyang mukha. Naramdaman ko ang unti-unting pagkalas ng aking kamay mula sa pagkakahawak kaya tumingin ako muli sa kanya. "Patawad, Inang... Paalam."
Ipinikit ko na ang aking mga mata at hinayaan ang sariling mahulog sa malalim at madilim na bangin.
Sinubukan kong imulat ang aking mga mata nang maramdaman ang pagbagsak ko sa tubig. Habang unti-unti akong lumulubog ay nakita kong unti-unting nahahawi ang ulap sa kalangitan at muling sumisilay ang Haring Araw sa kalangitan.
Sinubukan kong iangat ang aking kamay upang abutin ang munting liwanag na unti-unting lumiliit at naglalaho habang ako'y patuloy na lumulubog sa kawalan. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaan na lamang ang sariling maglaho sa kadiliman.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at naramdaman ang pagpatak ng aking mga luha. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at niyakap ang aking mga tuhod. Nilubog ko ang aking mukha at hinayaan ang sariling humagulgol.
Hindi ko alam kung bakit kahit gabi-gabi ko na itong napapanaginipan ay iba pa rin ang atake sa akin ng kalungkutan. Para bang lahat ng nilalaman ng panaginip na iyon ay katotohanan at ang mundong ginagalawan ko ngayon ay puno ng kasinungalingan.
Pinalis ko ang aking mga luha at lumabas sa aking kwarto. Sinuot ko ang aking itim na hoodie at lumabas ng aking apartment. Alas tres pa lang ng madaling araw kaya naman wala pa masyadong taong nasa labas ngayon. Sabado ngayon kaya wala rin akong trabaho at klase.
Habang naglalakad patungo sa parke ng aming bayan ay nakaramdam ako ng mga matang nakamasid sa akin. Sinubukan kong hanapin kung nasaan iyon ngunit hindi ko ito makita. Isinuot ko ang hood ng jacket ko at inilagay sa magkabilang-bulsa ang mga kamay ko. Binilisan ko ang paglalakad upang makarating agad sa pupuntahan.
Nang marinig ang mabibigat na yabag na tila may humahabol sa akin ay agad akong tumakbo papalayo. Sinubukan kong tingnan kung sino ang humahabol sa akin at nanlaki ang mga mata ko nang makitang may tatlong nakaitim at armadong lalaki na sumusunod sa akin.
Mas binilisan ko pa ang pagtakbo at nang makaliko sa kanto ay agad akong nagtago sa may gilid. Habol-habol ko pa ang aking paghinga kaya tinakpan ko ang aking bibig upang hindi makagawa ng kahit anong ingay.
Lumagpas ang tatlong lalaki sa lugar kung saan ako nagtatago kaya napahinga ako nang maluwag. Pinalis ko ang mga butil ng pawis sa aking noo bago huminga nang malalim. Purong katahimikan ang namutawi sa paligid kaya naman sinubukan kong sumilip kung wala na ba ang mga humahabol sa akin.
"Huli ka!" Napatalon ako sa gulat nang may humablot sa magkabila kong braso.
Sinubukan kong magpumiglas at gamitin ang binti ko upang saktan sila ngunit sobrang higpit ng hawak nila sa akin. "B-Bitiwan niyo ako!"
Lumapit sa akin ang isa pang lalaki at tinakpan ang bibig ko gamit ang isang basang panyo. Sinubukan ko pa lalong magpumiglas ngunit unti-unti nang nanlalabo ang aking paningin dahil sa matapang na kemikal na nakalagay sa panyong itinakip nila sa aking bibig.
"P-Pakawalan... niyo a-ako..." Halos hindi ko na makilala ang sariling boses. Unti-unti na ring nagdidilim ang aking paningin at nawawalan na ako ng pakiramdam sa paligid.
Sinubukan kong imulat ang aking mga mata ngunit ramdam kong sobrang bigat na talaga ng talukap nito. Ang huling naaalala ko lang ay ang pagbuhat nila sa akin papasok sa isang kulay puting van and then everything went black.
"Boss, kasama na namin siya." Nanatili akong nakapikit ngunit pinakiramdaman ko ang paligid. Sinubukan kong igalaw nang bahagya ang aking mga kamay ngunit ramdam kong nakatali ito sa likod ng upuan gamit ang lubid pati na rin ang aking paa.
"Pahirapan niyo ang babaeng 'yan! Siya ang dahilan kung bakit nandito ako ngayon sa kulungan!" rinig kong sabi ng kausap ng lalaki sa telepono.
Teka... siya ba 'yong holdaper na nakaaway ko noong isang araw? Ibig sabihin ba nito ay naghihiganti siya sa akin gamit ang mga tauhan niya?
"Opo, boss! Kami na po ang bahala! Saan namin siya ididispatsa pagkatapos?" Napalunok ako dahil sa narinig. Saan... ididispatsa?
"Itapon niyo na lang 'yan sa may bangin gamit ang sasakyan at pasabugin para wala nang ebidensya!"
Iminulat ko ang aking mga mata at tinitigan nang masama ang kausap ng holdaper. Bahagya siyang napaatras sa gulat nang makitang gising na ako.
"O-Opo, boss! Gising na siya, boss! Babalitaan na lang kita mamaya 'pag naidispatsa na namin siya!" pinal na sabi niya bago pinutol ang linya.
Mabilis siyang naglakad papalapit sa akin at hinigit ang buhok ko patalikod. "Anong tinitingin-tingin mo d'yan?!" sigaw niya sa mukha ko.
Gustong-gusto kong sumigaw ngunit may nakalagay na tape sa aking bibig kaya wala akong ibang magawa kun'di magpumiglas. Nagtawanan silang lahat habang nakapanood sa akin.
Sinamaan ko silang lahat ng tingin kaya mas lalo silang nagtawanan. Kapag talaga nakawala ako rito, tatanggalin ko lahat ng mga ngipin niyo para hindi na kayo makatawa!
Pinasadahan ko ng tingin ang paligid at napansing nasa loob kami ng isang warehouse. Sinubukan kong maghanap ng p'wedeng daanan para makatakas ngunit tanging main door lang ang makikita dito. Maliit lang ang warehouse at punong-puno pa ito ng malalaking drum na hindi ko alam kung anong laman.
"Iyan ang napapala ng mga pakielamera!" panunuya sa akin ng isa pang lalaki bago sinampal ako nang malakas kaya napabagsak ang upuan ko sa sahig. Dinakot niya ang mukha ko at tinanggal ang tape sa aking bibig. Mariin niyang hinawakan ang baba ko at pilit akong inangat sa sahig.
Ininda ko ang lahat ng sakit na nadarama at ngumisi sa kanya. "Hindi niyo ako kayang tapatan nang harapan, kaya patalikod niyo na lang akong titirahin? Nakakasuka kayo..." pang-uuyam ko sa kanila.
Nanlisik ang mga mata niya dahil sa sinabi ko kaya tinadyakan niya ang sikmura ko nang sunud-sunod. Tumulong din ang kanyang mga kasamahan sa pambubugbog sa akin hanggang sa sumuka ako ng dugo.
Nang tumigil sila sa pagtadyak sa akin ay iminulat ko ang mga mata ko. Nagulat ako nang biglang lumapit ang isang lalaki sa akin at hinigit ang buhok ko. "Ang tapang mo talaga, ano? Akala mo makakatakas ka pa dito? Hindi! Hindi ka na namin pakakawalan nang buhay!"
"Puro salita lang naman 'yan! Paniguradong na-tsambahan lang niya ang boss natin!" ani ng isang lalaki na sinang-ayunan naman ng iba pa niyang kasamahan.
Humalakhak ako dahil sa sinabi niya. "Iyon na 'yong boss niyo? Ha! Kaya pala ang lalambot ninyo—" Napahiyaw ako sa sakit nang bigla akong ibalibag ng lalaking nakahawak sa buhok ko.
Itinutok ng isang lalaki sa sentido ko ang hawak niyang baril at idiniin nang paulit-ulit. "Ano? Sasagot ka pa?! Baka gusto mong pasabugin ko na ngayon ang ulo mo!" nanggigigil na sabi niya sa akin.
Iniwas ko ang aking tingin at dumapo ito sa lalaking nagsisindi ng kanyang sigarilyo. Pinanood ko ang dahan-dahang pagdausdos ng palito ng posporo hanggang sa paglitaw ng maliit na apoy mula rito. Sa isang iglap ay biglang lumaki ang apoy na tinititigan ko. Agad itong nabitiwan ng lalaki dahil sa gulat ngunit kumalat na ang apoy sa kanyang damit.
"Huwag! Puno ng gas ang mga 'yan!" malakas na sigaw ng lalaking nakatutok ang baril sa akin upang pigilan ang paghagis ng lalaki sa kanyang damit ngunit huli na ang lahat dahil naibato niya na ang damit sa kumpol ng drum.
Sinundan ko ng tingin ang naglalagablab na damit ng lalaki na bumagsak sa ibabaw ng isang drum. Tila biglang bumagal ang takbo ng oras at sa isang kurap lang ng aking mata ay biglang tinupok ng malaking apoy ang paligid kasunod ng sunud-sunod na pagsabog ng mga drum na naglalaman pala ng gas.
Dumapo ang tingin ko sa pintong nakasarado. Ibinaba ko ang tingin sa kandado nito na unti-unting nagsasara habang pinapanood ko. Nagtatakbuhan na papunta roon ang mga kasamahan nila ngunit pagkarating nila roon ay hindi nila ito mabuksan. Sinubukan nilang sirain ito ngunit tila matibay ang pagkakakandado nito. Biglang bumagsak ang bahagi ng kahoy na kisame sa ibabaw nila at ang huling narinig ko mula sa kanila ay ang paghingi nila ng saklolo.
Halos lahat ng lalaking kumidnap sa akin ay nakahiga na sa sahig at ang iba ay tinupok na ng apoy. Dahan-dahan kong kinalas ang mga lubid na nakatali sa akin at kalmadong tumayo. Hindi ko na maramdaman ang sariling katawan ngunit malinaw pa rin ang aking paningin at pag-iisip. Kaswal akong naglakad palabas ng nasusunog na warehouse.
Lumingon ako sa paligid at nakitang nakatayo pala ang warehouse sa gitna ng siyudad. Unti-unti nang kumakalat ang apoy sa mga kalapit na establisimyento. Inangat ko ang hood ng aking jacket upang matakluban ang aking mukha. Naramdaman ko ang muling pagbabalik ng sensasyon sa aking katawan at bigla akong napatigil sa paglalakad dahil sa labis na sakit ng katawan.
"Amaia!" Kahit nanlalabo na ang paningin ay sinubukan kong hanapin ang may-ari ng pamilyar na boses na iyon. Tumakbo siya agad papalapit sa akin at sinalo ang aking pabagsak na katawan.
"S-Sino... ka?" namamaos kong tanong sa kanya.
Kahit nanlalabo na ang aking paningin ay nakita kong bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ako. Biglang pumasok sa aking isip ang imahe niya sa gitna ng isang field kasama ang babaeng may hawak ng espadang lumiliyab. Napahawak ako sa kumikirot kong sentido at napahiyaw sa sakit. Huling alaalang natatandaan ko ay ang pag-angat ng mga paa ko sa sahig at ang pagbalot sa akin ng init ng kanyang mga bisig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top