Kapitulo XIII - Remember

Pagkapasok ko sa aking paaralan ay dumiretso muna ako sa may field. Nagulat ako nang makitang walang mga nagt-training ngayon at tanging dalawang tao lamang ang naroon sa gitnang bahagi ng field.

Wala sa sariling naglakad ako papalapit sa kanila. Nang makalapit ay napakunot ang noo ko nang mapansin ang isang espada sa tagiliran ng lalaki at may hawak ding espada ang babae. Sinubukan ko pang lumapit at pinagmasdang mabuti ang mukha ng babae. Napaawang ang bibig ko nang makita ang sarili.

"Shall we start our training, then?" tanong ng babae sa kanya ngunit napakunot ang noo ko nang bigla siyang umiling.

"Kapag sinabi kong sa'yo na 'yan, angkinin mo..." wika ng lalaki.

"Paano?"

Pinanood ko ang paglapit ng lalaki sa babae at pagpunta niya sa kanyang likuran. Natigilan ako nang maramdaman ang milyon-milyong boltahe na umaakyat sa aking katawan nang ipinulupot ng lalaki ang kanyang bisig sa babaeng kamukha ko. Napahawak ako sa aking dibdib nang maramdaman ang pagkabog nito habang pinapanood ang dalawa. Bakit ganito ang nararamdaman ko?

"Watch your blade closely..." mahinang aniya sa babae. "Let your energy flow from your body into your sword."

Wala sa sariling ipinikit ko ang aking mga mata at huminga nang malalim. Pagkamulat ko ay nagulat ako nang biglang lumiyab ang espadang hawak nilang dalawa.


Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga nang biglang tumunog ang alarm clock sa ibabaw ng aking bedside table. Pinasadahan ko ng mga daliri ang aking buhok at bahagyang sinabunutan ang sarili. What was that dream?

Sinubukan kong alalahanin ang mukha ng lalaki sa panaginip ko ngunit kahit anong pilit ko ay hindi ko na talaga maalala. Ang tanging naaalala ko lang ay ang malamig na tinig niya at bukod doon ay wala na.

Sino ang lalaking iyon? At sino naman ang babaeng iyon? Ako ba talaga iyon o kamukha ko lang talaga? Totoo bang nangyari iyon o bunga lang iyon ng imahinasyon ko? Is it a fragment of my past... o masyado lang akong nadadala ng emosyon dahil sa mga nangyayari sa akin? Damn!

Habang nagluluto ng aking almusal ay natutulala ako sa may apoy ng kalan. Hindi mawala sa isip ko ang pagliyab ng espadang hawak ng babae mula sa panaginip ko. Paano niya nagawa iyon?

"Damn it, Janica! Ano bang iniisip mo? Kailan ka pa nahilig sa fantasy?" iritadong tanong ko sa sarili.

Huminga ako nang malalim at ipinagpatuloy na lang ang pagluluto. Bago ko patayin ang kalan ay muli akong napatitig sa apoy. Napaatras agad ako nang bigla itong lumaki at tumindi ang pagliliyab. Awtomatiko akong pumunta sa may lababo at kumuha ng tubig. Ibinuhos ko ito agad upang hindi na lumaki pa ang apoy.

Napakapit ako sa may lamesa sa aking likuran at napahawak sa aking dibdib. Ramdam ko pa rin ang mabilis na tibok ng puso ko dahil sa gulat. Ano bang nangyayari sa akin?

Napahilamos ako ng kamay sa aking mukha. "Pagod ka lang sa kakatrabaho at pag-aaral, Janica. Itigil mo na 'yang kahibangan mo..." mahinahong paalala ko sa sarili.


Pagkarating sa school ay dumiretso agad ako sa field katulad ng nakagawian. Nakahinga ako nang maluwag nang makita ang mga nag-eensayo sa field. Tumingala muna ako sa langit at iniharang ang aking kamay sa nakakasilaw na sikat ng Haring Araw. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang maligamgam na hangin.

"Janica..." Agad akong napamulat dahil sa tumawag sa akin at napataas ang isang kilay nang makita ang babaeng nangungulit sa akin.

"Ano na naman ba?"

"I'm sorry about what happened yesterday... Gusto lang talaga kitang makausap—"

"Ayaw kitang makausap kaya tigilan mo na ako. Ano bang mahirap intindihin do'n?" mariing sabi ko.

Bumuntong-hininga muna siya bago muling nagsalita. "Alam kong ayaw mo pero may gusto lang akong malaman."

Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Nanatiling nakatikom ang aking bibig habang seryosong nakatingin sa kanya.

Sumeryoso rin ang kanyang mukha habang nakatingin sa akin. "Gusto ko lang malaman kung naguguluhan ka na rin ba sa pagkatao mo at sa mundong ginagalawan natin..."

Nagulat ako sa kanyang sinabi ngunit pinanatili kong blangko at kalmado ang ekspresyon ng aking mukha. Paano niya naisip na naguguluhan ako sa pagkatao ko?

"Tama ba ako, Janica Guevarra?" seryosong tanong niya na siyang nagpatayo sa mga balahibo ko.

"I don't know what you're talking about and I believe it's none of your business, right?" pinal na sabi ko bago siya tinalikuran at nagsimula nang maglakad papunta sa building.

"Alam kong alam mo ang tinutukoy ko, Janica. Parehas lang tayo..." aniya na siyang nagpatigil sa akin sa paglalakad. Nanatili akong nakatalikod sa kanya upang hindi niya makita ang kaba sa ekspresyon ng aking mukha. "Bakit hindi tayo magtulungan para mahanap natin ang mga sagot sa lahat ng katanungang bumabagabag sa atin?"

Huminga muna ako nang malalim bago muling humarap sa kanya. "Hindi kita kilala at hindi ko kailangan ang tulong mo," mariing sabi ko bago umismid.

Nagulat ako nang umismid din siya. "Oo, maaaring hindi nga tayo magkakilala pero ramdam kong may kinalaman ka sa pagkatao ko, Janica. Nararamdaman mo rin iyon, hindi ba?"

Sumeryoso ang aking mukha dahil sa sinabi niya. "The only thing I know is that I never liked you from the beginning. Kung naghahanap man ako ng sagot sa mga katanungan ko ay wala ka nang pakielam do'n."

"Sa tingin ko dati tayong magkaibigan, Janica. Nararamdaman ko..." nakangiting sabi niya sa akin. "We can be a great team, right? We can help each other remember everything."

Ngumiti ako nang sarkastiko sa kanya. "Nababaliw ka na," sabi ko bago siya tinalikuran at iniwang mag-isa sa may field.


Buong umaga ay hindi ako nakapag-concentrate sa klase dahil paulit-ulit na nagrereplay sa aking isip ang mga sinabi ng babaeng iyon. Hindi ko maiwasang maghinala sa kanya dahil para bang ang dami niyang nalalaman sa akin. Hindi ko alam kung sino siya pero sigurado akong ayaw ko talaga sa kanya.

Pagkatapos ng aking klase ay dumiretso na agad ako sa may coffee shop kung saan ako nagt-trabaho. Pagkakita sa akin ng kapalitan ko sa pagbabantay ng shop ay awtomatiko siyang napangiti at nagningning ang mga mata. Nagpalit muna ako ng uniporme bago nagsimulang magtrabaho.

"Good afternoon, Ma'am! May I take your order?" nakangiting bati ko sa regular na customer na lagi kong naaabutan sa tuwing dumadating ako sa coffee shop na ito.

Ngumiti siya nang matamis sa akin. "Same order, Max."

Awtomatikong napakunot ang noo ko sa sinabi niya. "I'm Janica po, hindi po Max, Ma'am," paglilinaw ko sa aking pangalan.

Napataas ang dalawang kilay niya dahil sa sinabi ko bago humingi ng paumanhin dahil sa pagkakamali. Naupo muna siya sa isang bakanteng table kung saan siya palagi napwesto habang hinihintay ang kanyang order.

Habang inaasikaso ang kanyang order ay ramdam ko na naman ang mapanuri niyang mga mata habang pinapanood ang bawat kilos ko. Ipinagkibit-balikat ko na lamang ulit ito katulad ng nakagawian dahil sanay na ako sa panonood niya sa akin.

"One Iced Blonde Americano for Ms. Elise Athena!" Dahan-dahan siyang tumayo at lumapit sa counter. Inabot ko sa kanya ang kanyang kape na agad niya rin namang tinanggap. Nang magtama ang aming mga daliri ay bumaba ang tingin niya roon kaya mabilis ko itong inalis.

Ibinalik niya ang kanyang tingin sa akin bago ngumiti. "Excited na akong dumating ang araw na maalala mo na ako, Amaia. Continue living well..." aniya bago umalis at lumabas ng coffee shop.

Nanatiling nakaawang ang aking bibig habang pinapanood siyang maglakad papalayo. Ako ba ang kinakausap niya? Sino si Amaia? At bakit niya rin ako tinawag na Max kanina? Sino ka ba talaga sa buhay ko, Elise Athena?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top