Kapitulo I - Camp Sunne
"Amaia, kumusta kayo ng lola mo?" Napangiti ako dahil sa tanong ni Princess Aliscel, asawa ni Prince Neraios na siyang namumuno sa aming rehiyon.
"Ayos lang po kami, Tita Alice. Kayo po ba? Ayos na po ba ang kalagayan ng prinsipe?" magalang na tanong ko sa kanya.
Sa limang namumunong anak ni Haring Sherbet sa bawat rehiyon, napakapalad namin dahil napunta sa amin ang pinakamabait na mag-asawang nakilala ko. Sa unang tingin ay hindi mo sila mapagkakamalang kabilang sa kaharian dahil sa simple at payak nilang pamumuhay at higit sa lahat, ang hindi matatawarang pakikisama nila sa aming mga taong nakatira sa kanilang nasasakupan. Nais nilang dalawa na ituring sila bilang kapamilya dahil ayaw nilang magkaroon ng pagitan sa amin dahil lang sa titulo nila sa kaharian.
Napabuntong-hininga siya habang sinusundan ng tingin ang mga dumaraang mangingisdang dala-dala ang kani-kanilang mga naglalakihang lambat. Nakatira ang mag-asawa sa tabi ng dagat ng Camp Sunne kaya siguro ay sanay na sanay na sila sa ganitong eksena araw-araw.
"May dala po akong mga gamot para kay Prinsipe Neraios... Nagpatulong po ako sa paggawa ng mga ito sa aking propesor sa Chemistry class kaya masisiguro ko pong epektibo po lahat ito at ligtas," nahihiyang sabi ko habang inaabot sa kanya ang aking dala.
Unti-unting sumilay sa kanyang mapupulang labi ang maganda at matamis niyang ngiti. "Maraming salamat, hija... Ibibigay ko ito agad sa kanya upang mas bumuti na ang kanyang pakiramdam. Sasabihin ko rin na galing ito sa'yo," mahinhin niyang sabi.
Napangiti rin ako at patagong namangha sa angkin niyang ganda sa kabila ng kanyang edad. Siya talaga ang iniidolo ng mga kababaihan, kahit pati kaming mga kabataan.
Nang makauwi sa aming payak na tahanan ay dumiretso ako sa aking silid at humarap sa salamin. Sinikop ko ang aking buhok na nakapatong sa aking kaliwang balikat upang ilipat sa kabila. Inilapit ko ang aking mukha sa salamin at tinitigan ang bawat bahagi ng aking mukha.
"Hays, ang ganda talaga ni Prinsesa Aliscel... Gusto ko rin maging katulad niya!"
"Kasing-ganda mo na nga ang prinsesa, apo... ano pa ba ang hinahanap mo?" Napadpad ang tingin ko sa aking lola na pinagmamasdan pala ako habang nakatayo sa may pintuan. Lumapit siya sa akin at hinagkan ang aking pisngi. "Ikaw ang pinakamaganda sa mga mata ko."
"Si Inang talaga ang bolera!" natatawang sabi ko.
Napahagikgik siya dahil sa sinabi ko. "Oh s'ya, male-late ka na sa school! Sabay na tayong pumunta roon. Naigayak mo na ba ang mga kailangan mong dalhin?"
Mayabang akong tumango sa kanya. "Noong isang araw pa, 'Nang! Pagkauwi natin dito kahapon ay iginayak ko na lahat pati 'yong mga damit na kailangan ko."
Marahan niyang tinapik ang ibabaw ng aking ulo habang nakangiti. Nang masigurado naming nakakandado na ang buong bahay ay umalis na kami ni Inang patungo sa Sanctum Academy. Dito sa may bandang palengke na matatagpuan malapit sa dagat nakatayo ang aming bahay. Tuwing katapusan lamang ng linggo kami umuuwi rito at dahil doon kami nananatili sa dormitoryo ng Sanctum Academy tuwing ako ay may pasok.
Inalalayan ko sa pagbaba ang aking lola pati na rin sa paglalakad papasok sa aking paaralan. Napangiti ako nang matamis habang tinitingala ang kulay gintong mga letrang nakaukit sa may arko. Bahagya pa akong nasilaw nang tamaan ito ng sikat ng araw.
Sanctum Academy
"Hogar de los Protectores... Home of the Protectors," pabulong na basa ko sa mga maliliit na letrang nakaukit sa ibaba ng pangalan ng aming paaralan.
Pagkapasok pa lang namin ni Inang sa loob ay sinalubong na agad kami ng aking kaibigan na si Louisse, kaklase ko sa Class A nang mahigit dalawang taon na. "Amaia! Bakit ang tagal niyo? Kanina ko pa kayo inaabangan ni Inang!" kunwaring nagtatampong sabi niya.
Napairap ako sa sinabi niya ngunit pagkalaon ay napangiti rin. "Kunwari ka pa! Alam kong kakarating mo lang dito!" natatawang sabi ko.
Napataas ang isa niyang kilay dahil sa sinabi ko. "Paano mo nasabi?" paghahamon niya sa akin.
Inangat ko ang kanang kamay ko at bahagyang inangat ang ilang bahagi ng lupa kaya naman napasunod ang tingin niya roon at napanguso. "Sabi ng lupa sa akin," mayabang na sabi ko bago umismid.
Siya naman ngayon ang napairap dahil sa sinabi ko. "Yeah, yeah... whatever floats your boat, Amaia Maxine." Napahalakhak ako sa pagsuko niya at hindi ko na napigilan ang pagpisil sa kanyang pisngi dahil sa panggigigil.
"Sana all may elements kinesis!" pahabol niyang sigaw bago tumakbo palayo sa akin at nauna na sa pagpasok sa Great Hall.
Hinawakan ko ang kamay ng aking lola bago pilyong ngumiti. "Inang, mauna ka na po sa dorm. Magk-kwentuhan po muna kami ng mga kaibigan ko," pagpapaalam ko sa kanya bago mabilis na pumihit paalis kahit hindi pa siya pumapayag sa akin.
"Ang bagal mo namang tumakbo, Amaia!" pang-aasar sa akin ni Louisse nang maabutan ko siyang papasok sa Great Hall.
"Mas mabagal ka kasi naabutan kita agad," natatawang pang-aasar ko sa kanya.
Nang makarating kami sa Battle field ay bumungad sa amin ang iba't ibang duwelo ng mga estudyante mula sa iba't ibang klase. Hinanap agad namin ang aming mga kaklase na siyang mabilis lamang naming natagpuan dahil nakita namin silang nakikipaglaban sa mga taga-Class B.
Naagaw ng isang lalaking nakatalikod sa akin mula sa 'di kalayuan ang aking atensyon. Napangisi ako nang nakakaloko dahil sa naiisip kong gawin. Inangat ko ang aking kamay at kumuha ng tubig mula sa water fountain malapit sa bleachers. Mabilis kong isinaboy papunta sa kanya ngunit agad siyang gumamit ng hangin habang nakatalikod sa akin at isinaboy pabalik sa akin nang siya'y humarap na muntik na akong tamaan kung hindi lang ako mabilis mag-react. "Anak ng—"
"Hanggang ngayon ba naman hindi mo pa rin ako kayang i-surprise attack?" mayabang na tanong niya sa akin.
Humalukipkip ako at pinagtaasan siya ng isang kilay. "Bakit? Akala mo ba kaya mo na akong i-surprise attack—" Napatili ako nang biglang umangat ang lupang aking kinatatayuan pataas sa ere. Habang tumatagal ay lalong tumataas ang aking kinatatayuan kaya naman hindi na ako tumitingin pa sa ibaba dahil alam kong matatakot lang ako. "Chrysanthe Austria, ibaba mo ako! Isa!" malakas na sigaw ko habang nangangatog ang aking tuhod.
"Ha? Anong sinabi mo?" pang-aasar niya at nailalarawan ko na sa aking isip ang kanyang mukha habang nakangiting-aso. "Hindi kita marinig!"
Nang imulat ko ang aking mata upang tanawin ang ibaba ay bigla ring bumagsak nang mabilis ang lupang kinatatayuan ko at tila bumagal ang oras at paligid nang maramdaman ko ang mabilis na pagsunod ng katawan ko pababa.
Tanging pagtili na lamang ang aking nagawa habang inaabangan ang pagtama ko sa lupa ngunit napamulat ako nang may maramdamang malamig na hanging sumalo sa akin. Dahan-dahan akong ibinababa nito papalapit sa lalaking nakatingin nang diretso sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako papalapit sa kanya. Halos magkadikit na ang aming mukha dahil sa malakas ngunit maingat na paghila niya sa akin kaya napasinghap ako.
"Hindi pala kayang i-surprise, huh?" Sumilay ang isang nakakalokong ngiti sa kanyang labi at sa isang pitik lamang ng kanyang daliri ay bigla akong bumagsak sa lupa kaya napahawak ako sa kumikirot kong puwetan. Tinitigan ko siya nang masama ngunit isang pilyong ngiti lamang ang ganti niya sa akin.
"Makakabawi rin ako sa'yo balang araw, Santhe! Ako ang magiging top sa klase natin ngayong taon!" iritadong sigaw ko sa kanya habang tumatayo at pinapagpagan ang sarili.
"Goodluck, then! I'm rooting for you..." patamad niyang sabi bago nakapamulsang naglakad paalis ng Battle field.
Nakakainis! Bakit ba kasi Elements kinesis lang ang kaya ko? Hindi ko kayang umatake kapag walang elemento ng lupa, tubig, hangin, o apoy sa paligid ko! Ang yabang talaga ni Santhe porke't Elements conjuring ang ability niya! Ah, basta! Mas malakas naman ang second ability ko kumpara sa second ability niya!
"Oh, bakit mukha ka riyang pusang nagngingitngit sa amo niyang hindi siya pinakain?" nagtatakang tanong sa akin ni Louisse.
Tinitigan ko nang masama ang aking kaibigan bago napanguso. "Ang yabang kasi ng Austria na 'yon! Bakla naman!" iritadong sambit ko.
Nagsitayuan naman ang mga balahibo ko dahil sa hanging dumaan sa aking tainga. "Sinong bakla?" Umalingawngaw sa aking tainga ang malamig na tinig na iyon kaya halos mapamura ako sa gulat.
"Tigilan mo na ako, Chrysanthe! Humanda ka sa akin mamaya sa Ability class! Lintik lang ang walang ganti!" sigaw ko kahit hindi ako sigurado kung maririnig niya ba o hindi.
Humagalpak lamang sa tawa ang aking kaibigan habang pinapakalma ako. Inaya na lamang niya akong manood sa mga duwelo ng ilang magagaling na estudyante ng Class A at Class B.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top