Kabanata 9

[Chapter 9]

NARAMDAMAN ko ang malamig na pagyakap ng simoy ng hangin sa gitna ng madilim na gabi at walang katao-tao na kalsada. Naintindihan ko na ang gusto niyang iparating. Sa unang pagkakataon, gusto niyang maranasan magkaroon ng kaibigan.

Nakatitig pa rin ako sa kaniyang mga mata, ibig kong hanapin ang Sebastian na binuo ko upang hadlangan ang mga hangarin ng rebeldeng grupo at maging ang pagmamahalan ng dalawang bida sa kwento ito. "B-bakit?" iyon ang salitang unang lumabas sa aking bibig. Hindi ko alam kung bakit siya ganito.

Nagtaka siya sa sagot ko, "Bakit ibig mo akong pagkatiwalaan?" mas lalo akong nakokonsensiya. Kung alam niya lang na ako ang dahilan kung bakit malungkot siya at nag-iisa.

"Dahil hinihiling ko rin na ako'y pagkatiwalaan mo. Aking nababatid na ikaw ay nahihirapan. Kasapi ka sa mga tulisan ngunit kailangan mo silang talikuran upang iligtas ang may ari ng Panciteriang ito" tugon niya saka napayuko at napatitig sa kaniyang sapatos.

Hindi ako nakapagsalita, hindi ko akalain na iniisip niya rin pala ang sitwasyon ko ngayon. Napahinga siya ng malalim saka tumingala sa karatula ng tindahan kung saan nakasulat ang Panciteria ala Pacita.

"Marahil ay iniisip mo ngayon na isa akong masamang tao sapagkat tinatakot kita ngunit sa halos isang dekadang lumipas. Hindi magawang matunton ng pamahalaan ang kinaroroonan ng pamilya ni Don Imo at ng kaniyang mga taga-sunod. Tila pinoprotektahan sila ng kalangitan at umaayon sa kanila ang tadhana" patuloy niya saka tumingala sa langit. Kumikinang ang mga bituin na nagbibigay ng kapayapaan sa tahimik na gabi.

"Bilang isang miyembro ng mga tulisan, nababatid ko na hindi ganoon kadali na talikuran mo sila. Kalayaan ang inyong layunin hindi ba?" saad niya saka lumingon sa akin, ang kaniyang mga tingin parang may ibig iparating. Napahinga na lang ako ng malalim saka naupo tatlong baytang papunta sa tapat ng pintuan ng Panciteria.

Umupo rin siya sa tabi ko ngunit kalahating dipa ang layo namin sa isa't isa. "Kapayapaan naman ang aking hangad. Kapayapaan at kaunlaran ang ibig ng pamahalaan" napalingon ako sa kaniya, nakatingin pa rin siya ngayon sa mga bituin. Siya pa rin si Sebastian Guerrero, ang character na binuo ko upang ipagtanggol ang pamahalaan sa kwentong ito.

"Paano kung bigla akong mawala balang araw? Paano kung hindi ko magawa ang ibig mong mangyari? Paano na sina Aling Pacing at Mang Pedro?"

Tumingin siya sa akin. "Hahanapin kita kahit anong mangyari" tugon niya, tila biglang tumigil ang pintig ng puso ko nang sabihin niya iyon. "At paparusahan" dagdag niya, ngunit sa pagkakataong iyon ay nasilayan ko ang kaniyang ngiti at mahinang pagtawa kahit sandali.

Hindi ko alam pero natawa na lang din ako, marunong din pala magbiro itong si Sebastian. "Hanggang sa huli, bukambibig mo pa rin ang magparusa" bawi ko at pareho kaming natawa. Hindi ko alam kung anong nakakatawa pero natutuwa lang ako dahil nagagawa nang magbiro ni Sebastian. At sa kabila ng lahat ng iyon, nararamdaman kong unti-unti na niyang binubuksan ang pinto niya para sa ibang tao.

"TANYA, halika na't mag-agahan" tawag ni Aling Pacing nang kumatok ito sa pinto. "Opo, susunod na po ako" tugon ko habang nakatitig pa rin sa sketch ni Sebastian na ginawa ko noon. Nakaupo ako ngayon sa study table ni Amalia at pilit kong iniisip ang mga pangyayari lalo na ang pag-uusap namin ni Sebastian kagabi.

Inilapag ko sa mesa ang sketch saka kumuha ng panibagong papel, isinawsaw ko sa tinta ang pluma saka isinulat sa papel ang mga tauhan sa nobela ko at ang main roles nila. Nang matapos ko iyon ay muli kong pinagtugma-tugma ang bawat tauhan.

Kung tutulungan ko si Sebastian masugpo ang mga rebelde, masisira ang takbo ng kwento ko. Hindi pwedeng mapuksa ang mga rebelde at maghari ang pamahalaan. Mawawalan ng saysay ang pinaglalaban nila Lorenzo at hindi rin maganda sa kwento na naghari ang kasamaan.

Ang aral sa kwentong ito ay sumasalamin sa mga ninuno natin na buong tapang lumaban upang makamit ang Kalayaan. At kung tutulungan ko si Sebastian, ako rin mismo ang sisira sa kwentong isinulat ko.

Napasabunot na lang ako sa aking sarili, ano kaya kung tumakas na lang ako? Habang nandito ako sa loob ng kwento, kailangan magtago-tago ako at magpakalayo-layo! Pero paano sina Aling Pacing at Mang Pedro? Siguradong mapapahamak sila dahil sa akin, hindi sila mamamatay sa kwentong ito pero posibleng may mangyaring masama sa kanila kapag tumakas ako.

Bumaba na ako para makisalo sa almusal, naroon na sina Aling Pacing, Mang Pedro, Lolita, ang kusinera na si Lucia na siyang ina ni Lolita at Mang Hener na taga-katay ng mga manok, baboy at baka. Magana silang kumakain habang nag-uusap-usap tungkol sa nalalapit na kasiyahan na gaganapin sa tahanan nila Sebastian.

"Ano kaya ang mangyayari sa pagdiriwang? Hindi naman kaarawan ni Don Antonio o Heneral Sebastian" saad ni Aling Lucia sabay inom ng kape. Nasa kusina kami kumakain katabi ng mga malalaking palayok at mga sangkap na nakahanda na rin doon. "Siyang tunay, wala rin namang okasyon ngayon at hindi rin pista ng Santo" dagdag ni Mang Hener sabay kagat ng mariin sa pinakuluang hita ng manok.

"Marahil ay ibig lang nilang makipagsabayan sa yaman ni Don Florencio" tawa ni Mang Pedro, nagawa niyang pagkasiyahin sa kaniyang bibig ang dalawang piraso ng pandesal. Napatitig na lang ako sa tasa na nasa harapan ko, lahat silang naririto ay miyembro rin ng rebeldeng grupo. Wala silang ideya na alam ko iyon kung kaya't nararamdaman ko na iniiwasan nilang pag-usapan ang sunod na mangyayari sa samahan.

Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit nandito ako ngayon sa loob ng Salamisim. Kailangan ko bang masiguro na magtatagumpay ang rebeldeng grupo at makakamit nila ang Kalayaan sa wakas ng kwento? Kung gayon, bakit? Lumalakas ba ang pwersa ng pamahalaan lalo na ni Sebastian? Naguguluhan na talaga ako.

"Tanya, umupo ka na rito" natauhan ako nang tawagin ako ni Aling Pacing, nakatingin na silang lahat ngayon sa akin. Kinuha ko na ang tasa na wala pang laman saka naglakad papalapit sa kanila at sumabay sa kanilang agahan.

"Ikaw hija, ano sa iyong palagay, bakit magdadaos ng pagdiriwang ang pamilya Guerrero sa kanilang tahanan?" tanong ni Aling Pacing, patuloy lang sila sa pagkain habang nakatingin sa akin ngayon. Gusto ko sana sabihin na i-aanunsyo na nina Don Antonio at Don Florencio ang pag-iisang dibdib ng kanilang mga anak na sina Sebastian at Maria Florencita.

Sasabihin ko na sana ngunit napagtanto ko na hindi ko pala dapat ipagkalat, surpresa iyon at baka makarating kay Lorenzo, baka malihis ang atensyon niya. Gagamitin pa naman niyang pagkakataon ang pagdiriwang para makapasok sa bahay ng pamilya Gurerrero at magnakaw ng papeles doon.

"Baka gusto lang din po nila ipamalas ang kayamanan nila at makipagtapatan kay Don Florencio" tugon ko sabay ngiti, tumango-tango na lang sila pero mukhang hindi kumbinsido. Iniisip siguro nila ngayon na wala akong kwenta kausap dahil walang kabuhulan ang mga pinagsasabi ko.

TAIMTIM akong nagdadasal sa simbahan kasama si Lolita. Araw ng miyerkules, bukas ang simbahan para sa mga ibig magdasal. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa buhay ko pero hinihiling ko sa Panginoon na hindi pa sana ako nasisiraan ng bait.

Nakatitig ako sa altar at umupo. Hindi pa rin tapos magdasal si Lolita. Isa-isa kong tiningnan ang mga tao sa paligid na taimtim ding nagdadasal. Kung alam lang nila na mga characters lang sila sa kwento, hihilingin kaya nilang maging totoong tao sila?

Ilang sandali pa, natanaw kong naglalakad sa gilid si Padre Emmanuel bitbit ang isang bibliya. Tiningnan ko si Lolita na tahimik at pikit-matang nakaluhod sa altar. Dahan-dahan akong tumayo at sumunod kay Padre Emmanuel. Matanda na siya at mabagal na maglakad pero buhay na buhay pa rin ang kaniyang diwa.

Pumasok siya sa isang silid, dahan-dahan akong lumapit sa pinto at idinkit ko ang aking tenga upang marinig kung anong meron sa loob. Nagulat ako nang bigla itong bumukas kaya agad akong napatayo ng maayos. Nagtatakang nakatingin sa'kin si Padre Emmanuel, kulubot na ang kaniyang balat at puti na ang kaniyang buhok at balbas.

Sandali niya akong pinagmasdan, animo'y parang kinikilala niya ang aking katauhan. Hindi nagtagal, nagsalita na siya, "Ano iyon hija?" napalunok ako sa kaba, hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan pero umaasa ako na kahit papaano makilala niya ako o maisip niya na hindi ako taga-rito sa mundong ito.

"Ah, w-wala po. Hindi ko lang mahanap ang daan pabalik" tugon ko saka nagsimula nang humakbang paatras. "P-pasensiya na po sa abala" nagbigay-galang ako saka tumalikod ngunit napatigil ako nang magpatuloy siya sa pagsasalita.

"Ikaw ba ay nakatitiyak na mahahanap mo ang daan pabalik?" gulat akong napalingon sa kaniya. Tama ba ang narinig ko? May gusto ba siyang iparating sa akin mula sa mga salitang iyon? "Hindi mo mahahanap ang daan pabalik kung hindi mo aalamin ang dahilan kung bakit ka naririto" akmang isasara na niya ang pinto pero agad akong tumakbo papalapit.

"Sandali po. Padre Emmanuel" tawag ko, iniwan niyang bukas ng kalahati ang pinto habang nakatayo pa rin siya doon. "Kilala niyo po ba ako?" kinakabahan ako, umaasa na sana may ideya siya kung sino talaga ako.

Muli niya akong pinagmasdan nang mabuti bago magsalita, "Ngayon lamang kita nakita rito, ikaw ba ay taga-ibang nayon?" napaatras ako sa sinabi niya. Akala ko pa naman may makakatulong na sa'kin para makalabas ako sa kwentong ito.

"Diretsuhin mo lang ang pasilyo, tahakin mo ang pinakadulong pinto sa kaliwa, iyon ang daan palabas" wika niya saka isinarado ang pinto. Naiwan akong tulala at muling nawalan ng pag-asa na mahanap ang sagot kung bakit nangyayari sa akin ito.

TANGHALING tapat na ngunit hindi namin alintana ni Lolita ang maglakad sa initan, hindi rin naman ganoon kainit at wala rin kaming payong de hapon dahil hindi namin afford iyon. Sana hiningi ko na lang kay Sebastian 'yung dala niyang payong noong isang araw.

Napatigil kami ni Lolita sa paglalakad nang biglang may grupo ng kalalakihan na humarang sa aming dadaanan. Hindi pa kami nakakalayo sa simbahan at nasa gitna rin kami ng kalsada. Balak ba nila kaming dukutin? Maraming makakakita sa kanila at wala pang takip ang kanilang mga mukha kaya kitang-kita ko kung gaano sila kapangit.

"Adik ba kayo?" tanong ko habang napapataras kami ni Lolita, nakangisi lang sila na parang mga hibang. Namumula ang kanilang mga mata at may nginuguya silang nganga. Puno ng galos at peklat ang kanilang mukha at katawan at parang sanay silang manggulpi ng mga tao.

Nagtawanan sila sa sinabi ko, "Totoo nga ang sinabi sa amin, makapal ang pagmumukha ng binibining ito" tawa ng pinakapangit sa kanila na bungal at mukhang pinuno nila. Napatakip ng ilong ang mga tauhan niya dahil umalingasaw ang baho ng kaniyang hininga.

Hinawakan ko si Lolita at pinapwesto ko siya sa aking likuran. "Ano bang kailangan niyo?" pagtataray ko pero sa totoo ay kinakabahan din ako. Kasapi rin ba sila sa mga rebelde? Binabantayan at sinusundan ba nila ang bawat hakbang ko? Pero imposible, hindi naman ganito kadungis at kabarumbado ang mga kasapi sa samahan.

Tinapik ng kalbong bungal na pinuno ang balikat ko na parang tinutulak niya ako ng marahan, "Ito ang pinapasabi ng aming amo, kung inaakala mo na papalagpasin niya ang kawalang-modo at laki ng iyong ulo dahil lang sa kinampihan ka ng heneral. Nagkakamali ka, dahil humahanap lang kami ng tyempo" banta niya, napatakip ng ilong si Lolita dahil sa baho ng hininga nito at may tumalsik pang laway mula sa kaniyang bibig.

Napapikit na lang ako sa inis at itinulak siya papalayo, mamamatay kami agad sa baho ng hininga niya. "Aba, lumalaban ka ha!" paghahamon nito, agad inilabas ng mga tauhan niya ang kani-kanilang balisong.

"Pwede naman kasi tayo mag-usap ng isang metro ang layo" buwelta ko, nanunuot talaga sa ilong naming lahat ang kaniyang hininga. "Ang bilin sa amin, huwag ka munang saktan ngunit ikaw mismo ang nauna kaya pagbibigyan ka namin sa gulong hinahanap mo" giit ng pinuno na sinabayan ng Oo nga! Oo nga! ng mga tauhan niya.

Akmang susunggaban na nila kami nang sila mismo ang mapatigil sa pagdating ng mga kawal. Agad nilang itinago ang kani-kanilang mga patalim. Natanaw ko rin si Sebastian sakay ng itim na kabayo. Nasa gitna siya ng mga kawal na sabay-sabay nagmamartsa sa gitna ng kalsada.

Napatabi sa gilid ang mga tao upang bigyang daan ang pagdaan ng mga kawal at ng heneral. Mabilis na tumakas ang mga kalalakihang humarang sa'min at nagtakbuhan papalayo.

Pinatigil ni Sebastian ang pagmamartsa at ipinuwesto niya ang kaniyang mahabang baril upang patamaan ang mga tumatakbong kalalakihan.

Napatitig ako kay Sebastian sakay ng kabayong nakatigil habang hawak nito ang baril. Nakapwesto rin ang mga kawal. Limang sunod-sunod na putok ng baril ang pinakawalan ni Sebastian na asintadong tumama sa mga lalaki. Bumagsak ito sa lupa at napasigaw sa sakit nang patamaan ni Sebastian ang kanilang mga binti.

NAPAPAPIKIT ako dahil sa lakas ng sigaw ng mga lalaki na ngayon ay pinaparusahan na. Dinala silang lahat sa bilangguan at sabay-sabay na tinatanggalan ng kuko. Nakatayo kami ni Lolita sa gilid, nakasubsob na siya sa aking balikat at pilit kong hinahagod ang kaniyang likod.

Limang silya ang nakahelera sa gitna, nakatali ang mga lalaking humarang sa amin kanina at pilit na nagmamakaawa. Nakatayo si Sebastian sa gitna, animo'y wala siyang nararamdaman na kahit anong awa sa kanila.

"Bakit kayo may dalang mga patalim? Ibig niyo bang salakayin ang plaza? Nasaan ang iba niyong mga kasamahan?" sigaw ng kolonel na si Eusebio na siyang kanang kamay ni Sebastian.

"H-hindi po. W-wala kaming balak na salakayin ang plaza. Hindi kami mga rebelde!" sigaw ng pinuno na naliligo na sa dugo ngayon. Makailang ulit din silang hinampas ng latigo kanina.

Kung gayon, paano niyo ipapaliwanag ang aming nasaksihan kanina? At bakit niyo tinutukan ng patalim ang dalawang binibining ito?" sigaw muli ni Eusebio saka muling hinampas ang mga lalaki. Nagsisisigaw ang mga ito sa sakit at paulit-ulit na humingi ng tawad.

"W-wala po kaming nalalaman sa mga tulisan. M-maniwala po kayo" pagsusumamo nila, wala ito sa kwento. Walang pagsalakay sa plaza ang magaganap. Wala pa kami sa gitna ng nobela. Hindi ko maintindihan kung anong nangyayari ngayon.

Tumingin sa akin si Sebastian saka siya naglakad papalapit sa pinuno at tiningnan ito ng mabuti, "Kung hindi kayo kasapi ng mga rebelde. Paano niyo ipapaliwanag ang nangyari kanina? Bakit kayo may mga patalim at inyong hinarang ang dalawang binibini?" sigaw ni Eusebio, kumpara kay Sebastian ay hindi na ito makapagtimpi, ibig na niyang basagin ang bungo ng mga lalaki ngunit napatigil siya nang itaas ni Sebastian ang kaniyang kanang kamay upang tumigil ito.

"Isang pagkakataon lang ang ibinibigay ko sa sinuman. Sabihin mo ang inyong tunay na pakay" kalmadong saad ni Sebastian gamit ang seryoso nitong tono. Hindi makapagsalita ang pinuno, nanginginig ito sa takot habang nakatingin kay Sebastian.

"Si Don Severino! Siya po ang nag-utos sa amin!" sigaw ng isang lalaki na kasamahan nito. Tumango ang tatlo, tanging ang pinuno lang ang hindi umayon sa kanila dahil ibig nitong pagtakpan ang kanilang amo na si Don Severino.

Tumindig nang maayos si Sebastian saka lumingon muli sa'kin, hindi man niya sabihin ngunit malinaw na may kinalaman ako kung bakit gumawa ng ganoong hakbang si Don Severino. "Ano? Ang ibig niyo bang sabihin ay ibig umalsa ni Don Severino?" sigaw ni Eusebio,agad napailing ang mga lalaki sa takot na iugnay na naman sila sa mga rebelde.

"H-hindi po. A-ang totoo niyan, ang babaeng iyon lang ang tuturuan namin ng leksyon. W-wala po kaming hinanakit sa pamahalaan" wika ng pinuno sabay tingin sa'kin dahilan upang mapatingin sa akin ang lahat.

GABI ng Biyernes, bihis na bihis ang mga mamamayan at masayang naglalakad patungo sa tahanan ng pamilya Guerrero.

Imbitado ang lahat, ang mayayaman ay sakay ng kani-kanilang kalesa at sinasalubong ng buong giliw. Habang ang mahihirap naman ay naglalakad suot ang kanilang mga kasuotan na siyang pinakamaayos na kahit kupas na ang kulay nito at may iilang butas at tahi.

Kasama ako sa mga mamamayang naglalakad din ngayon. Nakakakapit sa aking braso si Lolita. Magkakapit naman sina Aling Pacing at Aling Lucia. Habang sina Mang Pedro at Mang Hener naman ang may hawak ng lampara na nagsisilbing ilaw namin sa daan.

May kani-kaniya ring bitbit na lampara ang ibang mga taong naglalakad. Puno ng saya at ngiti ang lahat dahil makakatikim kami ng masasarap na pagkain. Hindi man kami makakapasok sa loob ng tahanan ng pamilya Guerrero dahil ang mga mayayamang pamilya at mga opisyal lang ang maaaring makapasok doon.

Sa labas ng kanilang tahanan ay may malawak na hardin kung saan naroroon ang mahahabang mesa na puno rin ng pagkain. Ang mga ordinaryong mamamayan ay doon magsasalo-salo at tutugtugan din ng ilang musikero.

"Dadalo rin kaya ang ilang kawal na pinamumunuan ni Heneral Sebastian?" tanong ni Lolita na halos mapunit na ang mukha sa sobrang ngiti.

Nakapila na kami para makakuha ng pagkain. Parehong kupas na baro't saya ang aming suot. Tinangay ng baha ang mga damit na pinamili ko 'nung bumagyo, nakalimutan kong itago iyon ng mabuti, inilagay ko sa baul sa takot na tanungin ako ni Aling Pacing kung saan ko nakuha ang magagandang damit na iyon. Wala siyang ideya na sinuswelduhan ako ni Sebastian.

"Mga kawal?" tiningnan ko siya nang mabuti, mukhang kinikilig pa siya. "Lolita!" suway ko, gulat siyang napatingin sa'kin. "Huwag mo sabihing ibig mong makapangasawa ng iba" para akong tiyahin na handang kaladkarin siya pauwi.

"Ng iba? Wala naman akong kasintahan, ate Tanya" napatingin sa amin ang ibang tao kaya kumapit ako sa braso niya at bumulong.

"May napupusuan ka na 'diba? Si Niyong" bigla siyang natawa sa sinabi ko. "Wala na iyon ate. Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na wala na akong pagtingin kay Eugenio" napapailing-iling at natatawa na lang siya.

Dahan-dahan kaming sumusunod sa usad ng pila, nauuna sa amin si Aling Pacing at Aling Lucia. "Hindi pwede, kailangan mong magustuhan ulit si Niyong" pagsusumamo ko habang inaalog-alog ang magkabilang balikat niya.

"Ate Tanya, wala na akong nararamdaman para sa lalaking iyon. Sapat na sa akin makita na wala siyang puso. Hindi niya ako pinakinggan nang makiusap ako sa kaniya na hanapin ka sa heneral. Hindi ko ibig makatuluyan ang lalaking walang pakialam sa pakiusap ng iba" mahinahon niyang tugon saka nauna nang sumunod sa mabagal na daloy ng pila.

Napalingon ako sa paligid, pilit kong hinahanap si Niyong. Siguradong nandito 'yon ngayon. Mahaba na ang pila kahit mabagal ang usad makarating lang sa mahabang mesa na puno ng pagkain. Naroon ang ilang serbidora upang ipaalala sa lahat na huwag kumuha ng sobra at mapanatili ang kaayusan.

May mga kawal ding nakabantay para masiguro ang kapayapaan. Nagpapatugtog ang ilang musikero gamit ang gitara, tambol at tambourine. Masayang umiindak sa musika ang ilang mga kababaihan at kalalakihan sa gitna.

Napatingala naman ako sa malaking mansion ng pamilya Guerrero, naririnig din namin mula doon ang masayang tawanan at kwentuhan ng mga mahahalagang bisita. Hindi ko na nakita si Sebastian pagkatapos ng nangyari sa bilangguan, ni hindi ko rin siya nakausap kung ano bang gagawin niya sa mga tauhan ni Don Severino.

Gusto akong gantihan ni Don Severino dahil sa nangyari noon at kinampihan ako ni Sebastian. Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari pero sigurado ako na hindi dapat maging magkaaway sina Sebastian at Don Severino dahil sila ang magiging magkakampi sa huli.

Ilang sandali pa, nakita ko si Niyong na pumasok sa likod ng mansion. Dali-dali akong humalo sa mga tao at lihim ko siyang sinundan. "Niyong!" tawag ko nang makapasok siya sa kusina. Pinapasok siya ng kawal na naroroon, napalingon siya sa akin ngunit hinarang naman ako ng guardia civil na nagbabantay doon.

"Niyong, may sasabihin ako sa heneral!" saad ko, tumango si Niyong sa guardia, wala naman itong nagawa kundi papasukin ako.

Nababalot ng makapal na usok ang kusina, hindi rin magkamayaw ang mga kusinero at kusinera sa pagluluto. Mabilis kaming dumaan doon ni Niyong at nagtungo sa ilalm ng hagdan. "Ano ang iyong sasabihin sa aming señor?" tanong ni Niyong, pilit kong tinitingnan ang mga bisita sa loob. Sigurado akong nakikihalo na roon si Lorenzo at Berning.

"Ha? Ah, gusto ko lang makausap si Sebastian. May gusto lang akong malaman" tugon ko, napakunot naman ang noo ni Niyong.

"Ano iyon binibini?" tumingin ako sa kaniya. "Basta... Secret na naman 'yon" pilit ko pa ring hinahanap sa dami ng tao sina Lorenzo at Berning.

"Si-ret?" iniisip niya kung ano ang sinabi ko. Napahinga na lang ako nang malalim at napapamewang,

"Hindi ba't ang sabi ko sayo ay ibigay mo kay Lolita ang palamuti na binili natin noong nakaraan?" napakamot siya sa kaniyang ulo. "Hindi ko ibig na mag-isip siya ng kung ano. Hindi naman kami magkakilala ng lubusan" giit niya, dapat ngayon pa lang may improvement na sa relasyon nilang dalawa.

Magsasalita pa sana ako nang biglang bumukas ang palikuran. Agad akong nagtago sa likod ng malaking istatwa ng anghel na nakapwesto sa gilid ng hagdan. "Oh, Niyong, kanina ka pa hinahanap ni Señor Sebastian" wika ng isang binatilyo na mukhang nagtatrabaho rin sa mansion.

"Nasaan si Señor?"

"Naroon siya sa azotea kasama sina Don Florencio at Señorita Maria Florencita" tugon nito at sabay silang umalis ni Niyong, napalingon pa sa akin sa huling pagkakataon si Niyong pero wala na siyang nagawa nang akbayan siya ng kasama.

Dahan-dahan akong lumabas sa likod ng istatwa, kailangan kong makaakyat sa ikalawang palapag ng bahay nila para masiguro na makakapasok doon sina Lorenzo at Berning. Kailangan nila makuha ngayon ang mga kasulutan sa opisina ni Don Antonio.

Agad akong nagtungo sa kusina at muling nagpanggap na serbidora. Pero hindi ko mapigilang kabahan dahil sobrang kupas at puno ng tahi ang damit ko kumpara sa malilinis na pananamit ng mga serbidora ngayon.

Nagkakasiyahan ang lahat, nangingibabaw ang malakas na tawa nina Don Florencio at Don Antonio. Nasa tabi rin nila si Don Severino na panay ang ismid. Nagsasayawan ng pares ang mga babae at lalaki sa gitna kasabay ng mabilis at nakakaindak na musika. Nagtatakbuhan naman ang mga bata sa salas at hinahabol din sila ng kanilang mga tagapag-alaga.

Mabilis akong nakaakyat sa hagdan nang walang nakakapansin sa akin. Natanaw ko rin sa azotea sina Sebastian at Maria Florencita kasama ang mga kaibigan ni Maria Florencita. Alam na ng lahat na pinagkasundo na silang dalawa, inanunsyo na iyon ng dalawang Don kanina ngunit hindi namin naabutan dahil nahuli kami sa pagdating kaya kainan na ang dinatnan namin.

Nagtago ako sa isang silid malapit sa hagdan. Binuksan ko ng kaunti ang pinto upang silipin ang pagdating nina Lorenzo at Berning na siyang papasok mayamaya sa opisina ni Don Antonio na nasa katabing silid kung saan ako nagtatago ngayon.

Hindi nagtagal, dalawang anino ang natanaw kong paakyat. Wala silang suot na sapin sa paa para hindi makalikha ng ingay ang kanilang bawat paghakbang. Naunang hinawakan ni Berning ang pinto at binuksan iyon gamit ang manipis na patalim na kakasya sa susian. Magaling si Berning sa mga gawaing gano'n.

Nakasunod sa kaniya si Lorenzo, parehong may takip ang kanilang mga mukha pero kilalang-kilala ko sila. Nakapasok na sila sa loob ng silid, ako ang kinakabahan para sa kanila. Kailangan maging matagumpay 'to dahil nakasalalay dito ang takbo ng kwento. Kailangan makalabas sila ng buhay at maayos nang hindi nalalaman ni Don Anotnio na may nawawalang mahalagang papeles sa kaniya.

Lumabas ako sa silid na pinagtataguan ko at dahan-dahang gumapang papalapit sa opisina. Ilang minuto na silang nandoon, kung hindi pa rin nila mahanap, ituturo ko na lang kung nasaan. Nasa loob ng baul ang mga papeles sa ilalim ng aparador.

Ilang sandali pa, natanaw ko si Sebastian na naglalakad paakyat ng hagdan. Agad akong pumasok sa loob ng opisina. Gulat na napatingin sa'kin sina Lorenzo at Berning sabay tutok ng patalim. Itinaas ko ang aking dalawang kamay, "A-ako 'to, si Tanya" panimula ko, ngunit hindi pa rin sila kumbinsido na kakampi ako.

"Nandoon ang mga papeles na hinahanap niyo" tinuro ko ang baul na nasa ilalim ng aparador. Agad kinuha iyon ni Berning at binuksan. Tumango siya kay Lorenzo nang makumpirma niya na iyon nga ang mga papeles na hinahanap nila.

"Bilisan niyo na! Paparating na si Sebastian!" gulat silang napatingi muli sa'kin at agad nilang inayos ang mga gamit. Hindi dapat ganito ang mangyayari, makakalabas sila dito dapat ng maayos nang walang nakakahalata.

Agad akong tumakbo papunta sa bintana at binuksan iyon. "Bilis! Tumakas na kayo!" naunang sumampa sa bintana si Berning at mabilis siyang kumapit sa bawat uwang ng kabahayan upang marating ang damuhan sa ibaba. Hardin ang nasa likod at walang tao roon.

Sumampa na rin sa bintana si Lorenzo ngunit bago siya bumaba ay tumingin siya ng diretso sa akin, "Salamat, Tanya" wika niya, tumango ako bilang tugon. Kailangan nilang makatakas agad dito dahil masisira ang kwento kapag nahuli sila.

Bago pa man bumukas ang pinto ay mabilis ko nang naisara ang bintana saka tumayo sa harapan ng mga libro at nagkunwaring may hinahanap doon. Bumukas ang pinto, agad akong lumingon doon, hindi nga ako nagkamali, dumating nga si Sebastian.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya, hindi ko mabasa ang kaniyang mga mata. "Ah, hinahanap ko 'yung... Yung librong walang sulat na pinakita mo sa'kin" tugon ko, hindi ko na maramdaman ang aking mga binti na nanginginig na ngayon sa kaba.

Pumasok siya saka isinara ang pinto. "Bakit ka narito?" tanong niya muli habang dahan-dahang naglalakad papalapit sa akin. Pinagpatuloy ko ang paghahanap sa mga libro dahil iniiwasan ko ang mga mata niyang naghahanap ng katotohanan.

"H-hihintay kita dito. B-baka sakaling dumating ka. Hihiramin ko sana ang librong iyon" napapikit na lang ako habang nakatalikod sa kaniya, hindi ko mapigilang mautal. Mas lalo siyang maghihinala. Naramdaman kong tumigil siya sa aking likuran.

Wala na akong nagawa kundi ang lumingon sa kaniya. Nakita kong nakatingin siya sa bintana na sarado na ngayon. Naghihinala ba siya? Iniisip ba niyang may ibang nakapasok dito? Pero wala siya dapat sa eksenang ito.

"Wala iyon dito. Hindi ito ang aking opisina" wika niya sabay tingin ng diretso sa akin. Napalunok na lang ako sa kaba, bakit parang may gusto pa siyang malaman na nababasa ko sa kaniyang mga mata.

"P-pasensiya na, akala ko ito ang opisina mo" umiwas ako ng tingin, napatitig na lang ako sa lamparang nakasindi ngayon at nakapatong sa mesa.

Napayuko siya, "Dito pala kita dinala noong isang araw" saad niya saka tumango sa kaniyang sarili. Naniwala siya? Pinaniwalaan niya ang mga sinabi ko? Si Sebastian Guerrero na isang matalinong heneral na hindi nalilinlang ng sinuman ay madaling naniwala sa mga sagot kong napakababaw?

Magsasalita pa sana siya nang bigla naming marinig ang dalawang boses na papalapit sa pinto. Nanlaki ang mga mata namin ni Sebastian. Walang ibang dapat makakita sa aming dalawa. Napalingon siya sa paligid, walang ibang matataguan sa loob ng opisina ng kaniyang ama kundi ang mesa nito. Ngunit delikado roon dahil baka umupo si Don Antonio sa silya.

Hinawakan ni Sebastian ang pulso ko saka hinila papunta sa malaking aparador. May mga libro sa ibaba ngunit kaunti lang. Nagulat ako nang biglang hawakan ni Sebastian ang baywang ko at binuhat ako paakyat sa malaking aparador. Sumunod din siya at umakyat doon saka isinarado ang pinto ng aparador.

Nakadikit ang aking likod sa dingding ng aparador habang nakatayo naman ng sobrang lapit si Sebastian sa tapat ko. Halos mabali ang aking leeg dahil nakadikit na ang kaniyang dibdib sa akin. Hanggang balikat lang ako sa kaniya at dinig na dinig ko na ngayon ang tibok ng kaniyang puso.

Nakahawak siya sa kisame ng aparador at pilit niyang binabalanse ang kaniyang sarili na huwag matumba dahil sa oras na mangyari iyon ay siguradong bubukas ang pinto ng aparador na pinagtataguan namin at babagsak kaming dalawa sa sahig. Agad ko siyang niyakap, ipinulupot ko ang aking kamay sa kaniyang baywang para hindi siya mawalan ng balanse at mahulog.

Tila natigilan din siya sa ginawa ko, historical period na nobela ito at hindi normal ang ganito sa babae at lalaki na hindi naman magkasintahan o mag-asawa.

Napapikit na lang ako habang yakap-yakap ko siya nang mahigpit. Hindi ko ipapahamak sila Lorenzo na siyang bida sa istoryang ito. At hindi ko rin ipapahamak si Sebastian kahit pa siya ang magiging pangunahing hadlang sa kwento.

************************
#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top