Kabanata 7
[Chapter 7]
"SUGOD!" sigaw ng mga rebelde habang tinutugis ang mga guardia na ngayon ay sugatan at duguan na ngunit pilit pa ring tumatakbo papalayo sa kanila. Nabitiwan ko ang lampara na diretsong bumagsak sa lupa. Nabasag ito at mabilis na kumalat ang apoy sa buong kalupaan.
Ngayon ko lang napagtanto na malapit pala ako sa pagaawaan ng langis kung kaya't singbilis ng kidlat ang pagkalat ng apoy. Napatigil ang mga kalesa at kabayong naagaw ng mga rebelde sa mga kawal dahil sa lakas ng apoy na humahati sa kalsada.
Nagpatuloy pa rin ang pakikipag-laban ng ilang kawal sa mga tulisan upang protektahan ang kanilang heneral na ngayon ay duguan at may tama sa balikat. Napatakip ako sa bibig nang makita kong sumuka ng dugo si Sebastian.
Dali-dali akong tumakbo papalapit sa kaniya, nanghihina na siya at patuloy ang pagsuka niya ng dugo. Hindi pa siya pwedeng mamatay. Alam kong hindi pa siya mamamatay ngayon pero alam ko ring sobrang hirap ng dinadanas niya lalo na ang dalawang balang nakabaon sa balikat at binti niya.
Inalalayan ko siyang tumayo, napalingon sa akin ang ilang kawal. "K-kakampi ako!" sigaw ko sa takot na sa akin nila iwasisaw ang espada. Dalawang guardia ang pilit na nagtatanggol kay Sebastian laban apat na tulisang nakikipaglaban sa kanila gamit ang itak at espada.
Hirap na hirap akong itayo si Sebastian lalo na't mas mabigat siya sa akin ngunit kahit papaano ay ramdam kong ginagawa niya ang lahat para mabuhay. Nakakailang hakbang pa lang kami papalayo nang sabay kaming madapa at sumubsob sa lupa dahil may panang tumama muli sa binti niya.
Isang lalaki ang tumatakbo na ngayon papalapit sa amin para hambalusin kami ng itak. Nataranta ako. Mabilis kong hinugot ang phone ko sa bag at malakas na hinampas iyon sa noo niya. Natulala ang lalaki sa lakas ng pagkakahampas ko sa noo niya at bigla itong bumagsak sa lupa.
Nakita iyon ng isa pang tulisan at agad ginising ang lalaking hinampas ko ng phone. Tumingin ng matalim sa akin ang kasamahan niya at akmang susugurin ako pero mabilis kong inikot ang wire ng eaprhones sa leeg niya at sinakal siya saka tinulak sa katabing bangin na hindi naman ganoon kalalim.
Napalingon ako kay Sebastian, hawak na niya ngayon ang dulo ng lubid ng kabayong hindi mapalagay dahil sa apoy. Agad akong tumakbo sa kaniya. "Kailangan na natin makaalis dito!" saad ko, tiningnan niya ako pero muli siyang sumuka ng dugo. Buong lakas ko siyang inalalayan na makasampa sa kabayo kahit medyo magalaw ito.
Nang makasakay na siya, sumampa ako sa likod. "Hala! Hindi pala ako marunong magpatakbo ng kabayo! Paano ba 'to?" ang alam ko papaluin ang pwet pero nang tapikin ko ang pwet ng kabayo ay wala namang nangyari, parang nagtatapik lang ako ng batang papatulugin.
"Sebastian! Gumising ka!" ulit ko, pilit kong inabot ang lubid ng kabayo at ipinahawak iyon sa kamay niya. Napalingon ako sa ilang tulisan, napatumba na nila ang dalawang guardia na nagtatanggol kanina kay Sebastian. Nasaan na ang iba? Bakit ako na lang nandito? Hindi pa dito magtatapos ang character ni Sebastian!
"Wait!" napasigaw ako ng mahaba para pigilan ang paglapit sa'min ng mga tulisan ngunit napahawak din ako ng mahigpit sa baywang ni Sebastian nang biglang tumakbo ang kabayo. Hinang-hina na si Sebastian pero nagawa niya pa ring mapatakbo ang kabayong sinasakyan namin.
Napalingon ako sa mga tulisan, ibinato na lang nila sa lupa ang mga armas at itak na hawak nila dahil imposibleng mahabol pa nila kami dahil sa laki ng apoy na pumagitna sa daanan.
AGAD kong dinala si Sebastian sa pagamutan. Nataranta ang mga doktor at mga nagsisilbi roon nang makita ang sugatang heneral. Hindi ako mapakali, panay ang lakad ko pabalik-balik sa labas ng silid kung saan ginagamot ngayon si Sebastian.
Pilit kong iniisip ang susunod na mangyayari. Pero dahil natataranta pa rin ako at hindi ako makapaniwala na nagawa kong saktan at labanan ang mga tulisan kanina ay mas lalong nawawala na ako sa aking sarili. "Binibini, may masakit din ho ba sa inyo?" tanong sa'kin ng isang dalaga na nagtatrabaho sa pagamutan.
"A-anong araw na ngayon?" tanong ko, nagulat siya nang hawakan ko ang kamay niya. "Ika-trese po ng Septyembre" tugon niya na ikinagulat ko. Hindi ako agad nakapagsalita. Buwan ng July nang mapunta ako sa librong ito. Ngunit bakit September na?
Tiningnan ako ng babae mula ulo hanggang paa, "May sugat ba kayong tinamo binibini?" tanong nito, tulala akong napailing sa kaniya. Wala akong sugat, wala rin akong maramdaman dahil sa pagkabigla sa mga pangyayari. Hindi ko na rin alintana na sabog-sabog na ang buhok ko, nababalot ng lupa at dugo ang aking katawan at higit sa lahat naka-yellow blouse ako, black jeans at itim na sneakers. Bitbit ko rin ang shoulder bag kong kulay black.
Magsasalita pa sana ang babae pero tinawag siya ng doktor. Naiwan akong tulala roon at hindi makapaniwala sa mga pangyayari. Two months ang lumipas dito sa loob ng kwento. Nakalabas na ako dito pero hindi ko naalala ang mga nangyari. At ngayong nakabalik akong muli, naalala ko na ulit ang lahat.
Ang hindi ko maintindihan, bakit ako nakabalik dito? Paano ulit ako makakalabas? Ano bang dahilan bakit nangyayari ito? At bakit muntikan nang mamatay si Sebastian? Hindi ganoon kadami ng bala ang sinulat ko sa istorya at hindi dumating ang punto na sumuka na siya ng dugo.
TATLONG katok ang binitawan ko sa pinto ng Panciteria nila Aling Pacing. Ilang sandali pa bumukas ito, napa-sign of the cross pa si Aling Pacing sa gulat.
"Susmaryusep! Tanya ikaw ba iyan?" Agad namang lumabas sa pintuan si Mang Pedro at pinagmasdan akong mabuti. "Mahabaging diyos! Si Tanya nga!" pag-kumpirma ni Mang Pedro.
Tulala nila akong inakay papasok sa Panciteria at agad pinaupo sa pinakamalapit na silya. Dali-daling kumuha ng tubig si Mang Pedro sa kusina. "Anong nangyari sa iyo hija? Bakit bigla ka na lang naglaho?" nag-aalalang tanong ni Aling Pacing habang pinapagpagan ang damit ko.
Agad naman inilapag ni Mang Pedro ang baso sa mesa at pinainom ako. Parang ganito rin ang nangyari noong una nila akong pinapasok sa tahanan nila. Mukha akong gusgusin at palaboy sa kalsada. Ibinuka ko ang aking bibig, sasabihin ko na dapat na dinala ko sa ospital si Sebastian pero naalala ko na hindi pala nila pwedeng malaman na tinulungan ko si Sebastian dahil kaanib din sila sa mga rebelde.
"U-umuwi po ako sa Bulakan. Pasensiya na po kung hindi ako nakapagsabi dahil kinailangan kong magtungo roon agad" saad ko, hinawakan ni Aling Pacing ang kamay ko. Bakas sa mukha nilang mag-asawa ang labis na pag-aalala. Isang linggo lang naman ako nawala pero sa loob ng istoryang ito ay halos dalawang buwan na.
"Salamat sa diyos dahil ligtas ka hija. Labis kaming nag-alala sa iyong biglaang pagkawala. Ang sabi ni Lolita, hinanap mo raw si Heneral Sebastian para sa isang libro ngunit hindi ka na bumalik matapos niyon. Kami ay nangamba na may masamang nangyari sa iyo sa kamay ng mga heneral na iyon" saad ni Aling Pacing, nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata.
"Hindi ba't sinabi na namin sa iyo hija na mapanganib ang heneral na iyon. Sinubukan ka naming hanapin ngunit walang makapagbigay ng kasagutan kung nasaan ka. May iilang nakakita sa iyo nang magtungo ka sa tanggapan ng heneral ngunit walang makapagtukoy kung nakalabas ka ba roon" dagdag ni Mang Pedro at napayuko ito.
Pinagmasdan ko silang dalawa, nagpapasalamat ako kahit papaano dahil may matatakbuhan ako sa oras na wala akong mapuntahan sa loob ng kwentong ito. Kahit papaano ay nararamdaman ko ang pagmamahal ng sarili kong pamilya mula sa mga character na tulad nila.
"S-salamat po sa pag-aalala. Patawad po kung umalis ako nang walang paalam. H-hindi na po mauulit" agad kong pinunasan ang luhang nangingilid na rin sa aking mata. Hindi ko na alam ang gagawin ko. "Siya nga pala, bakit nababalot ka ng lupa at may bahid ng dugo ang iyong kasuotan?" tanong ni Aling Pacing, muli niya akong pinagpagan.
"Ah, m-may nakasalubong lang po akong sugatang baka sa daan, tinulungan ko po kaya heto" nababaon na ako sa kasinunggalingan. "At anong uri ng pananamit ang iyong suot ngayon?" tanong muli ni Aling Pacing. Napakagat na lang ako sa aking labi, hindi pa pala nagsusuot ng pantalon ang mga babae sa panahong ito.
"S-sinubukan ko lang po ang disenyong ito na ginawa ng aking kaibigan sa... sa Bulakan" tugon saka ngumiti ng kaunti para gumaan na rin ang pakiramdam nila. Ngunit sa kabila ng pagngiti kong iyon, hindi pa rin mawala ang pag-aalala ko kay Sebastian at sa naging takbo ng kwento.
SUNOD-SUNOD ang pagtilaok ng manok sa labas. Papasikat na ang araw ngunit nakaupo pa rin ako sa silya at nakaharap sa bintana. Hindi ako makatulog buong gabi kaya pinili ko na lang maupo at isipin ang mga nangyayari.
Tinaas ko ang aking kaliwang kamay, "Tama nga si Mang Pedro, ang huli kong pinuntahan ay ang Fort Santiago. Doon din nabanggit ni Sebastian ang tungkol sa kaniyang kamatayan. Doon niya rin ako tinawag sa aking totoong pangalan" tumango ako sa aking sarili saka itinaas naman ang kanang kamay ko at pinagmasdan iyon.
"At pagkatapos niyon, nakalabas ako sa kwento. Pero wala akong naalala sa mga nangyari dito sa loob ng istorya. Ang inakala kong panaginip na hindi ko maalala ay may katotohanan pala. At nang makabalik ako muli dito, naalala ko ulit lahat!" napatayo ako sa ideyang iyon. Ibig sabihin, sa tuwing makakalabas ako dito sa nobelang ito, wala akong maalala. Pero babalik ulit ang mga alaalang iyon kapag nakapasok ulit ako sa kwento!
Nagsimula akong maglakad-lakad sa loob ng kwarto habang nag-iisip pa rin ng malalim. "Pero bakit? Bakit ako napupunta dito at nakakalabas? Bakit ko nakakalimutan lahat kapag wala ako sa loob ng kwento? At bakit muntikan nang mamatay si Sebastian?" hindi ko namalayan na nginangatngat ko na pala ang aking kuko. Ang dami kong katanungan na hindi ko mahanapan ng kasagutan.
Napatigil ako sa paglalakad at tinusok ko ang aking ulo gamit ang magkabilang hintuturong daliri ko. Ipinikit ko rin ang aking mga mata upang mag-isp ng mabuti at inalala ang mga susunod na eksena sa Salamisim.
"Pagkatapos maitakas ni Berning si Tadeo sa bilangguan, itinago niya ito sa kagubatan at doon halos dalawang buwan nagpagaling si Tadeo. Sa loob din ng dalawang buwang iyon ay bumuo ng plano si Berning para makaganti sa mga kawal. Nagsagawa sila ng pag-atake nang hindi nalalaman ni Lorenzo" tumango-tango ako sa aking sarili.
"Sa kabilang banda, nangyari din ang unang pagkikita nina Lorenzo at Maria Florencita. Nasundan pa iyon ng ibang hindi inaasahang pagkikita sa magkakaibang araw. Ang pamilya Garza ang may ari ng paimprintahan ng dyaryo kung saan nagtatrabaho si Lorenzo. Nalaman ni Maria Florencita na naghahanapbuhay doon si Lorenzo kaya madalas siyang magpunta doon para makausap ang binata na dumamay sa kaniya noong mag-isa siya sa labas ng hardin"
"Sa loob ng dalawang buwan, nangyari ang kanilang sunod-sunod na hindi inaasahang pagkikita, pagkwekwentuhan ng lihim hanggang sa mabuo ang kanilang pagkakaibigan" naglakad ako paharap sa salamin at pinagmasdan ko ang aking sarili.
"So far, nangyayari naman ang mga dapat mangyari. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit muntikang mamatay kanina kagabi si Sebastian. Nasugatan lang dapat siya sa binti, matatalo pa rin ng mga guardia ang mga tulisan at madadala nila sa pagamutan si Sebastian" napahinga ako ng malalim saka umupo sa silya sa harap ng salamin na para bang kinakausap ko ng harapan ang aking sarili.
"Kung hindi pala ako dumating, siguradong namatay na si Sebastian. Pero bakit? Hindi pwede kasi nag-uumpisa pa lang ang istorya at hindi pwedeng mawala ang kontrabida agad" napahinga ako ng malalim. Napagod din ako magsalita, iniisip ko na lang dapat lahat ito kaso mas tumatatak sa isip ko kapag sinasabi ko.
Napahawak ako sa aking ulo, "So ang sunod na mangyayari... Bibistahin nina Don Florencio at Maria Florencita si Sebastian sa pagamutan. Paparangalan din ito dahil sa kagitingan. Kapag magaling na si Sebastian, magdadaos ulit ng party si Don Florencio para sa anunsyo ng pag-iisang dibdib ni Maria Florencita at Sebastian" tumango-tango ako sa aking sarili. Napagtanto ko na ang hilig pala ni Don Florencio sa party, bawasan ko kaya siya ng budget.
Nagulat ako nang biglang may kumatok sa pinto, hindi ko pa man nasasabi na pwede na pumasok ang taong iyon pero agad nitong binuksan ang pinto at tumambad sa harapan ko si Lolita. "Sa wakas nagbalik ka!" sigaw niya saka diretsong yumakap sa'kin. Muntikan pa kaming matumba sa lakas nang pagkakasunggab niya sa akin.
"Labis kaming nabahala sa iyong pagkawala. Aking tinanong ang heneral ngunit hindi niya ako binigyan ng sagot. Hindi ko rin mapatawad si Niyong dahil tila pinagtatakpan niya ang kaniyang señor" saad ni Lolita, humihikbi ito. Dahan-dahan kong tinapik ang kaniyang likod. Hindi ko akalaing magiging ganoon din ang reaksyon niya nang mawala ako.
Kumawala na siya sa pagkakayakap sa akin, "Ibig naming magkaroon ng hustisya ang nangyari sa iyo ngunit ang heneral mismo ang huli mong nakausap kung kaya't hindi namin batid ang gagawin" patuloy niya, pinunasan ko ang kaniyang luha at ngumiti ako ng marahan.
"Walang masamang nangyari sa'kin, umuwi lang ako sa amin. Wala ring kinalaman si Sebastian. Mapayapa akong nakalabas sa kaniyang tanggapan" paliwanag ko, niyakap niya ako muli.
"Wala na akong nararamdaman para kay Niyong, kinamumuhian ko na siya sapagkat hindi man lang niya tinanong sa kaniyang señor kung nasaan ka" giit niya, agad kong hinawakan ang magkabilang balikat niya at pinagmasdan siya.
"Hindi pwede, hindi mo pwedeng kamuhian si Niyong" saad ko, nagtaka ang hitsura niya. "B-bakit hindi? Isa siyang duwag at umaayon sa mga maling gawain ng heneral" napahinga ako ng malalim, paano na ang love story nila sa kwentong ito kung aayawan niya si Niyong?
"K-kasi... mabait naman si Niyong. Intindihin mo na lang na naiipit din siya sa sitwasyon" paliwanag ko pero mukhang hindi kumbinsido si Lolita. Paano na ito? Kailangan kong magawan ng paraan na ma-inlove ulit si Lolita kay Niyong dahil iyon ang nakatakdang mangyari sa aking istorya.
HINDI na ako nagsayang pa ng oras. Agad akong nagpalit ng damit at nagsuot ng talukbong, alas-diyes na ng gabi. Mas madali akong makakapasok sa pagamutan nang walang nakakaalam. Nang masiguro kong mahimbing nang natutulog sina Aling Pacing at Mang Pedro ay agad akong tumakas sa Panciteria at tinahak ang madilim na daan patungo sa pagamutan.
Wala pang kalahating oras ay narating ko na ang pagamutan. Nagtago ako sandali sa likod ng isang puno at pinagmasdan ang labas. May mga guardia civil na nagbabantay sa labas at marami ring apoy na nagsisilbing liwanag sa paligid.
Napahinga ako ng malalim, makakapasok ako doon gamit ang code ng mga espiya. Nagsimula na akong humakbang papalapit sa kanila, nang matanaw nila ako ay agad nila akong tinutukan ng baril. Gusto ko sanang bumalik na lang kaso baka paghinalaan nila ako at barilin kung kaya't nagpatuloy ako sa paglalakad habang nakataas ang kamay.
Nagsasalita sila sa wikang Espanyol, "Alas-sais nagbubukas ang tanggapan ng heneral" saad ko habang nakapikit ang aking mga mata sa takot. Ibinaba ng isang guardia ang kaniyang baril saka tumakbo papalapit sa akin. Umaliwalas ang mukha niya nang makilala niya ako, siya ang guardia na nagpapasok din sa akin noon gamit ang code na iyon.
Sumenyas siya sa mga kasamahan, ibinaba na rin ng mga ito ang mga baril na nakatutok sa akin. Lumingon sa akin ang guardia at tumango, senyales na sumunod na ako sa kaniya. Pagpasok sa loob ng pagamutan, bumugad sa akin ang kakaibang katahimikan. Walang ibang pasyente roon ngunit maraming mga doktor at manggagawa.
Tumuloy kami sa ikalawang palapag ng pagamutan. May anim na silid doon, tumigil ang guardia sa pinakadulong silid. Kumatok ito roon bago binuksan ang pinto, humakbang na ako papasok. Hindi ko alam kung bakit ang bigat ng puso ko habang nakatingin kay Sebastian na nakahiga sa kama at nababalot ng puting tela na may bahid ng dugo ang kaniyang balikat, braso at binti. May lubid ding nakatali sa kaniyang binti para hindi ito magalaw.
Nagbabasa siya ng libro, napatingin siya sa akin nang bumukas ang pinto ngunit ibinalik niya muli ang kaniyang mga mata sa libro na para bang hindi siya nagulat na makita ako muli. Nakalimutan na ba niya ako? Hindi naman ako character sa librong ito kaya posibleng makalimutan niya ako. Pero bakit naalala pa rin ako nila Aling Pacing, Mang Pedro at Lolita?
Posible ring hindi na rin niya ako naalala tulad nang makalimutan ko rin silang lahat nang makalabas ako sa nobela. "K-kumusta?" iyon ang unang salitang lumabas sa aking bibig. Karaniwang salita na siyang simula ng mahabang kamustahan. Hindi siya nagsalita, nagpatuloy lang siya sa pagbabasa. Ilang minuto pa ang lumipas, isinara na niya ang libro saka iniabot sa akin.
Nagsimula akong humakbang papalapit sa kaniya, hindi ko alam kung bakit niya sa akin inaabot ang bagay na iyon. Tumingin muna ako sa kaniya bago ko kunin ang librong iyon sa kaniyang kamay. Nanlaki ang mga mata ko nang makita na iyon nga ang lumang aklat na walang sulat at may nakatatak sa book cover na salitang Salamisim.
"Anuman ang aking gawin, walang tintang tumatalab sa pahina ng librong iyan. Hindi ko mawari kung bakit hindi ko iyan magawang sulatan" panimula niya, hindi ko malaman kung bakit dumadagundong ng malakas ang aking puso habang hawak ang librong iyon. Ibig sabihin, sinusubukan niyang sulatan at baguhin ang mga nakatakdang mangyari?
"Nang gabing iyon, hindi malinaw sa akin kung paano ka biglang naglaho nang mamatay ang liwanag sa loob ng selda" patuloy niya, hindi ako nakapagsalita. Napatitig lang ako sa kaniya, naalala niya ako. Naalala niya ang nangyari noong gabing iyon bago ako mawala sa kwento.
"Pilit kong iniisip kung paano ka nakatakbo sa gitna ng dilim at nakalabas doon nang ganoon kabilis? Halos sampung segundo lang siguro ang lumipas at muling sumindi ang apoy sa lampara. Ngunit nang bumalik ang liwanag, ika'y naglaho na" dagdag niya, may ideya na ba siya sa mga nangyayari?
"At ngayon, halos dalawang buwan ang lumipas. Naririto ka muli, hindi ko rin maintindihan kung bakit nagkataon na naroon ka rin kagabi. Pinili mo na bang umanib ng tuluyan sa mga tulisan? Kung gayon, bakit ka bumalik dito?" saad niya at sa pagkakataong ito ay alam kong seryoso talaga siya. Napatulala ako sa kaniya at pilit na iniintindi ang mga salitang binitiwan niya, mukhang iniisip lang niya na tumakas ako at sumapi na talaga sa mga rebelde.
Napalunok muna ako bago nagsalita, hindi dapat ako kinakabahan ng ganito sa harap ng isang character pero hindi ko alam kung bakit "U-umuwi ako sa amin. Nakalabas din ako sa selda noong gabing iyon, n-natakot kasi ako na baka hindi mo ako hayaang umalis at umuwi sa Bulakan kaya... Kaya tumakas ako nang mamatay ang liwanag" tugon ko, ang lakas ng kabog ng dibdib ko, sana maniwala siya. Hindi niya dapat malaman na isa lang siyang character sa isang nobela.
"Hindi ka taga-Bulakan. Walang Mary Faye Vasquez na naninirahan sa Bulakan. Wala ring pamilya Vasquez doon" saad niya na ikinagulat ko. Sinubukan niyang ipahanap ako. "P-paano mo nalaman ang pangalan ko?" imposible. Wala akong ibang sinabihan niyon.
"Nabasa ko sa iyong cedula na hindi rehistrado" tugon niya dahilan upang magtaka ako. Wala naman akong cedula. "A-anong cedula?" nabagok ba ang ulo nito ni Sebastian kung kaya't kung anu-ano ang sinasabi niya?
"Ang parihabang bagay na kinalalagyan ng iyong pangalan at larawan" tugon niya na parang inaalala ang bagay na iyon. Sinubukan niya pang ilarawan sa'kin ang hugis gamit ang kaniyang kamay pero hindi na niya itinuloy dahil napagtanto niya na hindi bagay sa isang kagalang-galang na heneral ang ginawa niya.
"Ah, 'yung ID ko!" saad ko dahilan upang siya naman ang magtaka "Aydi?" tanong niya, naalala ko na nakuha niya pala ang sling bag ko noon at mukhang pinakialaman niya. Bigla tuloy akong nahiya dahil ang panget ko pa naman sa voter's ID ko na nandoon sa wallet, bawal kasi ngumiti kaya mukha akong nalugi ng milyon.
"ID ang tawag ko doon" sinubukan kong ngumiti pero mukhang hindi pa rin siya kumbinsido sa paliwanag ko. "Maaari kang parusahan sa paggawa ng sariling cedula na walang pahintulot sa pamahalaan" seryoso niyang sabi, tumango-tango na lang ako. Mukhang kakambal ko na ang bilangguan, pati ba naman sa cedula doon pa rin ako babagsak.
"Hindi 'yon cedula, ano ko 'yon... parang palatandaan ko lang para kapag nawala ang gamit ko, may katunayan na akin iyon" ngiti ko ngunit hindi pa rin siya ngumiti. "Ngunit nagsinunggaling ka, hindi Tanya ang iyong pangalan" saad niya, napakunot tuloy ang aking noo, big deal ba 'yon? Mukha tuloy kaming mag-jowa na nagtatampuhan.
Napailing ako sa ideyang iyon, bakit ba puro kalokohan na naman ang tumatakbo sa isip ko. "Palayaw ko lang ang Tanya. Bawal ba ako magkaroon ng palayaw? Kailangan ba Mary Faye Vasquez ang sabihin ko? Mukhang mag-aapply ako ng trabaho sayo... Ah! Basta Tanya na lang itawag mo sa'kin" ngumiti ulit ako pero napakunot lang ang noo niya, hindi na naman siguro niya masundan ang sinasabi ko.
Sandaling naghari ang katahimikan sa paligid namin. Umupo ako sa bakanteng silya sa tabi ng kaniyang kama. Napakagat ako sa aking labi, gusto ko sanang itanong sa kaniya kung paano niya nasabi na mamamatay siya sa bilangguan. Ngunit hindi ko alam kung paano ko sisimulan.
"Ah. Sebastian, may sinabi ka sa'kin noon sa selda..." panimula ko, tumingin lang siya sa'kin.
"Kalimutan mo na. 'Di mo na siguro naaalala" patuloy ko. Dalawang buwan ba naman ang lumipas sa kwentong 'to. Siguradong hindi na niya matatandaan 'yung huling sinabi niya sa akin.
"Ukol sa aking kamatayan?" saad niya dahilan upang mapatingin muli ako sa kaniya. Nakatingin siya sa kisame, animo'y iniisip niya ang mga bagay-bagay na nangyayari sa kaniya.
"Paulit-ulit kong napapanaginipan ang aking kamatayan" patuloy niya saka tumingin sa akin. "Sa loob mismo ng seldang iyon, doon ako babawian ng buhay"
Tulala akong nakatitig sa kaniyang mga mata. Mga matang humihingi ng katarungan at kasagutan kung bakit ganoon ang magiging kahihinatnan ng kaniyang character. Umiwas ako sa kaniyang tingin, hindi dapat ako magpadala sa kaniyang sitwasyon ngayon.
"Aking nararamdaman na may kakaiba sa iyo" patuloy niya dahilan upang muli akong mapatingin sa kaniya. Alam na ba niya? May ideya na siya na akong ang author ng kwentong ito?
"Nagtatagpo ang ating landas sa gitna ng kaguluhan o kung may bagay akong natutuklasan. Ngunit sa kabila niyon, nagiging maayos naman ang lahat" muli siyang tumingin sa kisame.
"Sa aking palagay ay ikaw ang dahilan kung kaya't nagiging maayos ang pangyayari" hindi ko maintindihan kung ano ang gusto niyang iparating.
"A-anong ibig mong sabihin?" naguguluhan na talaga ako sa character niya. Hindi na dapat ako siguro makisama sa kaniya ng matagal dahil hindi dapat ganito ang kontrabidang binuo ko para sa istoryang ito.
Huminga siya ng malalim, "Hindi ko batid ngunit aking nararamdaman na may kakaiba kang kakayahan" tugon niya saka muling tumingin sa akin.
"Batid kong nakikita mo rin ang mga papel na kumakawala sa librong iyan. Huwag mo nang itanggi sapagkat nakita kong pinulot mo iyon noon sa aming koleksyon ng mga libro. Nakita mo rin iyon sa seldang tinutukoy ko" dagdag niya dahilan upang mas lalo akong kabahan.
Naghihinala na nga talaga siya. Kailangan kong pigilan ang pagtuklas niya sa katotohanan. Hindi ko alam kung anong pwedeng mangyari sa oras na malaman niyang isa siyang masamang character na magdudusa sa katapusan ng nobela. Hindi niya pwedeng guluhin ang aking istorya.
"Iyo ring nababatid na nakatakda kaming ikasal ni Maria Florencita. Walang ibang nakakaalam niyon bukod sa aming mga ama" napahawak ako sa tapat ng aking puso, hindi na ito maawat sa pagkabog ng malakas. Mas nakakabahala pa ito sa inaasahan ko, kailangan kong lituhin si Sebastian.
"A-ang totoo niyan, nakikita ko ang hinaharap" saad ko habang nakatingin ng diretso sa kaniyang mga mata. Ang sabi nila, para raw mapaniwala ang taong kausap mo na nagsasabi ka ng totoo ay tingnan mo ito ng diretso sa mata. Sandali siyang napatitig sa akin, sa huli tumingala muli siya sa kisame.
"Anong kahibangan ang dahilan na iyan? Mas mababang parusa ang aking ibibigay sa iyo kung iyong aaminin na matagal ka na talagang nagmamanman sa aming pamilya at sinadya mong kunin ang aking tiwala upang makakuha ng mga impormasyon sa pamahalaan" tila sanay na siya na palaging hindi pinagkakatiwalaan ninuman.
"Sabihin mo na lang ang katotohanan na kailanman ay hindi mo magagawang talikuran ang iyong mga kasamahan" saad niya, alam ko na kung bakit ako kinakabahan. Isinantabi ko ang kaniyang character at kusa akong pumunta dito para mahuli nila.
"Huwag mo na ring subukang tumakas dito. Ikaw ay napapalbutan ng aking mga tauhan. Dalawa lang ang iyong maaaring pagpilian" patuloy niya saka itinaas ang isa niyang daliri.
"Una, aminin mo ang lahat. Tumestigo ka sa hukuman laban kay Santino Cortes at sa pamilya nito" itinaas niya ang kaniyang ikalawang daliri. "Pangalawa, magmatigas ka hanggang sa bilangguan at hintayin ang pagsapit ng iyong kamatayan" wika niya sabay tingin sa'kin.
Napanganga ako sa gulat, seryoso ba siya? Napatindig ako. "Matapos kitang iligtas kagabi, ganito ang gagawin mo sa'kin?" Wow! Hindi na ako makapaghintay na makalabas sa nobelang ito at burahin siya ng tuluyan sa kwento! Pero paano ko naman gagawin iyon kung wala akong maaalala kapag nakalabas ako dito?
Napapamewang ako at tinuro ko siya, "Ginigigil mo talaga ako Sebastian. Nako! Humanda ka sa'kin, kapag nakabalik talaga ako sa bahay, ang una kong gagawin ay burahin ka sa manuscript ng Salamisim! Ipapa-take down ko rin lahat ng na-print ng libro! I-eedit ko ng bongga ang Salamisim at sisiguraduhin kong mabubura kayo ng daddy mo at walang bakas ang matitira sa inyo kahit balbas ni Don Antonio!" napahawak ako sa aking dibdib nang sabihin ko ang lahat ng iyon. Nauubusan na ako ng pasensiya at hindi ko na siya maintindihan.
Nagulat siya sa pagwawala ko, napakurap siya ng tatlong beses at gulat na nakatingin sa'kin. Lumapit pa ako sa kaniya at tinuro ko siya, nasindak siya sa ginawa ko.
"At kung hindi ka naniniwala na kaya kong makita ang hinaharap. Tandaan mo ito, magkakaroon ng malakas na bagyo sa loob ng tatlong araw na tatagal din ng tatlong araw. Masisira ang mga pananim at magugutom ang mga tao. Kapag nangyari iyon, sisisihin nila ang pamahalaan. Mag-aalsa ang taumbayan at wala kayong magagawa roon. Lalakas ang pwersa ng mga rebelde dahil sa sakunang mangyayari" naglakad na ako ng mabilis papunta sa pinto, ngunit bago ko buksan iyon ay napalingon muli ako sa kaniya.
"Kapag hindi nangyari 'yon, pwede mo na akong hulihin at ikulong, ipabitay mo na rin ako kung gusto mo" buwelta ko sa kaniya saka binuksan ang pinto at sinarado iyon ng malakas nang makalabas ako.
Nasindak din sa'kin ang guardia na nagbabantay sa labas ng kwarto ni Sebastian. Hindi niya alam kung pipigilan niya ba ako o hindi pero hindi na rin niya ako sinundan pababa, siguro ay sinenyasan na siya ni Sebastian na hayaan na lang ako makalabas sa pagamutan.
LUMIPAS ang ilang araw, sinalanta ng malakas na ulan at hangin ang buong bayan at mga kalapit na lalawigan. Bumaha sa daan at nasira ang mga pananim dahil sa bagyo. Hindi kami nahirapan sa Panciteria dahil sumunod agad sila sa'kin nang sabihin ko na iakyat na namin ang mga mahahalagang gamit sa ikalawang palapag ng bahay at pagtibayin ang bubong bago pa sumapit ang bagyo.
Halos tatlong araw lang ako sa loob ng kwarto ni Amalia. Medyo masikip din dahil naroon ang ilang gamit sa kusina. Hindi na kasya sa kwarto nila Aling Pacing.
Pilit kong pinapagana ang phone ko na may basag na ngayon pero ayaw nitong bumukas. Wala tuloy akong mapaglibangan. Make up, payong, wallet, alcohol, tissue at 'yung printed copy ng drawing ko kay Sebastian lang ang laman ng bag ko. Bukod pa sa mga balat ng candy, bus ticket at resibo na nagkalat sa loob.
Naiinis pa ako habang pinagmamasdan ang sketch na drawing ko kay Sebastian. Bakit kahit hindi ko maalala ang lahat noong ginuguhit ko iyon, naalala ko pa rin ang hitsura niya. Napasabunot na lang ako sa aking sarili dahil sa inis. Tama rin naman ang mga sinabi niya, nababahala din siya kung bakit pakiramdam niya ay malapit na siyang mamatay.
Makalipas ang tatlong araw ng pagsalanta ng bagyo. Tulong-tulong ang mga tao sa pagpapahupa ng baha at paglilinis ng kanilang mga bahay. Nagtaklob ako ng balabal at naglakad-lakad sa gitna ng daan. Pinagmasdan ko ang paligid, hindi ko mapigilang maawa sa kalagayan ng mga tao.
May mga umiiyak dahil nasira ang kanilang mga bahay, negosyo at pananim. Maging ang mga mangingisda ay naluluha rin sa sinapit ng kanilang mga bangka. Maputik ang buong paligid dahil gawa sa lupa ang mga kalsada.
Nagkalat din ang mga piraso ng bahay, bubong at ilang kagamitan sa daan na inanod ng baha. Napatitig ako sa aking suot na bakya na ngayon ay lubog na rin sa putik. Makulimlim ang langit at nababalot ng kalungkutan ang lahat.
Sa mundong ito, ako ang may kapangyarihan. Ako ang may kakayahang magtakda ng mga mangyayari. Mga pangyayari na aayon sa takbo ng kwento. Mga eksena na kapag pinagtagpi-tagpi ay hahantong sa isa pang eksena. Walang dapat mabago at maiba dahil kailangang mangyari ang mga ito para sa daloy ng nobela.
Ngunit bakit pakiramdam ko ay hindi ito tama? Na may mga magsasakripisyo at masasadlak sa hirap na siyang pagkukunan ng lakas ng mga bida. Kailangan nilang malapagpasan ito maging ang iba pang character sa story.
At sa kabila niyon, makikinabang ang lahat hanggang sa wakas ng kwentong ito. Ngunit may isang character na mamamatay sa bilangguan at magbabayad sa lahat ng kasalanan ng kaniyang pamilya. Iyon naman ang mga dapat mangyari sa mga kontrabida hindi ba?
Kailangan nilang pagbayaran ang kasalanang ipinataw ng author sa kanila. Dahil iyon ang dapat nilang gampanan. Ang maging hadlang sa istorya. Sila ang hahadlang at pipigil sa mga bida na makamit ang kaligayahan sa katapusan ng kwento.
Mas lalong bumigat ang aking damdamin habang pinagmamasdan ang sira-sirang paligid na lubog sa putik at ang nararamdaman ko sa malungkot na sasapitin ng character ni Sebastian. Ilang sandali pa, nagulat ako nang biglang may puting panyo sa harapan ko.
Gulat akong napalingon sa aking tabi, "Hindi ba't nakita mo na ito sa iyong pangitain? Mas nababawasan ang sakit kapag alam mo at handa ka sa mangyayari" wika ni Sebastian, naninibago ako dahil hindi siya nakadamit pang-heneral.
Nakasuot siya ng itim na coat at itim na sombrero. Hindi ko na dapat kunin ang panyong inaabot niya pero hindi ko namalayan na hawak ko na pala iyon. "Naniniwala na ako sa iyo. May kakayahan kang makita ang hinaharap" patuloy niya habang nakatingin din sa paligid.
"Hindi ko hinihiling na tulungan mo ako. Ngunit ibig ko lang sana malaman kung ano ang magiging dahilan ng aking kamatayan? Bakit ako nagsusumamo, lumuluha at naliligo sa sariling dugo sa loob ng seldang iyon hanggang sa bawian ako ng buhay?" napatitig ako sa puting panyo na binigay niya, may mga bulaklak at dahong nakaukit doon.
Napapikit ako at huminga ng malalim bago nagsalita, "Bakit mo ibig alamin? Hindi ka ba natatakot sa mga malalaman mo?" namamanhid ang aking mga kamay. Malamig ang simoy ng hangin at nagsimulang umambon nang marahan.
Nagulat ako nang bigla niyang itaas ang kaniyang kamay at buksan ang isang payong de hapon na kulay pula upang hindi kami mabasa ng ulan.
Dahan-dahan akong napatingin sa kaniya, hindi ko alam kung kanina pa siya nakatingin sa akin o ngayon lang. "Kung sakaling matuklasan ko na kasalanan ko rin naman kung bakit ko sasapitin iyon. Buong puso ko itong tatanggapin. Ngunit, paano kung hindi?" hindi ako nakapagsalita, tuluyan na akong napatigil sa mga salitang binitiwan niya at sa mga mata niyang nakikiusap sa akin.
"Hindi ko ibig mamatay nang walang dahilan, Faye" saad niya na sinabayan ng dahan-dahang pagbagsak ng ulan na tulad ng luha niyang humihingi ng kaligtasan.
*********************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top