Kabanata 6
[Chapter 6]
NAPAPIKIT ako nang biglang may liwanag na tumapat sa aking mukha. "Ma'm, bawal po pumasok diyan" wika ng isang lalaki.
"Faye! Halika nga, baka makasira ka diyan" narinig ko ang boses ni Pia. Sinangga ko ang aking kamay sa liwanag ng flashlight na hawak ni kuya na nakatutok sa akin.
Nasa likuran niya ang tatlong estudyante na ngayon ay nakatingin din sa akin. Pumasok si Pia sa selda, hinawakan ang kamay ko at inalalayan akong makalabas doon. "Sorry kuya, mahilig lang talagang mag-explore 'tong friend ko. Lalo na sa mga makalumang bagay" ngiti ni Pia kay kuya sabay lingon sa selda kung nasaan ako kanina.
"Mukhang wala naman pong nasira ang friend ko sa loob. Check niyo pa po kuya" patuloy ni Pia. Naglakad si kuya papalapit sa selda at sumilip sa loob.
"Hindi pa po kasi fully reconstructed ang area na 'to. Lalaygan pa namin ng mga bakal at dadagdagan ng semento" wika ni kuya saka nagpatuloy na sa paglalakad, agad sumunod sa kaniya ang tatlong estudyante at muli itong nagbiruan at nagtakutan.
Nakapulupot naman ang kamay ni Pia sa braso ko. Hindi ko alam kung bakit ang bigat ng ulo ko at parang nahihilo ako. "Hindi na dapat ako susunod e, kaso naalala ko sayang naman pinunta natin dito kung hindi ako makakapasok dito sa dungeon" saad ni Pia, nilabas na niya ang phone niya at nagsimulang kumuha ng mga larawan sa loob.
Nang makalabas na kami sa dungeon, mas lalo akong nakaramdam ng hilo. Nakakapit lang ako kay Pia para sumunod kung saan kami pupunta at para hindi ako mawalan ng balanse. "Salamat po sa pagbisita sa makasaysayang bilangguang ito. Nawa'y nag-enjoy po kayo" paalam ni kuya, nagpasalamat ang lahat sa kaniya, nagpa-picture pa ang tatlong estudyante kay kuya.
Nauna kaming naglakad ni Pia pabalik sa parking lot. Hindi pa kami nakakalayo sa Fort Santiago nang mapatigil ako sa paglalakad. "Faye, are you alright?" tanong ni Pia saka hinawakan ang balikat ko. Nakayuko na ako at nakahawak sa aking magkabilang tuhod.
"Ang sakit ng ulo ko" napahawak ako sa aking ulo, inaatake na naman siguro ako ng migraine. "May dala ka bang gamot?" nag-aalalang tanong niya saka yumuko para makita ang hitsura ko. Tumango ako ng marahan, "Nasa kotse" agad akong inalalayan ni Pia pabalik sa sasakyan.
Pagdating sa loob ng kotse, agad niyang hinanap ang gamot at inabutan ako ng tubig. "Hindi na dapat kita niyaya dito, pagod ka pa kahapon sa booksigning" saad ni Pia, nararamdaman kong nakonsensiya siya. Nakaupo siya ngayon sa driver's seat at ako naman sa passenger's seat. Ibinalik ko na ang bottled water sa lagayan nito saka sumandal at ipinikit ko sandali ang aking mga mata.
"Okay lang 'yon, gusto ko rin naman mamasyal at makapunta sa dungeon" sagot ko habang nakapikit ang mga mata. Inabot niya sa'kin ang phone ko, "Kapag tumawag diyan si Henry, 'wag mo sagutin. Blinock ko siya sa lahat ng account ko pati sa phone ko. Nakakainis 'yung mga ganong lalaki, pati mga kaibigang babae pinagseselosan dahil lang wala raw akong time sa kaniya. Ang immature niya" reklamo ni Pia saka pinaandar na ang kotse.
Iminulat ko ang aking mata at inilagay ko sa bag ang aking phone, ngayon ko lang napansin na nawawala ang isang pares ng sapatos ko. "Pi, 'yung sapatos ko" saad ko sabay turo sa paa ko. Hindi ko namalayan kanina siguro dahil parang lumulutang ang ulo ko at hindi ko masyadong maramdaman ang katawan ko habang naglalakad kami papunta sa parking. Bukod doon ay kakaunti lang ang ilaw sa paligid kaya hindi rin siguro napansin ni Pia na isa na lang ang suot kong sapatos.
"Girl, naiwan mo ata doon sa dungeon!" gulat na saad niya, "Tara, balikan natin" iiikot na sana niya ang sasakyan pabalik pero pinigilan ko siya. "Wag na, maabala pa natin sila. Gusto ko na rin umuwi, ang sakit talaga ng ulo ko" napatingin sa akin si Pia, pinagpatuloy na lang niya ang pagmamaneho.
"Ano bang nangyari sayo? Parang okay ka naman kanina?" kahit nakapikit ako, nasisilaw ako sa mga liwanag mula sa mga kasalubong na sasakyan. "Hindi ko rin alam kung bakit biglang sumakit ulo ko. Usually, nararamdaman ko na sasakit na ang ulo ko ng dahan-dahan pero ngayon biglaan na lang" tugon ko, naramdaman kong diniinan niya ang gas pedal dahilan upang bumilis ang sasakyan. Nasa maluwag na kalsada siguro kami.
"And ang dangerous ng ginawa mo kanina ah, buti na lang mabait si kuya, hindi niya tayo pinagbayad nung pumasok ka doon sa restricted area na kulungan" wika niya, kahit nakapikit ako, parang alam ko kung nasaang lugar na kami. Tinatahak namin ngayon ang kahabaan ng Roxas boulevard. "Bakit ka ba pumasok doon kahit alam mong bawal?"
Sa pagkakataong iyon ay dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata dahil sa tanong niya. Nasa Roxas boulevard nga kami, nagtataasang mga building at hotel ang nasa bandang kaliwa, habang nasa kanan naman ang manila bay at ang mga yate na naroroon. May mga tao na namamasyal sa tabing-dagat at manilaw-nilaw ang kulay ng buong paligid dahil sa mga ilaw mula sa poste.
Hindi ako nakasagot sa tanong ni Pia kung bakit ako pumasok sa seldang iyon. Ang totoo, hindi ko maalala kung bakit. Ang huli kong natatandaan ay nagbibiruan ang mga kasama kong estudyante at tinanong nila si kuya kung ilan na ang namatay doon.
NAGISING ako sa lakas ng alarm, kusot-mata kong pinatay iyon saka dahan-dahang bumangon sa kama. Pagkauwi namin ni Pia kagabi, naabutan kong nanonood pa ng movie sina mama at papa sa salas. Nag-aaral naman ang kapatid ko sa kwarto niya. Dumiretso ako sa kwarto at dahil sa bigat ng ulo ko ay nakatulog ako sa kama nang hindi man lang nakakapaghilamos o nakakapagpalit ng damit.
Napatitig ako ngayon sa wall clock at calendar na nakasabit sa ibabaw ng study table ko. 6:07 am, July 10, 2017. Monday.
Bumangon na ako sa kama at agad naghanda papasok sa trabaho. Kumpara kagabi ay mas magaan na ang ulo ko lalo na nang makaligo ako. Black jeans, light blue hoodie, white sneakers ang sinuot ko. Itinali ko rin ng bun ang buhok ko, isinuot ang aking silver vintage style eyeglass at small backpack na color white.
Pababa pa lang ako ng hagdan pero naamoy ko na agad ang sinangag, egg, hotdog at bacon na niluluto ni mama. Nasa mesa na rin ang kapatid ko, kumakain habang nag-rereview dahil exam nila mamaya. "Good morning" bati ko saka umupo sa tabi ng kapatid ko na pinagsasabay ang pagbabasa sa notes niya at ang pagkain.
"Okay na ba ang pakiramdam mo?" tanong ni mama, parang nabanggit ko nga kagabi pagpasok ko sa bahay na masakit ang ulo ko nang tanungin ako ni mama kung kumain na ba ako. "Yes, ma" nagtimpla na ako ng kape, mapait-pait na kape na may creamer ang gusto ko. Halos hindi malasahan ang asukal.
"Mag-dedebut na pala si Fate, anong balak mo anak?" tanong ni mama, hindi ko alam kung ako ba ang tinatanong niya na siyang nangako na gagastos sa birthday ng kapatid ko o ang kapatid ko na siyang mag-bibirthday.
Tumigil si Fate sa pagbabasa at tumingin kay mama, "Ma, I told you, I don't like parties" saad nito, umaangal siya dahil gusto talaga ni mama na mag-debut siya at magsuot ng gown. Pero alam naming lahat na hindi iyon ang hilig niya. Mas gusto niyang kumain na lang kami sa labas at mag-hiking sila ng mga kaibigan niya.
"Okay. Okay. No parties" tawa ni mama saka inilapag sa mesa ang toasted bread. Kumuha ako ng isa, hindi ko alam kung bakit parang hindi ko magawang maging masaya ngayon. Pagkatapos namin kumain, inihatid ko si Fate sa University na pinapasukan niya sa Manila.
Abala pa rin siya sa pagrereview habang nakaupo sa passenger's seat at ako naman ang nagmamaneho ngayon. "Fate, have you ever felt incomplete after a dream?" tanong ko, sinubukan kong lumingon sa kaniya pero mas abala ako sa pagtingin sa mga side mirrors dahil sa mga motorsiklo na panay ang singit sa gilid ngayong traffic.
"What do you mean? Ate" tanong din ang isinagot niya sa akin. Ni hindi niya ako tiningnan dahil abala pa rin siya sa pag-aaral. "I dreamed of something na hindi ko maalala, pero I have this feeling na mahalagang maalala ko ang nangyari doon sa panaginip" saad ko, napakunot ang noo ni Fate and finally tumingin na siya sa'kin.
"Ang gulo ate. Why do you need to remember something unimportant? Sometimes dreams are the manifestation of the things that we're thinking. Like for example, nanood ka ng zombie, horror or dinosaur movies. There's a higher chance na mapanaginipan mo 'yon" paliwanag ni Fate, napatango ako sa sinabi niya. Bukod sa Psychology student siya, madalas din mangyari sa akin iyon, napapanaginipan ko 'yung mga bagay na lagi kong iniisip.
"And according to Freud, dreams are the result of our unconscious desires and thoughts. Baka you want something but you can't figure it out" dagdag niya, nag-green na ang stop light. "Maybe you're right, nag-ooverthinking lang siguro ako" saad ko sabay ngiti. Tumango-tango naman si Fate.
"It's also possible na you're anxious over something. 'Wag ka na ma-pressure sa work ate" napabuntong hininga muli ako sa sinabi niya. Tama si Fate, baka masyado lang din akong na-pepressure sa mga deadlines ko sa work at lalo na sa boss kong masungit.
TULALA akong nakatitig sa reflection ko sa elevator. Mula sa basement parking hanggang sa first floor kung saan bumukas ang elevator at pumasok ang mga ibang empleyado. Malapit ako sa floor buttons, kani-kaniyang pindot ang mga pumasok.
"Hey, Faye, okay ka lang ba?" natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Mike. Napatingin ako sa tabi ko, hindi ko namalayan na siya pala iyon.
"Hangover?" ngiti niya, napangiti na lang din ako. Siguradong iniisip na ng ibang kasama namin sa elevator na nagwalwal ako kahit alam kong Monday na Monday kinabukasan. "Joke lang" bawi niya. Palangiti at palabiro siya. Marami ring nagkakagusto sa kaniya.
Katrabaho ko si Mike, sa IT department siya at madalas siya ang nag-aayos ng desktop ko kapag nasisira ito.
Bumukas ang elevator, nasa 6th floor na kami. Bumaba ang ilang empleyado doon, natira kaming apat sa loob. "Hindi ba pwedeng puyat lang? Ang judgemental mo" tugon ko na pinalitan niya lang ng ngiti. Hilig niya akong asarin lalo na kapag seryoso ako sa trabaho. Kung minsan ay lolokohin niya pa ako na hindi niya maaayos agad ang computer ko dahilan para ma-delay lalo ang mga trabahong kailangan kong tapusin.
"Ah, may booksigning ka nga pala nung Saturday. Congrats! Penge naman libro" hirit niya, bumukas na muli ang elevator. Nasa 10th floor na kami, ang opisina namin. Nauna akong lumabas, nakasunod naman siya sa'kin hanggang sa mag-log in kami sa biometrics.
"Buraot ka. Hindi ka naman nagbabasa" bawi ko sa kaniya na tulad ng dati ay tinawanan lang din niya.
"Kaya nga magbabasa ako, first time kong magbabasa ng story" ngiti niya, dumiretso na ako sa area namin. Sa kabila naman ang area nila, "Basta penge akong libro ha" kaway niya saka nagtungo sa kabilang dulo.
"Faye, crush ka talaga niyan ni Mike. Mga damoves niya oh" bungad ni Quin, naglalagay siya ng make up at nag-aalmusal sa desk niya. Magaling din siya sa fashion designing, madalas din siyang nananalo sa mga gay pageant na sinasalihan niya.
"Ang issue mo rin 'no" inilapag ko na ang bag ko sa tabi saka bumagsak sa upuan. Ang bigat ng pakiramdam ko pero wala naman akong sakit.
Napalingon ako kay Quin na abala pa rin sa paglalagay ng kolerete sa mukha. Agaw pansin din ang buhok niyang kulay pula na sobrang tingkad. Apat lang kami sa Creative design apartment. Karamihan sa mga ginagawa namin ay mga graphic contents na related sa arts, videos o overall plan para media company kung saan kami nagtatrabaho.
"Quinee, naaalala mo ba 'yung mga napapanaginipan mo?" tanong ko sa kaniya, napaisip naman siya pero abala pa rin siya sa pag-aayos sa sarili.
"Oo naman!" ngisi niya, inikot ko ang swivel chair na inuupuan ko paharap sa kaniya. "Talaga? Naalala mo ng buo? Diba parang kadalasan ilang parts lang ng panaginip 'yung naaalala natin?" sunod-sunod kong tanong. Bigla namang tumawa si Quin sabay pungay ng mata.
"Girl, sa panaginip na nga lang ako nagkakajowa, lumiligaya at nakakrating sa heaven. Kakalimutan ko pa ba 'yon?" tawa niya na parang kinikilig. Biglang nawala ang ngiti ko, ibang panaginip pala ang tinutukoy niya. Humarap na ako sa desktop at binuksan iyon. Napabuntong-hininga na lang ulit ako sa dami ng projects na nakatambak sa'kin.
LUNCH time, wala akong gana kumain. Pumunta na rin ako sa clinic para magpa-checkup sa company nurse pero wala naman daw akong sakit. Puyat lang daw ako o kulang sa nutrisyon kaya binigyan niya ako ng vitamins.
Nakatayo ako ngayon sa tapat ng vending machine para bumili ng kape. Tulala lang ako sa cup habang napupuno ito ng mainit na kape. Hindi ko alintana ang ingay sa pantry ng ibang empleyado. Nasa graden naman ang mga gustong manigarilyo.
"Hangover pa rin?" natauhan ako nang marinig ko ulit ang boses ni Mike. Naghulog siya ng barya sa vending machine at hinintay ang kape niya. "Hindi nga ako uminom" saad ko pero ngumiti lang siya. Itim na tshirt ang suot niya at itim na salamin sa mata.
"Hindi ka sumama nung Friday, birthday ko pa naman. Nag-inuman kaming lahat. Tapos di ka mag-aaya ng inuman kahapon" tawa niya, napangiti na lang din ako. Basta may maiasar lang siya sa'kin buo na ang araw niya. "Puro ka inom, hindi na ako magtataka na lalaki tiyan mo balang araw" buwelta ko sabay turo sa tiyan niya. Tumawa lang siya.
Kinuha na niya ang kape niya pero nanatili lang kaming nakatayo roon sa tapat ng vending machine. "Uh, Mike. Hindi ba medium ang lola mo?" kanina ko pa iniisip iyon mula nung makita ko siya sa elevator at habang ginagawa ko 'yung trabaho ko. Hindi mawala sa isip ko na kumunsulta sa isang medium o manghuhula.
"Yeah, why? Gusto mong magpahula?" tanong niya, napatingin ako sa kaniya. Hindi naman niya akong mukhang hinuhusgahan o ano. "Yung friend ng friend ko kasi, gusto sanang lumapit sa isang medium" ngiti ko. Tumango-tango siya "Around Quiapo area 'yung tirahan ni lola, pero hindi pa rin sila good terms ni dad. Hindi kasi naniniwala ang parents ko sa practice na ginagawa ni lola"
"E, ikaw? Naniniwala ka?" napaisip siya sa tanong ko sabay inom ng kape pero napakunot ang mukha niya dahil mainit pa ito at mukhang napaso ang dila niya.
"Honestly, hindi. Madalas ako hulaan noon ni lola, minsan nagkakatotoo, minsan hindi. Depende na rin siguro, you know depende rin sa tao at sa sitwasyon"
"Kaya rin ba ng lola mo magpaliwanag ng panaginip?" napaisip ulit siya. Nagtataka na siguro siya sa dami ng tanong ko. "I guess oo, hindi ba kasama naman 'yon sa job description nila?" natawa ako sa sinabi niya dahilan para matawa na lang din siya.
"Ano bang panaginip ang ipapa-interpret mo?" tanong niya, sa pagkakataong iyon nawala ang ngiti ko at muling bumalik ang pag-aalala ko sa aking sarili. Kung bakit ako nagkakaganito.
"Ah, basta... Mahabang panaginip" tugon ko sabay ngiti. Ang totoo, hindi ko talaga maalala ang mahabang panaginip na iyon pero parang may kung ano sa damdamin ko na gustong-gusto kong alalahanin iyon. "If gusto mo ng kasama, sasamahan kita kay lola"
"I mean, if gusto ng friend ng friend mo pumunta kay lola, sasamahan ko kayo" bawi niya. Bakit ba ginamit ko pa 'yung friend ng friend excuse. "Basta libre niyo ko" habol niya sabay ngiti.
LUMIPAS ang isang linggo, dalawang beses akong napagalitan ng boss kong maldita. Marami siyang pinapa-revise na drafts kaya halos gumapang na kami nila Quin para matapos iyon kahit hatinggabi. Nakatulong din ang pagiging busy ko para hindi ko na alalahanin pa ang panaginip na hindi ko maalala.
Isang beses, hindi ko namalayan na iba na pala ang na-dadrawing ko. "Sis! Ano 'yan? Diba chef ang i-dadrawing mo? Bakit naka-general outfit 'yan?" tanong ni Quin habang inuusisa ang drawing ko sa desktop pero hindi pa ito tapos. Natauhan ako at tiningnan kong mabuti ang aking gawa, ano 'tong ginuguhit ko?
Buburahin ko na sana iyon pero biglang pinindot ni Quin ang ctrl + P sabay enter dahilan upang maprint ito. "Oh, macho papa! Ano 'to Faye? Jowa mo ba 'to?" tawa ni Quin nang makuha niya ang printed na kopya nito. Hindi ko pa tapos ang sketch pero malinaw na isang gwapong heneral ang nagawa ko sa halip na isang chef para sa promotion ng cooking show ng kompanya.
Hindi ko alam kung bakit gano'n ang kinalabasan ng drawing ko pero sobrang nahihiya ako dahil pinagkakalat ni Quin sa office na may nakilala akong foreigner sa dating app na jowa ko na ngayon.
Next month na rin ang birthday ni Faith. Nagpa-reserve na ako ng table sa isang buffet. Hinigian ko na rin siya ng itinerary sa plano niyang hiking kasama ang mga kaibigan niya sa susunod na linggo. Patuloy din ang promotion ng libro kong Salamisim at sa susunod na Huwebes ay magkakaroon kami ng meeting para sa movie pitching nito sa isang production company.
Sinulat ko na ang lahat ng agenda at schedule ko sa aking kalendaryo. Halos mapuno na iyon ng pulang marka. "Faye, come on, let's go home na. I can't feel my fingers na" reklamo ni Quin, bakas sa boses niya na antok na antok at pagod na siya. Pinatay na namin ang desktop, kinuha ang bag at naglakad papunta sa elevator.
"I'm planning to work abroad na talaga sis. Maaga akong tatanda at matetegi dito. Hindi ko na nagagawa ang skin routine ko every night dahil lagi na lang tayong overtime here. Sinusumpa ko talaga 'yang boss nating mangkukulam" hindi na maawat si Quin sa kakareklamo at pagsumpa sa maldita naming boss. Tumatango at natatawa na lang ako sa mga sinasabi niya dahil parang magandang ideya rin naman iyon. Lalo na 'yung papalunukin niya daw ng fire extinguisher ang dragon naming boss para hindi na ito makabuga ng apoy.
"Alright sis, ingat ka. Baka dalawin pa tayo sa panaginip ng bruha nating boss" tawa niya sabay beso sa'kin. Sumakay na siya sa jeep habang ako naman ay naglakad pa ng kaunti sa kahabaan ng Sta. cruz para mag-abang ng bus. Coding ako ngayon kaya hindi ko nadala ang sasakyan.
Nakatayo ako sa tapat ng main building ng Post Office. Alas-diyes na ng gabi pero buhay na buhay pa rin ang Manila. Nag-aabang ako sa last trip ng bus na dadaan dito sa tapat, nakasuot ako ng earphones habang pinapakinggan ang Tears in Heaven by Eric Clapton.
Ilang sandali pa, nag-vibrate ang phone ko. Binuksan ko ang bag para tingnan kung sino ang tumatawag. Ngunit tumigil na rin ito at bumalik ang music. Isasara ko na sana ang bag ko nang makita ko ang nakatuping papel, ang printed copy ng sketch ng isang heneral na hindi ko matandaan kung sino at hindi ko rin kilala.
Isinara ko na ang bag, ngunit may natapakan akong papel. Dahan-dahan kong pinulot iyon, nagtataka akong napatingin sa lumang papel na walang sulat. Nanlaki ang aking mga mata nang maalala ko na may nakuha akong ganon sa paper bag pagkatapos ng booksigning noon. May nakita rin akong tulad ng papel na iyon sa dungeon!
Napansin ko na dumami ang papel na ngayon ay nililipad na. Napalingon ako sa paligid, hindi tamang magkalat dito. Mukhang wala rin namang pakialam ang mga taong nasa paligid. Isa-isa kong dinampot ang mga papel na nililipad ng hangin para itapon iyon sa basurahan.
Nang makuha ko na ang ilan, agad akong dumeiretso sa basurahan at itinapon iyon. Napatigil ako nang makita ang isang pamilyar na lampara na nasa gilid ng basurahan. Dahan-dahan kong kinuha iyon at sandaling pinagmasdan. Bakit may lampara dito sa gitna ng kalsada?
Animo'y parang tinatawag ako ng liwanag mula sa lumang lampara. Unti-unting humihina ang ingay sa paligid na parang binabawasan ang volume nito hanggang sa mawala at maging ang apoy sa lampara ay biglang namatay.
Tinaktak ko ang lampara, hindi ko alam kung paano gamitin iyon pero mukhang effective naman dahil sumindi muli ang apoy sa loob nito. Namatay din ang kanta sa earphones ko at nang bubuksan ko sana ang bag ko para kunin ang phone laking gulat ko nang makita na nakatayo ako sa lupa.
Napalingon ako sa paligid, walang semento, walang kalsada, nawawala rin ang Post Office, mga sasakyan, mga taong naghihintay ng jeep at bus. Wala ring mga poste ng ilaw at ang tanging nangingibabaw ay katahimikan sa gitna ng gabi.
May mga bahay na gawa sa kahoy mula sa di-kalayuan pero gawa sa patag na lupa ang kalsada at maraming puno sa gilid. Parang nasa isang barrio ako na may iilang kabahayan. Malalim na ang gabi at ingay mula sa kuliglig ang aking naririnig.
Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan. Hindi ko rin alam kung anong nangyayari pero parang pamilyar ang paligid. Ilang sandali pa, isang malakas na sigawan ang narinig ko mula sa likuran. Nang lumingon ako ay nakita ko ang sugatang mga guardia civil na nagtatakbuhan habang hinahabol sila ng mga tulisan.
Sakay ng kabayo ang heneral na sa pagkakataong iyon ay duguan din at tinutugis ng mga rebelde. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko ang lalaking iyon! Siya ang nasa larawan! Sunod-sunod na putok ng baril ang sunod na umalingangaw sa paligid.
Nahulog sa kabayo ang heneral at bumagsak sa lupa. "Heneral Guerrero!" sigaw ng isang kawal saka pinagtanggol ang pinuno laban sa isang tulisan na may hawak na itak. Sa pagkakataong iyon ay unti-unti kong naalala at naintindihan ang lahat ng nangyayari. Ang inakala kong panaginip na hindi ko maalala ay nabigyang linaw na muli.
Ito ang eksena sa Salamisim na kung saan umatake ang rebeldeng grupo sa pangunguna ni Berning nang hindi nalalaman ni Lorenzo. Hindi ako makapaniwala na nasa loob ulit ako ng kwento!
**********************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top