Kabanata 4

[Chapter 4]

ILANG ulit kong ginuguhit sa lupa ang mga pangalan ng characters sa istorya ko. Nasa likod ako ng kusina ng panciteria ni Aling Pacing. Kakaalis lang ni Sebastian at ng mga kawal na kasama niya. Malalim na ang gabi at maliwanag ang kabilugan ng buwan. Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang ginawa niya kanina.

"Alas-sais nagbubukas ang tanggapan ng heneral" bulong niya dahilan upang tuluyan na akong hindi makagalaw sa gulat dahil ang code na iyon ay siyang ginagamit ng mga espiya.

Naramdaman kong humakbang na siya paatras, "Babalik na lang ho kami bukas ng mas maaga" saad ni Sebastian na ikinatulala nina Aling Pacing at Mang Pedro, siguradong kinabahan sila sa pag-aakalang aarestuhin sila ng mga guardia, kakain lang pala ang mga ito.

Maging ako ay tulala ring nakatalikod sa kanila suot ang balabal na ipinatong ni Sebastian sa ulo ko. Noong una ay hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa iyon pero nang subukan kong lumingon sa kanila, naroon din ang mga guardia na kasama niyang nagparusa sa mga bilanggo na siguradong makikilala ako.

Sumakay na sila sa mga kalesang nakaabang sa labas ng Panciteria. Nang makaalis na ang mga ito ay napahawak na lang si Mang Pedro sa katabing silya, nanghina ang kaniyang tuhod sa kaba.

"Ngayon ko lang nasilayan ng ganoon kalapit ang binatang anak ni Don Antonio, kay guapo" wika ni Aling Pacing, kumpara sa kanilang dalawang mag-asawa mukhang hindi naman nataranta si Aling Pacing sa pagdating ng mga kawal.

"Mapanganib ang heneral na iyon" saad ni Mang Pedro na napahawak pa sa kaniyang dibdib.

"Oh, Tanya hija, ikaw ba ay lalabas?" tanong ni Aling Pacing dahilan upang matauhan ako. Agad kong tinanggal ang balabal saka umiling.

"M-may tao po kaya sa palikuran?" pag-iiba ko ng usapan, hindi ko na hinintay ang sagot ni Aling Pacing, mabilis akong naglakad papunta sa palikuran at sinarado iyon. Hindi ko malaman kung bakit ako kinabahan ng gayon, gulong-gulo na ako sa character ni Sebastian!

Napatitig ako sa pangalan niya na isinulat ko sa lupa, binilugan ko iyon. "Kalaban si Sebastian, syempre alam niya ang code ng mga espiya ng pamahalaan na ginagamit para tugisin ang mga rebelde. Pero bakit niya sinabi sa akin iyon? Iniisip ba niyang kasapi ako sa mga rebelde at gusto niyang maging espiya ako sa grupo at ibalita sa kaniya ang lahat?" napatayo ako nang pumasok sa utak ko ang ideyang iyon. Wow! Gagawin pa akong trahidor ng character na 'to ha!

Inihagis ko na ang batong hawak ko na siyang ginamit ko para iguhit ang mga pangalan ng character at binura ang mga iyon gamit ang aking paa. Napatingin ako sa suot kong bakya, ang sakit din pala nito isuot araw-araw.

Napatigil ako nang maalala ko na nawawala nga pala ang isang piraso ng white shoes ko. Siguradong naiwan iyon sa bilangguan. Maging ang sling bag ko ay nawawala rin, 'yung denim skirt at white long sleeve shirt ko na may nakasulat na Hope lang ang naitago ko ngayon dito.

Kinagat ko ang aking daliri, isang mannerism na palagi kong ginagawa kapag nag-iisip ako ng mabuti. Ngunit napadura rin ako nang maalala kong humawak pala ako sa lupa kanina. Babalik na lang sana ako sa loob ng panciteria nang biglang may isang lalaki ang mabilis na lumundag papasok sa bakod.

Napatigil ito at gulat ding napatingin sa akin, hindi niya siguro inaasahan na may taong nakatambay ngayon dito kahit hatinggabi na. Nagtama ang aming mga mata, nakasuot siya ng puting kamiso de tsino at salakot. Hindi ko maitatanggi na ang ganda ng kanyang tindig, makapal na kilay, bilugang mata at matangos na ilong.

Siya ang unang umiwas ng tingin at ibinaba niya ang suot na salakot upang hindi ko makita ang kaniyang mukha. Pero huli na ang lahat, nakita ko na siya. Kung magbabase ako sa kutob, malakas ang pakiramdam ko na siya si Lorenzo! Sa wakas, nakita ko na rin ang bida sa aking istorya!

"S-sandali..." tawag ko sa kaniya ngunit mabilis siyang lumundag pabalik sa labas ng bakod at naglaho sa dilim. Sigurado akong siya nga si Lorenzo, hihingi siguro siya ng tulong sa mag-asawang narito o kaya naman ay may ipaparating siyang mensahe.

"MAAARI bang makahingi ng mainit na sabaw?" tanong ng isang manong habang nakataas ang kamay nito. Oras na ng tanghalian, maraming mga customer ngayon sa Panciteria. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ako nagpabalik-balik sa kusina at sa dining area para ihatid ang kanilang mga order.

Inilapag ko na sa mesa ang dalawang mainit na sabaw na order nila. Halos walong manong silang kumakain sa mahabang mesa, "Sabihin niyo lang po kung may order---Ah, kung may kailangan pa po kayo" ngiti ko sa mga customer, sa paraang ito mababayaran ko kahit papaano sina Aling Pacing at Mang Pedro sa libreng pagpapatuloy sa'kin.

Tumango sila at humingi ng tubig, agad akong kumuha at binigyan sila isa-isa. "Magtutungo ba kayo mamaya sa tahanan ni Don Florencio?" tanong ng isa, puno pa ng kanin ang bibig nito. Parang gutom na gutom at nagmamadali sila sa pagkain.

"Tiyak na hindi naman tayo makakapasok sa loob. Maghahanda lang sila ng mesa sa labas upang doon pumila ang mga dukhang tulad natin. Tanging ang mga pamilya na nabibilang sa alta sociedad ang maluwag na makakapasok sa pagdiriwang" tugon ng isa sabay higop ng sabaw.

Nanlaki ang mga mata ko nang maalala ko na mamayang gabi na pala ang pagdiriwang sa mansion ng pamilya Garza. Doon mismo unang magkikita sina Lorenzo at Maria Florencita! Bukas para sa lahat ang pagdiriwang at dadalo doon si Lorenzo, magpapanggap siyang musikero at pupuslit sa opisina ni Don Florencio para kunin ang ilang papeles. Kailangan ko ring makadalo mamaya sa party, doon ko malalaman kung ang lalaking iyon nga kagabi si Lorenzo Cortes.

"Pahingi rin kami ng tubig" natauhan ako nang magsalita ang isang ale na nasa kabilang mesa. Agad akong kumaway sa kaniya saka dali-daling kumuha ng tubig at inihatid iyon sa kaniyang mesa. May kasama siyang dalawa pang ale na pustorang-pustora.

"Mga amiga, inyo na bang naulinigan? May nakatakas na bilanggo noong isang gabi" bulong nito sa mga kaibigan ngunit narinig ko pa rin nang ilapag ko ang baso.

Sinubukan niya pang takpan ang labi gamit ang pamaypay na gawa sa banig. "Ayon pa sa aking nalaman, mga tulisan daw iyon. Itinakas mismo ng kanilang mga kasapi" dagdag nito na ikinabahala ng dalawang kaibigan. Napatango ako sa aking sarili, nangyayari nga ang takbo ng nobelang isinulat ko. Naitakas nga ni Berning sina Tadeo at Santino sa bilangguan.

Natauhan ako nang mapagtanto ko na nandoon pa rin ako sa mesa nila na parang kaibigan nila na nakikinig din sa chismis. Nakatingin silang tatlo sa'kin na para bang hinuhusgahan nila ako at sinasabihang chismosa. Tumawa na lang ako at pumalakpak para hindi sila maghinala, "May kailangan pa po ba kayo?" ngiti ko pero tinaasan lang nila ako ng kilay.

"Umalis ka na lang dito ineng, masamang nakikinig sa usapan ng matatanda" pagtataray ng isang ale, umayos na ako ng tindig saka naglakad papunta sa kusina. Pagdating ko sa kusina, sinilip ko sila sandali, humanda kayong mga ale kayo, ipagbabawal ko sa nobelang ito na makatapak kayo sa Panciteria ala Pacita. Ipapatapon ko rin kayo sa isolated island at doon kayo magchichismisan araw-araw.

Natawa ako sa aking sarili dahil sa ideyang iyon. Kahit isang paragraph lang ilalagay ko sila doon sa isla, kapag gustong ipabura ng editor ko, ipaglalaban ko na dapat maparusahan ang mga ale na iyon. Nagulat ako nang biglang may kumalabit sa'kin.

"May naghahanap sayo" saad ni Lolita na isa sa mga kusinera. Dalagita pa siya at silang mag-ina ang pinakapinagkakatiwalaan ni Aling Pacing sa pagluluto.

"Sino?" tanong ko, iniisip niya siguro ngayon na isa akong baliw dahil nahuli niya akong tumatawa mag-isa habang sinisilip sa pintuan ang mga ale. "May binili ka raw na libro" tugon niya, napaisip ako nang mabuti, may binili ba akong libro? Wala nga akong pera dito e.

"Wala naman akong biniling---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil inis na nagsalita si Lolita, "Harapin mo na lang siya, ikaw ang hinahanap niya" sigaw niya sa'kin saka dali-daling tumakbo palabas ng kusina, pinunasan niya pa ang kaniyang mga mata.

Agad sumunod ang ibang mga kusinera na dalaga upang patahanin si Lolita. Napakunot na lang ang aking noo, hindi ko maintindihan kung bakit siya nag-break down ng ganon. Lumabas na ako sa kusina at naglakad papalabas sa Panciteria, maraming tao ang naglalakad sa labas papunta sa kani-kanilang paroroonan. Ang iba naman ay may hila-hilang mga kalabaw at baka.

Inilibot ko ang aking mata sa paligid, paano ko naman malalaman kung sino ang tinutukoy niya? Mukhang um-order tuloy ako online at hinihintay ko na ngayon ang delivery. Ilang sandali pa, lumapit sa'kin ang isang binatilyo.

Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko na siya ang binatilyong katiwala sa tindahan ng mga libro kung saan nila ako kinulong ni Sebastian! Agad siyang sumenyas na 'wag akong sisigaw at sumunod sa kaniya. Namalayan ko na lang ang aking sarili na sumunod sa kaniya papunta sa isang eskinita. Pilit kong iniisip kung sino pang mga characters ang nauugnay kay Lolita hanggang sa maalala ko ang ka-love team niya.

"Ikaw pala si Eugenio o Niyong!" gulat kong saad sabay turo sa kaniya. Napangiti rin ako sa sarili dahil hindi ko nakilala na siya nga pala ang character na nagsisilbi sa pamilya Guerrero.

"Paano niyo ho nalaman ang aking pangalan?" nagtataka niyang tanong na parang natatakot.

"Sikat ka rin kaya sa mga readers" ngiti ko. Bukod sa love story nina Maria Florencita at Lorenzo. Inaabangan din sa kwento ang love team nila ni Lolita.

Nawala ang ngiti ko at napatitig sa kaniya sandali nang maalala ko na mapapahamak din siya sa mga susunod na kabanata.

"Siya nga ho pala. Naparito ho ako binibini upang ihatid sa iyo ang mensahe ng aking señor" saad niya, napahalukipkip na lang ako.

"Pakisabi ang labo din niya, huhulihin niya ba ako o ano? Bakit sinubukan niya pa akong protektahan kagab---Ah, basta hindi ko siya maintindihan" saad ko na animo'y singbilis ng armalite rifle magsalita.

"Iyon po ang ibig ipaliwanag sa inyo ng aking señor. Ipinapatawag niya po kayo sa tanggapan ng heneral. Bibili raw po siya ng pansit dito at ikaw daw po ang magdala niyon doon" wika ni Niyong dahilan upang mapalakpak ako at matawa. Wow! Talaga. Ibang klase din 'tong si Sebastian ha.

"Pakisabi diyan sa boss mo, hindi ako uto-uto at mas lalong hindi ako susunod sa kaniya. Bakit niya ako inuutusan? Inuutusan niya ang taong mismong gumawa sa kaniya? Wow talaga" sarkastiko kong sabi, napapatagilid muli ang ulo ni Niyong, siguro ay naweiwerduhan na talaga siya sa'kin.

Napapamewang na lang ako, "Hindi ako pupunta. Bakit ko gagawin iyon? E kung bitayin niya ako doon o ibitin ng patiwarik? Nevuh!" patuloy ko habang umiiling-iling pa.

"Kung hindi raw ho kayo magpapakita, idadamay daw ho niya ang may ari nitong Panciteria" halos lumuwa ang mga mata ko sa sinabi niya. Nanggigigil ako kay Sebastian talaga!

"Whut? Walang kasalanan sila Aling Pacing. How could---Urgh!" napapadyak na lang ako sa inis.

"Malinaw daw ho na kasapi kayo sa mga tulisan, at idadamay daw ho ng aming señor ang may ari ng Panciteria na ito dahil dito kayo tumutuloy ngayon" napapapikit na lang ako at napahawak sa aking noo.

"Stress. Lubayan mo ako. Mygawd!" huminga ako ng malalim, ilang minuto pang nakatayo sa harapan ko si Niyong. Nakita na niya kung paano ma-stress ang author sa mga pasaway na character na 'to.

"Fine. Sige. Pupunta ako" saad ko saka inis na bumalik sa loob ng Panciteria. Naiinis ako dahil parang bina-blackmail pa ako ngayon ni Sebastian. Akala ko pa naman concern siya sa'kin kagabi.

NAPAHINGA ako ng malalim habang nakatingin sa labas ng Fort Santiago. May mga guardia na nakabantay sa labas at sa bawat sulok. Kung sakaling ma-offend ko si Sebastian, siguradong hindi ako makakalabas ng buhay sa kampo na 'to.

Pero wala akong magagawa, wala na akong choice. Patulan ko na lang siguro ang gustong mangyari ng kontrabidang 'to. Hindi pwedeng madamay ngayon sina Aling Pacing at Mang Pedro, masisira ang kwento.

Taas-noo akong naglakad papalapit sa Fort Santiago, agad akong hinarang ng guardia. Pinakita ko ang dala kong pansit na nasa bilao. Sinuri niya pa itong mabuti saka kinuha sa kamay ko, hindi ako makakapasok ng ganito. Napabuntong hininga ako ulit saka ginamit ang code ng mga espiya para makapasok ako sa loob.

"Alas-sais nagbubukas ang tanggapan ng heneral" bulong ko sa guardia, umaliwalas ang mukha nito saka magalang akong pinapasok sa loob. Ganyan nga, dapat ako ang sundin niyo dahil ako ang author ng kwentong ito hindi 'yang si Sebatian.

Nauna siyang maglakad habang nakasunod ako sa kaniya. Bitbit niya ang bilao ng pansit, excited na siguro siyang mag-merienda mamaya. Masarap sana 'yan kapartner ng softdrinks. Sana pa-meriendahin din ako ni Sebastian.

Ilang liko pa sa kaliwa at kanan bago namin narating ang isang pinto. Kumatok ang guardia at may sinabi ito sa wikang Espanyol. Sumagot naman ang taong nasa loob saka binuksan ng guardia ang pinto at pinapasok ako.

Maganda at malinis ang opisina ni Sebastian, maraming mga libro sa bawat sulok at mga medalyang nakasabit sa dingding. May malaking mesa rin sa gitna kung saan doon nila binubuo ang plano.

Nakaupo si Sebastian sa malaking silya at nagbabasa ito ng dyaryo. Hindi siya tumingin sa amin, sumenyas lang ito sa guardia na maaaari na itong umalis at isarado ang pinto habang nakatingin pa rin sa dyaryo.

Nakatayo pa rin ako malapit sa pintuan, ang snob naman ng character na 'to. Sabagay, 'yan ang role na ginawa ko sa kaniya. Snob at arrogant na kontrabida para hindi siya magustuhan ni Maria Florencita.

Ilang minuto pa akong nakatayo roon, tumikhim ako ng dalawang beses. Patuloy lang siya sa pagbabasa ng dyaryo. At dahil nangangalay na ako, naglakad na ako papalapit sa mesa niya at kusang umupo sa bakanteng upuan sa tapat.

"So, ano ba 'yun? Anong deal? Bakit kailangan mo ako?" panimula ko, nagulat ako nang bigla siyang tumingin sa'kin. Napalunok na lang ako, parang may something sa mga mata niya na huhukay sa pagkatao ng sinumang tatamaan nito. 'Yung tipong nakakahalina.

Napailing ako, hindi ko dapat iniisip iyon. Given na gwapo talaga siya pero masama siya sa kwentong ito. "Ibig mo bang iligtas ang iyong buhay?" panimula niya saka tinupi ang binabasang dyaryo. Napasingkit ang aking mata, ibig mo rin ba Sebastian na iligtas ang iyong sarili sa kwentong ito?

Hindi ako sumagot, masama pa rin ang loob ko na pinapahirapan niya ang buhay ko dito. "Matagal ko na ring pinamamatiyagan ang mag-asawang iyon na may-ari ng Panciteria. Hindi nga ako nagkamali, tulad mo ay kasapi rin sila sa mga tulisan" patuloy niya, napatigil ako.

Kapag malapit na ang climax ng kwentong ito, mapapahamak din sina Aling Pacing at Mang Pedro, pero hangga't maaari ay hindi pa dapat ngayon. Hindi dapat sila mahuli ni Sebastian.

"Ano bang gusto mong mangyari?" tinaasan ko siya ng kilay at sumandal ako sa silya na parang isang reyna. Ako dapat ang boss niya.

"Batid kong alam mo na ang ibig kong mangyari. Ikaw ang magiging mata at bibig ng pamahalaan laban sa mga tulisan" tugon niya, ang mestizo at ang gwapo ng pagkakalarawan ko sa character niya. Hindi dapat ako ma-distract.

Sabi ko na nga ba, gagawin niya akong espiya sa mga rebelde. Pero napaghandaan ko na rin ito, syempre hindi ko sasabihin sa kaniya ang mga plano ng samahan. Lilituhin ko rin siya at fake news ang mga sasabihin ko para maguluhan siya at i-terminate na lang niya ako.

"Sige" tipid kong sagot, kung uso lang chat, K ang i-rereply ko sa kaniya.

"Sa oras na mali ang ibalita mo sa amin, iyong asahan na malalagay sa kapahamakan ang iyong buhay at ang pamilya ng iyong tinutuluyan" dagdag niya, napahinga na lang ako ng malalim. Iniipit talaga ako sa sitwasyon ng lalaking 'to.

"Ano pang mapapala ko sa pagtulong sa inyo? Oo, maliligtas nga ang buhay namin pero siguradong papatayin naman kami ng mga kasapi sa samahan kapag nalaman nilang espiya ako" saad ko, napaisip naman si Sebastian, hindi niya siguro inaasahan na maiisip ko iyon. Akala niya siguro malilinlang niya ako ng tuluyan.

"Ano bang ibig mo?" tanong niya, napangiti ako ng kaunti. Ito ang totoong deal.

"Gusto ko sana ng free pass---Ah, este pwede ako makapasok dito kahit kailan ko gusto" panimula ko, kailangan maluwag akong makalabas at pasok dito para masundan ko ang takbo ng istorya at masigurado na walang mababago o magugulo.

Tumango siya sa sinabi ko, "Iyong gamitin ang lihim na mga salita na siyang ginagamit ng mga espiya" saad niya.

"Wait. Hindi pa ako tapos. Gusto ko rin makapasok sa bahay niyo at sa tindahan ng mga libro ng malaya" patuloy ko, nakangisi ako na parang ako ang mas kontrabida sa kaniya.

Nagtaka ang kaniyang hitsura, "Bakit mo ibig marating ang aking tahanan at ang aming tindahan ng mga aklat?" napaisip ako, medyo ang demanding nga at parang ang stalker ng dating ko.

"Ah, ibig ko lang na mas madaling mahatid sayo ang mga balita. Paano kung may importante akong ibabalita sayo tapos ayaw akong papasukin ng mga bantay niyo? Kailangan ko rin magbasa ng maraming libro para naman marami akong kaalaman diba" paliwanag ko sabay ngisi, sa likod ng mga ngiting iyon ay ibig ko talagang makakuha ng mga impormasyon sa pamilya nila, kung gumagalaw sila ng naaayon sa nobela ko.

Gusto ko ring makita ulit ang libro ng Salamisim sa tindahang iyon, kailangan kong alamin kung paano ba ako napunta dito at kung paano ako makakaalis. Nag-isip siya ng mabuti pero sa huli ay tumango na lang siya, mas kalmado naman pala siya sa inaakala ko.

"Gusto ko rin pala na magkaroon ng sweldo kahit papaano, kailangan ko rin kumita ng salapi" saad ko sabay senyas sa kamay ko ng pera. Umikot ang mata niya sa sinabi ko, malamang iniisip niyang mukha akong pera pero wala na akong magagawa dahil inipit din naman niya ako sa sitwasyong 'to at kailangan ko rin maka-survive.

Tumango siya sabay abot sa'kin ng isang tela na naglalaman ng mga barya. "Nagkakahalaga iyan ng limang piso. Makukuha mo ang iyong gantimpala kada linggo" saad niya, agad kong kinuha iyon at inilagay sa aking bulsa. Malaking halaga na ang limang piso sa panahong ito.

Itinaas ko muli ang aking kamay, "Hindi pa ba tapos ang iyong mga kondisyon?" seryoso niyang tanong, hindi naman ako nagpatinag at pilit pa ring ngumiti sa kaniya para mas lalo siyang mainis.

"Gusto ko rin pala sanang palitan ang lihim na salita na ginagamit ng mga espiya" ngiti ko, nagtaka naman ang histura niya.

"Hindi na iyon maaaring palitan sapagkat iyon na ang batid ng ibang mga espiya" saad niya, mukha siyang boss na naiinis at ilang segundo na lang ay ipapakaladkad na niya ako papalabas.

"Yung sa ating dalawa lang ang papalitan natin. Masyado kasing common ang code at gusto ko sana ng bago" ngisi ko.

"K-komon? Kod?" nagtataka niyang tanong, iniisip niya sigurong nagsasalita ako ng ibang dialect. Kailangan ko nga palang ibagay ang aking pananalita sa time period ng kwentong ito.

"Ginoo, ang ibig ko sanang mangyari ay magkaroon tayo ng ibang lihim na salita na siyang aking gagamitin sa tuwing may ipaparating akong balita sa iyo at kung may ipaparating ka ring mensahe sa akin" napahawak ako sa aking lalamunan, ang haba ng sinabi ko na pwede ko naman sanang sabihin na Palitan natin yung code.

"Ano ang iyong maimumungkahi?" tanong niya, natawa ako bago pa ako magsalita. Sa ganitong paraan kahit papaano ay makakaganti ako sa kaniya nang hindi nagugulo ang nobela.

Umayos ako ng upo saka ngumisi bago ko sabihin ang new code naming dalawa "Dubidubidiwapwap" kumunot ang noo niya sa sinabi ko. Pero natawa lang ako ng malakas hanggang sa mapagod ako.

Wala siyang reaksyon, nakatingin lang siya sa akin na para bang iniisip niya na wala na talaga ako sa katinuan. "Basta 'yon na ang bagong sasabihin mo at sasabihin ko kapag may ibabalita tayo sa isa't isa" ngiti ko, hindi naman siya kumibo. Sa halip ay tumayo siya at may kinuha sa isang drawer.

Inilapag niya ang baul sa harapan ko. Bibigyan niya ba ako ng ginto? Sumandal lang siya sa dingding at pinagmasdan ako kung bubuksan ko ba iyon o hindi. At dahil hindi ko naman kailangan ng go signal niya, dahan-dahan ko nang binuksan iyon.

"Iyong naiwan ang mga gamit na iyan sa bilangguan" saad niya, agad kong binuksan ang sling bag ko. Nakahinga ako ng maluwag nang makita kong naroroon pa ang mga gamit ko. "Iyong ipaliwanag kung ano ang mga bagay na iyan" saad niya na parang nang-uutos.

Napatikhim ako, ang dami namang tanong ng lalaking 'to. Pero sige, sasagutin ko na. Baka i-confiscate niya pa ang mga ito. Nilabas ko ang face powder, blush on, make up at lip tint, "Ito 'yung mga kolerete na nabili ko sa ibang bansa" sagot ko, sa department store ko lang naman nabili 'to.

"Ano naman ang mga papel na nasa loob ng isang maliit na sisidlan?" usisa ni Sebastian at lumapit pa ito sa akin para makitingin sa loob ng bag ko. "Ito?" tanong ko sabay pakita sa kaniya ng wallet ko.

Binuksan ko iyon, kompleto pa ang mga atm card, ID at reward cards ko. "Ano ito?" tanong ni Sebastian sabay turo sa picture ko na nasa wallet. Agad kong tinakpan ang pagmumukha ko roon, graduation pic ko iyon.

"Pangsangga sa mga maligno" saad ko, natawa ako sa aking sarili dahil sa kung anu-anong sinasabi ko at mukhang nauuto ko si Sebastian. Kinuha ko ang pera sa wallet, nandoon pa naman pero hindi ko iyon mapapakinabangan dito. "Ano ang mga bagay na iyan?" tanong pa ni Sebastian, bakit parang ang daldal niya ngayon.

"Mga koleksyon ko 'to. Iniipon kong mga bagay na nabibili ko sa.... Sa... ibang bansa rin" naglakad na siya pabalik sa silya niya, mukhang kumbinsido naman siya sa mga sinabi ko.

"Sandali, parang may kulang. May naiwan pa ako dito, 'yung sapatos kong puti" saad ko, sinubukan kong tumingin sa ilalim ng mesa niya baka tinatago niya lang doon.

Tiningnan ko siya, mukhang wala siyang ideya sa sapatos na sinasabi ko. "Wag na nga lang" iyon na lang ang sinabi ko at tumayo na. "Huwag mong kaliligtaan ang napag-usapan natin, wala ring ibang dapat na makaalam nito" bilin niya, tumango-tango na lang ako saka isinuot ang aking sling bag.

Lumingon ako sa kaniya bago ko buksan ang pinto. "Aye, Captain!" sagot ko sabay saludo, isasara ko na dapat ang pinto pero dumungaw ako muli sa pintuan nang maalala kong may dapat pa pala akong sabihin, tumingin siya sa'kin, ngumisi muna ako bago magsalita, "Dubidubidiwapwap"

NAPAPANGITI ako sa aking sarili habang nakatanaw sa labas ng mansion ng pamilya Garza. Sunod-sunod ang pagdating ng mga mayayamang pamilya at mga opisyal na may katungkulan. Nakapila naman sa labas ng mansion ang mga ordinaryong tao, umaasa sa mga pagkaing pinamimigay ng gobernadorcillo.

Kung si Lorenzo ay magpapanggap na musikero para magnakaw ng papeles sa kwarto ni Don Florencio. Ako naman ay magpapanggap na serbidora para masubaybayan ang kwento. Hindi ganoon kahigpit ang seguridad sa mansion, kaunti lang ang mga guardia at halos abala ang lahat sa pagdiriwang.

Nagkalat ang mga mayayamang babae suot ang kani-kanilang magagarang damit. Habang ang mga lalaki naman ay pustorang-pustora at kagalang-galang tingnan. Nasa loob ang mga may kaya, abala sa pakikipagkwentuhan at tawanan sa mga kapwa nabibilang sa alta-sociedad.

Nasa pinakamahabang mesa si Don Florencio kasama ang mga kaibigang opisyal, nasa tabi niya rin si Don Antonio Guerrero na siyang ama ni Sebastian. Alam kong nandito rin si Sebastian, pero wala akong pakialam sa kaniya. Hindi naman siya ang highlight ng eksenang ito. Dahil sa mga oras na ito, malapit na magtagpo ang landas ng dalawang bida sa aking istorya.

Sa likod ng kusina ako dumaan, sinalubong ako ng nakakaindak na musika. May mga nagsasayawan sa gitna na karamihan ay mga dalaga at binata. Agad kong kinuha ang isang alak at humalo sa mga tao at iba pang serbidora, nilalagyan ko ng alak ang mga bisitang humihingi at nagwawagayway ng kanilang mga baso.

Ilang sandali pa, napukaw ang aking atensyon ng isang lalaking tumugtog ng gitara, tumayo ito at nakipagpalit sa isa pang musikero. Ang lalaking umalis na iyon ay siguradong si Lorenzo. Palihim ko siyang sinundan, pero hindi agad ako nakasunod dahil may isang Don na nanghihingi ng panibagong alak at tubig.

Mabilis akong kumuha ng alak at tubig sa kusina saka inilapag iyon sa mesa niya, "Ipagsalin mo ako" utos niya sa'kin, nauubusan na ako ng oras. Nawala na sa mata ko si Lorenzo dahil sa butanding na ito na tatamad-tamad. "Para saan pa 'yang kamay mo kung di mo gagamitin?" pagtataray ko sa kaniya sabay talikod.

Akmang aalis na sana ako pero bigla akong hinawakan sa braso ng Don na iyon na sa tingin ko ay nasa edad apatnapu pataas. Malaking tao ito at bilugan ang tiyan, balbas sarado at malaim ang mata. "Anong karapatan mong pagsalitaan ako ng ganoon? hampaslupa!" sigaw niya dahilan upang mapalingon sa amin ang lahat at tumigil ang mga musikero sa pagtugtog.

Pilit kong hinila ang braso ko pero mas humigpit ang hawak niya sa akin. Tumingala ako sa hagdan, nakita kong pababa na ng hagdan si Lorenzo at may isinlid itong sobre sa kaniyang bulsa. Nagawa nga niyang makuha ang papeles sa kwarto ni Don Florencio at ito na ang pagkakataon para makatakas siya.

Ang lalaking iyon na nakita kong lumundag sa bakod noong isang gabi ay si Lorenzo nga mismo! Napangiti ako dahil sa wakas ay nakita ko na rin siya. Pero nagulat ako dahil hinila ako ng Don, "A-aray! Ano ba?!" sigaw ko sa kaniya na mas lalong ikinagalit niya at ikinagulat ng mga bisita. Hindi normal na sumagot ng pabalang ang isang ordinaryong tao sa isang opisyal o nabibilang sa mga mayayaman.

At dahil naiinis na rin ako sa epal na character na ito, buong pwersa akong kumawala sa pagkakahawak niya sa braso ko at tiningnan ko rin siya ng matalim. "Lapastangan! Ipapadukot ko ang iyong mata!" sigaw ng Don, lalayasan ko na lang sana siya para sundan sa hardin si Lorenzo dahil doon niya makakasalubong si Maria Florencita na umiiyak mag-isa pero nagulat ako nang biglang kinuha ng Don na iyon ang isang baso at binasag ito sa katabing mesa saka ihahampas sa akin ang matalim na piraso na hawak niya.

Isang kamay ang pumigil sa kaniya at siyang sumangga sa matalim na piraso ng baso. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung paano tumulo ang dugo nito nang harangin ang bubog na ibabaon sana ng Don sa mukha ko. Agad napaatras sa gulat ang Don at nabitawan niya mismo ang matalim na bubog, "P-paumanhin, heneral Sebastian Guerrero"

******************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top