Kabanata 35
[Chapter 35]
MAHINANG pagpatak ng ulan ang aking naririnig mula sa labas ng bahay. Nang imulat ko ang aking mga mata, kasabay na kumawala roon ang aking luha. Mga alaalang muling nagbalik. Mga pangyayaring muling naulit.
Narito pa rin kami sa bahay ni Manang Milda. Napalingon ako sa tabi nang hawakan ni Sebastian ang kamay ko. Ako ang nakahiga ngayon sa kama. Nakaupo siya sa silya, namumutla at pilit na iniinda ang tama ng baril sa kaniyang kaliwang balikat. Sa pagkakataong iyon ay napagtanto ko na hindi pala talaga Sebastian ang pangalan niya.
"Bakit?" nag-aalang tanong ni Sebastian habang hawak nang mahigpit ang kamay ko. Sumisikip ang puso ko, tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko na puno ng pagsisisi, panghihinayang at kalungkutan. Agad akong bumangon at yumakap sa kaniya. Iniwasan kong masagi ang sugat niya sa balikat. Para akong batang umiiyak na ayaw kumawala sa magulang.
Tinapik ni Sebastian nang dahan-dahan ang likuran ko tulad nang palagi niyang ginagawa sa tuwing niyayakap niya ako pabalik. "Ipanatag mo ang iyong isip. Hindi ako mamamatay" wika niya upang pakalmahin ako sa pag-aakalang kaya ako umiiyak ngayon ay dahil muntik na siyang mamatay nang itakas niya ang tatay ni Niyong.
Wala siyang ideya na kaya ako umiiyak ngayon ay dahil gusto kong humingi ng tawad sa kaniya. Ako ang dahilan kung bakit siya nakulong sa loob ng kwentong ito at nakaranas ng kalungkutan. Ninakaw ko ang buhay at lahat ng pagmamay-ari niya.
Isinubsob ko na lang aking mukha sa dibdib niya. Ito na siguro ang totoong dahilan kung bakit ako nakakapasok sa loob ng nobelang ito. Dito talaga ako nabibilang. Si Sebastian ang totoong author ng Salamisim at ako ay isang karakter lamang.
Napatingin ako sa tatay ni Niyong at kay Manang Milda na nakatayo sa gilid at nakatingin sa amin. Ayon sa tatay ni Niyong, nawalan daw ako ng malay sa gubat nang hilahin ako roon ni Manang Milda kaya ako ngayon ang nakahiga sa kama.
Kinagabihan, tahimik lang kaming apat. Tulala sa sulok ang tatay ni Niyong. Abala naman si Manang Milda sa pagpapakulo ng mga halamang gamot. Nakahiga si Sebastian sa kama, nakaupo ako sa tabi niya habang tulalang nakatitig sa labas. Patuloy pa rin ang mahinang pagbagsak ng ulan.
"Nawa'y hindi magtungo rito ang mga guardia. Sukuan sana nila ang maputik at masukal na daan" wika ng tatay ni Niyong, ibig niya ring pagaanin ang sariling loob sa takot na matunton agad kami ng hukbo rito.
"Malakas ang agos ng ilog. Hindi sila makakatawid dito hangga't bumabagyo" saad ni Manang Milda nang hindi tumitingin sa amin. Hinahalo niya nang mabuti ang sari-saring halaman at nilalagay iyon sa mainit na palayok.
Napatingin ako kay Sebastian na mahimbing na natutulog ngayon. Kahit papaano panatag ang kalooban niya kapag natutulog siya. Hindi na siya dinadalaw ng bangungot. Mga masasamang panaginip na ako ang siyang dahilan.
Isinalin ni manang Milda ang halamang gamot sa maliit na tasa saka naglakad papalapit sa'min. Una niyang binigay ang isa sa tatay ni Niyong. Ang dalawa naman ay sa amin ni Sebastian. Umupo si Manang balita sa katapat na bakanteng silya.
"Kahanga-hanga ang katatagan ng lalaking ito. Nararapat lamang na mabuhay na siya nang payapa" wika ni manang Milda habang nakatingin kay Sebastian. Mas lalong sumikip ang dibdib ko sa katotohanang kasalanan ko ang lahat ng ito.
KINABUKASAN, bago sumikat ang araw ay nagtungo ako sa simbahan upang makausap si Padre Emmanuel. Sa kusina niya ako dinala, nagtimpla siya ng kape para sa aming dalawa. Tulala ako sa kahoy na mesa. Amoy kapeng barako ang loob ng kusina. Kulay asul na ang liwanag na tumatagos mula sa maliit na bintana ng kusina.
Inilapag ni Padre Emmanuel ang tasa ng kape sa tapat ko saka tinuloy ang paghalo ng kaniya. "Sinabi na sayo ni Milda lahat?" tanong nito, dahan-dahan akong napatingin kay Padre Emmanuel, hindi na ako nagulat na alam niya ang mga nangyayari.
"T-tauhan din ba kayo sa nobelang ito?" tanong ko, tila natuyo na ang aking lalamunan. Kagabi pa ako tulala at hindi nagsasalita. Hindi pa matanggap ng utak ko ang lahat. Ang katotohanan na ako pala ang karakter sa kwentong ito. Ang laking kahibangan. Isa akong malaking kahibangan.
"Si Milda hindi" sagot ni Padre Emmanuel saka tumingin sa'kin, "Si Padre Emmanuel, Oo" tugon niya. Naguluhan ako sagot niya. "Hindi ba ikaw si Padre Emmanuel?" tanong ko, hindi siya sumagot. Sumandal lang siya sa silya saka humalukipkip.
"Anong kailangan mo sa'kin?" napayuko ako sa tanong niya at napatitig sa kape. "S-si Sebastian... Si Marcus ang tunay na may akda ng Salamisim, hindi ko sinasadyang masaktan siya" panimula ko, nakatingin lang sa'kin si Padre Emmanuel na para bang binabasa niya ang reaksyon ko.
"A-ako rin ang may kasalanan kaya nahihirapan din siya bilang Sebastian" patuloy ko, hindi ko magawang tumingin kaninuman. Muling bumagsak ang mga luha ko na kagabi ko pa pinipigilan upang hindi magising si Sebastian.
"Ang isipin mo ngayon ay kung paano ka makakaligtas sa kamay ni Roberto. Baka nakakalimutan mo na alam niya rin ang lahat. Kapag napaslang ka niya, maglalaho ka at siya ang makakalabas sa loob ng nobelang ito" wika ni Padre Emmanuel, narinig ko ang malalim niyang paghinga.
Iniangat ko ang aking ulo saka tumingin sa kaniya, "Ngunit bakit ho maglalaho padre? Hindi naman ho naglaho si Marcus nang..." hindi ko na natuloy ang sasabihin ko. Hindi ko masabi ang salitang 'Nang mapatay ko siya'
"Totoong tao si Marcus. Isa kang karakter. Kayong dalawa ni Roberto ay mga tauhan lamang. Ang sinumang mamatay sa loob ng kwentong ito na isang karakter ay maglalaho" paliwanag niya, unti-unti nang nagiging malinaw sa akin ang lahat. Kasabay din nang unti-unting pagkadurog ng puso ko.
"Pinapaalalahanan na kita. Binigyan kita ng babala. Mas naging mapanganib tuloy ang kwentong ito dahil posibleng mapatay kayo ni Roberto" hindi ako nakapagsalita. Napayuko na lang ako at napatitig muli sa kape. Lumalamig na ito.
"Ngayon naranasan mo na ang maging manunulat. Hindi ganoon kadali ang bumuo ng isang nobela, hindi ba?" wika niya saka sinimulang haluin ang kaniyang kape nang dahan-dahan. "Hindi ganoon kadali maging manunulat. May puso rin sila at nasasaktan sa tuwing may karakter na nauuwi sa trahedya ang buhay. Ngunit iyon ang kailangan sa kwento, ang bawat eksena, tauhan at kaguluhan ay magkakarugtong magmula sa umpisa hanggang sa wakas nito" patuloy niya saka muling tumingin sa'kin.
Tumayo siya saka naglakad papasok sa isang silid. Ilang sandali pa ay bumalik na siya at may inilapag siya sa mesa. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang pulang bookmark na binigay sa'kin noon ng batang babaeng si Adencia.
"Huwag ka na sana maligaw pa" wika ni Padre Emmanuel, halos walang kurap akong nakatingin sa bookmark. Naiwan ko ang bookmark sa aklatan, paano napunta sa kaniya ang bagay na ito?
"Sa mundong ito ka nabibilang. Manatili ka na rito" patuloy niya, nanginginig ang aking kamay habang dahan-dahan kong inaabot ang pulang bookmark na nakapatong sa mesa. Ito pala ang ibig sabihin ni Adencia nang iabot sa akin ito. Hindi na dapat ako maligaw at maghangad na mapunta sa ibang mundo.
Tinikman ni Padre Emmanuel ang kape ngunit napakunot ang noo niya nang mapaso siya. Sa pagkakataong iyon ay napatulala ako sa kaniya. May kakilala ako na palaging napapaso sa mga inumin.
Magsasalita pa sana ako ngunit tumayo na si Padre Emmanuel hawak ang tasa. "Tapusin mo na ang lahat. Sunugin mo na ang Salamisim" wika niya. Napatayo ako, "K-kung susunugin ko ang Salamisim, may maiiwan po bang alaala sa kwentong ito?" saad ko, tumigil siya sa paglalakad saka lumingon sa'kin.
Tumingin siya sa hawak kong bookmark, "Nakasaad sa likod niyan ang sagot" wika niya saka tumalikod na at lumabas sa kusina. Dahan-dahan akong napatingin sa pulang bookmark, nanginginig ang aking kamay hanggang sa baliktarin ko ito upang mabasa ko ang nakasulat sa likod.
ILANG minuto na akong nakatayo sa tapat ng panciteria. Tahimik lang ang kalsada at walang masyadong nalabas nang dahil sa paghihigpit ng hukbo nang patakasin ni Sebastian ang tatay ni Niyong. Pinaghahanap na rin siya ngayon at tinuturing nang kalaban ng pamahalaan.
Bukas ang Panciteria ngunit walang tao. Napatigil ako nang makita si Lolita, maging siya ay nagulat din nang makita ako. Kakagaling niya lang sa kusina. Agad siyang tumakbo papalapit sa'kin. "Ate Tanya, saan ka nagtungo kahapon? Hinahanap ka na rin ngayon ni heneral Roberto!" wika niya saka mabilis akong hinila papasok sa loob ng Panciteria.
Dali-dali niyang sinara ang mga bintana at pinto ng Panciteria. Sinundan ko lang siya ng tingin, kaya pala madaling naging malapit ang loob namin sa isa't isa ay dahil kami-kami ang magkakasamang karakter dito sa Panciteria.
Pinaupo niya ako sa bakanteng silya, "Hindi ko batid kung nasaan sina Aling Pacing at Mang Pedro ngunit ang sabi ni ina ay magtutungo sila sa kabundukan" saad niya, sigurado ako na bumubuo na ngayon ng plano ang samahan.
"Anong nangyari kay heneral Guerrero?" tanong ni Lolita, hinawakan ko ang kamay niya. Nararamdaman ko na ito na ang huli naming pagkikita. Tulad ng ibang karakter na nandito. Ang pamilyang kahit anong mangyari ay babalikan ko.
"M-mabuti naman. Hindi naman malubha ang sugat niya" tugon ko, hindi ako makatingin sa kaniya. Pinipisil ko lang ang kamay niya saka pinupunasan ang luha kong nagbabadiyang bumagsak. "Bakit ate Tanya? May nangyari bang masama?" nag-aalala niyang tanong saka umupo sa tabi ko. Tinitigan niya akong mabuti, pilit kong iniiwas ang mga mata ko sa kaniya. Ayokong makita niya na umiiyak ngayon ang ate niya.
Umiling ako, sinubukan kong ngumiti kahit patuloy ang pamumuo ng luha sa aking mga mata. "B-balang araw kung sakaling pagbibigyan ako ng tadhana sa ikalawang pagkakataon. Gusto pa rin kitang makasama. Sana magkapatid na tayo" napayuko ako, nagtataka si Lolita sa mga sinasabi ko pero nakatitig pa rin siya sa'kin.
"L-lagi mong tatandaan na maswerte ang sinumang magmamahal sayo dahil totoo ka magmahal" patuloy ko, niyakap ko siya. Niyakap niya rin ako pabalik pero alam kong hindi niya pa rin maintindihan kung bakit ako ganito sa kaniya ngayon.
"Mamimiss kita, Lolita girl" napapikit na lang ako habang yakap siya nang mahigpit. Naalala ko si Fate, hindi ko man lang nagawang magpaalam sa kaniya. Kahit hindi ko siya totoong kapatid, marami rin akong alaala kasama siya.
"Kung magtatanan na kayo ni heneral Guerrero, maaari ka namang bumalik dito pagkalipas ng mahabang panahon ate Tanya. Hangad namin ang kaligayahan niyo" saad niya, narinig ko ang kaniyang paghikbi at niyakap din ako nang mahigpit pabalik.
Ilang sandali pa, narinig namin ang pagbukas ng pinto sa likod ng kusina. Agad kaming tumayo ni Lolita at pinunasan namin ang aming mga luha. "Tanya!" gulat na saad ni Aling Pacing saka binaba ang dala nilang bayong. Nakasuot siya ng balabal, inilapag naman ni Mang Pedro ang salakot sa mesa.
Agad akong tumakbo papalapit kay Aling Pacing at niyakap siya nang mahigpit. Gusto ko ulit siyang tawaging inay. Kaya pala magaan agad ang pakiramdam ko sa kanilang mag-asawa. "Bakit hija? Napahamak ba si heneral Guerrero?" tanong niya saka hinawakan ang ulo ko at dahan-dahang hinimas iyon.
Umiling ako, naalala ko na ang amoy ni Aling Pacing. Ito ang amoy ng ina na palagi kong gustong singhutin at amuyin noon bilang Angelita. Bumitaw ako sa pagkakayakap sa kaniya, nagtataka silang nakatingin ni Mang Pedro.
Gusto ko rin sana yakapin si Mang Pedro kaya lang ayokong magtaka at magulat sila lalo pa't wala naman silang ideya na dati nila akong anak-anakan. "Bakit ka tumatangis? Anong nangyari?" maging si Mang Pedro ay nag-aalala na rin. Nakatayo lang si Lolita sa likod ko at nakayuko habang humihikbi ng tahimik.
"M-magpapaalam ka na ba?" tanong ni Aling Pacing, pareho nilang napagtanto iyon ni Mang Pedro ayon sa hitsura namin ngayon ni Lolita. Napapikit na lang ako saka tumango nang dalawang ulit. Hinawakan ni Aling Pacing ang kamay ko saka pinunasan ang luha ko.
"Huwag kang mag-alala sa amin. Ang hinihiling lang namin ay ang kaligtasan niyo ni heneral Guerrero. Sa mata ng iba ay isa siyang taksil na nagpatakas sa isang tulisan. Ngunit para sa ating lahat na nakakaalam ng totoo, isa siyang dakila. Nagawa niyang ialay ang kaniyang buhay at reputasyon para mailigtas ang tatay ni Niyong" wika ni Aling Pacing at niyakap ako nang marahan.
"Madalas na nakakalimot ang mga nasa itaas na posisyon sa tunay na kalagayan nating mga aba. Bihira lang ang mga tulad ni heneral Guerrero na kayang magsakripisyo para sa buhay ng isang dukha. Sino ba naman tayo para pagbuwisan ng buhay ng isang opisyal? Ngunit iba si heneral Guerrero, nagawa niyang kalimutan ang sarili para mailigtas ang buhay ng isang karaniwang tao" patuloy ni Aling Pacing.
Naalala ko ang sinabi noon ni Don Antonio tungkol sa pagkakaiba ng dalawang buhay. Tinuturing na mas matimbang ang buhay ng isang opisyal kumpara sa buhay ng isang dukha. Katulad din ito ng pagkakaiba ng buhay ng isang pangunahing karakter sa mga karakter na ordinaryo lamang.
"Mabuting tao si heneral Guerrero. Panatag kami kung siya ang pipiliin mo. Nawa'y maging maligaya kayo, hija" wika ni Mang Pedro saka tinapik ang ulo ko. Naalala ko rin ang mga magulang ni Marcus, wala silang ideya na isa akong impostor. Ngunit kahit ganoon, kahit sandali ay naramdaman ko magkaroon ng kompletong pamilya. Napalunok na lang ako at pilit na nilalaban ang aking paghikbi. Kahit saan mang mundo ako dalhin, babalik at babalik pa rin ako sa piling nina Aling Pacing, Mang Pedro at sa buong Panciteria.
HINDI ko rin pinalagpas ang huling pagkakataon upang makausap si Maria Florencita. Naabutan ko siya sa hardin ng kanilang mansion. Napatigil siya nang makita ako ngunit nagpatuloy pa rin siya sa padidilig. Hindi niya ako pinaalis, hindi rin siya umalis.
"Kung ibig mong humingi muli ng tawad. Ibig kong malaman mo na hindi pa ako handa" panimula niya nang hindi tumitingin sa'kin dahil abala siya sa pagdidilig.
Napayuko ako, napahinga nang malalim saka muling tumingin sa kaniya. "Narito ako para sabihin sayo na masaya ako dahil nakilala ko ang tunay na ikaw. Kung alam mo kung gaano ako inggit na inggit sayo noon. Hindi man maganda ang relasyon natin sa unang kwento. Pero totoong nagustuhan kita bilang ikaw nang maging magkaibigan tayo" saad ko.
Naalala ko ang lahat ng kalokohan naming dalawa. Kung paano niya ako tawanan noon bilang Arturo na inaaway ng mga kasambahay nila. Kung paano namin isahan ang kaniyang ama at paniwalain na isa akong lalaki. Kung paano kami inaabot ng hatinggabi sa pag-uusap at pagtatawanan sa loob ng kaniyang silid.
"Mag-iingat ka palagi" paalam ko saka tumalikod na. Napatigil ako nang magsalita siya, "H-hindi ka na ba babalik?" tanong niya. Ang tanong na iyon ang mas lalong nagpadurog sa puso ko. Kung pwede lang akong bumalik, gagawin ko kahit ilang libong beses.
Lumingon ako sa kaniya, namumuo na rin ang mga luha sa kaniyang mapupungay na mata. "K-kung sakaling bumalik ako, pwede ba tayong maging magkaibigan ulit?" tanong ko, sa pagkakataong iyon ay hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Mamimiss ko si Maria Florencita, kahit pa pinagseselosan ko siya noon bilang Angelita, wala naman siyang ginawang masama sa'kin. Hindi siya gumanti at hindi niya rin ako siniraan.
Tumango si Maria Florencita, pumatak na ang mga luha niya. "K-kahit sinuman ang katauhan mo. Hihintayin kita bilang Tanya o Arturo" tugon niya, sa pagkakataong iyon ay pareho kaming natawa sa isa't isa na may kasamang pagluha. Malinaw na sa'kin kung bakit siya ang naging bida sa nobela. Totoong busilak ang kalooban ni Maria Florencita.
PAGDATING ko sa bahay ni Manang Milda, naabutan ko roon si Niyong habang pinapainom ng gamot ang tatay niya. "Ate Tanya!" tawag niya, ibinaba ang tasa at kutsara sa sahig saka patakbong sumalubong sa'kin.
"Salamat sa inyo ni señor, salamat dahil iniligtas niyo si itay" wika ni Niyong, hindi ako sanay na makita siyang lumuluha. Tinapik ko ang ulo niya, "Alam mo namang hindi ka namin papabayaan. Magsasanay pa tayo at kakain ng maraming inihaw" saad ko, sinubukan kong ngumiti kahit pa namumuo ang luha sa aking mga mata.
Kung sana humaba ang oras. Kung sana makasama ko rin siya nang matagal. Gusto ko ring makipagtalo at makasama si Niyong na palaging nakasuporta kay Sebastian. Noon pa man, malapit na rin pala ako sa kaniya bilang Angelita.
Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay nakaupo sa kama. Nasa labas naman si Manang Milda at abala sa pagtatanim. Tumayo si Sebastian, kinuha ang dalawang maleta sa tabi ni kama. "Sinundo ko si Niyong kanina" panimula niya. "Batid kong sasabihin mo na mapanganib ang aking ginawa ngunit kailangan kong kunin ang ating gamit at abisuhan si Niyong. Sasakay tayong apat sa barko patungong Europa" patuloy niya.
Napatingin sa amin si Manang Milda, batid kong narinig niya rin ang sinabi ni Sebastian. Bakas sa mukha niya ang awa, na ang plano at ibig mangyari ni Sebastian ay isang malaking kahibangan. Hinawakan ni Sebastian ang kamay ko, "Nakausap ko rin si ama, wala siyang sinabi ngunit binigyan niya ako ng salapi" saad niya, napatingin ako sa dalawang maleta. May isang tampipi rin na naglalaman naman ng gamit nila Niyong at ng tatay niya.
Mas lalong sumikip ang dibdib ko, wala silang kaalam-alam na kahit saan kami magpunta. Hindi kami makakatakas sa mundong ito. Na isang kahibangan ang maniwala at umasa na magiging totoo ang lahat ng ito. Na mabubuhay kami sa malayo ng ligtas, masaya at magkasamang tatanda kasama ang bubuuhin naming pamilya.
Tumango na lang ako, umaliwalas kahit papaano ang mukha ni Sebastian. Nangangamba siguro siya na tumutol ako sa plano niya. Ayoko na siyang bigyan pa ng panibagong alalahanin.
MALAPIT na magtakipsilim. Naglalakad kami ngayon ni Sebastian patungo sa kabilang bayan. Pareho kaming nakasuot ng asul na kamiso, puting pantalon at sumbrerong buri. Hindi napigilan nang paghihigpit ng hukbo ang mga masiglang kalakaran ng pamilihan sa karatig bayan.
"Saan tayo tutungo?" tanong ni Sebastian. Nakahawak ako sa braso niya, kanina pa siya nagtatanong kung saan kami pupunta pero hindi ko sinasabi dahil gusto ko siyang surpresahin.
Sa gubat kami dumaan bitbit ang isang lampara. "Siya nga pala, bukas ng gabi tayo sasakay ng barko. Si ama ang nagbayad at kumausap sa nangangasiwa roon. Magagawa tayong pasakayin sa barko nang walang ibang nakakaalam" saad ni Sebastian. Tumango na lang ako, sa tuwing binabanggit niya ang aming planong pagtakas, hindi ko mapigilang malungkot dahil imposibleng mangyari iyon. Imposibleng makatakas kami rito.
"Saang bansa mo ibig manirahan?" tanong niya, nakita ko ang kaniyang ngiti. Ang ngiting labas ang ngipin na may panunukso. Tila naglaho lahat ng alalahanin ko, gusto ko ring pagbigyan ang sarili ko na maging masaya kahit ngayon lang.
Napaisip ako, "Sa Paris!" ngumiti ako sa kaniya, tumango siya saka ngumiti pabalik. "Mamamalagi tayo sa Paris, kukuha ng maliit na tirahan. Susubukan kong makapasok sa anumang trabaho. Marahil ay panahon na upang pagbigyan ko ang sarili na pasukin ang larangan ng pagguhit" saad niya, napangiti ako saka tumango ng dalawang ulit. Nakakatuwang isipin na mahaba na siya magsalita ngayon.
"Ako naman, susubukan kong makapasok sa mga panahian" napakunot ang noo niya nang sabihin ko iyon.
"Hindi maaari. Sa bahay ka lang"
"Ha? Bakit? Ang daya naman" reklamo ko, gusto kong ipaalala sa kaniya na kaya ring makipagsabayan ng mga babae sa lalaki. Hinawakan niya ang kamay ko.
"Sinong mag-aalaga sa mga anak natin?" saad niya, pareho kaming natawa at nahiya sa sinabi niyang iyon. Dumadaloy din pala sa dugo niya ang kapahangasan na matagal nang natutulog sa kaniyang katauhan.
Alas-siyete na nang gabi nang makarating kami sa teatro. Bumulong siya sa akin nang makapasok na kami sa loob, sa pinakadulong upuan kami naupo. "Maraming dulaan sa Europa" bulong niya, hindi niya pa rin binibitawan ang kamay ko.
"Mag-aaral ka pa ng Ingles o Pranses. Dito mas maiintindihan natin ang dula, buti ka nga bihasa sa kastila" bulong ko sa kaniya, nakita kong sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Kita ko ang mapuputi niyang ngipin kahit madilim ang loob ng teatro.
Tahimik lang kami nang magsimula ang palabas. Sumandal ako sa balikat niya, hindi naman siya nagulat. Palagay ko ay nasasanay na siya sa mga kilos ko. Hindi ko maintindihan ang palabas dahil wikang Kastila ang gamit.
Napapansin ko rin na panay ang tingin sa'kin ni Sebastian. Iniisip niya siguro kung naiintindihan ko ba ang kwento o hindi. Ngunit kahit hindi ko masyado maintindihan ang sinasabi ng mga aktor. Sa kilos nila ay nagkakaroon ako ng ideya kung masaya, malungkot o madugo ang eksena.
"Ibig mo bang isalaysay ko sa iyo ang sinasabi nila?" bulong sa'kin ni Sebastian, iniangat ko ang aking ulo saka umiling. "Huwag na. Gusto ko lang talaga sumandal sayo nang ganito" ngiti ko saka sumandal ulit sa balikat niya.
"Kung ibig mo lang naman ng yakap, maaari naman kitang yakapin mamayang gabi" saad niya, napaayos ako ng upo dahil sa sinabi niya. Hindi ko akalaing lalabas iyon sa bibig niya. Maging siya ay nahiya at natawa sa sariling kapahangasan.
Lihim kaming natawa ng ilang minuto. Mabuti na lang dahil wala kaming katabi, nasa pinakadulo kami nakaupo at maingay ang kantahan at musika sa dulaan. Nang matapos kaming tumawa ay nagkatinginan muli kaming dalawa.
Malinaw sa alaala ko ang ginawa niya rito sa teatro. Isang mapangahas na binata na nanghalik sa babae na para bang nasa loob sila ng sinehan. Gusto kong maranasan ulit iyon. Gusto kong ulitin ang mga sandaling iyon.
Hinawakan ko ang mukha niya. Hindi naman siya nagulat, nanatili lang siyang nakatingin sa aking mga mata at sa labi ko. "Ibig ko lang malaman mo na hindi ko nakalimutan ito. At hindi ko kakalimutan kailanman" saad ko, ipinikit ko na ang aking mga mata at hinalikan siya sa labi.
Naramdaman ko ang kamay niya sa aking likuran bago tinugon nang mariin ang aking halik. Hindi ko alam kung kailan matatapos ito. Ngunit hinihiling ko na wala hindi na nagwawakas ang isang kwento.
KINABUKASAN, malapit nang sumikat ang araw. Kulay asul at itim ang langit. Nababalot din ng makapal na hamog ang kagubatan. Nakatayo ako sa tapat ng pintuan habang tinatanaw si manang Milda, naglalakad ito papalayo. Wala siyang ibang dala kungi ang kaniyang sarili at ang pulang balabal na suot.
Hindi niya namalayan na nagising ako sa pag-alis niya. Naalala ko ang sinabi ni padre Emmanuel, hindi tauhan sa kwentong ito si manang Milda. Wala rin akong maalala na may karakter na mangkukulam sa nobelang ginawa ni Sebastian.
Isinara ko na ang pinto nang makalayo na si manang Milda, hindi ko na siya nakita dahil sa makapal na hamog at masukal na gubat. Napatingin ako kay Niyong at sa tatay niya. Mahimbing silang natutulog sa sahig.
Napatingin din ako kay Sebastian na natutulog sa kama, mahimbing din ang tulog niya. Sa sahig din kami ni manang Milda natulog kagabi. Maingat akong naglakad papalapit sa kaniya at naupo sa bakanteng silya.
Sandali ko siyang pinagmasdan. Kahit papaano nagpapasalamat ako dahil nagkrus ang aming landas kahit sandali lang. Masaya rin ako dahil nasulyapan ko rin ang kaniyang mundo sa maikling panahon. Kampante ako na mabubuhay siya nang payapa at puno ng pagmamahal dahil maraming tao ang nagmamahal sa kaniya sa totoong mundo.
Hinubad ko ang suot kong kuwintas na binigay niya at maingat na isinuot iyon sa kaniyang leeg. Itinapat ko ang aking palad sa kaniyang dibdib saka pikit matang pinakinggan ang tibok ng kaniyang puso sa huling pagkakataon.
Minsan na akong naging dahilan nang pagtigil ng tibok ng puso niya dahilan nang kaniyang pagkamatay. Wala siyang ideya na namatay siya sa sarili kong kamay.
Ibig ko ring pakinggan ang tibok ng puso niya. Sa lahat ng pusong naririto. Sa kaniya ang totoo. Ganito pala ang tunog ng puso ng totoong tao.
Makalipas ang ilang sandali ay iniangat ko na ang aking ulo at dahan-dahang umayos nang upo. "S-salamat sa lahat. Paalam na, aking sinta" kasabay niyon ay ang pagpatak ng aking mga luha. Hindi ko na mapigilan ang aking sarili kung kaya't tumayo na ako, dali-daling lumabas sa bahay at tumakbo papalayo roon.
NAGULAT si Lorenzo nang ako pagbukas niya ng pinto. "T-tanya" wika niya, nagtataka siguro siya kung paano ko nalaman kung nasaan ang bahay nila kahit hindi pa ako nakakapunta roon bilang Tanya. "Maaari ba kitang makausap?" tanong ko sa kaniya, binuksan niya nang malaki ang pinto para papasukin ako. Natutulog pa si Santino sa isang kama.
"Dito na lang tayo sa labas" saad ko, ayokong marinig ni Santino ang sasabihin ko baka kontrahin niya pa ang aking plano. Tumango si Lorenzo saka lumabas at isinara na pinto. Naupo kami sa harapan ng bahay nila, sa isang mahabang bangko. Napansin ko rin ang mga kahoy na nasa libas na madalas sibakin ni Lorenzo.
"Kumusta? Aking nabalitaan ang ginawa ni Sebastian" wika niya, napayuko siya. "Tulisan na rin siya sa tingin ng pamahalaan. Bakit naman niya kasi ginawa iyon?"
"Mahala si Niyong sa kaniya. Hindi niya hahayaang mamatay ang tatay nito"
"Ngayon batid ko na kung bakit mo siya nagustuhan" saad ni Lorenzo sabay tingin sa'kin. "May puso rin pala ang heneral na iyon" patuloy niya saka ngumiti. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko nang ngumiti siya.
"Ikakasal na si Maria Florencita, anong gagawin mo?" tanong ko, tumango lang siya saka ngumiti muli. Katulad kanina ay may bahid ng kalungkutan ang ngiti niya. "Ano pa nga ba? Matagal na rin kaming walang ugnayan ni Maria Florencita. Hindi ko na rin siya sinuyo sapagkat may iba na akong napupusuan" tugon niya, ang boses niya ay may bahid ng panghihinayang.
"Iyon nga lang, may iba ring napupusuan ang babaeng ibig ko" patuloy niya sabay tingin sa'kin, hindi ako nakapagsalita. Kung nasa orihinal na Salamisim kami at hindi pa nakakapasok si Marcus sa kwento, siguradong masayang-masaya ngayon si Angelita dahil sa wakas ay nagustuhan na rin siya ni Lorenzo.
"Naparito ka ba upang sabihin sa'kin na sasama ka na sa akin?" kantyaw niya, mabuti na lang dahil nagbiro siya kaya gumaan ang pinag-uusapan naming dalawa. Magsasalita pa sana ako pero inunahan na niya ako. "Huwag mo na sagutin. Batid ko na ang iyong tugon. Panatag na rin ang aking kalooban dahil hindi ka nagkamali ng pinili. Karapat-dapat si Sebastian sa iyong pagmamahal" wika niya, ramdam ko ang sinseridad sa mga salitang binitawan niya, napangiti ako roon.
"Kaya ikaw rin ang karapat-dapat na maging bida sa isang nobela. Hindi rin nagkamali ng minahal si Angelita" saad ko, nagtaka ang hitsura niya. "Sino si Angelita?" natawa kami pareho. Hindi na rin siguro niya maalala na iyon ang una kong sinabing pangalan kay Berning noon.
"Wala. Isang babaeng umibig sa kaniyang kababata" tugon ko, tumango lang si Lorenzo. "Siya nga pala, ano ang iyong sadya?" tanong niya, huminga ako nang malalim saka muling tumingin sa kaniya.
"Maaari mo akong tulungan muli?" tanong ko, naalala ko kung paano kami magtulungan noon sa samahan. Gumuho ang aking mundo nang malaman kong tinugis ang aming kapatiran. Kung mauulit iyon, handa ko pa ring iligtas ang magkapatid na Cortes sa ngalan ng buong samahan. Handa ko ring ibuwis ang aking buhay para kay Lorenzo na aking kaibigan.
ALAS-DIYES ng umaga, ilang minuto akong nakatayo sa tapat ng Fort Santiago. Hindi ako umalis doon hangga't hindi nila tinatawag si Roberto. Hindi ako nagkamali, mabilis na lumabas si Roberto sa tanggapan ng heneral nang malamang nasa labas ako.
Gulat siyang nakatingin sa akin. "Ikaw ay tuluyan nang nahibang" wika niya saka sumilay ang mapanlibak na ngisi sa kaniyang labi. Agad niyang sinenyasan ang mga guardia na igapos ako. Dinala nila ako sa bilangguan at ikinulong sa isang selda.
Hindi isinara ni Roberto ang selda, pumasok pa siya saka hinugot ang hawak niyang espada. "Ikaw pa ang naglakad patungo sa iyong hukay" wika niya saka itinapat iyon sa leeg ko. "Kung papatayin mo ako, mas mabuti kung sa harap ng maraming tao. Mas ligtas kung may hatol mula sa hukuman, nang sa gayon ay hindi ka mapahamak kung sakaling hindi ka magtagumpay sa pagpaslang sa akin ngayon" saad ko habang matalim na nakatingin sa kaniya.
Natawa siya sa sinabi ko, "Ibig mo pa mamatay sa harap ng taumbayan? Anong kadakilaan ang ibig mong maranasan?" sarkastiko niyang saad pero ibinaba niya rin ang hawak na espada. "Kung sabagay, pinag-iisipan ko na rin kung ibig ko bang mabuhay sa totoong mundo. Ikakasal na kami ni Maria Florencita, wala na si Sebastian na hadlang sa aking posisyon. Hindi malinaw sa'kin ang hitsura ng totoong mundo at kung isa kang maralita roon. Hindi ko ibig mabuhay sa kahirapan" saad niya saka naglakad papalabas sa selda.
"Ngunit ibig kong maglaho ka rito upang mabawasan ng pag-asa si Sebastian" patuloy niya, humalakhak siya habang naglalakad papalabas sa bilangguan.
BAGO sumapit ang alas-tres ng hapon ay mabilis na lumabas ang utos mula sa hukuman. Para sa mga malinaw na kasapi ng rebeldeng grupo. Hindi na kailangan pa ng mahabang pagkabilanggo sa panahon ng digmaan.
Hindi na ako nagulat nang sumapit ang alas-singko ng hapon ay dinala na nila ako sa Bagumbayan kasama ang iba pang mga nahatulan ng kamatayan sa araw na ito. Halos hindi ko maramdaman ang aking buong katawan.
Inilibot ko ang aking mga mata sa paligid sa pag-asang may matatanaw ako na kakilala ko mula sa halos limampung katao na manonood sa aming nalalapit na pagkamatay. "Iyo bang nabalitaan? Tinutugis na ngayon ang mga tulisan. Bago ako magtungo rito, nagkakagulo sa pamilihan dahil nasusunog ang Panciteria ala Pacita" wika ng isang ale sa kausap nito.
Gulat akong napatingin sa kanila, nangyayari pa rin talaga ang mga dapat mangyari ayon sa kwento. Kahit anong mangyari ay magtatapos pa rin trahedya ang lahat. Naalala ko si Berning at ang mga tawa ni Roberto, posibleng sinuplong na ni Berning ang lahat ng kasapi ng samahan.
Bigla akong nakaramdam ng kaba. Kailangang makarating ngayon dito sina Lorenzo at Sebastian. Ipinikit ko ang aking mga mata, hinihiling ko na hindi nakalimutan ni Lorenzo ang huling pakiusap ko sa kaniya.
"Ano iyon?" tanong ni Lorenzo, napahinga ako nang malalim. "Ako talaga ang tinutugis ni Roberto. Ginagamit niya lang na dahilan si Sebastian at ang ating samahan upang hanapin ako" saad ko, nagtaka ang hitsura ni Lorenzo.
"Bakit? May nagawa ka bang malaking kasalanan sa kaniya?" tanong niya saka humarap sa'kin. "Tinutugis din niya ang ating samahan dahil nanganganib ang kaniyang posisyon" patuloy niya. Umiling ako saka tumingin sa kaniya.
"Hindi. Mas higit na kailangan niya akong madakip. Hindi ko maaaring sabihin sa iyo ang dahilan ngunit umaasa ako na maliligtas ko ang samahan kung sakaling mabilanggo na niya ako" kumunot ang noo ni Lorenzo. Hindi niya maunawaan ang sinasabi ko. Kung nasa posisyon niya rin ako, maguguluhan din siya sa ibig kong mangyari.
"Isusuko mo ang iyong sarili sa hukbo?" hindi ako nakapagsalita sa sinabi niya. "Maayos na ang plano ng samahan. Sasakay tayo ng barko patungong Europa. Walang maiiwan"
Ipinikit ko na lang ang mga mata ko saka huminga nang malalim. Hindi ko gustong magsinunggaling sa kaniya sa huling pagkakataon ngunit ito na lang ang tanging paraan para matupad ang aking plano at matapos na ang lahat ng ito. Kahit saang anggulo tingnan ay wala rin namang mangyayari sa pagtakas na ibig nilang mangyari.
"Hindi ako maiiwan. Lilinlangin ko lang si Roberto at papatagalin ang pagtakas ng lahat. Sa gabi pa aalis ang barko. Nakasisiguro ako na mahahatulan agada ko ng kamatayan bago lumubog ang araw" wika ko, gulat na napatingin sa'kin si Lorenzo.
"Ngunit... Hinihiling ko na iligtas niyo ako" patuloy ko saka tumingin sa kaniya. "I-isama mo si Sebastian. Barilin niyo si Roberto. Si Sebastian ang dapat na bumaril kay Roberto dahil mas sanay siyang humawak ng baril" saad ko, halos walang kurap na nakatingin sa'kin si Lorenzo, hindi siya makapaniwala sa mga sinasabi ko.
"Ibig mo ring iligtas si Maria Florencita bago siya tuluyang maikasal at matali kay Roberto, hindi ba? Ito na ang pagkakataon natin para mapatay si Roberto at mapatagal ang oras nang pagtakas nang sa gayon ay makarating ang lahat sa daungan" napapikit si Lorenzo at napatayo. Napahilamos din siya sa kaniyang mukha.
"Mapanganib ang ibig mong mangyari? Paano kung matuluyan ka?"
"Hindi iyon mangyayari. Hihintayin ko kayo ni Sebastian" pakiusap ko, hindi nakapagsalita si Lorenzo. Sandali kaming natahimik. Pinoproseso pa ng utak niya ang lahat ng sinabi ko. Ilang sandali pa ay muli siyang humarap sa'kin.
"Ipangako mo na hindi ka mapapahamak sa plano mong iyan. Hintayin mo kami" wika niya, tumango ako habang pilit na pinipigilan ang pagbagsak ng aking luha.
Napatigil ako nang makita ang dalawang lalaking nakadapa sa bubungan ng isang malaking bahay. Papalubog na ang araw. Kulay kahel, asul at itim na ang kalangitan. Animo'y ngumiti ang aking puso nang makita ang hugis ng buwan na siyang pinakapaborito ko sa lahat. Hanggang sa huling sandali ay hindi ako ibig nitong masilayan ko siya.
Nagulat ako nang paupuin na kami sa silya saka itinali ang aming kamay at paa sa upuan. Tumunog na ang trumpeta. Dumating na rin ang kawal sa pangunguna ni Roberto, nagmamartsa sila papalapit sa amin. Umakyat na ang pari sa entablado at nagsimula itong magdasal. Panalangin para sa mga kaluluwang nagmamakaawa at humihingi ng kapatawaran.
Dahan-dahan kong ipinipiglas ang kaming kamay at paa mula sa pagkakagapos sa silya. Kailangan kong matanggal ito bago bumaba si Roberto sa entablado. Kailangan kong makita si Sebastian bago takpan ang aming mukha.
Binasa ng isang guardia ang hatol ng hukuman saka nagpatuloy ang pari sa pagdadasal. Tahimik ang lahat. Nanginginig na aking buong katawan lalo na ang aking labi habang pinipigilan ang pagbuhos ng aking luha. Natatanaw ko si Sebastian mula sa malayo suot ang pulang kamiso at salakot. Nasa tabi niya si Lorenzo at maingat silang nakadapa sa bubungan.
Umakyat si Roberto sa entablado, tiningnan niya kami isa-isa. Tumigil siya sa tapat ko saka ngumisi. "Ito talaga ang ibig mo? Ang mamatay sa paraan ng garrote" wika niya saka pinaikot sa kaniyang kamay ang hawak na rebolber.
Napatingin ako sa lubid na nakatali sa aking kamay at paa na maluwag na ngayon. "Kung ito talaga ang ibig mo, pagbibigyan kita" ngisi niya saka humarap sa madla ngunit bago pa siya makapagsalita ay umalingangaw ang malakas na putok ng baril. Diretsong tumama ang bala sa lalamunan ni Roberto.
Gulat na napahawak si Roberto sa leeg niyang dumadanak na ang dugo ngayon. Natanaw ko si Sebastian, alam kong hindi matatapos sa isang bala ang gagawin niya. Bago niya kalibitin muli ang gatilyo ng baril ay mabilis akong tumayo at iniharang ko ang aking sarili kay Roberto. Ang sunod na bala ay tumama sa aking likod na tumagos sa aking dibdib.
Naunang bumagsak si Roberto, napahawak ako sa aking dibdib na ngayon ay hindi na rin matigil sa pagdurugo. Napadapa ako sa entablado, hindi ko magawang huminga. Sa tuwing sinusubukan kong huminga ay mas lalong nagliliyab ang aking dibdib. Ramdam ko rin ang sakit na dumaloy sa aking lalamunan at ilong. Kasunod niyon ay napaubo ako ng dugo at patihayang bumagsak sa entablado.
Nagkagulo ang lahat. Kani-kaniyang takbo ang mga tao. Hindi naman malaman ng mga kawal kung saan sila pepwesto at kung ano ang kanilang gagawin dahil bumagsak na ngayon ang heneral. Muli kong ibinaling ang aking ulo sa kaliwa kung saan ko nakita si Sebastian kanina.
Wala na siya sa bubong. Natanaw ko siyang tumatakbo na papalapit sa akin at inihagis niya ang mahabang baril sa lupa. Sumisigaw siya ngunit hindi ko marinig. Lumuluha rin siya ngunit hindi ko na masyado makita. Tinatawag niya ang pangalan ko ngunit hindi ko na maramdaman ang pagtibok ng aking puso na palaging bumibilis sa tuwing binabanggit niya ang aking pangalan.
Nagsimulang lumiyab ang buong paligid dahilan upang magkagulo lalo ang lahat. Ang lahat ng bahay, istruktura, gamit, puno, lupa at lugar sa loob ng kwentong ito ay tinutupok ngayon ng apoy. Naalala ko ang huling bilin ko kay Lolita bago ako umalis sa Panciteria nang tuluyan.
Hinatid ako ni Lolita sa likod ng kusina. Parehong namamaga ang mga mata namin. "Kapag nagkaanak na siguro si heneral Roberto baka maging maluwag na siya" saad ni Lolita sabay tawa. Sa mga ganitong sitwasyon ay palabiro pa rin siya.
Inabot ko sa kaniya ang dala kong bayong kanina. Bago ako pumunta ng Panciteria, dumaan muna ako sa aklatan para kunin ang libro ng Salamisim. "Bukas, sa ganap na ika-sais ng gabi, sunugin mo ang aklat na iyan" saad ko, tiningnan ni Lolita ang bayong saka nagtatakang pinagmasdan ang makapal at lumang libro.
"Ano ho ito?" tanong niya, binuklat niya iyon ngunit wala namang nakasulat. "Basta sunugin kahit anong mangyari" tugon ko, ibinalik na niya sa loob ng bayong ang libro saka tumango sa'kin. "Maaaring gamitin din itong ebidensiya laban sa inyo ni heneral Guerrero" wika niya. Hindi ko magawang bitawan ang kamay niya.
"Kapag nagkaanak kayo ni heneral Guerrero, nawa'y dumalaw ka rito ate Tanya kasama ang inyong supling" ngiti niya, tumango ako saka nagsimulang maglakad papalayo. Kumaway siya sa'kin, kumaway din ako pabalik, sunod-sunod na pumatak ang mga luha ko.
Nasusunog na ngayon ang librong Salamisim. Tuluyan nang maglalaho ang lahat. Mawawala na ang nobelang ito. At sa mga huling sandali ay patuloy ang mabagal na pagbagsak ng aking luha habang tinatanaw si Sebastian, malayo pa siya sa akin. Hindi na niya ako maaabutan. Hindi ko na mahihintay pang mahawakan niya ang aking kamay sa huling pagkakataon.
Pilit kong inaangat ang aking kamay ngunit hindi ko na maigalaw nang maayos ang aking daliri. Gusto ko siyang abutin, gusto kong hawakan muli ang kaniyang mukha. Gusto kong punasan ang kaniyang mga luha at sabihing hindi na siya muling luluha pa dahil makakalimutan niya rin ang lahat ng ito. Makakabalik na siya sa kaniyang mundo at ang nobelang ito ay maglalaho na parang abo.
Bago ko tuluyang ipikit ang aking mga mata ay huling sumagi sa isipan ko ang nakalagay sa likod ng pulang bookmark. Sa oras na masunog ang Salamisim. Maglalaho ang lahat ng tauhan at alaalang bahagi ng nobelang ito.
*******************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top