Kabanata 34

[Chapter 34] Third Person POV

WALANG imik silang naglalakad pabalik. Nakasuot ng pulang balabal si Angelita. Ang baril na dala niya ay lihim nilang naukibli sa isang kariton na pag-aari ni Mang Tino. Ang kariton na iyon ay dadaan mamaya sa tahanan nila Lorenzo kung saan ibababa nito ang mga armas.

Nakailang sulyap si Marcus kay Angelita, matapos niyang banggitin ang tungkol sa kahilingan na gusto nitong hilingin sa kaniya ay hindi na ito nagsalita. Ni hindi na rin siya nagkaroon ng pagkakataon humingi ng paumanhin sa ginawang paghawak sa dalaga kanina.

Mabagal ang kanilang paglalakad pabalik sa Panciteria. Tulala lang si Angelita, hindi pa rin mawala sa isipan niya ang palitan ng tingin nina Lorenzo at Maria Florencita sa isa't isa. Napailing na lang siya sa sarili at pilit na binubura iyon sa kaniyang isipan.

Napatikhim si Marcus dahilan upang mapatingin sa kaniya si Angelita. Para sa kaniya ay napakahiwaga ni Marcus dahil nalaman din nito kung nasaan siya at ang bagay na gusto niyang hilingin. "M-mapagbibigyan niyo ba ako, ginoo?" tanong ni Angelita, napatingin sa kaniya si Marcus at napatigil sila sa paglalakad.

Nasa gitna sila ng kalsada, may iilang mga tao ang pauwi na rin sa kani-kanilang tahanan mula sa mansion ng pamilya Garza. May mga dala silang pagkain at masayang nagkwekwentuhan tungkol sa kasiyahan. Maraming ilaw sa labas, mga lamparang nakasabit sa labas ng mga tindahan at kabahayan. Nakatingin lang si Marcus kay Angelita, napayuko at napahinga nang malalim ang dalaga, "Bakit may mga pagtingin na hindi kayang suklian?" patuloy nito.

Hindi nakapagsalita si Marcus, nanatili lang siyang nakatingin sa ulo ni Angelita dahil nakayuko ito. Pilit na tinatago ang pagkadismaya at mga negatibong tumatakbo sa isipan niya. "Maraming pagkakataon na niya ako nakitang tumangis, kailanman ay hindi niya nagawang abutan ako ng panyo o tingnan nang katulad ng ginawa niya sa babaeng iyon" patuloy ni Angelita saka mabilis na pinunasan ang namumuong luha sa pag-asang hindi na ito masundan pa.

Iniangat niya ang kaniyang ulo at tumingin kay Marcus, sinubukan niyang ngumiti. "Iyong natatalos ang lahat ng tumatakbo sa aking isipan. Maaari mo bang sabihin sa'kin ginoo na mali ang aking iniisip. Na wala namang kung anong interes si Lorenzo sa anak ni Don Florencio" napatitig si Marcus sa mga mata ng dalaga na kumikislap dahil sa pamumuo ng tubig sa mata nito.

Hindi niya batid kung bakit may kung anong kalungkutan din siyang nararamdaman. Tama ba na maranasan din ng isang karakter na tulad ni Angelita ang nararamdaman niya? "Kung hihilingin mo sa akin na baguhin ang lahat at umibig sayo si Lorenzo... Sa iyong palagay, totoong pag-ibig ba iyon?" sa hindi malamang dahilan ay ang mga salitang iyon ang lumabas sa bibig ng binata.

Madali lang para sa kaniya ang mag-revise at mag-edit ng isang istorya. Ngunit hindi siya sigurado kung gano'n din ba kadali baguhin ang damdamin ng isang karakter. Nanatili pa ring nakatingin si Marcus sa mga mata ng dalaga.

Naalala niya ang kaniyang sarili. Ang pagtingin niya kay Pia ay hindi rin nito kayang suklian. Naitanong niya tuloy sa sarili kung ang nararamdaman niyang iyon ay ibinuhos niya sa karakter ni Angelita. Na tulad ni Angelita ay hindi rin ito kayang mahalin ni Lorenzo.

Hindi niya alam kung anong dapat sabihin. Maging siya ay walang tiyak na sagot kung bakit ba hindi nasusuklian ang pag-ibig ng isang tao. Dahil maging siya ay nakakaranas niyon.

Nagtatalo ang kaniyang isip kung dapat ba niyang sabihin kay Angelita na hindi ito magagawang mahalin ni Lorenzo. Na dapat na lang niyang kalimutan ang pagtingin sa binatang iyon. Ngunit kung gagawin niya iyon ay sisirain niya mismo ang sarili niyang nobela.

Ngumiti si Angelita saka tumawa nang pilit, "K-kalimutan niyo na ginoo ang aking sinabi. Tila pinapangunahan kung ang mga pangyayari. Sadyang mapagmalasakit si Lorenzo kaya niya marahil nagawa iyon. Mabait siya at matulungin sa lahat" wika ni Angelita na animo'y para iyon sa sarili niya. Madiin din ang pagkakasabi niya ng salitang 'Lahat'. Pinapaniwala niya ang kaniyang sarili na isa iyon sa mga mabuting katangian ni Lorenzo na batid ng karamihan.

Nauna nang maglakad si Angelita, halos nakaka-limang hakbang pa lamang siya ay muli siyang lumingon kay Marcus. Nagulat ito dahil ngumiti sa kaniya ang dalaga, "Ikaw pa lamang ginoo ang nakababatid ng aking kahilingang iyon. Nawa'y manatiling lihim sa ating dalawa ito" pakiusap ni Angelita, sa hindi malamang dahilan ay nagawang ngumiti ni Marcus nang marahan saka tumango.


MAKALIPAS ang ilang araw, napansin ni Angelita ang madilim na ulap. Naglalakad siya papunta sa tahanan nila Lorenzo. May dala siyang mga prutas at kakanin. Ibig niyang kamustahin ang binata at makita ang mga papeles na nakuha nito.

Pagdating niya roon ay naabutan niya sina Berning, Tadeo at Santino. Binabasa nila ang mga papeles. "Nasaan si Lorenzo?" tanong ni Angelita, si Santino ang lumingon sa kaniya. "Nasa palimbagan" tugon nito saka muling ibinalik ang tingin sa mga papeles.

Naupo si Angelita sa tabi ni Tadeo. Kinuha niya ang mga natapos basahin ng tatlo at binasa iyon ngunit magulo ang kaniyang isipan. Gusto niya makita si Lorenzo. "Hindi ba't wala silang pasok ngayon" saad ni Angelita, ang tinutukoy niya ang trabaho ni Lorenzo.

"Ah. Iyon pala ang narinig ko kanina kay Mang Tino. May paparating na bagyo kaya wala silang pasok sa palimbagan" wika ni Tadeo.

"Wala pa namang bagyo" saad ni Berning sabay tingin sa bintana. Madilim na ang langit kahit tanghali pa lamang.

"Ang mga signos na iyan ay nangangahulugang may paparating na bagyo" paliwanag ni Tadeo sa kakambal. Napatingin si Angelita sa napakadilim na langit. Mas dapat niyang isipin ang kaniyang sarili dahil hindi siya pwedeng abutan ng bagyo sa gitna ng daan. Ngunit ang nasa isip niya ay si Lorenzo.

"Hindi niyo ba susunduin si Lorenzo? Baka abutan siya ng ulan sa palimbagan" saad ni Angelita, natawa naman ang tatlo. "Malaki na ang batang 'yon" saad ni Santino, tiyak na mapapahiya at maiinis lang si Lorenzo kapag sinundo pa siya roon ng kaniyang kuya. Ngumiti na lang din si Angelita upang sumabay sa kanilang pagtawa. Ayaw niyang makahalata ang mga kaibigan na nag-aalala siya kay Lorenzo.

Tumayo na siya, "Uuwi na ako. Pakisabi kay Lorenzo na nagtungo ako rito" saad niya, tumango ang tatlo habang abala pa rin sa pagbabasa ng mga papeles. Matamlay na naglakad si Angelita pabalik sa Panciteria, pilit niyang winawaksi sa kaniyang isipan ang posibilidad na magkagusto si Lorenzo sa ibang babae.

Naalala niya na ang palimbagan ng mga dyaryo ay pag-aari ng pamilya Garza. Sa kaniyang isipan ay kaya ba pinili ni Lorenzo na magtrabaho roon ay upang maging tauhan ng pamilya Garza at magkaroon ng pagkakataon makita nang madalas si Maria Florencita.

Napatigil si Angelita sa tapat ng Panciteria nang mapansin niya ang sampung kalalakihan doon na abala sa pagpapatibay ng tindahan. Nasa bubong ang iba at ang iba naman ay nasa bintana. Kani-kaniya silang hawak ng martilyo at mga tabla upang pagtibayin ang Panciteria.

"Angelita!" tawag ni Aling Pacing nang makita siya. May bitbit itong mga baso ng tubig na pinapamahagi sa mga karpintero. "Ano hong nangyayari, inay?" tanong ni Angelita, binigay sa kaniya ni Aling Pacing ang dalawang baso.

"Dumating dito sina Niyong at ang isang lalaki na kasama niyang nangangasiwa sa aklatan, Sebastian ang ngalan nito. Ayon sa kaniya, pagtibayin natin ang Panciteria sapagkat may malakas na bagyong darating" paliwanag ni Aling Pacing, nakita niya sina Mang Pedro at ang tatlo pang lalaki na magkatulong buhatin ang isang mahabang tabla na ilalagay sa bawat gilid ng tindahan.

"O'siya, ipamahagi mo na ang mga tubig. Babalik ako sa kusina, luto na ang pansit" wika ni Aling Pacing, lumabas si Angelita sa Panciteria at sinundan ang amain. Ngunit napatigil siya nang makita si Marcus na abala sa pagpapatibay ng mga bintana.

Dahan-dahan siyang naglakad papalapit kay Marcus, kulay itim ang suot nitong kamiso dahilan upang mas mangibabaw ang mestizong balat ng binata. Napatikhim siya dahilan upang mapatigil si Marcus at mapalingon sa kaniya. Inabutan niya ng isang baso ang binata, kinuha naman nito ang baso saka tiningnan.

"Walang gayuma 'yan" biro ni Angelita sabay tawa. Napaiwas naman ng tingin si Marcus dahil nagulat siya sa birong iyon ng dalaga. Sanay si Angelita magbiro ng gano'n lalo na kay Lorenzo kaya hindi niya inaasahan na mabibigla si Marcus sa gano'ng klaseng biro.

Naisip niya na hindi siguro sanay sa biruan ang mga mahiwagang nilalang. Napatikhim muli si Angelita, ininom na ni Marcus ang tubig saka ibinalik ang baso kay Angelita. "Ginoo..." panimula ni Angelita saka humakbang papalapit kay Marcus.

Hindi naman makahakbang paatras ang binata dahil nakatuntong siya sa isang bangkito. Tumingin si Angelita sa paligid saka pabulong na nagsalita, "May malakas na bagyo ba talagang darating?" paniniguro ni Angelita. Tumango si Marcus saka umiwas ng tingin sa dalaga at nagpatuloy na lang sa pagpukpok ng martilyo sa mga pako ng bintana.

Tumango sa sarili si Angelita, sandali itong natahimik kaya sumulyap si Marcus sa kaniya. Nang muling tumingala si Angelita ay mabilis siyang umiwas ng tingin at nagkunwaring abala sa ginagawa. "Kung gayon, maraming salamat dahil tinulungan niyo kami ginoo. Tiyak na malulungkot si inay at itay kapag nawasak ng bagyo ang aming Panciteria" ngiti ni Angelita.

Hindi kumibo si Marcus, hindi niya mawari kung bakit nahahawa siya sa matatamis na ngiti ng dalaga. Nalalayo iyon sa kaniyang ugali kung kaya't pilit niyang nilalabanan.

Nang hapon ding iyon ay nagsalo-salo sila sa pansit. Sampung kalalakihan ang pinakain ni Aling Pacing. Nagpakatay din siya ng apat na manok at pinaihaw ito. Si Angelita at Lolita ang naatasang mag-ihaw ng manok, palibhasa ay hindi naman sanay si Angelita sa pag-iihaw ay muntik niya pang masunog ito. Mabuti na lang dahil nasagip agad ni Lolita ang apat na manok na nangingitim na.

"Aling Pacing, kay sarap talaga ng inyong lutuin" puri ng isang manong. Hindi naman mawala ang ngiti ni Aling Pacing. Kanina pa siya paulit-ulit na nagpapasalamat sa mga kalalakihang tumulong sa kanila. Tunay na hindi nawawala ang katangiang bayanihan sa mga Pilipino.

Maingat na pinamahagi ni Angelita ang mga tubig sa sampung lalaki. Napatigil siya at napangiti nang iabot niya ang baso kay Marcus. Katabi ito ni Niyong, sa tabing bintana sila nakaupo. Natutuwa si Angelita dahil mukhang kinalulugdan siya ng mahiwagang nilalang. Ito na ang swerte at gantimpala na nagsisimulang mangyari sa buhay niya.

"Kung hindi dahil sa binatang ito, hindi natin mapagtitibay ang ating mga kabahayan" wika ni Mang Pedro sabay tingin kay Marcus. Doon lang din nalaman ni Angelita na halos lahat ng mga tindahan at bahay sa pamilihan ay naghahanda na ngayon sa paparating na bagyo dahil sa pangunguna ni Marcus sa Panciteria.

Hindi naman malaman ni Marcus ang gagawin. Nahihiya siya sa gano'ng papuri. Nakangiti ang lahat at nagpapasalamat sa kaniya. Nang tumingin siya kay Angelita ay mas abot tenga ang ngiti nito. Nagpatuloy na lang siya sa pagkain at nang minsang mabilaukan ay agad siyang uminom ng tubig.

Ilang sandali pa, isa-isa nang nagpaalam ang mga kalalakihan. Tumayo na rin si Marcus upang ibalik sa kusina ang pinggan at baso. Nagulat siya nang humarang si Angelita sa daan at agad nitong kinuha ang pinggan at baso sa kamay niya. "Ginoo, sumama kayo sa akin" bulong pa niya rito, mabilis niyang nilagay sa kusina ang hugasin sabay senyas kay Marcus na sumunod ito sa ikalawang palapag ng Panciteria.

Sa ikalawang palapag ang bahay at mga silid. Napalingon muna si Marcus sa paligid bago sumunod kay Angelita na ngayon ay hindi siya tatantanan hangga't hindi siya sumusunod. Wala na siyang nagawa kundi ang umakyat sa hagdan.

Malinis at simpleng salas ang tumambad sa kaniya na nasa bungad ng hagdan. May tatlong silid ang ikalawang palapag. Nasa dulo ang silid nina Angelita at Amalia. Natanaw niya si Angelita na pumasok sa silid nito at muling sumenyas sa kaniya na sumunod siya.

Napahawak na lang si Marcus sa kaniyang batok. Hindi niya alam ang dapat gawin. Ang pumasok sa silid ng isang babae sa historical period na nobela ay isang malaking kapahangasan. Ibig na niyang bumaba sa hagdan ngunit muling dumungaw si Angelita sa pintuan. "Ginoo!" pabulong na tawag nito.

Wala nang nagawa si Marcus kundi ang maglakad papunta sa silid at pumasok doon. Agad sinarado ni Angelita ang pinto. Napansin agad ni Marcus ang amoy dalandan sa loob ng silid. May mga prutas ng dalandan sa tukador.

Bukas ang bintana kung kaya't kahit papaano ay hindi madilim sa loob ng silid kahit pa makulimlim ang langit. May kinuha si Angelita sa aparador saka humarap sa kaniya. "Ibig kitang handugan ng regalo ginoo" ngiti ni Angelita saka lumapit sa kaniya. Napaatras na lang si Marcus hanggang sa tumama ang kaniyang likod sa kahoy na dingding.

"Halika rito, ginoo" ngiti ni Angelita saka umupo sa kama. Nanlaki ang mga mata ni Marcus, hindi niya lubos maisip kung ano ba ang ibig iparating ng dalaga. Silang dalawa ay uupong magkatabi sa kama?

Tumayo na si Angelita saka hinawakan ang dulo ng kaniyang manggas at hinila siya papunta sa kama. Animo'y nanlalamig ang buong katawan ni Marcus. Hindi niya akalaing mapusok ang karakter ni Angelita.

Nagulat siya nang tumuntong sa kama si Angelita saka inilabas ang isang mahabang lubid. "Susukatan kita ginoo upang makapagtahi ako ng iyong damit" ngiti nito, tulalang napatango na lang si Marcus. Akala niya ay kung anong kapusukan ang gagawin ni Angelita sa kaniya. Ngunit hindi niya maitanggi sa kaniyang isip na anumang gawin ni Angelita ay siguradong hindi niya matatanggihan. Dahil ba sa natutuwa siya sa dalaga? Nagsisimula na bang magkaroon siya ng pagtingin dito? Hindi niya alam.

Pinatalikod ni Angelita si Marcus, una nitong sinukat ang balikat, likod, leeg at braso ng binata. Kasunod ay pinaharap niya ito. Magkapantay sila ngayon dahil nakatayo si Angelita sa ibabaw ng kama. Sinukat ni Angelita ang baywang ng binata. Hindi niya namalayan na nakatitig lang sa kaniya si Marcus.

"Ano ang kulay na ibig mo, ginoo?" tanong ni Angelita, abala pa ito sa pagsukat kung kaya't hindi nito napapansin ang mga titig ni Marcus sa kaniya. "Sa aking palagay, bagay sayo ang pula" ngiti ni Angelita sabay tingin sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay natahimik si Angelita dahil hindi niya sigurado kung kanina pa siya tinitingnan nang ganoon ng binata. s

Si Angelita ang unang umatras ngunit nawalan siya ng balanse sa dulo ng kama. Mabuti na lang dahil nahawakan ni Marcus ang kaniyang likuran. Sandali silang nagkatitigan. Animo'y parehong tumigil ang takbo ng oras at mundo.

Natauhan sila nang marinig ang boses nina Lolita at Aling Pacing. Napagtanto ni Angelita na hindi niya dapat pinapasok si Marcus sa kaniyang silid dahil isang malaking kapahangasan iyon. Nawala sa kaniyang isip na anyong tao ito kung kaya't malalagay sila sa kapahamakan.

Agad niyang pinatago si Marcus sa ilalim ng kama. Kasabay niyon ang pagbukas ng pinto. "Angelita, kanina ka pa namin hinahanap. Maghuhugas pa tayo ng mga pinggan" saad ni Aling Pacing, pumasok naman si Lolita sa loob ng kwarto at kumuha ng tatlong pirasong dalandan na nakapatong sa tukador.

Nasagi ni Lolita ang isang dalandan dahilan upang mahulog ito sa sahig at gumulong sa ilalim ng kama. Dadamputin na sana niya ngunit nagulat silang nang palundag na dumapa si Angelita sa sahig, inunahan niya si Lolita.

"Ako na!" wika nito saka pilit na inabot ang dalandan. Nakatingin lang siya kay Lolita sa takot na dumungaw ito sa ilalim ng kama. Hindi makapa ni Angelita ang dalandan, nahawakan niya ang mukha, leeg at dibdib ni Marcus dahil patihaya itong nagtago sa ilalim.

Hinawakan ni Marcus ang kamay ni Angelita saka pinahawak dito ang dalandan sa takot na kung ano pang sunod na mahawakan ng dalaga sa kaniya. "Heto na!" ngiti ni Angelita, pinagpapawisan siya sa kaba. Inabot na niya ang nahulog na dalandan kay Lolita saka mabilis na simahan ito palabas ng kwarto.

Tumingin siya kay Marcus sa ilalim ng kama sa pag-asang maintindihan nito na iyon na ang pagkakataon upang tumakas ang binata. Nagtungo sina Aling Pacing, Lolita at Angelita sa kusina. Kinakabahan si Angelita, panay ang tingin niya sa hagdan o kaya sa bintana ng kusina baka sakaling lumundag mula sa itaas si Marcus.

Sa huli ay nakita niyang nakababa sa hagdan si Marcus. Mabilis itong nakalabas sa Panciteria. Napahawak na lang si Angelita sa tapat ng kaniyang puso. Ang tagpong iyon ay higit na mas nakakakaba sa kaniya kumpara sa mga misyon na isinasagawa ng kanilang samahan.


MABILIS na naglalakad si Marcus papalabas sa Panciteria. Napahawak siya sa kaniyang dibdib, hindi niya mawari kung bakit ang bilis ng tibok ng kaniyang puso. Hindi niya namalayan ang papasalubong na lalaki. Nagkabanggan ang kanilang balikat, "Paumahin" wika ng lalaki na may dalang buko, tumango lang si Marcus saka nagpatuloy sa paglalakad.

Ang lalaking nakabangga ni Marcus ay si Lorenzo. Hindi niya ito namukhaan dahil tila nawala siya sa sarili habang pilit na winawaksi sa kaniyang isipan ang naging tagpo nila ni Angelita. Malaking bagay din ang pagkabog ng kaniyang dibdib kung kaya't hindi na niya napapansin ang mga tao sa paligid. Sinundan ni Lorenzo ng tingin ang lalaking nakabanggaan niya, nabastusan siya sa ugali nito dahil hindi man lang ito humingi sa kaniya ng paumanhin.

"Kuya Lorenzo!" ngiti ni Lolita nang makita si Lorenzo papasok sa Panciteria. "Para sa amin ba ito, kuya?" salubong ni Lolita sabay kuha sa dalang buko nito. Ngumiti at tumango si Lorenzo, dumungaw siya sa kusina. "Nariyan ba si Lita?" tanong niya, tumango si Lolita saka tumakbo papasok sa kusina.

"Ate, nariyan si kuya Lorenzo, hinahanap ka" bulong nito sabay ngiti na may halong panunukso, napatingin naman si Aling Pacing, narinig niya ang ibinulong ni Lolita. Nagpunas na ng kamay si Angelita saka hinarap ang bisita.

"Bakit?" tanong niya kay Lorenzo sabay ngiti. Medyo marumi na ang suot na kulay krema na kamiso ni Lorenzo. Hinubad ni Lorenzo ang suot na salakot saka inilapag sa mesa.

"Dinalhan kita ng buko" ngiti ni Lorenzo, madalas niyang gawin iyon dahil paborito ni Angelita ang buko. Bukod sa abot kaya lang ang presyo nito. Naupo sila sa bakanteng mesa, napansin ni Lorenzo ang pagpapatibay sa Panciteria.

"Naghahanda ang lahat sa paparating na bagyo. Aking naulinigan na dito raw nagsimula" saad ni Lorenzo, tumango si Angelita. "Nagulat din ako kanina. Tulong-tulong sila. Nagluto rin kami para sa kanila" ngiti ni Angelita.

"Sebastian daw ang ngalan ng nanguna sa pagpapatibay ng mga tahanan. Ngayon ko lamang narinig ang kaniyang pangalan dito sa ating bayan" saad ni Lorenzo, sandali napatingin sa kaniya si Angelita. Kilala na niya si Lorenzo, pinagdududahan nito ang mga bagong dayo.

"Ibig mo ba ng makakain?" pag-iiba niya ng usapan, umiling si Lorenzo.

"Kumain na ako" tugon nito, ang totoo ay dinalhan sila ni Maria Florencita ng maraming pagkain kanina. Hindi niya maalis sa isip ang palitan nila ng tingin ng dalaga kanina. Hindi siya sigurado kung natatandaan siya nito ngunit panay ang tingin sa kaniya ng señorita na nagdudulot ng pagkabog ng kaniyang puso.

Nagawa niya ring sagipin si Maria Florencita nang minsan itong tambangan ng mga magnanakaw sa daan. Naglalaro sa kaniyang isipan kung ibig lang ba ibalik ng señorita ang nagawa niyang kabutihan at pagligtas sa buhay nito.

"Ano pala ang sadya mo?" napangiti si Lorenzo sa tanong na iyon ni Angelita, nilalaro niya ang kaniyang kamay na nakapatong sa mesa. Hindi naman mabasa ni Angelita ang tumatakbo sa isipan ni Lorenzo ngunit naroon pa rin ang saya sa kaniyang puso dahil nakikita niyang ngumiti ito.

"Ano ang hilig ng mga babae?" tanong ni Lorenzo, natigilan si Angelita. Nakangiti pa rin sa kaniya si Lorenzo, nagsimulang tumibok nang mabilis ang puso niya. Sa kaniyang isipan ay posibleng hindi diretsong tanong ito ng binata kung ano ang gusto niya.

Nag-uumapaw sa saya ang puso ni Angelita, ito na siguro ang katuparan ng kaniyang kahilingan. Malakas ang pakiramdam niya na tinupad na ng mahiwagang nilalang ang kaniyang hiling.

"Sa bulaklak? Ano ang ibig na bulaklak ng mga babae?"

"Mirasol" tugon ni Angelita. Tumango-tango si Lorenzo saka ngumiti. Tumayo siya dahilan para mapatayo rin si Angelita. "Siya nga pala, magkakaroon ng pagdiriwang sa sabado ng gabi sa tahanan nina Don Severino. Pagkakataon na natin iyon upang makakuha ng papeles sa kaniyang silid" wika ni Lorenzo, sinuot na nito ang salakot.

Nagsimula nang umambon. "Anong pagdiriwang?" tanong ni Angelita, napakibit balikat si Lorenzo habang sinusuot ang kaniyang panyapak sa paa. "Sa pagdiriwang daw malalaman" tugon niya saka tumingin kay Angelita.

"O'siya, una na ako. Magkita tayo sa sabado" paalam ni Lorenzo, napahawak na lang si Angelita sa pintuan ng Panciteria habang tinatanaw si Lorenzo papalayo. Hindi na mawala ang ngiti sa kaniyang labi sa ideyang bibigyan siya ng bulaklak ni Lorenzo sa sabado at magtatapat na ito sa kaniya.


MALAKAS na bagyo ang humagupit sa buong bayan. Nagkaroon din ng baha dahilan upang mamatay ang mga tanim na palay. May mga hayop ding nalunod at namatay. Sa kabila niyon ay wala namang bahay o tindahan ang napinsala ng malaki dahil nakapaghanda ang lahat.

Tatlong araw nagtagal ang bagyo. Nagdadasal at nangangamba na ang lahat ngunit si Angelita ay tahimik at panatag lang sa kaniyang silid habang tinatahi ang pulang kamiso na ireregalo niya sa mahiwagang nilalang. Magandang tela ang pinili niya at sinuguradong matibay ang pagkakatahi niyon. Binurdahan din niya ito ng gasuklay na hugis ng buwan na siyang paborito niya sa lahat. Natutuwa siya dahil kahit papaano ay mapapasalamatan niya ito dahil tinupad na ng mahiwagang nilalang ang kahilingan niya.

Ilang beses sumisilip sina Aling Pacing at Mang Pedro sa kaniyang silid dahil hindi na nawala ang ngiti nito at panay ang pagkanta. Sa kabila ng malakas na bagyo ay naroon si Angelita na tila lumulutang sa ulap.

Kasalukuyang nagwawalis sina Angelita at Lolita sa Panciteria upang alisin ang putik dahil pinasok ito ng baha nang matanaw niya si Marcus. Humupa na ang baha sa lansangan ngunit maputik ito, abot hanggang binti ang putik.

Napansin niya ang malungkot na hitsura ni Marcus habang pinagmamasdan ang buong paligid. Huminga nang malalim si Angelita saka itinaas ng kaunti ang kaniyang saya, lumusong siya sa putikan upang salubungin si Marcus sa gitna ng kalsada.

"Ginoo!" tawag niya, napatigil si Marcus sa paglalakad at napalingon kay Angelita. Muli niyang nakita ang magagandang ngiti nito habang lumalakad sa putikan nang walang pandidiri. "Kumusta ang aklatan?" napansin niya ang maaliwalas na mukha ng dalaga.

"M-mabuti naman" tugon niya, humakbang pa papalapit si Angelita. Nanatiling nakatitig lang sa kaniya si Marcus, hindi ito lumayo o umiwas. Pinagmasdan ni Angelita ang paligid, ang mga kabahayan at tindahan na hindi gaano nasira.

"Nang dahil sa ginawa mo ginoo, madaling makakabangon ang bayang ito" ngiti ni Angelita saka muling tumingin sa kaniya. Napansin ni Angelita ang malulungkot na mata ng binata dahilan upang unti-unting mawala ang kaniyang ngiti.

"May bumabagabag ba sa inyong isipan, ginoo?" ramdam ni Angelita ang lungkot sa mga mata nito na animo'y may gumugulo sa isipan ng binata na hindi niya magawang sabihin.

"Naiintindihan ko na" panimula ni Marcus saka pinagmasdan muli ang paligid na sinalanta ng bagyo. Sa kaniyang nobela ay may bagyong humagupit sa bayan dahilan upang masira ang mga tanim at maghirap lalo ang mga tao. Ito ay magiging sanhi ng gutom, marami ang sasali sa samahan at lalaban sa pamahalaan. "Kaya siguro ako nandito ay para makita at maranasan ko mismo ang mundong nilikha ko" patuloy ni Sebastian.

Hindi nakapagsalita si Angelita. Ang lahat ng sinasabi ng binata ay mahiwaga para sa kaniya. Ang tinutukoy nitong mundo ay ang lupang tinirihan nilang mga taga-lupa. Napatingala sa langit si Marcus nang magsimulang umambon nang marahan.

"Ang mabuhay sa loob ng nobelang puno ng trahedya" patuloy nito. Naalala ni Angelita ang nabasa niyang isinulat ni Marcus sa papel. Ang Nobelang Salamisim.

"Nagsusulat kayo ng nobela ginoo?" tanong ni Angelita, natauhan si Marcus at napatingin muli sa dalaga. Sinamantala niya ang mga sandaling iyon upang pagmasdan muli ang karakter na isa sa mga nilikha niya.

"Salamisim ba ang pamagat niyon?" patuloy nito, nagulat si Marcus sa sinabi ni Angelita. Sa pagkakataong iyon ay hindi siya nakapagsalita. Ni hindi rin nila alintana ang dahan-dahang pagbagsak ng ulan mula sa kalangitan.

Ngumiti si Angelita, "Paumanhin ginoo ngunit aking nabasa ang isinilid niyo sa isang aklat. Hindi ko ho ibig galawin ang inyong mga gamit ngunit---" hindi na natapos ni Angelita ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Marcus.

"Kung sakaling malaman mo na may malupit na trahedyang mangyayari sa iyong buhay? Ano ang gagawin mo?" sandaling nag-isip si Angelita. Anumang mangyari ay hindi pa rin nawawala ang kaniyang ngiti. Ibig niyang pagaanin ang loob ng mahiwagang nilalang.

"Marahil ay wala namang taong ibig makaranas ng mapait na buhay. Marapat lamang na gawin ko ang lahat upang hindi sapitin ang trahedyang iyon. Hindi ko ibig mamatay nang walang dahilan" tugon ni Angelita. Hindi nakapagsalita si Marcus. Hindi niya batid kung ano ang dapat maramdaman sa harap ng karakter na nagawa niyang paslangin sa wakas ng kwento.


DUMAAN muna si Angelita sa bahay nila Lorenzo bago siya tumuloy sa mansion ni Don Severino. May pagdiriwang itong inihanda para sa lahat, walang nakakaalam kung bakit. Magtatakip-silim na, puno na ng mga tao ang labas ng bahay ng Don. Nagsimula na ring dumating ang mahahalagang opisyal.

Tatlong beses kumatok si Angelita sa pinto bago niya mapansing bukas ito. Naabutan niya roon si Santino, "Kuya, nasaan si Lorenzo?" tanong ni Angelita, abala si Santino sa paglalagay ng pulbura sa isang palayok.

"Nasa tahanan nila Berning, doon siya nananghalian. Hihintayin mo ba sila?" tanong nito nang hindi tumitingin kay Angelita dahil abala siya sa ginagawa. Napansin ni Angelita ang isang pirasong bulaklak ng mirasol na nakapatong sa higaan ni Lorenzo.

Napangiti sa sarili si Angelita nang makita iyon, may puting laso pa itong nakatali sa tangkay ng bulaklak. Napatingin siya kay Santino, hindi naman nito napansin ang malaki niyang ngiti habang nakatingin sa bulaklak.

Alas-siyete na nang gabi nang makarating si Angelita sa mansion ni Don Severino. Hindi na siya sumabay kay Lorenzo dahil kailangan niyang mauna roon. Makikihalo rin siya sa mga bisita sa labas. Kasama ni Angelita si Lolita, nakapila sa mga pagkain na nakahain sa labas ng mansion.

Napangiti si Lolita nang makita si Niyong, matagal na siyang may gusto sa binatilyo. Batid naman nito ang kaniyang nararamdaman ngunit tila walang interes si Niyong sa panliligaw. Kasama ni Niyong ang bagong kasama nito sa aklatan.

Nakita ni Angelita si Marcus, agad siyang kumaway sa dalawa. Ayaw sanang lumapit ni Niyong kay Angelita dahil kasama nito si Lolita na patay na patay sa kaniya ngunit wala siyang nagawa nang maglakad na si Marcus papalapit sa dalawang binibini.

Napansin ni Lolita ang malaking ngiti ni Angelita habang papalapit si Marcus sa kanila. "Nawa'y matuwa kayo sa mga handa rito, ginoo" wika ni Angelita, nagtaka naman si Lolita dahil parang si Angelita ang may ari ng bahay at siyang magpapakain sa lahat.

"Kumusta, Niyong?" bati ni Lolita kay Niyong nang sumunod ito kay Marcus. "Mabuti naman. Kayo, kumusta?" wika ni Niyong dahilan para si Lolita naman ang ngumiti nang malaki. Napansin din iyon ni Angelita.

"Sumabay na kayo sa amin" aya ni Lolita na para bang ibig niyang sumingit sa pila sina Niyong at Marcus. Umiling si Marcus, "Pipila kami sa likod" wika nito, natuwa si Angelita sa narinig. Napatunayan niya na marunong din pala mahiya at magpakumbaba ang mahiwagang nilalang.

Napansin ni Angelita ang sunod-sunod na pagdating nina Lorenzo, Berning, Tadeo at Santino. Naiwan sa labas si Santino, tumuloy sa loob ng mansion ang tatlo. "Lolita, magtutungo lang ako sa palikuran" paalam ni Angelita saka mabilis na nagtungo sa likod ng mansion kung saan naroon ang palikuran ng mga trabahador ni Don Severino.

Natanaw ni Angelita ang pagdating ng magarbong kalesa lulan ang mag-amang Garza. Halos mamangha ang lahat sa kulay dilaw na baro't sayang suot ni Maria Florencita, kumikinang ito at sadyang napakaganda ng burda.

Napatingin si Angelita sa kaniyang suot na lumang baro't saya, may ilang tahi pa sa dulo ng palda at kupas na ang kulay nito. Nagpatuloy na siya sa likod ng bahay, nagkunwaring kumuha ng tubig. Nagmamanman siya sa paligid, pinapakiramdaman ang sinumang tao na maghihinala sa kanilang kilos.

Nagulat ang lahat nang i-anunsyo ni Don Severino ang dahilan kung bakit siya nagdaos ng pagdiriwang. Si Don Florencio ang sunod na nagsalita, nabanggit nito ang nalalapit na kasal nina Maria Florencita at heneral Roberto.

Marami ang natuwa ngunit marami rin ang nabigla. May ilang napabusangot ang mukha lalo na ang mga kababaihang ibig makasal kay Roberto. Kahit papaano ay napanatag ang loob ni Angelita sa narinig, nakatakda nang ikasal si Maria Florencita, siguro naman ay nasa matinong katinuan pa si Lorenzo upang hindi gumawa ng mali.

Lumipas ang kalahating oras, nag-aalala si Angelita dahil ang tagal makababa nina Lorenzo at Berning mula sa ikalawang palapag. Napansin niya na wala na si Tadeo sa tapat ng hagdan. Nagtungo siya sa harap ng mansion. Natanaw niya roon si Santino na nakikisalo na sa pagkain.

Agad siyang lumapit kay Santino at pa-simpleng bumulong, "Nasaan na sila?" tanong niya, nginuya muna ni Santino nang mabuti ang inihaw na tilapia. "Nakaalis na. Hindi mo rin napansin? Kay bilis gumalaw nina Lorenzo at Berning" natutuwang bulong ni Santino habang kumakain. Maging siya ay nagulat din na mabilis nakuha nina Lorenzo at Berning ang mga papeles sa silid ni Don Severino.

"Kung gayon, umuwi na sila?" tanong ni Angelita. Tumango si Santino, "Sa aking palagay ay Oo. Ngunit baka bumalik sila upang makisalo rito" tawa pa nito. Napakunot na lang ang noo ni Angelita, mukhang hindi kabado si Santino sa misyon, nagawa pa nitong makikain sa kalaban nila.

"Hahanapin ko si Lorenzo" saad ni Angelita saka iginala ang mata sa paligid. Mas dumami ang tao sa labas. Mahaba na rin ang pila, natanaw niya sina Lolita, Niyong at Marcus sa tabi ng puno habang kumakain. Nagulat siya nang mahuli ang mga mata ni Marcus na nakatingin sa kaniya, hindi nito ginagalaw ang hawak na pinggan na puno ng pagkain.

Nagkunwari na lang siya na hindi niya ito nakita, biglang nakaramdam ng hiya si Angelita dahil nararamdaman niyang alam ni Marcus ang tumatakbo sa isip niya. Makapangyarihan ang mga mahihiwagang nilalang, kaya nitong makabasa ng isip ng tao. Nahiya siya dahil si Lorenzo ang iniisip at hinahanap niya ngayon.

Natanaw niya si Lorenzo, lumabas ito mula sa likod ng mansion at ngayon ay naglalakad patungo sa kalsada. Hinabol niya si Lorenzo, gusto niyang tumakbo ngunit naisip niyang bilisan na lang ang kaniyang lakad upang hindi mapatingin sa kaniya ang mga tao.

"Enzo!" tawag niya, napatigil sa paglalakad si Lorenzo at napalingon sa kaniya. "Bakit? May nakabatid sa ating plano?" gulat na tanong nito, napailing si Angelita saka ngumiti. "Wala. Ikaw ay puno ng pagkabahala" kantyaw niya, napahawak na lang si Lorenzo sa kaniyang dibdib saka natawa.

"Buong akala ko ay may nakapansin sa kilos mo. Mabuti na lamang at wala" tawa nito, natuwa si Angelita dahil kahit papaano ay ramdam niya ang pag-aalala ni Lorenzo. "Siya nga pala, may sasabihin ka ba sa akin ngayon?" ngiti niya, nagtaka naman ang hitsura ni Lorenzo. Napaisip ito. Wala siyang maalala na ibinilin o pinasabi sa ibang kasapi na tungkol sa gagawin ni Angelita sa misyon ngayong gabi.

Hindi mawala ang ngiti sa labi ni Angelita, hindi na siya makapaghintay sa sasabihin ni Lorenzo, tiningnan niya pa ang kamay nito o ang dalang bayong kung naroon ang bulaklak. "May ipagtatapat ka?" patuloy ni Angelita, mas lalong naguluhan si Lorenzo. Sa isip niya ay tumatanda na nga siya at nagiging makakalimutin.

"Ibig mo bang mabasa ang mga papeles ni Don Severino na nakuha namin ni Berning?" tanong ni Lorenzo, napabagsak ang balikat ni Angelita. Sa isip niya ay sadyang mahina ang loob ni Lorenzo at pinaglihi siguro ito sa pagiging manhid.

"Bukas na lang, pupunta ako sa inyo" saad ni Angelita saka nagpaalam at tumalikod na. Napakamot na lang sa ulo si Lorenzo, hindi niya mawari kung anong ibig sabihin ni Angelita. Nagpatuloy na lang siya sa paglalakad pauwi sa kaniyang tahanan.

Naglakad na si Angelita patungo sa kinaroroonan nina Lolita, Niyong at Marcus ngunit napatigil siya nang matanaw sa azotea si Maria Florencita. Katabi nito ang ama at kausap sina Don Severino at Roberto. Hindi malaman ni Angelita ang dapat na maramdaman nang makitang hawak ni Maria Florencita ang mirasol na may lasong puti sa tangkay nito.

Nakangiti si Maria Florencita habang pinagmamasdan ang bulaklak na bigay ni Lorenzo. Buong akala ng kaniyang ama at ni Roberto ay nakuha lang iyon ni Maria Florencita sa hardin nila. Wala silang ideya na mabilis na naibigay ni Lorenzo ang bulaklak na iyon nang salubungin niya si Maria Florencita sa likod ng mansion.

Nagulat si Angelita nang biglang humarang si Marcus sa tapat niya. Hindi na niya ngayon makita si Maria Florencita. "Ibig mo na bang umuwi?" tanong ni Marcus, napayuko na lang si Angelita saka mabilis na tumalikod at naglakad papalayo.

Agad siyang sinundan ni Marcus, sinabayan niya ito sa paglalakad. Pilit na tinatago ni Angelita ang kaniyang mga luha. Nadudurog ang kaniyang damdamin. Buong akala niya ay para sa kaniya ang bulaklak na nakita niya sa bahay nila Lorenzo kanina. Ngunit ang totoo ay para pala iyon kay Maria Florencita.

Mas binilisan ni Angelita ang kaniyang paglalakad. Ayaw niyang makita si Marcus, ayaw niya itong makasabay. Ayaw niyang mabasa nito ang tumatakbo sa isipan niya. Ayaw na niyang maniwala sa mga mahihiwagang nilalang.

"Angelita" tawag ni Marcus, iyon ang unang beses na natawag niya sa pangalan ang dalaga ngunit hindi siya nilingon nito. Gustong tumakbo ni Angelita papalayo. Malayo sa mga kung anong bagay na inaasahan niyang mangyari.

"Angelita..." ulit ni Marcus, tumakbo na siya saka hinawakan ang pulso ni Angelita dahilan upang mapatigil ito sa mabilis na paglalakad at gulat na napalingon sa kaniya. Agad binitawan ni Marcus ang dalaga, hindi tamang hawakan niya ito ng ganoon.

Kanina ay maraming gustong sabihin si Marcus ngunit nang makita niya ang pagpatak ng luha ni Angelita ay tila umurong ang kaniyang dila at naglaho ang lahat ng salita. Umiwas ng tingin sa kaniya ang dalaga, nasa gitna sila ng lansangan ngunit di nila alintana ang mga taong napapalingon sa kanilang dalawa.

"H-hayaan mo na lang ako" saad ni Angelita saka mabilis na tumakbo papalayo sa kaniya. Hindi maigalaw ni Marcus ang kaniyang mga paa, sinundan niya ng tingin si Angelita na tumatakbo papalayo at pilit na pinupunasan nito ang mga luhang hindi na maawat sa pagbagsak.

Nasasaktan siya para kay Angelita. Wala itong ideya na siya ang may kagagawan kung bakit puno ng kalungkutan ang buhay nito.


LUMIPAS ang ilang araw, hindi lumalabas ng silid si Angelita. Ilang halamang gamot na ang pinainom sa kaniya ni Aling Pacing sa pag-aakalang napaglaruan ito ng duwende o engkanto. Wala namang sakit ang dalaga, sadyang matamlay lang ito at walang gana kumain o makipag-usap kahit kanino.

Gustong makita ni Angelita ang kaniyang ate Amalia. Nagiging panatag siya sa piling ni Amalia, kung paano nito suklayin ang kaniyang buhok habang kinukwentuhan tungkol sa beateryo. Kung paano makinig si Amalia sa mga kalungkutan niya, gagawan siya nito ng minatamis na santol na pagsasaluhan nila sa hatinggabi nang hindi nalalaman ng kanilang magulang.

Narinig ni Angelita ang tatlong katok sa pinto at bumukas iyon, "Ate, nasa baba si kuya Lorenzo. Ibig niya malaman kung mabuti na ang iyong pakiramdam" saad ni Lolita, hindi lumingon si Angelita, nagkunwari siyang natutulog.

Sinara na ni Lolita ang pinto saka bumaba sa Panciteria. May dalang tatlong buko si Lorenzo, "Kuya, tulog siya. Hindi pa rin siya kumakain mula kaninang tanghali" malungkot na saad ni Lolita, hindi nakapagsalita si Lorenzo. Totoong nag-aalala siya lalo na nang marinig na ilang araw nang hindi lumalabas sa silid ang kaibigan. Bukod doon ay kailangan nila si Angelita para sa susunod na hakbang na gagawin ng kanilang samahan.

"Sa oras na magising siya ay pakibigay ito" wika ni Lorenzo sabay abot ng tatlong buko kay Lolita. Aalis na sana siya ngunit nakita niya ang pagdating ng pamilyar na lalaking minsan niyang nakabangga sa labas ng Panciteria.

"Kumusta si Angelita?" tanong ni Marcus kay Lolita, ilang araw na rin siyang pabalik-balik sa Panciteria ngunit maging siya ay hindi nito hinaharap. "Wala pa rin ho siyang gana kumain" ulit ni Lolita, nakita ni Aling Pacing ang pagdating ni Marcus, malaki ang utang na loob niya sa binata dahil sa tulong nitong paghahanda sa bagyo.

Nagpatuloy si Aling Pacing sa pag-akyat sa hagdan upang dalhin sa silid ni Angelita ang halamang gamot. Binuksan niya ang pinto at inilapag sa tabing mesa ang tasa. "Ilang araw nang pabalik-balik dito si Sebastian. Hindi mo ba siya haharapin? Kayo ba ay may hidwaan?" sunod-sunod na tanong ni Aling Pacing.

Naisip ni Angelita na kahit papaano ay isang mahiwagang nilalang pa rin si Marcus. Siguradong magtatanim ito ng galit sa kaniya at puro kamalasan ang haharapin niya sa buhay sa oras na isumpa siya nito. Agad napabangon si Angelita, naalala niya kung paano niya binalewala ang paghabol sa kaniya ni Marcus noong nakaraang gabi. Isang malaking kasalanan iyon at kailangan niya humingi ng tawad.

Nagulat si Aling Pacing nang mabilis na hinahanap ni Angelita ang kaniyang panyapak sa paa. "Anak, baka ikaw ay mabinat" napakrus na lang ang matanda dahil nagmamadaling lumabas sa silid si Angelita nang hindi man lang naisipang mag-ayos. Nakalugay ang mahaba niyang buhok.

Mabilis siyang bumaba ng hagdan, naabutan niya sa Panciteria si Marcus kausap si Lolita. Naroon din si Lorenzo na nakatayo sa tapat ng pintuan at nakikinig sa sinasabi ni Lolita tungkol sa panghihina ni Angelita.

"Ginoo!" tawag ni Angelita kay Marcus saka mabilis na lumapit sa kaniya. Nagulat ang tatlo dahil nakatakbo si Angelita. Mabuti na lang at pasarado na ang Panciteria kung kaya't wala ng ibang tao roon bukod sa mga kusinerang naghuhugas ng pinggan sa kusina.

"M-mabuti na ang iyong pakiramdam?" tanong ni Marcus, tumango si Angelita, hindi niya napansin sina Lolita at Lorenzo na naroon din at nakatingin sa kaniya. Ang iniisip niya ngayon ay kung paano makakabawi sa mahiwagang nilalang sa takot na isumpa siya nito.

Napakagat sa labi si Angelita, "Sumunod ka sa akin, ginoo" wika niya saka mabilis na umakyat sa hagdan. Nagulat si Marcus, napatingin siya kay Lolita at Lorenzo na nakarinig sa sinabing iyon ng dalaga. Muling dumungaw sa hagdan si Angelita saka sumenyas na umakyat din sa taas si Marcus.

Napatakip na lang sa bibig si Lolita nang umakyat na sa hagdan si Marcus, nagkatinginan sila ni Lorenzo. Maging si Lorenzo ay hindi makapaniwala na nagawang bumaba ni Angelita upang harapin ang lalaking iyon na ngayon lang niya nakilala.

"Sino ang lalaking iyon?" tanong ni Lorenzo kay Lolita, "Sebastian ho ang kaniyang pangalan. Bagong kasama ni Niyong sa aklatan. Tauhan ni Don Antonio" tugon ni Angelita, aalis na lang dapat si Lorenzo ngunit naalala niya na hindi dapat pinaakyat ni Angelita ang isang estranghero sa tahanan nito.

Sumunod siya paakyat sa hagdan. Pipigilan dapat siya ni Lolita ngunit maging ito ay interesado kung bakit iba ang pakikitungo ni Angelita kay Marcus. Na animo'y isa itong hari na haharapin niya kahit pa nag-aagaw buhay siya sa higaan.

Dahan-dahan silang umakyat sa hagdan upang silipin at pakinggan ang pinag-uusapan nina Angelita at Marcus sa salas. "Paumanhin kung naging walang galang ang aking pakikitungo sa iyo ginoo noong nakaraang gabi. Nagugulumihanan ang aking isipan. Ako'y umasa na magagawa mong tuparin ang aking hiling" panimula ni Angelita, hindi niya magawang tumingin kay Marcus.

Napatakip muli sa bibig si Lolita nang marinig niya ang sinabi nito. Wala namang kibo si Lorenzo ngunit bakas sa mukha niya na hindi niya magugustuhan ang pag-uusap ng dalawa. "Ngunit aking nagunita na wala ka namang ipinangako sa akin na iyong tutuparin ang aking kahilingan. Hindi dapat kita sisihin. Wala akong dapat sisihin kundi ang aking sarili" patuloy ni Angelita, nanatili lang si Marcus na nakatitig sa kaniya, ang bagay na iyon ang mas lalong hindi nagustuhan ni Lorenzo.

Magsasalita sana si Marcus ngunit mabilis na nagtungo si Angelita sa silid nito at kinuha niya sa aparador ang kamisong pula na kaniyang tinahi para sa mahiwagang nilalang. Itinago niya muna iyon sa kaniyang likod saka muling naglakad papalapit sa binata.

"Kung maaari ay inyo sanang tanggapin ang regalo kong ito" wika ni Angelita saka inabot kay Marcus ang damit. Napatitig si Marcus sa bagay na iyon, hindi niya akalain na seseryosohin ni Angelita ang ginawa nitong pagsukat sa kaniya noon.

"Kapag maluwag o masikip sa iyo, tatahiin ko muli" patuloy ni Angelita at nagawa na niyang ngumiti nang makita niyang umaliwalas din ang mukha ni Marcus. Napalunok si Marcus, ibig niyang magpasalamat sa dalaga ngunit nahihiya siya. Kailanman ay hindi siya nagsabi ng salitang salamat kaninuman. Pagtango lang ang madalas niyang gawin upang magpasalamat sa sinumang kausap.

"Kumusta na iyong pakiramdam?" tanong niya kay Angelita, napansin niya ang pamumutla nito, tila nabawasan din ito ng timbang dahil hindi ito kumakain nang maayos sa loob ng ilang araw na nagdaan. Ngunit sa kabila niyon ay mas gumaganda pa rin si Angelita sa tuwing ngumingiti ito at sumisingkit ang mata. Nakadagdag pa ang nakalugay na buhok nito na ibig niyang makita nang madalas na parang isang kabiyak na palaging nakatitig sa asawa simula umaga hanggang gabi.

"Mabuti. Mas naging mabuti dahil narito ka ginoo" ngiti ni Angelita, napaiwas ng tingin si Marcus upang itago ang pamumula ng kaniyang pisngi. Si Angelita lang ang natatanging babae na nakakagawa ng gano'n sa kaniya.

Muntikan pang malaglag sa hagdan si Lolita. Nauna namang bumaba si Lorenzo, ni hindi na ito lumingon hanggang sa makalabas sa Panciteria.


NAIBAGSAK ni Lorenzo ang pinto nang hindi sinasadya. Gulat na napalingon sa kaniya si Santino na noo'y nagsasaing ng kanin para sa kanilang hapunan. "Tila mainit ang iyong ulo" kantyaw pa ni Santino. Agad nagsalin ng tubig si Lorenzo sa baso at mabilis niyang ininom iyon.

Hinubad na rin niya ang suot na salakot saka kinuha ang baul sa ilalim ng kama at nagsimulang basahin muli ang mga papeles na ninakaw nila. "Anong nangyari?" tanong ni Santino, hindi na siya nakatawa. Ramdam niya na mukhang mainit talaga ang ulo ng kapatid.

Hindi sumagot si Lorenzo, hindi niya rin alam kung bakit naiinis siya. Kanino? Hindi niya matukoy. Paano? Hindi niya malaman ang dahilan. Bakit? Hindi niya rin alam ang kasagutan.

Binitiwan ni Lorenzo ang mga papeles at natulala sa gaserang nakapatong sa mesa. Naalala niya kung paano imbitahan ni Angelita ang lalaking iyon. Hindi siya napansin ng kaibigan na tila ba isa siyang aninong nakatayo sa gilid.

Malinaw pa rin sa kaniyang isipan kung paano ngitian ni Angelita ang estranghero. Binigyan niya pa ito ng regalo at may pinag-usapan silan tungkol sa kahilingan. Sa isip niya ay maaaring tinanong ng lalaking iyon kung ano ang mga hiling o ibig na bagay ni Angelita. Nakatitiyak siyang nililigawan nito ang kaibigan.

Naalala niya rin na masama ang ugali ng lalaking iyon dahil hindi man lang ito humingi ng paumanhin nang magkabanggaan sila. Kung nililigawan nga nito si Angelita, hindi siya makakapayag na ang masamang lalaking iyon ang mapusuan ng kababata.

Natauhan siya nang umupo si Santino sa katapat na silya. Kinuha rin nito ang ibang papeles at sinimulang basahin. "Kumusta pala si Angelita? Hindi ba't sinabi mong daraan ka sa Panciteria?" tanong nito, mas lalong uminit ang ulo ni Lorenzo nang maalala na naman ang tagpo kanina.

"Tila mabuti naman ang pakiramdam niya. Sadyang napakabuti nga e" sarkastikong tugon nito. Nagtaka lang si Santino sa tono ng pananalita ng kapatid. Sa isip niya ay hindi magandang kausapin ito dahil mainit pa rin ang kaniyang ulo sa hindi malamang dahilan.

"Siya nga pala... May nagpapaabot sa iyo nito" saad ni Santino sabay abot ng maliit na piraso ng papel kay Lorenzo na dinukot niya sa kaniyang bulsa. "Hinatid ni Man Juan dito kanina" patuloy ni Santino. Nabasa na niya ang nakasulat, nagkukunwari lamang siyang walang alam sa namamagitan kay Maria Florencita at sa kapatid.

Binasa ni Lorenzo ang nakasulat sa papel, Magkita tayo sa tabing ilog sa ganap na ika-sampu ng gabi. Napahinga na lang siya nang malalim saka sumandal sa silya habang tulala pa rin sa liwanag ng gasera. "Ano ang nakasulat?" usisa ni Santino, binulsa ni Lorenzo ang papel, hindi siya sinagot nito.

Tumayo na siya at muling kinuha ang salakot. "Huwag mo na akong hintayin mamayang gabi, kuya" paalam niya, lumabas ng bahay at naglaho sa dilim.


PINAGMAMASDAN ni Marcus ang sarili sa salamin suot ang pulang kamiso na ginawa ni Angelita para sa kaniya. Mahaba ang manggas nito at saktong-sakto sa kaniyang katawan ang sukat ng damit. Napansin ni Marcus ang maliit na gasuklay na hugis ng buwan na nakaburda sa kaliwang bahagi ng damit. Napangiti siya habang nakatingin sa burdang iyon dahil hindi niya akalaing makakapagburda si Angelita.

Napawi ang kaniyang ngiti nang bumukas ang pinto. "Kuya, nariyan si Don Antonio" agad kinuha ni Marcus ang sumbrerong buri saka lumabas sa silid at sinalubong si Don Antonio na kakababa pa lang sa kalesa.

Biyudo na ang Don at wala itong naging anak sa yumaong asawa. Maraming negosyo si Don Antonio at ginagalang din ng lahat. Dati itong heneral ngunit nang matapos ang pagsisilbi sa pamahalaan ay pinili niyang maging negosyante. Agad silang nagbigay-galang ni Niyong nang maglakad papalapit sa kanila ang amo.

"Kumusta ang aklatan?" tanong nito, nakatingin siya kay Marcus. "Mabuti naman po" tugon nito, sa isip ni Don Antonio ay mas mapalad sana siya kung nagkaroon siya ng anak na lalaki na tulad ni Marcus. May magmamana ng kaniyang mga kayamanan at siguradong susundan nito ang kaniyang yapak bilang isang magiting na heneral.

Naunang pumasok sa aklatan si Don Antonio, inilibot niya ang mga mata sa loob. Malinis ang tindahan at maayos ang helera ng mga libro. Linggo-linggo ring hinahatid nina Marcus at Niyong ang kita ng aklatan. Mula nang dumating si Marcus ay mas lalong naging masigla ang benta.

Bihira magtungo sa aklatan si Don Antonio kung kaya't laking palaisipan sa kanila lalo na kay Niyong kung ano ang sadya ng Don. Tumigil sa paglilibot si Don Antonio saka tumingin sa kanilang dalawa na magalang na nakatayo sa tabi ng pintuan.

"Daragdagan ko ang inyong sahod. Pagbutihin niyo ang pangangasiwa sa aklatan na ito" wika ni Don Antonio, nagkatinginan sina Marcus at Niyong. Abot tenga ang ngiti ni Niyong, tahimik naman si Marcus ngunit sa kalooban nito ay masaya siya kahit papaano.

"Siya nga pala, ukol sa bagay na ipinagpaalam mo sa akin Sebastian" patuloy ng Don saka tumingin kay Marcus, "Maaari na kayong magtungo sa Bulakan, pauunlakan ko rin kayong gamitin ang isa sa aking mga kalesa" dagdag nito, gulat na napatingin si Marcus kay Don Antonio. Hindi niya akalaing pagbibigyan nito ang hiniling niya noong isang araw.

Malaking bagay sa kaniya ang makiusap kaninuman lalo na sa isang karakter ngunit mas nangingibabaw ang kaniyang hangarin na subukang iligtas si Amalia. Ilang gabi nang gumugulo sa kaniyang isipan ang tungkol sa sinabi ni Angelita, ang baguhin ang trahedyang kapalaran kung maaari at huwag mamatay nang walang dahilan. Mahalaga si Amalia kay Angelita kung kaya't hindi niya ibig mawala ito sa dalaga.


TATLONG araw silang pinagbigyan ni Don Antonio. Isa sa mga tauhan niya ang magbabantay muna pansamantala sa aklatan habang nasa Bulakan sina Marcus at Niyong. Kasalukuyan silang naghahakot ng gamit na nilalagay nila sa likod ng kalesa.

Napansin ni Niyong na parang hindi mapakali si Marcus. "Bakit ho?" tanong nito, nagitla si Marcus saka kinuha ang pinakahuling maleta. "Kayo ba ay nababahala kung darating ba si ate Lita?" patuloy ni Niyong saka ngumisi.

Umiwas naman ng tingin si Marcus, kinabahan din siya dahil tila may ibig iparating si Niyong. "Sinabi ko sa kaniya nang malinaw ang ating pagtungo sa Bulakan. Tiyak na ibig din niyang makita si ate Amalia. Tiyak na sasama iyon" ngisi ni Niyong. Hindi na siya tiningnan ni Marcus. Siya rin ang may ideya na imbitahan si Angelita patungo sa Bulakan. Pinilit niyang ipaabot ni Niyong ang imbitasyong iyon kaya hindi na dapat siya magduda kung maghinala si Niyong.

Magpapatuloy pa sana sa pangangantyaw si Niyong nang marinig nila ang boses ni Angelita, "Mabuti na lang dahil naabutan ko kayo. Akala ko ay iniwan niyo na ako" ngiti ni Angelita saka patakbong lumapit sa kanila.

Agad kinuha ni Marcus ang dalang tampipi ni Angelita at inilagay iyon sa likod ng kalesa. Ngumiti at nagpasalamat ang dalaga, habang tumatagal ay napapansin niya ang pagiging maginoo nito. "Siya nga pala, nagdala rin ako ng mga kakanin" ngiti nito, kinuha rin ni Marcus ang bayong na hawak niya.

Nakangising sumakay si Niyong sa kalesa, sumunod naman ang dalawa. Napangiti si Angelita nang ilahad ni Marcus ang kaniyang palad upang alalayan ang dalaga paakyat. Bakas sa mukha nito na nahihiya siyang gawin iyon ngunit ginawa pa rin niya.

Humawak si Angelita sa kamay niya, naramdaman niya ang malambot at maliit na palad ng dalaga. Sunod siyang umakyat at umupo sa tabi nito. Madalas din niyang isipin kung ano ang pabangong gamit ni Angelita dahil sadyang mahalimuyak ang amoy nito.

Kinabukasan ng umaga sila nakarating sa Bulakan. Tuwang-tuwa si Angelita habang pinagmamasdan ang makukulay na banderitas na nakasabit sa buong bayan. Ang mga tao ay bihis na bihis at nagkalat din ang napakaraming paninda. Hindi napansin ni Marcus ang paligid dahil madalas ay nakatingin lang siya sa reaksyon ni Angelita. Sapat na iyon upang masabi niyang makulay at masaya nga ang piyesta.

Sa isang bahay-panuluyan sila tumuloy. Nag-iisa na lang ang bakanteng silid kung kaya't wala silang nagawa kundi kunin iyon. Bukod doon ay kailangan din nilang magtipid, limang piso na lang ang natitirang salapi ni Marcus.

Alas-tres ng hapon nang maabutan ni Marcus si Angelita na nagtutupi ng damit. "Saan ka galing ginoo?" nakangiting tanong nito, hindi nakasagot si Marcus. Ilang araw na siyang nagdadalawang-isip kung dapat niya bang sabihin ang masamang mangyayari kay Amalia.

Umalis siya kanina upang alamin kung nasaan ang kwartel ng mga guardia civil. Inalam niya rin ang tahanan ng heneral na nakatalaga sa bayan na iyon. Ngunit kailangan niya rin ang tulong ni Angelita. Huminga siya nang malalim saka naglakad papalapit sa dalaga.

"Bakit ginoo?" tanong nito nang maramdaman niyang may gumugulo sa isip ni Marcus. "Mapapahamak si Amalia" panimula nito, hindi alam ni Angelita kung ano ang dapat na maramdaman sa ipinagtapat ng mahiwagang nilalang.

"Bukas ng gabi, makikipag-tanan siya sa kasintahan niyang guardia sibil" patuloy ni Marcus, sa pagkakataong iyon ay sapat na kay Angelita ang mga salitang iyon upang paniwalaan ito. Hindi siya nakapagsalita, batid niya kung ano ang mangyayari kapag nahuli si Amalia at ang nobyo nito. Mapapahamak sila at maaari silang mamatay.

Alas-diyes ng gabi, maingat na lumabas sina Marcus at Angelita sa silid na tinutuluyan nila. Hindi napansin ni Niyong ang kanilang pag-alis dahil mahimbing ang tulog nito. Nagsuot ng balabal si Angelita, white nike cap naman ang suot ni Marcus.

Tahimik na ang paligid bagama't may prusisyong gaganapin bukas. Mabilis nilang natunton ang tahanan ng heneral, naabutan nila ito sa balkonahe, umiinom ng alak at kausap ang dalawang kapitan. Limampung metro ang layo nila sa bahay nito. Nagtago sila sa tabi ng katapat nitong malaking bahay, pumwesto na si Angelita saka maingat na itinutok ang hawak na pana sa balkonahe ng heneral.

Kinakabahan din si Marcus ngunit nanatiling kalmado ang kaniyang mukha. Nakatayo siya sa tabi ni Angelita, napatitig siya sa dalaga. Hindi niya akalain na mas nangingibabaw din ang kagandahan nito kahit seryoso ang mukha.

Napasingkit ang mata ni Angelita saka pinakawalan ang palaso. Diretso itong tumama sa balkonahe na ikinagulat ng heneral at dalawang kapitan. Agad sumigaw ang dalawang kapitan at pinapwesto ang mga guardia sa palibot ng bahay ng heneral.

Tumayo ang heneral at inilapag ang baso ng alak. Napansin niya ang papel na nakatali sa palaso. Ibig sabihin ay hindi siya balak patayin ng sinumang pumana sa kinaroroonan niya. May pinapaabot lang itong mensahe. Agad kinuha ng heneral ang nakataling papel sa palaso at binasa iyon. Higpitan ang hukbo upang walang makatakas na guardia.

Tumingin sa paligid ang heneral, agad nagtago sina Marcus at Angelta sa likod ng katapat na bahay. Ipinasa ng heneral ang papel sa dalawang kapitan. "Inyong siguraduhin ang pagiging tapat sa tungkulin ng mga guardia" seryosong saad ng heneral saka tumingin sa kanilang dalawa.

"Hanapin niyo rin ang nagsulat niyan. Marahil ay tumatakas na ito ngayon" patuloy nito, agad tumango ang dalawang kapitan saka mabilis na pinakalat ang kanilang mga tauhan. Hinawakan ni Marcus ang pulso ni Angelita at mabilis silang tumakas.

Animo'y nakikipag-taguan sila kay kamatayan. Nagkalat na sa paligid ang mga guardia bitbit ang kanilang mga baril at sulo ng apoy. Nagulat sila nang may napalingon na guardia sa kanilang kinaroonan. Agad hinila ni Marcus si Angelita patuno sa likod ng isang bahay. May maliit na kulungan doon ng baboy. Natutulog ang inahing baboy at ang mga anak nito.

Narinig na nila ang papalapit na yabag ng sapatos ng mga guardia. Nagulat si Angelita nang bigla siyang buhatin ni Marcus papasok sa kulungan ng baboy. Sumampa sila sa tarangkahan nito. Sumunod si Marcus at humawak bubungan ngunit wala siyang makapitan nang maayos.

"Narito lang sila!" sigaw ng isang guardia, nakita na nila ang limang guardia bitbit ang liwanag mula sa sulo ng apoy. Mabaho ang kulungan ng baboy kaya napatakip sila ng ilong. Napatulala si Angelita sa dibdib ni Marcus na nasa tapat niya ngayon. Napansin din niya na nahihirapan ito dahil walang mahawakan na bagay.

Nagulat si Marcus nang ipulupot ni Angelita ang kamay nito sa kaniyang baywang. Niyakap siya nito nang mahigpit upang hindi siya mahulog sa kulungan ng baboy. Isang minuto pang naglibot ang mga guardia sa paligid ng kulungan ngunit hindi na nila makayanan ang mabahong amoy kung kaya't napagdesisyunan nilang umalis na doon at maghanap sa ibang lugar.

Nang makaalis na ang mga guardia, napatikhim si Marcus dahil nakayakap pa rin nang mahigpit sa kaniya si Angelita. Natauhan si Angelita at gulat na napabitaw sa binata dahilan upang muntikan na itong mahulog sa kulungan ng baboy. Mabuti na lang dahil niyakap niya ulit ito.

Naunang makababa si Marcus, inilahad niya ang palad kay Angelita upang tulungan itong makababa sa tinatapakan nilang tarangkahan. Agad silang napabitaw sa kamay ng isa't isa nang mapagtanto nila na hindi dapat sila maghawak kamay ng ganoon.

Hatinggabi na nang makabalik sila sa bahay-panulayan. Pareho silang walang imik. Nagkakahiyaan sa nangyari ngunit kahit ganoon ay hindi sila umiiwas sa tuwing nagkakabanggan ang kanilang braso o siko habang naglalakad.

Nang marating nila ang silid, mahimbing pa ring natutulog si Niyong. Lumipas ang ilang oras ngunit pareho silang hindi makatulog. Magkatabi sina Marcus at Niyong na natutulog sa sahig habang si Angelita naman ang nasa kama.

Nakita ni Marcus na bumangon si Angelita at naglakad patungo sa tapat ng bintana. Pinagmamasdan nito ang hugis ng buwan. Nagdadalawang-isip siyang bumangon ngunit gusto niyang malaman kung ano ang nasa isip ngayon ng dalaga. Bumangon na siya saka dahan-dahang naglakad sa tabi ng dalaga.

Hindi naman nagulat si Angelita sa pagdating ni Marcus, animo'y batid niyang hindi rin ito makatulog. "Sadyang napakaganda ng buwan, hindi ba ginoo?" panimula ni Angelita habang nakatitig sa buwan at nakangiti. Napatitig lang si Marcus kay Angelita, sa kaniyang isip ay nahihibang na nga siyang tunay dahil unti-unti na siyang humahanga sa karakter na ginawa niya.

Agad siyang umiwas ng tingin nang tumingin sa kaniya si Angelita, "I-iyan din ang hugis ng buwan na ibinurda mo sa kamiso" wika ni Marcus, mas lalong lumaki ang ngiti ni Angelita dahil napansin ni Marcus ang maliit na burdang iyon.

"Nakatira ba kayo sa buwan, ginoo?" tanong ni Angelita, napatingin si Marcus sa kaniya. Muli niyang pinigilan ang sarili sa pagtawa dahil kung anu-ano na namang kaharian ang sasabihin ni Angelita. "Kung gayon, bakit nag-iiba ang hugis ng buwan? Kung minsan ay gasuklay, kalahati at bilog ito. Kung minsan ay hindi ko rin sila masumpungan sa langit" patuloy ng dalaga habang nakatingala sa kalangitan.

Sa pagkakataong iyon ay napatitig muli si Marcus kay Angelita, nakaramdam siya ng lungkot. Ang mundong ito at ang mga tao rito ay naaayon lang sa loob ng nobela. Nababatid nila ang mga bagay na mula rin sa kathang-isip ng manunulat. Hanggang doon lamang sila, hindi nila totoong naranasan ang isilang, maging bata at tumanda. Kung ano ang edad na binigay sa kanila ng manunulat ay iyon ang magiging edad nila depende sa wakas ng kwento.

Sa madaling salita, hindi totoo si Angelita. Isang malaking kahibangan ang hangarin niyang makasama ito sa totoong mundo at ipaliwanag ang pabago-bagong hugis ng buwan sa langit. "Ngunit kahit iba-iba ang anyo ng buwan. Kahit naglalaho ito minsan sa kalangitan. Nanatili pa rin ang liwanag at ganda nito. Hindi nagbabago ang layunin nitong magbigay ng liwanag sa gitna ng dilim"

"Kapag narito ka ginoo, nagiging maayos ang lahat. Tila ikaw ang buwan sa gitna ng kadiliman" ngiti ni Angelita, sa pagkakataong iyon ay nanatili lang si Marcus na nakatitig sa kaniya. Hindi nito inaalis ang diretsong tingin kay Angelita.


NAGING mahigpit ang heneral sa bulakan. Ang mga guardia ay bantay-sarado ng mga nakakataas na opisyal. Hindi nagkaroon ng pagkakataon sina Amalia at Urias na magtanan. Hindi nila lubos maisip kung sino ang nagparating ng mensahe na anumang sandali ay may tatakas na guardia.

Nakisaya sina Angelita, Marcus at Niyong sa pagdiriwang piyesta. Masaya nilang nilibot ang pamilihan, nanood din sila ng balagtasan sa plaza. Namangha si Angelita sa lahat ng nakikita niya, halos libre rin silang nakakain sa mga kabahayan dahil kahit hindi kilala ng may ari ay inaanyayahan nito sa kani-kanilang mga bahay ang mga dayo.

Napatigil si Angelita nang makita ang isang tindahan na puno ng mga alahas at palamuti pambabae. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang kuwintas na may gasuklay na hugis ng buwan. "Magkano ho ito?" tanong ni Angelita sa tindero na may bigote.

"Pitong piso hija" malungkot na binalik ni Angelita ang kuwintas sa lagayan nito. Wala siyang sapat na salapi. Inaya na lang niya si Niyong na tumingin ng mga laruang kahoy sa kabilang tindahan. Hindi nila napansin na hindi sa kanila sumunod si Marcus.

Dinampot nito ang kuwintas na hinawakan ni Angelita, "Pitong piso iyan, ginoo" wika ng tindero sabay ngiti kahit pa hindi tinatanong ni Marcus kung magkano iyon. "Marahil ay hindi ko na dapat ipaliwanag kung ano ang sumisimbolo sa hugis ng buwan na iyan. Inyong nababatid ang kahulugan nito" ngiti ng tindero, napatingin lang sa kaniya si Marcus saka ibinalik sa lagayan ang kuwintas.

Naalala niya na tatlong piso na lang ang pera niya ngayon. Aalis na lang dapat siya ngunit nagsalita muli ang tindero, "May alahasan din ako ginoo sa Maynila. Nawa'y makadaan kayo sa pamilihan" ngiti nito, tumango lang si Marcus saka sumunod na kay Angelita at Niyong na tuwang-tuwa sa makukulay na laruang kahoy.

Tanghali nang bumyahe sila pabalik sa Maynila. Tumigil sila sa tapat ng ilog upang kumain ng tanghalian. "Ibig niyo bang maligo sa ilog?" tanong ni Niyong, tumayo si Angelita at ibig niyang isawsaw ang kaniyang paa sa malamig na tubig at basain si Niyong. Ngunit napatigil siya nang mapansin niyang hindi sumunod si Marcus. Nakaupo lang ito sa ilalim ng puno.

Lumapit siya para anyayahan ito. "Ginoo, hindi niyo ibig mabasa?" tanong ni Angelita, umiling si Marcus. Pinaglalaruan niya ang maliit na sanga ng kahoy. "Hindi ako marunong lumangoy" tugon ni Marcus, napatigil sandali si Angelita. Hindi siya makapaniwala na may kahinaan pala ang isang mahiwagang nilalang.

Naalala niya na naaaninag niyang lumulutang ito sa tubig. Marahil ay hindi mahilig sa tubig ang mahiwagang nilalang na tulad ni Marcus. Umupo na lang siya sa tabi ni Marcus saka pinagpagan ang kaniyang kamay. "Hindi ko rin ibig mabasa, wala na akong dalang pamalit na damit" ngiti niya, ang totoo ay may dalawa pang damit si Angelita.

Nabalot ng katahimikan ang paligid habang tinatanaw nila si Niyong na masayang lumalangoy mag-isa sa ilog. Nanghuhuli pa ito ng isda sa mababaw na bahagi. Naroon ang kagustuhan ni Marcus na sabihin kay Angelita ang totoong dahilan kung bakit hindi siya natutong lumangoy.

Nalunod siya noon sa swimming pool nang mabitawan siya ng kaniyang mommy dahil hawak din nito ang kapatid niyang si Fate. Nasagip naman siya ng kaniyang ina ngunit mula noon ay natakot na siya sa malalalim na tubig.

Napansin ni Marcus na panay ang hikab ni Angelita, inaantok ito. Sumandal si Angelita sa puno saka dahan-dahang ipinikit ang kaniyang mga mata. Hindi niya napansin na lihim siyang sinusulyapan ni Marcus sa kabilang bahagi ng puno.

Nagsimulang sumipol si Marcus upang makatulog si Angelita at umihip ang sariwang hangin. Ang tono ng kaniyang sipol ay ang kantang madalas gamitin ng kaniyang mommy noong bata pa siya kapag hindi siya makatulog o nananaginip ng mga nakakatakot.

Sa mga sandaling iyon ay nanatiling nakatitig lang si Marcus habang payapang umiidlip si Angelita na nakasandal sa puno at sinasayaw ng hangin ang ilang hibla ng buhok nito na tumatama sa noo ng dalaga.


LUMIPAS ang ilang araw, nagtataka si Marcus kung bakit hindi dumadalaw si Angelita sa aklatan. Ilang beses na siyang kunwaring dumadaan sa harap ng Panciteria sa pag-asang makikita siya ni Angelita, tatawagin at susundan sa labas ngunit hindi niya nakikita roon ang dalaga. Hindi naman niya magawang kumain sa Panciteria dahil nagtitipid siya at nag-iipon ng pera para mabili ang kwintas.

Tulala si Marcus sa mga libro habang isa-isang sinusuri ang mga iyon bago ibenta. Sinisikap nilang hindi magbenta ng mga pinagbabawal na libro dahil baka mapahamak ang aklatan at siguradong mawawalan sila ng trabaho.

Napansin ni Marcus ang pagtigil ng kalesa tapat ng aklatan, nakita niyang bumaba roon si Don Antonio. Agad niya itong sinalubong. Nasa pamilihan si Niyong at bumibili ng kanilang kakainin sa tanghalian. Kasama ni Don Antonio si Don Severino. Pinapakita nito ang mga aklat sa tindahan.

Napatingin si Don Severino kay Marcus, matangkad ito at magandang lalaki kung kaya't kahit sino ay mapapatingin talaga. Iniisip niya kung nakita na ba niya ito noon pero hindi niya maalala kung kaya't nagpatuloy siya sa pakikinig sa mga sinasabi ni Don Antonio.

Napansin ni Don Severino ang mga papel na nakapatong sa mesa. Mga iginuhit na larawan ng mga tao, bahay at lugar. "Sino ang gumuhit nito?" tanong ni Don Severino, tumingin si Don Antonio kay Marcus, matagal na nitong alam na magaling sa bagay na iyon ang bagong katiwala.

"Magaling ka pala gumuhit hijo. Nangangailangan ngayon sa kagawaran ng investigacion. Iguguhit mo ang mga taong hinahanap ng pamahalaan" wika ni Don Severino habang tinitingnan ang mga gawa ni Marcus.

Tatanggi sana si Marcus ngunit binanggit ni Don Severino kung magkano ang sasahurin niya. "Sampung piso kada buwan" naalala ni Marcus na kailangan niya ng sapat na salapi para mabili ang kuwintas. Naisip niya na kahit isang buwan lang siya magtrabaho roon ay sapat na.

Kada lunes, miyerkules at biyernes lang siya nagtutungo sa kagawan ng investigacion upang alamin kung sinu-sino ang pinapahanap ng mga awtoridad. Halos mamangha ang lahat sa kaniya dahil madali niyang natatapos ang mga nilalarawan ng testigo.

Nabalitaan din ni Angelita na bukod sa aklatan ay may isa pang pinagkakaabalahang trabaho si Marcus kung kaya't naisipan niyang dumalaw sa aklatan. Naabutan niya doon si Niyong, nililinisan nito ang mga lagayan ng libro.

Natanaw niya si Marcus na abala sa ginuguhit nito. May binabasa siyang salaysay ng isang testigo kung ano ang hitsura ng magnanakaw na nanloob sa bahay nila. Dahan-dahang naglakad si Angelita papalapit kay Marcus nang hindi nito namamalayan. Sumenyas pa siya kay Niyong na 'wag muna nitong sabihin na dumating na siya.

Napangiti sa sarili si Angelita habang pinagmamasdan ang ginuguhit na tao ni Marcus. Naamoy niya rin ang buhok nitong amoy aloe vera dahil bagong ligo lang ang binata. Napatigil si Marcus nang maramdaman niya ang pagtama ng buhok ni Angelita sa balikat niya. Nagitla siya dahil sa lapit ng mukha nito, agad siyang napatayo at nasamid sa sariling laway.

"Mahilig din akong gumuhit, ginoo" ngiti ni Angelita saka umupo sa bakanteng upuan. Kinuha niya ang isang pluma saka gumuhit sa blankong papel. "Madalas naming pampalipas oras ito ni ate Amalia" patuloy ni Angelita, alam iyon ni Marcus dahil siya ang gumawa sa mga karakter ng nobelang ito. Ngunit natuwa pa rin siya dahil may pareho silang pinagkakahiligan ni Angelita.

Lumapit si Niyong sa kanila, "Lumakas din lalo ang kita ng aklatan sa dami ng binibining ibig magpakilala kay kuya Sebastian" tawa ni Niyong, napatigil si Angelita sa narinig. Tumingin siya kay Marcus na ngayon ay bumalik na sa upuan. Napasingkit ang mata ni Angelita, hindi siya makakapayag na may ibang lalapit sa mahiwagang nilalang na siya ang pinakaunang nakakita.

"Bakit sila nagtutungo rito? Ginugulo lang nila si ginoong Sebastian. Huwag mo na silang papasukin sa susunod" taas-noong sabi ni Angelita kay Niyong, napakamot na lang sa ulo si Niyong. Kahit kailan ay hindi niya maintindihan ang mga babae, madalas ding itaboy ni Lolita ang ibang babaeng lumalapit kay Niyong.

Napatikhim si Angelita nang bumalik na si Niyong sa ginagawa nito. Tumingin siya kay Marcus na nagpatuloy na sa pagguhit. Inilapit niya ng kaunti ang upuan kay Marcus saka pabulong na kinausap ito, "Ginoo, huwag kang palilinlang sa ibang binibini. Maraming mga demonyong nagbabalat babae upang makuha ang kaluluwa ng mga ginoong bibiktimahin nito" wika ni Angelita na animo'y makatotohanan talaga ang sinasabi nito.

Napatigil si Marcus sa pagguhit saka napatingin sa dalaga, "Batid kong hindi nila kaya ang inyong kapangyarihan ngunit mas mabuti na ring maingat kayo ginoo. Huwag palilinlang sa mga magagandang babae sa tabi-tabi. Marahil ay mga kampon sila ng kasamaan" ulit pa ni Angelita, napaiwas na lang ng tingin si Marcus sa kaniya, buong sikap niyang pinipigilan ang kaniyang tawa sa kung anong kabaliwan na sinasabi ni Angelita.

Sa huli ay tumango na lang siya dahil ayaw siyang tantanan nito hangga't hindi nangangako si Marcus na hindi siya makikipag-usap o titingin sa ibang babaeng dumadayo sa aklatan upang mapalapit sa kaniya.


ARAW ng biyernes, matao ang pamilihan. Naglalakad mag-isa si Marcus sa gitnang kalsada kasabay ng mga taong abala rin sa pamimili roon. Hinahanap niya ang tindahan ng mga alahas na nabanggit ng tinderong nagbebenta ng kuwintas sa Bulakan.

Hindi nagtagal ay nasumpungan na niya ito. Malayo pa lang ay nakita na siya ng tinderong may bigote. Magiliw siyang sinalubong at nginitian nito. "Ginoo, mabuti na lang at nahanap niyo ang munting alahasan kong ito" ngiti ng tindero, tumango lang si Marcus saka napatingin sa paligid sa takot na naroon din si Angelita. Ibig niyang surpresang ibigay ang kuwintas.

Dadamputin na sana Marcus ang kuwintas sa mesa na puno ng mga alahas nang may naunang nakakuha niyon. "Napakaganda nito" ngiti ni Maria Florencita sabay tingin kay Ornina. Tumakas lang siya sa kaniyang ama, ibig niyang maglakad-lakad sa pamilihan at dumaan sa palimbagan ng mga dyaryo upang makita si Lorenzo.

"Pitong piso ho iyan, señorita" ngiti ng tindero kay Maria Florencita. "Ngunit nauna ho ang ginoong ito" patuloy ng tindero, napatingin si Maria Florencita kay Marcus na hindi niya napansing naroon din sa tindahan.

Sandaling hindi nakapagsalita si Maria Florencita habang nakatitig sa binatang ngayon lamang niya nakita. Kahit pulang kamiso at puting pantalon ang suot nito ay nangingibabaw pa rin ang kagwapuhan ng mestizong binata.

Napatingin si Marcus sa kuwintas na hawak na ngayon ni Maria Florencita, sinikap niyang makaipon upang mabili iyon para kay Angelita. Natauhan si Maria Florencita nang magsalita muli ang tindero, kanina pa siya nito tinatawag ngunit hindi niya naririnig dahil natulala siya kay Marcus.

"Señorita, matagal na hong ibig bilhin ng ginoong ito ang kuwintas na iyan" ulit ng tindero, agad natauhan si Maria Florencita saka napahawak sa kaniyang buhok, "B-bilhin ko ito" wika niya saka hinanap kay Ornina ang salapi ngunit natigilan si Ornina nang mapansin niyang nawawala na sa kaniyang bulsa ang salaping pinahawak ng señorita.

"Tiyak na naisahan kayo ng tulisan mga binibini. Maraming magnanakaw rito" wika ng tindero sabay turo sa paligid ng pamilihan. Nagulat si Maria Florencita nang kunin ni Marcus ang kuwintas na hawak niya. "Bibilhin ko na po ito" wika ni Marcus sabay abot ng bayad sa tindero.

Umalis na siya sa tindahan, napahawak si Maria Florencita sa kaniyang dibdib, ibig niyang tawagin ang lalaki ngunit nahihiya siyang gawin iyon. Hindi malaman ni Ornina kung dahil ba sa nanakawan sila kaya mukhang kabado ang señorita o dahil sa estrangherong lalaking tinatanaw nito sa malayo.


HINDI mawala sa isipan ni Angelita ang sinabi ni Niyong na maraming babaeng umaaligid sa aklatan. Sa isip niya ay magagambala lalo ang mahiwagang nilalang. Pilit niyang winawaksi sa kaniyang isipan na nakakaramdam siya ng pagkayamot o panibugho sa ideyang maraming binibini ang magpapapansin kay Marcus.

Natauhan si Angelita sa paghahalo ng sabaw ng nilaga nang bumulong si Lolita na hindi niya namalayang nasa tabi na niya. "Ate, nasa labas si kuya Lorenzo" wika nito, hindi kumibo si Angelita. Hindi na niya kinausap o hinaharap si Lorenzo sa tuwing hinahanap siya nito. Sa kaniyang isip ay mas mabuti na rin iyon kung ang mapupusuan lang naman nito ay ang anak ng Don na pumatay sa kaniyang mga magulang.

"Oras ng trabaho ngayon. Nawa'y bumalik na siya sa palimbagan" walang ganang saad ni Angelita. Madiin pa ang pagkakasabi niya ng salitang palimbagan. Magsasalita pa sana si Lolita ngunit batid niyang may kung anong hidwaan sina Angelita at Lorenzo. Pabor pa naman siya na makatuluyan ni Angelita ang kababata nito.

Lumabas na sa kusina si Lolita saka hinarap si Lorenzo na nasa labas ng Panciteria. May dala itong tatlong buko. "Marami pa rin kayong ginagawa?" tanong ni Lorenzo, inunahan na niya si Lolita dahil iyon ang palagi nitong dinadahilan kapag hindi ito hinaharap ni Angelita.

Masama na ang mukha ni Lorenzo, hindi niya maintindihan si Angelita. Kamakailan lang ay nalaman niyang sumama ito kay Sebastian patungo sa Bulakan. Nagkaroon pa ng usap-usapan na taga-Bulakan daw si Sebastian at pinakilala na nito si Angelita sa kaniyang mga magulang.

Mabilis namang pinabulaanan iyon ni Aling Pacing. Marami ring nakakita kay Angelita at Sebastian na nagtatalo sa gitna ng daan noong gabi ng pagdiriwang sa bahay ni Don Severino. Nabahala sina Aling Pacing at Mang Pedro sa kumakalat na tsismis. Gusto nila ang binata ngunit hindi pa nila ito masyadong kilala. Kung kaya't pinagbawalan niya muna si Angelita na magtungo sa aklatan at makipagkita kay Sebastian upang hindi na lumala ang usap-usapan.

"Lolita, sabihin mo kay Angelita na narito si Sebastian" saad ni Lorenzo, nagulat si Lolita ngunit naitindihan niya kung anong ibig tuklasin ni Lorenzo. Na iniiwasan siya ni Angelita at kung sakaling si Marcus ang marinig nitong nasa labas, siguradong haharapin niya ito.

Agad bumalik sa kusina si Lolita at sinabing naghihintay sa labas ng Panciteria si Marcus. Nabitawan ni Angelita ang sandok na panghalo sa sabaw ng nilaga. Kinabahan siya dahil baka makita nila Aling Pacing at Mang Pedro si Marcus sa labas. Pinagbabawalan muna siya na makipagkita kay Marcus hangga't hindi humuhupa ang usap-usapan tungkol sa kanila.

Dali-daling nagpunas ng kamay si Angelita, "Sabihin mo kay ginoong Sebastian, sa likod ng kusina kami magkita. Hindi kami dapat makita nila inay" pabulong na wika ni Angelita, napakagat na lang sa labi si Lolita, hindi niya ibig magsinunggaling kay Angelita ngunit gusto din niya malaman kung talagang iniiwasan nito si Lorenzo.

Nagtungo na si Angelita sa likod na kusina. Walang ibang tao roon, huminga muna nang malalim si Lolita bago sinabi kay Lorenzo ang bilin ni Angelita. Natigilan sandali si Lorenzo, hindi niya akalaing magagawang harapin ni Angelita si Sebastian ngunit siya ay hindi.

Naglakad na siya patungo sa likod na kusina ng Panciteria. Agad siyang sumampa sa bakod nito. Nagulat si Angelita nang makita niya si Lorenzo, "A-anong ginagagwa---" hindi na natapos ni Angelita ang sasabihin niya dahil seryoso ang mukha ni Lorenzo habang naglalakad ito papalapit sa kaniya. Ibinagsak pa nito sa lupa ang hawak nitong tatlong buko.

"Hinihintay mo ang lalaking iyon hindi ba?" napaiwas ng tingin si Angelita, ilang beses na rin niyang nakitang magalit si Lorenzo lalo na sa pamahalaan ngunit kailanman ay hindi ito nagalit sa kaniya. Tumalikod na si Angelita at akmang papasok na sa loob ngunit pinigilan siya ni Lorenzo, hinawakan nito ang pulso niya.

Gulat siyang napatingin kay Lorenzo dahil sa ginawa nito. "Hindi mahalaga sa'kin kung sino lang ang iyong ibig harapin ngunit bakit mo ako iniiwasan?" seryosong tanong ng binata. Sinubukang alisin ni Angelita ang pagkakahawak ni Lorenzo ngunit hindi siya nito binitawan.

"Anong ibig mong gawin ko? Nililigawan mo si Maria Florencita. Ang kaniyang ama ang pumatay sa aking mga magulang. Tila iyong nakaligtaan ang layunin ng ating samahan, hindi ko maatim na harapin ka sa kabila ng pagsuyo mo sa isang Garza" inis na saad ni Angelita, unti-unting lumuwag ang pagkakahawak sa kaniya ni Lorenzo. Nakatitig siya ng diretso sa mga mata ng dalaga. Hindi niya akalaing masasaktan ito sa pagiging malapit nila ni Maria Florencita.

Tinalikuran na siya ni Angelita, umakyat ito sa ikalawang palapag at nagkulong sa silid. Napatulala si Lorenzo, natauhan lamang siya nang biglang dumating si Aling Pacing bitbit ang isang bilao na puno ng dahon ng malunggay. "Oh, bakit hijo? May ibig ka bang iparating sa ating samahan?" bulong ni Aling Pacing. Sa likod ng kusina dumadaan si Lorenzo sa tuwing may sasabihin ito sa mag-asawang may ari ng Panciteria.

Natauhan at umiling si Lorenzo, "W-wala ho, aalis na ho ako" wika niya saka mabilis lumundag sa bakod. Napatitig si Aling Pacing sa tatlong buko na nasa sahig. Madalas niyang makita na binibigay iyon ni Lorenzo kay Angelita. Napahawak na lang sa noo si Aling Pacing, hindi niya akalaing may isa pang lalaking nagpaparamdam sa anak-anakan na siyang poproblemahin din niya ngayon.


BAGO magtakapisilim ay nagtungo si Angelita sa aklatan. Wala na siyang pakialam kung malaman ni Aling Pacing na pinuntahan niya si Marcus. Kailangan niya makausap ito, gusto niyang tanungin kung anong dapat niyang gawin. Kung tama bang iwasan niya si Lorenzo.

Napatigil si Angelita nang makita ang isang magarbong kalesa na nakatigil sa tapat ng aklatan. Nagpatuloy siya sa loob ngunit napatigil siyang muli nang makita si Maria Florencita, kausap nito si Marcus. May hawak na aklat si Marcus, maraming tinatanong si Maria Florencita tungkol sa mga babasahing nobela. Kung ano ba ang dapat niyang basahin, kung anu-ano ang dapat bilhin, kung paano makakausap ng matagal si Marcus.

Tumalikod na lang si Angelita at mabilis na naglakad pabalik sa Panciteria. Ibinigay na lang din niya ang dalang bilao ng pansit sa mga batang naglalaro sa labas. Mas lalong dumagdag ang sama ng loob na kaniyang nararamdaman dahil maging si Marcus ay napapalapit kay Maria Florencita.

Nang gabi ring iyon ay nagkaroon ng pagpupulong ang samahan sa tahanan ng magkapatid na Cortez. Nakasarado ang buong bahay at tahimik lang ang lahat habang nakikinig sa plano ni Berning. Sasalakayin nila ang kwartel ng mga guardia civil upang kunin ang mga armas, baril at pagkain na naroon.

Panay ang sulyap ni Lorenzo kay Angelita na tulala lang sa lamparang nakapatong sa mesa. Halatang hindi ito nakikinig, iniisip niya kung bakit magkausap sina Maria Florencita at Marcus sa aklatan. Ano ang pinag-uusapan nila? May kinalaman ba sa libro o ibang bagay? Doon ba sila nagkakilala o sa ibang lugar? Madalas ba magtungo si Maria Florencita sa aklatan? Kailangan niya ba talaga pumunta roon?

Natauhan si Angelita nang tawagin siya ni Berning, "Angelita, sang-ayon ka ba ka sa plano?" tanong nito. Napatingin ang lahat sa kaniya, nagpa-ikot-ikot ang kaniyang mata, hindi niya alam kung ano ang planong tinutukoy nito dahil hindi siya nakikinig. Tumango na lang siya, "Sa iyo magsisimula ang hudyat, iyong sindihan ng apoy ang palaso at tudlain ang mga bariles ng langis. Kasunod ng pagsabog ay sabay-sabay na lulusob tayong lahat upang samsamin ang mga kagamitan ng hukbo" wika ni Berning, tumango muli si Angelita.

Alas-siyete na nang matapos ang pagpupulong. Isang oras na lang ang nalalabi bago rumonda ang mga guardia. Nagsiuwian na ang mga kasapi ng samahan. Lumabas na rin si Angelita at naglakad sa madilim na lansangan. Napatigil siya nang marinig ang boses ni Lorenzo.

"Lita!" tawag nito, lumingon siya.

"Ihahatid na kita sa Panciteria" wika ni Lorenzo nang makahabol ito sa kaniya, nagpatuloy na lang sa paglalakad si Angelita.

"Huwag na. Marami pa akong kasabay" tugon niya habang tulala sa daan. Marami pang mga naglalakad sa lansangan. Karamihan ay mga pauwi galing trabaho at ang iba naman ay mula sa malayong paglalakbay.

Naalala ni Angelita ang pagtatalo nila ni Lorenzo kanina sa likod ng kusina ng Panciteria. Narinig niya rin na nabanggit ni Santino kay Berning at Tadeo kanina bago magsimula ang pagpupulong na nagkikita sa tabing-ilog sina Maria Florencita at Lorenzo gabi-gabi.

Gusto rin sanang dumaan ni Angelita sa aklatan. Gusto niyang tanungin si Marcus kung anong mayroon sa kanila ni Maria Florencita. Hindi nakapagsalita si Lorenzo, sinabayan na lang niya sa paglalakad si Angelita. Ibig niyang humingi ng tawad sa dalaga dahil naging makasarili siya. Nakalimutan niyang malaki ang kasalanan ng pamilya Garza sa pamilya nito, pamilya nila at sa buong samahan.

Tahimik lang silang naglalakad. Hinayaan na lang ni Angelita na sabayan siya ni Lorenzo. Wala siyang gana makipag-usap kaninuman. Ngunit gusto niyang makausap at makita si Marcus ngayong gabi. Siguradong hindi siya makakatulog ngayong gabi kakaisip sa nakita niya sa aklatan.

Sumagi sa kaniyang isipan ang hitsura ni Maria Florencita. Napakaganda nito, mapupungay ang mata, makinis ang balat, matangos ang ilong at mapupula ang mga labi. Bukod doon ay hinahangaan ng lahat ang kaibig-ibig nitong pag-uugali at kabutihan.

Naisip ni Angelita na malaki ang posibilidad na mahulog ang loob ni Marcus kay Maria Florencita tulad nang pagkakagusto rin ni Lorenzo sa dalagang iyon. "Sadyang pinagpala talaga si Maria Florencita" wika ni Angelita dahilan para mapalingon sa kaniya si Lorenzo.

"Maganda, mabait, mayaman, may magulang, hinahangaan at pinupuri ng lahat. Kinalulugdan siya ng langit at lupa" patuloy ni Angelita, nakatitig lang sa kaniya si Lorenzo habang naglalakad sila ng mabagal. Natatanaw na mula sa malayo ang Panciteria.

Naisip ni Lorenzo na naiinggit si Angelita kay Maria Florencita. Sumagi rin sa kaniyang isipan na maaaring nagseselos ito dahil napupusuan niya ang señorita. Hindi siya nakapagsalita. Hindi niya alam kung anong dapat sabihin kay Angelita. Parang kapatid na ang turing niya rito. Sabay silang lumaki at nangarap sa ikatatagumpay ng samahan. Hindi naman niya ginusto na mahulog ang loob sa kaniya ng kababata.

Nakarating na sila sa Panciteria, "Mauna na ko" saad niya saka pumasok sa loob, ibinuka ni Lorenzo ang kaniyang bibig upang tawagin si Angelita ngunit sinara na nito ang pinto. Naiwan siya sa labas, tulala at pilit na iniisip kung paano makakabawi sa kaibigan.

Napasandal na lang si Angelita sa likod ng pinto. Kung hindi siya hinatid ni Lorenzo ay nasa aklatan na siya ngayon. Mariring na sana niya ang paliwanag ni Marcus.


KINABUKASAN, maraming mga binibini ang nagtutungo sa aklatan upang silipin si Marcus. Nakaupo sa silya at tahimik na gumuguhit si Marcus. May lima pa siyang iguguhit na dapat niyang ipasa sa lunes. Ibig niya ring makaipon ng salapi upang maaya si Angelita sa dulaan. O kaya naman ay mabilhan niya rin ito ng magandang baro't saya.

Diretsong pumasok si Angelita sa aklatan, animo'y nakatira siya roon. Napakunot ang noo ng mga babae nang makita nilang lumapit si Angelita kay Marcus at umupo sa katapat na silya nito. Nagsimulang magbulungan ang mga binibini, sinusumpa nila sa tingin at salita si Angelita na walang pakundangan sa paglapit sa isang binata.

Nilapag ni Angelita ang dala niyang pandesal at nilagang itlog. Nagitla si Marcus ngunit hindi niya pinahalata na kinakabahan at nagulat siya sa pagdating ni Angelita. Bihira na itong dumaan sa aklatan kaya ganoon na lamang ang gulat niya nang makita muli ang dalaga.

"Nag-agahan na kayo ni Niyong?" tanong ni Angelita, nagpatuloy lang si Marcus sa kaniyang pagguhit. Tumango siya bilang tugon sa dalaga. Sumandal na ito sa silya saka tiningnan ang mga binibini na kunwaring naghahanap ng libro sa aklatan.

Lihim na sinulyapan ni Marcus si Angelita, napansin niya ang payneta na nakasuksok sa nakapusod na buhok ng dalaga, kulay pilak ito. Hindi niya rin maialis ang kaniyang mga mata makinis na leeg ni Angelita habang nakalingon ito sa kaliwa.

"Masasayang lamang ang mga aklat rito kung hindi naman nila babasahin. Sa aking pagkuwari ay wala naman silang hilig sa pagbabasa. Ibig ka lang nila sulyapan" patuloy ni Angelita sabay tingin kay Marcus. Agad napayuko si Marcus at nagkunwaring abala pa rin sa pagguhit.

Napatigil si Marcus nang ipatong ni Angelita ang kaniyang dalawang braso sa mesa. "Siya nga pala, magkakilala kayo ni Maria Florencita?" tanong nito, napatingin siya sa dalaga. "Hindi naman sa ako'y nakikialam sa buhay mo. Ibig ko lang malaman kung bakit madalas siya narito kahapon" patuloy nito na halatang dinedepensahan ang sarili.

Naalala ni Marcus ang bilao ng pansit na nakita niyang kinakain ng mga batang naglalaro sa labas ng aklatan. Nang umalis si Maria Florencita at sumakay sa kalesa, nakita niya ang mga bata. Inalok pa siya ng mga ito ng pansit.

Ngayon ay malinaw na kay Marcus na pumunta nga si Angelita kahapon, "Nagtatanong lang siya tungkol sa mga aklat na may kinalaman sa pag-ibig" paliwanag ni Marcus, tumango-tango si Angelita. Sa isip niya ay halatang pinapahiwatig ni Maria Florencita na interesado ito sa pag-ibig.

"Bakit hindi ka tumuloy kahapon?" tanong ni Marcus, si Angelita naman ang natigilan. Kinabahan siya sa ideyang nakita siya ni Marcus na tumalikod at lumabas kahapon. "M-may naiwan pala akong sinaing sa Panciteria, kung kaya't kailangan kong balikan iyon. Dapat kong balikan iyon dahil baka masunog ang aking sinaing at ang buong Panciteria" palusot nito, ibig matawa ni Marcus dahil namumula ang mukha ni Angelita at kung magpaliwanag ito ay para siyang nasasakdal sa hukuman.

Tumango na lang si Marcus ng ilang ulit habang pinipigilan ang sarili sa pagtawa. "Siya nga pala, kaya hindi ako nakakapunta rito dahil pinagbawalan ako ni inay at itay" saad ni Angelita, napatingin muli si Marcus sa dalaga.

"Kung anu-ano ang iniisip nila. Marami rin silang naririnig na usap-usapan tungkol sa ating dalawa. Kung batid lang nila kung gaano ka kahiwaga, tiyak na hindi nila paghihinalaan tayong dalawa" tawa ni Angelita, hindi naman alam ni Marcus kung matatawa ba siya o hindi. Hindi niya batid kung bakit may kung anong kalungkutan siyang nararamdaman ngayon kapag binabanggit ni Angelita na siya ay mahiwaga. Ang katotohanan na siya ay tao at si Angelita ay isa lamang karakter.

Magsasalita pa sana si Angelita ngunit narinig nila ang pagtigil ng isang magarbong kalesa sa tapat ng aklatan. Napalingon din ang mga babaeng nasa loob ng tindahan at inaasikaso ni Niyong. Nagulat sila nang makita si Maria Florencita, hawak ni Ornina ang dulo ng mahabang saya nito upang hindi sumayad sa lupa.

Napansin ni Marcus na napabusangot ang mukha ni Angelita nang dumating si Maria Florencita, naglalakad na ito papalapit sa kanila. Natigilan din sandali si Maria Florencita nang makitang may babaeng kausap si Marcus.

"Ginoo, heto na pala ang mga aklat na hiniram ko sa iyo" wika ni Maria Florencita sabay ngiti nang marahan kay Marcus. Tumayo si Marcus at kinuha ang inaabot na libro ng señorita. Sa isip ni Angelita ay imposibleng matapos ni Maria Florencita ang isang makapal na libro ng isang gabing basahan lang.

"Ibig ko sanang bumili muli ng mga aklat rito. Maaari mo ba akong tulungan?" patuloy ni Maria Florencita, napatingin si Marcus kay Angelita na nakabusangot na ang mukha at kunwaring tinitingnan ang mga ginuhit na larawan na natapos niya.

"Paumanhin ngunit kailangan kong tapusin ang lahat ng ito" tugon ni Marcus, napatingin sa kaniya si Angelita. Hindi nito akalain na magagawang tanggihan ni Marcus si Maria Florencita. Natawa nang lihim ang mga babaeng nasa loob ng tindahan, maging sila ay hindi makapaniwala sa pagtanggi ng isang ordinaryong lalaki sa binibining pinapangarap ng lahat.

"Nariyan naman si Niyong, maaari ka niyang tulungan" dagdag ni Marcus, napayuko lang si Maria Florencita, nababalot na siya ng kahihiyan. Halos lumuwa naman ang mga mata ni Angelita habang nagpabalik-balik ang tingin niya sa dalawa.

"M-marahil ay abala ka. Babalik na lang ako bukas" saad ni Maria Florencita, hindi niya malaman kung saan siya titingin dahil sa kahihiyan. Tumalikod na siya at mabilis na naglakad papalabas sa aklatan. Gulat na tiningnan ni Angelita si Marcus, "Tiyak na nasaktan siya sa ginawa mo" pabulong na wika ni Angelita.

Ibinalik na lang ni Marcus ang tingin niya sa ginuguhit na larawan saka nagpatuloy sa ginagawa. "Kaysa may masaktan na iba" wika ni Marcus. Napatigil si Angelita, hindi niya malaman kung bakit biglang kumabog nang malakas ang puso niya dahil sa sinabi nito.

Sandali silang natahimik, kumuha rin ng pluma si Angelita at gumuhit din. Ginuhit niya ang paborito niyang hugis ng buwan. Napansin iyon ni Marcus dahil makailang ulit siyang sumulyap sa ginagawa ni Angelita. Naalala niya ang kuwintas na binili niya para sa dalaga. Nakalagay iyon sa bulsa ng pantalon niya.

Ilang araw na niyang iniisip kung paano niya ibibigay iyon kay Angelita. Hindi niya alam kung paano ngunit ibig niyang makita ang magiging reaksyon nito. Kung tulad niya ay may namumuo na rin itong pagtingin sa kaniya kahit kaunti.

Napatikhim siya ng dalawang ulit hanggang sa mapatingin sa kaniya si Angelita, "M-maaari mo bang kunin ang isa kong pluma?" tanong ni Marcus sabay pakita sa kamay niyang puno ng tinta. "Saan nakalagay?" tanong ni Angelita saka tumayo.

"Nasa bulsa ng pantalon" tugon ni Marcus, nakasabit ang pantalon na tinutukoy niya sa pintuan ng palikuran. Kinakabahan si Marcus, ilang segundo na lamang ay makikita na ni Angelita ang regalo niya.

Nakapa ni Angelita sa bulsa ng pantalon ang isang kuwintas. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang kuwintas na ibig niyang bilhin noon. Lumingon siya kay Marcus, agad itong yumuko saka kunwaring abala sa pagguhit.

Napalunok sa kaba si Angelita, batid niyang kay Marcus iyon. Hindi niya dapat pakialaman ang gamit ni Marcus. Ibinalik na niya sa bulsa ang kuwintas saka naglakad pabalik sa kaniyang upuan. "Wala naman doon ang iyong pluma" wika niya saka gumuhit na lang muli.

Napansin ni Marcus na naging malungkot ang mukha ni Angelita. Napapikit na lang siya, hindi niya akalaing hindi maiisip ni Angelita na para sa kaniya ang kuwintas na iyon. Tumayo si Marcus saka kinuha ang kuwintas sa bulsa ng pantalon at inilapag sa mesa, sa tapat ni Angelita.

Nagulat si Angelita, "H-hindi mo ba ito kayang ibigay kay Maria Florencita?" tanong niya, hindi sa kaniya tumingin si Marcus, nagpatuloy lang ito sa pagguhit.

"Hindi naman si Maria Florencita ang mahilig sa bagay na iyan" tugon nito, sa pagkakataong iyon ay nakita ni Marcus ang malaking ngiti ni Angelita lalo na nang pagmasdan nito ang kulay tansong kuwintas. "Salamat, ginoo" ngiti ni Angelita, animo'y bumagal ang sandali at tila lumiwanag lalo ang paligid sa paningin ni Marcus. Hindi na niya maikakaila sa sarili. Hindi na niya maitatanggi na unti-unti na nga siyang nahuhulog sa dalagang kaharap.


HATINGGABI, maingat na pumwesto si Angelita sa bubong ng isang tindahan. Itinakip na niya sa ilong at bibig ang itim na tela, nakasuot din siya ng itim at salakot sa ulo. Natanaw na niya ang mga kasamahan na dahan-dahang pumwesto sa palibot ng kwartel.

Itinaas na ni Angelita ang pana, sinindihan ng apoy ang dulo saka mabilis na pinatamaan ang mga bariles ng langis na nasa labas. Malakas na pagsabog ang gumambala sa tahimik na gabi. Gulat na napabangon ang mga guardia na kanina lang ay dinadalaw na ng antok.

Kasabay ng paglusob ng mga rebelde ay ang malalakas nilang sigawan. Sumunod din si Angelita sa kanila, buong tapang na hinarap ang hukbo gamit ang matatalim na tabak, palaso at armas na sila mismo ang nagpatulis.

Nasamsam na ng mga rebelde ang mga armas, baril at pagkain sa kwartel. Sinakay nila ito sa sampung kabayo. Dumating si Roberto, mabilis niyang pinaputukan ng baril ang mga tulisan. Isang guardia ang nakasanggi sa suot na salakot ni Angelita dahilan upang matanggal ito sa kaniyang ulo at bumagsak ang kaniyang mahabang buhok.

Natanggal ang pantakip sa mukha ni Angelita, nakita ng isang payat na guardia ang kaniyang mukha. Mabilis siyang nasipa ni Angelita saka ginamit ang hawakan ng tabak pamalo sa ulo nito dahilan upang pansamantalang mawalan ng malay.

Sinuot niya muli ang itim na tela panakip sa mukha saka mabilis na sumunod sa ibang kasamahan na nagtatakbuhan na papalayo. Nasaid na nila ang mga nakaimbak sa kwartel, sasakay na dapat si Angelita sa kabayo ngunit nakita niya ang mainit na paglalaban nina Roberto at Lorenzo gamit ang espada.

Agad itinapat ni Angelita ang pana kay Roberto. Nang pakawalan niya ito ay diretsong tumama ang palaso sa tagiliran ng heneral. Natumba ang heneral, iyon na ang pagkakataon upang maigilit ni Lorenzo ang espada sa leeg ng kalaban ngunit dumating ang iba pang hukbo mula sa fuerza de Santiago kaya tumakas na rin ang rebeldeng grupo.


KINABUKASAN, muling nabalot ng takot ang buong bayan. Mas naging mahigpit si Roberto. Kasalukuyan siyang nagpapagaling sa pagamutan. Malalim ang tinamo niyang tama sa tagiliran. Hindi niya nakilala ang taong pumana sa kaniya dahil may takip ito sa mukha ngunit tila pamilyar ang mga mata nito.

Halos labinglimang guardia ang sugatan din sa pagamutan. Naroon din si Marcus kasama ang isang kapitan na nagtatrabaho sa kagawaran ng investigacion. Kinakausap nila ang mga nakaligtas na guardia upang alamin ang nangyari sa paglusob ng mga rebelde.

"Aking nakita ang hitsura ng isang tulisan!" wika ng isang payat na guardia. May telang nakapaikot sa kaniyang ulo. Lumapit si Marcus at ang kapitan sa kaniya. "Babae. Isang babae ang aking nakalaban" patuloy nito, napalingon ang ibang pasyente sa payat na guardia.

Tumingin ang kapitan kay Marcus, sumenyas ito na ihanda na ni Marcus ang blankong papel, pluma at tinta. "Maaari mo bang ilarawan sa amin ang hitsura ng babaeng tulisan?" tanong ng kapitan, napapikit ang payat na guardia, nakakarmdam siya ng pagkahilo at pananakit ng ulo dahil sa lakas ng tama ng hawakan ng tabak sa kaniyang ulo.

"Mahaba ang kaniyang buhok, maganda ang kaniyang mata, maliit na matangos ang kaniyang ilong, bilugan na hugis puso ang kaniyang mukha. Aking napansin na makinis din ang kaniyang balat" wika ng payat na guardia. Napatigil si Marcus, sa paglalarawan pa lang ng guardia ay nararamdaman niyang si Angelita ang tinutukoy nito.

"Tila ikaw ay nahihibang. Hindi kaya ang pinapangarap mong binibini ang inilalarawan mo" kantyaw ng isang guardia dahilan para magtawanan ang lahat. Maging ang kapitan ay natawa, tanging si Marcus lang ang hindi.

"Totoo ang aking sinasabi. Maganda nga ang babaeng iyon. Kung hindi lang siya isang tulisan, haharanahin ko na siyang mamayang gabi" biro ng payat na guardia na animo'y hindi nababahala na muntik na siyang mamatay sa kamay ni Angelita.

Mas lalong lumakas ang tawanan. Napatingin ang kapitan kay Marcus, hugis ng mukha pa lang at buhok ang naiguguhit nito. "Ngunit sa aking pagkawari ay nakita ko na ang babaeng iyon. Hindi ko lamang matandaan kung saang kainan dito sa bayan" patuloy ng payat na guardia.

"Marahil ay malakas ang tinamong tama ng ulo nito. Kung anu-anong kahibangan ang pinagsasabi" tawa ng isang pasyente na sinabayan ng ibang naroroon. Napatulala na lang si Marcus sa nasimulan niyang iguhit na larawan. Hindi niya magagawang tapusin iyon dahil mapapahamak si Angelita.


ORAS ng tanghalian, mahina ang kita ng Panciteria dahil halos takot lumabas ang mga tao. Maingat na pinipitas ni Angelita ang dahon ng malunggay sa tangkay nito. Magkatulong sila ni Lolita. Walang tinamong sugat si Angelita, ibig niyang magtungo sa aklatan ngunit baka harangin siya ng mga nagkalat na guardia sa lansangan.

Nagulat siya nang biglang dumating si Marcus, tumango muna ito kay Aling Pacing, Mang Pedro at Lolita saka tumingin kay Angelita. Agad napatayo si Angelita saka pinunas ang kamay sa gilid ng kaniyang saya. Napatingin siya sa mga magulang niya na agad napayuko, kunwari ay hindi malaking bagay ang biglaang pagdating ni Marcus.

"S-sandali lang ho" si Angelita na ang nagpaalam para sa kanila ni Marcus, nagtungo sila sa likod na kusina. Agad sumunod sina Aling Pacing, Mang Pedro at Lolita, sumilip ang tatlo sa pintuan sa pag-asang maririnig nila ang pag-uusapan ng dalawa.

"Namukhaan ka ng isang guardia" panimula ni Marcus. Hindi naman nagulat si Angelita, sa isip niya ay mas mabuti kung tinuluyan na niya ang kalaban kagabi. "Kailangan mo nang lisanin ang lugar na 'to" patuloy ni Marcus.

"Wala na akong ibang lugar na mapupuntahan" wika ni Angelita, sandali napatigil si Marcus habang nakatitig sa dalaga. "May alam akong lugar" saad ni Marcus, iyon ang narinig nina Aling Pacing, Mang Pedro at Lolita.

"Mas makabubuti rin kung magpapanggap kang lalaki" suhestiyon ni Marcus, magsasalita pa sana si Angelita ngunit napatigil siya nang magsalita si Marcus, "Sumama ka sa akin" wika nito na mas lalong ikinagulat ng tatlong nakikinig sa kanilang usapan.


INILIBOT ni Angelita ang kaniyang paningin sa loob ng nag-iisang silid ng aklatan. Bitbit na rin niya ang isang tampipi na naglalaman ng ilan sa kaniyang mga gamit. Sinasara na ni Niyong ang aklatan, halos wala rin silang kita ngayong araw dahil walang lumabas na tao sa kanilang mga bahay.

Nakasuot ng kamisong puti at pulang pantalon si Angelita. Inilapag na niya sa mesa ang sumbrerong buri dahilan upang lumugay ang kaniyang buhok. "Hindi ba't mas mabuti kung sa malayong lugar magtatago si ate Lita?" tanong ni Niyong kay Marcus, abala ito sa pag-iigib ng tubig upang punuin ang balde sa palikuran.

"Siguradong sa malayong lugar naghahanap ngayon ang hukbo. Mas ligtas dito si Angelita, walang mangangahas na pasukin ang aklatan ni Don Antonio" paliwanag ni Marcus, nakatingin lang sa kaniya si Angelita kung kaya't napaiwas siya ng tingin. Sinara na niya ang pinto ng palikuran saka inayos ang mga panggatong sa likod ng tindahan.

Sinundan siya ni Niyong, "Hindi ba't mas mapanganib kaya malapit lang ang pinagtataguan ni ate Lita?" hindi pa rin ito mapalagay. "Ang kaisipan ng taong nagtatago ay magpakalayo-layo. Gano'n din ang kaisipan ng mga taong humahabol sa kaniya. Hindi nila hahanapin ang nawawalang tao sa kanilang kapitbahay" namangha si Niyong sa sinabi ni Marcus. Maging si Angelita ay humanga rin sa taglay na talino ni Marcus.

"Kung gayon, magsasama na kayong dalawa dito?" tanong ni Niyong dahilan upang makaramdam ng hiya sina Marcus at Angelita. Napatikhim na lang si Marcus at kunwaring abala sa pag-aayos ng mga panggatong. Agad namang pumasok si Angelita sa loob ng silid at nagkulong doon hangga't hindi umaalis si Niyong.


KINABUKASAN, alas-siyete na ng gabi, sumilip si Angelita sa pintuan, naabutan niyang abala si Marcus sa pagguhit. Kailangan niyang matapos ang iba pang larawan. Mabuti na lang dahil hindi na pinaguhit ng kapitan ang inilarawan ng payat na guardia na babaeng tulisan dahil inakala nilang nahihibang na ito dahil sa tama sa ulo.

Dahan-dahan siyang lumabas sa silid at naglakad papalapit kay Marcus. "A-alam ba ni Don Antonio na narito ako sa aklatan?" tanong niya, tumingin si Marcus sa dalaga. Nakasuot ito ng maluwag na puting kamiso. Pinahiram niya iyon sa dalaga. Mahaba rin ang pulang pantalon kung kaya't tinupi pa ito hanggang talampakan.

Umiling si Marcus bilang tugon, "Tiyak na mapapahamak kayo ni Niyong kapag nalaman ni Don Antonio na narito---" hindi na natapos ni Angelita ang sasabihin niya dahil nagsalita na si Marcus.

"Hindi niya malalaman" wika nito saka tumingin ng diretso sa dalaga. "Walang ibang makakaalam" patuloy niya, sa pagkakataong iyon ay tila ba may iba pang nais ipahiwatig si Marcus sa huling sinabi nito. Walang ibang makakaalam na tayong dalawa ay magkasama rito.

Buong akala rin nina Aling Pacing, Mang Pedro at Lolita ay sa Bulakan dinala ni Marcus si Angelita dahil may nakakita ngang guardia sa mukha nito. Magsasalita na sana si Angelita ngunit biglang may kumatok sa likod ng tindahan.

Nagulat silang dalawa lalo na nang marinig, "Lita, si Lorenzo ito" si Angelita ang unang tumayo at nagbukas ng pinto sa likod ng tindahan. "Kumusta?" bungad ni Lorenzo sabay abot ng tatlong buko. Napaatras na lang si Angelita nang humakbang na papasok si Lorenzo.

Hindi kumibo si Marcus, seryoso lang siyang nakatingin kay Angelita at Lorenzo. "Natanggap ko ang iyong mensahe kung kaya't aking siniguro na nasa mabuti kang kalagayan" wika ni Lorenzo, sinadya niyang iparinig iyon kay Marcus upang malaman nito na tapat si Angelita sa kaniya magpakailanman.

"Siya nga pala Lorenzo, si Ginoong Sebastian ang nagpatuloy sa akin dito" pakilala ni Angelita. Hindi kumibo si Lorenzo, inilapag lang nito ang tatlong buko sa tabi ng pintuan. "Ginoong Sebastian, si Lorenzo pala ang aking kaibigan" patuloy ni Angelita ngunit ni isa sa dalawa ay walang interesadong makipagkamay sa isa't isa.

"Sa amin ka na lang tumuloy. Nag-aalala rin sayo sila kuya" wika ni Lorenzo, mas lalong sumama ang mukha ni Marcus. Ito ang bida na ginawa niya sa nobela ngunit ibig siyang kalabanin nito.

Napatingin si Angelita kay Marcus, hindi niya rin alam kung anong dapat sabihin. Tumingin si Marcus kay Angelita, "Sumunod ka na lang mamaya kapag matutulog ka na" wika nito saka tumayo at nagtungo sa silid. Nanlaki ang mga mata ni Angelita, ibig namang sugurin ni Lorenzo si Marcus.

"Ano? Magkasama kayo sa isang silid?" gulat na tanong ni Lorenzo kay Angelita ngunit binuksan muli ni Marcus ang pinto ng silid at tumingin sa kanila. "May iba pa bang silid bukod dito?" sinadya niyang sabihin iyon upang makaganti kay Lorenzo.

Namula ang mukha ni Angelita, napapikit naman sa inis si Lorenzo. Gusto niyang suntukin sa mukha si Marcus ngunit hinaharang at pinipigilan siya ni Angelita. "Umalis ka na dito. Baka kung anong gawin sa iyo ng lalaking iyan!" tumaas ang boses ni Lorenzo, rinig iyon ni Marcus kahit nasa loob siya ng silid. Natutuwa siya sa sarili dahil nakabawi siya agad kay Lorenzo.

"Mas ligtas ako dito. Hindi magagalaw ng hukbo ang aklatan ni Don Antonio. Huwag ka na nga mag-isip ng kapahangasan diyan" suway ni Angelita kay Lorenzo, napahilamos na lang sa mukha ang binata. "Pinadalhan kita ng mensahe upang malaman mo kung nasaan ako at maiparating sa akin ang sunod na hakbang ng ating samahan. Huwag mo nang palakihin ang bagay na ito. Nagmamalasakit lang si Ginoong Sebastian" patuloy ni Angelita, hindi naman alam ni Lorenzo kung matatawa ba siya o mas lalong maiinis sa sinabi ng dalaga.

"Ginoo? Abot-langit ang paggalang mo sa lalaking iyan ha" sarkastiko nitong saad, napatigil si Angelita, bakas sa mukha ni Lorenzo na nagseselos ito. Napansin ni Lorenzo ang suot na kuwintas ni Angelita, "Isa rin ba iyan sa binigay niya sayo?" tanong nito habang nakatingin sa kuwintas na nasa leeg ng dalaga.

Agad itinago ni Angelita ang kuwintas sa ilalim ng suot niyang kamiso. Hindi na hinintay ni Lorenzo ang paliwanag ni Angelita, tumalikod na siya saka lumabas mula sa likod ng tindahan.

Napabuntong-hininga na lang si Angelita saka isinarado ang pinto. Napatingin siya sandali sa silid saka naglakad patungo roon. Kumatok siya ng tatlong ulit bago buksan ang pinto, naabutan niya si Marcus, nakaupo ito sa kama at nagbabasa ng libro. Hindi ito tumingin sa kaniya nang pumasok siya.

Naupo si Angelita sa kabilang dulo ng kama saka ilang ulit na sumulyap kay Marcus. Naghahanap ng tiyempo kung paano magsisimulang magsalita. "P-paumanhin kung hindi ko nasabi sayo agad na nagpadala ako ng mensahe kay Lorenzo upang ipaalam kung nasaan ako. Ibig ko malaman nila na handa pa rin akong sumama sa sunod na hakbang ng aming samahan. Hindi ko ibig na isipin nilang tinakasan ko sila" paliwanag ni Angelita.

Ilang minutong hindi kumibo si Marcus, nanatili lang ito sa pagbabasa ng libro ngunit ang totoo ay hindi niya maintindihan ang kaniyang binabasa dahil hindi niya rin matanggap ang katotohanang may ugnayan pa rin ngayon sina Angelita at Lorenzo.

"T-tungkol pala sa kama. Sa isang silid talaga tayo matutulog?" habol ni Angelita, napatikhim si Marcus, hindi niya akalaing magagawang tanungin iyon ni Angelita. Inilapag na niya ang libro saka tumayo. "Sa sahig ako matutulog" wika nito saka kinuha ang banig sa ilalim ng kama, ang kumot at unan sa aparador.

Pagkalabas ni Marcus sa silid, inilatag na niya iyon sa tabi ng mga helera ng libro. Napansin niya ang tatlong buko na nananahimik sa tabi ng pintuan. Kinuha niya iyon saka tinapon sa labas.


BUWAN ng pebrero, inaabangan ng lahat ang pag-iisang dibdib nina Maria Florencita at Roberto. Patungo sa kabilang bayan sina Marcus at Angelita, sinabi ni Marcus na kailangan niyang bumili ng mga bagong gamit na kakailanganin niya sa pagguhit ngunit ang totoo ay ibig niyang manood ng dula at mamasyal doon kasama ang dalaga.

Suot ni Marcus ang pulang kamiso at puting pantalong na tinahi ni Angelita para sa kaniya. Ito rin ang dahilan kung kaya't hindi nawawala ang ngiti sa labi ni Angelita. Asul na kamiso naman ang suot ni Angelita at puting pantalon. Pareho silang nakasuot ng sumbrerong buri.

Halos hindi inaalis ni Marcus ang kaniyang tingin kay Angelita sa tuwing hinahawakan nito ang mga kakaibang paninda sa pamilihan. Naroon ang iba't ibang disenyo ng abaniko, kahoy na laruan, palamuti, payong de hapon at malalambot na balabal.

Gustuhin man ni Marcus na bilhin lahat iyon ngunit sapat lang ang pera niya pambayad sa tiket ng teatro. Alas-siyete na ng gabi nang makapasok sila sa loob. Naupo sila sa pinakalikod, ang silya ay pahaba at walang sandalan.

Halos limampung katao ang kasya sa loob ng dulaan. Nakaabang na ang pulang kurtina na nakaharang sa entablado. Ang papanoorin nila ay tungkol sa babaeng iniwan ng katipan at sumama sa ibang babae ngunit makalipas ang ilang taon ay bumalik ang lalaki dala ang batang bunga ng kataksilan nito. Buong pusong tinanggap ng babae ang katipan at kinasal sila sa huli.

Nasa kalagitnaan na sila ng palabas, nahuhulaan agad ni Angelita ang mangyayari sa kwento ngunit nasasabik pa rin siyang malaman ang wakas nito. "Sa aking palagay ay magkakabalikan silang dalawa" bulong ni Angelita kay Marcus, madilim sa loob ng teatro. Hindi niya napansin na kanina pa nakatitig sa kaniya ang binata na para bang siya ang pinakamagandang palabas na ibig nitong panoorin nang paulit-ulit.

"Ikakasal din sila sa huli" patuloy ni Angelita, napansin na niya na nakatitig sa kaniya si Marcus kung kaya't bigla siyang nakaramdam ng hiya. "N-napanood mo na ba ang dulang ito ginoo?" tanong niya, hindi kasi nakatingin sa entablado ang binata.

Tumango si Marcus dahil ang totoo ay siya mismo ang gumawa ng dulang iyon. Napatikhim si Angelita, liwanag lang mula sa entablado ang nagbibigay liwanag sa buong teatro. Nasa pinakalikuran sila kung kaya't sadyang madilim sa kanilang pwesto.

"Kung gayon, bakit pa natin pinanood ito, sayang ang iyong salapi ginoo" wika ni Angelita, mas lalong kumabog ang puso niya dahil nanatili pa ring nakatitig sa kaniya si Marcus. "May ibig pa akong gawin dito" saad ni Marcus, nagtatakang napatingin sa kaniya si Angelita.

"Huwag mong kakalimutan ito" patuloy ni Marcus saka hinawakan ang mukha ni Angelita at hinalikan sa labi ang dalaga. Nagulat si Angelita ngunit hindi siya gumalaw, sa halip ay dahan-dahan din niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at dinama ang mainit na pagdampi ng labi ng lalaking nagpapatibok sa puso niya.


HINDI mawala ang malaking ngiti sa mukha ni Angelita habang nakaharap sa salamin. Hatinggabi na ngunit hindi siya makatulog. Paulit-ulit na naglalaro sa kaniyang isipan ang mapangahas na paghalik sa kaniya ni Marcus sa loob ng teatro.

Halos pagod din ang lahat ng tao dahil sa pakikiisa sa pagdiriwang ng kasal nina Maria Florencita at Roberto. Hatinggabi na rin natapos ang kainan sa mansion ng pamilya Garza. Pinakamasaya sa lahat si Roberto dahil napasakaniya na ang babaeng pinapangarap ng lahat.

Naalala ni Angelita si Lorenzo, ilang buwang tahimik ang samahan upang pahupain ang paghihigpit ng hukbo mula nang salakayin nila ang kwartel. Hindi namalayan ni Angelita na kinakagat na niya ang kaniyang kuko. Naisip niyang dalawin si Lorenzo at alamin ang sunod na hakbang ng samahan.

Tumayo siya upang magtungo sa palikuran ngunit napatigil siya nang makita niya si Marcus. Gising pa ito at nagbabasa ng libro habang nakahiga sa banig. Tiningnan siya ni Marcus, parehong sumilay sa kanilang mukha ang ngiti na puno ng pag-ibig at hiya.

Bumangon si Marcus, "Saan ka pupunta?" tanong nito, naglakad si Angelita papalapit sa banig saka naupo sa dulo niyon. "Ibig ko sanang alamin ang kalagayan ni Lorenzo. Tiyak na malungkot siya ngayon dahil kinasal na si Maria---" hindi na natapos ni Angelita ang sasabihin dahil nagsalita na si Marcus. Kinuha mulo nito ang binabasang libro.

"Hindi"

"Ibig ko rin malaman ang sunod na hakbang---"

"Ako na lang ang pupunta kay Lorenzo bukas"

"Sasamahan mo ako?" ngiti ni Angelita, nanatili lang si Marcus sa pagbabasa.

"Ako lang ang pupunta" napabagsak na lang ang balikat ni Angelita. Hindi niya akalaing napakaseloso ni Marcus. Sa isip niya ay maaari naman siyang umalis mamayang madaling araw, hihintayin na lang niyang makatulog ito.

"Matutulog na ako" wika niya at akmang babalik na sa silid ngunit nagulat siya nang biglang hawakan ni Marcus ang kamay niya at hinila siya nito pahiga sa banig. "Hindi ka na nagpumilit. Pakiramdam ko tatakasan mo ako mamaya" saad nito, nagpaikot-ikot ang mata ni Angelita. Hindi niya akalaing madaling maiisip iyon ni Marcus.

Nagulat si Angelita dahil humiga si Marcus sa tabi niya, ipinatong nito ang kamay sa ibabaw ng tiyan niya. Animo'y yakap siya nito at hindi hahayaang umalis ngayong gabi. Dahan-dahan siyang napatingin sa binata, tumitibok nang mabilis ang kaniyang puso. Maging si Marcus ay nahihiya rin sa mapangahas niyang kilos ngunit kailangan niyang gawin iyon upang masiguro na hindi tatakas si Angelita.

Nang tumingin si Marcus kay Angelita ay sandali siyang nagitla dahil nakangiti ito sa kaniya. Animo'y nagustuhan pa nito ang kapahangasang ginawa niya. "Hindi mo ba papatayin ang lampara?" tukso ni Angelita dahilan upang gulat na mapabangon si Marcus. Pinagpapawisan na siya.

"M-magpapahangin lang ako" mabilis na saad ni Marcus saka tumayo at lumabas sa likod ng tindahan upang pakalmahin ang sarili. Naisubsob na lang ni Angelita ang mukha niya sa unan at napasigaw roon sa tuwa nang walang boses na lumalabas sa kaniyang lalamunan.


KINABUKASAN, nagulantang si Angelita nang biglang sumugod ang mga guardia sa aklatan. Maging sina Marcus at Niyong ay nagulat din dahil dinakip si Angelita. Sinubukan ni Marcus pigilan ang mga guardia ngunit naisakay na nila si Angelita sa kalesa.

Sunod na dumating si Roberto, nakangisi itong bumaba sa kabayo habang nakatingin kay Marcus. "Ikaw ang nangahas noon na sagutin ako nang pabalang" wika nito, pinadapa ng mga guardia si Marcus sa lupa. "Aking naalala na ginawa mo iyon para sa babaeng iyan" patuloy ni Roberto sabay tingin kay Angelita na pilit na pumipiglas sa paggapos sa kaniya ng dalawang guardia.

Yumuko si Roberto at bumulong sa kaliwang tenga ni Marcus. "Kung ibig mong iligtas ang babaeng ito. Lumapit ka kay hukom Unotario at ituro mo ang ibang kasapi ng samahan" ngumisi at humalakhak si Roberto.

Pagdating sa bilangguan, itinulak ng mga guardia nang malakas si Angelita papasok sa bilangguan kung saan pinapaamin ang mga bilanggo habang pinaparusahan. Nasa mahabang mesa ang iba't ibang patalim at kagamitan sa pagpaparusa.

Hinila ng dalawang guardia si Angelita at pinaupo ito sa bakal na silya. Itinali ang kamay at paa niya sa silya. Agad sumaludo ang mga guardia nang dumating si Roberto. Naglakad siya papalapit kay Angelita. Napangisi siya nang makita ang matalim na tingin ng dalaga.

"Marahil ay iniisip mo ngayon kung sino ang nagturo sayo" tawa ni Roberto saka tiningnan isa-isa ang matatalim na bagay sa mesa. Animo'y pinipili niya kung anong unang gagamitin kay Angelita. "Huwag ka mag-alala, maaari ka rin namang makalabas ng ligtas dito. Iyon ay kung makikipagtulungan ka sa amin"

"Wala kang makukuha sa'kin!" sigaw ni Angelita, tumawa lang si Roberto. "Ang kailangan mo lang gawin ay tumestigo sa hukuman. Hindi ko ibig tumetigo ang aking kaibigang nagsuplong sa iyo. Kailangan niya pang linlangin ang inyong pinuno"

Sinenyasan ni Roberto ang dalawang guardia at inabot ang latigo. "Kung hindi ka aayon sa ibig kong mangyari. Sasalubungin ka naman ni Kamatayan dito" ngisi nito saka tumingin kay Angelita.

Hindi mabilang na hampas ng latigo ang tinamo ni Angelita. Hindi siya natinag, hindi pa rin siya sumang-ayon sa kagustuhan ni Roberto na tumestigo si Angelita laban sa magkapatid na Cortes. Nanghihina na si Angelita, patuloy ang pagpatak ng dugo mula sa mga sugat na tinamo niya sa latigo.

Hinahabol niya ang kaniyang paghinga nang makita ang isang pamilyar na lalaki na pumasok sa bilangguan. Nagbigay-galang ito kay Roberto, "Nakahanda na ang lahat, heneral" wika ni Berning saka tumingin kay Angelita.

"Taksil!" sigaw ni Angelita, hindi natinag si Berning. Tumawa lang si Roberto. "Gagawa ng pagsalakay mamayang gabi ang inyong samahan. Mahuhulog lang sila sa aming bitag" tawa nito, hindi na matigil sa pagsigaw si Angelita lalo na sa pagsumpa sa ginawang kataksilan ni Berning.

"Nasa hukuman na rin ho ang lalaking tinutukoy niyo. Tumestigo na siya at itinuro ang lahat ng kasapi ng samahan. Nasusunog na ngayon ang Panciteria at ang bahay ng mga tulisan" pagpapatuloy ni Berning. Halos mawala sa sarili si Angelita sa narinig, totoong nasusunog na ngayon ang Panciteria. Sinadya itong sunugin nina Aling Pacing at Mang Pedro upang walang ebidensiyang makuha laban sa kanila.

Tumatakas na ngayon ang mga kasapi ng rebelde. "Mabuti na lang at masunurin ang lalaking iyon. Sebastian ba kamo ang kaniyang ngalan?" nakatawang saad ni Roberto, nagkunwari pa siyang hindi niya wala siyang nalalaman sa pag-udyok kay Marcus. Sinadya niyang iparinig iyon kay Angelita upang mas lalong mawasak ang puso nito.

"Ibilanggo at paslangin niyo rin ang lalaking iyon. Hindi ko papalayain ang babaeng ito bilang kapalit ng ginawa niya" bilin ni Roberto, napatango ang ibang guardia saka lumabas sa bilangguan. "Tila magiging abala mayamaya si Kamatayan. Maraming matitigas na ulo ang kaniyang susunduin ngayon" tumalikod na si Roberto at akmang lalabas na rin doon ngunit naalala niyang may dapat pa siyang sabihin kay Angelita sa huling pagkakataon.

"Siya nga pala, may liham akong naharang na para sana sa may ari ng Panciteria. Patay na raw si Amalia. Namatay sa pambihirang sakit" wika ni Roberto saka lumabas sa bilangguan. Sumunod sa kaniya si Berning. Napasigaw na lang si Angelita at pilit na nagpupumiglas kahit pa naliligo na rin siya sa sarili niyang dugo.


MALALIM na ang gabi, natanaw ni Angelita ang dalawang anino na nakapagpatumba nang tahimik sa dalawang guardia na nagbabantay sa kaniyang selda. Nanlaki ang mga mata niya nang makita sina Lorenzo at Santino.

Mabilis na nabuksan ni Santino ang kandado. "Umalis na tayo rito" wika ni Lorenzo, pinasan niya si Angelita sa kaniyang likuran. "N-nasaan sila?" tanong ni Angelita, nanghihina na siya ngunit kaya niya pang tumakbo o lumaban.

"Tumatakas na ang lahat. Kailangan nating makaalis sa bansa" pabulong na saad ni Lorenzo. Madali silang nakalabas sa bilangguan. Halos napatumba nila ni Santino ang mga bantay nang walang ibang nakakaalam dahil tahimik nilang nagilitan ang leeg ng mga ito.

Isinakay na ni Lorenzo sa kabayo si Angelita. Sa kabilang kabayo naman sumakay si Santino. "Nasaan sila inay?" pinatakbo na nila ang kabayo patungo sa daungan. Kailangan nilang makahabol sa huling byahe ng barko patungong Europa.

"Sinabihan namin sila na magkita tayong lahat sa daungan. Nabayaran na namin ang nangangasiwa sa barko" tugon ni Santino.

"S-si Sebastian?" tanong ni Angelita, binabalutan na niya ng tela ang kaniyang mga sugat. Walang sumagot sa tanong niya. Batid ni Angelita na iniiwasan nina Lorenzo at Santino banggitin ang pagsuplong na ginawa ni Marcus sa samahan.

Nagulat sila nang marinig ang sampung guardia sakay ng mga kabayo. Hinahabol sila ng mga ito. Hindi malaman ng magkapatid na Cortes kung sino ang taksil na nagbunyag sa kanilang plano na magtungo sa daungan at sumakay ng barko palayo sa bansang ito.

"Nababatid ba ni Berning ang planong ito?" tanong ni Angelita, nagkatinginan sina Lorenzo at Santino saka tumango sa kaniya. Mabilis na nilang pinapatakbo ang kabayo. Sunod-sunod ang pagpapaputok ng baril ng hukbo.

"Kasabwat ni Berning si Roberto" wika ni Angelita na ikinagulat ng dalawa. Naunang nahulog sa kabayo si Santino dahil natamaan ng bala ang paa ng kabayo. Bumagsak ito sa lupa. Agad pinatigil ni Lorenzo ang kabayo at lumundag sila ni Angelita pababa upang tulungan si Santino.

Nasa kalsadang lupa sila na napapalibutan ng matataas na puno ng kagubatan. Hindi sila kakasya sa isang kabayo kung kaya't minabuti nilang tumakbo papasok sa masukal na gubat. Isang bala ang tumama sa balikat ni Lorenzo, nasalo siya ni Santino at mabilis na inakay.

Naabutan sila ng isang guardia, lumundag ang guardia pababa at hinugot ang espada nito upang tapusin si Lorenzo. Mabilis na sinipa ni Angelita ang guardia mula sa likod saka siniko ang gulugod (spinal cord) at dinukot ang rebolber sa bulsa ng guardia saka pinaputok sa ulo nito.

Agad inakay ni Santino ang kapatid. Sa kanilang pagpasok sa kagubatan ay napagtanto nila na naroon din ang ibang mga kasapi sa samahan. Makapal ang usok ng hamog na bumabalot sa kagubatan. Mabilis na tumatakas ang mga rebelde na ngayon ay hinahabol na ng mga guardia civil. Ang ilan ay sugatan at paika-ika na sa pagtakbo. Ang mga naaabutan ay binabaril at sinasaksak ng bayoneta.

"Maghiwa-hiwalay tayo ng daan. Sa kuweba sa kalooban ng bundok tayo magkita-kita" wika ni Lorenzo, habang iniinda ang tama ng bala sa kaniyang balikat. Akay-akay siya ni Santino. Nalinlang sila, si Berning ang may pakana ng lahat. Ito ang nagplano na tumakas silang lahat sakay ng barko ngunit tatambangan pala sila sa daan.

"Tahakin niyo nila Mang Pedro, Aling Pacing at Santino ang bakawan" patuloy ni Lorenzo sabay hawak sa dibdib. Hinawakan ni Angelita ang kaliwang kamay ni Lorenzo at ipinatong sa balikat niya upang alalayan na rin ito sa pagtakbo.

"Paano ka?" tanong ni Angelita kay Lorenzo. Maging si Santino ay naguguluhan sa gustong mangyari ng kapatid. Napapikit sa kirot si Lorenzo, umaalingangaw sa gubat ang sigawan at sunod-sunod na putok ng baril. Isa-isa nang natutumba ang mga tulisan na tumatakas ngayon.

"Huwag niyo na akong alalahanin. Iligtas niyo ang inyong sarili. Iligtas niyo ang samahan!" umiiling na tugon ni Lorenzo. "Ano? Huwag kang mag-isip ng ganiyan!" saad ni Santino.

"Hindi ka namin iiwan dito!" wika ni Angelita habang nakatingin sa mga mata ni Lorenzo. Mabagal at mahirap ang kanilang bawat hakbang. Nahihirapan din ang mga guardia sa pagtugis dahil sa dilim at marami na silang naabutang tulisan.

Tinatahak na nila ngayon ang mabatong ilog nang marinig nila ang malapit na sigaw ng mga guardia. Gulat na napalingon sina Angelita at Santino sa sampung guardia paparating. "Mauna na kayo!" wika niya sabay tingin kay Santino. Animo'y isang pakiusap o habilin iyon na siguraduhin niyang makaalis sila ng buhay.

Bumitaw si Angelita sa pag-alalay kay Lorenzo sabay hugot sa rebolber na nakuha niya sa guardia na napaslang kanina.

"Angelita!" tawag ni Lorenzo. Sandali silang nagkatinginan. Alam din ni Santino ang ibig mangyari ni Angelita. Minsan na nilang pag-usapan na kung sakaling matugis ang lahat ng miyembro ng samahan. Ibig ni Angelita na mabuhay silang magkapatid. Sila ang puso ng samahan. Sila ang natitirang lahi ni Don Imo Cortes.

"H-huwag mong kalimutan ang layunin ng ating samahan" iyon ang huling sinabi ni Angelita habang nakatitig sa mga mata ni Lorenzo. Ipinapaubaya na niya ang paghihiganti na nais niyang makamit ng samahan laban sa mga opisyal.

"Hindi!" pigil ni Lorenzo ngunit paparating na ang mga guardia na patingkayad kung maglakad sa ibabaw ng mga bato. Pikit-matang hinila ni Santino si Lorenzo, pilit na pumipiglas si Lorenzo ngunit mas malakas ang kaniyang kuya. Hinihila na siya nito papalayo sa ilog.

Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Angelita. Kailangan niyang pabagalin ang usad ng mga guardia. Kailangan niyang paslangin ang mga ito upang hindi maabutan ang dalawang magkapatid na Cortes. Ibinaling na niya ang tingin sa sampung guardiang paparating.

Nanginginig niyang itinutok ang rebolber sa mga kalaban. Asintado kung bumaril si Angelita. Sanay siya sa paghawak ng baril at pana. Ang rebolber ay may apat na bala na lamang. Apat na bala laban sa sampung kalaban.

Pinaputok na niya ang unang bala na tumama sa noo ng guardia. Bumagsak ito sa batuhan. Ang ikalawa ay sa dibdib ng matangkad na guardia tumama. Sumubsob ito sa mababaw na bahagi ng ilog. Humakbang paatras si Angelita hanggang sa marating niya ang malaking bato kung saan sa likod niyon ay ang malalim na bahagi ng ilog.

"Angelita!" napatigil siya nang marinig ang boses ni Marcus. Nang lumingon siya sa kaliwa kung saan nanggaling ang tinig nito ay nakita niya ang binatang tumatakbo papalapit sa kaniya. Pilit itong umaakyat sa malalaking bato.

Naalala niya ang ginawa nitong pagtestigo sa hukuman. Hindi matanggap ni Angelita na nilaglag ni Marcus ang mga kasapi ng samahan. Napatigil si Marcus nang biglang itutok sa kaniya ni Angelita ang rebolber na hawak nito. "I-isa kang masamang nilalang. Napahamak ang nakararami nang dahil sa kagustuhan mong iligtas ako!" sigaw niya, napatulala si Marcus, hapong-hapo na siya.

Nakatakas siya sa bilangguan sa tulong nina Lorenzo at Santino. Binuksan nito ang selda kung saan siya kinulong. Sinabi ni Lorenzo na huwag na siyang magpapakita sa kanila lalo na kay Angelita.

Hindi nakapagsalita si Marcus, nanatili lang siyang nakatitig sa mga mata ni Angelita habang bumabagsak ang mga luha nito. Batid ni Marcus na ito na ang huling sandali ni Angelita, mababaril ito at malulunod sa ilog. Sa ganitong paraan niya pinatay ang karakter ni Angelita.

"Lumundag ka na sa tubig ngayon na!" sigaw ni Marcus, nauubos na ang oras. Paparating na ang mga guardia. Kung makakalangoy sa tubig si Angelita nang walang tama ng baril ay siguradong makakaligtas ito. Ibig niyang iligtas sa kamatayan ang dalaga.

Buong buhay ni Angelita ay inalay niya sa samahan kasama ang magkapatid na Cortes. Sa huling sandali ay naalala niya ang kanilang kabataan. Ang masasayang sandali kasama ang tinuring niya pamilya sa panciteria. At ang lahat ng plano at misyon na ginawa ng kanilang samahan. Ang pagkasawi ng mga magulang niya ay mauuwi na lahat sa wala dahil nasira na ang samahan.

Kinasa na ni Angelita ang baril, nag-aapoy sa galit ang kaniyang puso. Bagama't naroon ang pag-ibig niya sa binata, hindi pa rin nito matalo ang nagliliyab niyang galit. Pinatay ni Marcus ang mga kaibigan, pamilya at ang buong samahan. Sinadlak niya ang lahat sa kapahamakan.

Ngunit hindi lingid sa kaalaman ni Angelita ang katotohanang walang sinabi sa hukuman si Marcus. Totoong nagtungo siya sa hukuman upang harapin si hukom Unotario ngunit noong sandaling nakatingin na sa kaniya ang lahat. Hindi nagawang ituro ni Marcus ang mga kasapi ng rebeldeng grupo. Walang salitang lumabas sa kaniyang bibig.

Sinadya niyang pahabain lang ang oras upang tumagal ang pagbibitaw ng utos ng hukuman na tugisin ang mga rebelde lalo na ang mag-asawang Aling Pacing at Mang Pedro. Si Berning ang nagturo sa lahat ng kasapi. Ang kailangan lang ng hukuman at ni Roberto ay ang magsasalita sa harap upang patunayan ang lahat bago sila umaksyon.

Nagulat si Angelita nang humakbang papalapit sa kaniya si Marcus dahilan upang makalabit niya ang gatilyo ng baril. Diretsong tumama ang bala sa gitna ng dibdib at balikat ni Marcus. Napaluhod sa batuhan si Marcus, agad siyang nilapitan ni Angelita, ngunit huli na dahil itinaas na ng isang guardia ang mahabang baril at itinutok kay Marcus.

Mabilis na iniharang ni Angelita ang sarili kay Marcus. Diretsong tumama ang bala sa kaniyang braso at binti. Nag-aapoy ang kaniyang buong katawan sa sakit at hindi na rin niya maramdaman ang kaniyang kamay. Napatitig siya sa hawak na rebolber. Iisa na lang ang bala nito.

Babarilin na dapat niya ang guardia ngunit natamaan siya sa balikat dahilan upang mawalan siya ng balanse at diretsong nahulog sa malalim na bahagi ng ilog. Dahan-dahang pumapailalim sa tubig ang katawan ni Angelita. Naalala niya ang pangitaing iyon kung saan niya unang nakita ang mahiwagang nilalang.

Samantala, mula sa tuktok ng bundok ay nakatayo roon ang lalaking nakasuot ng asul na abrigo (coat). Pinagmamasdan niya ang buong pangyayari. Pinapanood niya huling tagpo ng isang manunulat at ang karakter na binuo nito. Nilalaro niya ang isang maliit na bato, hinahagis at sinasalo niya iyon gamit ang isang kamay.

Sa bawat pabagsak ng bato sa kaniyang kamay ay nagbabago ang kaniyang anyo. Bilang prayle, tindero ng alahas, tindero ng libro sa Bulakan, manong na tagapangsiwa ng bahay-panuluyan at isang batang babae na nabilanggo kasama ang ama nito.

Hindi nagdalawang-isip si Marcus na lumundag sa tubig kahit pa hindi siya marunong lumangoy. Buong sikap niyang sinubukang sumisid upang abutin ang dulong kamay ng dalaga. Buong tapang niyang hinarap ang takot sa paglangoy masagip lang si Angelita.

Ngunit unti-unting nanghina si Marcus, lumalabo na ang kaniyang paningin. Ramdam niya ang pagsikip ng kaniyang dibdib, ang pagbigat ng kaniyang ulo at ang malamig na tubig na bumabalot sa kaniyang buong katawan.

Bago niya ipikit ang kaniyang mga mata ay natanaw niya si Angelita. Nababalot na rin ng dugo ang tubig na mula sa kanilang dalawa. Doon lamang napagtanto ni Marcus na malapit sa dibdib ang tama ng balang tinamo niya. Ang dugo ay namumuo na rin sa kaniyang puso hanggang sa unti-unting humina at tumigil ang tibok nito.

Sa orihinal na nobela, ang balang tumama sa dibdib ni Angelita ang siyang papatay sa kaniya. Ngunit wala siyang tinamong tama sa dibdib. Ang pangyayaring iyon ay napunta kay Marcus nang aksidente niyang mabaril ito. Iisa lang ang dapat mamatay sa eksenang iyon. Iisa lang din ang makakaligtas at makakalabas sa loob ng kwento.


*********************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top