Kabanata 32
[Chapter 32]
ISANG putok ng baril ang umalingangaw sa paligid dahilan para magulat kami ni Roberto. Dumaplis ang bala sa tagiliran ni Roberto dahilan upang mabitawan nito ang hawak na espada at muntikang mawalan ng balanse.
Gulat kaming napalingon sa pinanggalingan ng putok ng baril. Nanlaki ang aking mga mata nang makita si Sebastian na nakasakay sa kabayo kasama ang lima pang guardia na nakasakay din sa kani-kanilang mga kabayo.
Nakatutok ang mahabang baril na hawak ni Sebastian kay Roberto. " (HALT!) agad napaatras si Roberto at mabilis nitong tinakpan ang kaniyang mukha saka tumakbo papunta sa masukal na gubat. Agad siyang hinabol ng mga guardia civil sa utos ni Sebastian.
Dali-daling bumaba si Sebastian sa kabayo at tumakbo papalapit sa'kin. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko ngunit tila hindi ko iyon maramdaman. Namamanhid at nanginginig ang aking buong katawan.
Agad tinabas ni Sebastian ang manggas ng kaniyang uniporme upang ipangtapal sa leeg kong may sugat at dumudugo na ngayon. Tila lumalabo ang aking paningin at umiikot ang paligid, ang huli kong natatandaan ay nagawa akong buhatin ni Sebastian pasakay sa kabayo at papalayo sa lugar na iyon.
NAALIMPUNGATAN ako sa maligamgam na tubig mula sa basang tela sa aking kamay. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Nakita ko si Sebastian sa aking tabi habang maingat na pinupunasan ng basang tela ang kamay ko na may bahid ng tuyong dugo.
Natuyo na rin ang ilang patak ng dugo sa damit ko. Nasa loob kami ng nag-iisang silid dito sa aklatan. May isang nakasinding lampara sa tabi ng kama kung saan ako nakahiga. Madilim at malamig ang paligid, hatinggabi na siguro o madaling araw.
Sandali ko siyang pinagmasdan, hindi niya pa alam na gising na ako. Nababalot ng matinding lungkot at pag-aalala ang mukha niya. Kaya pala nararamdaman ko na problemado siya nitong mga huling araw ay dahil nililitis siya sa hukuman at pinagkakaisahan ng lahat.
Dahan-dahan kong iniangat ang kanang kamay ko upang hawiin ang buhok na tumatama sa kaniyang kilay. May bahid din ng dugo ang uniporme niya, hindi pa siya nakapagpalit ng damit at siguradong hindi pa siya nakakain.
Napatigil siya nang mapansin niya ang kamay kong unti-unting papalapit sa kilay niya. Napatingin siya sa'kin. Animo'y tuluyang naglaho ang labis niyang pag-aalala. Bago pa maabot ng kamay ko ang buhok niya ay hinawakan na niya ito.
"M-may masakit ba sa iyo?" tanong niya, malalim ang kaniyang mga mata. Tulad ng gabing walang buwan sa kalangitan.
Umiling ako nang dahan-dahan, sa pagkakataong iyon ay hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha ko na dumaloy sa aking tenga. Napayuko si Sebastian, isinangga niya ang aking kamay at hinalikan iyon saka nagkubli roon upang hindi ko makita ang pagbagsak ng kaniyang luha.
Si Sebastian 'yung tipo na hindi umiiyak sa harap ng iba. Minsan ko lang siyang nakitang ganito, lango siya sa alak. Ngunit ngayon hindi, magkahalong puyat, pagod, problema, pag-aalala at takot ang nararamdaman niya para sa aming dalawa. Humihikbi siya, ramdam ko ang mainit niyang mga luha sa aking kamay.
Hindi ko maigalaw ang aking leeg, gusto kong bumangon at yakapin siya pero mas lalo kong nararamdaman ang hapdi ng mahabang guhit na aking tinamo. Kung hindi dumating si Sebastian, tuluyan nang bumaon ang matalim na espada sa aking lalamunan.
Ilang minuto kaming nabalot ng katahimikan at pagtangis na pareho naming ayaw ipakita sa isa't isa. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata habang patuloy ang pagdaloy ng aking tahimik na luha. Ano nga ba ang mas masakit? Ang pisikal na sugat na siyang tatapos sa buhay ko o si Sebastian na maiiwan mag-isa sa loob ng kwentong ito?
Naramdaman ko ang pag-angat ng kaniyang ulo. Agad niyang pinahid ang kaniyang mga luha saka kinuha ang baso ng tubig sa ibabaw ng maliit na mesa at inabot iyon sa akin. Namamaga na ang kaniyang mga mata, namumutla ang kaniyang mukha bukod sa ilong at pisngi niyang namumula ngayon dahil sa pag-iyak.
Maingat niya akong inalalayang makaupo para makainom ng tubig. Nalapatan na ng gamot ang sugat ko sa leeg at nababalutan na rin ito ng puting tela. "S-sino ang lalaking iyon?" tanong niya, sa tuwing naririnig ko ang boses niya ay napapanatag ang puso ko dahil alam kong nandito siya sa aking tabi.
Ibinalik na niya ang baso sa mesa saka pinunasan ang bibig ko. "Ang lalaking iyon din ba ang sumalakay sa atin noon?" patuloy ni Sebastian, napapikit ako saka tumango nang marahan. Napapikit siya, ramdam ko ang galit na gusto niyang ilabas ngayon.
"Nakilala mo siya?" dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata saka tumingin sa kaniya. Si Sebastian lang ang tanging mapagkakatiwalaan ko dito.
"S-si Roberto" tugon ko dahilan upang matigilan siya. Nakita ko ang pagkuyom ng kaniyang kamao. Hinawakan ko ang kamay niya, ayokong maging masama siya at patayin si Roberto pero naroon pa rin ang takot ko na sigurading hindi titigil si Roberto hangga't hindi ako nawawala sa librong ito.
KINABUKASAN, sarado ang aklatan. Hindi pumasok sa trabaho si Sebastian. Hindi ko alam kung nasaan si Niyong. Abala si Sebastian sa pagbabasa ng mga papeles na nakuha niyang ebidensiya sa rebeldeng grupo.
Maingat akong naglakad papalapit sa kaniya, napatigil ako nang matanaw ko ang dalawang papeles na nakuha ni Lorenzo noon sa tahanan nina Don Florencio kung saan pinagtanggol ako ni Sebastian nang ihahampas sa'kin ni Don Severino ang basag na baso.
Naroon din ang limang papeles na nakuha nina Lorenzo at Berning sa bahay nila Sebastian nang tulungan ko sila sa paghahanap at pinagtakpan nang dumating si Sebastian sa loob ng opisina ng kaniyang ama.
Napatitig ako kay Sebastian. Hindi nakikita ng lahat kung ano ang pinagdadaanan ng mga karakter na tulad niya. Sila ang laging masama at humahadlang sa mga pangunahing karakter. Pero sa aking mata, nakikita ko siya bilang tapat at may paninidigan sa tungkulin niya bilang heneral at opisyal ng pamahalaan.
Madaling pumanig ang sinuman sa kung sinong naaapi. Pero hindi lahat ng naaapi ay may tamang pinaglalaban. Paano naman ang mga tulad ni Sebastian na ginagawa lang ang tungkulin nila? May nakakakita ba sa mga handa nilang isakripisyo?
Napatigil si Sebastian sa kaniyang ginagawa at napalingon sa'kin. Agad siyang napatayo at hinawakan ako sa magkabilang braso. "Mas makakabuti kung magpahinga ka—" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil umiling ako nang marahan at sinubukan kong ngumiti sa kaniya para kahit papaano ay mabawasan ang bigat na kaniyang nararamdaman.
"Ayos lang ako. Sumasakit na rin ang likod ko kakahiga. Hayaan mo akong panoorin ka magtrabaho" ngiti ko, napatango na lang si Sebastian at inalalayan ako umupo sa bakanteng silya na nasa tabi niya.
Nagpatuloy siya sa kaniyang ginagawa at pinagmasdan ko siya. Gumawa man siya ng mabuti, minamasama ng iba. Lahat ng gagawin niya ay masama sa paningin ng lahat. Ganito kasaklap ang kapalaran ng mga karakter na tulad niya.
"A-anong mangyayari sa tatay ni Niyong?" tanong ko, narinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga. "Hindi ako nakatitiyak. Ngunit..." hindi niya natapos ang sasabihin niya at napapikit na lang siya. Alam kong nasasaktan ang damdamin niya ngayon dahil kay Niyong.
Tahimik ko siyang pinagmasdan. Sa oras na pakawalan ni Sebastian ang tatay ni Niyong, mas lalong bibigat ang kaniyang kaso na nilalakad nina Don Florencio at Don Severino. Mas titibay ang ebidensiya na tinutulungan niya ang mga rebelde. Mahahatulan ng kamatayan si Sebastian.
Samantala, kung hindi naman niya tutulungan ang tatay ni Niyong. Siya na mismo ang sumira at kumitil sa buhay ng isa sa mga taong pinagkakatawilaan niya. Ako at si Niyong lang ang naniniwala sa kaniya. Si Niyong lang ang matitira sa kaniya sa oras na mawala na ako dito.
Sumandal ako sa balikat niya, nagpatuloy siya sa ginagawa niya. Alam kong kailangan niyang matapos iyon para makalikom ng mga sapat na ebidensiya na hindi mauugnay sa kaniya.
"A-ano ang nangyari sa paglilitis?" tanong ko, napatigil siya sandali pero nagpatuloy ulit sa pagbabasa ng mga papeles. Napayuko na lang ako, hindi siguro ito ang tamang oras para pag-usapan namin iyon.
"Ibig akong isangkot nina Don Florencio at Don Severino na kasapi ng mga tulisan. Ginagamit nilang ebidensiya laban sa akin ang pagpapawalang-sala ko sa mga rebeldeng nahuli namin" paliwanag ni Sebastian habang nakatitig sa baul. Tama nga ang hinala ko. Nabago man ang daloy ng kwento pero sa huli ay si Sebastian pa rin ang magiging kalaban ng lahat.
Hindi ko siya magawang tingnan, sa tuwing nahihikayat ko siyang gumawa ng mabuti palaging masama ang balik niyon sa kaniya. Nang tulungan niya si Amalia at ang kasintahan nitong guardia civil, napahamak siya. At ngayon, pinakawalan niya ang mga rebelde, nasisi ulit sa kaniya ang lahat.
"P-patawad" kasunod niyon ay ang pagbagsak ng mga luha ko. Palaging napapalitan ng dilim ang liwanag na gusto kong makita niya.
Naninikip na ang aking dibdib. Tulad noong umiyak ako at humingi ng tawad kay Maria Florencita. Ang laki ng kasalanan ko sa kanila, hindi lang sa kanilang dalawa kundi sa lahat ng karakter na nandito.
Hinawakan ni Sebastian ang kamay ko, "Bakit ka humihingi ng tawad? Wala kang kasalanan" wika ni Sebastian saka hinawakan ang mukha ko. "Ibig ko rin namang palayain sila. Aking napagtanto na ang kasalanan ng isa ay hindi dapat maging kasalanan ng lahat" patuloy niya, iniangat niya ang aking mukha saka pinunasan ang luha ko gamit ang kaniyang kamay.
"Sina Berning at Roberto ang nagtangkang pumaslang sa iyo. Sila lang dapat ang magbayad ng lahat" patuloy niya, hindi ako nakapagsalita lalo na nang yakapin niya ako at dahan-dahang tinapik ang aking likod.
"Sila lang ang aking sisingilin" dagdag niya, para siyang ama na nagpapakalma ng anak na inaway ng mga kalaro sa labas ng bahay.
"N-ngunit paano ka? Pinagtutulungan ka na ng lahat. Malaki ang impluwensiya ni Don Florencio. Dismayado pa rin siya sa nangyaring kahihiyan sa kanilang pamilya dahil hindi natuloy ang kasal niyo ni Maria Florencita"
"Hayaan mo sila. Wala na rin namang magbabago. Hindi na dapat nating isipin ang mga bagay na nangyari na"
Bumitaw na siya sa pagyakap sa'kin saka hinarap ako sa kaniya. "Tatapusin ko na ang lahat ng ito. Kung ibig nila akong magbitiw sa pwesto, maluwag kong tatanggapin iyon. Napapagod na akong harapin ang bayang ito na walang katapusang kaguluhan at kawalan ng pagbabago"
"Magulo ang taumbayan. Hindi ko mawari kung bakit lahat ay nakikitaan nila ng pagkukulang gayong sa kanilang sarili ay hindi nila nagagawang umpisahan ang pagbabago. Hindi uunlad ang bayan na ang palaging nakikita ng bawat mamamayan ay puro kapintasan at kung ano ang mapupuna. Sa sampung tama na iyong ginawa, nagkamali ka lang ng isa ay ibig na nilang pabagsakin ka na tila ba nakalimutan nila ang siyam na mabuting nagawa mo para sa kanila"
"Magulo rin ang pamahalaan. Nariyan ang pasiklaban at kani-kaniyang paraan upang mapanatiling sayo ang posisyon. Ang paggawa ng tama na taliwas sa gawain ng ibang opisyal ay nangangahulugang ikaw ay kalaban o nanghahamak sa nakasanayang paraan. Ang paggawa ng mga maling gawain na naaayon sa kanilang paraan ay makahahadlang naman sa pag-unlad ng bayan at ng mga mamamayan"
Napatigil ako sa pagluha at nanatiling nakatitig sa kaniya. Ang kaguluhang nangyayari ngayon sa loob ng kwentong ito ay hindi nalalayo sa magulong mamamayan at pamahalaan sa totoong mundo.
"Ngunit paano kung hindi ka nila hayaang magbitiw lang sa pwesto? Paano kung may iba pa silang gustong mangyari sayo?" napayuko si Sebastian nang sabihin ko iyon. Mukhang alam na niya na may ideya ako na hindi siya basta-basta makakaalis sa pwesto. Na may hatol na gustong ipataw sa kaniya ang mga taong kalaban niya.
Hindi nakapagsalita si Sebastian. Marahil ay iniisip niyang alam ko na kamatayan ang posibleng ipataw sa kaniya. Niyakap na lang niya ulit ako saka tinapik muli nang marahan ang aking likod. "Ipanatag mo ang iyong puso't isipan. Hindi iyon mangyayari" saad niya, bagama't alam kong mangyayari iyon, pilit ko pa ring pinapaniwala ang aking sarili sa mga sinasabi niya.
SINUNDO ng isang kalesa si Sebastian na magdadala sa kaniya sa hukuman. Gusto ko sanang sumama ngunit ayaw niya. Bukod doon, naroon sina Don Florencio at Don Antonio at ang iba pang mga opisyal na nakakita sa'kin nang pigilan ko ang kasal. Mas lalong sasama ang loob ng mga opisyal at sasabihing malakas ang loob naming dalawa magpakita sa harap ng madla sa kabila ng kataksilang aming ginawa.
Hindi ako mapakali sa loob ng aklatan. Sarado ito pero halos lahat ng dumadaan ay napapatingin at bumubulong sa kasama. Agad akong nagsuot ng asul na balabal, dumaan sa likod ng tindahan at mabilis na naglakad patungo sa tahanan ng pamilya Garza.
Habang naglalakad ako, hindi ko maiwasang marinig ang kumakalat na usap-usapan sa pamilihan. "Kaawa-awang Maria Florencita, isang malaking kahihiyan na iwan ng katipan sa mismong kasal" wika ng isang ale na nagpupunas ng mga binebenta nitong porselanang mangkok.
"Gayon na nga lang marahil ang galit ni Don Florencio. Laman ng katatawan at panghahamak ngayon si Maria Florencita. Iniwan ba naman ni heneral Guerrero at sumama sa ibang babae" saad ng isang ale habang nagwawalis sa harap ng kaniyang pwesto.
"Sino ang babaeng iyon? Kerida ng heneral? May katipan na siya at nakatakdang ikasal ngunit nagawa pang mamangka sa dalawang ilog"
"Aking naalala na ang babaeng iyon ay ang babaeng bayaran na minsang pinahanap ni Don Severino. Nagnakaw ito ng malaking halaga sa Don" nagulat ang lahat sa narinig at mas lalo silang naging interesado sa kinukwento ng ale.
"Anong nangyari? Bakit hindi man lang naparusahan ang babaeng bayaran na iyon?"
"Marahil ay binayaran ni heneral Guerrero si Don Severino upang iurong ang kaso. Tuluyan na ring nalason ng babaeng iyon ang isipan ng heneral"
"Nakita niyo na ba ang babaeng iyon? Ano ang kaniyang pangalan?"
"Nagsisilbi ang babae sa Panciteria ala Pacita. Tanya raw ang pangalan. Kaibigang matalik ng anak ni Aling Pacing. Nakapasok sa beateryo ngunit lumabas at nagtungo rito" napailing ang lahat, animo'y pare-pareho na sila ng iniisip.
"Hindi niya marahil natagalan ang pagdarasal at nararapat na kabutihang asal sa loob ng beateryo. Isa siyang masamang babae na ibig umakit ng mga kalalakihan at umunlad ang buhay. Kawawang Maria Florencita. Ang maganda, masunurin at mabuting anak ni Don Florencio ay inahas ng isang masamang babae"
"Kawawang heneral Guerrero, nagpalinlang sa mga masamang babae na ibig lang magkaroon ng marangyang buhay. Ulila na raw ang babaeng iyon. Matapos niyang pagnakawan si Don Severino, si heneral Guerrero naman ang isusunod"
Tumango ang lahat. Kahit saan ako lumingon, kaliwa o kanan ay naririnig ko ang usapan ng buong bayan. Madaling kumalat ang balita, ang mga taong walang nalalaman sa buo at totoong kwento ang siyang malakas ang loob na ipalandakan iyon na parang alam na alam nila ang lahat.
Binilisan ko na lang ang aking paglakad. Wala na rin akong mapapala kung papatulan ko silang lahat at ipaglalaban ang aking sarili. Ang mga taong sarado ang isip ay maniniwala lang sa mga bagay na gusto nilang paniwalaan.
Sa oras na subukan mong ipagtanggol ang iyong sarili, iisipin lang nila na gusto mo lang isalba ang sarili mo sa kahihiyan. Anumang bagay na taliwas sa paniniwala nila ay pawang walang katotohanan sa kanilang isipan.
Nakasimangot ang mukha ni Ornina nang buksan niya ang pinto. "Maaari ko bang makausap si---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya. "Walang ibig na makausap ang aming señorita" saad nito.
"Kahit sandali lang. May kailangan lang akong sabihin sa kaniya" pakiusap ko pero hindi kumibo si Ornina. Nakita ko si Maria Florencita na abala sa pagtatahi sa azotea. "Pakiusap, aalis din ako agad" patuloy ko.
Napatingin sa'kin si Maria Florencita ngunit agad niyang binalik ang atensyon sa tinatahing damit. Inilapag niya sa mesa ang tela, sinulid at karayom na hawak saka tumindig at marahan na naglakad paakyat ng hagdan.
"Hindi ko ibig magpaunlak ng sinumang panauhin" bilin niya kay Ornina na halatang gusto niya ring iparinig sa'kin. Magsasalita pa sana ako ngunit sinarado na ni Ornina ang pinto. Napatulala na lang ako sa pinto at sa katotohanang hindi na muling maibabalik ang pagkakaibigan namin ni Maria Florencita.
NAGTUNGO ako sa hukuman. Nanatili lang ako sa loob ng opisina ni hukom Unotario habang hinihintay matapos ang paglilitis. Hindi ko man itanong ngunit batid kong patuloy pa rin ang paglilitis kay Sebastian. Magaling ang abogado niya kaya humahaba ang paglilitis at ngayon ay ikatlong araw na.
Alas-tres na ng hapon nang dumating si hukom Unotario. Agad akong tumayo nang pumasok siya sa kanyang opisina. Napatikhim siya nang makita ako saka umupo sa kaniyang silya. "Nanganganib si Sebastian" panimula niya nang walang pag-aalinlangan. Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko dahil sa sinabi niya.
Inanyayahan na niya akong maupo. "Matalik kong kaibigan sina Don Florencio at Don Antonio. Halos araw-araw din naririto si Don Antonio upang makausap ako. Ano ang ibig mong sabihin na hindi niya pa nasasabi?" tanong niya, ang kaniyang mga mata ay puno ng kabalisaan. Nahihirapan siyang mag-desisyon para kay Sebastian.
"K-kung maaari, huwag niyo po sanang hatulan ng kamatayan si Sebastian" tugon ko, agad kong pinahid ang luha na dumaloy sa aking pisngi. Hindi ako mapakali sa aking upuan.
Napatitig ng ilang segundo si hukom Unotario sa'kin, animo'y hindi siya makapaniwala sa sinabi ko. Napahinga siya nang malalim saka sumandal sa silya at sinindihan ang tobacco. "Pinapakiusap ni Don Antonio na mapawalang-sala ang kaniyang anak ngunit ikaw... Bakit tila ibig mong maparusahan pa rin si Sebastian?"
Napayuko ako sa sinabi niya, alam kong hindi ko na mababago ang Salamisim. Gaya nga ng sinabi ni padre Emmanuel, mangyayari ang mga dapat mangyari. Mapaparusahan pa rin talaga sa huli si Sebastian.
"N-nawa'y ipatapon niyo na lang siya sa malayong lugar. Malayo sa magulong bayan na ito. P-pangako, hindi kami manggugulo. Mananahimik kami na parang mga patay na matagal nang nalimot ng karamihan" saad ko, hindi ko napigilan ang panginginig ng aking boses at ang pagbagsak ng aking mga luha.
Napabuntong-hininga si hukom Unotario saka napatingala sa kisame, "Marahil ay inaakala mo na wala nang makapagliligtas kay Sebastian? Ngunit mayroon pa" saad niya dahilan upang mapatingin ako sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay tila nabuhayan ako ng pag-asa dahil sa sinabi niya.
"Kailangan lang patunayan ni Sebastian na tapat pa rin siya sa kaniyang tungkulin. Tugisin niya muli ang mga tulisan at parusahan. Siya rin mismo ang dapat manguna sa hatol na ipinataw namin sa tatlong rebeldeng nadakip" napatulala ako sa sinabi niya. Ang tinutukoy niya ay sina Berning, Tadeo at ang tatay ni Niyong.
"Pulbusin ang lahat ng kasapi ng rebeldeng pangkat at pagtibayan niya muli ang paghihigpit ng hukbo. Parusahan ang mga dapat parusahan. Paslangin ang mga tulisan" patuloy ng punonghukom saka napatingin ng diretso sa aking mga mata.
"Magagawa mo bang tulungan ang heneral? Isusuplong mo ba ang mga kasapi ng samahang itinatag ng angkan ni Don Imo Cortes?" Hindi ako nakapagsalita, batid niyang espiya ako ng rebelde at ng pamahalaan. Muling nanikip ang aking puso sa katotohanang mangyayari pa rin talaga sa huli ang kasamaan at pagdanak ng dugo na nakatatak sa karakter ni Sebastian.
TULALA akong lumabas sa opisina ni hukom Unotario. Napatigil ako nang makita si Roberto. Nakasuot ito ng uniporme at papasok sana sa loob ng opisina ng punonghukom. Sumilay ang ngisi sa kaniyang labi nang makita ako.
Napatingin ako sa tagiliran niya, dinaplisan siya ng bala roon kaya paika-ika ang lakad niya ngayon. Kaming dalawa lang ang tao sa mahabang pasilyo. Nagsimula siyang maglakad papalapit sa'kin, humakbang ako paatras ngunit tumawa siya.
"Hindi ako hangal na papaslang sa loob mismo ng hukuman" ngisi niya saka tumigil sa tapat ko. "Kung sakaling mabigo ako tulad kagabi, ako pa ang mabibilanggo" tawa niya, hindi ako makapagsalita. Halo-halo na ang aking nararamdaman. Galit, inis, awa, lungkot at kung anu-anong damdamin na nagpapagulo lalo sa aking isipan.
"Ibig mo bang isumbong na pinagtangkaan ko ang buhay mo?" hindi ako nakagalaw sa aking kinatatayuan. Ang katotohanang maaari niya akong paslangin na siyang makakatapos sa'kin ay nagdudulot na ng matinding kilabot sa akin.
"Hindi kita pipigilan. Wala rin namang maniniwala sayo. Walang maniniwala sa inyo ni Sebastian" ngisi niya muli. "Anong laban ng isang dukhang tulad mo sa opisyal na tulad ko? Magsasayang ka lang ng oras at pagod"
Tuluyan nang namanhid ang aking buong katawan nang humakbang siya papalapit saka bumulong sa aking kaliwang tenga, "Ganito kagulo at kawalan ng hustisya ang mundong ginawa mo. Anong pakiramdam na mabuhay sa ganitong mundo? Hindi ba't ito ang ideya mo? Ito ang trahedyang ibig mong mangyari sa kwento?"
Dahan-dahan na siyang tumindig ng tuwid saka ngumisi sa'kin bago nagpatuloy sa paglalakad at pumasok sa opisina ni hukom Unotario.
HINDI ko mapigilan ang panginginig ng aking kamay nang subukan kong hawakan ang tasa ng kapeng binigay ni padre Emmanuel. Kasalukuyan kaming nasa silid-aklatan ng simbahan. May sinusulat siya sa isang papel na mukhang sinasalin niya ang ibang linya mula sa isa pang libro.
"Batid mo na kung sino ang nagtangkang pumatay sayo?" tanong ni padre Emmanuel nang hindi nakatingin sa'kin, abala siya sa kaniyang ginagawa.
"S-si Roberto po" tugon ko, mukhang hindi naman siya nagulat. Nagpatuloy lang siya sa pagsusulat.
"Padre, imposible pong mapalitan ni Roberto ang buhay ko sa totoong mundo." patuloy ko, hindi ko lubos maisip na mangyayari iyon. Paano na lang sina mama, papa at Faye? Ang mga kaibigan ko? Ang trabaho ko? Ang mga nobela na sinusulat ko pa?
Sinawsaw ni padre Emmanuel ang pluma sa tinta, "May kakayahan ang Salamisim na baguhin ang lahat tulad ng kung paano mo binabago ang isang kwento" paliwanag niya, napatitig ako sa kaniya. Ibig sabihin ay parang kung paano ko ni-rerevise o in-eedit ang kwento? Gano'n din ang mangyayari sa totoong buhay ko kapag napalitan ako ni Roberto?
"Kung magtatagumpay si Roberto, mabubuhay siya sa katauhan mo ngunit hindi ikaw mismo. Siya pa rin si Roberto. Parehong tindig, hitsura, kasarian. Ang pamilya mo ay kaniyang magiging pamilya. Ang trabaho mo ay kaniyang magiging trabaho. Walang magugulo sa takbo ng mundo maliban sa ikaw lang ang maglalaho"
Napatulala ako sa sinabi niya. Ibinaba niya ng pluma saka tumingin sakin, "Ngunit may isa pang paraan. Sunugin mo ang mahiwagang aklat ng Salamisim" hindi ko alam kung bakit nakaramdam agad ako kahit iyon pa lang ang sinabi niya.
"A-ano pong mangyayari kapag ginawa ko iyon?"
"Magwawakas na ang lahat ng ito at makakabalik ka sa mundo mo nang payapa at walang naaalala" mas lalong bumigat ang aking damdamin. Hindi ko ibig makalimutan ang lahat.
"A-ano pong mangyayari sa Salamisim at sa lahat ng tauhan sa nobelang ito?"
Huminga nang malalim si padre Emmanuel saka inabot sa'kin ang papel na sinusulatan niya kanina. Ramdam ko ang lamig na bumalot sa aking buong katawan nang mabasa ko ang nakasulat doon.
Maglalaho
HINAYAAN ko na lang bumagsak ang mga luha ko habang tulalang naglalakad patungo sa Panciteria. Magtatakip-silim na at tulad ng dati ay abala na ang lahat sa pagsasara ng kani-kanilang mga tindahan sa pamilihan.
Hindi mawala sa aking isipan ang napag-usapan namin ni padre Emmanuel kanina. Sa oras na sunugin ko ang Salamisim, maglalaho ang lahat ng karakters maging ang nobelang ito. Makakablik ako sa aking mundo na walang naaalala na minsan akong nagsulat ng kwento na pinamagatang Salamisim.
Mababaon sa limot ang lahat at maging ang Salamisim ay mabubura sa alaala ng lahat ng tao.
Napatigil ako sa paglalakad nang makita ko si Lorenzo sa tapat ng Panciteria. Maging siya ay napatigil nang makita ako. Tumingin siya sa paligid at nang masigurong walang sumusunod sa amin ay agad niya akong nilapitan at hinila papunta sa likod ng katabing tindahan ng Panciteria.
Napansin kong pumayat siya, namumutla ang kaniyang mukha. "Tanya..." panimula niya saka napayuko. Nakasandal ako sa dingding ng tindahan na gawa sa kawayan. "T-totoo ba na nagsama na kayo ni Sebastian?" hindi ako nakapagsalita at napayuko na lang.
"Hindi ako naniniwala sa kumakalat na usapan na sinira mo raw ang kasal nina Sebastian at Maria Florencita. At ngayon ay nagsama na kayong dalawa ni Sebastian" patuloy niya, ramdam ko na hinihintay niyang sabihin ko na hindi iyon totoo ngunit nanatili lang akong tahimik at nakayuko na nangangahulugang totoo ang lahat ng iyon.
"Nagkakagulo ang ating samahan. Nadakip na sina Berning, Tadeo at ang iba pa. Ang heneral na iyon ang siyang tatapos sa ating lahat! Bakit pinili mong sumama sa kaniya?" nagulat ako sa pagtataas niya ng boses.
"M-matagal ka nang may pagtingin sa heneral na iyon? Kaya ba hindi ka makatanggi sa pagiging espiya ng pamahalaan ay dahil sa lalaking iyon?!" napapipikit na lang ako dahilan upang dumaloy muli ang aking mga luha. Nabigo ko si Lorenzo, nabigo ko ang samahan, nabigo ko ang kwentong ito.
"Tinulungan kitang maligtas ang heneral na iyon kahit pa malagay sa kapahamakan ang samahan! Tinalikuran ko sina Berning at Tadeo para sayo! Nalaman ng pamahalaan ang samahan natin na nagsimula sa pagsuplong sa aming angkan, kay Don Imo, nang tulungan mo sa hukuman si Sebastian!"
"At ngayon sasama ka sa kaniya? Nalalagay na sa kapahamakan ang lahat ng kasapi ng ating samahan"
Napailing ako, "N-nagkakamali ka. Hindi ibig tugisin ni Sebastian ang buong samahan. Pinalaya nga niya ang mga nahuli noong nakaraan, hindi ba?" saad ko, natahimik si Lorenzo.
"Nang dahil sa pagpapawalang-sala niya sa mga rebelde, siya ngayon ang inuusig ng hukuman. Nasa panganib din ang buhay niya dahil sa pagtulong sa ating samahan!" patuloy ko, napakuyom na lang ng kamao si Lorenzo. Halos mabaliw na siya. Ang lahat ng pinaghirapan nila at ang binuo nilang layunin ay unti-unti nang nasisira ngayon.
Hinawakan ko ang braso niya, "Matutulungan tayo ni Maria Florencita. Kapag napakiusapan niya si Don Florencio na iurong ang kaso laban kay Sebastian, maaari niyang mapalaya sina Berning, Tadeo at ang iba pa"
Napatitig sa'kin si Lorenzo, namumuo na ang luha sa kaniyang mga mata. "Hanggang ngayon si Sebastian pa rin ang nasa isipan mo. Paano ako makasisiguro na hindi niya uusigin ang aming samahan kapag napawalang-sala siya sa hukuman? Minsan na niyang nilusob ang kabilang barrio at ibinalanggo ang lahat. Siya rin ang may kasalanan kung bakit siya inuusig ngayon ng hukuman. Kung hindi niya nilusob ang kabilang barrio, hindi siya madidiin ngayon dahil pinawalan niya rin ang mga ito"
Kumawala si Lorenzo sa pagkakahawak ko sa braso niya, "Hindi ko ibig magkamali muli. Malinaw na sa akin na sasama ka pa rin kay Sebastian" ang kaniyang mga mata ay puno ng lungkot at panghihinayang.
Tumalikod na siya ngunit nakaka-tatlong hakbang pa lang siya ay napalingon muli siya sa'kin. "Ngunit kung magbabago ang isip mo. Bukas pa rin ang aking puso na tanggapin ka muli. Mag-iwan ka lang ng mensahe rito sa Panciteria. Susunduin kita" saad niya saka nagpatuloy na sa paglalakad at naglaho sa gitna ng maraming tao sa pamilihan.
Napahawak na lang ako sa dingding na gawa sa kahoy nang manghina ang aking tuhod. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Tuluyan nang nasira ang Salamisim at pilit kong nilalabanan ang katotohanan na tanging pagsunog sa librong ito ang paraan upang matapos na ang lahat.
NAPATIGIL ako nang makita ang mga taong nagkukumpulan. Pauwi na ako sa aklatan, hindi na ako tumuloy sa Panciteria dahil gusto ko na munang ipahinga ang aking isipan. "Sa Biyernes na ang hatol na kamatayan sa bagumbayan!" gulat na saad ng isang manong na tanging nakakabasa ng nakasulat sa papel na anunsyo mula sa pamahalaan.
Nakadikit ito sa isang dingding kung saan din nilalagay ang iba pang mga anunsyo. "Sino ang nahatulan?" hindi magkamayaw ang mga tao sa kakatanong kung sino. Tila tumigil ang tibok ng aking puso at hindi na ako makahinga nang maayos. Hindi ko mabasa ang nakasulat sa paskin dahil sa dami ng ulo na humaharang doon.
"Ang tatlong tulisan na nadakip!" tugon ng manong. Hindi ko masasabing nakahinga ako ng maluwag dahil ang kamatayan ng tatay ni Niyong ay magdudulot din ng matinding kasawian kay Sebastian. Maging ang kamatayan nina Berning at Tadeo ay magpapasiklab ngayon sa himagsikan.
Agad akong tumakbo papunta sa bilangguan. Naabutan ko si Sebastian papalabas sa Fort Santiago. Sasakay na sana siya sa kabayo ngunit napatigil siya nang makita ako. Mabilis siyang naglakad papalapit sa'kin.
"Mapanganib dito. Narito si Roberto" wika niya, agad akong humawak sa braso niya. "I-ibig kong makausap at makita si Niyong" pakiusap ko sa kaniya, natigilan siya at nanatiling nakatitig sa aking mga mata.
"Alam kong nakakulong siya ngayon dito" saad ko at nagpumilit pumasok pero hinarangan ako ni Sebastian. Kinulong si Niyong dahil sinubukan nitong saktan ang mga guardia civil na humaharang sa kaniya. Mahigpit na binilin ng gobernador-heneral na walang pwedeng kumausap o bumisita sa tatlong tulisan na nadakip. Hindi naman magawan ng paraan ni Sebastian dahil nililitis siya sa hukuman at maging siya ay pinagbawalan makalapit sa mga tulisan na sinasabing kaanib niya.
"S-siguradong nasasaktan ngayon si Niyong. Wala na siyang ibang pamilya bukod sa tatay niya. Ayokong masira ang tiwala niya sayo. A-alam kong gusto mo siyang protektahan at ang tatay niya. Kailangan malaman 'yon ni Niyong. Ayokong magalit siya sayo at isiping masamang tao ka tulad ng sinasabi ng iba" hindi na maawat ang mga luha ko.
Niyakap ako ni Sebastian upang pigilan akong pumasok doon. Alam kong mabibilanggo rin ang sinumang lumabag sa utos ng gobernador-heneral pero hindi ko kayang hayaan si Niyong mag-isa sa bilangguan. Hindi nagsalita si Sebastian, niyakap niya lang ako hanggang sa kumalma ako at tanggapin ang katotohanang hindi na namin maliligtas si Niyong at ang tatay nito.
ALAS-TRES pa lang ng madaling araw ay nakita kong bumangon na si Sebastian. Hindi ako nagtanong, ni hindi rin ako nagsalita. Dahan-dahan akong bumangon at pinagmasdan siya habang sinusuot ang kaniyang uniporme pang-heneral.
Maingat akong naglakad papalapit sa kaniya. Napatigil siya nang maramdaman ang pagdating ko ngunit nagpatuloy pa rin siya sa pag-butones ng kaniyang uniporme. Tumigil ako sa harap niya saka tinulungan siya sa pagbutones niyon.
Alam kong hindi siya makatulog. Biyernes na ngayon. Ito na ang araw ng kamatayan nina Berning, Tadeo at tatay ni Niyong sa paraan ng Garrote. Sa ganap na alas-siyete ng umaga, sa harap ng maraming tao sa Bagumbayan.
Ramdam ko ang bigat ng tensyon at damdaming naming dalawa. "Anuman ang mangyari... Hindi kita iiwan" saad ko saka tumingin sa kaniya. Hindi ko alam kung kanina niya pa ako tinititigan o nagawa niya lang akong tingnan matapos niyang marinig ang sinabi ko.
"W-wala kang kasalanan. Ginagawa mo lang ang tungkulin mo bilang heneral. Kung papakawalan mo ang mga bihag, ikaw naman ang mapapahamak. Nagawa mo na silang pakawalan noon. May mga bagay na limitado lang ang magagawa natin. Hindi mo hawak ang lahat. Hindi mo ito kasalanan" patuloy ko, muli niyang pinunasan ang luha ko gamit ang kaniyang kamay.
"A-ako na ang bahala kay Niyong. Sisikapin kong maipaliwanag sa kaniya nang maayos na hindi mo ginusto ito. Na ibig mo siyang tulungan pero..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil napayuko na lang ako at pilit na pinigilan ang aking paghikbi.
Napatigil ako nang magsalita siya, "Ang kabayaran niyon ay ang buhay ko" dugtong ni Sebastian sa sasabihin ko na hindi ko nagawang ituloy. Hindi na ako nakapagsalita, tuluyan nang kumawala ang mga luha ko. Naramdaman ko muli ang yakap niya saka tinapik nang marahan ang likod ko.
"Hangga't naririto ka sa aking tabi, nagiging maayos ang lahat" wika niya. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Ang totoo, kapag nasa tabi niya ako, mas lalo siyang napapahamak.
MAGHAKAWAK kami ng kamay ni Lolita habang naglalakad patungo sa Bagumbayan. Ayokong pumunta pero sinabi ni Lolita na kailangan ni Niyong ng karamay. Masasaksihan din niya ang pagkamatay ng kaniyang ama.
Alas-sais na ng umaga nang makarating kami sa Bagumbayan. Marami ng tao ang nakaabang. Nagkalat na rin ang mga guardia civil upang mapanatili ang kaayusan. Nakahanda na rin ang mababang entablado kung saan may tatlong silya roon. Nakatayo na rin sa tabi ng entablado ang dalawang prayle.
Nakadapa sa lupa si Niyong habang nakagapos siya hanggang siko. Napapalibutan din siya ng mga guardia. Hindi namin maialis ni Lolita ang aming paningin sa kaniya. Umiiyak siya at nagdadasal habang nakasubsob ang mukha sa damuhan.
Lagpas alas-siyete na ng umaga. Nagsimula nang magbulungan ang lahat dahil wala pa rin ang tatlong bibitayin at ang heneral na mangunguna, si Sebastian. Agad pinatawag ni Roberto ang isang guardia upang alamin ang sitwasyon sa bilangguan.
Hindi ko alam kung bakit bigla akong pinagsiklaban ng takot. Maagang umalis si Sebastian. Alas-kwatro pa lang ay nagtungo na siya sa bilangguan. Nagulat ang lahat nang makabalik ang guardia, "Nawawala ho ang isang bilanggo!" sigaw nito.
Napaangat ng ulo si Niyong, "Nakatakas ang tatay ng batang ito!" turo ng guardia kay Niyong. Napahawak ako nang mahigpit sa kamay ni Lolita. Sunod na dumating ang apat pang guardia.
"Nawawala rin ho si Heneral Guerrero!" saad ng isa, dahilan upang lumakas ang bulungan ng mga tao. "Si Heneral Guerrero lamang ho ang may hawak ng susi kaninang madaling araw. Kasabay niya pong naglaho ang isang bilanggo. Ayon sa mga bantay nagkaroon ng palitan ng putok. Tinamaan ang isa sa dalawa" patuloy ng isa, nagsimulang mag-usap ang lahat. Bawat isa ay may hinala na pinakawalan ni Sebastian ang tatay ni Niyong.
"Lolita, sundan mo kung saan nila dadalhin si Niyong. Hahanapin ko si Sebastian" agad namang napatango si Lolita. Mabilis akong tumakbo papalayo sa Bagumbayan. Nagtungo ako sa mga lugar kung saan maaaring pumunta si Sebastian.
Kasabay kong nagsisitakbuhan ngayon ang mga guardia upang hanapin si Sebastian at ang nakatakas na bilanggo. Wala si Sebastian sa aklatan, sa tahanan nila, sa simbahan, sa Panciteria, sa aklatan at sa lahat ng sulok ng lugar sa bayan.
Napatigil ako nang marinig ko ang pag-uusap ng dalawang kutsero sa tapat ng Fort Santiago. "Nakita ko kanina ang dalawang lalaki na lumundag mula sa fuerza. Duguan ang naka-uniporme" tila tumigil ang aking mundo nang marinig ko ang pag-uusap nila.
"Iyon marahil ang heneral at ang bilanggo" saad ng kausap, agad akong lumapit sa kanila. Nagulat sila sa paglapit ko. "Saan sila nagtungo?"
Nagkatinginan ang dalawa at sabay na napailing. "H-hindi namin batid kung saan. Naglaho na lang sila sa gubat" tugon ng lalaki sabay turo sa kagubatan. Naalala ko ang daan na iyon ay papunta sa bahay ng mangkukulam na palaging pinupuntahan ni Sebastian.
Muli kong tiningnan ang dalawang kutsero, "Ilihim niyo lang ito. Sa oras na sabihin niyo sa mga opisyal. Tiyak na pagkakamalan nila kayong tulisan at ibibilanggo rin" saad ko dahilan upang masindak silang dalawa at sabay na tumango.
Agad akong tumakbo patungo sa kagubatan. Kung may tama ng bala si Sebastian, hindi siya pwedeng dalhin sa pagamutan dahil pinaghahanap na siya ngayon. Malakas ang kutob ko na nagtungo sila sa bahay ni Manang Milda na siyang mangkukulam.
Sinikap kong makarating doon nang walang nakakasunod sa'kin. Tumawid ako sa ilog n amalakas ang agos ngayon. Makulimlim ang langit hanggang sa tuluyan nang bumagsak ang ulan. Hindi pa rin ako tumigil kahit nadudulas na ako sa maputik at masukal na gubat.
Nabuhayan ako ng pag-asa nang makita ko na ang bahay kubo. Agad akong kumatok doon, tumambad sa harapan ko si Manang Milda na ngayon ay pawis at may bahid ng dugo ang kaniyang kamay. "Ikaw..." saad niya saka mabilis akong hinila papasok sa loob.
Namimilipit sa sakit si Sebastian dahil sa tama ng bala sa kaniyang kaliwang balikat. Nasa edad apatnapu naman ang isang lalaki na siyang tatay ni Niyong. Payat ito at hindi katangkaran. Abala ang lalaki sa pagkuha ng mga panggatong upang mapanatili ang apoy sa pugon. Pinapakuluan na ngayon ang mga gamot na itatapal sa sugat ni Sebastian.
Natanggal na ni Manang Milda ang bala sa balikat ni Sebastian at ngayon ay pinipigilan niya ang pagdanak ng dugo nito. Agad akong tumulong sa kanila. Hinawakan ko ang kamay ni Sebastian at pilit siyang pinakalma.
Kapag ninenerbyos ang isang sugatan lalong dumadanak ang dugo mula sa kaniyang sugat. Niyakap ko si Sebastian at humiging ako sa pag-asang mapanatag siya. Dahan-dahan nang inilagay ni Manang Milda ang mga halamang gamot sa sugat ni Sebastian.
Pinainom niya rin ito ng katas ng halamang gamot. Lumipas ang kalahating oras, tuluyan nang makatulog si Sebastian. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan. Umupo na sa isang sulok ang tatay ni Niyong at isinubsob nito ang mukha sa pagitan ng kaniyang tuhod. Nagsimula siyang magdasal.
Maingat kong pinupunasan ang pawis sa noo ni Sebastian. Unti-unti nang naglaho ang aking pangamba dahil payapa na siyang natutulog ngayon. Nagulat ako nang lumapit sa'kin si Manang Milda, hinawakan niya ang pulso ko at hinila papalabas sa bahay.
Nagulat ang tatay ni Niyong, balak nitong sumunod sa'min sa labas pero tiningnan siya nang matalim ni Manang Milda dahilan upang hindi niya magawang humakbang papalabas ng pintuan. "B-bakit po?" pilit akong nagpumiglas mula sa pagkakahawak ni Manang Milda sa pulso ko habang papunta sa kagubatan.
Umuulan at humahangin ng malakas. Hindi ko na makita ang daan. Nagulat na lang ako nang itulak niya ako sa putikan. "Ibig mo bang kunin muli ang buhay ng lalaking iyon?!" basang-basa na kaming dalawa dahil sa lakas ng ulan at hangin ngunit kitang-kita ko pa rin ang matalim na tingin ni Manang Milda.
Tinuro niya ako, "Hindi pa ba sapat na nakalabas ka na sa kwentong ito?! Hindi ka pa ba kuntento na inagaw mo ang buhay niya sa totoong mundo?!" nanginginig akong humarap sa kaniya habang nakaluhod sa putikan. Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya.
"Labis na ang paghihirap na dinadanas ngayon ng lalaking iyon. Hindi ko na kayang manahimik pa!" patuloy niya habang nakaturo pa rin sa'kin.
"Ang lalaking iyon ang tunay na manunulat. Siya ang nagsulat ng Salamisim!" hindi ako nakapagsalita. Hindi ko na maramdaman ang aking buong katawan. Dahan-dahan akong napatitig sa dalawa kong kamay na nababalot ng putik at nanginginig ngayon.
"Ikaw si Angelita na karakter sa kwentong ito. Hindi ka ba nagtataka kung bakit si Sebastian lang ang tanging nananaginip dito? Walang kakayahang managinip ang isang karakter. Totoong tao si Sebastian" wika niya, napahawak ako sa aking ulo. Unti-unting nagpapakita sa aking isipan ang karakter ko sa nobelang ito.
Si Angelita ay ulila na inampon ng mag-asawang Aling Pacing at Mang Pedro. Ang mga magulang ni Angelita ay pinapatay ni Don Florencio dahil sa pagnakaw nito ng salapi upang maipagamot ang kanilang anak. Kinupkop ng mag-asawang may ari ng Panciteria ang bata dahil matalik na kaibigan ni aling Pacing ang ina nito.
Lumaki si Angelita sa Panciteria. Tinuring siyang kapatid ni Amalia at malapit din ang loob nila ni Lolita. Si Angelita ay kasapi ng samahan, halos sabay din silang lumaki ni Lorenzo. Matagal nang may pagtingin si Angelita kay Lorenzo na kababata nito ngunit ang gusto ni Lorenzo ay ang unica hija ni Don Florencio na si Maria Florencita.
Samantala, si Roberto naman ang karibal ni Lorenzo kay Maria Florencita. Pilit nilang hinahadlangan ang pagmamahalang ng dalawa. Si Angelita ang gumagawa ng paraan upang layuan ni Lorenzo si Maria Florencita at ipaalala ang layunin ng kanilang samahan. Ang pagmamahal ni Angelita ay hindi nagawang suklian ni Lorenzo na siya ring dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Malakas na kulog at kidlat ang naghari sa kalangitan habang patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan at pag-ihip ng malakas na hangin sa gitna ng kagubatan. Dahan-dahan akong napatingala sa langit. Tuluyan akong nilamon ng matinding takot dahil sa lahat ng nalaman ko.
Humakbang papalapit sa akin si Manang Milda saka bumulong sa aking kaliwang tenga, "Pinatay mo ang tunay na may akda ng Salamisim"
********************
#Salamisim
Note: No to Spoliers! Ready ako mag-mute/block. Abangan ang susunod na kabanata. This is it!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top