Kabanata 31

[Chapter 31]

MAS lalong lumakas ang bulungan at nagpabalik-balik ang tingin ng lahat sa akin at kay Sebastian. Saka ko lang napagtanto na isang malaking kahihiyan pala itong ginawa ko. Tila hinuhusgahan nila ang aking buong pagkatao habang nakatayo sa tapat ng pintuan.

"Sino ang babaeng iyan?" bulong ng ibang kababaihan. Napakagat ako sa aking labi, halos walang kurap pa ring nakatingin sa'kin si Sebastian. Hindi naman malaman ni Maria Florencita ang gagawin.

"Bakit niya ibig itigil ang kasal?" tanong ng ilang lalaki, napapikit na lang ako. Naalala ko na may sunod na linya pala dapat akong sabihin. Kapag sinabing itigil ang kasal kasunod niyon ang dahilan kung bakit. Napatikhim na lang ako, ano ba ang dapat kong sabihin? Kailangan valid reason para matigil talaga ang kasal.

"B-buntis ako!" sigaw ko na mas lalong ikinagulat ng lahat. Napahawak sa batok sina Don Antonio at Don Florencio. Nabitawan naman ni Maria Florencita ang hawak niyang bulaklak.

Nagsimulang maglakad nang mabilis si Sebastian papalapit sa'kin dahilan para mas lalong magulat ang mga bisita habang sinusundan ng tingin si Sebastian.

"Sebastian!" sigaw ni Don Antonio na ikinatahimik ng lahat. Maging ako ay nasindak nang umalingawngaw ang boses nito sa loob ng simbahan. Sinubukan niyang pigilan ang kaniyang nag-iisang anak pero agad hinawakan ni Sebastian ang pulso ko nang makalapit na siya sa'kin.

"Nagdadalang-tao na ang babaeng iyan? May ibang babae ang heneral?!" saad ng ilang ale, nakalabas na kami sa simbahan. Napawi ang ngiti ng lahat nang makitang hawak na ni Sebastian ang kamay ko. Dali-dali niya akong sinakay sa isang kabayo at inabutan ng barya ang may ari niyon.

"Habulin niyo sila!" sigaw ni Don Antonio pero hindi alam ng mga guardia ang gagawin dahil si Sebastian ang heneral. Bukod doon ay wala naman itong labag sa batas. Hindi naman labag sa batas ang tumakas sa isang kasal.

Ramdam ko hanggang lalamunan ang lakas ng tibok ng puso ko. Ang bilis ng pangyayari at ngayon ay kasama ko na ulit si Sebastian. Mabilis niyang pinatakbo ang kabayo habang nakakulong ako sa mga bisig niya.

Napalingon ang lahat sa pamilihan, may ibang nakakilala kay Sebastian dahilan para magtaka sila dahil ngayon ang araw ng kasal nito. "Saan mo ibig magtungo?" tanong niya, hinawakan ko ang buhok ko dahil tumatama ito sa kaniya.

"K-kahit saan" tugon ko, hindi na siya nagsalita hanggang sa makarating kami sa pamilyar na palayan kung saan niya ako dinala noon na inakala niyang panaginip lang ang lahat. Itinabi niya ang kabayo sa gilid ng kalsadang lupa at itinali iyon sa puno.

Nilahad niya ang kaniyang palad sa tapat ko, hinawakan ko ang kamay niya pababa ng kabayo at naglakad kami papunta sa ilalim ng puno. Tulad dati ay maganda ang sikat ng araw at kulay asul ang kalangitan.

Napansin niya na paika-ika akong maglakad kaya tumigil siya saka tiningnan ang paa ko. Sinubukan kong ngumiti pero nagulat ako nang umupo siya sa tapat ko. "Maaari ko bang suriin?" tanong niya, tumango ako bilang tugon. Hindi normal na makita ng lalaki ang talampakan ng babae.

Hinawakan niya ang kaliwang paa ko, medyo namamaga na ito. Wala pa namang yelo kaya hindi ko maaagapan ang pamamaga. Huminga siya nang malalim saka tumayo. Nagulat ako nang bigla niya akong buhatin papunta sa ilalim ng puno.

Nagsisimula na ang mga cliché na pangyayari sa aming dalawa pero inaamin ko na sumasabog ngayon ang puso ko. Maingat niya akong pinaupo sa damuhan saka siya umupo sa tabi ko. Hindi ako makatingin sa kaniya, sino ba namang hindi mahihiyang magpabuhat.

"Anong nangyari? Ikaw ay nakaligtas" panimula niya. Matagal ko na itong pinag-isipan, kung ano ang mga sasabihin ko kapag nagkita kami ulit.

"N-Niligtas ako ni Padre Emmanuel, sa kumbento ako namalagi ng higit isang buwan" tugon ko, nakatingin lang si Sebastian sa akin. Pilit niyang pinagtatagpi-tagpi ang mga pangyayari. "Siya ang kumuha sa iyo sa pagamutan?" tumango ako bilang tugon.

"Bakit? Bakit niya gagawin iyon?" patuloy niya, napahinga ako nang malalim. Alam kong gulong-gulo ngayon ang utak ni Sebastian. Alam niyang hindi na ito panaginip.

Napayuko na lang ako, hindi ko gustong magsinunggaling sa kaniya pero ayokong mas lalong gumulo ang isipan niya kapag pinagtapat ko na nasa loob lang kami ng isang kwento.

"B-batid ni padre Emmanuel na kasapi ako sa mga tulisan. Niligtas niya lang ako sa mangyayaring imbestigasyon kung bakit ako inatake ng mga rebelde" tugon ko nang hindi nakatingin sa kaniya. Narinig ko ang malalim niyang paghinga. Ang sakit sa puso dahil hanggang ngayon nagsisinunggaling pa rin ako sa kaniya.

Napatigil ako nang hawakan niya ang magkabilang balikat ko. Dahan-dahan akong napatingin sa kaniya, "Kumusta ang iyong kalagayan? Iniinda mo pa rin ba ang sakit mula sa mga sugat na iyong tinamo?" tanong niya, bakas sa kaniyang mga matang puno ng pag-aalala.

Umiling ako saka ngumiti, "Mabuti na ang kalagayan ko" napabuntong-hininga siya saka ngumiti ng kaunti pabalik. Higit isang buwan na kaya siguradong hindi na siya magdududa na naghilom na ang mga sugat ko.

"Bakit hindi mo ipinarating sa akin na ikaw ay nakaligtas?" napakagat ako sa aking ibabang labi. Saka tinitigan siya sa kaniyang mga mata. "Dahil ikakasal ka na" tugon ko, siya naman ang napayuko. Ibinaba na rin niya ang kaniyang mga kamay na nakahawak sa balikat ko.

Sandali kaming natahimik. Alam kong hindi naman niya kasalanan na ikakasal siya ngayon dahil ako naman ang nagtakda niyon. "Ngunit dumating ka" wika niya, nagtaka ako dahil ngumiti siya ng kaunti. Hindi ko pa nakikita ang ngiti niya na labas ngipin.

"Kung hindi ako dumating, tutuloy ka sa kasal?" usisa ko, umiwas siya ng tingin saka pinagmasdan ang malawak na palayan. "Ano ang aking magagawa? Hindi mo ibig na sumunod ako sa iyo sa tuwing napapanaginipan kita" tugon niya dahilan para mapatigil ako.

Wala kaming label, hindi pa siya pormal na umaamin sa 'kin. Binawi ko 'yung confession ko sa kaniya noon at nagpalusot na gusto ko lang siya isama sa Bulakan. Nagtatalo kami noong nakaraan sa maliliit na bagay lalo na 'yung mga bagay na may kinalaman kay Lorenzo. At ngayon umeksena ako sa kasal nila ni Maria Florencita, iniwan niya si Maria Florencita at sumama sa akin. Sapat na bang dahilan ang lahat ng iyon para maging malinaw sa'min na gusto namin ang isa't isa?

Ilang minutong katahimikan. Walang nagsalita ni isa sa amin. Ano na ang gagawin ko ngayon? Siguradong nasaktan ko si Maria Florencita. Magiging laman sila ng usap-usapan. Magiging masama na naman ang tingin ng mga tao kay Sebastian na nang-iwan sa babaeng papakasalan at sumama sa ibang babae.

Nagulat ako nang biglang umusog si Sebastian papalapit sa'kin hanggang sa magdikit ang aming mga braso. Nakayuko lang ako, sinisisi ko rin ang sarili ko dahil sa padalos-dalos kong desisyon. Tama nga si padre Emmanuel, ako ang gumugulo sa lahat at nagdadala ng panganib.

Natauhan ako nang marinig kong tumikhim si Sebastian bago magsalita. "N-nangyari ito sa aking panaginip kung kaya't hindi mo ito nalalaman" saad niya, nagulat ako nang hawakan niya ang mukha ko. Halos maduling ako sa lapit ng kaniyang mukha habang nakatingin ng diretso sa kaniyang mga mata.

"Huwag mong kakalimutan ito" patuloy niya saka dahan-dahan niya muling inilapit ang kaniyang labi sa akin. Sa pagkakataong iyon ay ipinikit ko ang aking mga mata nang muli kong maramdaman ang kaniyang halik.

Umihip ang marahan na hangin na siyang nagpasayaw sa mga palay at sa punong aming sinisilungan. Animo'y gustong lumundag ng puso ko dahil sa wakas ay parehong malinaw na sa amin ang aming nararamdaman para sa isa't isa.

Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa aking mukha upang hindi niya alisin ang kaniyang labi sa akin. Mapusok mang aminin ngunit ayokong matapos ang mga sandaling ito. Nagulat siya nang ilapit ko ang aking sarili sa kaniya na parang isang bampira na uhaw sa halik.

Napatigil ako nang mapagtanto ko na masyadong mapangahas ang ginawa ko. Maging siya ay napatulala dahilan para maaptras ako sa gulat. Agad kong hinawi ang buhok ko. Hindi na ako ngayon makatingin sa kaniya. Siguradong iniisip niya na mapusok akong babae na nangsusunggab nang gano'n.

Narinig kong napatikhim siya umayos ng upo. Animo'y dinaluyan ng kuryente ang buong katawan ko nang magtama muli ang mga braso. Nag-iinit na ngayon ang mukha at sinubsob ko ang aking mukha sa pagitan ng aking tuhod. Ito na ata ang pinakanakakahiyang ginawa ko sa kaniya.

Muli kaming nabalot ng katahimikan. Iniisip niya siguro kung saan ko natutunan 'yon. May ideya ba siya sa French kiss?

Ilang sandali pa, natauhan ako nang magsalita siya, "I-ibig mo na bang magpahinga?" tanong niya dahilan para matauhan ako. Hindi ko alam kung bakit iba ang pumasok sa isipan ko nang sabihin niya iyon. Kanina pa ba niya iniisip 'yon? Nagising ba ang natutulog niyang kapusukan dahil sa ginawa ko?

Sandali ko siyang sinulyapan. Namumula rin ang mukha niya at hindi rin siya makatingin sa'kin ngayon. Bakas sa mukha na niya na nasindak talaga siya sa pagtugon ko sa halik niya. "S-sa panciteria na ako tutuloy" saad ko saka tumayo pero muntikan akong mawalan ng balanse dahil sa pamamaga ng kaliwa kong paa.

Mabilis niya akong nahawakan ngunit pareho kaming natigilan. Magsasalita pa sana ako ngunit binuhat niya ako ulit. "K-kaya ko namang maglakad" saad ko, hindi siya nagsalita. Tinatahak na namin ngayon ang palayan pabalik sa kalsadang lupa kung saan niya iniwan ang kabayo.

"Sa aklatan ka na tumuloy" wika niya, sumulyap siya sandali pero siya agad ang unang umiwas ng tingin. Hindi ko namalayan na napangiti ako sa aking sarili. Hindi talaga mabulaklak magsalita si Sebastian pero sapat na ang mga kinikilos niya para maging malinaw sa akin ang lahat.


ALAS-DOS na ng hapon nang makarating kami sa aklatan. Walang nakapansin sa amin dahil sa likod kami dumaan. Sarado ang aklatan dahil dumalo ng kasal si Niyong kanina pero wala pa rin siya ngayon dito. Maingat akong iniupo ni Sebastian sa silya.

"Sebastian..." tawag ko sa kaniya, nagtungo siya sa kusina at pagbalik niya ay may dala na siyang pitsel ng tubig at dalawang baso. Sinalinan niya iyon at inabot sa'kin ang unang baso. "A-anong gagawin mo? Siguradong galit na sina Don Florencio at Don Antonio" panimula ko, ngayon lang pumasok sa isip ko ang lahat.

Napatitig siya sa baso, "Kakausapin ko na lang sila" tugon niya. Napahinga ako ng malalim. Hindi gano'n kadali iyon. Nakasalalay ang pangalan ng pamilya Garza at Guerrero sa kasalang ito. At ngayon ay sinira namin ang lahat.

"S-sa aking palagay, maaari pa namang ituloy ang kasal dahil---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil tumingin sa akin si Sebastian. Bakas sa mukha niya na hindi niya gustong marinig ang suhestiyon ko na ituloy ang pagpapakasal kay Maria Florencita.

"Hindi na mangyayari iyon" wika niya habang nakatingin pa rin sa'kin. "Sinabi mo sa lahat na ikaw ay nagdadalang-tao" patuloy niya dahilan para lumaki ang mga mata ko. Ngayon lang din pumasok sa isip ko ang napakalaking kontrobersiyal na iyon.

"Shet!" napasabunot ako sa aking sarili. Nakatitig naman sa akin si Sebastian pero nakita kong napangiti siya ng paligim dahil sa sinabi ko sa simbahan. Uminom siya ng tubig at pilit niya pa ring pinipigilan ang kaniyang tawa.

Napahawak ako sa aking noo. Sumasakit na ang ulo ko. Kung nanahimik na lang sana ako sa kumbento. Hindi na sana ako mababaliw ngayon kakaisip kung paano ko ililigtas sa kahihiyan ang aking sarili at lalong-lalo na si Sebastian.

Napatingin ako sa kaniya, "Hindi ka ba nag-aalala? Siguradong magiging laman ka ng usapan. Tumakas ka sa kasal at sumama sa nabuntis mong babae! Sasabihin ng lahat na mapangahas ka at mapagsamantala!" paalala ko sa kaniya, umiling lang siya habang pilit pa ring pinipigilan ang kaniyang ngiti.

Uminom muli siya ng tubig. Halata namang gusto niya lang pigilan ang sarili niya dahil natatawa siya ngayon sa sinabi ko sa simbahan. Umayos siya ng upo saka sumandal sa silya habang pinaglalaruan ang baso. "Hindi mahalaga sa akin ang sasabihin nila" wika niya, napahawak ako muli sa noo ko dahil sa sinabi niya.

"Ngunit ang lubos kong ikinababahala ay kung paano sila maniniwala na ikaw nagdadalang-tao" patuloy niya dahilan para gulat akong mapatingin sa kaniya. Napatango ako sa sarili. Bakit ba hindi ko naisip 'yon?

Iisipin ng lahat na pinikot ko si Sebastian at pinaniwalang buntis ako para sumama siya sa'kin. Ako talaga ang keridang kontrabidang opurtunista at mukhang pera sa paningin nilang lahat.

Napasubsob na lang ako sa mesa. Iniisip ko kung paano ko babawiin ang mga sinabi ko. Inanunsyo ko pa talaga sa harap ng marmaing tao na buntis ako. Parang pinaalam ko rin sa lahat na kumerengkeng ako sa hindi ako asawa at nakatakda nang ikasal sa kaibigan ko pa.

Nagulat ako nang maramdaman kong may humawak sa kaliwang paa ko. Nakaluhod na si Sebastian sa tapat ko. Ipinatong niya ang paa ko sa hita niya at binalutan niya ng tela ang namamaga kong paa. Napatitig ako sa kaniya, nakasuot siya ngayon ng uniporme pang-heneral na siyang suot ng mga opisyal ng hukbo kapag kinakasal. Kung hindi ko napigilan ang kasal niya. Mag-asawa na sila ngayon ni Maria Florencita.

"Tatawag ako ng manggagamot mamaya ngunit sa ngayon ay magpahinga ka na muna" wika niya saka tumingin sa'kin. "Bakit pagdadalang-tao ang naisip mong dahilan?" tanong niya dahilan para mas lalo akong malugmok na sinamahan pa ng karagdagang kahihiyan.

"Gano'n kasi 'yung mga nakikita ko sa palabas. Natitigil talaga ang kasal kapag buntis na 'yung kerida" saad ko dahilan para mapaisip si Sebastian. "Kerida? Iyong iniisip na ikaw ay aking kerida?" tanong niya. Napatango na lang ako. Hindi siya nakapagsalita pero bakas sa mukha niya ang pagtataka.

"Hindi ka isang kerida" wika niya dahilan para mapatingin ako sa kaniya. "Ikaw ang ibig kong pakasalan" saad niya. Tila tumigil ang takbo ng paligid at maging ang puso ko ngayon ay hindi na maawat sa pagtibok ng mabilis. Sa unang pagkakataon ay hindi ko inaasahang makakarinig ako ng korning linya mula kay Sebastian na magdudulot ng kuryente sa aking buong katawan.


LUMIPAS ang ilang araw. Nanatili ako sa aklatan. Walang ibang nakakaalam na naroon ako bukod kay Sebastian at Niyong. Nagpupunas ngayon ng mga libro si Niyong nang lumapit ako sa kaniya. "Niyong, maaari mo bang bilhin ito sa pamilihan?" tanong ko sa kaniya sabay abot ng listahan ng mga sangkap sa pagkain. Inabutan ko rin siya ng pera na binigay sa'kin ni Sebastian kaninang umaga.

Binasa ni Niyong ang nakasulat sa listahan. "Para saan ho ito, ate Tanya?"

"Ibig ko sanang mag-bake ng cupcakes" ngiti ko, mas lalong kumunot ang noo niya at nagtatakang napatingin sa'kin. "Ho?"

"Ah. Ang ibig ko sabihin, gusto ko magluto ng..." napaisip ako, ano ba ang tagalog ng cupcake? "Tinapay na parang puto" patuloy ko, napakamot naman sa ulo si Niyong.

"Ano ho ang sangkap na ito?" tanong ni Niyong. Hindi ko rin ma-translate sa kaniya kaya kinuha ko na lang saka sinulat ang mga sangkap sa puto. "Ito na lang pala. Mas madali ito" ngiti ko sabay abot muli sa kaniya ng papel. Binasa niya ulit iyon saka tumango.

"Salamat, Niyong!" ngiti ko saka dali-daling pumasok sa kwarto nang may paparating ng customer. Buong araw ako nagtatago sa loob ng silid at kapag isasara na ang tindahan ay saka pa lang ako nakakalabas. Dito na rin umuuwi si Sebastian pero palagi rin ditong natutulog si Niyong upang hindi raw kami makagawa ng kasalanan.

Nang hapong iyon, dumating na si Sebastian. Maaga nitong pinasara ang tindahan kaya alas-kuwatro pa lang ay nagtungo na sa pamilihan si Niyong para bilhin ang mga sangkap na pinabili ko. Sumilip ako sa pintuan ng silid. Nakaupo si Sebastian sa silya at nakapatong ang ilang papeles sa mesa na isa-isa niyang binabasa.

Siniguro ko munang maayos ang buhok ko bago ako lumabas sa silid at naglakad papalapit sa kaniya. "Basty!" tawag ko, napatigil siya sa kaniyang ginagwa saka napalingon sa'kin. Nakita kong umaliwalas ang mukha niya at ngumiti nang hindi labas ang ngipin.

Umupo ako sa katapat na silya. "Naisip ko lang... Dapat pala may tawagan tayo" ngiti ko, hindi siya sumagot dahilan para mas lalo akong ganahan na kulitin siya ngayon. Bakas sa mukha niya na alam niyang magsisimula na naman ako sa kakornihan.

Ilang araw ko na siyang pinipilit na sabihin niya ang Dubidubidiwapwap pero ayaw niyang gawin. Kaya ngayon naisip ko na kailangan may tawagan kami sa isa't isa. "Irog? Sinta?" panimula ko saka hinuhuli ang kaniyang mata. Namumula na ang pisngi niya at buong sikap niyang pinipigilan ang kaniyang pagngiti.

"Doon tayo sa uso... Hmm" patuloy ko saka napatingin sa kisame. Malinis ang tindahang ito dahil sa'kin. Matiyaga kong nilinis ang mga kisame, dingding at sahig nito noong mga nakaraang araw. "Honeybunch, cupcake, sweetiepie... Ano bang paborito mong matamis na pagkain?" patuloy ko, napatingin siya sa'kin. Mukhang hindi niya gets na endearment 'yung mga sinabi ko dahil english ito.

"Hindi ako mahilig sa matamis" tugon niya, napasandal na lang ako sa silya saka napaisip nang mabuti. Kailangan ko ba maiimpluwensiyahan ng kakornihan at kalokohan si Sebastian?

"Ano na lang 'yung matamis na pagkain na kinakain mo?" hirit ko, nagpatuloy siya sa pagbabasa ng papeles. "Pulot" tugon niya, napaisip ako. Na-imagine ko na tinatawag namin ang isa't isa na 'Pulot' ay kinikilabutan na ako.

"Wag na nga lang" saad ko saka tumayo at maglalakad na sana papunta sa kusina pero nagulat ako dahil biglang hinawakan ni Sebastian ang kamay ko. Napalingon ako sa kaniya, sa mga ganitong pagkakataon gusto ko tuloy banggitin ang buko sa kaniya.

"Maaari mo ba akong dalhan ng tubig" saad niya. Hindi ko mapigilang isipin na kasambahay niya ako ngayon. Tumango na lang ako saka akmang maglalakad na papunta sa kusina pero napatigil akong nang magpatuloy siya sa pagsasalita. "Aking sinta" wika niya dahilan para gulat akong mapalingon sa kaniya.

Namumula na ngayon ang mukha niya at ibinalik niya ang kaniyang paningin sa mga papeles. Napangiti ako saka masayang nagtungo sa kusina. Wala pa ring tatalo sa 'Aking Sinta' na mukhang gusto niyang maging tawagan namin mula ngayon.


KINABUKASAN, maaga pa lang ay inapuyan ko na ang pugon. Nahalo ko na rin ang mga sangkap sa puto. Hindi ako makapag-bake ng cupcake dahil wala namang oven. Siguradong magugustuhan naman ni Sebastian ito. Chocolate flavor puto ang lulutin ko. Hindi magkamayaw si Niyong habang abala sa tindahan dahil sa pangambang masunog ko ang kusina gaya noong nasunog ko ang manok na kakainin dapat namin.

Inabot ako ng dalawang oras bago ko matapos lutuin lahat ng puto. Maayos kong nilagay iyon sa dalawang bilao. "Niyong!" tawag ko sa kaniya, oras na ng siyesta at walang masyadong bumibili sa aklatan.

Pumasok siya sa kusina, "Dalhin mo ito kay Lolita" saad ko sabay abot ng bilao. "Bakit ho?" tanong niya, kung pwede ko lang siyang pingutin ngayon nagawa ko na. "Syempre Valentine's day ngayon. Kailangan may regalo ka kay Lolita" ngiti ko, nagtaka muli ang hitsura niya.

"Ano ho iyon?"

"Valentine's day. Araw ng mga puso. Ito ang araw ng mga magkakasintahan" paliwanag ko, napaisip naman nang malalim si Niyong. "Wala naman ho akong kasintahan" saad niya, napapikit na lang ako. Kahit kailan talaga walang bahid ng kalandian 'tong si Niyong.

"Ipinagdiriwang ho ba ang okasyon na iyon?" habol ni Niyong, alam kong hindi pa naman uso ang Valentine's day sa historical period na kwentong ito pero ayoko namang palagpasin ang araw na ito. "Oo kaya sumunod ka sa'kin. 'Wag mong kakainin 'yan" bilin ko sa kaniya.

Wala na siyang nagawa nang ipilit kong hawakan niya ang bilao. "Kaya hindi ka nagkaka-jowa kasi hindi ka marunong lumandi kahit kaunti" sermon ko sa kaniya saka itinulak siya palabas ng kusina.

"Pagkaabot mo niyan kay Lolita, sabihin mo... Maligayang araw ng mga puso" ngiti ko, napakamot na lang si Niyong sa ulo saka ipinatong na sa mesa ang bilao. Mamayang alas-singko, kapag sinara na niya ang tindahan ay sisiguraduhin kong ihahatid niya iyon kay Lolita.

Alas-kuwatro nang hapon nang dumating si Sebastian. Hindi pa ako tapos sa paglilinis ng kusina. Balak ko pa namang magbihis at mag-ayos muna bago kami umalis. Napilit ko siya kaninang umaga na lumabas kami ngayon at pumunta sa dagat. Gusto kong makapunta sa dagat at mukhang natunugan naman niya na gusto kong pumunta roon kaya sinabi niyang hintayin ko siya ng alas-kuwatro.

"Sandali lang" saad ko habang nililigpit ang mga panggatong. Winalisan ko ang pugon at tinapon ang mga abo kaya ngayon ay puno ng uling ang kamay ko. Nakasandal siya ngayon sa pintuan at nakasuksok ang kaniyang dalawang kamay sa bulsa ng kaniyang pantalon.

"Tatapusin ko lang 'to" patuloy ko saka dali-daling inayos ang ilang mga gamit at itinabi sa gilid ang walis at pandakot. Napatigil ako nang harangan niya ang pintuan. "Magbibihis lang ako" wika ko, mauling na ang aking kamay at may bahid din ng uling ang aking damit.

Napangiti siya nang hindi lumalabas ang ngipin habang nakatitig sa'kin. Pinunasan niya ang uling sa mukha ko gamit ang kaniyang daliri. "Hihintayin kita" saad niya, napangiti ako. Gusto ko sana siyang yakapin kaya lang napatigil ako nang maalala ko na mauling pala ang kamay ko. Ayoko naman marumihan ang uniporme niya.

Tumabi na siya sa pintuan kaya dali-dali akong tumakbo sa palikuran. Naghugas ng kamay, naligo, nagbihis at nag-ayos na inabot ng isang oras. Para akong siraulo na nakatingin sa salamin habang pilit na pinipigilan ang aking ngiti. Tinitirintas ko ngayon ang buhok ko at sinusuklay ng maayos ang aking bangs na alam kong nakakabighani sa paningin niya. Mas lalo akong napangisi sa ideyang iyon.

Narinig kong nagpaalam na si Niyong, sumilip ako sa pintuan. Dala na niya ang bilao saka sinara ang tindahan. Mukhang magkaka-love life na rin siya. Dapat lang. Ang tagal nang walang progress ang love team nila ni Lolita.

Napatigil ako nang marinig kong tumikhim si Sebastian. Nakasandal siya ngayon sa tabi ng pintuan. Mukhang nakita na niya ako na kanina pa nakasilip doon. Siniguro ko lang naman na dadalhin ni Niyong ang bilao, hindi ko namalayan na nakita na pala ako ni Sebastian.

Ngumiti ako sa kaniya saka lumabas na sa silid. Kulay krema na baro at pulang saya ang suot ko ngayon. "Tara na" ngiti ko saka naunang pumunta sa kusina para dalhin ang bilao at bayong na naglalaman ng pagkain. Hindi naman nagtanong o nagreklamo si Sebastian. Kinuha niya lang sa kamay ko ang bilao at bayong saka kami sumakay sa kabayo sa likod ng tindahan.


MAGTATAKIP-SILIM na nang marating namin ang dagat ng Maynila. Kung wala ako sa kwento, marumi, maitim at mabaho ang dagat na ito. Inilatag ko na sa dalampasigan ang malaking tela at umupo kami roon.

"Kaarawan mo ba ngayon?" tanong ni Sebastian. Napailing ako habang isa-isang nilalabas ang mga prutas sa bayong. "Araw ng mga puso ngayon" tugon ko, nakatingin lang siya sa'kin. Hindi tulad ni Niyong na laging pinagdududahan at kinokontra ang sinasabi ko. Si Sebastian 'yung tipong tatanggapin lahat ang sasabihin ko may katotohanan man o hindi.

"Ito ang araw ng mga magkasintahan" patuloy ko, natutuwa ako kapag nagagawa kong tuksuhin si Sebastian. Palagi lang siyang umiiwas ng tingin upang hindi tuluyang matawa sa mga sinasabi ko.

Binuksan ko sa harapan niya ang bilao sabay ngiti. "Ito ang regalo ko sayo, pinaghirapan kong iluto 'yan" saad ko saka kumuha ng isa at balak kong isubo sa kaniya. Nagugulat siya sa mga ginagawa ko pero sa huli ay ngumingiti lang siya o kaya naman tititig lang sa'kin.

Tinikman na niya ang puto. Kulang na lang mapunit ang mukha ko dahil sa sobrang ngiti. "Masarap ba?" habol ko, dahan-dahan niyang nginuya iyon saka tumango. "Chocolate puto 'yan, cupcake dapat gagawin ko kaso parang hindi ko magagawa 'yon dito. At least nakatikim ka na ng milktea at chocolate puto" patuloy ko habang patuloy siyang kumakain. Nakatingin lang siya sa'kin na para bang mas gusto niyang titigan lang ako buong araw.

"Paumanhin, wala akong nadalang regalo para sa iyo" saad niya, umiling ako sabay ngiti. "Ayos lang. Hindi mo rin naman alam na araw ng mga puso ngayon. May regalo ka na ring binigay sa'kin dati pa" ngiti ko sabay hawak sa suot kong crescent moon necklace.

Napangiti siya saka tumango. Napangiti muli ako nang may ideyang pumasok sa isipan ko. "Alam ko na... Pagbigyan mo na lang ako sa aking kahilingan" wika ko saka humawak sa braso niya, habang tumatagal hindi na siya nagugulat sa mga kinikilos ko.

Tumango siya, "Kahit isang beses lang.. Sabihin mo ang Dubidubidiwapwap please" pakiusap ko habang nakahawak sa braso niya. Napapikit na lang siya. Alam niyang hindi na siya makakatakas o makakatanggi ngayon.

"D-dubidi---Ano iyon?" saad niya dahilan para mas lalo akong mapangiti. Ilang beses ko pang inulit ang bawat pantig hanggang sa makuha niya. Namumula na ang mukha niya pero alam kong gagawin pa rin niya iyon. "D-dub-dubidi-wapwapwap?" pikit-mata niyang wika dahilan para tuluyan na akong matawa at mahiga sa sapin. Hindi na ako makahinga kakatawa at napahawak na lang ako sa aking tiyan. Nakangiti siya ngayon at natawa na lang din habang nakahawak sa kaniyang noo. Sa unang pagkakataon ay nakita ko ang ngiti niya na labas ngipin.

Napatigil na lang ako sa pagtawa nang mapagod na ako. Napatingala ako sa langit. Tuluyan nang nakalubog ang araw. Maliwanag na rin ang kalahating buwan sa langit. Napatulala ako sa nag-aagaw asul, kahel at itim na langit.

"Pabago-bago ang hugis ng buwan pero pare-pareho pa rin ang layunin nito... Ang magbigay liwanag" saad ko, tumingala siya sa langit at pinagmasdan ang buwan. Tumingin ako sa kaniya, humiga siya sa tabi ko.

"Kahit pabago-bago ang lahat. Tulad ng pabago-bagong takbo ng isang istorya. Iisa pa rin ang layunin ko, ang bumalik sayo" patuloy ko habang nakatingin sa kaniya. Tumingin siya sa'kin, iniisip niya siguro ngayon na hindi na kami magkakahiwalay pa.

Tinapat niya sa'kin ang hinliliit na daliri niya. "Pangakong panghahawakan ang ibig sabihin nito" saad niya, napangiti na lang ako nang maalala niya ang pinky swear na tinuro ko sa kaniya na hanggang ngayon ay inakala niyang bahagi lang ng panaginip.

"Ipangako mo na hindi ka na maglalaho, sasama sa mga rebelde at makipagkita kay Gani" wika niya, napatitig ako sa kaniya. Kung maaari lang hindi ako umalis dito, hindi ko naman talaga siya iiwan. Napahinga na lang ako nang malalim saka itinaas ang hinliliit na daliri ko at kumapit sa daliri niya.

"Promise" tugon ko. Kahit pa mismo sa sarili ko ay batid kong imposibleng manatili ako sa loob ng kwentong ito. Ngunit kahit gano'n gagawan ko pa rin ng paraan. Hahanapin ko pa rin ang daan pabalik sa kaniya.


ARAW ng Martes, ilang araw ko nang napapansin na problemado si Sebastian. Sinubukan kong itanong pero ngumingiti lang siya at madalas ay niyayakap lang ako saka iibahin ang usapan. Abala ako ngayon sa pagtatahi ng damit sa loob ng silid nang marinig ko ang pagdating ng maraming customer.

Nagtatawanan at nagkwekwentuhan ang mga boses ng babae. Bumili sila ng mga papel at pluma. "Siya nga pala, naulinigan niyo na ba? Maaaring matanggal sa pwesto si Heneral Guerrero" wika ng isang babae dahilan para mapatigil ako sa aking ginagawa.

"Dahil ba sa ginawa niya sa anak ni Don Florencio? Sadyang nakakahabag ang nangyari kay Maria Florencita. Ayon sa kaibigan kong nagsisilbi sa kanilang pamilya, hindi raw kumakain ang señorita at hindi ito lumalabas ng silid dahil sa kahihiyan. Gabi-gabi raw tumatangis mag-isa sa kaniyang silid"

Hindi ko na maigalaw ang aking kamay dahil sa narinig ko. Masyado akong naging makasarili. Nakalimutan ko ang nararamdaman ni Maria Florencita. "Hindi dahil sa naudlot na kasal kaya matatanggal sa pwesto si heneral Guerrero. Ayon sa aking ama, nililitis ngayon sa hukuman ang heneral dahil sa pagpapalaya nito sa mga nahuling tulisan noon sa kabilang barrio. Nilusob muli ng mga rebelde ang kwartel ng mga kawal. Nasamsam nila ang mga armas at pagkain doon"

"Ang ibig mong sabihin, sumapi muli sa mga rebelde ang mga nahuli dati na pinalaya ng heneral?"

"Oo, hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob"

"Bakit naman nila kailangang tumanaw ng utang na loob? Kaya nga sila naghihimagsik dahil sa kabulukan ng pamahalaan"

"Hindi sila tatanaw ng utang na loob sa heneral. Hindi ba't tinugis sila nito? Maaari silang tugisin muli ng heneral, inunahan nga lang nila ngayon"

"Ano na ang mangyayari kay heneral Guerrero?"

"Maaari siyang matangal sa pwesto at hindi lang iyon... Mahahatulan din siya ng kamatayan dahil nangangahulugang panig siya sa mga rebelde nang palayain niya ang mga ito"

Tila nanlamig ang buong katawan ko at nabitawan ko ang aking tinatahi. "Ayon din sa aking ama, si Don Florencio mismo ang nangunguna sa paglilitis kay heneral Sebastian. Matalik na kaibigan ni Don Florencio si hukom Unotario"

"Marahil ay ito ang paraan ni Don Florencio upang gantihan si Sebastian dahil sa kahihiyang dinulot nito sa kaniyang anak. Kung nakita niyo lang kung paano nawalan ng malay si Maria Florencita nang sumama si heneral Guerrero sa kaniyang kerida"

"Tiyak na hindi iyon hahayaan ni Don Antonio"

"Gumagawa rin ng paraan si Don Antonio upang matulungan ang kaniyang anak kahit pa kinahihiya niya ang ginawa nito. Nabuntis niya ang isang babaeng hindi niya asawa. Nakatakda pa siyang ikasal sa anak ni Don Florencio. Inabangan ng lahat ang kanilang pag-iisang dibdib. Maging ang gobernador-heneral ay hindi naibigan ang kataksilan at karumihang ginawa ni heneral Guerrero"

"Aking naulinigan na madalas dumalaw sa tahanan ng pamilya Garza sina Don Severino at ang dating heneral na si señor Roberto"

"Siyang tunay, madalas ko ring makita ang kanilang kalesa tahanan ng pamilya Garza"

"Kung gayon, maaaring may kaugnayan ito sa napapabalitang pagbabalik sa pwesto ni señor Roberto"

Narinig ko ang pagkagulat ng lahat at muling nagpalitan ng mga kuro-kuro. "Kaya pala nabanggit ni ama noon na nagsisilbi sa pamilya Garza na malapit nang ikasal muli si señorita Maria Florencita. Marahil ay ibig iluklok ni Don Florencio sa pagiging heneral si señor Roberto na magiging kabiyak ng anak niyang anak"

Natigil ang usapan nang magsalita si Niyong, "Heto na ho ang inyong mga pinamili" seryoso nitong saad saka agad pinalabas ang mga tsismosang customer.

Nanatili akong tulala sa kawalan. Hindi pwedeng mabalik sa pwesto si Roberto. Sinusuportahan na siya ngayon ni Don Florencio. Hindi pwedeng matanggal si Sebastian at mahatulan ng kamatayan!


PALIHIM akong lumabas sa tindahan suot ang itim na talukbong. Kinakabahan man ngunit kailangan kong makausap ngayon si Maria Florencita. Tanghaling tapat ngunit hindi ko alintana ang init ng araw habang naglalakad papunta sa mansion nila.

Hindi ako nahirapang makapasok doon dahil nakilala ako ni Mang Juan. Hindi nga lang siya ngumiti sa'kin, siguradong nakilala niya ako 'nung pinigilan ko ang kasal nina Sebastian at Maria Florencita.

Maging si Ornina ay hindi ngumiti nang buksan niya ang pinto. "Nagpapahinga ang aming señorita" tipid nitong tugon nang sabihin kong gusto ko makausap si Maria Florencita. "Maghihintay ako dito. Hindi ako aalis hangga't hindi ko siya nakakausap" pagmamatigas ko. Hindi sumagot si Ornina, hindi niya rin ako inimbitahan papasok.

Magsasalita pa sana siya ngunit nakita naming pababa ng hagdan si Maria Florencita suot ang magarbo nitong barot' saya na kulay asul. "Papasukin niyo na siya" saad nito, walang nagawa si Ornina kundi tuluyang buksan ang pinto. Napahawak na lang ako sa aking kamay na namamanhid ngayon habang naglalakad papunta sa salas.

Naglakad si Maria Florencita papunta sa azotea. Pumayat at namumutla siya. Nakayuko akong sumunod sa kaniya. Hindi ko magawang tumingin ng diretso sa kaniyang mga mata. Nilalamon ako ng konsensiya.

"Matagal na akong may hinala sa inyo ni Sebastian. Aking nalaman na tinulungan mo siyang mapawalang-sala sa hukuman. Hinihntay kong ipagtapat mo sa akin iyon. Isinawalang-bahala ko na lamang, marahil ay ginawa mo lang iyon bilang pagtanaw ng utang na loob dahil sinasanay niya kayo noon ni Niyong"

"Ngunit... Naging malinaw sa akin ang lahat nang makita ko kung paano ka tingnan ni Sebastian noong sinukatan kami ng damit. Ang mga tingin na iyon ay hindi ko kailanman nakita sa kaniya sa tuwing magkasama kaming dalawa" lumingon siya sa'kin.

"Si Sebastian pala ang tinutukoy mong ginoo na iyong napupusuan. Siya rin pala ang nagbigay sayo ng kuwintas na iyan" patuloy niya sabay tingin sa suot kong kuwintas. Dahan-dahan akong tumingin sa kaniya.

"P-patawad kung hindi ko agad nasabi sayo. Hindi ko naman ginusto na ilihim ito pero hindi ko lang talaga alam kung paano ko sisimulan. Bukod doon, hindi ba't wala ka namang pagtingin kay Sebastian? Si Lorenzo ang gusto mo" saad ko, umiwas ng tingin sa'kin si Maria Florencita saka muling humarap sa balkonahe.

"Matagal na kaming walang ugnayan ni Lorenzo. Hindi na niya ako sinisipot sa aming tagpuan. Hindi na rin siya tumutugon sa aking mga liham. Marahil ay hindi na niya ibig na guluhin ang aking buhay dahil hinid niya ibig kalabanin si Sebastian. O kaya naman, nakahanap na siya ng ibang babaeng mamahalin" saad niya saka muling tumingin sa akin.

Malalim ang kaniyang mga mata na puno ng kalungkutan, "Tanya, hindi ko akalain na magagawa mo akong talikuran. Batid ni Sebastian na ginawa ko ang lahat upang hanapin ka nang mawala ka sa pagamutan. Gabi-gabi ko pinagdarasal na nasa mabuti kang kalagayan. Hindi mo batid kung gaano ako kasaya nang makita kitang buhay noong pumasok ka sa simbahan. Ngunit hindi ko akalain na sisirain mo pala ang aking kasal"

Tuluyan nang pumatak ang mga luha sa mata ni Maria Florencita dahilan para mas lalong madurog ang puso ko. Sinubukan kong lumapit sa kaniya pero agad siyang humakbang paatras. "T-tinuring kitang tunay na kaibigan. Nababatid mo lahat ng aking pangarap at nasa isipan. Kayo lang ni Amalia ang natatangi kong kaibigan. Sa katunayan, mas higit pa kitang pinahalagahan at mas maraming oras ang binigay ko sa iyo kumpara kay Amalia. Ngayon wala na siya, at wala ka na rin"

Napahawak si Maria Florencita sa kaniyang dibdib. Humahagulgol na siya ngayon. Hindi na rin maawat ang mga luha ko sa pagbagsak. Nabigo ko si Maria Florencita. Sinira ko ang tiwalang binigay niya.

"M-may pagtingin na ako kay Sebastian. Handa na akong mabuhay kasama niya. N-ngunit hindi na mangyayari iyon dahil pinili ka niya. Mas pinili niya ring sirain ang buhay niya para sa iyo" napailing ako at gusto ko sanang hawakan ang kamay niya at lumuhod sa harapan niya upang humingi ng tawad pero patuloy siyang humahakbang palayo sa'kin.

"P-patawarin mo ako. N-naging masama akong kaibigan sayo" pakiusap ko, lumuhod ako sa harapan niya. Sumisikip na ang dibdib ko at tuloy-tuloy nang kumawala ang aking mga luha. Dumating si Ornina at agad inalalayan si Maria Florencita dahil muntikan itong mawalan ng balanse.

"U-umalis ka na. Hindi ko na ibig na makita ka pa" saad ni Maria Florencita bago siya dalhin ng mga kasambahay pabalik sa kaniyang silid. Naiwan naman akong umiiyak mag-isa sa azotea habang pilit na humihingi ng tawad sa kaniya.


PATULOY kong pinapahid ang luha kong hindi pa rin matigil sa pagbagsak habang naglalakad ako papunta sa simbahan. Sinayang ko ang lahat ng pinagsamahan namin ni Maria Florencita. Kung paano niya ako tinulungan noon, tinago sa bahay nila, kung paano kami inaabot ng hatinggabi sa pagkwekwentuhan. Lahat ng iyon ay sinayang ko.

Napatigil ako sa paglalakad nang magkagulo ang mga tao sa pamilihan. Agad tumabi sa gilid ang lahat upang bigyang daan ang paparating na mga kawal. Wala si Sebastian, tanging mga guardia civil na halos nasa dalawampu ang bilang ang seryosong naglalakad ngayon at pinapalibutan ang tatlong lalaki na nakagapos hanggang siko.

Nakasuot ng puting kamiso ang tatlo ngunit nababalot ng lupa at dugo ang kanilang mga damit. Magulo ang buhok at may mga sugat at galos na sa katawan. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ang dalawa sa tatlong lalaking bihag. Sina Berning at Tadeo.

"Sino ang mga iyan?" tanong ng isang manong sa kaibigan nito. Nasa tabi ko sila.

"Mga tulisan. Hindi ba't sampu ang mga tulisang umatake noon kay heneral Guerrero at señorita Maria Florencita? Pito lang ang nahuli at pinugutan ng ulo"

"Kung gayon, nadakip na nila ang tatlong nawawala"

Tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan habang sinusundan ng tingin ang tatlong bihag.

Agad akong tumakbo papunta sa simbahan para makausap si padre Emmanuel. Naabutan ko siya sa silid-akalatan ng simbahan. "Padre, kilala ko na po kung sino ang nagtangkang pumatay sa'kin!" napatigil si padre Emmanuel sa pagbabasa ng isang makapal na libro at kalmadong tumingin sa'kin.

Umupo ako sa bakanteng silya na nasa tapat niya. "Hindi ko po sigurado kung si Berning o Tadeo. Pero isa sa po sa kanila ang siguradong bumaril sa'kin" patuloy ko, nanginginig na ang aking kamay at hindi na ako makahinga sa sobrang takot.

Maingat na sinara ni padre Emmanuel ang libro, "Ikaw ba ay nakasisiguro?" tanong niya, napailing ako. "Hindi ko po nakita ang mukha ng lalaking bumaril sa'kin pero may dahilan si Berning o Tadeo para gawin iyon. Nilaglag ko si Berning sa hukuman at kinampihan siya ni Tadeo"

Napabuntong-hininga si padre Emmanuel, "Mag-ingat ka sa kanila sapagkat tiyak na babalik sila upang paslangin ka" wika ni padre Emmanuel, ang kaniyang mga mata ay puno ng hiwaga at babala.

"H-hindi naman po nila alam na buhay pa ako"

"Alam nila" nagulat ako sa sinabi ni padre Emmauel. Hindi ako nakapagsalita. "Alam ng taong bumaril sayo na nabubuhay ka pa"

"P-paanong---"

Tumayo si Padre Emmanuel saka bumulong sa akin. Tuluyan nang nabalot ng matinding lamig ang buong katawan ko nang ipaliwanag niya sa akin kung bakit.

Nang matapos niyang ibulong iyon ay naglakad na siya papunta sa pintuan ngunit bago siya lumabas ay muli siyang lumingon sa akin at nagsalita, "Ito ang lihim ng Salamisim"


NAMAMANHID ang aking buong katawan at hindi ko maramdaman ang aking sarili habang naglalakad pabalik sa aklatan. Alas-siyete na ng gabi, ilang oras akong tulala sa silid-akalatan ng simbahan at hindi makapaniwala sa katotohanang ibinulong sa akin ni padre Emmanuel.

Tahimik na ang buong paligid. Sarado na ang mga tindahan sa pamilihan. Muling naghari ang katahimikan at takot ng lahat dahil sa pagkakadakip sa tatlong miyembero ng rebeldeng grupo.

Naghari ang takot at usap-usapan na hindi na ngayon magpapalaya ng bilanggo si Sebastian dahil nanganganib ang posisyon nito at kasalukuyang hinaharap ang kaso sa hukuman. Ang tatlong nabihag ngayon ay tiyak na mapupugutan din ng ulo.

Napatigil ako sa paglalakad nang matanaw ko ang ilang ale sa tapat ng tindahan ng mga aklat. May mga guardia civil na nakabantay doon at mahigpit na binabantayan ang buong aklatan.

"Anong nangyari?" tanong ng isang ale sa asawa nito. Halos sampung katao ang nagkukumpulan sa harap ng aklatan.

"Kilala mo ang binatilyong nagbabantay sa aklatang ito?"

Tumango ang lalaki, "Niyong ang pangalan ng batang iyon. Hindi ba't siya ang kutsero ng heneral?"

"Oo. Nagkakagulo nga ngayon sa fuerza de Santiago. Tumatangis si Niyong sa harapan ng fuerza at nagmamakaawa na pakawalan ang kaniyang ama" gulat akong napatingin sa kanila at sa tindahan ngayon na mahigpit na binabantayan ng mga guardia.

"Kasapi ng mga rebelde ang kaniyang ama?"

"Oo. Tatlo silang nabihag ng mga guardia at dinala sa bilangguan kaninang hapon"

Nanghina ang aking tuhod at napahawak ako sa aking dibdib na sumisikip na ngayon. Hindi ako makapaniwala na ang isang lalaki na kasama nina Berning at Tadeo na nakita kong bihag kanina ay ang tatay ni Niyong!


AGAD akong tumakbo papunta sa Fort Santiago. Kaliwa't kanan na ang tunog ng trumpeta, senyales na malapit na magsimula ang oras ng curfew. Sa totoong daloy ng kwento, mabibihag ang ama ni Niyong na magsasaka dahil sa pagtatanggol nito sa kanilang palayan.

Madali ko sanang mapapakiusap kay Sebastian na mapawalang-sala ang tatay ni Niyong pero dahil nagbago na ang lahat. Naging kaanib ito ng mga rebelde at ngayon ay tiyak na mahihirapan si Sebastian dahil kinukwestiyon ang pagpapalaya niya sa mga nahuling tulisan. Hindi na sia pwedeng magpawalang-sala ng mga rebelde.

Napatigil ako sa pagtakbo at napahawak sa aking puso habang patuloy na hinahabol ang aking paghinga. Natatanaw ko na ngayon ang Fort Santiago na napapalibutan ng mga guardia. Pawis na pawis at pagod na pagod na ako sa layo ng itinakbo ko, hindi rin ako maaaring mahuli ngayon ng mga rumurondang guardia civil dahil oras na ng curfew.

Nagulat ako nang biglang may matalim na espadang tumapat sa aking leeg. Hindi ako nakagalaw at nabalot ng lamig ang aking buong katawan. Dahan-dahan kong nilingon ang lalaking may hawak ng espada. Nakasuot ito ng itim na damit, salakot at may itim na tela na nakatakip sa mukha nito.

Nanlaki ang aking mga mata nang makilala ko ang mga mata ng lalaking iyon. Siya ang lalaking naka-takip ang mukha at bumaril sa akin!

"Magulo na ba ang nobelang ito na isinulat mo?" wika niya, animo'y tumigil ang tibok ng puso ko nang makilala ko ang boses ng lalaking iyon. Tinanggal niya ang itim na tela na nakatakip sa kaniyang mukha saka ngumisi.

"Ibig mo bang iligtas si Sebastian at ang iba pang tauhan sa kwentong ito?" patuloy ni Roberto, napapikit na lang ako nang maramdaman ko ang hapdi sa aking leeg at ang pagpatak ng aking dugo mula sa mababaw na sugat na una niyang ginawa sa aking lalamunan.

Nanginginig ang aking buong katawan. Naninigas at nalalamig ang aking mga mata, kamay, binti at labi habang nakatingin ng diretso sa kaniya. Naalala ko ang ibinulong sa akin ni padre Emmanuel kanina tungkol sa lihim ng Salamisim.

"Marahil ay paghihiganti lang ang ibig ng taong nagtangkang pumatay sayo. Ngunit dahil muntikan ka nang mamatay sa kamay niya, unti-unti nang magpapakita sa kaniyang isipan ang katotohanang hindi totoo ang mundong ito. Na ang lahat ng ito ay bahagi lamang ng isang nobela" napatitig ako sa kamay kong nanginginig na nakapatong sa mesa.

Huminga nang malalim si Padre Emmanuel saka nagpatuloy sa pagsasalita. "Ang sinumang karakter na makapatay sa manunulat ang siyang makakalabas sa kwentong ito. Siya ang papalit sa katauhan at buhay mo sa totoong mundo"


*************************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top