Kabanata 30

[Chapter 30]

MAALIWALAS ang kalangitan, malayang lumilipad ang mga ibon sa kalangitan. Maingat kong hinihimas ang buhok ni Sebastian habang nakahiga siya sa damuhan at nakapatong ang kaniyang ulo sa aking hita. Nasa ilalim kami ng isang malagong puno habang sinasayaw ng hangin ang matataas na talahib sa paligid.

Patuloy ang pag-ihip ng sariwang hangin na sinasabayan ko ng paghiging dahilan para makatulog nang mahimbing si Sebastian. Bukod sa iniisip niya pa ring panaginip ang lahat ng ito, hindi ko rin siya masisisi dahil nakainom siya ng alak.

"Huwag ka na umalis" saad niya habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Iginuhit ko ang aking daliri sa kaniyang kilay. "Dito na lang tayo habambuhay" patuloy niya, napatigil ako sa paghiging. Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ko sa sinabi niya. Dahil imposibleng mangyari iyon. Imposibleng magkatuluyan ang isang tao at ang isang tauhan na nabubuhay sa loob ng kwento.

Napahinga ako nang malalim saka pinagmasdan ang paligid. Ano ang mangyayari sa amin kung sakaling piliin kong mabuhay dito?

"Mas iibigin kong mabuhay nang payapa rito kasama mo" muli akong napatingin sa kaniya. Bakas sa kaniyang mukha na pagod na siya. Pagod na pagod na siya sa lahat ng kalungkutan at kasawian na kinamulatan niya mula pagkabata. Wala nang halaga sa kaniya ang anumang karangalan, posisyon, kapangyarihan at karangyaan.

"Ngunit..." pinigilan ko ang aking sarili, hindi ako pwedeng umiyak sa harapan niya. Hindi ko dapat iparamdam sa kaniya na malungkot ang panaginip na ito. "Marami ka pang tungkulin na dapat tapusin. Kumbaga sa isang kwento, may mahalaga kang papel" saad ko, nakita ko ang paggalaw ng kaniyang adam's apple na para bang may gusto siyang sabihin pero pinili niyang huwag ituloy.

"Kailangan mong patunayan sa lahat na hindi ikaw ang Sebastian Guerrero na maraming pinarusahan, pinabilanggo at pinaslang. Hindi ikaw ang Sebastian na makasarili sa pag-ibig. Hindi ikaw ang kontrabida sa isang nobela" dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at pinagmasdan ako. Umiwas ako ng tingin at agad kong pinunasan ang mga luha kong hindi na matigil sa pagbagsak.

Iniangat niya ang kaniyang kamay habang nakahiga pa rin sa hita ko at maingat niyang pinunasan ang aking mga luha. "Hindi sa akin mahalaga kung anumang isipin ng iba. Maaari nilang isipin kung anong gusto nila. Ang mahalaga ay naniniwala kang hindi ako masamang tao tulad ng sinasabi nila" napapikit na lang ako at tumango sa sinabi niya. Kasalanan ko kung bakit puro malulungkot at pagkasawi ang nararanasan niya.

Hinawakan ko ang kamay niya at tumingin ng diretso sa kaniyang mga mata. "N-ngunit kailangan mo iligtas ang mga buhay na nanganganib ngayon. Hindi ba't sinabi mo sa akin na walang buhay ang dapat mawala nang walang dahilan" paalala ko sa kaniya, napaiwas siya ng tingin sa'kin at ibinaba na niya ang kaniyang kamay.

Kasalukuyan na niyang pinagmamasdan ang asul na kalangitan at mapuputing ulap. "Kailangan kong mabigyan ng katarungan ang iyong sinapit. Wala akong nagawa noong namatay ang aking ina, isa akong batang mahina, walang kapangyarihan at walang muwang"

"Ngunit ngayon iba na. Hindi ko hahayaang mauwi sa wala ang nangyari sa iyo" patuloy niya, hindi ako nakapagsalita at napayuko na lang. Kagabi pa sumasagi sa isipan ko na maaaring si Berning o Roberto ang nagtangkang pumatay sa'kin dahil nilaglag ko sila sa hukuman.

Itinaas ni Sebastian ang kaniyang kamay na parang inaabot niya ang mga ulap sa langit. "Ano ang hitsura ng langit?" tanong niya, sandali ko siyang pinagmasdan. Animo'y ibig niyang iparating sa akin na gusto na rin niyang matapos ang lahat at sumunod sa kabilang buhay.

"Aking napagtanto na alinmang kamatayan ang aking sasapitin ay maluwag ko nang tatanggapin iyon. Maiiwan ba akong duguan sa loob ng isang selda? Mahahatulan ng kamatay sa harap ng taumbayan sa paraan ng garrote?" ang kaniyang mga mata ay tuluyan nang nabalot ng lungkot at kawalan ng pag-asa. "Alinman doon... Hindi na sa akin mahalaga" patuloy niya saka ibinaba ang kaniyang mga kamay at muling ipinikit ang kaniyang mga mata.

"O kung maaari ay hindi na ako magising sa panaginip na ito" napapikit na lang ako at maging ako ay nagulat nang mahampas ko siya sa tiyan. Nagulat siya at tila nagising ang kaniyang diwa.

"Sinong may sabi na okay lang mamatay nang gano'n? Kung alam mo lang kung gaano ako nagsisisi ngayon sa dami ng tauhan na pinatay ko sa kwento. Nilalamon na rin ako ng konsensiya sa mga tauhang ginawa kong trahedya ang buhay. Hindi iyon sapat na dahilan para tapusin ang buhay ng isang tao o karakter. Walang dapat na mamatay nang walang dahilan!" napatakip na lang ako sa aking mukha. Hindi ko kakayanin kung basta na lang susuko si Sebastian at hahayaan niyang mangyari ang kamatayan niya sa kwentong ito.

Naramdaman ko ang pagtapik niya sa balikat ko hanggang sa niyakap niya ako. Nang dahil sa ginawa niya ay mas lalong kumawala ang aking mga luha. Humahagulgol na ako na parang bata. Dahan-dahan niyang tinapik ang aking likod habang yakap ako nang mahigpit.

"Huwag ka nang lumuha... Hindi ako mamamatay nang walang dahilan. Hindi ko hahayaang mangyari iyon" saad niya dahilan para gumaan ang aking pakiramdam. Bumitaw ako sa pagkakayakap niya at tiningnan siya ng diretso sa mata upang siguraduhin kung nagsasabi ba siya ng totoo.

Ngumiti siya nang marahan bagay na sobrang bihira lang niya gawin. "Promise?" tanong ko saka itinapat ang hinliliit kong daliri. Napatingin siya roon, kinuha ko ang kamay niya saka itinali iyon sa aking daliri. "Sabihin mo, promise" saad ko, naguguluhan siya kung bakit naka-pnky swear kami ngayon.

"P-pramis" tugon niya, napangiti ako sabay pahid ng aking luha. Kung nasa katinuan pa talaga si Sebastian siguradong gulong-gulo na siya sa pabago-bago kong mood.

Napakamot si Sebastian sa kaniyang ulo at napahawak sa kaniyang tiyan. "Hindi ko batid kung bakit nakakaramdam ako sa panaginip na ito" wika niya dahilan para mapatigil ako. Umiling din siya na animo'y nilalaban niya ang pagkalango sa alak.

Agad kong hinawakan ang magkabilang balikat niya saka pinahiga muli ang ulo niya sa aking hita. "Gusto mo bang kantahan kita ulit?" pag-iiba ko ng usapan, nakatingin lang siya sa'kin. Bakas sa mukha niya na unti-unti na niyang napagtatanto na totoo ang nangyayari ngayon.

"Sikat ang kantang 'to... Buko by Jireh Lim" saad ko, napakunot ang noo niya. "Hindi ko ibig makarinig ng awit na may kinalaman sa buko" naging seryoso muli ang hitsura niya dahilan para matawa ako. "Hindi naman 'to tungkol sa buko. Buhay Ko ang ibig sabihin 'nung kanta" paliwanag ko pero umiling lang siya.

Napahalukipkip siya at ipinikit ang kaniyang mga mata. Napangiti ako saka muling hinimas ang kaniyang buhok. Sinimulan ko muli ang paghiging sa pag-asang magbigay ito ng kapayapaan sa kaniyang puso. Alam kong magigising siya mayamaya na wala na ako sa tabi niya, mas mabuting maalala na lang niya ito bilang isang panaginip.


NAKAUPO ako sa tapat ng simbahan. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi mawala sa isip ko si Sebastian. Kung paano ko siya iniwan doon mag-isa habang payapang natutulog. Hindi niya pwedeng malaman na buhay pa ako. Hindi niya pwedeng malaman na hindi totoo ang mundong ito.

Gulat akong napatayo nang tumigil ang isang kalesa sa tapat ng simbahan. Bumaba mula roon si Padre Emmanuel. Hindi naman siya nagulat nang makita ako. Nang makaalis ang kalesa, tumingin siya sa'kin bago niya buksan ang pinto ng simbahan.

Agad akong sumunod sa kaniya papasok. Tahimik ang loob ng simbahan, may mga sakristan na abala sa pagpupunas ng mga upuan. Dumiretso kami sa pasilyo at pumasok sa isang silid-aklatan. "Hindi ka nagpakita kay Sebastian?" tanong ni padre Emmanuel habang pumipili ng libro.

Umiling ako saka yumuko. "Sa iyong palagay, ano ang mararamdaman ni Sebastian sa oras na malaman niya na hindi pala totoo ang lahat ng ito? Na ito ay bahagi lamang ng kathang-isip ng isang manunulat" patuloy ni Padre Emmanuel, saka kinuha ang isang pamilyar na libro.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita na iyon ang makapal na libro na may pamagat na Salamisim. Umupo si Padre Emmanuel sa bakanteng silya saka tumingin sa'kin. "P-paano po pala kayo nakalabas sa bilangguan? Hindi po ba nila ako hinanap?" tanong ko, umiling si padre Emmanuel.

"Wala ka namang halaga sa mga guardia. Mas kailangan nila ang salapi" tugon niya. Salapi nga pala ang isa sa pinakamakapangyarihang bagay saang lupalop man ng mundo.

Umupo na ako sa katapat na silya habang nakatitig pa rin sa librong iyon. "Malapit nang magtapos ang Salamisim. Ano ang iyong balak?" tanong niya dahilan upang matauhan ako.

"Hindi ba't pagkatapos ng kasal nina Sebastian at Maria Florencita ay maghihimagsik na ang mga rebelde? Hindi pa dapat malaman ni Lorenzo na magkaanib sina Roberto at Berning ngunit pinangunahan mo na kaya maaaring mahirapan si Roberto na alukan ng tulong si Lorenzo. Sa huli pa dapat niya malalaman na pinagtaksilan siya ni Berning" napayuko ako, hindi pa dapat talaga nalaman ni Lorenzo ang tungkol kay Berning. Mukhang malabo na maging magkakampi sina Lorenzo at Roberto.

"Kung hindi tatanggapin ni Lorenzo ang pakikipagsanib pwersa ni Roberto. Babagsak ang samahan sa kamay ni Sebastian. Sinira mo ang tiwala ng bidang lalaki sa kwentong ito" patuloy ni padre Emmanuel. Hindi ko na magawang tumingin sa kaniya.

"Ngunit hindi pa naman huli ang lahat, kalimutan mo na ang iyong nararamdaman para kay Sebastian. Ito ang tanging paraan upang magpatuloy ang daloy ng kwento. Kailangang lumakas ang pwersa ng mga rebelde. Kailangan ni Lorenzo ang pwersa nina Roberto at Berning nang sa gayon ay mapabagsak nila si Sebastian at ang pamahalaan"

Nagsimulang sumikip ang puso ko, "P-paano naman po si Sebastian? Hindi siya pwedeng mamatay" muling kumawala ang mga luha sa aking mga mata. Sandaling natahimik si padre Emmanuel at napahinga siya ng malalim.

"Kung gayon, ibig mo siyang iligtas? Sa paanong paraan? Hahayaan mong tugisin niya ang mga rebelde at mamatay ang isang libong tao?"

"Hindi. Hindi ko hahayaang maging tulad siya ng masamang karakter na walang awa at pumapatay ng mga inosente. Hindi gano'n si Sebast---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang nagsalita si padre Emmanuel, seryoso na ang kaniyang mukha.

"Isa siyang masamang karakter sa istoryang ito. Iyon ang dapat niyan gampanan. Siya ang susubok sa katatagan ng mga bida sa kwentong ito" saad ni padre Emmanuel, napataas ang kaniyang boses dahilan upang masindak ako at gulat na napatitig sa kaniya.

Hindi ako nakapagsalita. Totoo nga naman, si Sebastian Guerrero ang kontrabidang ginawa ko sa nobelang ito. Masama, walang awa, puno ng kasawian, at siyang magiging dahilan ng pagkamatay ng libo-libong tauhan.

"N-ngunit iba na po siya ngayon. Hindi siya likas na masama. Nababalot ng dilim ang kaniyang buhay dahil lumaki siya sa kalungkutan at kadiliman. Ang lahat ng dinanas niya mula pagkabata ang siyang naging dahilan kung bakit iniisip ng iba na siya ay masama. Wala na siyang ina, wala siyang kaibigan, malayo ang loob ng kaniyang ama sa kaniya, hindi siya mahal ni Maria Florencita, nililibak at hinuhusgahan siya ng mga taong nasa paligid niya kapag nakatalikod siya. Kahit kailan... Hindi niya naranasan na magkaroon ng taong pagkakatiwalaan..."

"At sa iyong palagay ay sapat nang dahilan iyon para mabago ang isang tulad niya? Nang dahil sa kabutihang pinakita mo sa kaniya ay magbabago na ang kaniyang karakter? Pinanganak siyang Sebastian Guerrero at mamatay din siya ayon sa nakatakda sa nobelang ito"

"Babaguhin ko ang mga dapat baguhin"

"Iwasan mo ang dapat iwasan"

"Hindi ko hahayaan na mamatay nang walang dahilan si Sebastian o kung sinumang tauhan sa kwentong ito"

Napatigil si padre Emmanuel habang nakatingin pa rin sa'kin. Animo'y dismayado siya sa katigasan ng ulo ko. Muli siyang napabuntong-hininga saka dahan-dahang itinulak ang libro na nakapatong sa mesa papalapit sa akin.

"Kung ibig mong guluhin ang nobelang ito. Marapat siguro na umpisahan mo nang ipatupok sa apoy ang Salamisim" wika ni padre Emmanuel saka tumayo. Tumalikod na siya at naglakad papunta sa pintuan ngunit bago niya buksan iyon ay napatigil muna siya at nagsalita.

"Magtungo ka sa Panciteria, may dapat kang malaman" wika niya, itatanong ko pa sana kung ano iyon ngunit tuluyan na siyang nakalabas sa silid-aklatan. Tulala kong ibinalik ang aking tingin sa lumang libro ng Salamisim. Batid na ni padre Emmanuel na tinapon at sinayang ko na ang lahat ng pinaghirapan ko sa nobelang ito kaya mas makabubuti kung sunugin ko na lang at hayaang tupukin ng apoy ang lahat ng trahedyang laman nito.


HINDI ako mapalagay habang nakatayo sa tapat ng Panciteria. Umaasa ako na wala silang ideya kung anong nangyari sa'kin noong nakaraang linggo. Nawa'y tulad ni Lorenzo ay hindi sa kanila nakarating ang balitang iyon na tanging sina Sebastian at Maria Florencita lang ang nakakaalam.

Napatigil ako nang makita si Lolita. Tulala at namumutla itong naglalakad papasok sa Panciteria. Napatigil din siya sa paglalakad nang makita ako. Kasunod niyon ay tuluyan nang bumagsak ang mga luha sa kaniyang mga mata.

Agad akong tumakbo papalapit sa kaniya at hinawakan ang magkabilang balikat niya. "A-ate Tanya... B-bakit ngayon ka lang dumating?" hagulgol niya saka napabagsak sa lupa. Hindi ko maintindihan ang mga pangyayari ngunit ang mas lalong ikinagulat ko ay ang sunod na sinabi ni Lolita. "W-wala na si ate Amalia"

Alas-dos na ng hapon nang marating namin ang sementeryo. Nanghina ang aking tuhod hanggang sa mapabagsak na lang ako sa damuhan habang nakatitig sa libingan ni Amalia. Maging si Lolita ay napayuko at nagsumilang humikbi, inilapag niya sa puntod ni Amalia ang bulaklak ng Chrysanthemum. "H-hindi namin batid kung saan ka hahanapin ate Tanya sa Bulakan at kung paano ipaparating sa iyo ang sinapit ni ate Amalia" panimula ni Lolita habang nakatayo sa tabi ko.

Tulala akong nakatingin sa puntod ni Amalia habang dahan-dahang pumapatak ang aking luha. Ginawa namin ni Sebastian ang lahat para iligtas siya, naging dahilan din ito ng kapahamakan ni Sebastian. Ito rin ang puno't dahil kung bakit ko binunyag ang sabwatan nina Roberto at Berning na siyang dahilan kung bakit ibig nila akong gantihan.

Ang lahat ng iyon ay nauwi sa wala dahil namatay pa rin si Amalia ayon sa takbo ng kwento.

"M-mabuti na ang kalagayan niya hindi ba? Ngunit hindi namin maunawaan kung bakit isang gabi ay inapoy siya ng lagnat at nagsuka muli siya ng dugo hanggang sa bawian siya ng buhay bago sumapit ang umaga" hagulgol ni Lolita at napaupo na rin ito sa damuhan.

Makulimlim ang langit, animo'y nagbabadiyang umambon anumang oras. "H-hindi na nagawang makapagsalita ni ate Amalia sa huling sandali. May ibig siyang sabihin sa amin ngunit hindi na niya kaya. Hindi na rin magkamayaw sina aling Pacing at Mang Pedro sa paghingi ng saklolo sa mga manggagamot" patuloy ni Lolita, napapikit na lang ako at hinayaang bumagsak ang aking mga luha na parang matagal nang nakulong sa mga ulap.

"Ate Tanya, a-aking nararamdaman na pilit na lumalaban si ate Amalia. Hindi niya ibig mamatay. Hindi niya ibig iwan tayong lahat" hindi na ako nakapagsalita, napahagulgol na lang ako sa puntod ni Amalia. Wala ako sa tabi niya bago siya bawian ng buhay, hindi ko man lang nasabi sa kaniya na masaya akong nakilala siya at higit sa lahat, hindi man lang ako nakahingi ng tawad dahil ako ang may kasalanan kung bakit ganito ang sinapit ng buhay niya.

At kahit paulit-ulit akong humingi ng tawad, hindi na niya maririnig dahil wala na siya.


KINABUKASAN, tulala akong nakaupo sa maliit na kama. Kasalukuyan akong nasa loob ng kumbento. Dito muna ako itinago ni padre Emmanuel. Ayon sa kaniya, mas lalong magugulo ang lahat kapag nakita ako nina Sebastian at Maria Florencita. Sila ang nakasaksi kung gaano kalala ang tinamo kong sugat.

Kailangan kong palipasin ang isang buwan o higit pa at kung hindi talaga mapipigilan ang tadhana at makita ko ang isa sa kanila, sapat na ang isang buwang pagkawala ko para sabihing tinulungan ako ng mga rebelde at nagpagaling ako sa loob ng isang buwan.

Kakatapos lang ng Pasko at ngayon ay bagong taon na. Halos hindi ako lumabas sa aking silid dito sa kumbento ng isang linggo. Nang samahan ako ni Lolita sa sementeryo ay ipinakiusap ko sa kaniya na walang ibang dapat makaalam na bumalik ako.

Batid din niya na kasama sa samahan sina aling Pacing at Mang Pedro. Maging ang kaniyang ina ay kaanib din ng mga rebelde kung kaya't hindi na rin siya nagtaka na maging ako ay kasapi ng samahan.

Nang gabi ring iyon ay lumabas ako sa kumbento upang magtungo sa plaza at panoorin ang pagsalubong ng bagong taon. Nagsuot ako ng pulang balabal. Alas-siyete pa lang ng gabi ay may nagpapaputok na ng kuwitis. Hindi ko mawari kung masaya ang lahat. Kahit isang linggo pa lang ang nakakalipas mula nang tugisin ni Sebastian ang mga rebelde sa isang barrio.

"Sa iyong palagay ay maibigan kaya ito ni heneral Guerrero?" tanong ng isang ale sa mga kaibigan niya. Apat silang naglalakad suot ang mga balabal at may dalang mga bayong na puno ng mga bilog na prutas.

Nakatayo ako sa tabi ng isang tindera na nagbebenta ng mga laruang kahoy para sa mga bata. Maraming tao sa plaza at nag-aabang ang lahat para sa maraming paputok na maghahari mamaya sa kalangitan.

"Nawa'y maibigan niya. Ito lang ang ating makakaya bilang pagtanaw ng ating pasasalamat" tugong ng isang ale na sinang-ayunan ng iba. "Mabuti na lang dahil nagbago ang isip ng heneral at pinalaya ang lahat ng pinadakip sa ating barrio. Hindi ko na hahayaang umanib sa tulisan ang aking asawa't anak" wika ng isa, sinundan ko sila ng tingin hanggang sa maglaho sila sa dami ng tao.

Pinagmasdan ko ang paligid, kaya pala halos masaya ang lahat ngayon dahil pinakawalan na ni Sebastian ang lahat ng ibinilanggo nila noong nakaraan. Ni isa ay walang namatay, ni isa ay walang naparusahan.

Napatigil ako nang may humawak sa kamay ko mula sa likuran. "Manigong bagong taon po" bati ng batang babae. Gulat akong napalingon sa kaniya at napangiti. Hindi ko akalaing makikita ko ulit siya ngayon.

"Manigong bagong taon po, señorita" bati ng kaniyang tatay na nakahawak sa balikat ng anak. Tila natunaw ang puso ko dahil sa kanilang masayang ngiti. Malinis at maayos din ang kanilang kasuotan na animo'y tinabi nila ang mga damit na iyon para may masuot sa mga okasyon.

"Nabanggit ho sa akin ni Adencia na hinandugan niyo ng awitin sa bilangguan. At nangako rin ho kayo na makakalabas kami. Hindi ho namin akalain na kaming lahat na dinakip ay mapapawalang-sala" ngiti ng tatay ni Adencia saka ilang ulit na yumuko sa harapan ko upang magpasalamat.

Agad ko siyang pinatigil sa pagyuko, "Wala po iyon, masaya ako na magkasama kayo muli ni Adencia. Magkasama niyong sasalubungin ang bagong taon" ngiti ko, may binigay na parihabang matigas na papel sa'kin si Adencia. Kulay pula ito na parang sinawsaw sa wax ng kandila.

"Maraming salamat" saad ko saka kinuha ang binigay niya. Umupo ako sa tapat niya upang maging kapantay siya. "Ito lang po ang aming makakaya namin ni itay na handog bilang pasasalamat sa inyo. Ako po ang gumawa niyan. Ang hanapbuhay po ni itay ay paggawa ng kandila" wika niya, napangiti ako saka pinagmasdan ang regalo niya.

"Maaari niyo hong gamitin iyan pang-ipit sa pahina ng libro upang hindi kayo maligaw" patuloy ni Adencia dahilan para mapatigil ako at muling mapatingin sa kaniya. Ang ngiti nilang mag-ama ay tila pamilyar sa'kin. Parang nakita ko na sila dati.

"Salamat, gagamitin ko araw-araw" ngiti ko saka hinawi ang buhok niya na tumatama sa kaniyang mata. Muli silang nagpasalamat saka nagpaalam na. Sinundan ko sila ng tingin papunta sa pamilihan, muling lumingon sa akin si Adencia saka kumaway at ngumiti.

Itinaas ko ang aking kaliwang kamay at kumaway nang marahan sa kaniya. Muli akong napatitig sa bookmark na binigay niya. Hindi ko akalain na batid ng isang bata na tulad niya na mahilig akong magbasa ng libro.


BAGO sumikat ang araw ay naisipan kong dumaan sa sementeryo. Bitbit ang isang kumpol ng mirasol, suot ko rin ang itim na talukbong panangga sa hamog at malamig na hangin. Napatigil ako nang matanaw ang pamilyar na lalaki na nakaupo sa tabi ng puntod ni Amalia.

Mula sa kabilang bukana ng sementeryo ay nakita ko ang pamilyar na kalesa. Naroon si Niyong habang binabantayan ang kabayo. Muli akong napatingin sa lalaking nakatalikod at nakasuot ng itim na coat at sumbrerong de copa.

May dinampot itong bote ng alak sa tabi at nilaklak iyon ng diretso. Nang wala na siyang mainom ay binitawan na lang niya ito at hinayaang gumulong sa damuhan. Hindi ko namalayan na dinadala na ako ng aking mga paa papalapit sa kaniya.

Lasing siya, lango na naman siya sa alak. Siguradong iisipin niya na panaginip na naman ang lahat ng ito.

Dinampot ko ang bote ng alak at naupo sa tabi niya. Nakayuko siya saka tumingin sa akin nang maramdaman niyang may tumabi sa kaniya. "A-ang tagal mong hindi nagpakita" wika niya habang sumusuray ang kaniyang mga mata. Mas lasing siya ngayon kumpara noong huli ko siyang nakita.

Malalim na rin ang kaniyang mga mata, hindi na ako magtataka kung araw-araw o gabi-gabi siyang nagpapakalango sa alak. "H-hindi na ako magpapakita kapag patuloy mong ginagawa 'to. Sinisira mo ang buhay mo" saad ko habang nakatingin sa puntod ni Amalia.

Hindi nakapagsalita si Sebastian, pilit niyang nilalaban ang pagkahilo. Ilang minuto kaming natahimik, nakatitig lang ako sa puntod ni Amalia habang siya naman ay nakayuko. Nababalot ng makapal na hamog ang sementeryo, kulay asul na ang langit at nagbabadiya na ang araw na malapit nang sumikat.

"A-ang sabi ng mga prayle, apatnapung araw lang ang mga yumao dito sa lupa bago magtungo sa purgatoryo. Wala pa namang apatnapung araw ngunit bakit hindi ka na dumadalaw sa aking panaginip?" wika niya habang nakayuko, dahan-dahan akong napatingin sa kaniya. Nagsimula siyang humikbi. Mas lalong bumigat ang puso ko, hindi na dapat siguro ako nagpakita sa kaniya 'nung una pa lang para hindi na siya umasa ng ganito.

"N-ngunit huwag mag-alala, araw-araw kitang dadalawin dito" patuloy niya saka muling tumingin sa puntod na nasa tabi ni Amalia. Hinawi niya ang mga tuyong dahon na nasa ibabaw nito. Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang nakaukit sa krus. Mary Faye Vasquez.

"Hindi ko batid kung saan dinala ng inyong samahan ang iyong mga labi... Kung kaya't dito ko na lang inilibing ang iyong mga gamit" saad niya saka muling napayuko. Pilit niyang nilalabanan ang kaniyang mga luha at pagkahilo dahil sa alak.

Hindi ko na kaya. Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ko habang pinagmamasdan kung paano siya humikbi ngayon sa harapan ng aking puntod. Dahan-dahan kong iniangat ang aking kamay at hinawakan ang balikat niya.

"S-sebastian..." panimula ko, napatigil siya saka lumingon sa akin. Namamaga na ang kaniyang mga mata. "S-salamat dahil pinatunayan mo sa lahat na hindi ka masamang tao. Iniligtas mo sila sa kamatayan. Masaya nilang sinalubong ang bagong taon. K-kung nakita mo lang kung gaano sila kasaya na panoorin ang mga kuwitis sa langit, huwag mo sanang isipin na wala ka nang magagawa. Marami ka pang magagawa at marami ka pang mapapatunayan sa lahat" nakatitig lang siya sa'kin na parang batang nakikiusap na 'wag akong umalis.

Nagulat ako nang bigla niya akong sinunggaban at niyakap dahilan upang mapabagsak kami sa damuhan. "H-hindi. Bakit tila nagpapaalam ka na? H-hindi ka maaring umalis. I-isama mo na ako" pakiusap niya at yumakap sa'kin nang mahigpit na parang ayaw niya akong pakawalan.

Napatitig na lang ako sa asul na langit, malapit na ang kabilugan ng buwan. Mas lalong nanikip ang dibdib ko nang magsimula siyang humagugol. Malayong-malayo sa Sebastian Guerrero na kilala ng lahat bilang walang imik, walang reaksyon at tipid magsalita.

"Malapit na ang kabilugan ng buwan. Kompleto na ang liwanag sa gabi. Malapit na matapos ang lahat" tulala kong saan habang bumabagsak ang luha sa aking mata. "At sa oras na mangyari iyon, ikaw ang pinakamagandang Salamisim na babaunin ko habambuhay" patuloy ko habang tulala pa rin sa kalangitan.

Niyakap ko na lang din nang mahigpit si Sebastian at hinihintay na mapagod siya sa pag-iyak. Sa oras na makatulog siya, mananatili pa rin akong bahagi ng panaginip ayon sa kaniyang alaala.


BUWAN ng Pebrero sa unang sabado magaganap ang kasal nina Maria Florencita at Sebastian. Halos isang buwang laman ng bayan ang pag-iisang dibdib ng dalawang mula sa makapangyarihan at maimpluwensiyang pamilya.

Paminsan-minsan ay lumalabas ako ng kumbento para tunghayan kung ano na ang nangyayari. Natahimik ang mga rebelde, isang buwang walang nangyaring pagkilos. Kung minsan ay naghihintay ako sa tindahan na nasa tapat ng Panciteria upang abangan si Lorenzo ngunit hindi ko siya naabutan.

Yari na ang traje de boda ni Maria Florencita at dinagsa ang patahian ng damit ni aling Rosita dahil sa ganda ng ginawa nitong damit para anak ni Don Florencio. Sa loob ng isang buwang pananahimik ko, umayon ang lahat sa takbo ng kwento. Walang nabago at walang nagulo.

Ngunit hindi ako makatulog nang maayos habang papalapit na ng papalapit ang araw ng kasal nila. Naalala ko kung paano umiyak si Sebastian noong huli kaming nagkita. Hanggang sa huling sandali kahit tuluyan na siyang nakatulog ay mahigpit pa rin ang yakap niya sa'kin.

Si padre Emmanuel ang magiging pari sa kasal. Abala rin ang simbahan lalo na sa pagsasaayos nito para sa nalalapit na kasal.

Dumating na nga ang araw na pinakahihintay ng lahat. Maaga pa lang ay dumagsa na ang mga bisita suot ang kanilang magagarbong kasuotan. Samantala, tulala lang akong nakaupo sa kama at nakatanaw sa bintana kung saan pinagmamasdan ko ang hardin ng simbahan na walang katao-tao. Naroon lang ang mga ibon at paru-parong malayang lumilipad.

Kung anu-ano na ang tumatakbo sa isipan ko habang naririnig ang malalayong boses mula sa loob ng simbahan. Mula nang makapasok ako sa librong ito, kapakanan ng iba ang lagi kong iniisip. Kung paano ko masisiguro na maayos ang maging takbo ng kwento, kung paano ko matutuwid ang mga eksenang nagawa ko guluhin at kung paano ko magagawang iligtas ang mga karakter na nasa panganib.

Hindi mawala sa aking isipan ang ideya na pagbigyan ko naman ang aking sarili. Na kahit ito lang, subukan kong baguhin ang eksenang ito at mailayo si Sebastian sa pag-ibig na hindi naman siya masusuklian. Mailayo siya sa pag-ibig na maglalagay din sa kaniya sa kamatayan sa huli.

Napatayo ako nang marinig ko ang pagtunog ng kampana. Hudyat na magsisimula na ang kasalan. Agad akong tumayo at nagulat ako dahil hindi ko mabuksan ang pinto. Kinalabog ko ito ng ilang ulit ngunit tila nakakandado ito sa labas.

"May tao ba diyan? Tulong! Palabasin niyo ako dito!" sigaw ko ngunit walang sumasagot sa tahimik na pasilyo ng kumbento. Nasa likod ng simbahan ang kumbento, hindi naman ito gano'n kalayo ngunit tiyak na nasa seremonya na sa simbahan ang lahat.

Sinipa ko rin ng ilang ulit ang pinto ngunit matibay ang pagkakasara nito. Agad kong kinuha ang kumot, sapin sa kama, punda sa unan at kurtina. Pinagdugtong-dugtong at tinali ko ang lahat ng iyon saka tinali sa paa ng kama at inihulog sa bintana. Wala na akong pakialam kung mapatid ito at bumagsak ako sa hardin.

Maingat akong nakababa mula roon, ngunit nagkamali ako ng bagsak at natapilok ang aking kaliwang paa dahilan upang paika-ika kong tinahak ang hardin na pumapagitna sa likod ng simbahan at kumbento.

Tinahak ko ang mahahabang pasilyo patungo sa labas dahil sarado ang mga malalaking pintuan sa gilid ng simbahan. Puno na ng mga tao sa loob, abala sa pagpaypay ang mga babae hawak ang kani-kanilang magagarang abaniko.

Naririnig ko na ang musika na tumutugtog sa loob, senyales na kanina pa nag-umpisa ang paglakad ng mga abay, pamilya at ng dalawang mag-iisang dibdib. Napahawak ako sa magaspang na pader dahil hindi ko na mailakad nang maayos ang aking kaliwang paa.

Nagsimula nang magsalita si padre Emmanuel nang marating ko ang harapang pintuan ng simbahan. Nakabukas ito dahil may mga tao pang nakatayo sa labas na ibig makasaksi sa magarbong kasal. Nakahelera ng maayos ang magagarang kalesa sa labas na pag-aari ng mayayamang bisita at mga opisyal na may katungkulan.

Mabilis akong naglakad papasok sa loob, wala na akong pakialam kahit paika-ika ang lakad ko ngayon, kahit magulo na ang buhok ko at marumi na rin ang dulo ng mahaba kong saya.

"Sandali!" sigaw ko nang makapasok ako sa pinto. Napatigil sa pagsasalita si padre Emmanuel, napalingon ang lahat ng bisita sa akin. Gulat na napatingin sa'kin si Maria Florencita, napatakip pa siya sa kaniyang bibig. Samantala, halos walang kurap na nakatingin sa akin si Sebastian, animo'y hindi siya makapaniwala kung bakit ako nandito ngayon.

Nagtatalo sa kaniyang isipan kung totoo ba ito o isang panaginip na naman na dulot ng nalalapit na kasal na ibig niyang iwasan. Napahawak ako sa aking dibdib. Hinahabol ko ang aking hininga. Hindi ako titigil dito. Hindi dito magtatapos ang lahat. Hindi ako nakarating dito sa layo ng pinanggalingan ko para sumuko lang.

Nagkatinginan ang mga bisita at nagsimula ang mga bulungan. Nakakunot ang noo nina Don Florencio, Don Antonio at Don Severino. Nagpabalik-balik naman ang tingin ni Niyong sa akin at kay Sebastian ngunit sa huli ay napangiti rin siya. Hindi rin makapaniwala sina Aling Pacing, Mang Pedro, Aling Lucia at Lolita dahil ilang araw na akong hindi bumalik sa pag-aakalang ibig ko nang manirahan muli sa Bulakan.

Pilit kong pinipigilan ang pagbagsak ng aking mga luha habang nakatitig kay Sebastian. Pagod na akong gumawa ng kwento na palaging nililigtas ang babae ng lalaki. Ayoko na palaging nauuwing sawi at bigo ang lalaki sa huli. Hindi ko na gusto na laging nagwawakas sa trahedya ang pagmamahalan na buong pusong pinaglaban.

Naalala ko kung paano ko batikusin ang mga palabas at kwento na nagwawakas ng masaya. Na ang ending ay laging kinakasal ang mga bida. Naalala ko kung ilang karakter ang binawian ko ng buhay para maging matatag ang mga karakter na may pangunahing tungkulin sa kwento.

Naalala ko kung paano ako kinikilabutan sa mga cliché na kwento at korning linyahan. Pero ngayon, gusto kong maranasan iyon, gusto kong magkaroon ng masayawang wakas at maranasan ang mga korning linya.

Napalunok ako saka ngumiti kay Sebastian. Hindi ko akalaing magagawa kong sirain muli ang kwentong ito, at kailanman ay hindi ko nakita ang sarili ko na umeksena sa kasal at sabihin ang pinakagasgas na linya sa eksenang ganito. 

"I-itigil ang kasal!" sigaw ko, sa hindi malamang dahilan ay ako lang ata ang epal na tao na nakangiti nang bigkasin ang salitang iyon. At sa hindi ring malamang dahilan ay si Sebastian lang din ata ang ikakasal na masayang may umeksena sa kasal na pinaghandaan ng buong bayan.

Gusto ko maranasan ang happy ending na lagi kong nakikita sa mga palabas at nobela. Gusto kong magkasama naming haharapin ni Sebastian ang wakas ng kwentong ito nang masaya. 

********************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top