Kabanata 3

[Chapter 3]

DAHAN-DAHAN akong napatingin sa nakatali kong kamay. Parang na-blanko ang utak ko. Anong nangyayari? Hindi ba ito panaginip?

Apat na kawal ang naglalakad papalapit sa harapan ng tindahan ng mga libro. Tumingin si Sebastian sa binatilyo at mabilis niya akong hinila papunta sa isang silid na nasa likuran ng mesa.

"Bantayan mo siyang mabuti, ako'y babalik mamaya" bilin niya sa binatilyo, tumingin muna siya sa akin bago siya umalis at lumabas sa tindahan na para bang sinasabi niya na 'wag kong tangkain tumakas dahil mas mapapadali ang buhay ko.

Agad isinara ng binatilyo ang pinto at sinusian ito. Pilit kong binabangga ang aking balikat sa pinto ngunit matibay ang pagkakasara nito. "Ano bang ginawa ko? Let me explain first!" sigaw ko hanggang sa mapagod na lang ako. Sumandal ako sa pinto saka dahan-dahang napabagsak sa sahig. Hindi ko malaman kung gutom, pagod o sa hindi ko matanggap na pangyayari ang siyang dahilan ng pagdilim ng aking paningin at sandaling mawalan ng malay.

NAALIMPUNGATAN ako sa sunod-sunod na pagbagsak ng libro sa sahig. Animo'y inaayos ito at ibinabalik sa pwesto. Buong pwersa akong bumangon, hindi ako makagalaw at nangangalay na ang aking braso at kamay dahil nakatali pa rin ako hanggang ngayon.

Natauhan ako nang maalala ang huling nangyari. Pinilit kong tumayo at inilibot ang aking mga mata sa paligid. Sa aking palagay ay nasa loob ako ng isang stockroom ng mga libro. Karamihan ay mga sira na at ang iba ay may bakas na nabasa ito.

Masikip ang stock room na halos kasing-laki lang ng banyo namin sa bahay. May liwanag ng araw na tumatagos sa maliit na butas sa bubong, halos kasing laki lang ng daliri ko ang butas na iyon at sadyang napakataas pa.

Nagsimula akong maglakad nang pabalik-balik, ganito ako kapag nag-iisip ng mabuti. Sinimulan ko na ring kausapin ang aking sarili, madalas ko rin itong gawin sa harap ng salamin o sa loob ng kwarto lalo na kapag hindi ako makapag-desisyon sa magiging takbo ng mga istoryang isinusulat ko.

"Hindi 'to panaginip, kung ganon... Time travel?" napatigil ako saka napatingala sa kisame, napailing din ako sa ideyang iyon.

"Imposible, wala namang gano'n. Pero bakit ako nandito? Wala namang shooting. Hindi rin naman 'to prank. Wait, prank ba 'to?" napatigil ulit ako at tumingala muli sa kisame, vlogger sa youtube si Pia at ilang beses na siyang nagsagawa ng prank.

Dalawang beses ako nabiktima ng prank niya noon. Una, may ka-chat siyang foreigner na sugar daddy kaya pinagsabihan ko siya. Pangalawa, nabuntis siya ng boyfriend niya at ngayon ay magtatanan sila at makikitira sa bahay, at katulad ng una, sinermonan ko siya.

"Mag-iisang araw na ako dito, imposibleng prank 'to. Papatayin ba nila ako sa gutom?" napahawak na lang ako sa aking sikmura. Hindi pa ako kumakain mula kagabi hanggang ngayong umaga. Mukhang malapit na ring magtakipsilim dahil iba na ang kulay ng liwanag.

Nagpatuloy muli ako sa paglalakad nang pabalik-balik, "Kung gano'n, bakit kapangalan ng mga tao dito ang mga character sa kwento ko? Akala ko nananaginip lang ako at masyado kong iniisip ang nobelang 'to. Pero mukhang hindi nga 'to panaginip" napapadyak na lang ako sa inis. Hindi ko rin malaman kung bakit napahalakhak na lang din ako sa mga nangyayari. Ang laking joke nito, ang laking kabaliwan.

Napatigil ako nang makita kong sumilip sa pinto ang binatilyo, mabilis niyang sinarado ang pinto nang mahuli ko siyang inoobserbahan ako.

"Wait!" habol ko saka pilit na kinalampag ang pinto. "Pahingi naman ng tubig at pagkain, please. Hindi pa ako kumakain" pakiusap ko, ilang beses kong inulit iyon. Iniisip niya sigurong nasisiraan na ako ng bait dahil nakita niyang kinakausap ko ang aking sarili at tumatawa ako mag-isa habang naiinis at naluluha pa. Idagdag pa ang magulong buhok ko ngayon at ang maputik kong damit.

Lumipas ang kalahating oras pero hindi siya bumalik. Tulala lang ako habang nag-iisip pa rin ng malalim. Pilit kong hinahanapan ng sagot ang mga nangyayari. Posible kayang nasa loob ako mismo ng istoryang sinulat ko? Pero bakit? Nababaliw na ba talaga ako? Nag-hahallucinate siguro ako ngayon!

Gusto kong umiyak at magwala sa loob ng stockroom dahil wala man lang makapagbigay ng sagot sa mga katanungan ko. Pero wala na akong lakas pa para sumigaw at bukod doon siguradong mas iisipin ng iba na nawawala na ako sa katinuan.

Nang mahimasmasan ako ay napasandal ulit ako sa pinto at muli kong kinausap ang aking sarili, "Wait, let me think. Ang unang eksena sa Salamisim ay ang pagsugod ng rebeldeng grupo nila Lorenzo sa bilangguan para iligtas ang kuya niya na si Santino. Pero dahil nabigo sila, umatras ang grupo nila pero nahuli si Tadeo" napakagat ako sa aking labi, nauuhaw na ako.

"Paparusahan si Tadeo sa bilangguan, 'yon ang nakita ko kaninang umaga. Pero kahit anong gawin nila, hindi pa rin nila mapapaamin si Tadeo. Kaya i-aakyat agad ang kaso sa hukuman, madidiin lalo si Santino" tumango-tango ako sa aking sarili. Tama naman ang nangyari, handang ibuwis ni Tadeo ang buhay niya kanina at okay lang sa kaniya kahit maputulan siya ng dila.

"Pero makakatakas si Tadeo roon, itatakas siya ng kakambal niyang si Berning. Itatago ni Berning si Tadeo sa gubat at magsisimula siya ng hakbang nang hindi kinokonsulta si Lorenzo" naalala ko ang hitsura ni Berning, iisa ang layunin nila ni Lorenzo sa samahan pero may inggit siyang nararamdaman kay Lorenzo kaya makakalaban din siya ng bida.

Pero kahit papaano, tinulungan naman niya ako makatakas kanina. Babaguhin ko na lang ang hitsura niya sa editing ng reprint kung magkakaroon, papatabain ko siya ng kaunti para naman hindi siya buto't balat tingnan.

"Ngayong gabi itatakas ni Berning si Tadeo. Kailangan kong malaman kung maitatakas niya nga ito. Kapag nangyari 'yon, walang duda, nakulong nga ako dito sa loob ng Salamisim!

Idinikit ko ang aking tenga sa pinto, siguradong may mag customer ngayon sa tindahang ito. Kailangan nilang malaman na may taong kinulong dito! Huminga ako ng malalim saka sumigaw ng napakalakas na animo'y nasa isang horror film ako.

Inihanda ko na ang aking sarili nang marinig kong may patakbong lumapit sa pinto at dali-dali itong binuksan. "Itikom mo ang iyong bibig!" suway sa'kin ng binatilyo agad akong gumapang at lumapit sa kanya pero gulat niya akong itinulak sa sahig. Ngumiti na lang ako. Napaatras siya dahil sa pagngiti ko, iniisip niya siguro ngayon na nasasapian ako.

Tumigil na ako sa pagngiti at sumimangot na parang batang nanghihingi ng candy "Pahingi naman ng pagkain at tubig, please!" pakiusap ko, nanginginig ang kamay niya habang hawak ang pinto.

"K-kahit sumigaw ka pa riyan at maubusan ng boses, hindi ako gagawa ng hakbang na hindi ipinag-uutos ng aming señor. Ako'y nakasisiguro na isa kang magnanakaw, iyan ang nararapat sa iyo" saad niya, matatapang na salita ang binitiwan niya pero pumipiyok siya sa kaba at nanginginig din ang kaniyang mga kamay.

Napakunot na lang ang aking noo, "Sigurado ka na magnanakaw ako? Hindi ba pwedeng judgemental lang ang amo mo---Ah este, 'yang si Sebastian" wala sana akong balak ma-trigger at patulan ang mga tauhan sa istorya kong ito pero kumakalam na ang sikmura ako na mas lalong nakakadagdag sa init ng aking ulo.

Napatagilid ang kaniyang ulo, iniisip niya siguro kung ano 'yung sinabi ko. "Wala kang karapatan na tawagin sa kaniyang mismong pangalan ang aming señor!" buwelta niya.

Mas lalo akong naiirita sa mga pinaglalaban niya, "Makinig ka bata, kilala ko ang amo mo. Masyado siyang nabulag sa pag-ibig, sawi sa life at hindi favorite ng papa niya. Successful general nga siya pero wala siyang friends. Hindi niya rin alam ang totoong meaning ng friendship kasi masyado siyang competitive sa training para ma-promote agad. Oh, ayan, general na siya at his young age pero hindi siya masaya. Alam mo kung bakit? Sabihin mo bakit..." saad ko, para akong siga pero wala na akong pakialam dahil naiinis na ako sa mga nangyayari.

Napakunot lang ang noo ng binatilyo, pilit niyang iniintindi at sinusundan ang mga sinabi ko. "Bakit? kasi puno ng hatred ang puso niya. Hindi siya sasaya kasi selfish siya at walang puso. Hindi siya marunong maawa, wala rin sa vocabulary niya ang salitang patawad. Palagi siyang binabangungot ng alaala ng mama niya na namatay para sa kaniya nung bata pa siya. Kaya hanggang ngayon sinisisi niya pa rin ang sarili niya" patuloy ko, medyo hiningal pa ako sa pagsasalita. Mukhang hindi rin naintindihan ng binatilyo ang lahat ng sinabi ko dahil napapatagilid pa ang ulo niya.

"Ikaw ay tuluyan nang nawala sa katinuan" saad niya saka isinara ang pinto. Napanganga na lang ako at napakurap ng dalawang beses. Pagkatapos ko i-spoil sa kaniya ang background ng amo niya, sasaraduhan niya lang ako?!

Pero napangiti rin ako dahil hindi niya namalayan na nakuha ko sa kaniya ang susi. Pilit kong niluluwagan ang tali, ilang oras pa ang lumipas bago ako tuluyang nakawala sa lubid. Madilim na ang loob ng stockroom, siguradong gabi na.

DAHAN-DAHAN kong binuksan ang pinto gamit ang susi. Wala pang isang minuto, nabuksan ko na ito. Nakita kong nakatulog ang binatilyo, nakapatong ang kaniyang mukha sa librong hindi niya natapos basahin.

May isang kandila na nakasindi sa tabi ng mesa, dahan-dahan akong gumapang sa sahig na parang isang uod. Hindi ko masyado makita ang daan palabas dahil iisa lang ang kandila kaya maingat kong kinuha iyon at dinala papalabas ng pinto.

Agad kong pinatay ang sindi ng kandila saka mabilis na tumakbo papalayo sa tindahang iyon. Madilim ang buong paligid at halos sarado na ang mga tindahan. Maging ang simbahan at mga kabahayan ay nakasara rin.

Para akong nakikipagtaguan sa mga rumurondang guardia civil na may dalang sulo ng apoy. Hindi nila ako pwedeng mahuli, siguradong dadalhin na naman nila ako sa boss nila. Halos apat na pares ng guardia civil ang nagawa kong taguan hanggang sa matanaw ko ang isang tindahan na nagsasara pa lang ngayon.

Nang makalagpas ang dalawang guardia civil ay mabilis akong naglakad papunta sa bukas na tindahan habang nakadikit ang aking likuran sa mga dingding ng kabahayang aking dinaraanan. Nanlaki ang aking mga mata nang mabasa ang nakasulat sa tindahan, Panciteria Ala Pacita.

Ito ang panciteria na pinupuntahan din ng mga miyembro ng samahan dahil mismong ang mag-asawang may-ari nito ay kasapi sa mga rebelde. "Kuya!" pabulong kong tawag sa isang lalaking nasa edad apatnapu, ibinababa nito ang malaking tabla para isarado ang bintana ng tindahan.

Napatigil siya sa kaniyang ginagawa at napalingon sa paligid, hinahanap niya kung sino ang nagsalita. Humakbang pa ako papalapit at tinawag pa siya pero hindi niya pa rin ako makita dahil walang ilaw sa labas. Kung kaya't tumakbo na ako papalapit sa kaniya at tumayo sa harapan niya.

"Sa iyo ba nanggagaling ang boses ka---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil nagsalita na ako. Kailangan ko magmadali, siguradong may dadaang mga guardia civil mayamaya. "Nandiyan po ba si Aling Pacing?" tanong ko, tiningnan niya akong mabuti, iniisip niya siguro kung sino ako.

Sa aking palagay, siya ang asawa ni Aling Pacing na si Mang Pedro. Ang bahay nila ay nasa ikalawang palapag ng tindahan. Ang mga kusinero at tauhan sa kanilang panciteria ay umuuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

"Anong kailangan mo sa kaniya?" tanong ni Mang Pedro, itinaas niya muli ang tabla para makausap ako. Maliit na lalaki si Mang Pedro at payat din ito kumpara kay Aling Pacing na siyang punong kusinera. May nginunguya pa itong nganga. Alam kong lagi nilang pinag-aawayan iyon mag-asawa dahil mabaho ito sa hininga.

Halos lahat ng luto sa kaniyang panciteria ay siya ang nagpasimula. Bukod sa pancit ay may mga lutong ulam, kakanin at minatamis na pagkain din silang tinitinda.

"Uhm, ano po... ahh" nagpaikot-ikot ang aking mata, ano bang pwede kong sabihin? Ayoko namang gamitin ang code ng samahan dahil baka hanapin nila sa'kin si Lorenzo at ayoko nang guluhin pa ang samahan nila, hindi ko dapat guluhin ang binuo kong istorya.

Magsasalita na sana ako pero narinig namin ang boses ni Aling Pacing na dumungaw na rin sa bintana. "Bakit hindi mo pa isinasara ang bintana?" tanong nito ngunit hindi na sinagot ni Mang Pedro dahil nakita na ako ng asawa niya.

Ngumiti ako kay Aling Pacing saka lumapit sa bintana, "Aling Pacing, may tira po ba kayong pagkain? Hindi pa po kasi ako kumakain" pakiusap ko, wala ng natira sa pride ko, ayoko mamatay sa gutom. Bukod doon, naaamoy ko pa ang nilulutong manok sa kusina ng tindahan.

"Wala ka bang tirahan, hija?" nagtataka nitong tanong, alam kong may mabuting puso si Aling Pacing. Syempre isa siya sa supporting role sa story at nanay-nanayan ni Lorenzo. Matulungin din siya sa kapwa lalo na sa mga palaboy tulad ko.

Tumango ako saka pinunasan ng kaunti ang nangingilid kong luha. Parang ang unfair, palaboy ako dito sa mismong istoryang ginawa ko. Binuksan ni Aling Pacing ang pinto at pinapasok ako, bumulong pa si Mang Pedro na mukhang tutol na papasukin ako dahil mapaghinala ito. Ginawa kong maingat at mapagmatyag ang character ni Mang Pedro na palaging nag-aalala na baka mahuli ng mga awtoridad na kasapi sila sa rebeldeng grupo.

Hindi ko mapigilang maiyak ng kaunti, na-totouch ako kay Aling Pacing. Naaawa rin ako sa sarili ko, at higit sa lahat nakakaiyak dahil makakakain na rin ako.

"Pedro, kumuha ka ng pinggan at kubyertos. May ulam din akong itinabi kanina, dalhin mo na rin dito ang kanin" utos niya sa kaniyang asawa na walang magawa kundi sumunod dahil takot din siya rito pag nagalit.

"Ano bang nangyari sa iyo hija?" nag-aalala niyang tanong, hinawakan niya ang buhok kong sobrang buhaghag ngayon at nanigas na sa putik. Napakagat ako sa aking labi, kailangan kong makaisip ng matibay na dahilan. Kailangan ko ring i-connect ang sarili ko kay Aling Pacing sa ngayon dahil mabait siyang character.

Hangga't hindi ko pa nahahanap ang solusyon kung paano ako makakalabas sa istoryang ito, kailangan ko ng tulong ni Aling Pacing. Wala akong ibang mapupuntahan at matutuluyan. Alam kong masamang manloko pero ito lang ang tanging paraan para maka-survive ako sa kabaliwang 'to. Baka tuluyan akong masiraan ng ulo at mamatay sa gutom kapag nagpalaboy-laboy lang ako sa kalsada.

Sorry Aling Pacing and to your family. Promise, after this, babawi ako. Gagawin kitang rich businesswoman sa story at magpapatayo pa ako ng maraming Panciteria branch mo sa kalapit na bayan. Dadagdagan ko rin ang menu list mo at times two ang customers mo every day.

"A-ang totoo po kasi niyan, bagong dayo ako dito sa Maynila. Galing po akong bulakan, kaibigan ko po si Amalia" napapikit ako at nagkunwaring umiiyak. Nahihiya ako, sorry talaga Aling Pacing. Nagulat siya sa sinabi ko at hinawakan ng marahan ang aking balikat.

"Si Amalia? Ang aking anak?" halos walang kurap siyang nakatingin sa'kin, dumating na si Mang Pedro at agad nitong inilapag sa mesa ang mga pagkain. Narinig niya ang sinabi ko kung kaya't maging siya ay nagsalita rin, "Kilala mo ang aming unica hija? Kumusta ang kaniyang kalagayan?"

Napatingin ako sa mga pagkain nakahain sa mesa at napalunok. May manok, gulay, sabaw, pansit at bahaw na kanin. "May liham ba siyang ibig ipaabot sa amin?" tanong ni Aling Pacita dahilan upang matauhan ako at mapatingin sa kanila. Bigla akong na-konsensiya, alam kong mga characters lang naman sila sa story ko pero hindi pa rin tama na lokohin ko sila.

Ngumiti ako ng kaunti para mawala ang pag-aalala sa kanilang mga mukha, "O-okay... Ah, maayos naman po ang kalagayan ni Amalia sa beateryo. Masaya siya roon at nag-aaral ng mabuti" tugon ko, nakahinga sila ng maluwag.

Dalawang taon nang namamalagi ang nag-iisa nilang anak na si Amalia sa isang kumbento sa Bulakan. "K-kaya lang nawala po lahat ng gamit ko dahil nanakawan ako sa daan at nahulog pa sa putikan kaya ganito ang hitsura ko ngayon" patuloy ko, kailangan kong ilapit ang sarili ko sa kanila at palabasin na kaibigan ko ang anak nila para patuluyin nila ako dito.

"Ngunit bakit ka nagtungo rito sa Maynila? Pinahintulutan kang lumabas sa kumbento?" tanong ni Mang Pedro, natauhan muli ako, hindi ko namalayan na nakatulala na ako sa mga pagkain. Pwede na ba akong kumain habang nagkwekwentuhan kami?

"Ah, nagpaalam na po ako sa kumbento, ibig ko pong makipagsapalaran dito sa Maynila kung kaya't nagtungo ako rito. Sa kasamaang palad, minalas ako sa daan. Mabuti na lang naikwento sa akin noon ni Amalia ang inyong panciteria, kaya nagbakasakali akong humingi ng tulong" tugon ko, aabutin ko na sana ang kutsara para tikman ang sabaw na nasa mangkok pero nagsalita muli si Aling Pacing.

"Mabuti na lamang dahil nakarating ka rito hija" saad ni Aling Pacing, saka inabot sa'kin ang kutsara, sinimulan ko nang higupin ang sabaw at sunod-sunod kong kinain ang mga pagkaing nakahain na parang wala ng bukas.

"Nagagalak din kaming malaman na nasa mabuting kalagayan ang aming anak" patuloy niya, bigla akong napatigil sa pagkain at napatingin sa kanila.

Totoo na okay pa ang kalagayan ni Amalia sa kumbento, pero sa mga susunod na buwan, makakarating sa kanila ang balitang nakipagtanan ang anak nila sa isang guardia civil. Iyon din ang magiging dahilan ng kamatayan nito, at iyon din ang simula ng matinding galit ni Mang Pedro sa pamahalaan. Dahil binaril ang anak nila habang tumatakas ito kasama ang kasintahang guardia civil.

Hinawakan muli ni Aling Pacing ang balikat ko, "Maaari kang tumuloy muna dito hija hangga't hindi ka pa nakakahanap ng iyong papasukang trabaho" ngiti nito dahilan upang mas lalo akong makonsensiya. "Siya nga pala, anong pangalan mo hija?" tanong ni Aling Pacing, nagpaikot-ikot muli ang aking mata. Ano nga ulit 'yung pangalang sinabi ko kay Berning?

Ngumiti na rin si Mang Pedro, mukhang nawala ang paghihinala niya sa akin. "Marahil ay tanyag ka sa bulakan hija kung kaya't nahihiya kang magpakilala sa amin" biro nito, tumatak sa akin ang sinabi niya dahilan upang masabi ko ang pangalang "Tanya"

"O'siya, dumito ka muna sa amin, Tanya" ngiti muli ni Aling Pacing. "Maaari mong gamitin ang bakanteng silid ni Amalia, naroon pa ang ilang mga gamit niya. Balak sana naming ihatid ang iba niyang mga damit at dalawin siya sa araw ng kaniyang kaarawan" dagdag ni Mang Pedro, napatulala na lang ako sa kanilang mag-asawa at tuluyang hindi na nakakain dahil alam kong hindi na makakapagdiwang ng kaarawan si Amalia sa Disyembre.

MALIIT lang ang kwarto ni Amalia, isang pahabang kama, aparador, salamin at silya lang ang gamit sa loob. May bintana sa tabi ng kama na sa palagay ko ay madaling mapasok ng magnanakaw dahil sa laki nito.

Hindi ako makatulog. Ilang ulit akong nagpagulong-gulong sa banig. Pinili kong humiga sa sahig kaysa sa kama ni Amalia. Pakiramdam ko ang sama-sama ko at hindi ko deserve na humiga sa higaan niya. Ginamit ko siya para magkaroon ng free accommodation dito sa bahay nila, at higit sa lahat ako ang nagsulat at nagplano ng kanyang magiging kamatayan.

Sunod-sunod na pagtilaok ng manok ang aking narinig hanggang sa bumukas ang pinto at pumasok si Aling Pacing bitbit ang ilang damit at bakya. Naalimpungatan ako sa pagpasok niya, nakatulog din pala ako kahit papaano sa kabila ng pag-iisip ng kung anu-ano kagabi.

"Oh, bakit sa papag ka natulog hija?" gulat na tanong nito, saka inilapag nang maayos sa silya ang mga dala niyang gamit. Bumangon ako at kinusot ko na rin ang aking mga mata. Nakaligo at nakapagpalit na rin ako ng maayos na damit kagabi kaya kahit papaano maaliwalas na ang hitsura ko.

"Marahil ay hindi ka sanay matulog sa kama" ngiti ni Aling Pacing, napangiti na lang din ako ng kaunti. Kung alam niya lang na halos kakambal ko ang kama sa buhay ko. "Halika, samahan mo ako sa pamilihan"

Halos hindi ko na mabilang kung ilang beses akong humihikab habang nakasunod kay Aling Pacing. Abala siya sa pamimili sa pamilihan, hawak ko ang bayong na may lamang ilang gulay at prutas na binili niya. Bibili pa raw siya ng mga sangkap na kulang sa kusina, abala na rin doon sila Mang Pedro at ang mga kusinera at tauhan sa panciteria.

May suot akong balabal, bukod sa mahamog pa kanina nang umalis kami sa bahay nila, kailangan ko rin magsuot ng balabal sa takot na makasalubong ko sa daan ang ilang guardia civil na nakakita ng mukha ko noong isang gabi at baka mapadaan pa dito si Sebastian and his minions.

Ilang sandali pa, napansin namin ang mga taong nagkukumpulan sa tapat ng isang dingding. Mukhang nacurious din si Aling Pacing, kumapit siya sa braso ko at naglakad kami papunta sa kinaroroonan ng mga tao.

Sumingit kami sa mga taong nagsisiksikan, mukhang may tinitingan sila sa dingding. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang makita ko ang tatlong sketch na nakadikit doon. Isang lalaki at isang babae, napakurap pa akong dalawang beses sa drawing ng babae na nakapaskil doon.

"Tiyak na maghihigpit lalo ang pamahalaan dahil sa mga tulisang iyan" saad ng isang ale na sinang-ayunan pa ng iba. Napalunok na lang ako saka inayos ko ang suot kong balabal at iniangat iyon ng kaunti para matakpan ang aking ilong at bibig. Ano pa bang aasahan ko kay Sebastian? Bakit kasi ginalingan ko ang character niya sa pagiging magaling na pinuno ng hukbo.

"Kaya hindi tayo nakakalaya sa mga mananakop, ilan sa mga kababayan natin ay masama rin ang tingin sa mga lumalaban sa Kalayaan. Tulisan din ang tingin nila sa mga taong handang lumaban para sa kalayaan" saad ni Aling Pacing habang pinagmamasdan ang mga iginuhit na larawan. Mukhang malabo na ang mata niya dahil hindi man lang niya mamukhaan na medyo hawig ko ang babae sa sketch. Medyo lang dahil hindi ganon kaganda ang drawing, mas magaling pa rin ako mag-drawing.

"A-aling Pacing, siguradong hinihintay na po tayo sa panciteria" bulong ko sa kaniya saka dahan-dahan kaming umalis sa lugar na iyon.

DALAWANG araw pa ang lumipas, madali akong naka-adjust sa Panciteria at bahay nila Aling Pacing. Bukod sa mabait na character silang mag-asawa. Malaki rin ang chance na masubaybayan ko lalo ang istorya dahil kasapi rin sila ng samahan.

Tumutulong din ako sa panciteria, ako ang waitress at kumukuha ng orders. Madali kong naging ka-close ang ilang customer dahil wala naman akong sinulat na reklamador na customer sa story. Smooth at happy vibes lang ang takbo ng business nila Aling Pacing.

Isang gabi, nagpupunas ako ng mesa sa Panciteria. Naghuhugas naman ng plato ang ilang tauhan at kumakain ang mga kusinera bago sila umuwi sa kani-kanilang tahanan. Maingat namang sinasara ni Mang Pedro ang bintana ngunit napatigil siya nang tumabingi ang isang tabla dahil hindi na maayos ang pagkakagawa niyon kung kaya't inayos niya pa ito.

Nasa isang mesa naman si Aling Pacing at nagbibilang ng kita. Maayos kong pinupunasan ang mga mesa, binasa ko pa ang basahan at kinuskos ang bawat mesa ng mabuti.

Ilang sandali pa, may nagsalita sa aking likuran, "Maaari pa ba kaming kumain dito ngayong gabi?" nagpatuloy lang ako sa pagpupunas ng mesa, hindi ako mapanatag kapag may dumi pang naiiwan.

"Sarado na po kami. Hindi 'to 24/7" tugon ko, napatigil ako nang mapagtanto ko na hindi dapat ako nagsasalita ng gano'n. Agad akong lumingon sa lalaking nagsalita nang may ngiti sa labi pero biglang napawi iyon at napalitan ng matinding pagkagulat nang makita ko kung sino iyon.

Maging siya ay nagulat din na makita ako pero nanatili pa ring kalmado ang reaksyon niya. Kasunod niyon ay ang sunod-sunod na pagdating ng mga tauhan niyang guardia na nagkwekwentuhan habang isa-isa silang pumasok sa panciteria. Agad silang sinalubong at binati ni Aling Pacing at Mang Pedro. Hindi nila napansin na nasa pinakagilid kami ni Sebastian dahil halos mapuno na ang loob.

Nagulat ako nang bigla hinugot ni Sebastian ang balabal na nakasabit sa katabing bintana namin at ipinatong niya iyon sa ulo ko. Humakbang siya papalapit sa'kin, hinawakan ang magkabilang balikat ko at singbilis ng hangin niya akong pinatalikod nang marahan.

Tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan, nasa likuran ko siya, inalis na niya ang kaniyang kamay sa aking magkabilang balikat at bumulong sa kaliwa kong tenga.

"Alas-sais nagbubukas ang tanggapan ng heneral" wika niya dahilan upang tuluyan na akong hindi makagalaw sa gulat dahil ang code na iyon ay siyang ginagamit ng mga espiya sa istoryang isinulat ko.

******************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top