Kabanata 28
[Chapter 28]
"I-IBIG mo pa ba ng karagdagang kandila?" tanong niya dahilan para matauhan ako at agad napalingon sa kaniya. Nakatayo niya sa tapat ng pintuan ng kwarto at nakabukas ng malaki ang pinto. Napaisip ako nang mabuti, nagkamali ba ako ng narinig sa sinabi niya?
"Ha?"
"May kailangan ka pa ba bago ako umalis?" tanong niya, napatulala na lang ako at napakurap sa kaniya ng dalawang beses. Mali ba talaga 'yung narinig ko?
At dahil mukhang nakikipag-usap siya sa hangin, tumalikod na siya at akmang aalis na. Natauhan ako muli saka humabol sa kaniya, "Sandali... Hindi mo ba ako sasamahan ngayong gabi?" maging ako ay nagulat dahil diretsong lumabas iyon sa bibig ko.
Napatigil siya sa paglalakad saka napalingon muli sa'kin. "T-tinanong mo kasi ako kanina kung gusto ko bang samahan mo ako dito ngayong gabi..." saad ko, kumakabog ng malakas ang puso ko.
Tulala siyang nakatingin ngayon sa'kin na parang hindi siya makapaniwala na gusto kong magsama kami ngayong gabi ng kaming dalawa lang sa loob ng bahay na ito. Napapikit na lang ako sa hiya, wala nga siyang sinabing gano'n based sa reaksyon niya ngayon. Siguradong nadala lang ako ng nakakainis kong imagination kanina dahil kung anu-anong kapusukan ang pumapasok sa isipan ko.
Tumingin ako kay Sebastian saka ipinikit ko ang aking mga mata, "Nananaginip ata ako!" saad ko saka nagkuwaring nagising ang diwa. "Oh, bakit nandito ka pa Baste?" maayos kong tanong, kunwari ay wala akong ideya sa pinagsasabi ko kanina.
Nakatingin lang siya sa'kin na parang naguguluhan siya sa pagkatao ko. "Matutulog na ako" patuloy ko gamit ang mahinahong tono habang pilit na ikinukubli ang puso kong sumasabog na ngayon sa kahihiyan at kaba.
Tumalikod na ako saka pumasok muli sa kwarto. Isasara ko na dapat iyon pero nagulat ako nang may sapatos na pumagitna sa pinto. Gulat akong napaatras nang magtama ang mga mata namin ni Sebastian. Binuksan na niya ang pinto at pumasok sa kwarto.
Halos lumuwa ang mga mata ko habang sinusundan siya ng tingin, may kinuha siyang banig sa ilalim ng kama. Binuksan niya rin ang aparador at may kinuhang isa pang kumot at unan doon. Magsasalita pa sana ako ngunit nauna na siya.
"Dito na ako matutulog" tipid niyang wika saka lumabas sa kwarto ko at naglatag siya ng banig sa sahig. Nasa tapat siya ng kwarto kung saan may malawak na space pa doon sa tabi ng mga bookshelves kung saan nakapatong ang mga librong binebenta.
Hinubad niya ang suot na asul na uniporme dahilan upang makita ko ang puting kamiso na suot niya sa ilalim niyon. Humiga na siya sa banig. Para akong ipis na nakadungaw sa pintuan at gulat na nakatingin sa kaniya.
"Hindi ka pa matutulog?" tanong niya habang nakataas ang kaniyang braso upang gawing unan sa ulo. Mukhang sineryoso nga niya ang sinabi ko. Hindi ko naman siya pinilit na matulog dito ngayon.
Ipinikit na lang niya ang kaniyang mga mata. "Matulog ka na at huwag nang mag-isip ng kung anu-ano riyan" bilin niya dahilan para gulat kong isinara ang pinto. Napasigaw na lang ako nang walang boses na lumalabas sa aking lalamunan. Wala na atang tatalo sa mga kahihiyang nagawa ko sa harapan ni Sebastian Guerrero!
HATINGGABI na, hindi ako makatulog. Sinisikap ko ring hindi makalikha ng ingay lalo na sa tuwing umiikot-ikot ako sa higaan. Kanina pa ako nakakaramdam ng uhaw pero hindi ko magawang lumabas ngayon para kumuha ng tubig sa pitsel na nakapatong sa mesa.
Ilang ulit din ako umiiling sa sarili sa ideya na silipin ko sandali kung paano matulog si Sebastian. Sa huli, bumangon na ako sa kama at dahan-dahang binuksan ang pinto ng kwarto. Bitbit ang isang kandila ay maingat akong lumabas doon.
Dahan-dahan akong naglakad papunta sa mesa, nakita kong mahimbing nang natutulog si Sebastian sa banig. Nakataklob din ang puting kumot hanggang sa tiyan niya. Dali-dali akong uminom ng tubig habang buong sikap na hindi makalikha ng ingay.
Babalik na sana ako sa kwarto nang marinig ko ang mahinang pag-ungol ni Sebastian. Nananaginip na naman siya ng masama. Agad akong lumapit sa kaniya, inilapag sa sahig ang kandila. Gigisingin ko sana siya ngunit naalala ko na hindi na siya nakakatulog ulit ng maayos kapag nagising na siya mula sa bangungot.
Huminga ako nang malalim saka dahang-dahang tinapik ang kaniyang dibdib. Sinabayan ko nang mahinang paghiging (humming) ang pagtapik ko sa dibdib ng kanta na minsan ko nang sinipol noon. Tila nagpapatulog ako ng bata.
Unti-unting nawala ang kunot sa kaniyang noo at naging maayos ang kaniyang paghinga. Animo'y muli siyang nakabalik sa mahimbing na pagkakatulog. Pinagpatuloy ko ang paghiging hanggang sa masiguro ko na hindi na muli siyang gagambalain ng panaginip ng kaniyang kamatayan.
KINABUKASAN, naalimpungatan ako sa maiingay na pagbagsak ng kahoy at pagkakarpintero mula sa labas. Nag-unat muna ako ng kaunti saka nagtaklob ng balabal sa balikat at lumabas sa kwarto. Naabutan ko si Niyong na abala sa pag-aayos ng mga libro.
"Magandang umaga, ate Tanya" bati niya, tumango ako saka naglakad papalapit sa kaniya. Napatingin ako sa likod ng tindahan na ngayon ko lang napansin na may pintuan pala iyon papalabas. Nakabukas ang pinto kaya tumatagos ang liwanag ng sikat ng araw mula roon.
"Niyong, may demolition ba dito?" tanong ko, nagtataka namang napatingin sa'kin si Niyong at napatigil sa kaniyang ginagawa.
"Ho?"
"Ah. Ang ibig ko sabihin, gigibain ba 'tong tindahan?" tanong ko, napatingin si Niyong sa likod ng tindahan at sa pintuang nakabukas doon. May mga lalaking nagkakarpintero roon.
"Pinapagawa ho ni Señor Sebastian ang likuran ng tindahan, ibig niyang palagyan ng kusina ito" tugon ni Niyong na ikinagulat ko. Naalala ko na nabanggit ko kay Sebastian kagabi ang tungkol sa kusina.
Hindi ko namalayan na napangiti ako sa aking sarili. Hindi ko akalain na gagawan na niya agad ng paraan ngayon. "Tila maganda ang tulog niyo, ate Tanya" ngisi ni Niyong dahilan para mawala na ang ngiti sa labi ko sa takot na mahalata niya.
Naglakad na ako papunta sa mesa, may pandesal at kape na roon. "Naabutan mo ba si Sebastian kanina dito?" tanong ko, tanghali na ako nagising dahil alas-dos na ako nakatulog kagabi habang binabantayan siya sa pagtulog.
Sumunod naman sa'kin si Niyong saka uminom ng tubig, "Dito ho? Hindi ho ba siya umuwi sa kanilang tahanan kagabi?" nagtatakang tanong ni Niyong dahilan para maging alerto ako. Ibig sabihin, maagang pumasok sa trabaho si Sebastian para hindi siya maabutan ni Niyong na dito siya natulog sa tindahan.
"Ah... H-hindi ko rin alam. Maaga rin kasi ako natulog kagabi" pagdadahilan ko saka nagsimula nang kumain ng almusal. Nang matapos ako kumain, bumalik na ako sa kwarto at kumuha ng damit. Maliligo na ako para makabisita sa Panciteria.
Napangiti muli ako nang makita kong puno ulit ang balde sa palikuran. "Niyong, salamat sa tubig. Favorite na talaga kita" ngiti ko saka sumaludo sa kaniya. Napatigil muli siya sa pag-aayos ng libro saka lumingon sa'kin.
"Ho? Hindi pa ho ako nag-iigib ng tubig mula pa noong sabado" saad niya, sandali ko siyang tinitigan. Mukhang hindi siya nagbibiro, hindi talaga siya nag-igib ng tubig para sa palikuran kagabi at ngayong umaga.
Muli akong napangiti sa sarili at nang isara ko na ang pinto sa palikuran, napahawak na lang ako sa aking pisngi sa ideyang si Sebastian nga ang nag-igib para sa'kin.
ALAS-DIYES na ng umaga nang makarating ako sa Panciteria. Unti-unti na ring bumabalik ang sigla ng Panciteria ala Pacita pero naroon pa rin ang ibang customer na gusto lang makibalita sa sitwasyon ni Amalia.
Tinutulungan ko sila ngayon sa pagluluto. Gusto ko rin matuto magluto para may maihain ako kay Sebastian. Nilagang baka ang niluluto nila ngayon, marami na ring customer ang nag-aabang sa labas. Maingat kong hinahalo ang sabaw nang tumabi sa'kin si Lolita.
"Ate Tanya, buo na ba talaga ang iyong pasiya na sumama kay señor Sebastian?" tanong ni Lolita habang nakabusangot ang kaniyang labi. Agad kong sinagi ang balikat niya, "Lolita girl, hindi kami nagsasama ni Sebastian. Ayoko lang talaga mapahamak kayo kapag ginantihan ako ni Roberto" saad ko, napakurap sa'kin si Lolita ng tatlong beses.
"Bakit?"
"Ate Tanya, tila narinig ko na sinabi na iyan dati ni kuya Arturo" saad niya dahilan para gulat akong mapatingin sa kaniya. Napaisip siya nang malalim, "Lolita gorwl... Ganiyan din ang sinabi niya sa akin noon" ulit niya, napatikhim na lang ako.
"Alam mo... Uso na talaga 'yung mga gano'ng salita. Ilagay mo na 'yung gulay" saad ko at sinubukan kong ibahin ang usapan. Siguradong mawiwindang siya sa oras na malaman niya na ako at ang kaniyang kinahihibangang Arturo ay iisa.
"Siya nga pala, maaari mo bang iabot 'to kay Gani?" tanong ko, napangiti si Lolita sa sinabi ko saka mabilis niyang ibinulsa ang papel na inabot ko. "Nagtatrabaho siya sa palimbagan ng dyaryo ng pamilya Garza" patuloy ko, ngumiti at tumango ng ilang ulit si Lolita.
"Makakaasa ka ate Tanya, makakarating ito sa iyong prinsipe" ngiti niya saka mabilis na lumabas sa kusina. Napailing na lang ako habang naghahalo ng sabaw, sana makausap ko na agad si Lorenzo. Kailangan na niyang malaman ang pagtugis ng pamahalaan kay Berning. Kailangan na niyang pumili kung ang samahan ang kaniyang illigtas o ang kaibigang sina Berning at Tadeo.
ORAS ng tanghalian, nagulat ako nang makita si Sebastian sa tindahan ng mga libro. Nakahain na rin ang mga pinggan, kubyertos at baso. Maingat na inilapag ni Niyong ang bagong lutong kanin. "Ate Tanya, kanina ka pa hinihintay ni seño---" hindi niya natapos ang sasabihin niya nang tiningnan siya nang matalim ni Sebastian.
"A-ang ibig kong sabihin ay kanina ka pa namin hinihintay, ate Tanya" bawi ni Niyong sabay ngiti. Napangiti na lang din ako dahil masyadong halata si Sebastian. Naglakad na ako papalapit sa kanila saka inilapag ang dala ko ring palayok na naglalaman ng nilagang baka.
"Luto mo ito ate Tanya?" ngiti ni Niyong, nakaupo na sila ni Sebastian. Nasa tapat ko si Sebastian, nasa gilid naman si Niyong at nasa kabilang gilid namin ang malaking bintana. "Parang Oo na hindi" tugon ko, nagtaka naman ang hitsura ni Niyong habang nakatingin lang sa plato si Sebastian.
"Ho?"
"Tumulong lang ako sa pagluluto kanina sa Panciteria. Ako ang naghalo ng sabaw" ngiti ko, tumango at ngumiti naman si Niyong. Parang siyang bata na excited makakain ng karne. Samantala, wala namang imik si Sebastian na karaniwan din naman sa kaniya.
Nagdasal muna kami sa pangunguna ni Niyong bago nagsimulang kumain. Nag-umpisang magkwento si Niyong tungkol sa paglakas ng kita ng tindahan mula nang dumating ako dito. Napapahawi na lang ako ng buhok sa tuwing binabanggit niya na may dala raw akong swerte sa negosyong ito.
"Ngunit madalas ding hanapin ng ibang binibini si Señor Sebastian dito. Tiyak na hihina ang kita kapag nalaman nila na narito ka ate Tanya" patuloy ni Niyong dahilan para mawala ang ngiti ko at tiningnan siya ng seryoso.
"Hindi pala libro ang pakay nila, bakit pa sila pumupunta dito? Ano 'to bar?" napataas ang aking kilay. Anong karapatan nilang lumandi sa teritoryo ko na ngayon. Nasindak si Niyong sa pagtaas ng aking boses. Napatingin lang sa'kin si Sebastian pero nang tumingin ako sa kaniya ay napaiwas siya ng tingin saka nagpatuloy sa pagkain.
"Ano pong bar?" nagtatakang tanong ni Niyong, may kanin pa siya sa pisngi. Hindi pa nga siguro ganap na binata ang ka-love team ni Lolita. Tinanggal ko ang kanin niya sa pisngi, "Bar parang mga club club. Pumupunta roon 'yung mga linta at hayok sa libido para kumerengkeng" saad ko na ikinagulat nilang dalawa. Nabitawan pa ni Niyong ang hawak niyang kutsara at tinidor. Habang si Sebastian naman ay parang nahiya na marinig ang sinabi ko.
"A-ang ibig niyo ho bang sabihin ay bahay-aliwan?" tanong ni Niyong, sinagi siya ni Sebastian dahil nagiging mapangahas at mapusok na ang aming usapan. Tiningnan ko lang si Sebastian, "Oras na para malaman niya ang mga makamundong bagay na 'to. Hindi pwedeng habambuhay na mangmang si Niyong sa mga kapusukan. Mahalaga na malaman na niya agad ng maaga para mapagtanto na niya ang tama at mali" saad ko kay Sebastian, napahinga lang nang malalim si Sebastian saka nagpatuloy sa pagkain.
Napatingin naman sa'kin si Niyong, hindi niya maintindihan kung bakit ko sinabi iyon kay Sebastian. "Siya nga pala, Niyong. May alam kang nabibilhan ng bulaklak?" tanong ko, nakita kong sumulyap sa'kin sandali si Sebastian pero pinili na lang niyang manahimik habang kumakain.
"Bakit ho?" tanong sa'kin ni Niyong, napatingin ako sa sandali kay Sebastian. Naalala ko ang payo ni Maria Florencita, magparinig tungkol sa mga paborito kong pagkain, bulaklak at lugar.
Umupo ako nang maayos saka kumain nang mahinhin. "Ibig ko lang lagyan ng mga bulaklak dito sa loob ng tindahan para maging sariwa sa mata ng lahat ang lugar na ito" tugon ko saka ngumiti nang mayumi. Ipinungay ko pa sandali ang aking mga mata sa pag-asang titingin si Sebastian pero nakatutok lang ito sa pagkain.
"Niyong, mas nababagay dito ang Chrysanthemum at sunflower" ngiti ko, nagtaka muli ang hitsura ni Niyong. "Ano ho iyon?"
Napahinga na lang ako nang malalim saka nag-isip nang mabuti, ano bang tagalog ng dalawang bulaklak na iyon? "Ah. Hawig sa mansanilya at mirasol" tugon ko, tumango naman si Niyong. Napatingin muli ako kay Sebastian na bagama't abala sa pagkain, umaasa ako na nakikinig siyang mabuti sa pinag-uusapan namin ni Niyong.
"Niyong. Saan din pala nakakabili ng pakwan, mangga at ubas?" napaisip muli si Niyong. Hindi niya pa matapos ang kinakain niya dahil sa kakadaldal ko sa kaniya habang nasa harapan namin si Sebastian.
"Sa pamilihan ho, ate Tanya" tugon ni Niyong, napakunot ang noo ko sa sinagot niya. Malamang sa palengke pero gusto ko lang naman paringgan si Sebastian. Nakita kong lihim na pinipigilan ni Sebastian na matawa sa tinugon ni Niyong sa tanong ko.
Kinuha ko na lang ang pitsel, sinalinan ng tubig ang baso at ibinagsak iyon sa harapan ni Sebastian. Nasindak silang dalawa saka gulat na napatingin sa akin. "Baka mabilaukan ka kakatawa, heneral" saad ko, nagkatinginan lang sina Niyong at Sebastian at pareho silang natahimik saka payukong kumain.
NAKAALIS na si Sebastian at muling bumalik sa tanggapan ng heneral. Nagpaalam ako kay Niyong na bibistahin ko muna si Maria Florencita. Gusto ko na sabihin sa kaniya na nakatira ako ngayon sa tindahan ng mga libro.
Pagdating ko sa kanilang mansion, natanaw ko si Maria Florencita kasama ang kaniyang ama sakay ng kalesa. "Tanya!" ngiti niya nang makita ako. Napatigil ang kalesa, hinimas ko ang ulo ni Doggie.
"Babalik na lang ako bukas" ngiti ko saka napatingin kay Don Florencio na abala sa pagbabasa ng dyaryo. May binulong si Maria Florencita sa kaniyang ama, tumingin lang ito sa'kin saka tumango sa anak. Napangiti muli si Maria Florencita saka tumingin sa'kin.
"Tanya, sumama ka sa amin!" excited niyang sabi, namalayan ko na lang ang aking sarili na sumampa na sa kalesa at sumama sa kanilang mag-ama.
Pinatakbo na ni Mang Juan ang kabayo. Magkatabi kami ni Maria Florencita habang nasa tapat naman namin si Don Florencio. "Ama, siya nga po pala si Tanya. Isa sa matalik kong kaibigan. Kaibigan din siya ni Amalia" ngiti niya, tiningnan lang ako ni Don Florencio saka tumango ito at muling ibinalik ang kaniyang mata sa pagbabasa ng dyaryo.
Agad bumulong sa'kin si Maria Florencita, "Pagpasensiyahan mo na sapagkat hindi talaga magiliw ang aking ama sa ibang tao" tumango na lang ako. Gusto ko sabihin kay Maria Florencita na siguradong magiging magiliw ang ama niya sa'kin kung ang pakilala nito kanina ay Ama, siya po pala si Tanya, ang author ng Salamisim kung saan ako ang bida at ikaw ang epal na ama na hahadlang sa love life ko.
Tahimik lang kami sa byahe, hindi rin magawang makipagkwentuhan ni Maria Florencita dahil maririnig ito ng kaniyang ama. "Saan ba tayo pupunta?" tanong ko sa kaniya, napahinga lang nang malalim si Maria Florencita saka hinawakan ang kamay ko.
"Narito na tayo" saad niya, tumigil ang kalesa sa tapat ng tindahan ng mga damit. Bumaba si Mang Juan at inalalayan kami makababa sa kalesa. "Bibili ba kayo ng damit?" tanong ko sa kaniya, umiling siya saka napabuntong-hininga.
Magsasalita na sana siya pero lumabas na mula sa tindahan ang isang matandang babae. Magilis niyang sinalubong ang mag-amang Garza. "Pasok ho kayo Don Florencio at señorita Maria Florencita" ngiti nito, naunang pumasok si Don Florencio. Magkahawak kamay naman kaming sumunod ni Maria Florencita.
"Anong oras ho kaya makakarating si heneral Guerrero?" patuloy ng matandang babae dahilan para mapatigil ako. Umupo na sa bakanteng silya ang mag-ama. Napatulala ako sa mga damit na naka-display sa loob ng tindahan. Mga damit pangkasal.
Natauhan ako nang hawakan ni Maria Florencita ang kamay ko at pinaupo niya ako sa tabi niya. "Ipapakiusap ko rin kay ama na patahian ka ng damit na isusuot para sa aking nalalapit na kasal" bulong niya sa'kin, may bahid ng lungkot ang mukha niya. Na para bang hindi siya excited sa kasalan na mangyayari.
Tiningnan ni Don Florencio ang kaniyang relo, "Marahil ay mahuhuli ng ilang minuto si Sebastian. Maaari na bang sukatan ang aking anak?" tanong ng Don sa matandang modista. Tumango ito saka mabilis na kinuha ang mahabang lubid na siyang gagamitin niyang pangsukat.
Tumayo na si Maria Florencita at tumuntong sa bangkito kung saan siya susukatan ng modista. Napansin namin na nahihirapan ang matandang mananahi sa paghanap ng dulo ng sukatang lubid dahil malabo na ang mata nito.
Napatingin sa'kin si Don Florencio, "Hija, maaari mo bang tulungan si aling Rosita sa pagsusukat?" tumango ako saka naglakad papalapit sa kanila. Napangiti sa'kin si aling Rosita, "Pasensiya na hija, malabbo na talaga ang aking paningin" ngiti niya saka inabot sa'kin ang sukatang lubid.
Sinimulan kong isukat ang braso, baywang, balikat at likod ni Maria Florencita saka sinunod ang magiging haba ng kaniyang traje de boda (Wedding suit). Hindi pa ako tapos sa pagsusukat nang bumukas ang pinto at buong giliw na sinalubong ng matandang mananahi ang bagong dating.
"Heneral Guerrero, magandang hapon" ngiti nito, narinig ko rin ang pagsalubong ni Don Florencio sa kaniya. Pinili ko lang magpatuloy sa pagsusukat kay Maria Florencita nang hindi lumilingon kay Sebastian.
Bumaba na si Maria Florencita sa bangkito at nagbigay-galang kay Sebastian. Nanatili lang akong nakatalikod sa kanila. Hindi ko alam kung bakit bumigat ang aking pakiramdam. Alam ko namang nakatakda silang ikasal pero bakit umaasa ako na huwag na lang sana matuloy ang itinakda ko sa kwentong ito.
"Heneral, kayo naman ho ang aming susukatan" tawag ni aling Rosita saka inanyayahan si Sebastian na tumayo sa bangkito. Hindi ako kumibo, nanatili lang akong nakatalikod sa kanila. "Hija, maaari bang sukatan mo ang heneral? Hindi ko na makita ang guhit sa lubid" ngiti sa'kin ng matandang modista.
May choice akong tumanggi lalo na't hindi ko naman trabaho iyon. Pero naaawa ako sa matandang modista. Ayoko ring ma-offend siya kung tatanggi ako matapos ko siya pagbigayn nung una. Tumango na lang ako saka tumingin kay Sebastian na ngayon ay nakatingi lang ng diretso.
Bakas sa mukha niya na hindi niya inaasahang makita ako ngayon dito kasama si Maria Florencita. Pero na rin pa rin ang katotohanan na pinili rin niyang magpanggap na hindi ako kilala. Sinimulan kong sukatin ang braso at balikat niya ngunit masyado siyang matangkad lalo na't nakatungtong pa siya sa bangkito.
Nagulat kami nang bigla siyang bumaba sa bangkito saka humarap sa'kin. Tahimik lang ang lahat sa loob maliban sa boses ko at pagtango ni aling Rosita sa tuwing binabanggit ko ang sukat. Napatigil ako nang kailangan kong sukatin ang baywang ni Sebastian dahil kailangan kong ipulupot ang aking kamay sa kaniya na parang yayakapin siya mula sa likuran.
Napatingin ako kay Maria Florencita at Don Florencio na parehong nagbabasa ng dyaryo ngayon. Mukhang wala silang pakialam kahit may ibang babaeng makalapit nang ganito kay Sebastian. Sa huli, pinili ko na lang na ituloy ang pagsukat sa baywang niya at isinantabi ang kahihiyan. Sa dami ba naman ng kahihiyan na nakita niya sa'kin, siguradong maliit na bagay lang ito. Bukod doon, mukhang wala naman siyang pakialam. Ni hindi niya rin sinabi sa kanila na kakilala niya ako bilang Tanya.
Nang matapos ko siyang sukatan, agad siyang nagpaalam kay Don Florencio at Maria Florencita na kailangan na niyang bumalik sa trabaho. Nakita kong tumingin pa siya sa'kin bago siya lumabas sa pintuan ng tindahan at sumakay ng kalesa pabalik sa tanggapan ng heneral.
"Maraming salamat hija" ngiti sa'kin ni aling Rosita saka tinapik ang balikat ko. Lumapit na siya sa mag-amang Garza saka ipinaliwanag kung kailan matatapos ang pagtahi ng damit na inaasahan nila. Nauna na akong lumabas at lumapit kay Doggie. Gusto ko siyang kausapin ngayon kaso nakatingin si Mang Juan na nakasakay sa kalesa.
"Mang Juan, kamusta po si Doggie?" tanong ko sa kaniya, gulat niya akong tiningnan. "Kilala mo ako hija?" nagtataka niyang tanong dahilan para matauhan ako. Hindi niya pala ako nakilala bilang Tanya kundi bilang Arturo.
"Ah. N-narinig ko hong tinawag kayo ni Maria Florencita kanina" tugon ko, tumango siya. Magsasalita pa sana siya ngunit natanaw na niya na lumabas sa tindahan ang mag-ama kaya bumaba na siya sa kalesa at sinalubong ang mga amo.
"Aking inakala na umuwi ka na Tanya. Hindi ko maalala na ikaw ay nagpaalam kanina" wika niya saka hinawakan ang kamay ko. Magkatabi ulit kami, nagpatuloy lang sa pagbabasa si Don Florencio ng dyaryo sa tapat namin.
"Nainitan kasi ako sa loob kaya dito na lang ako naghintay" saad ko, gusto ko na rin sana umuwi kaya lang malayo pa rito ang pamilihan. Ayoko namang maglakad pauwi.
Lumapit sa'kin si Maria Florencita saka bumulong sa akin, "Hindi ka ba nakilala ni Sebastian?" nagulat ako sa tinanong niya.
"Ha?"
"Hindi ba't kilala ka niya bilang Arturo? Sinanay din niya kayo ni Niyong sa pakikipaglaban" saad niya, napatulala ako saglit at napatango na lang. Hindi pala alam ni Maria Florencita na kilala ni Sebastian ang Faye, Tanya at Arturo na katauhan ko. Hindi niya alam na matagal na kaming magkakilala ni Sebastian bago ko pa siya makilala. At hindi niya rin alam na may pagtingin ako sa lalaking dapat niyang pakasalan.
"Bakit? May ibig ka bang sabihin sa'kin?" tanong ni Maria Florencita nang mapansin niyang nakatingin lang ako sa kaniya. Ang totoong pakay ko kaya ko siya pinuntahan ngayon ay upang sabihin sa kaniya na matagal na kaming magkakilala ni Sebastian at nakatira ako ngayon sa tindahan ng mga libro na pagmamayari rin ni Sebastian.
Magsasalita na sana ako nang mahagip ng aking mata ang grupo ng mga kalalakihan na ngayon ay naglalakad papalabas sa palimbagan ng dyaryo. Magtatakipsilim na, uwian na ng mga trabahador. Nakita ko si Lorenzo, tulalang naglalakad suot ang kaniyang salakot. Sumabasay sa agos ng mga kasamahan niya sa trabaho.
Naalala ko na may kailangan pala kaming pag-usapan tungkol kay Berning. "Ah. Maria Florencita, pwede ba akong bumaba na dito?" saad ko habang sinusundan ng tingin si Lorenzo na tulala lang sa daan.
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Maria Florencita. Napatingin din sa'kin si Don Florencio. Sasabihin ko dapat kay Maria Florencita na nakita ko si Lorenzo at may itatanong lang ako pero nakatingin na sa amin ngayon ang tatay niya.
"M-may bibilhin lang ako sa pamilihan" tugon ko, tumango na si Maria Florencita saka sinabi kay Mang Juan na itigil sandali ang kalesa dahil bababa ako. "Tanya, pakikumusta rin ako kay Amalia. Bibisita rin ako sa kaniya pagkatapos ng paghahanda namin ni ama sa kasal" wika niya habang kumakaway sa'kin.
Tumango ako saka mabilis na humalo sa mga tao. Pilit kong hinahanp muli si Lorenzo sa dami ng tao sa pamilihan hanggang sa masumpungan ko siya. Agad akong humabol sa kaniya at hinila ang bag na gawa sa tela at nakasabit sa kaniyang likuran.
Natauhan siya at napatigil sa paglalakad saka napatingin sa'kin. "Tanya..." wika niya, malungkot ang mga mata niya kanina ngunit ngayon ay ngumiti na siya at muling nabuhay ang kaniyang maputlang hitsura. "A-anong ginagawa mo rito?" nagtataka niyang tanong saka tiningnan ang paligid.
"Edi sasabayan kita maglakad" ngiti ko, natawa na lang din siya nang maalala niya na sinabi niya rin iyon dati sa'kin. Nagpatuloy na kami sa paglalakad at sumabay sa agos ng mga tao. Unti-unti na ring binubuksan ng mga tindahan ang mga lampara upang magbigay liwanag sa paligid dahil papalubog na ang araw.
"Sa katunayan, papunta ako ngayon sa Panciteria" wika niya. Mabagal lang ang paglalakad namin. Animo'y hindi kami nagmamadali kahit abutan ng gabi, taliwas sa ibang mga tao na nagmamadali nang makauwi.
"Bakit?"
"Natanggap ko ang mensaheng pinadala ni Lolita na nagmula sa iyo" tugon niya, napakamot na lang ako sa aking sarili. Masyadong naging okupado ang utak ko kanina dahil kay Sebastian at Maria Florencita, nakalimutan kong pinadalhan ko pala ng mensahe si Lorenzo na magkita kami ngayon.
"Tila ikaw ay nagiging makakalimutin na" ngiti ni Lorenzo, natango na lang ako saka napangiti. Okay lang sana kung makakalimutan ko 'yung mga bagay na masasakit. Tulad ng nararamdaman ko kanina sa harapan nina Sebastian at Maria Florencita.
Napadaan kami sa isang kariton na may mga tindang buko. Nagulat ako nang ngumiti sa'kin si Lorenzo at lumapit sa tindero. "Apat na buko ho, kung maaari" wika ni Lorenzo, tumabi ako sa kaniya.
"Para saan 'yung apat na buko?" tanong ko, ngumiti lang siya sa'kin saka sinagi ako gaya nang ginawa kong pagsagi sa kaniya dati upang asarin. "Para sa iyo" diretso niyang sagot dahilan para mapatigil ako at tulalang mapatingin sa kaniya.
Magsasalita pa sana siya nang pumagitna ang tindero at inabot ang sukli kay Lorenzo. "Maraming salamat ho" ngiti ni Lorenzo sa tindero at nagpatuloy na kami muli sa paglalakad. Bitbit niya sa dalawang kamay ang tig-dalawang buko.
"Bakit apat? Ang dami naman" saad ko pero ngumiti lang siya. Kaya paborito siya ng mga readers sa Salamisim dahil palangiti siya at likas na magalang sa lahat.
"Upang may mainom ka mula Martes hanggang Biyernes. Bibilhan ulit kita sa Sabado" nakangiti niyang tugon. Napailing na lang ako habang natatawa sa pinagsasabi niya. Parang may sponsor tuloy ako ng buko araw-araw.
"Siya nga pala, bakit ibig mo akong makausap?" tanong niya, napahinga ako nang malalim. Patuloy lang kami sa paglalakad.
"Tinutugis na ngayon ng pamahalaan si Berning" tugon ko saka tumingin sa kaniya. Nawala ang ngiti sa kaniyang labi at napayuko siya. "Si Sebastian na muli ang heneral. Inatasan siya ng hukuman na hanapin si Berning. At kung mabigo siyang hanapin si Berning na siyang kaanib ni Roberto. Tuluyang mapapawalang-sala si Roberto at maaaari itong maluklok sa pwesto bilang heneral sa ibang bayan" patuloy ko, nanatiling tahimik si Lorenzo. Ito siguro marahil ang gumugulo sa kaniyang isipan kaya madalas na siyang balisa at tulala.
Napabuntong-hininga muli ako, "Hindi maaaring maging heneral muli si Roberto at magkaroon ng pwesto sa ibang bayan. Mahihirapan kumilos ang samahan lalo na sa Cavite" saad ko, posibleng sa Cavite magkaroon ng posisyon si Roberto dahil naroon siya ngayon at halos naroon din ang mga kaalyado niya at ng kaniyang ama.
"Ang ibig mo bang iparating ay dapat na ring tugisin ng ating samahan sina Berning at Tadeo bago pa nila tayo maunahan ng pamahalaan" wika ni Lorenzo, hindi ako nakapagsalita ng ilang segundo. Ito naman ang dapat niyang gawin. Bilang pinuno ng samahan kasama si Santino, kailangan nilang isipin ang kapakanan ng iba pang miyembro.
"Kapag nahuli ng mga opisyal sina Berning at Tadeo, manganganib ang buong samahan. Hindi natin alam kung hanggang saan nila kakayanin ang pagpapahirap sa kanila upang mapaamin kung sinu-sino ang kaanib sa samahan at kung nasaan ang ating kampo" narinig ko ang malalim na buntong-hininga ni Lorenzo. Nahihirapan siya magdesisyon dahil matalik niyang kaibigan ang dalawa.
Napatitig ako sandali kay Lorenzo, manganganib din siya at ang nakatatanda niyang kapatid na si Santino sa oras na mabunyag ang katotohanan na sila ang apo ni Don Imo Cortes.
Napahinga muli ako nang malalim, sa pagkakataong ito hindi ko na makokontrol ang desisyon niya dahil nagbago na nang tuluyan ang istorya. "Ngunit anuman ang iyong maging desisyon... Nandito pa rin ako para suportahan ka" saad ko saka ngumiti nang marahan sa kaniya. Dahan-dahan siyang napatingin sa'kin at muling sumilay ang ngiti sa kaniyang labi.
Hindi ko namalayan na narating na namin ang tindahan ng mga libro, sa susunod na kalye pa ang Panciteria. Naroon ang limang guardia civil na nakatayo sa labas. Tuluyan na ring lumubog ang araw. Gusto ko sanang tumuloy ngayon sa Panciteria at doon ako matutulog dahil masama pa ang loob ko kay Sebastian.
Ngunit napatigil ako nang makita si Sebastian, nakatayo siya sa pintuan ng tindahan at seryosong nakatingin sa'min ni Lorenzo. Agad akong umiwas ng tingin at nagpatuloy sa paglalakad. Mukhang hindi naman siya napansin ni Lorenzo.
Laking-gulat namin nang biglang humarang si Sebastian sa daan. Nakatingin ito ng seryoso kay Lorenzo saka tumingin sa'kin at itinuro niya ang tindahan gamit ang kaniyang mata na para bang sinasabi niya na pumasok na ako doon.
"Bakit? May dadaanan pa kami sa Panciteria" pagsusungit ko sa kaniya at akmang magpapatuloy sa paglakad ngunit humarang pa rin siya sa daan. Magsasalita pa sana ako nang biglang ibaba ni Lorenzo ang bitbit niyang apat na buko saka buong tapang na hinarap si Sebastian.
Bigla akong nakaramdam ng takot nab aka magsapakan sila. Mapapahamak si Lorenzo at baka madawit ang samahan. Mapaparusahan naman si Sebastian dahil masyado niyang inaabuso ang kaniyang pwesto upang manapak na lang ng isang sibilyan.
Agad akong pumagitna sa kanila at humarap kay Lorenzo, "Ah. H-hindi ko pa pala nasabi sayo. Dito na ako nakatira" saad ko kay Lorenzo sabay turo sa tindahan ng mga libro.
"Bakit?" seryosong tanong ni Lorenzo. Sinubukan kong ngumiti upang pagaanin ang sitwasyon kaya lang habang tumatagal mas lalong tumataas ang tensyon sa pagitan nilang dalawa.
"K-kasi kailangan ko lumayo para hindi mapahamak sila aling Pacing sa Panciteria. Baka balikan kasi ako ni Roberto" paliwanag ko, napatingin si Lorenzo kay Sebastian. Mukhang naintindihan na niya ang witness protection.
Napahinga na lang nang malalim si Lorenzo saka tumingin sa'kin, "Kung gayon, dito na lang kita dadalawin" saad niya saka ngumiti sa'kin. Tumango ako at ngingiti sana pabalik sa kaniya pero biglang tumikhim si Sebastian.
"Malapit nang sumapit ang takdang oras ng paghihigpit. Ano pa ang iyong pakay?" seryosong saad ni Sebastian habang nakatingin nang seryoso kay Lorenzo. Mamayang alas-otso pa ang curfew. Dalawang oras pa, masyadong atat 'to si Sebastian.
Hindi siya pinansin ni Lorenzo, sa halip ay kinuha lang nito ang apat na buko saka inabot sa'kin. "Nawa'y makatulong ito upang bumuti lalo ang iyong pakiramdam" ngiti niya, tumango ako saka kinuha ang apat na buko. Balak niya pa sanang ihatid iyon sa loob ng tindahan pero hinarang siya ni Sebastian, senyales na bawal siya pumasok doon kung kaya't ako na lang ang nagbitbit niyon papasok.
"Mag-iingat ka" paalam ko kay Lorenzo, tumango siya sa'kin sabay hawak sa suot niyang salakot. May sasabihin pa dapat pa siya pero hinila na ako ni Sebastian papasok saka niya isinara nang malakas ang pinto. Nagulat pa ang limang guardia civil sa labas dahil sa lakas nang pagbagsak ng pinto.
NANG gabi ring iyon, tahimik lang kami ni Sebastian. Ilang oras akong nagkulong sa kwarto habang hinahanda ni Niyong ang kakainin namin ngayong gabi. Dito na siya matutulog dahil kailangan niyang abangan ang pagdating ng mga bagong suplay ng papel bukas ng madaling araw.
Samantala, wala akong ideya kung dito matutulog si Sebastian o mas gugustuhin niyang umuwi na lang sa komportbale nilang mansion. Nagsusulat lang ako sa kwaderno, 'nung una ay nag-drawing ako pero dahil puro kamukha ni Sebastian ang mga naguguhit ko, nagsulat na lang ako.
Natauhan ako nang biglang may kumatok sa pinto, "Ate Tanya, handa na ho ang pagkain" tawag ni Niyong. Nagpatuloy lang ako sa pasusulat sa kwaderno.
"Busog pa ko. Mauna na kayo"
"Ho? Sayang naman ho ang ginataang isda na---" hindi na natapos ni Niyong ang sasabihin niya dahil narinig ko ang boses ni Sebastian.
"Hayaan mo na siya. Marahil ay kumain na siya kanina" saad ni Sebastian, naibagsak ko na lang ang hawak kong pluma dahil sa inis.
"Kumain na ho kayo kasama si ginoong Gani?" tanong ni Niyong, narinig ko ang pagbagsak ng libro sa mesa. Agad akong tumayo at binuksan ang pinto. Napaatras naman si Niyong sa gulat. Inis namang nakaupo si Sebastian sa silya at nakapatong na sa mesa ang binabasa niyang libro.
"Hindi ako nagugutom. Wala rin akong gana kumain. Pakisabi sa isa diyan na 'wag niyo na akong hintayin, kumain na lang kayo at magpatahi ng damit" buwelta ko saka isinara ang pinto. Nagulat si Niyong sa lakas nang pagkakasara ko niyon.
"Pakisabi sa isa diyan na hindi natin siya hihintayin dahil tila nabusog na siya sa mga bukong iyan" narinig kong buwelta ni Sebastian. Ngayon ko lang narinig ang masigaw niyang boses. Nakaramdam ako ng takot pero dahil mas nangingibabaw ang inis ko sa kaniya. Hindi pa rin ako lumaas ng kwarto.
"Pakisabi rin sa isa diyan na pwede naman siyang umuwi sa bahay nila. Hindi naman niya ako kailangan samahan dito" bawi ko, kumatok muli si Niyong pero hindi ko pa rin binuksan iyon.
"Pakisabi sa kaniya na hindi niya rin dapat sinabi sa lalaking iyon kung saan siya nakatira ngayon" nagpintig ang tenga ko sa sinabi niya, dali-daling binuksan ang pinto at hinarap siya.
"Ikaw nga hindi mo sinabi kay Maria Florencita na tinatago mo ako ngayon dito. Nagpanggap ka rin na hindi mo ako kilala kanina!" sigaw ko na ikinagulat nilang dalawa. Napatakip ng bibig si Niyong, hindi naman kumibo si Sebastian.
Tumayo na si Sebastian saka kinuha ang mga gamit niya. Mabilis siyang lumabas sa pinto, nagulat pa kami nang bigla niyang sinipa ang apat na buko na nananahimik sa tabi ng pinto bago lumabas at sumakay sa kalesa.
"A-ano ho bang nangyayari sa inyo ni Señor?" gulat na tanong sa'kin ni Niyong. Hindi ko siya sinagot, sinara ko na lang ulit ang pinto saka sinabunutan ang aking sarili sa inis at nagtaklob ng kumot. Ganito pala talaga siguro ang kapalaran ng isang kerida.
KINABUKASAN, alas-diyes na ng umaga ako bumangon. Kanina pa ako gising pero wala akong gana tumayo, maligo o kumain. Hindi ako mapakali kakaisip kagabi kung babalik ba si Sebastian. Hindi ko alam kung bumalik ba siya dahil nakatulog din ako bago mag-hatinggabi.
Nakaramdam na ako ng gutom kaya bumangon na ako. Pagbukas ko ng pinto, laking-gulat ko nang makita ang mga bulaklak sa loob ng tindahan. Karamihan sa mga iyon ay sunflower. Nakalagay ito sa mga porselanang vase dahilan upang mas lalong gumanda ang ambiance sa loob ng tindahan.
Naabutan ko si Niyong na nag-aayos sa mesa, nanlaki rin ang mga mata ko nang makita ang mga naglalakihang pakwan, mangga at ubas na naroon. "Niyong! Saan mo nabili lahat ng 'to?" gulat kong tanong, rare ang watermelon sa time period na ito. Siguradong mahal 'to.
"Hindi ko ho alam kay señor" tugon niya dahilan para mapatigil ako. Si Sebastian ang bumili ng mga prutas na iyon na nabanggit ko kahapon?
"Maganda rin ho ba ang mga bulaklak dito sa loob? Pinitas ho ni señor ang mga iyan sa kanilang hardin" ngiti ni Niyong, napalunok na lang ako saka pinagmasdan ang buong tindahan. Naalala ko na paborito ng mama ni Sebastian ang sunflower na itinakda ko sa kwentong ito. Hindi niya pinapapitas nang walang dahilan ang mga bulaklak sa kanilang hardin.
Nagulat ako nang makita ko si Sebastian, galing siya sa likod ng tindahan kung saan niya pinapagawa ngayon ang kusina. Nakasuot na siya ng uniporme pang-heneral pero mukhang hindi pa siya pumapasok sa trabaho.
Nagkatinginan sila ni Niyong, agad naglakad si Niyong papalabas ng tindahan. Tatawagin ko sana siya pero biglang tumikhim si Sebastian at inilapag sa mesa ang isang kumpol ng bulaklak "H-hindi ko batid kung ito ba ang tinutukoy mong mansanilya" saad niya nang hindi nakatingin sa'kin, halatang umiiwas siya na magtama ang aming mga mata.
Napakagat na lang ako sa aking ibabang labi, sumasabog na ngayon ang puso at parang biglang natunaw lahat ng inis ko sa kaniya kagabi. Kinuha ko na sa mesa ang Chrysanthemun, inamoy iyon at itinago ang aking ngiti sa likod ng bulaklak.
"H-hindi naman mahilig si Niyong sa bulaklak kung kaya't sa iyo na lang 'yan" wika niya saka mabilis na tumalikod at lumabas ng tindahan. Napatalon na lang ako saka sumigaw nang walang boses habang umiikot na parang uod na binudburan ng asin. Alam ko namang para sa'kin ang bulaklak na binigay niya, hindi niya talaga kayang sabihin sa sobrang hiya.
BUONG araw akong nagluto sa Panciteria, nagpatulong ako kay aling Pacing sa pagluto ng pansit. Balak kong dalhan si Sebastian sa opisina niya bilang peace offering. Alas-singko na nang hapon na matapos kami sa pagluluto. Sasabay na rin ako kay Sebastian pauwi sa aklatan kapag nabigay ko na sa kaniya ang pansit.
Masaya akong naglalakad sa kahabaan ng pamilihan patungo sa Fort Santiago. Nag-ayos din ako ng buhok, tinirintas ko ito sa likod at naglagay ng kaunting bangs. Hindi pa uso ang bangs pero gusto ko lang maging iba sa kanilang lahat. Siguradong mawiwindang si Sebastian kung gaano ako kaganda ngayon. Napangiti ako sa aking sarili na parang isang hibang, wala rin akong pakialam kahit pinagtitinginan ako ng mga tao.
Napatigil ako nang biglang may tumigil na kalesa sa tabi ko. "Tanya" tawag ni Maria Florencita. Biglang nawala ang ngiti ko nang makita si Sebastian sa kaniyang tabi. Magkasama sila ngayon sa iisang kalesa. Si Mang Juan ang kutsero.
"Sumama ka sa amin, magsasalo-salo kami sa aming tahanan" wika ni Maria Florencita, tatanggi sana ako pero bumaba siya sa kalesa at hinawakan ang kamay ko. Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay nagulat din.
Wala na akong nagawa nang pilitin ako ni Maria Florencita. Gusto niya rin ako makakwentuhan buong gabi at sinabi niyang doon ako matulog sa kanila ngayon. "Para kanino pala ang pansit na ito?" tanong ni Maria Florencita. Kasalukuyan na kaming nasa byahe papunta sa mansion nila.
Nakapatong sa hita ko ang isang maliit na bilao ng pansit. Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay nakatingin lang ng diretso sa daan, "Ah. M-may pagbibigyan lang ako" tugon ko, parang sumisikip ang dibdib ko. Gusto ko nang bumaba sa kalesa.
Tinatahak na namin ngayon ang gubat na siyang shortcut papunta sa mansion ng pamilya Garza. Unti-unti na ring lumulubog ang araw. Gusto ko nang lumayo sa kanila pero malayo kam ngayon sa kabihasnan.
Magsasalita na sana ako pero nagulat kami nang biglang tumigil ang kalesa. Nagsimulang magpumiglas ang kabayo at laking-gulat namin nang makita ang sampung lalaki na may takip ang mukha. May mga hawak silang matatalim na espada.
Napasigaw sa takot si Maria Florecita, mabilis na lumundag si Sebastian pababa ng kalesa at pinigilan ang pagsugod ng mga kalaban gamit ang kaniyang espada. "Tumakbo na kayo!" sigaw ni Sebastian nang palibutan siya ng mga lalaki at pilit na sinasangga ang mga atake nito.
Agad kong hinawakan ang kamay ni Maria Florencita at hinila ito pababa ng kalesa. Medyo malayo pa kami sa mansion nila at walang ibang bahay malapit dito. Naisip ko na magtago na lang kami sa masukal na kagubatan pero nagulat kami nang biglang may isang lalaking humarang sa aming daan.
Nakasuot din siya ng itim at may telang itim na nakataklob sa kaniyang mukha. Lahat sila ay nakasuot ng salakot. Animo'y namanhid ang aking buong katawan habang nakatutok sa amin ang mahabang baril na hawak ng lalaking iyon.
Nanginginig na rin si Maria Florencita habang patuloy na umiiyak sa aking likuran. "K-kung kailangan niyo nang salapi, b-bibigyan namin kayo, huwag niyo lang kami saktan" saad ko, wala ito sa kwento. Walang ganitong pananambang ang bahagi ng nobela na isinulat ko.
"S-sebastian!" tawag ni Maria Florencita kay Sebastian na ngayon ay nagulat sa sitwasyon namin. Nakatutok sa amin ni Maria Florencita ang baril na hawak ng lalaking dahan-dahang humahakbang ngayon papalapit sa amin habang patuloy din ang aming paghakbang paatras.
Hindi nagsalita ang lalaking may hawak ng baril, napatitig ako sa mga mata niya na pamilyar sa akin. Kakalabitin na ng lalaki ang gatilyo ng baril nang biglang ikinumpas ni Sebastian ang kaniyang espada upang mabitawan ng lalaki ang baril ngunit nabigo siya dahil nawalan lang ng balanse ang lalaki at nang makatyempo ay pinaputok niya ito sa direksyon ni Maria Florencita.
Mabilis na nahila ni Sebastian si Maria Florencita at natumba sila sa lupa. Nagliparan ang mga ibon sa gubat dahil sa malakas na alingawngaw ng putok ng baril. Mabuti na lang dahil walang natamaan sa kanilang dalawa.
Ngunit laking gulat ko nang biglang itutok sa'kin ng lalaki ang baril, "Adios!" wika niya saka mabilis na kinalabit ang gatilyo. Diretsong tumama sa aking sikmura ang dalawang bala na sinundan pa ng isang bala sa aking balikat.
Nagliliyab na apoy ang naramdaman ko sa aking buong katawan hanggang sa bumagsak ako sa lupa. Wala na akong narinig habang bumabagal ang takbo nang paligid at unti-unting nanlalabo ang aking paningin. Nakita ko si Sebastian na ngayon ay nababalot na rin ng dugo ang kaniyang kamay habang pilit na ginigising ang aking diwa.
Gusto kong hawakan ang kaniyang mukha ngunit wala na akong maramdaman hanggang sa tuluyang dumilim ang aking paningin na sinabayan ng aking huling paghinga at pagtigil ng tibok ng aking puso.
***************************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top