Kabanata 27

[Chapter 27]

KAGABI ko pa gustong magpalamon sa lupa dahil sa kahihiyang nangyari sa loob ng isang silid sa hukuman. Hindi ako makakain ng maayos at hindi rin ako nakatulog buong gabi. "Tanya, maaari mo bang dalhin ito kay Amalia?" tanong ni Aling Lucia, tumango ako saka kinuha ang isang kahoy na tray na naglalaman ng lugaw at isang basong tubig.

Tulala akong umakyat papunta sa kwarto ni Amalia. Kakatapos lang nila mag-rosaryo ni Aling Pacing. Hinalikan niya ang noo ng anak saka tumango sa'kin. Sa paglipas ng araw mula nang malaman nila na kasapi rin ako sa rebelde, unti-unti na rin nilang natanggap at naintindihan ang aking dahilan kung bakit hindi ko agad sinabi sa kanila na kaanib ako sa samahan.

Umupo na ako sa bakanteng silya sa tabi ng kama ni Amalia at inilapag sa maliit na mesa ang dala kong pagkain. "May bumabagabag ba sa iyong isipan, Tanya?" tanong niya, unti-unti na ring bumabalik ang kulay niya. Maging ang kaniyang sigla at boses ay nanunumbalik na rin.

Kinuha ko na ang mangkok na naglalaman ng lugaw saka napabuntong-hininga. Napapikit na lang ako nang maalala ko na naman ang nangyari kagabi.

"Sebastian, bago mo makalimutan ang lahat, ibig kong malaman mo na... Gusto kita" pag-amin ko sa kaniya habang hinihintay ang pagpatay ng apoy at pagkawala ng liwanag sa buong paligid.

Napatulala si Sebastian sa sinabi ko, ngumiti lang ako sa kaniya.

"Faye..." saad niya sabay hawak sa lampara. Agad kong tinaktak ang lampara. Hindi ako makapaniwala na hindi ito namatay!

"Shocks! Bakit hindi namatay?" gulat kong tanong at tinaktak pa iyon ng tatlong beses. Tulala lang sa akin si Sebastian na para bang hindi siya makapaniwala na matapos akong umamin sa kaniya ay mas mahalaga sa'kin ang sindi ng lampara kaysa sa sasabihin niya.

Napapikit na lang ako, ramdam ko ang pag-init ng aking mukha. Hindi ganito ang dapat mangyari. Agad kong binuksan ang lampara at pinatay iyon gamit ang aking hininga. Napahinga ako ng malalim nang dumilim ang buong paligid.

Ngunit napatigil ako nang marinig ko muli ang boses ni Sebastian, "B-bakit mo pinatay ang sindi ng lampara?" tanong niya, ramdam ko ang pagkabigla at kaba sa kaniyang tono na para bang nagdadalawang-isip siya sa gustong kong mangyari sa aming dalawa ngayon sa silid na ito na tanging kaming dalawa lang ang makakaalam.

Agad akong napaatras. Ilang segundong naghari ang katahimikan sa pagitan namin. Rinig ko ang kaniyang bawat paghinga. Tila naistatwa ako sa kaing kinatatayuan nang maramdaman ko ang mainit at magaspang niyang palad na dumampi sa aking kamay nang kunin niya ang lampara.

Ilang sandali pa, muling nagkaroon ng sindi ang lampara. Hindi ko alam kung paano nangyari iyon pero narinig ko ang pagkiskis ng posporo. Ipinatanong ni Sebastian ang lampara sa isang mesa at muling tumingin sa'kin.

Agad akong napaiwas ng tingin habang nakahawak pa rin sa tapat ng aking puso. Gusto kong magsisisigaw at magwala ngayon dahil wala na akong mukhang maihaharap sa kaniya. Umamin na ako. Ako pa talaga ang mapangahas na naunang umamin kahit hindi naman dapat dahil wala naman ako sa kwento.

Magsasalita na sana siya ngunit mabilis akong tumakbo papunta sa pintuan, binuksan ang pinto saka nagtatakbo papalabas ng hukuman na parang nakakita ako ng multo.


"Maaari mo namang ibahagi sa akin kung anuman ang gumugulo ngayon sa isipan mo" natauhan ako nang muling magsalita si Amalia. Napapikit na lang ako saka napahilamos sa aking mukha. "Anong gagawin ko? Pinahiya ko 'yung sarili ko sa harap ng isang... lalaki" saad ko, gusto kong mag-break down ngayon. Nakakahiya talaga.

Napaisip naman si Amalia, bakas sa mukha niya na hindi niya masyado maintindihan ang problema ko. "Ipinahiya mo ang iyong sarili sa harapan ng isang ginoo?" ulit niya. Umupo ako nang maayos saka muling humarap sa kaniya. "Oo, parang gano'n na nga" saad ko saka isinubsob ang aking mukha sa kumot niya.

"Sa paanong paraan? Sandali. Huwag mo sabihing may nakita siyang bahagi ng iyong katawan?" gulat na saad ni Amalia dahilan para mapatigil ako at mapatulala sa kaniya. Mas lalo kong gustong magwala ngayon. Naalala ko na may nakita rin pala sa'kin si Sebastian dati.

Napailing na lang ako. Hindi iyon ang usapan ngayon. Dapat talaga nakalabas na ako kagabi sa kwentong ito para nabura na rin sa alaala ni Sebastian ang lahat ng kahihiyang nagawa ko sa harapan niya. "Kung gayon, nalaman ng ginoong tinutukoy mo na ikaw ay may pagtingin sa kaniya?" tanong ni Amalia. Tumango na lang ako at mas lalo akong nalulugmok dahil tumatama ang mga hula niya. Gano'n nga siguro ka-obvious ang mga kapahangasan na nagawa ko.

Hinawakan ni Amalia ang kamay ko at tumawa siya nang mahina. Ngayon ko na lang ulit siya nakitang tumawa matapos ang ilang linggong paghihirap niya upang labanan ang kaniyang pagsusuka ng dugo. Ngayon ko na lang ulit siya nakitang ngumiti matapos ang trahedyang sinapit nila ng kaniyang kasintahan.

"Paano kung may pagtingin din pala sa iyo ang ginoong iyon?" tanong niya, hindi ko alam kung bakit bigla akong nabuhayan ng pag-asa sa sinabi niya. "Paano kung wala? Ang saklap, ako pa talaga ang mababasted" saad ko saka napasubsob muli sa kumot.

"Basted?" nagtatakang tanong ni Amalia pero naroon ang pagkamangha sa mukha niya dahil masyado akong apektado sa lalaking tinutukoy ko. "Basta parang hindi niya ako gusto" paliwanag ko, napailing na lang si Amalia habang nakangiti. Okay na siguro kahit puno ako ng kasawian ngayon dahil napapangiti rin si Amalia.

"Ibig mo bang malaman kung may pagtingin din ba sa iyo ang taong iyong napupusuan?" tanong ni Amalia, napaisip ako sa sinabi niya. Ito ba 'yung mga 5 signs how to know if your crush likes you sa google?

Napatango na lang ako, dapat may idea ako kasi ako naman ang author at marami akong nasulat na nobela pero pagdating kasi kay Sebastian ay hirap na hirap akong basahin ang pagkatao niya. "Sa oras na magparamdam na siya na ibig ka niyang ligawan" tugon niya. Napakurap na lang ako ng dalawang beses. Wala akong maalala na nagpaparamdam si Sebastian na gusto niyang manligaw sa'kin.

Napailing na lang ako, mukhang hindi applicable kay Sebastian ang mga sasabihin ni Amalia. "Paano kung 'yung ugali ng lalaki ay parang masungit, suplado, tahimik, seryoso at hindi palakibo?" tanong ko, napaisip naman si Amalia, binilang niya pa gamit ang kaniyang daliri ang sinabi kong mga katangian ng lalaking tinutukoy ko.

"Kung gayon, mahirap nga basahin ang kilos ng ginoong tinutukoy mo" saad niya, napabagsak na lang muli ang aking balikat. Kahit ako na mismong gumawa sa character ni Sebastian ay nahihirapang basahin siya, paano pa kaya 'yung iba?

"Maaari mong makita ang kaniyang pagtingin sa iyo kung madalas siyang gumawa ng paraan upang ipagtanggol ka" saad ni Amalia. Napaisip ako nang mabuti, hindi ko na mabilang kung ilang beses akong niligtas at prinotektahan ni Sebastian mula nang makapasok ako sa loob ng kwentong ito.

"Ngunit kung matalik kayong magkaibigan o ipinagtatanggol mo rin naman siya. Sa aking palagay ay ginagawa niya lang iyon bilang pagtanaw ng utang na loob sayo" habol ni Amalia dahilan para mawala ang ngiti ko. May point naman siya, maraming beses ko rin niligtas si Sebastian. Gusto lang siguro niyang gantihan ako ng kabutihan.

"Kung nakakaramdam din siya ng paninibugho sa tuwing may kasama kang ibang ginoo" patuloy ni Amalia. Muli akong napaupo nang maayos. Nararamdaman ko na nagbabago ang reaksyo ng mukha niya at mas nagiging suplado siya kapag kasama ko si Lorenzo.

"Higit sa lahat, mababasa mo sa kaniyang mga mata ang kaniyang tunay na nararamdaman" dagdag ni Amalia. Napatulala na lang ako sa aking sarili. Wala pa akong narinig na sweet words mula kay Sebastian pero sa tuwing tinititigan niya ako, sapat na iyon para matunaw ako sa kaniyang harapan.


HINDI ko rin pinalagpas ang pagkakataon na magtanong sa iba. Kung quantitative study ang ginagawa ko, mahalaga na mas maraming data akong masagap. Kailangan ko rin ng maraming related articles at references para mas matibay ang pag-aaral na gagawin ko.

Nagdidikdik kami ngayon ni Lolita ng bawang sa kusina ng Panciteria. Tanghaling tapat na ngunit hindi pa tapos magluto sila aling Pacing. Tinanong ko rin kay Lolita kung paano malalaman ng isang tao kung may gusto sa kaniya ang taong nagugustuhan niya.

"Para sa akin ate Tanya, hindi mahalaga kung gusto ka ba niya o hindi. Ipahayag mo lang ang nararamdaman mo sa kaniya kahit pa araw-arawin mo upang hindi niya makalimutan" ngiti ni Lolita, napakunot na lang ang mukha ko. Parang hindi ko kinakaya ang character niya.

Naalala ko na naman kung paano niya habulin si Niyong at Arturo. Siguradong kaunti na lang ay malapit na siyang patalsikin ng nobela ko sa loob ng istoryang ito.

Oras ng siyesta, nagtungo ako sa mansion ng pamilya Garza. Tulad ng dati ay lagi kong naaabutan si Maria Florencita sa azotea at abala ito sa pagtatahi. Tinanong ko rin sa kaniya ang kaparehong bagay na tinanong ko kay Amalia at Lolita.

"Aking maipapayo na subukan mo ang kaniyang pagiging maginoo" ngiti ni Maria Florencita, napatango ako ng ilang ulit dahil sa sinabi niya. May punto siya, mas mahahanap ko ang sagot gamit ang experimental study. Para mas malaman ko ang cause and effect.

Mahangin sa azotea at mas lalong nagpakaganda sa paligid ay ang mga halaman at bulaklak sa kanilang hardin. Tumalikod na lang ako sa hadrin, naaalala ko na naman ang moment nilang dalawa doon. Pero hindi ko naman masisisi si Maria Florencita, bahay niya ito. Si Sebastian ang dapat magpaliwanag sa'kin.

"Tulad ng?" kung may dala lang akong notes. I-tatake note ko lahat. Walang google ngayon dito kaya sa kanila ako aasa.

Napaisip nang mabuti si Maria Florencita, "Magparinig ka ng mga gusto mong pagkain o bulaklak" ngiti niya, napangiti rin ako sa sinabi niya. Tama! Kailangan ko lang gulatin si Sebastian. Naalala ko na binilhan niya akong crescent moon necklace dahil alam niyang gusto ko iyon. Handa pa akong umutang mabili lang iyon.

"Ikaw ay magparinig din ukol sa mga lugar na ibig mong puntahan. Hinatayin mo lang ang ilang araw, dadalhin ka niya roon kung may pagtingin talaga siya sa iyo" sabay pa kaming napatili ni Maria Florencita nang mahina dahil sa ideyang iyon.

Ano kaya kung sabihin ko sa kaniya na gusto kong makapunta sa Paris? Napailing ako sa ideyang iyon. Parang nasusuka na agad ako dahil ilang buwan kaming sasakay sa barko papuntang Europa.


KINABUKASAN, abala ako sa paglilinis ng bintana nang matanaw ko si Niyong. Naglalakad ito papasok sa Panciteria. Agad akong tumakbo pababa at sinalubong siya. Si Lolita ang naabutan niya sa dining area ng Panciteria.

"Niyong!" tawag ko sa kaniya sabay kindat kay Lolita. Ako naman ngayon ang babawi sa pinaggagawa niya kapag kasama namin si Lorenzo.

"Ate Tanya, may ibig ipaabot sa inyo si Señor Sebastian" saad ni Niyong dahilan upang mapalitan ng kaba ang malaking ngiti ko. Ilang araw na ang lumipas mula nang umamin ako kay Sebastian. Ginagawa ko ang lahat upang iwasan siya. Ilang beses nagpadala ng mensahe si Sebastian na inabot ni Niyong kay Lolita. Pinapapunta niya ako sa aklatan pero hindi ako pumupunta.

"Ano bang ibig ni Señor Sebastian kay ate Tanya? Malapit nang ikasal si ate Tanya" sabat ni Lolita, botong-boto siya kay Lorenzo kaya alam kong hindi rin siya masaya kapag inaabot niya sa'kin ang mensahe mula kay Sebastian.

"Ikasal? Kanino?" nagtatakang tanong ni Niyong. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanila ni Lolita. Para silang mga presidente ng magkaibang fans club at ngayon ay pinagtatalunan nila kung kanino ba dapat ako i-love team.

"Kay kuya Gani" saad ni Lolita habang nakapamewang pa.

"Mas marangya ang pamumuhay ng aking señor" buwelta ni Niyong na ikinagulat ni Lolita.

"Di hamak na mas liligaya si ate Tanya sa piling ni kuya Gani dahil palangiti ito at patatawanin siya araw-araw" banat ni Lolita. Napaisip si Niyong, sobrang layo talaga ng personality nina Sebastian at Lorenzo. Hindi nag-jojoke si Sebastian o bumabanat ng pick up line 'di tulad ni Lorenzo.

"Mabibigyan ng aking señor ng masagana at payapang buhay si ate Tanya. Maaaring siyang maligo sa salapi at mga alahas" saad ni Niyong, napakurap ako sa sinabi niya. Gusto niya bang palabasin na gold digger ako?

"Kahit kamote o saging lang ang kainin nila Ate Tanya at Kuya Gani araw-araw ay tiyak na magiging maligaya at puno ng pagmamahal ang kanilang pagsasama kasama ang labing-dalawa nilang supling!" wika ni Lolita, napanganga ako sa sinabi niya. Pakiramdam ko magiging root crops kami ni Lorenzo kung wala na kaming kakaining iba. Bukod doon, napahawak ako sa aking tiyan dahil sa twelve little piglets na gustong ipaglaban ni Lolita.

Hindi pa sila natapos sa pagbabangayan kaya pumagitna na ako sa kanilang dalawa. Tiningnan ko si Lolita sa kaliwa at si Niyong naman sa kanan. "Kayong dalawa... Kayo na lang kaya magatuluyan para maligo kayo sa salapi at alahas, kumain ng kamote at saging araw-araw at mag-anak ng labing-dalawa" saad ko sabay talikod saka umakyat na pabalik sa kwarto ni Amalia.


ILANG minuto na ang lumipas habang nakatayo ako sa labas ng opisina ni hukom Unotario sa hukuman. Ipinatawag niya ako at ngayon ay hindi ko alam kung bakit. Hindi nagtagal bumukas na ang pinto, lumabas ang isang abogado roon. "Maaari ka nang pumasok sa loob" wika nito saka naglakad na paakyat sa ikalawang palapag.

Huminga ako nang malalim saka pumasok sa loob ng opisina ng punonghukom. Naabutan kong abala siya sa pagbabasa ng isang makapal na libro na may kinalaban sa abogasya. Napatingin siya sa'kin saka sumenyas na maupo ako sa bakanteng silya.

"Aking hindi akalain na gagamit ng babaeng espiya si Sebastian" panimula niya, napatango na lang ako. Ako rin hindi ko akalain na mangayyari lahat ng ito.

"Ipinatawag kita rito upang ipagbigay alam sa iyo ang pagkakasakdal ngayon ni Roberto na siyang isinangkot mo na nakipagsabwatan sa mga rebelde" patuloy niya, nagsimula akong makaramdam ng kaba. Posible kayang mabalikat ang pag-aakusa ko sa kaniya at ako naman ngayon ang mabibilanggo?

Napabuntong-hininga si hukom Unotario saka isinara ang librong binabasa. "Nagbigay kami ng sapat na araw ngunit hindi namin mahanap ang rebeldeng tinutukoy mo na nagngangalang Berning. Kung kaya't malabong mapatunayan na may kasunduan sila ni Roberto" saad ni hukom Unotario, gulat akong napatingin sa kaniya. Nagbago na talaga ang lahat, hindi ko na alam ang susunod na mangyayari ngayon sa Salamisim.

"Ang tanging kasalanan na maipapataw kay Roberto ay ang panggigipit nito kay Amalia at pagpilit na ituro si Sebastian na siyang tumulong sa pagtakas ng isang guardia civil na nagsisilbi sa bayan" napayuko na lang ako. Mukhang makakalaya pa si Roberto.

"Huwag ka ring mag-alala, mananatiling lihim ang aking nalalaman ukol sa iyong pagiging espiya ng pamahalaan at rebeldeng grupo" saad ni hukom Unotario saka tumango sa'kin.

"Kung ikaw ay nangangamba na bawian ka ni Roberto. Sikapin niyong mahuli ni Sebastian ang tinutukoy niyong rebeldeng kasabwat ni Roberto" patuloy niya, napapikit na lang ako. Sa pagkakataong ito, kailangan pa ring usigin ni Sebastian ang mga rebelde upang mapanatili ang kaayusan, ang pwesto niya at madiin si Roberto. Nag-aalala ako ngayon sa magiging reaksyon ni Lorenzo dahil mahalaga sa kaniya sina Berning at Tadeo.


KUNG anu-ano na namang tumatakbo sa isipan ko. Kailangan ko na talaga makalabas dito para maayos ko ang lahat. Wala na ang mga guardia na nagbabantay sa Panciteria. Binuksan na muli nila Aling Pacing at Mang Pedro ang kanilang kainan ngunit matumal ang benta dahil mas kumakalat ang usap-usapan na nagawang magikpagtanan ni Amalia sa isang guardia civil.

Napatigil ako sa pagpipitias ng dahon ng malunggay isa-isa nang biglang pumasok sa kusina si Lolita, animo'y nakakita siya ng multo dahil sa gulat. Mabilis siyang naglakad papalapit sa'kin at bumulong, "Ate Tanya, naghihintay sa labas si señor Sebastian!" nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Para akong nabuhusan ng napakalamig na tubig at ibig ko na lang matunaw ngayon na parang yelo.

"S-sabihin mo, wala ako ngayon dito!" saad ko pero napakagat siya sa kaniyang labi. "Nasabi ko na sa kaniya na nandito ka sa kusina ate" napahawak ako sa aking noo. Napaka-honest din talaga ni Lolita.

"Sabihin mo masama pakiramdam ko" wika ko, tumango si Lolita saka mabilis na lumabas ng kusina. Napapatingin sa amin ang ibang kusinera pero nagpatuloy lang sila sa pagluluto. Pinagpatuloy ko ang pagpitas ng malunggay, parang nanghihina ngayon ang aking mga daliri dahil hindi ko mahila ang mga dahon sa tangkay.

Nagulat kami nang pumasok muli si Lolita sa kusina saka bumulong sa'kin, "Ano raw ho ang sakit niyo ate Tanya?" napahawak muli ako sa aking noo. Siguradong halata na ngayon ni Sebastian na iniiwasan ko siya. Nagawa pang bumalik dito ni Lolita para itanong kung ano ang sakit ko.

"Sabihin mo... Masakit tiyan ko" saad ko, kahit anong mangyari, papanindigan ko na 'to. Hindi pa ako handang makita siya. Tumango si Lolita saka mabilis na tumakbo papalabas ng kusina.

Napatigil ulit kami nang bumalik muli si Lolita, "Ate Tanya, dadalhin niya raw ho kayo sa pagamutan ngayon na" saad ni Lolita na mas lalong ikinagulat ko.

Napatayo na lang ako sa inis, halata namang alam na ni Sebastian na walang masakit sa'kin at nagdadahilan lang ako. Napatigil ako sa pintuan ng kusina saka dumungaw sa labas, naroon nga si Sebastian. Nakasakay sila ni Niyong sa kalesa ngunit nakaparada ito sa harap mismo ng Panciteria.

"Lolita..." napatigil ako saka napasandal sa pader ng kusina. Dumungaw din si Lolita sa pintuan ng kusina saka tumingin sa'kin. "Huwag kang magpapadala sa kayamanan niya ate Tanya. Iyong tandaan, nakatakda siyang ikasal kay señorita Maria Florencita. Bakit pa niya ginugulo ang pagmamahalan niyo ni kuya Gani?" inis na saad ni Lolita na para bang hindi siya makakapayag na matalo ang manok niya.

Napapikit na lang ako, ayoko talagang lumabas. Ayoko siyang harapin. Mas pipiliin ko na lang na lamunin ng lupa kaysa harapin siya. Nanatili lang kami ni Lolita sa pader ng kusina, hindi rin naman niya ako pinipilit na sumama kay Sebastian.

Ilang sandali pa, nagulat kami nang biglang may magsalita sa tapat ng pintuan. "Ibig mo bang buhatin kita pasakay sa kalesa? Hindi mo na ba kayang maglakad?" saad ni Sebastian habang nakatingin ng diretso sa kusina. Sinabi niya iyon nang hindi nakatingin sa akin upang hindi maghinala ang mga kusinera na kinakausap niya ako.

Parang biglang nanghina ang tuhod ko sa sinabi niya. Iniisip ba niyang masakit talaga ang tiyan ko? Hindi ko rin tuloy alam kung pick up line ba o death threat ang sinabi niya.

Magsasalita na sana ako pero biglang dumating si aling Pacing, "H-heneral Sebastian" bati nito saka nagbigay-galang sa kaniya. "Ano ho ang maipaglilingkod namin?" patuloy ni aling Pacing, tumayo naman ng maayos ang mga kusinera at nagbigay-galang din sa heneral.

"Maaari ko ho ba kayong makausap?" tanong ni Sebastian kay Aling Pacing na ikinagulat naming lahat. Tumango lang si aling Pacing saka inanyayahan si Sebastian sa salas ng bahay nila na matatagpuan sa ikalawang palapag.

Sumunod kami ni Lolita nang palihim. Nanatili lang kami sa hagdanan at sinilip sila sa salas. "Ibig naming magpasalamat sa inyo heneral. Nabanggit sa akin ni Amalia na tinulungan mo nga siya. Paumanhin kung nagawa niya kayong idamay sa kasalanang ginawa nila" saad ni Aling Pacing, dumating na rin si Mang Pedro at binuksan nito ang pinaka-iingatang alak. Tumanggi si Sebastian uminom dahil tanghaling tapat pa lang.

Bigla akong nakaramdam ng lungkot, naalala ko kung paano nanahimik at nagwalang-kibo ang rebeldeng grupo upang tulungan si Sebastian nang mapahamak ito dahil kay Amalia. Ngunit hindi ko rin naman sila masisisi dahil kalaban si Sebastian ng mga rebelde.

"May ibig ho akong ipagpaalam sa inyo..." saad ni Sebastian, nagkatinginan ang mag-asawa. Pilit pa naming inilapit ni Lolita ang tenga namin ngunit hindi na namin marinig ang kanilang pinag-uusapan. Ilang sandali pa, tumayo si aling Pacing, pababa ito ng hagdan kaya dali-dali kaming tumakbo ni Lolita pabalik sa kusina at nagkuwnaring abala sa pag-aayos ng mga plato.

"Tanya" tawag ni aling Pacing. Napalingon ako sa kaniya na ngayon ay nakatayo sa tapat ng pintuan ng kusina. "Sumama ka sa akin hija" saad nito, nagkatinignan kami ni Lolita pero wala na akong nagawa kundi ang sumunod kay aling Pacing.

Hindi nga ako nagkamali dahil dinala ako ni aling Pacing kay Sebastian. Kanina ay lihim lang niya akong gustong makausap pero dahil ayoko siyang harapin at puro ako dahilan, mukhang pinarating na niya kay aling Pacing na gusto niya akong makausap kaya mas lalong nakakahiya tuloy dahil maraming mga mata at tenga ang nakakita at nakarinig ngayon dito.

"Maiwan ko na kayo sandali" saad ni aling Pacing saka bumaba sa hagdan. Para akong kawayan na kabadong naupo sa katapat na silya kung saan nakaupo ngayon si Sebastian. Medyo magaling na ang sugat niya sa labi at mas maaliwalas na ngayon ang hitsura niya lalo na't suot na niya muli ang uniporme ng isang heneral.

Nagpaikot-ikot lang ang aking mata sa buong salas, pinili kong titigan ang vase na nakapatong sa mesa. Ramdam ko na magsasalita na siya kaya inunahan ko na siya. "Sebastian..." saad ko, napatigil siya at nanatiling nakatingin sa'kin. Bagay talaga sa kaniya ang kulay asul niyang uniporme.

"Ah. 'Yung t-tungkol doon sa sinabi ko sayo sa hukuman... Gusto ko lang linawin 'yung sinabi ko. Alam mo na... Baka kasi naguguluhan ka ngayon" panimula ko, sinubukan kong tumawa pero para akong kambing na hindi mapakali.

Hinampas ko ang mesa saka tumawa kahit pa nanginginig ang aking labi, "N-napagtanto ko na pwede palang may ibang ibig sabihin 'yung sinabi ko. Alam mo 'yon? Double-meaning at makakalikha ng ibang interpretasyon kung hindi ko lilinwin agad" patuloy ko pa, pinagpapawisan na ako sa pilit na pagtawa.

Nakatingin lang siya sa'kin. Ito 'yung tingin na ang hirap kalimutan. "Gusto kong sabihin sayo na gusto kita isama sa Bulakan... Kung gusto mo lang naman. Masaya kasi kayo kasama ni Niyong. Maki-piyesta ulit tayo doon sa susunod" napapalakpak pa ako sa aking sarili. Ganito nga, kailangan kong wakasan ang nakakahiyang pangyayaring ito. Kung mababasted ako, dapat ako ang maunang mang-basted.

Napaiwas ng tingin sa'kin si Sebastian, bakas sa mukha niya na may iba pa siyang inaasahan sa sinabi kong 'Gusto kita' noong gabing iyon.

Ngunit napatigil ako nang muli siyang tumingin sa'kin. "Sumama ka sa akin" wika niya dahilan para mapatulala ako. Ito ba ang version niya ng Will you marry me?

"Bibigyan kita ng matutuluyan" patuloy niya, hindi ko namalayan na napanganga ako habang kumakabog ng mabilis ang puso ko. Ito rin ba ang version niya ng Live in?

"Nanganganib ang iyong buhay ngayon dahil nakalaya na si Roberto. Kasalukuyan siyang naninirahan sa Cavite. Hindi natin batid kung anong mga hakbang ang maaaring gawin nila ng kanilang ama" saad niya, hindi ko alam kung madidismaya ba ako o matutuwa sa sinabi niya dahil concern siya sa'kin pero hindi pala iyon wedding proposal.

Napatikhim na lang ako saka umupo nang maayos. Napakagat din ako sa aking ibabang labi, "D-dahil sa panganib na dala ni Roberto... Titira ako sa inyo?" tanong ko, hindi ko malaman kung bakit parang uminit ang aking pisngi. Ito na ba ang lowkey version niya ng Pamamanhikan?

"Hindi ka maaaring tumira sa aming tahanan. Hindi papayag si ama" tugon niya, napabuntong-hininga na lang ako. Ayoko rin naman tumira kasama ang biyenan.

"Kung gayon..." tumayo na ako, "Sasama ako sayo hindi dahil sa kung anong dahilan ha... Baka kung anu-anong iniisip mo diyan. Lilinawin ko lang na sasama ako sayo dahil kailangan ko ng witness protection. Siguradong gagantihan ako ni Roberto, at dapat lang na may gawin ka para protektahan ang nag-iisang magandang testigo laban sa kaniya" mabagal akong naglalakad nang pabalik-balik sa salas.

"Iniisip ko lang din ang kaligtasan ko at ng mga tao dito sa Panciteria. Ayokong mapahamak sila dahil sa'kin kaya sige sasama ako sayo. Siguradong mas ligtas ako sa kung saan mo man ako dadalhin. Pero wala akong inaasahan na kung ano ha? Walang malisya 'to. Baka kung anon ang tumatakbo sa isip mo" patuloy ko habang kinukumpas ang aking kamay sa ere.

Napatigil ako saka muling napatingin sa kaniya, "Sandali... Paano ako kikita ng pera kung mawawalan ako ng trabaho? Hindi na ba ako pwedeng magtrabaho?" tanong ko, tumayo na siya.

"Ako na ang bahala sa lahat. Hindi mo na kailangan magtrabaho" tugon niya, napangiti ako sa sinabi niya. Ito na yata ang version niya ng Housewife.


HINDI ko namalayan na napapakanta na pala ako habang nag-iimpake. Kasalukuyan akong nasa kwarto ni Amalia habang tinutupi ko nang maayos ang mga damit ko at pinagkakasiya iyon sa isang tampipi. "Si Señor Sebastian ba ang tinutukoy mong ginoo na iyong napupusuan?" tanong ni Amalia dahilan para gulat akong mapatingin sa kaniya.

Hindi siya nakangiti ngayon. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Hinawakan niya ang kamay ko, "Tanya, nakatakdang ikasal si señor Sebastian kay Maria Florencita. Batid kong malapit din ang loob niyo ni Maria Florencita sa isa't isa. Hindi ko ibig na masira ang pagkakaibigan niyong dalawa" napayuko na lang ako dahil sa sinabi niya.

Hindi ko masabi sa kaniya na may ibang napupusuan si Maria Florencita, silang dalawa ni Lorenzo ang nagmamahalan. Gusto ko lang din iligtas si Sebastian dahil hindi magagawang suklian ni Maria Florencita ang pagtingin niya.

Napabuntong-hininga muli si Amalia saka pinisil ang aking kamay at ngumiti sa akin, "Ngunit kung saan ka liligaya, susuportahan din kita" napangiti ako sa sinabi niya. Natutuwa ako dahil para na rin kaming magkapatid ni Amalia.

TAHIMIK lang ako habang isa-isa kong nilalagay sa maliit na aparador ang mga damit ko. Pinasundo ako ni Sebastian kay Niyong kanina sa Panciteria. Nasa opisina pa siya, mamayang alas-singko pa siya matatapos sa trabaho.

Napapailing na lang din ako sa kung anu-anong mga bagay ang tumatakbo ngayon sa utak ko. Hindi ko dapat bigyan ng malisya 'to. Lahat na lang ba ng gagawin ni Sebastian lalagyan ko ng meaning? Pero naroon pa rin ang kagustuhan ko na lagyan ng meaning ang lahat ng ginagawa niya para sa'kin.

Narito ako sa tindahan ng mga libro, may isang kwarto dito kung saan madalas ding natutulog si Sebastian kapag hindi sila umuuwi sa kanila. Dito niya siguro ako itatago ngayon.

"Ate Tanya, saan ko ho ilalagay ito?" tanong ni Niyong saka inilapag nang maayos sa sahig ang isa pang tampipi na dala ko. Naroon naman ang aking mga sapatos at bakya. "Diyan na lang. Salamat, Niyong" wika ko, tumango siya at akmang lalabas na sa kwarto ko pero napatigil siya nang magsalita ako.

"Niyong, ano ang tingin mo sa'kin?" tanong ko, nagtaka naman ang hitsura niya saka napakamot sa ulo. "Tungkol ho ba ito sa pagiging mas mataas niyong nilalang kay señor Sebastian?" natawa ako sa sinabi niya. Kulang na lang sabihin niya na nasisiraan na naman ako ng ulo at pilitin ko siyang maniwala na diyos ako.

"Kalimutan mo na nga. Sige na, baka may dumating ng bibili ng libro" saad ko, tumango na lang si Niyong saka lumabas sa kwarto at nagbantay na muli ng tindahan. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko nagkatotoo ang sinabi ni Niyong na isa akong kerida ng mataas na opisyal.

Napaupo na lang ako sa kama saka napatakip sa aking bibig. Hindi ako makapaniwala na mukha nga akong kabet at ngayon ay itinira pa ni Sebastian sa isang bahay kung saan pwede niya akong puntahan kapag hindi siya uuwi sa asawa niya.

Napatitig ako sa buong kwarto na pag-mamayari ni Sebastian. Maging ang karamihan ng mga damit at sapatos ko na nabili ko mula sa pera ni Sebastian. Lahat din ng kakainin at gagastusin ko magmula sa araw na ito ay manggagaling sa kaniya.

Ang kailangan ko lang ba gawin ay magpaganda araw-araw lalo na sa gabi at hintayin ang kaniyang pagbisita?

Napatigil ako nang marinig ko si Niyong mula sa labas, "Magandang hapon, señor!" agad akong sumilip sa pinto. Hindi nga ako nagkamali dahil dumating na si Sebastian. Napatingin siya sa kwarto kung nasaan ako ngayon kaya agad kong sinara ang pinto.

"Kumain na kayo?" tanong niya, sumagot naman si Niyong at buong giliw na inasikaso si Sebastian. Kapag day off ba ni Niyong, ako ang dapat mag-asikaso kay Sebastian? Napailing ako nang maalala ko 'nung minsan ko siyang tinulungang maghubad ng sapatos at minsahe ko pa ang paa niya. Baka isipin na naman niya na mapusok ako kapag ginawa ko ulit 'yon.

"Salamat sa adobo, señor" ngiti ni Niyong, sumilip muli ako sa pintuan. May dala palang ulam si Sebastian. Mukhang kabet niya talaga ako at dinadalhan din ng foods.

Lumipas ang isang oras, madilim na ang paligid kaya binuksan na nila ang mga lampara. Sinara na rin ni Niyong ang tindahan. Hindi pa ako lumalabas sa kwarto. Inakala nila na nakatulog lang ako dahil sa pagod lalo na sa pag-iimpake at pag-aayos ng mga gamit.

"Señor, mauna na ho ako, salamat ho sa ulam na pagsasaluhan namin ni itay" paalam ni Niyong, muli akong sumilip sa pinto. Naglalakad na siya papalabas sa pintuan ng tindahan kaya agad akong lumabas sa kwarto.

"Niyong! Saan ka pupunta?" tanong ko dahilan upang mapatigil siya at mapalingon sa'kin. Maging si Sebastian na nakaupo sa silya at may binabasang papeles sa kaniyang mesa ay nakatingin na rin sa akin ngayon.

"Uuwi na ho ako, ate Tanya" tugon niya, ibinaba ko na ang kamay kong nakaturo sa kaniya.

"Hindi ka ba dito titira?" tanong ko, mas komportable kapag nandito si Niyong. Ang awkward kapag kami lang ni Sebastian.

Napatingin muna si Niyong kay Sebastian bago tumingin sa'kin, "Hindi ho ako dito nakatira. Hinihintay na rin ho ako ni itay" sagot niya, napahawak na lang ako sa aking noo. Bakit ba pumayag ako sumama kay Sebastian nang hindi man lang pinag-iisipan ang lahat ng ito.

"Kailangan ko na ho umalis ate Tanya" saad ni Niyong saka tuluyan nang lumabas. Animo'y may nakabibinging katahimikan ang bumalot sa amin nang magsara ang pinto ng tindahan.

Ibinalik ni Sebastian ang atensyon niya sa binabasang papeles. "Aalis din ako mayamaya" wika ni Sebastian na para bang sinasabi niya na 'wag akong mag-alala dahil wala naman siyang masamang balak.

Agad naman akong tumakbo pabalik sa kwarto at isinara iyon. Wala rin akong balak lumabas doon hangga't hindi siya umaalis. Humiga na lang ako sa kama at napatulala sa kisame, ano kayang iniisip ngayon ni Sebastian?

Isa-isa kayang pumapasok ngayon sa isipan niya ang mga kapahangasang nagawa ko sa harapan niya? Kung paano ko siya niyakap sa loob ng aparador, kung paano ko minasahe ang paa niya, kung paano ko hinampas ang dibdib niya noong kinikilig ako kay Lolita at Niyong.

Nanlaki ang mga mata ko at gulat akong napabangon nang maalala ko na nakita nga niya ang hubad kong katawan sa palikuran noon! Siguro ay naiisip na naman niya ito ngayon!

Nagulat ako nang biglang may kumatok sa pinto. Agad akong napataklob ng kumot at napayakap sa sarili ko. Ito na ba 'yon? Dito ko na ba makikilala ang totoong Sebastian Guerrero?

"Kumain na tayo" saad niya, naalala ko ang ulam na dala niya. Nagugutom na rin ako at parang ang sarap kumain ngayon ng adobo.

Katahimikan.

Ilang segundo ang lumipas, pinakiramdaman ko kung nandoon pa siya sa tapat ng pinto. "Iiwan ko na lang ang pagkain sa hapag kung hindi mo pa ibig---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil binuksan ko na ang pinto. Bukod sa nagugutom na ako, napagtanto ko na hindi ko dapat siya husgahan ng ganito. Siguradong ma-ooffend din siya kapag hindi ko siya sinaluhan kumain.

"T-tara, kain na tayo" saad ko nang hindi tumitingin sa kaniya at diretsong naglakad papunta sa mesa. Naroon pa ang ilang mga papeles na binabasa niya ngunit itinabi na niya ito sa gilid. Nakahanda na rin sa mesa ang mga plato, kubyertos at baso. Naroon na rin ang isang palayok na naglalaman ng kanin.

"Nagluto ka? May kusina ba dito?" tanong ko, naramdaman kong nakatayo na siya sa aking likuran. Hinila na niya ang isang upuan, napatingin ako sa kaniya pero umiwas lang siya ng tingin saka hinila ang isa pang upuan at umupo roon.

Alam kong gusto niya akong paupuin sa hinila niyang upuan na nasa tabi ko ngayon pero hindi niya lang masabi. Umupo na ako sa silya at inayos ko ang aking buhok. "Ipinaluto ko sa katabing tindahan" tugon ni Sebastian, napatango na lang ako. Wala namang kusina dito sa tindahan ng mga libro. Delikado rin dahil baka masunog ang kusina at siguradong kakalat agad ang apoy dahil sa dami ng libro rito.

Nagsimula na kaming kumain, tahimik lang kami. Hindi rin ako makagalaw nang maayos dahil sa presensiya niya. Adobong manok ang ulam, ang bango rin ng kanin dahil sa dahon ng pandan.

"Uh, Sebastian..." panimula ko, napatingin siya sa'kin.

"A-alam na ba ni Maria Florencita na nandito ako?" tanong ko, napatigil siya sa pagkain. Para tuloy kaming may lihim na relasyon at ngayon ay nabanggit ko ang legal na asawa niya.

"Hindi" tugon niya, napapikit na lang ako. Kahit walang nararamdaman si Maria Florencita kay Sebastian, sa tingin ko ay awkward pa rin kapag nalaman niya na si Sebastian ang tinutukoy kong taong nagugustuhan ko.

Nagpatuloy muli si Sebastian sa pagkain, "Bakit? Batid ba ni Gani na narito ka?" bawi niya na para bang sinasabi niya na may tinatago rin akong karelasyon sa tuwing hindi niya ako nadadalaw dito sa aming maliit na pugad.

"Bakit naman kailangan niya malaman?" wika ko saka nagsimula nang kumain. Madilim na, may isang lampara na nakapatong sa gitna ng mesa.

"Hindi ba't siya ang iyong pakakasalan" saad ni Sebastian, hindi patanong ang kaniyang tono kundi parang pinaalala niya lang sa'kin ang bagay na iyon na dapat ay alam ko. Napakunot ang aking noo, "Sinong nagsabi---" napatigil din ako sa pagsasalita nang maalala ko ang pagtatalo nina Lolita at Niyong noong isang araw. Nabanggit nga pala ni Lolita ang na papakasalan ko si Lorenzo.

Bigla akong natawa. "Sinabi sayo ni Niyong 'no?" saad ko, hindi naman ako pinansin ni Sebastian. Abala lang siya sa pagkain. "Hindi na mahalaga kung kanino nanggaling. Ang mahalaga ay kung may katotohanan ba iyon" wika niya, hindi ko namalayan na napangiti ako sa aking sarili habang nakatingin sa kaniya.

Naalala ko ang sinabi ni Amalia tungkol sa paninibugho, mukhang nagseselos nga si Sebastian. Tumigil ako sa pagkain saka uminom ng tubig at sumandal sa silya. "Kung gayon, kung paghihinalaan mo rin naman ako. Mas mabuti sigurong doon na lang ako tumira sa bahay ni Gani" saad ko at akmang tatayo na pero biglang tumigil si Sebastian sa pagkain saka tumingin sa'kin.

"Maipagtatanggol ka ba niya laban sa mga tauhan ni Roberto?" seryoso na ang mukha niya ngayon. Sa mga ganitong sitwasyon dapat natatakot na ang kabet dahil baka magalit ang lalaking gusto nila pero hindi ko maintindihan kung bakit natutuwa ako sa reaksyon ngayon ni Sebastian.

"Magaling din makipaglaban si Gani, kung nakita mo lang kung paano niya ikumpas ang kaniyang kamay at paa para mapatumba ang---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil napayuko na lang siya saka uminom ng tubig. Nagulat pa ako dahil medyo napalakas ang pagbagsak sa mesa ng hawak niyang baso.

Napalunok na lang ako at nawala na rin ang aking ngiti. Parang nakonsensiya ako, tinutulungan niya ako pero inaasar ko lang siya ngayon. Umupo na ulit ako sa silya saka tumingin sa kaniya, "Pero syempre, mas magaling ka. Ikaw ang pinakamagaling sa lahat" saad ko saka ngumiti, pinipilit kong hulihin ang mata niya pero iniiwas niya ito sa akin.

Para kaming nagpapatintero ng tingin. Unti-unting umaliwalas ang mukha niya, mukhang hindi na siya galit o seryoso ngayon dahil sa sinabi ko. "Ako na ang maghuhugas nito, pwede ka na umuwi. Baka hinahanap ka na ni Don Antonio" saad ko saka niligpit ko na ang pinagkainan namin. Mukha tuloy akong kabet na may matinding hidwaan sa biyenan.

At dahil walang kusina, binabad ko na lang muna sa isang bale na puno ng tubig ang mga hugasan. Bukas ng umaga ko na lang huhugasan. Nakita kong tumayo na si Sebastian at naglakad papunta sa pinto ng tindahan. "Nasa labas ang limang guardia, inatasan kong may magbantay dito mula ngayon" saad ni Sebastian, tumango ako at nagpasalamat sa kaniya saka pumasok sa palikuran.

Sinigurado ko muna na maayos ang lock ng pinto ng palikuran bago ako naligo. May malaking balde roon na puno ng tubig. Mukhang inigiban muna ako ni Niyong ng tubig sa balon bago siya umalis kanina.

Nagpalit na ako ng puting bestida. Tinahi ito ni Maria Florencita noon para sa akin. Mas komportable ako suotin ito kumpara sa baro't saya kaya lang masyado itong manipis at pantulog lang talaga.

Paglabas ko sa palikuran, napatigil ako nang makita si Sebastian na nakaupo ulit sa silya. May binabasa siyang libro. "A-akala ko umuwi ka na" saad ko saka napatingin sa pinto. Nakita ko na siya kanina na naglalakad papalabas sa pintuan.

"Tatapusin ko lang basahin ito" tugon niya nang hindi tumitingin sa'kin. Abala lang siya sa pagbabasa ng libro. Tumango na lang ako habang pinupunasan ko pa rin ang basa kong buhok. "Pakipatay na lang ng lampara diyan sa mesa bago ka umalis" saad ko at naglakad na papasok sa loob ng kwarto.

Napahawak ako sa tapat ng aking puso. Kung magiging ganito ang tagpo namin ni Sebastian gabi-gabi, maka-survive pa kaya ako?

Napailing na lang ako sa sarili. Kailangan kong maging matatag. Hindi dapat ako maging mapangahas at judgemental. Napakalayo ng ugali ni Sebastian sa isang lalaking manyakis or may masamang balak.

Humiga na ako sa kama at nagtaklob ng kumot. Napatitig ako sa lamparang nakasindi ngayon at nakapatong sa maliit na mesa na nasa tabi ng kama ko. Iniisip ko kung kailan mamamatay ang sindi niyon. Kung may kandila ba dito or iba pang gasera para magbigay ng liwanag sa'kin buong gabi.

Ilang sandali pa, nagulat ako nang biglang may kumatok sa pinto ng kwarto. "B-bukas 'yan" saad ko, alam kong si Sebastian lang naman ang nandito sa loob.

Dahan-dahang bumukas ang pinto. Tila tumigil sandali ang tibok ng puso ko nang makita ko si Sebastian, nakadungaw ang kaniyang ulo sa maliit na uwang ng pintuan. "B-bakit?" napaupo na lang ako. Nakalugay ang aking mahabang buhok na medyo basa pa.

"Aking naalala na hindi ka sanay matulog nang walang liwanag" saad niya saka inabot sa'kin ang dalawa pang lampara at tatlong kandila. Tumayo ako at kinuha iyon sa kaniya, "S-salamat" iyon na lang ang nasabi ko. Nauutal na ako sa kaba.

"H-hindi ka pa ba uuwi? Malalim na ang gabi" saad ko habang nilalagay sa maliit na mesa ang binigay niyang mga lampara at kandila. Maingat kong ipinapatong iyon sa mesa, natalikod pa rin ako sa kaniya.

Ngunit napatigil ako nang marinig ko na bumukas nang malaki ang pinto sa kwarto. Naramdaman ko rin ang kaniyang paghakbang papasok. Hindi ako nakagalaw sa aking kinatatayuan, mas lalong lumakas ang kabog ng aking puso.

Tuluyan nang sumabog ang aking damdamin nang itanong niya sa akin ang isang bagay na hindi ko inaasahan, "I-ibig mo bang samahan kita ngayong gabi?"


*********************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top