Kabanata 26

[Chapter 26]

MALAPIT nang sumapit ang alas-kwatro ng umaga. Naglalakad kami ni Lorenzo pabalik sa Panciteria. Sa likod kami dadaan kung saan walang bantay. Tulala lang ako matapos makausap si Sebastian sa bilangguan. Wala siyang sinabi pero alam kong ayaw niyang ituloy ko kung anuman ang tumatakbo ngayon sa aking isipan. Hindi dahil sa wala siyang tiwala sa'kin kundi dahil alam namin na hindi titigil si Roberto hangga't hindi niya nasisiguro na hindi makakabalik sa pwesto si Sebastian.

"Hindi niya ba ibig tumakas?" natauhan ako nang magsalita si Lorenzo. Napatingin ako sa kaniya. Iniisip niya siguro na itatakas namin si Sebastian kanina.

"Siguradong hindi siya sasama. Kapag tumakas siya, mas lalong bibigat ang bintang sa kaniya. Maaari rin siyang idawit sa mga rebelde..." napatigil ako at gulat na napatingin kay Lorenzo dahil sa ideyang naisip ko.

"Paano naman siya idadawit sa ating samahan gayong siya pa ang umuusig sa'tin? Ikaw pa nga ang inaakala niyang espiya, hindi ba?" saad ni Lorenzo, napatigil ako sa paglalakad. Napalingon naman siya sa'kin.

"Hindi ka naman tuluyang espiya sa kaniya hindi ba? Naniniwala ako na hindi mo naman pinag-bibigay alam ang hakbang ng ating samahan" saad ni Lorenzo, sandali akong napatitig sa mga mata niya. Totoo na hindi naman ako nagbibigay ng impormasyon kay Sebastian tungkol sa mga rebelde. Hangga't maaari ay iniiwasan kong magtanong siya o sagutin ang mga tungkol sa rebeldeng grupo.

"Lorenzo..." saad ko, nakatingin lang siya sa'kin. Nababakas sa kaniyang mukha na pinipilit niya pa rin ang sarili na umasa na hindi ako trahidor sa samahan. "Nagtitiwala ka ba sa'kin?" patuloy ko, tumango siya. Napahinga na lang ako ng malalim.

"Kung gayon, maniniwala ka ba kung sasabihin ko na may taksil sa loob ng samahan?" saad ko, hindi naman siya kumibo. Nanatili pa rin siyang nakatingin ng diretso sa aking mga mata. Ramdam ko na umaasa siya na hindi ako ang tinutukoy kong trahidor sa samahan.

Sandali kaming natahimik. Nakatayo lang kami sa gitna ng kagubatan. Napayuko na lang ako, malalaman din naman niya na si Berning ang taksil sa grupo nila pero hindi pa ngayon. Sa mga huling kabanata pa iyon dahil sa climax ng kwentong ito magkakagulo ang kanilang samahan.

"Kalimutan mo na ang sinabi ko. Kung anu-ano lang talaga ang gumugulo ngayon sa isipan ko" saad ko saka nagpatuloy na sa paglalakad. Hindi pa ito ang tamang oras para mabuking si Berning. Bukod doon, ayoko rin na sa akin mismo manggaling. Siguradong masasaktan si Lorenzo kapag nalaman niyang pinagtataksilan sila ng isa sa matalik niyang kaibigan.

"Si Berning ba ang iyong tinutukoy?" napatigil ako nang magsalita si Lorenzo. Gulat akong napalingon sa kaniya, nakayuko siya ngayon habang nakatayo pa rin doon. "Matagal na akong naghihinala. Nang lusubin nila ang grupo ng mga guardia sibil nang wala pahintuloy mula sa'kin" patuloy ni Lorenzo. Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung paano niya nalaman o naradaman nang hindi naayon sa takbo ng kwento.

Naglakad siya papalapit sa'kin. "Ano ang kailangan nating gawin?" tanong ni Lorenzo, parang gusto niyang sabihin sa'kin na panahon na siguro para hindi siya magbulag-bulagan sa kataksilan ni Berning.

Bago sumikat ang araw, sinabi ko sa kaniya ang tungkol sa lihim na listahan na may kinalaman sa ugnayan nila ni Roberto. Sinikap ni Lorenzo na makuha iyon sa kanilang kampo. Alas-sais na ng umaga nang magkita kami sa harapan ng hukuman bago magbukas ito sa madla para sa paglilitis sa kaso ni Sebastian.

Tahimik akong umupo sa pinakadulong helera ng upuan. Napatingin ako kay Lorenzo na nakataupo sa kabilang bahagi. Tumango ako sa kaniya, tumango rin siya pabalik sa akin.

Pasado alas-otso na ng umaga nang dumating ang punonghukom na si hukom Unotario Hobillo.

Nagsimula ang bulungan nang dumating si Roberto kasama ang mga guardia na tauhan niya. Hawak ng mga ito si Sebastian na bagama't nakabihis ng pormal ngayon ngunit bakas sa kaniyang mukha ang bugbog na tinamo niya sa bilangguan na bahagi ng imbestigasyon.

"Magandang umaga. Hindi lingid sa inyong kaalaman ang kasalanang kinakaharap ngayon ng dating heneral na si Sebastian Guerrero. Ano na lamang ang ating aasahan sa isang opisyal ng pamahaalan na lumalabag sa mismong sinumpaang tungkulin. Paano tayo magtitiwala sa naturingang pinuno ng hukbo ngunit tumulong na patakasin ang isang kawal" panimula ng piskal na nasa panig ni Roberto.

Hindi ko napigilan ang aking sarili. Tumayo na ako "Kung gayon, paano rin tayo magtitiwala sa kasalukuyang heneral na nagawang makipagsabwatan sa mga tulisan?" sigaw ko saka naglakad papunta sa gitnang pasilyo at inihagis sa sahig ang listahan ng ugnayan nina Roberto at Berning.

"Huwag mo nang subukan na iligtas ang iyong sarili Roberto dahil sa pagkakataong ito... Hindi ikaw ang masusunod kundi ako" matapang kong saad habang nakatingin ng diretso sa kaniyang mga mata.

Nagsimulang magbulungan ang mga tao sa hukuman. Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay nagulat din sa ginawa ko. Hindi ko na mapipigilan ang mga pangyayari sa kwentong ito, pero maaari akong pumili. Pipiliin kong iligtas si Sebastian kahit pa ito ang simula ng tuluyang pagkasira ng Salamisim.

Hindi nakapagsalita si Roberto habang gulat na nakatingin sa'kin. Agad kinuha ng isang guardia ang ebidensiyang inihagis ko sa sahig at inabot sa punonghukom. Maging si Sebastian ay gulat na nakatingin sa'kin, nakaluhod siya sa gitna.

"Nakasaad sa kuwadernong iyan ang pakikipagsabwatan ni Roberto sa mga tulisan. Kung paano nila plinanong lusubin ang kwartel upang nakawin ang mga armas at kagamitan ng hukbo. Ang pangyayaring iyon ay pabor kay Roberto upang makuha ang posisyon ni Sebastian"

Nakakunot ang noo at halos walang kurap si punonghukom Unotario sa paglipat ng bawat pahina ng kuwaderno. Hindi siya makapaniwala sa mga salapi at armas na nagawang ibigay ni Roberto sa mga tulisan makuha lang ang suporta nito.

"P-punonghukom. Kung maaari ay huwag kayong maniwala sa taong iyan. Hindi sapat na ebidensiya ang---" hindi niya natapos ang kaniyang sasabihin nang biglang magsalita ang abogado ni Sebastian.

"Umpisa pa lang ay naghihinala na ako sa nangyaring paglusob ng mga rebelde sa kwartel. Ito pala ang maaaring tunay na dahilan kung bakit madaling napasok ang kampo ng hukbo" saad ng isang abogado na siyang magtatanggol kay Sebastian.

Napatigil ang mga tao sa pagbubulungan nang patahimikin ng punong hukom ang lahat. "Ngunit anong kaugnayan nito sa kasong kinakaharap ni Sebastian ukol sa pagtulong na tumakas ang guardia sibil na si Urias at ang kasintahan nitong si Amalia?" tanong ni hukom Unotario sa'kin. Sandali akong natigilan, ang gusto ko lang ay ang matakpan ang kaso ni Sebastian ng isang mas mabigat na kaso na kakaharapin ni Roberto.

Napatango ang ilan sa mga tao nang mapagtanto nila na magkaiba ang kakaharaping kaso nina Roberto at Sebastian. Napahinga ako ng malalim, inumpisahan ko na ito, hindi dapat ako sumuko. Kung tutuusin, ako rin ang gumawa kay hukom Unotario na maging matalino lalo na sa paglilitis ng mga character sa eksena ng hukuman.

Tumingin ako kay Sebastian, hinihiling ko na naaalala pa rin niya ang sinabi ko sa kaniya kagabi na 'wag siyang aamin kahit anong mangyari. Hindi labanan ng prinsiyo ang laban namin dito, kundi kung paano siya maililigtas at maibalik ang daloy ng kwento.

Ito na ang eksena kung saan dapat makakabalik na siya sa pwesto bilang heneral matapos ang pagtatanan nila Amalia. "Walang ebidensiya laban kay Sebastian. Pinilit ni Roberto si Amalia na ituro si Sebastian at tinakot na idadamay ang pamilya nito. Malinaw na ibig pabagsakin ni Roberto ang dating heneral. Nagawa nga niyang makipagsabwatan sa mga tulisan at takutin ang isang babae upang manatili sa pwesto" saad ko dahilan upang mas lalong lumakas ang ingay sa loob ng hukuman.

Nanatili lang si hukom Unotario na nakatingin sa akin at kay Roberto na halos mamutla na ang mukha ngayon. Hindi niya siguro lubos maisip kung paano ko nalaman ang lahat. "Kung gayon, sino ka? Ano ang iyong pagkatao at paano nalaman ang lahat ng ito?" tanong sa'kin ni hukom Unotario. Napahinga na lang ako ng malalim. Naisip ko na kanina na tatanungin nga niya kung sino ako at saan ko nakuha ang mga ebidensiya laban kay Roberto.

"Punonghukom, kung inyong pahihintulutan, maaari ko ho bang ibulong sa inyo?" tanong ko sa kaniya, hati naman ang opinyon ng ibang hukom. Ilang minutong nagtalo ang dalawang panig. Sa huli, muling pinatahimik ni hukom Unotario at tumingin sa'kin.

"Bilang pag-iingat, hindi maaaring lumapit ang sinuman sa punonghukom. Iyong isulat na lamang" saad ng isang hukom at inabutan ako ng papel, tinta at pluma. Naiintindihan ko rin naman na hindi nag-iingat din sila na baka may patalim ako at manaksaksan ng sinuman.

Napatingin muna ako kay Sebastian at Lorenzo bago ako magsulat sa papel na iyon. Tahimik ang lahat, animo'y iniisip nila kung sino ba ako at kung ano ang isinulat ko sa papel. Nang matapos akong magsulat, kinuha na iyon ng isang hukom at inabot sa punonghukom.

Napatingin lang sa'kin si hukom Unotario habang binubuklat niya ang papel. Napatigil siya nang mabasa niya ang isinulat ko roon. Gulat siyang napatingin sa'kin at agad niyang sinunog ang papel sa pamamagitan ng isang gasera na nakapatong sa tabi ng kaniyang mesa.

Napangisi ako nang muling magtama ang aming mga mata. Hindi niya siguro akalain na isa ako sa mga taong dapat nilang ingatan. Bakas sa mukha ng lahat na gusto nilang mabasa ang isinulat ko sa papel ngunit unti-unti na itong tinutupok ng apoy.

Muling nagbulungan ang mga tao. Agad tumayo si hukom Unotario, "Maglalabas kami ng sunod na hakbang ukol sa paglilitis na ito. Sa ngayon..." panimula ni hukom Unotario pero napatigil siya sa pagsasalita nang mapatingin sa akin at kay Sebastian.

"Sa ngayon, inaatasan ng hukumang ito na pakawalan si Sebastian Guerrero" patuloy niya, nakahinga ako ng maluwag at napangiti kay Sebastian na ngayon ay hindi rin makapaniwala sa desisyon ng punonghukom.

"Ukol naman kay Roberto, ang pasiya ay magmumula mismo sa gobernador-heneral" patuloy nito, nagulat ang lahat. Hindi nila akalain na masasaklaw na nito ang desisyon at kapangyarihan ng gobernador-heneral.

Gulat na napatingin sa'kin si Roberto at agad siyang lumuhod sa harapan ng punonghukom. "Paanong---" sinubukan niyang magsalita ngunit batid na buo at patas magdesisyon si hukom Unotario. Sa oras na kontrahin niya ito ay mas lalo siyang paghihinalaan.

Tumango sa'kin si hukom Unotario bago tuluyang lumabas ng hukuman kasunod ang iba pang mga hukom. Inaresto na si Roberto ngunit napatigil ito nang dumaan siya sa aking harapan. "Aking tatandaan ang araw na ito" saad niya bago tuluyang hilahin papalabas ng hukuman.

Napatingin ako kay Lorenzo na ngayon ay naglalakad na palabas ng hukuman. Walang ibang dapat na makaalam na magkakilala kami at narito siya sa hukuman. Sumabay siya sa agos ng mga tao.

"Faye" napatigil ako nang marinig ko ang boses ni Sebastian at mabilis na lumingon sa kaniya. Tumango sa kaniya ang dalawang guardia civil bago ito lumabas sa hukuman. Napangiti ako dahil hindi na nakagapos ang mga kamay niya ngayon.

Ngunit naroon pa rin ang sugatan niyang labi at pasa sa kaniyang mukha. Hirap din siya maglakad ng maayos dahil sa mga pasang tinamo ng kaniyang katawan. "Hindi ka siguro kumain sa kulungan. Lasang lupa 'yung tubig at pagkain pero dapat kumain ka pa rin para hindi humi---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagulat ako nang bigla niya akong yakapin.

Halos wala ng tao sa loob ng hukuman. Naiwan lang ang iilang upuan na hindi nawala sa ayos. "S-salamat" bulong niya sa tenga ko.

"Partner's in crime tayo 'diba?" saad ko. Hindi ko namalayan na nagawa ko siyang yakapin pabalik at tinapik ko nang marahan ang kaniyang likuran. Siguro dahil sanay na ako nang yakapin ko siya nang ganito noong nagtago kami sa aparador.

Nagulat kami nang biglang bumukas ang pinto ng hukuman dahilan para mapabitaw kami sa pagkakayakap. "H-hindi pa ho ba kayo uuwi?" tanong ng isang binatilyo na may dalang walis at pamunas. Mukhang maglilinis dapat siya dito sa loob ng hukuman.

Napahawak si Sebastian sa kaniyang batok. Napakamot naman ako sa ulo, "Ah. Aalis na kami" iyon na lang ang nasabi ko saka naunang naglakad papunta sa pintuan. Agad namang sumunod sa'kin si Sebastian papalabas. Animo'y pareho kaming natauhan sa kapahangasan na ginawa namin sa loob pa naman ng hukuman.


NAPAKAGAT ako sa aking ibabang labi habang paulit-ulit na naglalakad sa loob ng kusina ng panciteria. Nakatayo sila Aling Pacing at Mang Pedro sa pintuan, kanina ko pa alam na pinagmamasdan nila ako pero hindi ko rin sila kayang harapin.

Higit doon, gusto kong pumunta sa mansion ng pamilya Guerrero. Ginagamot ba nila ng maayos si Sebastian? Kamusta na kaya ang kalagayan niya?

Napatigil ako nang marinig kong magsalita si Aling Pacing. "Tanya, hija. Maaari ka ba naming makausap?" tanong nito, dahan-dahan akong napalingon sa kanila. May bakas ng lungkot ang kanilang mga mukha.

"Matagal ka na bang kasapi sa samahan?" tanong ni Mang Pedro, hindi naman sila galit. Dismayado siguro dahil hindi ko sinabi sa kanila na may nalalaman ako tungkol sa rebeldeng grupo na kanilang kinabibilangan.

Tumango na lang ako. "Pasensiya na po kung hindi ko nasabi. Mas mabuti na hindi natin nalalaman kung sinu-sino ang mga kasapi sa samahan upang hindi maubos ang miyembro sa oras na tugisin tayo ng pamahalaan" saad ko, napatango din silang dalawa bilang pagsang-ayon. Isa iyon sa isinasagawa nila, hindi nila inaalam ang pagkatao ng bawat miyembro para maprotektahan ang isa't isa.

"Matagal mo na ring nababatid na kasapi kami sa mga tulisan?" tanong ni aling Pacing. Napatango na lang din ako bilang tugon at napayuko. Kung alam lang nila na nalalaman ko ang lahat dahil ako rin ang nagtakda ng mga sasapi sa rebeldeng grupo.

Sandaling naghari ang katahimikan. "Patawad po kung hindi ko ipinagtapat sa inyo ang lahat" saad ko, narinig ko ang malalim na buntong-hininga ng mag-asawa. Ramdam kong dismayado sila dahil malaking bagay ang inilihim ko. Pinagkatawilaan nila ako at pinatuloy sa kanilang tahanan nang hindi nalalaman na may ideya pala ako na isa sila sa mga tulisan.


ARAW ng lunes. Malubha pa rin ang kalagayan ni Amalia. Madalas ako ang nagpapakain sa kaniya ngunit isinusuka niya pa rin ito. Kasalukyan akong naghuhugas ng plato nang lumapit sa'kin si Lolita. "Ate Tanya" tawag niya sabay abot ng isang papel nang palihim. Agad kong ibinulsa iyon, malayo sa mga mata ng mga guardia civil sa labas.

Maingat kong binasa ang papel sa loob ng palikuran. Hindi ko alam kung bakit biglang pumintig ang puso ko nang malaman ko na galing iyon kay Sebastian.

Hihintayin kita sa aklatan bago magtakipsilim.

Tinakpan ko ang aking mukha. Naalala ko pa rin 'yung biglaang pagyakap niya sa'kin kahapon sa hukuman. Gusto kong pumunta sa bahay nila kaso siguradong hindi ako papapasukin ni Don Antonio. Nararamdaman ko na gusto niya rin pumunta dito sa Panciteria kaya lang bantay-sarado pa ito ng mga guardia civil dahil tinuturing pa ring testigo si Amalia.

Ibinulsa ko na ang papel saka masayang lumabas sa palikuran at dumiretso sa kwarto para maghanap ng magandang isusuot at ayusin ang aking buhok.

Napahinga ako nang malalim bago pumasok sa tindahan ng mga libro. Nakaparada na sa labas ang kalesa ni Sebastian. Naglakad ako saglit papunta sa kabilang tindahan saka hinawakan ang aking lalamunan.

"Kumusta ang iyong kalagayan... Ginoo?" pag-eensayo ko gamit ang pinakamahinhin kong boses. Lumipat naman ako sa kabilang pwesto saka tumindig nang maayos. "Mabuti na ang aking pakiramdam dahil narito ka na aking binibini" saad ko gamit ang malalim na boses tulad ng kay Sebastian.

Lumipat muli ako sa kabila saka hinawi ang aking buhok, "Ikaw ba ay nangungulila sa akin? Huwag mo sabihing nananabik kang makita ako araw-araw" ngiti ko sa sarili saka sinubukan ang pagpungay ng aking mata. Tumindig ako nang maayos saka lumipat sa kabila, inilagay ko rin ang aking dalawang kamay sa aking likuran.

"Ibig kong makapiling at masilayan ka sa tuwi-tuwina" saad ko gamit ang malalim na boses saka ipinikit ang aking mata at akmang hahalikan ang hangin nang mapatigil ako dahil narinig ko ang boses ni Niyong.

"Ate Tanya?" agad akong napatindig nang tuwid. Nanlaki ang mga mata ko nang makita sina Niyong at Sebastian. Nagtatakang nakatingin sa'kin si Niyong, napaiwas naman ng tingin si Sebastian na para bang hindi niya inaasahan na makikit ang pouty lips ko.

"Anong ginagawa niyo diyan?" gulat kong tanong. Napatingin ako sa hawak nilang buko at kakanin. "Bumili ho muna kami ng merienda. Kanina pa kayo hinihintay ni señor—" hindi na natapos ni Niyong ang sasabihin niya dahil bigla siyang sinagi ni Sebastian.

Nauna nang maglakad si Sebastian papasok sa tindahan ng mga libro. Napahawak na lang si Niyong sa kaniyang braso, "Kanina pa siya hindi mapakali kung dadating ka ba ate Tanya o hindi" simangot ni Niyong habang hinihimas ang kaniyang braso.

Bigla akong nakaramdam ng kaba ngunit napangiti rin ako sa sarili dahil mukhang excited nga si Sebastian na makita ako.

Pagpasok namin ni Niyong sa loob ng tindahan, nakaupo lang si Sebastian sa silya at nakatanaw sa katabing bintana. Masayang inilapag ni Niyong ang dalawa pang buko na hawak niya sa mesa. "Natikman niyo na ho ba ito ate Tanya?" tanong ni Niyong sabay abot sa'kin ng buko. May butas ito sa gitna.

Kinuha ko iyon sa kamay niya saka naupo sa bakanteng silya, sa tapat ni Sebastian. Umupo naman si Niyong sa katabing silya na nasa gitna namin. "Oo, binigyan ako ni Lo---Gani nito 'nung nakaraan" saad ko saka ininom ang buko.

"Ang sarap talaga ng sariwang buko" wika ko sabay lapag sa mesa ng buko. "Anong kakanin ang binili niyo?" tanong ko sa kaniya. Nagulat ako dahil seryoso na ang mukha ngayon ni Sebastian. Napatingin ako kay Niyong na ngayon ay nagpabalik-balik ang tingin sa'min ni Sebastian.

"Bakit?" tanong ko para kay Niyong na hindi malaman kung kanino titinin sa'min ni Sebastian at tanong para kay Sebastian na seryoso na ang mukha ngayon. "Ayaw niyo ba ng buko? E, bakit niyo binili 'to?" napailing na lang ako, nagsasayang ng pera talaga 'to si Sebastian.

"M-maiwan ko na ho muna kayo. Papakainin ko pa si Manuelito" saad ni Niyong.

"Sinong Manuelito?" tanong ko.

"Pangalan ho iyon ng kabayo ni señor Sebastian" sagot ni Niyong. Napatango na lang ako nang tumayo siya.

"Dapat Brownie ang pinangalan niyo sa kaniya" suhestiyon ko pero mukhang nabaduyan si Niyong sa pangalan at naglakad na papalabas sa tindahan.

Napatingin ako kay Sebastian. Buti na lang nandito si Niyong kanina kaya nawala na ang kaba ko sa harapan niya. "Uh, Kumusta na ang iyong kalagayan... Ginoo?" tanong ko. Napatingin lang siya sa'kin, medyo nawala na ang pagkaseryoso ng kaniyang mukha.

"Iyan ang narinig naming sinabi mo kanina sa labas" saad ni Sebastian, nabitawan ko ang dinampot kong kakanin sa mesa. Naramdaman ko ang pag-init ng aking pisngi, hindi ko akalaing mauugnay niya na para sa kaniya 'yung pagpapractice ko kanina.

Napaupo na lang ako nang maayos sabay laklak ng buko. Nagulat ako dahil inagaw niya sa'kin ang buko. "Huwag mo nang inumin ito" saad niya. Gusto ko nga itago ang mukha ko sa likod ng buko dahil sa kahihiyan.

"Bakit? Hindi pa naman panis 'to" saad ko pero tinabi na ni Sebastian ang mga bukong nasa mesa. Sandali kaming natahimik. Pakiramdam ko tuloy nasira na ang mood niya sa merienda namin ngayon. "Si Gani... nakita ko siya sa hukuman kahapon" saad ni Sebastian, hindi ako nakapagsalita. Sasabihin ko bang Oo o hindi?

"Sinong tumulong sayo makapasok sa bilangguan?" tanong niya. Napahinga na lang ako ng malalim. Binigay din ni Lorenzo ang buong tiwala niya sa'kin. Hindi ko kayang aminin na isa siyang tulisan. Tinulungan ako ng rebeldeng grupo makapasok sa bilangguan. Hindi tama na sabihin ko iyon kaninuman.

Napatitig ako sandali sa aking daliri na nakapatong sa mesa at nilalaro ko ngayon. Posible kayang maunawaan ni Sebastian ang rebeldeng grupo at maging isa sa kanila? Napailing ako sa ideyang iyon. Imposible, tapat siya sa pamahalaan at isa sa pangunahin niyang role sa kwentong ito ay ang usigin ang mga kasapi ng rebeldeng grupo.

"Ginamit ko ang lihim na salita ng mga espiya" saad ko saka dahan-dahang napatingin kay Sebastian. Hindi ko gustong magsinunggaling sa kaniya pero gaya ng sinakripisyo ni Lorenzo para tulungan ako na iligtas si Sebastian ay hindi ko kayang ilaglag ang ginawa niyang kabutihan. Tumango si Sebastian sa sinabi ko na para bang hindi siya naghinala sa isinagot ko.

"Ano pala ang isinulat mo sa papel na binigay ni hukom Unotario? Bakit niya ako pinakawalan?" tanong niya. Napahinga ako nang malalim saka ngumiti sa kaniya. Inilapit ko ng kaunti ang aking sarili sa mesa.

"Alas nagbubukas ang pamilihan sa bayan at alas-sais nagbubukas ang tanggapan ng heneral" ngiti ko, napatulala si Sebastian sa sinabi ko. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon ko nakita ang hitsura niya kung paano bumilib sa natuklasan niya.

"Nalaman ni hukom Unotario na ikaw kasapi ng mga rebelde at espiya ng pamahalaan?" tanong ni Sebastian na parang gusto niyang kumpirmahin kung tama ba ang pagkakaintindi niya. Ngumiti ako saka tumango ng tatlong beses.

"Oo. Kaya hindi na ako magagalaw ng sinumang opisyal o hukuman dahil mahalaga ang papel ko dito" nakita kong natawa ng kaunti si Sebastian sa sinabi ko. Animo'y hindi pa rin siya makapaniwala na maiisip kong gamitin ang pribilehiyo ng pagiging espiya ng pamahalaan.

Ngayon alam na niya kung bakit gulat na gulat ang reaksyon ni hukom Unotario at madali nitong tinanggap ang ebidensiyang ibinato ko laban kay Roberto. Natatawa na lang ako sa pag-iling ni Sebastian habang natatawa ng marahan. Hindi niya siguro akalain na malilinlang ko ng gano'n ang punonghukom.

Magsasalita pa sana ako nang biglang bumukas ang pinto ng tindahan. Sunod-sunod na pumasok ang walong hukbo na may matataas ng posisyon ayon sa suot nilang uniporme. Agad silang sumaludo sa harapan ni Sebastian.

"Ipinapaabot namin ang pagbati sa inyo, heneral Sebastian Guerrero" wika ng isa sabay abot ng isang liham na selyado at may tatak mula sa gobernador-heneral. Gulat na napatayo si Sebastian at binasa ang liham na iyon.

Tumingin siya sa'kin at sa pagkakataong iyon, kahit hindi niya sabihin alam kong nakuha na ulit niya ang posisyon na inagaw sa kaniya ni Roberto.


LUMIPAS ang ilang araw, malapit na sumapit ang Pasko. Muling nanumbalik ang sigla sa buong bayan. Naging tahimik lang sina Roberto at Don Severino. Mabagal din ang pag-usad ng kaso laban sa kaniya. Nararamdaman kong bumubuo sila ng kung anumang plano kung kaya't hindi sila umaalma sa bagal ng hukuman. Para silang mga bagyo na biglang dadating matapos ang ilang araw na tahimik at payapang panahon.

Kasabay din ng paglipas ng araw ay ang pagbuti ng kalagayan ni Amalia. Nakakakain na siya ngayon ng maayos at naigagalaw na rin niya ang kaniyang binti at braso. Masayang-masaya si aling Pacing dahil unti-unti nang bumubuti ang kalusugan ng kaniyang nag-iisang anak.

Namimili kami ni Lolita sa palenge para sa masabaw na ulam na gustong kainin ni Amalia. Nagulat kami nang biglang tumabi sa amin si Lorenzo habang namimili kami ng mga gulay. "Kuya Gani!" ngiti ni Lolita, ngumiti naman ng kaunti si Lorenzo pabalik sa kaniya saka tumingin sa'kin.

"Lolita, maaari ko bang makausap sandali si Tanya?" paalam ni Lorenzo, napatakip naman sa bibig si Lolita saka tumango ng ilang beses at kumindat sa'kin na para bang sinasabi niya na malapit na ako mag-asawa.

Naglakad kami ni Lorenzo papunta sa likod ng isang tindahan. Hinubad niya ang suot niyang salakot. "Kamusta ka? Kamusta kayo?" tanong ko. Napayuko lang si Lorenzo, bakas sa kaniyang mukha na hindi niya pa rin matanggap ang pagtataksil ni Berning. Na ang paghihinala niya noon sa mga kinikilos nito ay katotohanan pala.

"Tumakas si Berning" saad ni Lorenzo na ikinagulat ko. Si Berning ang siyang makakapagdiin kay Roberto sa hukuman. "Tinulungan siyang tumakas ni Tadeo" patuloy ni Lorenzo, animo'y nakadagdag iyon sa sakit na nararamdaman niya.

"P-paano mo nalaman na tinulungan siya ni Tadeo?" hindi ako makapaniwala. Nakatakda na mabuking ang pagtataksil ni Berning sa mga huling kabanata ng Salamisim pero hindi siya tutulungan ni Tadeo kahit pa kapatid niya ito. Dahil naniniwala si Tadeo na dapat pagbayaran ni Berning ang pagiging trahidor nito sa samahan.

"Nakita kong tumakas sila" pag-amin ni Lorenzo. Nakayuko lang siy habang sariwa sa kaniyang ala-ala ang pagtataksil na ginawa nina Berning at Tadeo sa samahan at pagkakaibigan nila.

Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Sobrang gulo na ng kwentong isinulat ko. Kung papanigan ko si Sebastian, masisira ang layunin ng rebeldeng grupo. Kung papanigan ko naman ang mga tulisan, mapapamahak naman si Sebastian.

"Tanya. Taksil na rin ako sa aming samahan dahil hinayaan ko silang tumakas. Hinayaan ko lang ang nangyari. Aking pinagmasdan ang kanilang paglayo hanggang sa maglaho na sila sa aking paningin" saad ni Lorenzo, sa pagkakataong iyon ay nakita ko ang pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. Umiiyak ngayon ang bidang lalaki ng aking nobela.

"A-ang sinumang magtaksil sa samahan ay nararapat na mamatay. Iyan ang isa sa ating sinusunod na alituntunin hindi ba? N-ngunit hindi ko kaya... Hindi ko sila kayang paslangin o isuko sa iba pa nating kasapi" patuloy ni Lorenzo na ngayon ay lumuluha na. Malapit sa kaniya ang magkapatid na Berning at Tadeo. Lumaki sila sa rebeldeng grupo at magkakapatid na ang turing nila sa isa't isa.

Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at niyakap ko siya. Tinapik ko ang kaniyang balikat gaya nang ginawa niya sa akin noong isang gabi upang patahanin ako sa pag-iyak. "Ikaw si Lorenzo Cortes. Ang pagkatao mong ito ang siyang dahilan kung bakit ka minahal ng marami" bulong ko sa kaniya habang tinatapik ng marahan ang kaniyang balikat. Gusto kong malaman niya na proud ako dahil pinili niya pa ring iligtas ang mga kaibigang nagtaksil sa kanilang samahan.


MAKAILANG ulit akong nagpabalik-balik sa loob ng hukuman. Magtatakip-silim na, kanina ko pa hinihintay si Sebastian. Nagpadala ako ng mensahe sa kaniya na magkita kami sa loob ng hukuman. Hindi naman ako nahirapang makapasok doon dahil kilala na ako ni hukom Unotario.

Buo na ang desisyon ko. Kailangan kong makalabas sa kwentong ito para mabago ko na ng tuluyan ang Salamisim. Hawak ko ngayon ang aking kuwaderno kung saan ko sinulat ang mga dapat kong baguhin. Ito ang magsisilbing paalala sa'kin sa oras na makalimutan ko na ang lahat kapag nakalabas na ako sa kwento.

Nasa loob ako ng silid kung saan ginaganap ang pag-uusap o meeting ng mga abogado o hukom. May mga libro sa paligid at naroon din ang makakapal na papel na naglalaman ng mga kasong hindi pa nila naaasikaso.

Madilim na sa loob ng silid kung nasaan ako ngayon. Hindi ko sinindihan ang mga lampara sa paligid. Hinihintay ko ang pagdating ni Sebastian at ang lamparang sinabi ko sa kaniya.

Ilang sandali pa, nagulat ako nang biglang bumukas ang pinto. Magkahalong tuwa at kaba ang naramdaman ko nang makita ko si Sebastian bitbit ang mahiwagang lampara. "Bakt dito mo pa ibig---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil agad akong lumapit sa kaniya at isinara ang pinto sa kaniyang likuran.

Hinawakan ko ang mahiwagang lampara at tinitigan iyon. "Ito ba ang iyong tinutukoy na lampara?" tanong ni Sebastian dahilan para matauhan ako. Ramdam ko ang panlalamig ng aking pawis. Hindi pa ako handa pero dapat na akong makalabas dito bago pa tuluyang magulo ang lahat. Hindi ko kakayaning mamatay ang mga character sa nobelang ito.

"Sebastian, makinig ka sa lahat ng sasabihin ko" panimula ko saka tumingin ng diretso sa kaniya. Itim na coat at sumbrero ang suot niya ngayon. Bagama't hindi pa magaling ang sugat sa kaniyang labi at ilang galos sa mukha. Kahit papaano ay nagpapasalamat ako dahil pagaling na ang mga sugat na tinamo niya.

Napapikit na lang ako. Sa oras na i-revise ko ulit ang Salamisim. Siguradong makakalimutan ulit ako ng lahat ng character sa kwentong ito. Makakalimutan ulit ako ni Sebastian.

"N-nagpapasalamat ako sa lahat. Salamat dahil nakilala kita. Salamat dahil binigay mo ang tiwala mo sa'kin. Salamat dahil..." napatigil ako saka muling tumingin sa kaniyang mga mata. Nakatingin lang siya sa'kin, pilit na inuunawa ang bawat salitang binibitiwan ko.

"Maraming bagay akong natutunan nang dahil sayo. Kung alam mo lang kung gaano kalaki ang kasalanan ko sa inyong lahat. Pero kahit gano'n, hindi mo pinaramdam sa'kin na may dapat sisihin sa lahat ng kasawiang nangyayari sa mundong 'to. Sa mundo niyo" patuloy ko, sa pagkakataong ito ay hindi ko na napigilan ang pamumuo ng luha sa aking mga mata. Agad kong pinunasan iyon upang hindi niya makita ang pagbagsak nito.

"Anong ibig mong sabihin? Ikaw ba ay lilisan?" tanong niya dahilan upang matawa ako habang lumuluha. Hibang na kung hibang pero isang malaking kahibangan talaga ang nangyayari ngayon sa amin.

"Oo. Aalis ako. Hindi ko alam kung kailan ako babalik. Kung babalik pa ba ako? At kung maaalala niyo pa ako?" hindi ko na magawang tumingin ng diretso sa kaniyang mga mata. Parang ayoko umalis. Parang ayokong ituloy ang dapat kong gawin ngayon.

"Kung babalik ka ng Bulakan, sasamahan kita. Ilang araw ka lang naman doon hindi ba?" saad niya, napailing na lang ako habang nakayuko. Nauubos na ang oras. Sa bawat pagpatak ng segundo ay maaaring may magbago na naman sa kwentong ito.

Hindi ko alam kung hanggang saan aabutin an paghihiganti nina Roberto at Don Severino. Hindi ko alam kung kailan ko ulit makakasalamuha ang character nila Berning at Tadeo na galit na ngayon sa ginawa ni Lorenzo.

Huminga ako ng malalim. Panahon na para ayusin ko ang lahat ng pagkakamali ko sa pagbuo ng magulo at puno ng tragedya nilang mundo. Dahan-dahan akong tumingin kay Sebastian. Hawak ko pa rin ang lampara at ipinuwesto iyon sa pagitan namin.

"Ang sabi mo, kung ibig mo ang isang bagay... Sapat nang dahilan iyon" saad ko habang nakatitig sa liwanag ng lampara. Maging siya ay napatitig sa nakakahalinang apoy nito. "Ibig kong maligtas kayong lahat. Ibig kong baguhin ang kapalaran niyo. Ibig kong bigyan kayo ng masayang wakas at payapang mundo" patuloy ko saka tumingin ng diretso sa kaniyang mga mata.

"Sebastian. Maaari mo bang ikwento sa'kin ang nangyari sa iyong panaginip? Kung paano mo natuklasan ang iyong kamatayan" saad ko, dahan-dahan siyang napatingin sa aking mga mata. Animo'y matagal-tagal na rin mula nang mabanggit niya sa akin iyon.

Sa tuwing binabanggit niya ang tungkol sa kaniyang panaginip sa harap ng mahiwagang lamparang ito, nakakalabas ako sa kwento. Kailangan ko ang tulong niya upang maisaayos ang lahat.

"Sa harap ng maraming tao. Kasama ang aking ama, hinarap namin ang kamatayan sa paraan ng garrote" wika niya na para bang hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang binabangungot ng masamang panaginip na iyon.

Tila may malakas na hangin na pumapatay sa apoy ng lampara kahit pa wala naman kaming nararamdamang hangin sa paligid. Gulat na napatingin sa akin si Sebastian. Hindi niya maunawaan kung bakit hinahangin ang sindi ng lampara.

Napatulala lang ako sa liwanag nito, nararamdaman kong malapit na akong makalabas sa kwento. "Sebastian. Bago mo makalimutan ang lahat, ibig kong malaman mo na... Gusto kita" pag-amin ko sa kaniya habang hinihintay ang pagpatay ng apoy at pagkawala ng liwanag sa buong paligid.

Napatulala si Sebastian sa sinabi ko, ngumiti lang ako sa kaniya. Iyon talaga ang gusto kong sabihin sa kaniya bago niya ulit makalimutan ang lahat ng ito. Ang lahat ng alaala naming dalawa.

"Faye..." saad niya sabay hawak sa lampara. Sa pagkakataong iyon ay biglang naging maayos ang sindi ng apoy sa loob. Animo'y wala ng hangin na sinusubukang patayin ang sindi nito. Agad kong tinaktak ang lampara. Hindi ako makapaniwala na hindi ito namatay!

"Shocks! Bakit hindi namatay?" gulat kong tanong at tinaktak pa iyon ng tatlong beses. Tulala lang sa akin si Sebastian na para bang hindi siya makapaniwala na matapos akong umamin sa kaniya ay mas mahalaga sa'kin ang sindi ng lampara kaysa sa sasabihin niya.

Napapikit na lang ako, ramdam ko ang pag-init ng aking mukha. Hindi ganito ang dapat mangyari. Dapat maglaho ako dito sa loob ng kwento pagkatapos ko aminin ang nararamdaman ko sa kaniya dahil makakalimutan din naman niya iyon sa oras na ma-revise ko na ang Salamisim at mabigyan silang lahat ng happy ending.

Agad kong binuksan ang lampara at pinatay iyon gamit ang aking hininga. Napahinga ako ng malalim nang dumilim ang buong paligid. Siguradong magigising ako ngayon sa party ng bagong bukas na museum.

Ngunit napatigil ako nang marinig ko muli ang boses ni Sebastian, "B-bakit mo pinatay ang sindi ng lampara?" tanong niya, ramdam ko ang pagkabigla at kaba sa kaniyang tono na para bang nagdadalawang-isip siya sa gustong kong mangyari sa aming dalawa ngayon sa silid na ito na tanging kaming dalawa lang ang makakaalam.


****************************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top