Kabanata 24

[Chapter 24]

NAGPABALIK-BALIK ang aking mata kay Sebastian at Lorenzo. Sinubukan kong pumagitna at magsalita pero hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko pwedeng sabihin na bahagi nga ng rebeldeng grupo si Lorenzo. Hindi ko rin kayang sirain ang tiwalang ibinigay sa'kin ni Sebastian.

Nagulat ako nang maglakad si Lorenzo papalapit sa'min. "Tanya, aalis na ako. Aking siniguro lamang na mabuti ang iyong kalagayan" wika ni Lorenzo saka ngumiti sa'kin. Tumango ako at ngumiti ng kaunti ngunit nang mapatingin ako kay Sebastian ay tila napatigil ako dahil sa seryoso niyang mukha na nakatingin sa'kin ngayon.

"S-sige. Mag-iingat ka" iyon na lang ang nasabi ko na halos pumiyok pa sa kaba. Tumango sa'kin si Lorenzo at napawi ang kaniyang ngiti nang magtama muli ang mga mata nila ni Sebastian. Tumango lang siya kay Sebastian at Niyong saka tumalikod na at naglakad papalayo.

"P-pumasok muna kayo sa loob. Ipagtitimpla ko kayo ng---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil naglakad na si Sebastian pabalik sa kalesa nang hindi tumitingin sa'kin o nagpaalam man lang.

Napakamot na lang ng ulo si Niyong. "Ibig ka sanang kumustahin ni señor dahil sa nangyari kanina... Marahil ay pagod na siya at ibig na niyang matulog. Mauna na kami, ate Tanya" wika ni Niyong saka naglakad patungo sa kalesa. Bago sila umalis, tumango pa sa'kin si Niyong habang si Sebastian naman ay hindi man lang nagawang tumingin muli sa akin.


MAINGAT kong sinasalin ang tubig sa tatlong baso nang pumasok si Mang Pedro sa kusina ng Panciteria. Namumutla ang mukha niya habang pilit na hinahanap sa kusina ang kaniyang asawa. Makapal ang usok sa kusina at halos abala ang mga kusinera sa pagluluto.

Hindi nagtagal ay nakita na niya si Aling Pacing, hinawakan niya ito sa magkabilang balikat. Napatigil si Aling sa paghihiwa ng kamatis. May inabot na sobre si Mang Pedro at dinala siya nito sa labas ng kusina. Sa hindi malamang dahilan ay sinundan ko sila.

Tumigil sila sa tapat ng hagdan papunta sa ikalawang palapag. "Nagmula ito sa beateryo?" tanong ni Aling Pacing saka mabilis na binuklat ang liham. Mabagal niyang binasa ang mga nakasulat doon nang tahimik hanggang sa mabitiwan niya ang papel at muntikan siyang mawalan ng balanse dahil sa matinding pagkabigla.

Mabuti na lang dahil naalalayan agad siya ni Mang Pedro, agad akong tumakbo papalapit sa kanila at hinawakan ko rin si Aling Pacing, "Ano pong nangyari?" may ideya na ako ngunit hindi ko alam kung bakit kinakabahan pa rin ako ng ganito.

Napahilamos na lang sa mukha si Mang Pedro, nangilid naman ang luha sa mga mata ni Aling Pacing at tuluyan na itong umiyak. "N-nilisan ni Amalia ang beateryo at nakipagtanan" saad ni Mang Pedro at napahagulgol na lang din siya tulad ng kaniyang asawa.

Sa pagkakataong iyon ay napatulala na lang din ako. Kahit saang anggulo tingnan, ako pa rin ang dahilan kaya nararamdaman nila ang kabiguan ng isang magulang.

Oras ng siyesta, walang customer ngayon sa Panciteria. Minabuting ilihim muna nina Aling Pacing at Mang Pedro ang ginawa ni Amalia. Walang magulang ang maghahangad na maging tampulan ng usap-usapan at tsismis ang kanilang anak.

Kumatok ako ng tatlong beses sa kwarto nila, narinig kong nagsalita si Mang Pedro kaya binuksan ko na ang pinto. Dinalhan ko ng tubig at pinakuluang luya si Aling Pacing na ngayon ay nakahiga sa kama habang minamasahe ni Mang Pedro ang kamay nito.

Inilapag ko na ang dala kong luya sa gilid ng mesa at naupo sa bakanteng silya na nasa tabi ng bintana. "Tanya, maaari bang ilihim mo na lang ito sa lahat" pakiusap ni Mang Pedro, tumango ako. "Siya nga pala, nagkita ba kayo ni Amalia nang umuwi ka sa Bulakan noong nakaraang linggo?" patuloy ni Mang Pedro.

Napatingin ako sa kanilang dalawa ni Aling Pacing. Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin. Siguradong magagalit sila sa oras na malaman nilang kinonsinte ko si Amalia at tinulungan pang tumakas. Ngunit higit doon, siguradong hindi na nila ako mahaharap sa oras na malaman nilang ako ang may kagagawan kaya nila nararanasan ang bagay na ito ngayon.

"O-opo. Maayos naman po ang kalagayan niya doon 'nung huli kaming nagkausap" tugon ko, napayuko na lang ako. Hindi ko kayang tumingin sa kanilang mga mata. Narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga ni Mang Pedro, tulala namang lumuluha si Aling Pacing.

Kung alam lang nila na mas mabuti na ito kumpara sa totoong takbo ng kwento kung saan mamamatay sa pagtakas sina Amalia at ang kasintahan nitong guardia civil. Marahil ay mas gugustuhin nilang malaman na hanggang sa pagtatanan lang ang sinapit ni Amalia.


NAPALINGON ako kay Lolita nang bigla itong lumapit sa aking tenga at bumulong. "Ate Tanya, narito ang lalaking kasama mo kagabi" wika niya, bakas sa kaniyang mukha na kinikilig siya. Nagbabalot kami ng suman sa kusina ng Panciteria kasama ang iba pang kusinera.

"Sinong..."

"Naabutan ko kagabi na may lalaki kang kausap. Hindi ko batid ang kaniyang pangalan ngunit madalas ko siyang makita rito kausap sina Aling Pacing at Mang Pedro" patuloy ni Lolita, napatingin sa'min ang ilang kusinera dahil kanina pa bumubulong sa'kin si Lolita at hindi mawala ang ngiti niya sa sobrang kilig.

Napaisip ako at hinampas ko sa noo ni Lolita ang hawak kong piraso ng dahon ng saging. "Magkaibigan lang kami. 'Wag kang ma-issue diyan" si Lorenzo siguro ang tinutukoy niya. Kilala naman ni Lolita si Sebastian at hindi naman ito nakikipag-usap sa mag-asawang may ari ng Panciteria.

Nawala ang ngiti ni Lolita at hindi pa rin siya humihiwalay sa'kin. Mapa-Tanya o Arturo, hilig niya talagang kumapit sa braso ko. "Isywu... Ano ang iyong tinuran? Ate Tanya"

Nagpatuloy na lang ako sa pagbabalot ng suman. "Ma-issue parang nag-iisip ng kung anu-ano na wala namang katotohanan"

Tumango-tango si Lolita at nagpatuloy na lang din sa pagbabalot ng suman. "Ikaw ay wala na sa wastong edad upang mag-asawa ate Tanya. Hindi mo ba naiisip na panahon na siguro upang ikaw ay magpakasal? Sa aking palagay ay may pagtingin sa iyo ang lalaking iyon" saad niya, napailing-iling na lang ako.

"Bata pa kaya ako. Gusto ko munang ma-promote at magkaroon ng maayos na trabaho. Mag-tatravel ba ako around the world" tugon ko, nagtaka muli ang hitsura ni Lolita. Nakalimutan kong hindi niya pala maiintindihan ang mga sinasabi ko.

"Kalimutan mo na 'yon. Kung anu-ano lang talaga lumalabas sa bibig ko" habol ko, napakibit-balikat na lang si Lolita at muli niya akong kinuwentuhan tungkol sa pangungulila niya sa ginoong nagngangalang Arturo.

Ilang sandali pa, inutusan kami ni Aling Lucia na ihatid ang dalawang bilao ng pansit sa tindahan ng mga bakya sa pamilihan. Naghugas na kami ng kamay ni Lolita at tig-isa naming binitbit ang dalawang bilao. Napatigil ako nang makita si Lorenzo kasama ang mga kasamahan nito sa pagawaan ng dyaryo.

Masaya silang nagkwekwentuhan habang kumakain ng pansit sa isang mahabang mesa. Napangiti si Lorenzo nang makita ako. Tumango lang ako sa kaniya, napatakip naman sa mukha si Lolita dahil sa kilig. Hinila ko na siya agad papalabas.

Mabilis kaming naglakad papalayo sa Panciteria. Ako ang nahihiya sa ginagawa ni Lolita. "Lolita, 'wag kang tumawa nang ganiyan, baka mag-isip siya ng kung ano. Hindi dapat---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang nagsalita sa tabi ko na ngayon ay sumasabay na sa amin sa paglalakad.

"Sinong mag-iisip ng kung ano?" tanong ni Lorenzo na ikinagulat ko at mas lalong ikinatuwa ni Lolita. Nakangiti siya ngayon dahilan para mas lalong maging kaaya-aya at kaibig-ibig ang kaniyang dating.

Magsasalita pa sana si Lolita ngunit mabilis kong tinakpan ang bibig niya. "Hindi ba't may mga kasama kang kumain" wika ko, napatigil na kami sa paglalakad, napalingon ako sa Panciteria. Naroon pa rin ang mga kasamahan niya sa trabaho at masayang kumakain.

"Nagpaalam na ako sa kanila. Sasamahan ko na kayo" ngiti ni Lorenzo saka kinuha sa kamay namin ni Lolita ang bitbit naming bilao ng pansit. "Ako na rin ang magdadala nito" patuloy niya, kumindat pa siya kay Lolita na para bang nagpapasalamat siya sa suporta nito.

Wala na akong nagawa kundi ang hayaan na lang siya. Ilang ulit ko pang tiningnan si Lorenzo, kinikilabutan ako sa mga kinikilos niya. Ganito ko nakikita ang mga eksena sa nababasa kong kwento o napapanood na movie kung saan nagpaparamdam na manligaw ang isang lalaki at nagpapa-good shot pa 'to sa mga kaibigan ng babae.

Napailing na lang ako sa ideyan iyon. Hindi naman siguro. Imposible namang magkagusto sa'kin si Lorenzo. Mas maganda at mas bagay sila ni Maria Florencita. Bakit ko aagawan ang bidang babae sa nobelang ginawa ko?

"Ano ho ang inyong pangalan?" tanong ni Lolita kay Lorenzo habang nakangiti. Nasa gitna nila akong dalawa habang sabay naming tinatahak ang mataong pamilihan.

Napatingin muna sa'kin si Lorenzo bago siya tumingin kay Lolita. "Gani" pakilala ni Lorenzo, pinagpatong niya ang dalawang bilao sa kaniyang braso, hinubad niya ang kaniyang sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib bilang pagpapakilala.

Halos mapunit naman ang mukha ni Lolita sa laki ng kaniyang ngiti. "Lolita naman ho ang aking pangalan" pakilala nito at nagbigay-galang kay Lorenzo. Nangangamba na naman tuloy ako baka mabaling ang pagtingin ni Lolita kay Lorenzo.

"Kuya Gani, matagal na ho kayong magkakilala ni ate Tanya?" tanong nito kay Lorenzo. Napangiti naman si Lorenzo at muling tumingin sa'kin. Naalala ko na hindi niya pwedeng basta-basta sabihin sa iba ang totoo niyang pangalan. Isa ang Gani sa pangalang lagi niyang ginagamit.

Tumango si Lorenzo, "Oo, ilang buwan na ngunit ibig ko pa siyang makilala nang lubos" tugon ni Lorenzo habang nakatingin lang sa'kin. Napaiwas na lang ako ng tingin, kung ano pa man ang ibig niyang iparating, ramdam ko na mukhang makakadagdag na naman ito sa pananakit ng ulo ko.

"Kung wala ka pa namang kasintahan o kabiyak kuya Gani. Nasa wastong edad naman na kayo ni ate Tanya upang—Ahh" hindi na natapos ni Lolita ang sasabihin niya dahil kinurot ko siya nang marahan sa tagiliran.

Pinandilatan ko ng mata si Lolita. Tumawa lang si Lorenzo, mukhang natutuwa pa siya dahil suportado siya ni Lolita. "Ah. May kailangan pa pala akong daanan sa aming tahanan. Mauna na lang ho kayo" mabilis na paalam ni Lolita.

Ngumiti pa siya kay Lorenzo. Tatawagin ko pa sana siya ngunit dali-dali na itong tumakbo papalayo. Napahawak na lang ako sa aking noo. Masyadong halata ang gustong mangyari ni Lolita.

Napalingon ako kay Lorenzo na kanina pa pala nakatingin sa'kin at naghihintay. Nakangiti pa rin siya. "Pagpasensiyahan mo na 'yon si Lolita. Kung kani-kanino niya ako nilalakad. Nakakahiya tuloy" wika ko, naalala ko tuloy na ganito ko rin sila inasar ni Niyong noong namasyal kami sa ilog. Bumabawi siguro siya sa'kin.

Nagpatuloy na kami sa paglalakad. Hindi ko alam kung bakit pero may kung anong awkwardness na tuloy sa'min. Kung hindi ba naman inumpisahan ni Lolita ang mga pinagsasabi niya kanina. Hindi sana ganito ang pakiramdam ko kay Lorenzo.

"Siya nga pala... Kumusta kayo ni Maria Florencita?" sinubukan kong ibahin ang usapan. Kailangan si Maria Flrorencita lang ang babaeng tumatakbo sa kaniyang isipan. Nagbago ang timpla ng kaniyang ngiti, hindi ito kasing aliwalas ng ngiti niya kanina.

"Maayos naman kami. Masaya ako na may mahabagin din siyang puso para sa mga taong nasasadlak sa hirap at biktima ng pananamantala ng pamahalaan" tugon ni Lorenzo, kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag. Sana lang ay gusto niya pa rin si Maria Florencita.

"Oo, nakakatuwa nga siya. Sa tingin ko ay bagay talaga kayo. Ano kaya kung dalhan mo siya ng---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil bigla siyang napatigil sa paglalakad. Wala na ang kaniyang ngiti, nakatingin lang siya sa'kin ngayon.

"B-bakit?" tanong ko saka napatingin sa ibang tao na nakakasabay namin at nakakasalubong. Agaw eksena siya dahil nakatayo lang siya ngayon sa gitna. "K-kalimutan mo na 'yung sinabi ko. Nahawa lang ako kay Lolita" patuloy ko, ngumiti ako para iparamdam sa kaniya na hindi ko naman siya pinagtatabuyan o ano.

Sa huli, ngumiti na lang din siya at nagpatuloy ulit kami sa paglalakad. "Tanya..." wika niya, napatingin ako sa kaniya. "Kaarawan ko na sa susunod na martes. Maaari ba kitang maanyayahan sa..." hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil biglang may kalesang tumigil sa gilid namin.

"Ate Tanya" tawag ni Niyong, napatigil ako at gulat na napatingin kay Sebastian na siyang lulan ng kalesang iyon. Seryoso siyang nakatingin sa'min ngayon ni Lorenzo na para bang hindi pa tapos ang init ng ulo niya noong isang gabi nang makita niya kaming magkasama ni Lorenzo.

Bumaba si Sebastian sa kalesa habang nakatingin sa'kin. Itinuro niya ang kalesa gamit ang kaniyang mata. Senyales na pinapasakay niya ako doon. "Ah. Maghahatid pa kasi kami ng pansit" saad ko, lumapit si Sebastian ngunit napatigil din siya dahil hawak ni Lorenzo ngayon ang dalawang bilao ng pansit.

"Kami na ang maghahatid niyan" seryosong saad ni Sebastian habang nakatingin kay Lorenzo. Hindi siya pinansin ni Lorenzo, sa halip ay tumingin lang ito sa'kin. "Ano ang iyong tugon, Tanya?" tanong ni Lorenzo.

Napalunok na lang ako sa kaba. Bakas sa mukha ni Sebastian na nauubusan na siya ng pasensiya. Ganito ang reaksyon niya sa tuwing may bilanggo na hindi pa rin umaamin sa kasalanan. At dahil sa takot ko na baka mag-away o magsuntukan sila, ako na ang kumuha ng dalawang bilao sa kamay ni Lorenzo.

"M-may kailangan pa pala kaming pag-usapan. Salamat sa tulong... Gani" wika ko, sinubukan kong ngumiti ngunit nanginginig na rin maging ang aking labi. Wala namang nagawa si Lorenzo nang kunin ko na sa kaniya ang bilao.

Kinuha na iyon ni Sebastian sa kamay ko at muli niyang inulit ang senyas gamit ang kaniyang mata na sumakay na ako sa kalesa na para bang sinasabi niya na ito na ang huling beses na tatanungin kita.  Susunod pa dapat si Lorenzo ngunit humarang na si Sebastian. Napapikit na lang ako. Hindi pa rin talaga mawawala sa mga lalaki ang pagiging competitive.

"Tanya, ano ang iyong tugon?" ulit ni Lorenzo. Nakasakay na ako sa kalesa. Sumunod na si Sebastian at umupo sa aking tabi. "Oo" iyon na lang ang nasabi ko bago tuluyang pinatakbo ni Niyong ang kabayo. Napasandal na lang ako sa upuan at hindi ko na ngayon magawang tumingin kay Sebastian.


HINDI bumaba si Niyong sa kalesa nang marating namin ang tindahan ng mga libro. Naunang bumaba si Sebastian at pumasok sa loob. "Noong isang gabi pa mainit ang ulo ni señor. Nawa'y makausap mo siya nang matiwasay ate Tanya" wika ni Niyong na para bang gusto niya akong sabihan na 'Good luck. It's either dead or alive akong makakalabas ngayon sa tindahang ito.

Napahinga na lang ako nang malalim saka sumunod sa loob ng tindahan. Naabutan ko si Sebastian sa tapat ng bintana. Nagsisigarilyo siya ngayon. Ilang segundo lang akong nakatayo sa tapat ng pintuan. Alam kong hindi ako dapat kabahan pero natatakot ako na tanungin niya ako muli kung kasapi ba ng rebelde si Lorenzo.

Ayoko magsinunggaling sa kaniya at ayoko rin naman ilaglag si Lorenzo. Hindi kasalanan ni Lorenzo na siya ang bida sa istoryang ito at pinapangunahan niya ang mga rebelde. Hindi rin naman kasalanan ni Sebastian na tapat siya sa pamahalaan.

"Bukas na lang tayo mag-usap, mukhang pagod ka na" saad ko, aalis na lang dapat ako pero nagsalita na siya.

"Hindi ka dapat lumalabas ngayon. Nasa paligid lang ang mga tauhan nina Don Severino at Roberto" wika niya, kumpara kanina ay mas kalmado na ang tono nito. Inilapag na niya ang tobacco sa mesa at pinatay ang sindi niyon.

Nakatalikod pa rin sa'kin habang nakaharap sa bintana. "Hindi mo ba nauunawaan na nasa panganib ka na ngayon? Faye" patuloy niya, sa pagkakataong iyon ay tila tumigil ang pintig ng puso ko. Sa tuwing binabanggit niya ang totoong pangalan ko ay nagdudulot din iyon nang matinding kaba sa akin.

"Malinaw na ako ang ibig pabagsakin ni Roberto" hindi ako nakapagsalita. Naalala ko ang narinig kong pag-uusap noon nina Don Severino at Roberto. Ibig nila akong gamitin laban kay Sebastian. Pipilitin nila akong tumestigo at palabasin na kasapi ng rebelde si Sebastian upang mahatulan ito ng kamatayan.

Narinig ko ang malalim na pagbuntong hininga ni Sebastian. Naupo na siya sa silya at ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Napansin ko na madalas niyang gawin iyon para pakalmahin ang kaniyang sarili. Napahinga na lang din ako ng malalim saka naglakad ng dahan-dahan papalapit sa kaniya.

"Pasensiya na" panimula ko, napayuko na lang ako. "Pero 'wag ka mag-alala, kasama naman namin kanina si Lo—- Gani kaya..." napatigil ako dahil napatingin siya sa'kin nang banggitin ko ang pangalan ni Lorenzo.

"K-kasama rin namin si Lolita kanina. Tatlo talaga kami. Nagkataon lang na may kailangan pang puntahan si Lolita kaya kami na lang ni Gani ang..." hindi ko na ulit natapos ang aking sasabihin. Sa tuwing binabanggit ko ang pangalan ni Lorenzo ay parang mas lumalala ang tensyon.

Napaigting ang panga ni Sebastian at kinagat niya nang mariin ang kaniyang ibabang labi. "Sino ang lalaking iyon?" tanong ni Sebastian nang hindi tumitingin sa'kin. Sinimulan niya rin laruin sa kaniyang kamay ang isang pluma na nakapatong sa mesa.

"K-kaibigan ko siya. Madalas din siya kumain sa Panciteria. Wala namang namamagitan sa---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita muli si Sebastian.

"Saan? Kailan? At paano mo siya nakilala?" tanong niya sabay tingin ng diretso sa'kin. Natigilan ako sandali. Naalala ko kung paano niya ako imbestigahan noon bilang Arturo.

Napaisip ako, saan ba kami unang nagkita ni Lorenzo? "Ah... Sa Panciteria, hindi ko na maalala ung kailan e basta medyo matagal na rin" tugon ko, seryoso pa rin ang mukha niya. Napapikt na lang ako, bakit ba kailangan ko mag-explain?

"Bakit ba kailangan kong sagutin 'yan? Hindi mo naman kailangan malaman lahat ng nangyayari sa buhay ko" saad ko, wala naman kaming label.

"Dapat nga humingi ka ng tawad kay Gani dahil nagmamagandang loob lang naman siya kanina na tulungan kami ni Lolita tapos hinarang mo siya ng gano'n" nagulat si Sebastian sa sinabi ko. Animo'y hindi niya akalain na ipagtatanggol ko pa si Lorenzo.

"Hindi rin naman kita pinapakialaman kapag sinusuyo mo si Maria Florencita" patuloy ko, maging ako ay nagulat sa sinabi ko. Gusto kong batukan ang aking sarili. Nadala ako nang bugso ng damdamin lalo na't sariwa pa sa'kin kung paano niya samahan at tulungan si Maria Florencita magdilig ng halaman noong isang araw.

"Magkaibang bagay iyon. Nakatakda kaming ikasal ni Maria Florencita" wika ni Sebastian na animo'y parang wala siyang magagawa sa bagay na iyon. Hindi na lang ako nagsalita, naglakad ako sa tapat ng bintana at pinili ko na lang na pagmasdan ang malawak na lupain sa labas kung saan naroroon ang mga baka at kambing na malayang kumakain ng mga damo.

Napahinga na lang ako nang malalim, hindi pa nga ako nakakabawi sa pagtatanggol sa'kin ni Sebastian sa kamay ni Roberto noong isang araw pero inaaway ko siya ngayon. "Nakilala ko si Gani sa pagawaan ng dyaryo. Nagtatrabaho siya sa pamilya Garza" saad ko, iyon lang ang maaari kong ibigay na impormasyon tungkol kay Lorenzo. Siguradong magugulo ang Salamisim sa oras na malaman ni Sebastian kung sino talaga si Lorenzo Cortes.

Ilang minuto ang lumipas, hindi siya nagsalita, tinitigan na lang niya ang kamay niya habang nilalaro ang pluma. "K-kung wala ka nang sasabihin... Uuwi na ako" patuloy ko, aalis na dapat ako pero napatigil ako nang magsalita siya.

"Kung gayon, siya pala ang tumulong sa iyo upang makapasok ka noon sa hacienda Garza" saad ni Sebastian, huli na nang maalala ko na sinabi ko pala sa kaniya noon bilang Arturo na tinulungan ako ng kaibigan ko sa paimprintahan ng dyaryo na makapagtrabaho sa pamilya ni Maria Florencita.

Hindi ako nakapagsalita, pati ba naman iyon ay naaalala pa rin niya?

Muli niya akong tiningnan ng diretso sa aking mga mata, "Pamilyar ang kaniyang mukha. Tila nakita ko na rin siya sa aking panaginip" patuloy ni Sebastian na mas lalong ikinagulat ko. Naalala ko ang sinabi niya noon na nakita niya si Roberto at ang lalaking hindi niya kilala kung sino bago siya mabaiwan ng buhay sa selda.


MAINGAT na tinatahi ni Maria Florencita ang isang baro na gusto niyang suotin sa Pasko. Tulala lang akong nakatingin sa hardin nila. Kasalukuyan kaming nakaupo sa azotea. Nagtatahi siya habang nakasandal lang ako sa silya.

"Ano sa tingin mo ang ibig sabihin ng isang lalaki kapag sinabi niya na... Kung ibig mo ang isang bagay, marahil ay sapat nang dahilan iyon?" tanong ko sa kaniya habang tulala pa rin sa hardin. Naalala ko kung anong mga halaman at bulaklak ang diniligan nilang dalawa roon.

Napaisip naman si Maria Florencita, "Sa aking palagay, may pagtingin ang lalaking iyon sa babaeng sinabihan niya" tugon nito, sabay kaming nagulat at nagkatinginan.

"Huwag mo sabihing... Tanya, sinabi sa iyo ng isang ginoo iyon?" gulat na tanong ni Maria Florencita at napatakip pa ito sa bibig sa tuwa.

Napailing na lang ako saka sumandal muli sa silya, "Imposible! Hindi niya pwedeng sabihin 'yon sa'kin" saad ko habang pilit na binubura ang mga iyon sa aking isipan.

"Sandali... Siya rin ba ang nagbigay ng kuwintas na 'yan?" usisa ni Maria Florencita na akmang hahawakan ang suot kong kuwintas.

"Umiibig kang tunay Tanya! Binabati kita!" ngiti ni Maria Florencita at niyakap pa ako na parang nanggigigil siya sa tuwa.

Napakagat na lang ako sa aking labi. Hindi sa'kin pwede mahulog si Sebastian. Napatingin ako kay Maria Florencita, ang babaeng ito lang dapat ang magpapatibok sa puso niya.

Pero hindi ko rin alam kung bakit naroon ang saya at pag-asa sa puso ko na sana tama nga si Maria Florencita. Na may pagtingin sa'kin ang lalaking tinutukoy ko.


HINDI ko alam kung malulungkot ba ako o matutuwa pero mas nangingibabaw ang hitsura ni Sebastian kahapon. Kaya pala gano'n siya magsungit sa'kin. Nagseselos kaya siya?

Alam na niya ngayon ang nararamdaman ko kapag may mga babaeng linta na umaaligid sa kaniya. Alam na rin niya ngayon ang pakiramdam kapag may kasamang iba ang taong gusto mo.

Napatigil ako sa paglalakad nang makita ang agos ng mga tao na ngayon ay patungo sa Fort Santiago. "Inyo na bang narinig ang balita? Ipinatawag sa tanggapan ng heneral ang anak ni Don Atonio Guerrero" saad ng isang ale sa mga kasama niya, gulat akong napalingon sa kanila.

"Ang dating heneral ba ang iyong tinutukoy?"

"Oo, si heneral Sebastian"

Tila tumigil ang takbo ng paligid. Namalayan ko na lang na tumatakbo na ako ng mabilis papunta sa Fort Santiago.

Hindi ko inaasahan na mas maraming tao ang natitipon sa labas ng porte. Agad akong nakipagsiksikan sa mga tao. Nakaharang ang mga guardia civil at may mga hawak silang mahahabang baril.

Nakita ko ang kalesa ni Sebastian na nakaparada sa gilid. Nakatayo sa tabi nito si Niyong, hawak ang kaniyang sumbrero at nakayuko na parang humihikbi ng tahimik.

Pilit pa akong sumiksik sa mga tao hanggang sa makarating ako sa unahan kung saan may nakaharang na lubid at pinapagitnaan ito ng mga guardia civil na nasa dalawampu ang dami.

Tila namanhid ang aking katawan nang makita ko si Sebastian, kalmado siyang nakatayo sa gitna suot ang itim na coat at sumbrero. Animo'y hinihintay niya lang lumabas doon si Roberto na parang hindi niya alintana ang panganib na darating.

Nakatalikod siya. Sinubukan kong sumingit sa gilid na bahagi upang makita niya ako. Kung anu-anong bagay na ang tumatakbo sa aking isipan. Hindi ito bahagi ng kwento. Walang eksena na ganito. Mas lalo akong kinabahan nang dumating ang magkasunod na kalesa lulan sina Don Atonio Guerrero, Don Florencio at Maria Florencita.

Agad tumabi ang mga tao upang bigyang daan ang papalapit na dalawang kalesa. Ngunit napatigil lang ito sa gitna dahil hindi sila hinayaang makalagpas sa lubid. "Anong ibig sabihin nito? Bakit niyo ipinatawag ang aking anak at hinayaang maghintay dito sa labas?" sigaw ni Don Antonio, hindi naman natinag ang mga guardia, sinagot lang sila nito na sumusunod lang sila sa utos ni heneral Roberto.

Sinubukang mangialam ni Don Florencio pero pinigilan siya ni Don Antonio. Mas lalong lumakas ang bulungan at dumami ang mga tao sa paligid. Kung kinakabahan ako ngayon sa hindi malamang dahilan. Paano pa kaya si Sebastian?

Bumukas na ang pinto ng Fort Santiago, lumabas si Roberto kasama ang ilan pang mga guardia. Seryoso ang mukha niya ngunit nababakas din na inaasahan niyang marami ang makikiusyoso ngayon. "Paumanhin Sebastian, hindi na kita naaanyayahan sa loob" panimula ni Roberto, hindi naman nagsalita si Sebastian. Seryoso lang itong nakatingin sa kaniya na para bang sinasabi niya na 'wag nang magpaligoy-ligoy pa si Roberto at sabihin na nito agad ang gusto niyang sabihin.

"Hindi ba't ibig mo rin naman mag-usap tayo sa harapan ng madla? Ginagawa ko lang din ang ibig moa king kaibigan" patuloy ni Roberto saka tumango kay Don Antonio at Don Florencio na para bang hindi siya nasisindak sa mga matataas na opisyal na ito. Napatigil siya sandali at ngumiti kay Maria Florencita.

"Sebastian, ibig ko lang naman ipagbigay alam sa iyo ang aking nabalitaan. Ikaw raw ay may tinulungang guardia sibil at kasintahan nito na tumakas" wika ni Roberto, sa pagkakataong iyon ay pareho kaming nagulat ni Sebastian sa sinabi niya. Agad sinenyasan ni Roberto ang mga tauhan niya, tumango ang mga ito at hinila papalabas si Amalia.

Mas lalong lumakas ang bulungan sa paligid lalo na nang makita ng lahat ang hitsura ni Amalia ngayon. Magulo ang buhok, tagpi-tagpi ang damit, nababalot siya ng putik at dugo. Hinang-hina na si Amalia, puno ng sugat at galos ang kaniyang buong katawan lalo na ang kaniyang mukha.

Nanginginig siyang nakadapa sa lupa habang humihikbi. "Ang babaeng ito at ang kasintahan niyang guardia ay nadakip nang subukan nilang magtanan at mamalagi sa Norte. Namatay sa pagtakas ang guardia" paliwanag ni Roberto sa madla na parang ginawa ni Sebastian noong isang araw.

"Ngayon, ituro mo sa amin kung sino ang tumulong sa inyo... O mas malinaw sabihin na kung sino ang nag-udyok sa inyong tumakas?" tanong ni Roberto kay Amalia. Nanginginig pa rin si Amalia, sumisigaw na ang puso ko at nakikiusap na 'wag siyang magturo.

Ngunit nagkamali ako, dahan-dahan niyang iniangat ang kaniyang ulo at itinuro si Sebastian.

Napapikit lang si Sebastian, hindi siya kumibo at hindi siya nagsalita. Nagulat ang lahat, sumigaw si Don Antonio at isinumpa si Amalia. Agad namang hinawakan ni Ornina si Maria Florencita na nawalan ng balanse.

Muling iminulat ni Sebastian ang kaniyang mga mata at inilibot niya ang paningin sa paligid hanggang sa mapatigil siya nang makita ako. Kasabay ng paglubog ng araw, ang pag-ihip ng marahan na hangin at ang pagkakagulo ng mga tao ay ang paghingi ko sa kaniya ng tawad na hinihiling kong mabasa niya mula sa aking mga mata.


*********************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top