Kabanata 23
[Chapter 23]
Napangiti ako sa aking sarili habang suot ang kuwintas at ilang beses akong umikot sa harapan ng salamin. Alas-siyete na ng umaga, naghahanda na kami sa byahe pabalik sa Maynila mamaya pero ito ang inaatupag ko sa mga oras na ito.
Napatigil ako at tumayo ng tuwid sa harapan ng salamin nang bumukas ang pinto at pumasok si Sebastian. Agad kong hinawakan ang damit ko pataas sa aking leeg na parang may suot akong v-neck upang hindi niya makita na suot ko ngayon ang kuwintas.
Magasalita sana siya pero inunahan ko na "Aalis na tayo? Halika na" saad ko na parang señorita. Nauna akong lumabas ng silid. Pagbaba ko ng hagdan, naabutan ko si Niyong na nagpapainom ng tubig sa kabayo.
"Niyong!" tawag ko sa kaniya. Maayos na ring nakalagay sa kalesa ang mga gamit namin. Napatingin ako sa paligid saka bumulong kay Niyong. "Nagpapahulugan ba si Sebastian?" tanong ko, ayoko talaga mag-assume kaya kailangan kong masiguro ang mga bagay-bagay lalo na ang mga kinikilos ni Sebastian.
"Ho?" nagtatakang tanong ni Niyong, napahawak ako sa kuwintas na suot ko. Kagabi ko pa iniisip na baka ibibigay sa'kin 'to ni Sebastian ng pahulugan. "Yung babayaran niya ng isang tao ang isang bagay nang paunti-unti" paliwanag ko. Napaisip si Niyong.
"Hindi ho gan'ong klaseng tao si Señor Sebastian. Hindi ho sa kaniya malaking bagay ang salapi" tugon niya. Napatango na lang ako, kalmadong rich kid ang peg ni Sebastian. "Sige. Salamat sa pagsagot" iyon na lang ang nasabi ko saka umakyat na sa kalesa.
"Ate Tanya, bakit iyong tinatawag sa mismong pangalan si Señor Sebastian? Hindi ho magandang asal na tawagin niyo siya nang walang señor, heneral o ginoo" patuloy ni Niyong, mukhang pinapangaralan niya ako. Napahinga na lang ako ng malalim saka bumaba ulit sa kalesa at humarap sa kaniya.
"Niyong, naalala mo ba 'yung sinabi ko sayo dati na mas nakakataas ako kay Sebastian?" paalala ko sa kaniya. Muli siyang napaisip. "Ukol po sa inyong pagiging kerida ng mataas na opisyal?" saad niya, gusto kong kurutin si Niyong dahil sa mga pinagsasabi niya.
"Hindi 'yon!" saad ko saka tinaas ang aking isang palad habang ang isa ko namang palad ay nasa ibaba. "Kailangan mong maitindihan na mas mataas ako sa amo mo at kahit sa gobernador-heneral---" napatigil ako nang gulat na magsalita si Niyong.
"Hindi niyo ho nararapat na banggitin ang pangalan ng gobernador-heneral. Mapapahamak ka ate Tanya sa oras na may makarinig sa iyo" babala niya. Napatango-tango na lang ako.
"Basta. Ang hirap talaga ipaliwanag pero gusto kong sabihin sayo na sa lahat ng matataas na taong kilala mo dito, sa akin ka dapat pinakamabait at masunurin" ngiti ko sa kaniya saka tinapik ang ulo niya na para bang nakakabata ko siyang kapatid at tinatakot na isusumbong ko siya sa mga magulang namin.
Ilang sandali pa, natanaw na namin si Sebastian, kakalabas lang nito sa bahay-panuluyan. Binayaran na niya silid na tinuluyan namin. Dali-dali akong sumampa sa kalesa at umupo roon nang maayos. Nakita kong tumingin pa siya sa'kin saka inabot ang dalawang suman kay Niyong bago sumakay sa kalesa at umupo sa tabi ko.
Nagulat ako nang iabot niya sa'kin ang dalawa pang suman na hawak niya. "Akala ko hindi ka kumakain ng agahan?" tanong ko, inayos niya lang ang butones ng kaniyang coat. Bagay talaga sa kaniya ang kulay itim. Ang linis niya tingnan.
"Binigay sa'kin ng mga nangangasiwa sa bahay-panuluyan" tugon ni Sebastian. Napalingon si Niyong sa amin. "Marahil ay may gayuma ang pagkain na ito upang mahumaling ka sa kanila señor" biro ni Niyong. Tumawa ito. Wala namang reaksyon si Sebastian pero nahuli kong tumingin siya sa'kin. Samantala, napataas lang ang aking kilay at napatingin ako sa bahay-panuluyan.
Mukhang may bahay-panuluyan na makakatikim ng delete button sa Salamisim.
***
"Masyado bang malakas 'yung usok?" tanong ko sa kanila habang pinapaypayan ng malakas ang iniihaw kong manok. Nabitawan ni Sebastian at Niyong ang mga kinuha nilang panggatong sa gubat saka dali-daling inapula ang malakas na apoy na tumutupok ngayon sa nag-iisang manok na kakainin namin.
Nababalot na ng usok ang kapaligiran at halos lamunin din kami ng kapal niyon. "Nasunog na ang ating pagkain" tulalang saad ni Niyong nang maapula nila ang apoy. Amoy usok na aming tatlo at tulalang nakatitig sa manok na kulay uling na. Nabali pa ang kahoy na itinuhog namin doon.
Napatingin ako sa kanilang dalawa saka ngumiti ng kaunti, "H-hindi ko kasi alam kung medium rare or well-done ang gusto niyo" ngiti ko saka tinusok ang sunog na manok at nilagay iyon sa dahon ng sahig.
"Sunog man sa labas pero lutong-luto 'to sa loob. Pwede pa 'to" saad ko saka tumawa ng kaunti, pinagpapawisan na ako ng kaba dahil ako ang dahilan kaya nasunog ang kakainin namin ngayon. Kung pwede lang magpa-deliver, hindi sana kami nagpapakahirap ngayong tanghali.
Tumigil kami sandali sa tabi ng isang malaking puno para ihawin ang pinakatay ni Sebastian na manok kanina sa bahay-panuluyan. Tulalang naupo na lang sina Sebastian at Niyong sa sapin na inilatag namin kanina.
Sinubukan ko pang isalba ang sunog na manok pero mukhang wala silang balak kumain ng uling. "Alam niyo, dapat healthy living tayo. Let's save animals. Simula ngayon tuturuan ko kayong maging vegetarian" saad ko saka isa-isang nilabas sa bayong ang mga prutas na baon namin. Saging, papaya, mangga at pinya.
Binalatan ko na ang mga prutas at hinati iyon nang maayos saka inabot sa kanila. "Mas maganda sa tiyan ang mga ganitong pagkain. Natural at masustansiya" patuloy ko pa na parang binebentahan ko sila ng food supplements at herbal products.
Napalunok na lang ako sa kaba nang mapatingin sa'kin si Sebastian. Pareho silang natulala ni Niyong dahil kanina pa nila pinag-uusapan kung anong oras namin iihawin ang manok. "Pasensiya na. Alam ko namang kanina niyo pa gusto kumain ng manok. Sorry kung nasunog ko. Hindi talaga ako marunong magluto ng ganito" saad ko saka napayuko. Ang hirap kontrolin ng apoy, 'di tulad sa kalan o microwave oven.
Naunang kinuha ni Sebastian ang papaya na inaabot ko sa kanila at kinain niya iyon. Napatingin sa kaniya si Niyong pero dahil mukhang hindi naman nagalit sa'kin si Sebastian, wala na siyang nagawa kundi ang kumain na lang din ng prutas.
Ala-una na ng hapon, nagpaalam si Niyong na maghahanap ng batis para makakuha ng tubig. Naiwan kami ni Sebastian sa ilalim ng puno. Inipon ko na ang mga balat ng prutas na kinain namin at binaon iyon sa lupa.
Nakasandal sa puno si Sebastian habang pinapatalim ang balisong na hawak niya. Inunat ko ang aking likod saka pinagpagan ang aking kamay bago humiga sa sapin na parang nakahiga ako sa nyebe. "Pag katapos talaga kumain, ang sarap matulog" panimula ko habang nakatingala sa mga malaking puno at malagong dahoon nito.
Hindi ko nakikita si Sebastian dahil nasa bandang ulo ko siya. "Nung bata ako, ayokong natutulog sa hapon. Pero ngayon, mas gusto ko na lang matulog lalo na 'pag ganitong oras" patuloy ko saka ipinikit ang aking mga mata upang damhin ang sariwang hangin at ang mabangong paligid.
Malapit nang maani ang mga palay sa malawak na palayan na ito kaya abot tuhod na ang taas ng mga tanim at hindi makakaila ang mabangong amoy ng mga ito. Nagsimula akong sumipol upang magpatuloy ang pag-ihip ng hangin.
"Ang sabi nila, humahangin daw kapag sumipol nang ganito. Iniisip ko dati kung nakakatawag ba talaga ng hangin ang pagsipol? O sadyang gusto lang ng tao bigyan ng kahulugan ang lahat ng bagay na nangyayari?"
Iminulat ko ang aking mga mata at muling tumitig sa napakagandang dahon mula sa puno ng mahogany. Nagpatuloy ako sa pagsipol dahilan upang dahan-dahang isayaw ng hangin ang mga dahon at palay sa paligid.
"Oh, mas lalong humangin 'diba" ngiti ko saka umupo at lumingon sa kaniya. Nakatitig siya sa'kin ngayon, hindi ko alam kung kanina pa o ngayon lang ngunit ano pa man, nagdudulot iyon nang pagkabog sa aking puso.
Magsasalita pa sana ako pero nakabalik na si Niyong. Tumayo na rin si Sebastian at iniligpit na namin ang aming mga gamit. Naunang naglakad si Niyong papunta sa kalesa. Ilang metro pa ang layo nito dahil hindi makakadaan ang kalesa sa palayan.
Naglalakad kami ngayon ni Sebastian sa gitna ng palayan. Nauuna ako sa kaniya bitbit ang sapin na nilatag namin kanina. Hawak naman niya ang isang bayong at basket na pinaglagyan namin ng pagkain. "Ang bango talaga ng mga palay na malapit na maani" ngiti ko saka lumingon sa kaniya. Ang aliwalas ng paligid lalo na ang mga tanim na palay na hanggang tuhod ang taas.
Napalingon muli ako sa kaniya, tila may malalim siyang iniisip. "Bakit? Hindi ka ba natunwan?" tanong ko, napatingin siya sa'kin. Sinabayan ko na siya sa paglalakad. "Aking inaalala kung saan ko narinig ang himig na iyong inawit kanina" wika niya. Napaisip ako sa sinabi niya, ang pagsipol ko ba ang tinutukoy niya?
"Hindi ko rin alam kung anong kanta 'yon pero madalas 'yung gamitin ni mama ang himig na 'yon para patulugin ako" tugon ko, ilang segundong napatitig sa'kin si Sebastian.
"Hindi ba't hindi mo nasilayan ang iyong ina?"
Napakagat ako sa aking ibabang labi. Pilit kong inalala ang background life story na kinuwento ko sa kaniya noon. "Ah, ang tinutukoy ko ay 'yung bagong asawa ni papa na nagpalaki sa'kin pero... Pero naghiwalay din sila. Hindi ko na alam kung nasaan siya" saad ko saka umiwas ng tingin sa kaniya. Hindi ko naman talaga gustong magsinunggaling sa kaniya pero hindi niya pwedeng malaman ang totoo, na hindi totoo ang mundong ito na kinabibilangan niya.
Natahimik ulit kami sandali. Parehong mabagal ang aming bawat paghakbang, tila ayaw naming matapos ang sabay na paglalakad sa gitna ng palayan. "Uhm, Sebastian..." panimula ko saka tumingin sa kaniya.
"Bakit mo pala ako binigyan ng kuwintas?" alam kong hindi ko na dapat itanong iyon ngunit ayokong habambuhay kong iisipin ang sagot kung bakit. Kung may dapat akong asahan, ayokong pangunahan.
Napaiwas siya ng tingin sa'kin at napatikhim, "Lahat daw ng bagay may kahulugan. Kung bibigyan mo ng regalo ang isang tao... May ibig sabihin iyon" patuloy ko saka tumingin ng diretso sa daan na para bang dinadahan-dahan ko sa kaniya ang kagustuhan kong malaman kung ano ba ako sa kaniya.
"Nakakatanggap ng regalo ang isang tao kapag birthday niya, kung pasko o bagong taon, kung may nagawa siyang magandang bagay at dapat siyang parangalan. Alin man doon, anong dahilan bakit mo ako binigyan ng regalo?" dagdag ko, hindi ko naman birthday, hindi pa pasko o bagong taon at wala naman akong ginawang mabuti para mabigyan ng parangal.
Napatigil siya sa paglalakad habang nakayuko, napatigil din ako at napatitig sa kaniya. Kasabay ng pintig ng aking puso ang paglipas ng ilang segundo na animo'y pumapatak nang mabagal habang hinihintay ko ang kaniyang sagot sa aking tanong.
Dahan-dahan siyang tumingin sa'kin habang umiihip ang marahan na hangin. "Kung ibig mo ang isang bagay, marahil ay sapat nang dahilan iyon" tugon niya habang nakatingin ng diretso sa aking mga mata. Hindi ko maunawaan ang sinabi niya at mas lalo lang itong nagpagulo sa aking isipan.
***
"Sa aking palagay ate Tanya, kung gusto mo bilhin ang isang bagay, sapat na dahilan na iyon para bilhin mo" tugon ni Lolita. Magkatabi kami ngayon sa kwarto ni Amalia. Lumipas na ang ilang araw. Hindi ko na ulit nakita si Sebastian mula nang makabalik kami sa Maynila.
"Sino ba ang tinutukoy mo, ate Tanya?" tanong muli ni Lolita. Nakatitig lang ako sa kisame, ilang araw ko na iniisip ang sinabing iyon ni Sebastian.
"May nagugustuhang lalaki ang kaibigan ko sa Bulakan. Sinabi iyon ng lalaki sa kaniya, hindi niya alam ang sagot kaya tinanong niya sa'kin kung ano raw ang gustong ipahiwatig ng lalaking nagugustuhan niya" paliwanag ko kay Lolita, napaisip naman ito ng malalim.
"Marahil ay gustong sabihin ng lalaking iyon sa babaeng kaibigan mo ate Tanya na kapag may gusto siyang bilhin na gamit, huwag na siyang magdalawang isip na bilhin iyon" saad ni Lolita, may isang kandila lang na nagbibigay liwanag sa silid.
"May kinalaman ba ito sa isang bagay o gamit? Binigyan ba ng lalaki ng kung anong bagay ang babaeng kaibigan mo ate Tanya?" napalingon ako kay Lolita at napatango sa sinabi niya.
"Malinaw na gustong sabihin ng lalaki sa iyong kaibigan na hindi masama maging maluho kahit minsan lalo na kung gusto mo naman ang mga kagamitang iyon" bigla akong nalungkot sa sinabi ni Lolita. Gusto bang iparating sa'kin ni Sebastian na binili niya ang kuwintas na 'yon dahil alam niyang gusto ko iyon pero wala akong pera kaya libre na niya 'yon sa'kin?
***
Kinabukasan, maaga pa lang ay naglakad na ako papunta sa mansion ng pamilya Garza. Nagdala ako ng pansit para sa kaniya. Gusto kong tanungin siya tungkol sa sinabi sa'kin ni Sebastian pero hindi ko sasabihin na si Sebastian iyon.
"Magandang umaga, gising na ba si Maria Florencita?" ngiti ko, tumango si Ornina saka binuksan ang pinto. "Ako nga pala si Tanya. Siguradong nabanggit na niya ako sayo, magkaibigan kami. Nagdala ako ng pansit para sa inyong lahat" patuloy ko, napatango naman siya. Sinabi sa'kin noon ni Maria Florencita na makakadalaw ako sa bahay nila kahit kailan ko gusto.
"Oo, ngunit kausap niya ngayon si señor Sebastian. Ibig mo bang maghintay sandali sa salas?" tugon ni Ornina, hindi ko alam kung bakit biglang umurong ang dila ko. Napatulala lang ako sa sinabi niya.
Binuksan na niya ang pinto at pinapasok ako, namalayan ko na lang na naglalakad na ako papunta sa mahabang sofa. Kinuha na ni Ornina ang dala kong pansit. "Ibig mo ba ng maiinom?" tanong niya, umiling lang ako. Tumango siya saka naglakad na papunta sa kusina bitbit ang dala kong pansit.
Uupo na sana ako sa sofa nang mapalingon ako sa bintana. Nakita ko sina Maria Florencita at Sebastian na nakatayo roon. Tinutulungan siya ni Sebastian si Maria Florencita sa pagdidilig ng mga bulaklak at halaman sa hardin.
Alam kong kasama ito sa mga eksena ng Salamisim. Kung saan naging madalas ang pagbisita ni Sebastian kay Maria Florencita sa edited version nit para mas maging makatwiran na mahal talaga ni Sebastian si Maria Florencita at ipaglaban ito hanggang sa dulo.
Pero bakit gan'on? Kahit alam ko naman na mangyayari 'to, bakit parang ang sakit?
Ako rin naman ang nagsulat nito at naglapit sa kanila lalo pero bakit ako nalulungkot?
Napalingon ako kay Ornina na abala sa kusina. Naglakad na ako papalabas sa pintuan at hindi nagpaalam sa kaniya. Mabilis akong naglakad papalabas sa hacienda ng pamilya Garza. Umalis ako doon tulad nang kung paano ako nakakalabas sa kwentong ito nang walang nakakapansin.
***
Tulala akong naglalakad sa pamilihan. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa'kin. Pilit kong binubura sa aking isipan ang pagngiti ni Maria Florencita kay Sebastian kanina. Maging ang pagtango at pag-alalay ni Sebastian kay Maria Florencita habang tinutulungan ito sa pagdidilig.
Masasaktan lang siya kung patuloy siyang aasa kay Maria Florencita. Kung alam lang niya na hindi siya ang bida sa kwentong ito, siguradong pipigilan din niya ang nararamdaman niya para sa bidang babae.
Dapat ko bang pigilan 'yon? Dapat ko bang iligtas si Sebastian sa bitag ng pag-ibig?
Pero kailangan niyang mahulog kay Maria Florencita dahil iyon ang character niya sa nobelang ito. Ililigtas ko lang siya sa kamatayan pero hindi ko magagawang diktahan ang kaniyang puso kung sino ba ang gugustuhin niya.
Napatigil ako nang biglang may humarang sa dadaanan ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko sila, "Kay tagal mo rin kami pinahirapan. Totoo nga ang sinabi ng aking tauhan na bumalik ka sa Panciteria" ngisi ng lalaking kalbo na tauhan ni Don Severino. Nagsimulang humakbang papalapit sa'kin ang mga kasamahan niya. Tatakbo na dapat ako pero biglang nagsalita ang lalaking kalbo na siyang pinuno nila.
"Sasama ka sa amin nang kusa? O ibig mong dalhin din namin sa heneral ang mag-asawang may ari ng Panciteria" dahan-dahan akong napalingon sa kanila. Nakatingin din sa amin ang mga tao ngayon. Marahil ay iniisip nila na isa ako sa mga umutang sa grupo nila at ngayon ay nagtatangkang tumakas.
Sumenyas na ang pinuno sa dalawa nitong tauhan saka sapilitan akong isinakay sa kalesa na magdadala sa amin sa himpilan ng heneral.
Tila walang pinagbago ang Fort Santiago, hinila nila ako hanggang sa opisina ng heneral na siyang opisina noon ni Sebastian. Naabutan namin si Roberto, nakatayo ito sa bintana habang naninigarilyo. Pinagmamasdan niya ang mga sundalong nag-eensayo sa labas.
Itinulak ako ng mga tauhan niya at pinaluhod sa sahig. "Heneral, natagpuan na namin ang babaeng pinapahanap ng inyong ama" napalingon sa'kin si Roberto, naglakad siya papunta sa mesa at inilapag doon ang tobacco.
"Aking hindi makakaila na mahusay ka. Nagawa mo kaming taguan sa loob ng ilang buwan" panimula niya. Tulad ng kaniyang ama ay kinakalaban niya ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang pagngiti at matatalim na salitang may iba pang ibig sabihin.
Hindi ko siya tiningnan. Ginawa ko siyang character na may malalim nag alit at inggit kay Sebastian. Hindi ko rin masisisi kung bakit ganito siya magsalita at kumilos ngayon dahil isa siya sa mga kontrabida sa istoryang ito. Sinenyasan niya ang kaniyang mga tauhan na lumabas. Tumango naman ang mga ito saka isinarado ang pinto.
Naglakad siya papalapit sa'kin at umupo sa harapan ko saka hinawakan ang aking baba upang tingnan ako ng diretso sa mata. Malalim at matatalim ang kaniyang tingin. "Ano ang iyong ugnayan kay Sebastian? Itinago ka ba niya kaya nawala ka nang matagal?" seryosong tanong nito, nanatili lang akong nakatitig sa kaniyang mga mata na para bang hindi ko siya uurungan.
Bigla siyang tumawa, isang tawa na puno ng pagkasarkastiko. "Ikaw ay nakakaramdam ng katapangan dahil batid mong tutulungan ka ni Sebastian? Bakit ka nagtitiwala sa lalaking iyon gayong batid mo na nakatakda na siyang ikasal sa iba? Mas iibigin mong hintayin siya kung kailan lang niya maiisipang hanapin ang iyong init at yakap?" ngumisi siya na parang hibang. Iniisip niya na isa nga akong babaeng bayaran na nahumaling kay Sebastian.
Tumayo siya saka naupo sa isang silya. Muli niyang kinuha ang kaniyang tobacco at hinithit iyon. "Tunay nga na nakakabulag ang pag-ibig. Hindi kita masisisi kung hanggang saan ang kaya mong isuko para sa kaniya. Ngunit, ibig kong bigyan ka ng pagkakataon upang maliwanagan..." wika niya saka ibinuga ang usok mula sa tobacco saka muling tumingin sa'kin.
"Batid kong alam mo na may malalim na pagtingin si Sebastian kay Maria Florencita. Magkababata sila at nakatakdang ikasal. Ikaw ay umaasa pa rin ba na magagawang iwan ni Sebastian ang babaeng kaniyang sinisinta maging ang lahat ng karangyaan ng kanilang pamilya para sa isang hamak na babaeng bayaran na tulad mo?" hindi ako nakapagsalita. Hindi totoo na isa akong babaeng bayaran. Pero totoo na umaasa ako na kahit papaano ay may pagtingin din sa'kin si Sebastian nang hindi ko pinapakialaman ang kwento.
Tumayo siya saka muling lumapit sa'kin, hinagis niya ang kumpol ng salapi sa tapat ko. "Tumestigo ka sa hukuman, sabihin mo na kasapi ng rebelde si Sebastian. Kung hindi mo siya makukuha, hindi ba't mas mabuti na walang ibang babaeng makikinabang sa kaniya?" nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at gulat na napatingin sa character na ito na hindi ko inaasahang may ganitong kaisipan.
Wala ito sa daloy ng kwento. Walang Tanya na babaeng bayaran na gagamitin nina Roberto at Don Severino upang pabagsakin si Sebastian. Makakabalik si Sebastian sa kaniyang katungkulan bilang heneral sa mga susunod na kabanata. Hindi dapat siya mabaon ng ganito at maakusahan ng isang kasalanan na hindi naaayon sa nobela.
"Bakit? Kulang pa ba ang halaga na iyan? Maaari kang makabili ng bahay at ilang lupain sa pamamagitan ng salaping iyan. Ako na rin ang bahala sa iyong paglalakbay patungo sa Timog o baka mas ibig mo sa ibang bansa?" patuloy niya. Napatayo na ako sa inis.
"Aalis na ako" tatalikod na sana ako pero bigla siyang tumayo. "Hindi ka makakaalis sa lugar na ito hangga't hindi ka pumupili ng panig" saad niya, bumukas ang pinto at muling pumasok ang mga tauhan ng pamilya nila.
Napalingon ako kay Roberto. Nakaupo siya sa silya at nakapatong ngayon ang kaniyang dalawang paa sa mesa. "Tatalikuran mo si Sebastian at mabubuhay ng marangya sa malayong lugar? O panindigan mo ang pagiging tapat sa kaniya at sasamahan siya sa paglilitis na inihanda namin para sa kaniya?" halos walang kurap ko siyang tiningnan. Kung nakakamatay lang ang tingin ay ibig kong simulan sa character niya.
"May mali sayo Roberto" saad ko, nagtaka siya sa sinabi ko, ibinaba na niya ang kaniyang paa na nakapatong sa mesa. "Hindi ganito ang Roberto na kilala ko" patuloy ko. Dahan-dahan siyang tumayo saka naglakad papalapit sa'kin. Hawak niya pa rin ang tobacco sa kaniyang isang kamay habang isa naman ay nakasuksok sa kaniyang bulsa.
Tumigil siya sa tapat ko na para bang ibig niya rin akong patayin sa kaniyang matalim na tingin. "Bakit? Nakikilala mo ba ako?" sarkastiko niyang wika saka binugahan ako ng usok. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata at pilit na pinigilan ang aking paghinga.
"Ah. Marahil ay ibig mo ba akong isumpa at ipakulam gaya nang natuklasan sa iyo ni ama?" seryosong wika nito, bukod sa pagiging babaeng bayaran, naniniwala pa rin silang mag-ama na isa akong mangkukulam.
Magsasalita pa sana siya ngunit nagulat kami nang marinig namin ang pagkakagulo sa labas. "Heneral, nagpupumilit ho pumasok si señor Sebastian!" wika ng isang guardia. Mas lalong sumama ang timpla ng mukha ni Roberto, ibinato niya ang tobacco sa sahig at napatingin sa'kin.
"Hindi ko inaasahan na ipapamalas ni Sebastian sa madla kung paano ka niya tutulungan" sarkastikong saad nito saka naunang lumabas sa pinto. Sinenyasan niya ang kaniyang mga tauhan na isama ako papalabas. Agad nila akong tinali at hinila nang sapilitn.
Pilit akong kumawala mula sa pagkakahawak nila ngunit bumaon lang sa aking braso at balikat ang malalakas nilang kamay at kuko. Nang marating namin ang labas, nanlaki ang mga mata ko nang makita si Sebastian. Nakatayo siya sa tapat ng Fort Santiago habang nakaparada sa kaniyang likuran ang kalesa. Naroon din sina Lolita at Niyong.
May iilang mga taong naglalakad sa kalsada ang napalingon sa amin. "Batid mong hindi ka na maaaring makapasok dito Sebastian nang hindi pinapatawag ng tulad kong heneral" panimula ni Roberto. Nakasuot ng itim na coat at sumbrero si Sebastian habang seryosong nakatingin kay Roberto. Nagbago ang kaniyang reaksyon nang magtama ang aming mga mata. Animo'y hindi siya makapaniwala na nagawa akong ibihag ni Roberto.
"Kung gayon, batid kong alam mo na hindi ka maaaring mangbihag ng isang mamamayan nang walang sapat na ebidensiya" panimula ni Sebastian. Nagsimulang magbulungan ang mga tao sa paligid. Maging ang mga sundalo at tauhan ni Roberto ay nasindak din dahil madadamay sila sa kapahangasan ng kanilang heneral.
Tumawa lang si Roberto, "Nililikom ko pa lang ang ebidensiya. Ipinatawag ko ang babaeng ito rito upang alamin kung may katotohanan ba ang mga akusang ipapataw namin sa kaniya. Hindi mo ba nakikita? Tinatanong namin siya ng patas" wika ni Roberto, ibig niyang palabasin na guilty si Sebastian dahil nagawa niyang pumunta dito.
Napailing ako kay Sebastian. Gusto kong tumahimik na siya. Anumang sabihin niya ay siguradong babaliktarin lang ni Roberto at sasabihing masyado siyang defensive kahit nag-iimbestiga pa lang sila.
Nakita kong ipinikit ni Sebastian ang kaniyang mga mata na parang pinakalma niya ang kaniyang sarili. Humigpit din ang kaniyang kamao saka iminulat ang mga mata at muling tiningnan ng diretso si Roberto. "Kung totoo na inuusig niyo pa lang siya. Bakit niyo na siya itinali?" seryosong saad ni Sebastian na ikinagulat ni Roberto.
"Pilit na lumalaban ang babaeng ito at ibig niya kaming takasan"
"Ibig takasan? O ayaw niyo siyang pakawalan?" ilang segundong hindi nakapagsalita si Roberto sa sinabi ni Sebastian. Bakas din sa mukha ng mga sundalo na nalilito na sila kung sino ang tamas a dalawang heneral.
"Hindi ba't patas niyo siyang tinatanong? Paano magiging patas kung nagawa niyo na siyang igapos? Marami ring nakakita sa pamilihan na sapilitan niyo siyang isinakay sa kalesa at dinala rito" hinubad ni Sebastian ang suot niyang sumbrero.
Napahawak lang sa kwelyo si Roberto, tinanggal niya ang unang butones sa kaniyang uniporme upang makahinga nang maayos. "Wala pa kayong sapat na ebidensiya ngunit dinakip niyo na siya na tila nahatulan na. Ano ang gagawin mo Roberto kung mapatunayang wala naman siyang kasalanan?"
"Hindi mangyayari iyon dahil mapapatunayan kong may kinalaman siya sa mga rebelde"
"Patas? Ito ba ang tinatawag mong patas na pag-uusig?" saad ni Sebastian saka tumingin sa mga tao. "Narinig niyo ang sinabi ng heneral na ito, papatunayan daw niya na may sala ang isang taong dinakip nila nang walang sapat na ebidensiya. Paano tayo magtitiwala sa mga opisyal na ito kung madali nila itong nagagawa sa mga ordinaryong mamamayan?"
Mas lalong lumakas ang bulung-bulungan ng mga tao. Napatikhim na lang si Roberto saka tumango sa mga guardia na tanggalin ang pagkakagapos sa kamay ko. Tiningnan niya ako ng matalim bago siya tumingin kay Sebastian.
"Hindi pa rin dito nagtatapos ang pag-uusig namin sa babaeng 'to. Muli namin siyang ipapatawag sa mga susunod na araw" wika ni Roberto saka tumalikod at bumalik sa kaniyang opisina. Agad na tumakbo sina Lolita at Niyong papalapit sa'kin upang alalayan ako. Nang iangat ko ang aking ulo, nakita ko ang palad ni Sebastian na nakalahad sa tapat ko ngayon.
***
Ni isa ay walang nagsalita sa amin hanggang sa tumigil ang kalesa sa tapat ng Panciteria. Inalalayan ako ni Lolita bumaba ngunit bago iyon ay tumingin muna ako kay Sebastian. "Salamat" saad ko, tumango lang siya sa'kin. Gusto ko pa sanang dugtungan iyon ng mga salitang 'wag na niya ulit gagawin iyon dahil malalagay siya sa panganib. Bukod doon, unti-unti nang nag-iiba ang daloy ng kwento at ugali ng mga characters na binuo. Hindi ko alam kung anong nangyayari pero natatakot ako na tuluyan nang magbago ang takbo ng mga pangyayari.
Alas-diyes na ng gabi. Kasama ko si Lolita sa Panciteria. Nagpapaturo siya sa'kin magbasa, alam ko namang ginagawa niya iyon para malibang ako at hindi ko na isipin ang nangyari kanina. May isang gasera na nakapatong sa mesa.
Ilang sandali pa, tinawag siya ni aling Pacing, sinukatan niya si Lolita para sa gagawin nitong damit. Napasandal na lang ako sa silya at napatingin sa bintana na nakabukas pa rin ngayon. Naalala ko ang sinabi ni Padre Emmanuel, hindi na siguro dapat ako umabot hanggang dito. Hindi ko na dapat sinubukang baguhin ang kwentong ito.
Nagulat ako nang biglang may sumilip sa bintana. "Tanya" wika nito, napatayo ako sa takot sabay kuha ng pluma. Alam kong hindi ito deadly weapon pero iyon ang una kong nahagilap. Mabilis na pumasok sa bintana ng Panciteria ang lalaking nakasuot ng salakot.
"Ako ito, si Lorenzo" patuloy niya dahilan upang mapanatag ang loob ko. Inilapag niya sa mesa ang suot na salakot saka lumapit sa akin. "Kumusta? Ikaw ba ay nasaktan?" bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Ngumiti ako saka umiling.
"Ayos lang ako. Tingnan mo, nagbabasa pa kami ni Lolita ngayon" tugon ko, kahit papaano ay natuwa ako dahil ramdam ko ang pag-aalala ng mga characters na malapit sa akin.
"Aking naulinigan na dinala ka sa tanggapan ng heneral. Nagtungo kami roon ni Berning, nasaksihan namin ang lahat" saad niya saka umupo sa silya. Umupo na rin ako saka tumingin sa kaniya. Nakakatuwa rin malaman na nag-aalala sa'kin ang bida sa kwentong ito.
"Natunghayan ko ang takot sa iyong mga mata. Ibig ka naming tulungan ngunit naroon na ang dating heneral" patuloy niya, napahinga na lang ako ng malalim saka muling ngumiti sa kaniya para maramdaman niya na okay lang talaga ako.
"Natatakot? Sinong natatakot? Hindi lang ako sumagot kasi baka putulin nila 'yung dila ko. Bakit ako matatakot sa kanila? Ako kaya ang gumawa sa kani---" napatigil ako saka napatingin sa kaniya na nakatitig lang sa'kin ngayon.
"Wala naman akong kasalanan kaya wala akong dapat ikatakot" patuloy ko saka sinubukang ngumiti ulit. Nakita kong ngumiti na si Lorenzo, mukhang napaniwala ko na siya na wala siyang ipag-alala sa'kin.
"Ano ba ang kasalanang ibig ipataw sa iyo ni Roberto?" tanong ni Lorenzo, sandali akong napatitig kay Lorenzo. Sa mga huling kabanata ng Salamisim, magiging magkakampi sina Lorenzo at Roberto para magtagumpay ang mga rebelde at maparusahan ang mga ganid na opisyal. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin sa kaniya na ibig akong isangkot ni Roberto sa mga rebelde at idamay si Sebastian.
Kung sasabihin ko sa kaniya, mas lalong magugulo ang istorya. Baka mabigo ang pagiging magkakampi nila balangaraw. Muli akong ngumiti saka umiling, "Pinipilit niya na isa akong babaeng bayaran at mangkukulam. Inaway ko kasi 'yung tatay niya kaya gusto nila akong gantihan ngayon" tugon ko, pareho kaming natawa ni Lorenzo. Masyadong mababaw ang pinaglalaban nina Roberto at Don Severino.
Magsasalita pa sana siya ngunit biglang may nagsalita sa aming likuran. "Señor" tawag ni Niyong kay Sebastian na ngayon ay naglalakad na nang mabilis pabalik sa kalesa. Gulat kaming napatayo ni Lorenzo, agad akong lumabas sa Panciteria, sumunod din siya sa akin.
Naabutan naman si Sebastian na nakatalikod at nakatayo sa tapat ng kalesa. Naabutan na siya ni Niyong. Agad akong tumakbo papalapit sa kaniya. "Anong ginagawa niyo dito?" tanong ko, napakagat lang ng labi si Niyong sabay tingin kay Sebastian.
Hindi naman sa'kin tumingin si Sebastian. Seryoso lang ang kaniyang mukha. "G-gusto niyo ba ng kape?" tanong ko muli, ngumiti ako pero hindi siya nadala. Sa huli, tumingin lang siya sa'kin ng ilang segundo saka tumingin kay Lorenzo na nakatayo sa tapat ng Panciteria.
"Siya ba ay isa sa mga rebeldeng kaibigan mo?" tanong niya sa'kin habang matalim na nakatingin kay Lorenzo. Maging si Lorenzo ay hindi rin siya inurungan at buong tapang itong nakatingin nang seryoso sa kaniya.
********************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top