Kabanata 22

[Chapter 22]

Mabagal ang usad ng prusisyon. Tahimik lang kami ni Sebastian habang sumasabay sa agos ng mga tao. Makailang ulit nagdikit ang aming mga braso ngunit hindi siya umiwas o lumayo ng kaunti. Maging ako ay hindi rin umiwas sa tuwing nagtatama ang aming mga braso. Siguro ay dahil naroon ang kagustuhan ko na masanay siya sa'kin at ako sa kaniya.

Halos nakatitig lang ako sa hawak kong kandila. Nang patayin ko ang sindi ng mahiwagang lampara, hindi ako nakalabas sa kwento. Hindi ko na tuloy alam kung paano ako makakalabas ngayon. Kung makikita ko ba ulit ang lamparang iyon o kung ano ba ang koneksyon nito kay Sebastian.

Hindi rin mawala sa aking isipan kung dapat ko pa bang ipagpatuloy ito? Kung ililigtas ko lahat ng mga characters na mamamatay sa kwentong ito, handa ba ako na matunghayan ang pagbasak ng nobela kong Salamisim?

Halos isang taon kong pinaghirapang isulat iyon. Puyat, pawis at oras ang nilaan ko upang mabuo ang kwento. At ngayon, ako rin mismo ang sisira nang lahat ng iyon.

"Hindi pa tayo uuwi?" tanong ko kay Sebastian, tapos na ang prusisyon at misa. Nakatayo lang kami sa labas ng simbahan. Kani-kaniyang lakad na ang mga tao pauwi sa kanilang mga tahanan. Naghahanda para sa masayang pagdiriwang ng fiesta bukas.

Nagbayad ng paupahang kalesa si Sebastian, tumingin siya sa'kin saka inilahad ang kaniyang palad sa tapat ko. "Ano ang iyong sunod na plano para kay Amalia? Kung sa digmaan, kailangan mayroon tayong iba pang plano kung sakaling hindi magtagumpay ang nauna. Hindi ba?" wika niya, napatingin ako sa kaniyang palad. Tila gumaan ang pakiramdam ko dahil hindi siya madaling sumuko.

Humawak na ako sa kamay niya saka ngumiti ng kaunti. Gusto ko sabihin sa kaniya na nagpapasalamat ako dahil umiiral ngayon ang kaisipan niya bilang bahagi ng hukbo. Ang mga stratehiya at alternatibong plano na binubuo ng mga tulad niyang heneral. "Ano ang maimumungkahi mo, heneral?" sumampa na ako sa kalesa sa tulong niya saka siya sumunod.

"Hindi katanggap-tanggap na talikuran ng isang guardia sibil ang kaniyang sinumpaang tungkulin na maglingkod at ipagtanggol ang bayan..." panimula niya, dahan-dahan nang tumatakbo ang kalesa.

"Ngunit, paano si Amalia? Hindi ko kayang mapahamak siya... Kahit ngayon lang, nakikiusap ako kung maaari mong ipikit ang iyong mga mata sa sitwasyon nilang dalawa" pakiusap ko, napayuko lang si Sebastian. Binuo ko siyang bilang matapang at may paninidigan sa batas at utos mula sa pamahalaan. Hindi mahirap sa kaniya ang pumatay kung alinsunod ito sa patakaran ng bayan.

"Alam ko na tapat ka sa pamahalaan at hindi mo magagawang lumabag sa patakaran ng hukbo. Hindi kita pipilitin na tulungan ako. Ang pakiusap ko lang ay kahit ngayon lang, kung maaari ay ipikit mo ang iyong mata, takpan mo ang iyong tenga at itikom mo ang iyong bibig. Kailangan kong iligtas si Amalia. Ayokong masaktan at maghirap sila Aling Pacing at Mang Pedro"

Napahinga ng malalim si Sebastian. "Anong pakiramdam na nagagawa mong makita ang hinaharap? Ito ba ay masalimuot din tulad nang mga nasisilayan kong kamatayan sa aking panaginip?" tanong niya saka tumingin sa'kin. Hindi ako nakapagsalita. Kung alam lang niya na hindi ko lang basta alam ang mga mangyayari. Ako ang nagtakda mismo ng mga iyon.

"Kung ito lang ang tanging paraan upang gumaan ang pakiramdam ng isang taong may kakayahang makita ang hinaharap. Hindi ko lang basta ipipikit ang aking mga mata, tatakpan ang aking tenga o ititikom ang aking bibig. Iaabot ko rin sa iyo ang aking palad" napatulala ako sa sinabi niya. Hindi ako makapaniwala na magagawa kong palabagin sa batas si Sebastian.

***

Alas-nuwebe na nang gabi nang makarating kami ulit sa beateryo. Naghihintay sa gilid ang kalesang inupahan ni Sebastian. Nakatayo siya sa aking likuran nang kumatok ako sa malaking pinto ng kumbento.

"Magandang gabi---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang tumambad sa harapan namin si Padre Emmanuel kasama ang iba pang mga tagapagsilbi ng Simbahan na nagliligpit ng mga ginamit sa prusisyon kanina.

Napatulala ako sa kaniya, nakatingin lang siya sa'kin at nang tumingin siya kay Sebastian doon lamang siya nagsalita, "Narito ka pala heneral Sebastian" panimula nito, hinubad ni Sebastian ang kaniyang suot na sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib.

"Magandang gabi po, Padre Emmanuel" tugon niya, binuksan ng pari ang pintuan at inimbitahan kaming pumasok. "Pasensiya na sapagkat magulo ngayon dito. Naghahanda na rin kami para sa unang misa bukas ng umaga" wika ni Padre Emmanuel, naroon ang mga binatilyong sacristan sa daan at ang iba pang ale na nangangasiwa sa pista.

Naglakad pa kami ng ilang sandali hanggang marating namin ang isang silid na puno ng maraming aklat at mahahabang mesa. Sinindihan ni Padre Emmanuel ang ilaw ng mga lamparang naroon sa bawat sulok. "Paumanhin po sa abala ngunit ibig lang po namin makausap si Amalia na kabilang sa mga mag-aaral ng kumbento" saad ko, napatigil si Padre Emmanuel saka napalingon sa akin.

"Ano ang iyong pakay sa mga mag-aaral ng punong madre?" tanong nito, napatingin ako kay Sebastian. Nakalimutan ko pala na ipakilala ang aking sarili. "A-ako po pala si Tanya. Tagapagsilbi po ako sa panciteria na pag-aari ng mga magulang ni Amalia. M-may gusto lang po akong ibigay sa kaniya" saad ko, napalunok ako sa kaba. Hindi ko akalain na makikita ko ang mahiwagang pari dito.

"Nasa kabilang tahanan ang beateryo. Ito lang ang pangunahing pinto ngunit sakop pa rin ito ng simbahan" wika ni Padre Emmanuel, napatango lang kami ni Sebastian. Hindi naman namin alam na iisa lang pala ang pinto ng beateryo at ng likod ng simbahan.

"Tanya, hija" patuloy ni Padre Emmanuel, nagpatuloy na ulit siya sa pagsisindi ng mga ilaw sa lampara. "Kinakailangan ba talagang umabot ka hanggang dito? Hindi mo hinahanap ang daan papalabas. Sa halip ay mas lalo mo lang inililigaw ang iyong sarili" patuloy niya nang hindi tumitingin sa'min. Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay nagtataka ring sinusundan ng tingin ang pari.

"Po? Ano pong ibig niyong sabihin?" napatigil si Padre Emmanuel sa sinabi ko, nakatitig lang siya ngayon  sa huling lampara na sinindihan niya.

"Sa aking palagay ay unti-unti ka nang naliliwanagan. Ngunit sa kabila nang nakasisilaw na liwanag. Darating ang panahon na mas iibigin mong puksain ito bago ka tuluyang lamunin ng kawalan at ibalik sa iyong pinanggalingan" sa pagkakataong iyon ay hindi ako nakapagsalita. Nakaramadam ako ng kaba sa sinabi niya. May nalalaman ba talaga si Padre Emmanuel?

Magsasalita pa sana ako ngunit humarap na siya sa amin. "Tiyak na mahaba-haba rin ang nilakbay niyo. Sandali lang, ipapatawag ko si Amalia" wika niya saka naglakad papalabas sa silid. Sandali akong natulala. Nararamdaman ko na may nalalaman nga si Padre Emmanuel na ang lahat ng nangyayari ngayon ay naaayon sa nobelang isinulat ko.

Napatingin ako kay Sebastian, nilalaro niya ngayon ang kaniyang kuwintas na relo. "Hindi ka ba nahihiwagaan sa mga sinasabi ni Padre Emmanuel?" tanong ko sa kaniya, tahimik sa loob ng silid-aklatan ng simbahan ngunit naririnig namin ang pagbibiruan at kwentuhan ng mga sakristan sa labas na naghahanda para bukas.

"Matagal ko nang kilala si Padre Emmanuel, nakasanayan na namin ang matalinghaga niyang pananalita" tugon nito, napasandal na lang ako sa silya. Nararamdaman ko na hindi lang basta talinghaga 'yon. May gusto talaga siyang iparating sa'kin.

Hindi nagtagal, dumating na si Amalia. Kumpara kahapon ay kitang-kita ko na mas balisa at ninenerbyos siya ngayon. Siguro ay dahil natatakot siya sa mangyayari sa kanila ng kaniyang kasintahan o dahil may nakakaalam na ng kanilang plano.

Tumayo ako at agad ko siyang sinalubong. Hindi naman siya kumibo nang hawakan ko ang kamay niya. Napatigil siya nang makita si Sebastian. "Narito ka ba upang ipahuli kami sa heneral?" seryosong wika niya na ikinagulat ko. Akmang aalis na sana siya pero hindi ko binitawan ang kamay niya.

"Hindi. 'Wag ka mag-alala. Kakampi natin si Sebastian" saad ko, napatingin muli si Amalia kay Sebastian na ngayon ay nakatingin lang sa kaniyang kuwintas na relo pero alam kong nakikinig siya sa aming usapan. "Nandito kami para tulungan kayo" patuloy ko, gulat na napatingin sa'kin si Amalia. Napansin ko ang lalim ng kaniyang mga mata na puno ng pag-aalala at kaba.

Hindi niya namalayan na nagawa ko na siyang paupuin sa isang silya habang hawak pa rin nang mahigpit ang kaniyang mga kamay. "Kung maaari ay ibigay niyo ang tiwala niyo sa amin. Hindi niyo magagawang tumakas nang kayo lang. Hindi ko rin ibig na pigilan ang iyong kaligayahan... Ngunit kung malalaman ng iyong mga magulang na ligtas kang nakatakas at masayang mamumuhay sa malayong lugar. Sa tingin ko mas matatanggap nila iyon" paliwanag ko sa kaniya, halos walang kurap siyang nakatingin sa'kin habang namumuo ang mga luha sa kaniyang mga mata.

Kinuha ko sa aking bulsa ang isang malaking papel kung saan namin ginuhit ni Sebastian ang plano kanina sa kalesa bago kami makarating dito. "Sa tanghali kayo aalis. Sundan niyo ang ruta papunta sa isang ilog. 'Wag kayong dumaan sa gubat, doon kayo dumaan sa palayan. Pagdating niyo sa ilog, may maliit na bangka roon na naghihintay sa inyo" patuloy ko saka pinakita sa kaniya ang mapang ginawa at plinano namin ni Sebastian.

Tinupi ko na iyon saka pinahawak sa kamay niya. "Sabihan mo ang iyong kasintahan na ito lang ang susundin niyong daan. Hihintayin namin kayo sa ilog at sisiguraduhin namin na makakaalis kayo nang ligtas" dagdag ko, napayuko si Amalia at agad na yumakap sa'kin nang mahigpit.

"M-maraming salamat sa inyo. S-salamat dahil naunawaan niyo ang aking pasiya" hagulgol ni Amalia. Dahan-dahan kong tinapik ang likod niya. Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay nakatingin sa'min. Napayuko na lang siya nang magtama ang aming mga mata.

***

Hindi ako makatulog at hindi rin ako makahinga nang maayos. Hindi ko rin mabilang kung ilang beses ako nagpapaikot-ikot sa kama. Nakasindi ang iisang gasera na nakapatong sa maliit na mesa. Muli akong sumulyap kay Sebastian at Niyong na magkatabing natutulog sa sahig. May banig at kumot na binigay ang dalawang babae na nangangasiwa ng bahay-panuluyan.

Iniisip ko kung sanay ba matulog sa sahig si Sebastian? Wala namang problema kay Niyong dahil mahimbing na itong natutulog at humihilik pa nang mahina. Naalala ko na isa palang heneral si Sebastian. Siguradong sanay siya sa mga ganitong sitwasyon.

Nagulat ako nang biglang bumangon si Sebastian. Agad akong napahiga nang diretso at ipinikit ko ang aking mata ngunit iminulat ko iyon nang kaunti saka sinundan siya nang tingin papunta sa pintuan. Sinuot niya ang kaniyang coat.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ngunit bago siya lumabas doon ay lumingon muna siya sa akin. Nagulat ako nang tumango siya sa'kin na para bang sinasabi niya na sumunod ako sa kaniya. Hindi ko namalayan na bigla akong napabangon. Ni hindi ko rin namalayan na maingat na akong naglalakad papunta sa pintuan para sumunod sa kaniya.

Nakalabas na kami sa silid. Nauna siyang bumaba ng hagdan. Maingat akong sumunod sa kaniya na para bang magtatanan kami ngayong gabi. Hindi ko namalayan na napangiti ako sa aking sarili sa ideyang iyon.

Sinundan ko lang si Sebastian hanggang sa makarating kami sa labas ng bahay-panuluyan. May mahabang upuan sa labas kung saan madalas naghihintay ang mga kutsero. Tumigil siya sa tapat niyon at tumingin sa'kin, tinuro niya iyon na para bang sinasabi niya na maupo na kami doon.

Tumango ako saka naunang umupo roon. "Ganito pala ang pakiramdam ng babae na may kinakatagpo sa gabi sa panahon ng Kastila" saad ko saka napahawak sa aking pisngi. Bigla akong natauhan nang tumingin siya sa'kin. Hindi ko namalayan na kanina pa ako nakangiti sa harap niya na parang isang malaking hibang.

Agad akong napaupo nang maayos. "Ah, a-ang ibig ko sabihin... May nabasa lang ako na gan'tong eksena sa isang kwento" patuloy ko saka winasiwas sa ere ang aking kamay para mapaniwala siya na wala akong ibang ibig sabihin sa sinabi ko kanina.

"Tila halos lahat nang iyong tinuturan ay may kinalaman sa isang kwento o aklat. Nakahiligan mo rin ang pagbabasa" wika niya, napatango ako sa sinabi niya. Hindi ko akalain na napapansin niya rin lahat ng mga maliliit na detalyeng iyon tungkol sa'kin.

"Kung hindi mo naitatanong... Writer ako" ngiti ko, hinawakan ko ang pisngi upang mabawasan ang hibang kong ngiti. "Ang ibig ko sabihin ay isa akong manunulat. Nagsusulat din ako ng kwento" patuloy ko. Napaisip siya sa sinabi ko.

"Kaya pala madali mong nadugtungan ang kwento na narinig natin kanina" saad niya, napatango ako sa sinabi niya. Siguradong nagtaka siya kung bakit ko pinakialaman ang kwento kanina ng tindero na nagbebenta ng mga libro.

Sandali kaming natahimik. Sariwa ang hangin ngayong gabi. Malapit na rin mag-pasko kaya malamig na ang simoy ng hangin. "Nasaan ang iyong talukbong?" tanong ni Sebastian. Napatingin ako sa kaniya. Ang ibig niya bang sabihin ay jacket?

"Ah, naiwan ko sa taas. Nabigla kasi ako 'nung lumabas ka kaya hindi ko na nakuha" tugon ko. Hindi naman malamig sa labas. Kung tutuusin, ito nga ang maituturing ko magandang klima na walang polusyon sa hangin na Makati sa ilong at mainit sa pakiramdam.

Napatigil ako nang ipatong ni Sebastian ang itim niyang coat sa balikat ko. Hindi ko namalayan na hinubad na pala niya iyon. Puting kamiso ang suot niya ngayon na may mahabang manggas. "O-okay lang ako. Hindi naman ako nilalamig---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nakatingin lang siya sa'kin.

Hindi ko alam kung dahil ba sa tingin niya kaya ako nanahimik o dahil sa puso kong hindi na maawat sa pagkabog nang malakas ngayon. "S-salamat" iyon na lang nasabi ko saka umiwas ng tingin sa kaniya.

Muling naghari ang katahimikan sa pagitan namin. Ang ganda rin pagmasdan ng paligid kahit hindi pa sementado ang kalsada. Walang mga poste at kable ng kuryente sa bawat tahanan. Malalayo rin ang agwat ng mga bahay sa isa't isa. Bawat bahay ay may bakod kung saan may mga tanim na halaman at bulaklak.

Tahimik ang gabi, nakakadagdag pa sa kapayapaan ang ingay ng kuliglig. Maging ang kalangitan ay maaliwalas. Maliwanag ang buwan at napakaraming bituin. "Alam mo ba kung anong pinakapaborito kong hugis ng buwan?" panimula ko habang nakatingala sa langit.

Napatingala rin si Sebastian sa buwan. "Crescent moon. Hindi pa buo at wala pa sa kalahati ngunit kahit hindi kompleto... Hindi niya binibigo ang langit sa liwanag na kaya niyang ibigay" tinaas ko ang kamay ko na at ginaya ang hugis ang crescent moon gamit ang aking daliri.

"Yung mga maliit na bagay na bumubuo sa malalaking kaganapan. 'Yung mga simula na siyang dahilan kung paano nakakarating sa wakas. Lahat ng maliliit na detalye na 'yon ay mahalaga. Kumbaga, sa isang nobela, mahalaga ang maliliit na detalye at pangyayari" saad ko habang pinagmamasdan ang buwan at ang letter C na ginaya kong hugis ng aking kamay.

"Noon. Palagi kong pinapahalagahan ang mga bidang character sa kwento. Hindi ko masyado iniisip ang sitwasyon ng iba pang mga tauhan. Totoo na kailangan magsakrispisyo ng ibang tauhan para sa ikauunlad ng kwento at magkaroon ng pagbabago sa pananaw ang mga bida sa nobela"

"Pero ngayon... Hindi ko na kayang maliitin ang mga characters na may kaunting papel sa kwento. Ang hirap maging manunulat. Ang hirap maging patas sa lahat" ibinaba ko na ang aking kamay at napahinga nang malalim.

Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay nakikinig nang mabuti sa'kin habang nakatingala sa buwan. "Kung magiging tauhan ka ng isang kwento... Anong gusto mong gampanan?" tanong ko sa kaniya. Alam kong matalino siya pero alam kong hindi niya maiisip na nasa loob lang siya ng kwento. Kahit ako minsan, nakakalimutan kong hindi pala ito totoo dahil ang bawat nangyayari sa paligid at nararamdam ko dito ay parang totoo.

Napasandal si Sebastian sa silya, "Kahit ano" tugon niya.

"Ayaw mo maging bida? 'Yung pangunahing tauhan sa isang nobela"

"Pangunahin man o hindi. Nagbabago ang pananaw ng kwento ayon sa nagkwekwento. Kung ano ang isinasalaysay ng manunulat. Iyon ang tinuturing na pangunahing tauhan ng manunulat at ng mga makakabasa ng kaniyang akda. Para sa'kin, lahat ng tauhan sa isang nobela ay pangunahing tauhan dahil hindi lang sa mata ng manunulat iikot ang takbo ng isang kwento" napatulala ako sa sinabi niya.

Natahimik na lang ako. Hindi ko mapantayan ang talino ni Sebastian. Gusto kong sabihin sa kaniya na dapat siyang magpasalamat sa'kin dahil ginawa ko siyang matalino na character.

"Bakit mo pala ako tinawag dito sa labas?" tanong ko sa kaniya, komportable lang siyang nakasandal sa silya. Komportable rin ako sa tabi niya kahit may isang dipa ang layo namin sa isa't isa. Siguro dahil suot ko ngayon ang coat niya.

"Ikaw ay hindi rin makatulog" wika niya na parang pinaalala niya sa'kin na hind inga talaga ako makatulog.

Napangiti na lang ako saka tumingala ulit sa langit, "Alam mo, natutuwa ako sa late night talks natin" saad ko, napatingin siya sa'kin. "Yung mga kwentuhan nating gan'to sa gitna ng gabi at sa ilalim ng buwan" patuloy ko, napayuko lang siya saka ngumiti ng kaunti.

"Tapos ngumingiti ka rin ng ganiyan" dagdag ko, hindi na rin mawala sa labi ko ang aking malaking ngiti. Ang saya lang sa pakiramdam na nakikita kong ngumiti kahit kaunti si Sebastian Guerrero.

"Natutuwa rin ako dahil partner's in crime na tayo" patuloy ko, tumingin ulit siya. Bakas sa mukha niya na hindi niya naiintindihan ang sinabi ko pero dahil nakangiti ako ay alam niyang maganda ang aking sinabi.

"Dapat may code name na tayo. Hmm... Ako si Agent 143" saad ko, saka humarap sa kaniya para ipaliwanag ang proseso ng pagiging detective.

"One, Four, Three" ulit ko, nakatingin lang siya sa'kin na para bang iniisip niya na may tinuturo na naman akong kalokohan. "Kaya 'pag tatawagin mo ko, sasabihin mo Wanfortri" ngiti ko, kung alam niya lang ang ibig sabihin ng 143 siguradong mawiwindang siya.

"At ikaw naman si Agent 007" saad ko saka ginaya ang iconic pose ni James Bond na may hawak na baril. "Double-O, Seven... Bang! Bang!" patuloy ko saka kunwaring binaril siya.

Napailing lang siya sa kaniyang sarili saka tumayo. "Matutulog na ako" saad niya saka naglakad papasok sa bahay-panuluyan.

"Sandali! Sabihin mo muna 'yung code name natin" habol ko sa kaniya pero hindi niya ako pinansin. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad hanggang makabalik kami sa silid at diretso siyang humiga sa banig saka ipinikit ang kaniyang mga mata na para bang sinasabi niya na 'wag ko siyang idamay sa kabaliwan ko.

***

Kinabukasan, bago sumapit ang tanghalian ay naghihintay na kami sa ilog. Iniwan namin si Niyong sa palayan. Wala siyang ideya na tutulungan naming tumakas si Amalia. Hindi ako mapakali, mula kaninang umaga habang bumabyahe kami papunta rito ay hindi na mawala ang aking kaba.

Pinili naming itakas sila ng tanghali dahil mapanganib sa gabi lalo na ang paglilibot ng mga guardia. Bukod doon, halos abala ang mga tao sa nangyayaring palaro sa fiesta sa plaza. "Darating din sila" natauhan ako nang magsalita si Sebastian. Nagtatago kami ngayon sa likod ng malaking puno. Hindi ko namalayan na kanina ko pa kinakagat ang aking kuko na palagi kong ginagawa sa tuwing kinakabahan ako.

"Sana wala silang makasalubong na mga opisyal" wika ko, saka pilit na sumisilip sa likod ng puno. Ilang sandali pa, nakita na namin ang pagdating ng dalawang tao na nakasuot ng kamiso at sumbrerong buri. Naka-damit panlalaki si Amalia, inalalayan siya ng kaniyang kasintahan pasakay ng bangka.

Agad kaming lumabas ni Sebastian mula sa pagkakatago. Nagulat sila ngunit napangiti si Amalia nang makilala niya kami. "Tanya" wika niya sabay yakap sa'kin. "Salamat sa inyong tulong" ngiti niya at nang tumingin siya kay Sebastian ay agad siyang nagbigay galang.

"Maraming salamat ho, señor. Habambuhay po naming tatanawing utang na loob ang kabutihan niyong ito sa amin" patuloy ni Amalia.

Napatingin si Sebastian sa kasintahan nitong guardia civil. Agad napada sa lupa ang guardia, "P-patawad ho sa aking gagawin. Patawad ho sa aking pagtalikod sa ating sinumpaang tungkulin" napayuko lang si Sebastian at narinig ko ang malalim niyang pagbuntong hininga.

"Mag-iingat kayo at inyong siguraduhin na mabubuhay kayo ng matiwasay at malayo sa lugar na ito" wika ni Sebastian, paulit-ulit na yumuko ang dalawa at nagpasalamat. Sumakay na sila sa bangka. Sa huling pagkakataon ay lumingon sa'kin si Amalia habang maluha-luha ang kaniyang mga mata. Tumango siya sa'kin at ngumiti.

"Nawa'y magsama kayo nang maligaya" habol ko saka ko pinunasan ang aking mga luha. Magkahalong saya at lungkot ang aking nararamdaman. Masaya dahil matagumpay naming naitakas silang dalawa. Malungkot naman dahil hindi ko na siya ulit makikita pa. Kahit papaano ay masaya ako dahil sa ganitong eksena magtatapos ang character ni Amalia.

***

Magtatakipsilim na. Palabas na kaming tatlo sa bahay-panuluyan para tunghayan ang tangahalan sa plaza nang biglang humarang sa tapat ni Sebastian ang dalawang babae na nangangasiwa sa bahay-panuluyan.

"Señor, ibig niyo ho bang samahan namin kayo? Kung inyong pahihintulutan ay ibig naming ibahagi ang ilang lugar dito sa aming bayan" ngiti ng isa, nasa tapat na kami ng pintuan ni Niyong habang hinaharangan nilang dalawa si Sebastian.

"Paumanhin ngunit—" hindi natapos ni Sebastian ang sasabihin niya dahil may pinakitang mga bayong at basket ang isa sa dalawang babae. "Kilala ko rin ho ang halos lahat ng may ari ng pamilihan sa bayan. Kung ibig niyo ay sasamahan ko kayong mamili" ngisi ng isa at pumungay pa ang mga mata nito sa harapan ni Sebastian.

Napapikit na lang ako sa inis dahil nauubos ang oras namin sa kanila. Tinaas ko nang kaunti ang aking dalawang manggas saka naglakad pumagitna sa kanila. "Aalis na kami. Hindi namin kailangan ng package tour niyo ngayon" panimula ko, tinaasan ko sila ng kilay. Hindi naman sila natinag, nakita ko pa kung paano umikot ang kanilang mga mata.

"Hindi ba't wala naman kayong ugnayan? Sino ka ba upang pangunahan siya?" buwelta ng isa na may manipis na kilay dahilan upang mag-init lalo ang aking ulo.

"Wala kaming label pero wala na kayong pakialam d'on!" giit ko saka hinila si Sebastian papalabas. Nagulat sila dahil hinawakan ko ito sa braso. Maging si Niyong ay napanganga rin sa ginawa ko. Binitawan ko na si Sebastian nang makalabas kami.

Tumingin ako sa kaniya at napahalukikip "Sakay na" saad ko, nagulat naman siya sa seryoso kong tono. Alam kong alam niya na hindi na ako natutuwa ngayon.

"Ikaw na ang mauna" wika niya, aalalayan niya dapat akong sumakay sa kalesa pero bakas sa mukha niya na nagdadalawang isip siyang gawin iyon dahil sa seryoso kong pananalita. "Sebastian, hindi ka pwedeng makipagchika-chika at fling fling sa mga babaeng 'yon" saad ko, hindi na ako makatiis.

Naglakad na si Niyong papalapit sa'min. "Naiintindihan ko na sila naman'yung lapit nang lapit sayo. Pero dapat marunong kang tumanggi. 'Wag mo na silang kausapin at i-entertain ang kalandian nila. Halata namang gusto nilang magpa-cute sayo" parehong nagtaka ang hitsura nila ni Niyong. Nagkatinginan pa sila at sabay na napakibit balikat.

"Ate Tanya, tila ikaw ay naninibugho" saad ni Niyong dahilan upang matauhan ako. Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at tinuro ko ang aking sarili, "Ako? Nagseselos? Wow!" mas laling lumakas ang tibok ng puso ko. Kinumpas ko ang hawak kong abaniko at nagpaypay sa sarili.

"A-ang punto ko lang naman... Nakatakda nang ikasal si Sebastian kay Maria Florencita 'diba? Anong sasabihin ng ibang tao kapag nakita siyang may kasamang mga babae na parang linta kung dumikit at humarot sa kaniya. Iniisip ko lang ang reputasyon ng magiting nating heneral" saad ko sabay tingin kay Sebastian.

Sumakay na ako sa kalesa. Hindi naman na nagsalita si Sebastian. Samantala, ilang ulit namang lumilingon sa'min si Niyong saka siya tatawa mag-isa na parang isang malaking hibang na tulad ko.

Hindi nagtagal ay narating na namin ang bayan ng Bulakan. Masiglang-masigla ang lahat. Tila nakalimutan ko ang init ng ulo ko kanina nang makita kung gaano kasaya ngayon ang kanilang fiesta. Itinabi na ni Niyong ang kalesa sa tabi ng simbahan at naglakad kaming tatlo papunta sa pamilihan.

Kung anu=anong sumbrero at kasuotan ang tinuturo ko kay Niyong. Nasa likod naman namin si Sebastian at kung minsan ay nakikisukat din siya ng sumbrero saka titingin sa'kin na parang hinihintay niya na pansinin ko ang suot niya.

Hinila ko si Niyong papunta sa isang tindahan na puno ng mga palamuti pambabae. "Niyong, bilhan mo si Lolita" saad ko saka pumili ng ilang mga palamuti sa buhok at alahas. "Wala akong sapat na salapi, ate Tanya" tugon ni Niyong. Tinanong ko ang presyo ng bawat isang napili kong palamuti para kay Lolita at binabalik ko na lang iyon nang maayos sa kinalalagyan nito kapag nalalaman ko ang presyo.

Napalingon ako kay Sebastian na nakatayo sa likod namin, "Uhm, pwede ba akong bumale?" tanong ko sa kaniya. Alam kong ang kapal ng mukha ko mag-cash advance pero ayoko sayangin ang pagkakataon na ito para mapa-ibig ulit ni Niyong si Lolita.

Hindi naman nagsalita si Sebastian, sa halip ay lumapit lang siya sa mga paninda at tumingin-tingin sa mga palamuti. Gusto ko sanang sabihin na bilhan niya rin si Maria Florencita pero naalala ko na hindi pwedeng magkagusto ito sa kaniya. Kailangan si Lorenzo ang tulungan kong magpa-good shot kay Maria Florencita.

Bumulong ako kay Niyong, "Ikaw na lang bumale kay Sebastian. Mukhang bad shot siya sa'kin kasi inaway ko siya kanina" nagtaka si Niyong sa sinabi ko, "Bad shot... Parang nainis siya sa'kin" patuloy ko, napatingin naman si Niyong kay Sebastian.

Magsasalita na sana siya pero biglang nagsalita ang matandang tindero, "Ibig niyo ba ng mga kakaibang alahas o palamuti para sa inyong sinisinta señor?" ngisi ng matandang lalaki na payat at may makapal na bigote.

Hindi na niya kami pinansin ni Niyong dahil mukhang wala kaming pambili kaya si Sebastian ngayon ang kinakausap ng tindero. May kinuhang maliit na baul sa ilalim ng mesa ang matandang lalaki saka binuksan iyon sa harapan ni Sebastian.

Agad kaming lumapit ni Niyong at nakitingin sa laman ng baul. Nanlaki ang aking mga mata sa dami ng alahas doon ngunit ang tangin nakapukaw sa atensyon ko ay ang kuwintas na may Crescent moon pendant. "Magkano po ito, manong?" tanong ko sa tindero saka kinuha ang kuwintas.

"Pitong piso" tugon nito. Napatingin ako kay Sebastian, "Pautang please" sinubukan kong ngumiti sa kaniya pero nakatingin lang siya sa'kin nang walang reaksyon. Pinakita ko sa kaniya ang kuwintas na hawak ko.

"Ito 'yung sinasabi ko sayo na hugis ng buwan na pinakapaborito ko. Hindi ko alam kung anong tawag nito sa tagalog pero Crescent moon ito sa ingles" paliwanag ko sa kaniya saka sumenyas ng letter C gamit ang aking daliri na tulad ng hugis ng buwan na ito.

"Kresent?" nagtatakang tanong ni Niyong saka pinagmasdan ito ng mabuti. "Nakita ko na ang hugis na iyan sa alpabeto" wika niya, tumango ako saka ngumiti. "Ang talino mo talaga Niyong!" sinagi ko si Niyong at bumulong na kung pwede niya ako pautangin pero mukhang wala talaga siyang pera.

"Ang hugis ng buwan na iyan ay sumisimbolo sa bagong pag-asa. Ito rin ay nauugnay sa mithiin ng isang tao na maging makatotohanan o maisakatuparan" napatulala ako sa sinabi ng matandang lalaki. Nakangiti at nakatingin siya ng diretso ngayon sa akin. Napansin kong tumingin din siya kay Sebastian na para bang may ibig siyang ipaunawa sa amin.

Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng takot at kaba sa presensiya ng matandang lalaki. Tila katulad niya rin kung magsalita ang matandang mangkukulam. Ibinalik ko na lang ang kuwintas sa baul. "M-mag-uumpisa na ata ang tanghalan sa plaza. Salamat po at pasensiya na sa abala" saad ko at nauna na akong umalis doon.

Agad namang sumunod sa'kin si Niyong, "Ate Tanya, kumain muna tayo ng merienda" habol nito.

***

Nanonood kami ngayon ng maikling tanghalan sa plaza. May tumutugtog ng instrumento sa gitna ng entablado. Sinasabayan namin ni Niyong ng palakpak ang nakakaindak na musika kasabay ng mga taong pumapalakpak at sumasabay din sa indak.

Napatingin ako kay Sebastian na nakatayo lang doon na parang istatwa. "Pumalakpak ka naman... Gan'to oh" saad ko saka pinakita sa kaniya kung paano pumalakpak na mukhang wala sa bukabularyo niya.

"Hep-hep? Hooray!" patuloy ko na parang kasali ako sa gameshow ngayon. Inulit ko pa iyon ng tatlong beses pero nabigo akong pasunurin si Sebastian. Nakatingin lang siya sa'kin na parang iniisip niya kung gaano na kalala ang aking kabaliwan.

"Bahala ka na nga" wika ko, hindi ko na lang siya pinansin. Nagpatuloy kami ni Niyong sa pagpalakpak habang sinasabayan ang indak ng musika. Nagsimulang tumayo ang matatanda at sila ang naunang sumayaw sa gitna.

Sinundan iyon ng iba pang mga babae at lalaki na masayang sumayaw sa gitna. Nakakatuwang pagmasdan ang kanilang mga ngiti at tradisyonal na pag-indak. Gusto sana naming sumama ni Niyong kaso biglang naglakad papalayo si Sebastian upang hindi namin siya mahila.

"Baste!" tawag ko sa kaniya at hinabol siya. Napatigil siya saka napalingon sa'kin, "Halika na! 'wag ka na mahiyang ipakita ang mga damoves mo diyan" aya ko saka tinuro si Niyong na ngayon ay may kasayaw na lola.

"Anong itinawag mo sa akin?" tanong niya, ngumiti lang ako. "Ah, ang haba kasi ng Sebastian. Tatawagin na lang kitang Baste o baka gusto mo Basty? Baby Basty..." hirit ko pero tinalikuran niya lang ako. Nagtatampo pa rin siguro siya kasi sinungitan ko siya kanina.

"Wait! Sandali lang! sayang naman 'yung party nila d'on oh" habol ko pa, hinila ko ang coat niya. Napatigil kami nang biglang may malaglag mula sa bulsa ng kaniyang coat.

Naunahan ko siyang pulutin iyon, "Ito 'yung crescent moon!" saad ko habang nakatitig sa kuwintas na iyon. Napatingin ako sa kaniya, napaiwas naman siya ng tingin.

"Sayo na 'yan" mahina niyang sabi. Napakurap ako ng dalawang beses. Kulay bronze ang pendant ng crescent moon na kuwintas. "H-hindi mo ba 'to kayang ibigay kay Maria Florencita?" napalunok na lang ako. Ayokong mag-isip ng kung anu-ano. Bukod doon, baka nahihiya siyang ibigay ito kay Maria Florencita.

Tumingin lang siya sa'kin, "Hindi naman si Maria Florencita ang may ibig ng bagay na 'yan" saad niya sabay talikod at nagpatuloy na sa paglalakad. Napatulala ako sa sinabi niya at muling napatingin sa kuwintas.

Madilim na ngayon ngunit nagkalat ang makukulay na liwanag sa paligid mula sa mga lampara na may iba't ibang kulay. Nakasabit ang ilan sa bungad ng mga tindahan at banderitas. Halos hindi rin mabilang ang dami ng tao sa gitna ng daan dahil sa masayang pagdiriwang ngayon sa plaza.

Natutuwa ako sa mga magagandang nangyayari ngayon. Masaya din ako dahil nagawa naming iligtas si Amalia at ang kasintahan nito sa panganib.

Muli kong pinagmasdan ang kaniyang likuran habang naglalakad siya papunta sa magulong pamilihan. Animo'y bumagal ang takbo ng paligid. Hindi ko alam ngunit kasabay nang pintig ng aking puso ay ang pagsagi sa aking isipan na panahon na siguro upang subukan kong magsulat ng istorya na may happy ending.

At ibig kong simulan iyon kay Sebastian.


***********************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top