Kabanata 21

[Chapter 21]

Tahimik lang kami buong byahe. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong sumulyap sa kaniya para subukan siyang tanungin kung paano niya nalaman na ililigtas ko si Amalia. Nakapikit lang ang mga mata niya at tuwid siyang nakasandal sa upuan ng kalesa.

Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses akong tumikhim, nagbabaka-sakali na gising naman pala siya. Madilim na ang paligid. Nadaanan na rin namin ang ilog kung saan kami namasyal 'nung isang araw.

Ilang sandali pa, napansin ko na bumagal ang takbo ng kalesa at tumigil ito sa tapat ng isang malaking bahay na may dalawang palapag. May isang manong ang sumalubong sa kalesa at nagbigay-galang sa amin.

"Magandang gabi, tatlong silid para sa isang gabi kung maaari" wika ni Sebastian, ngumiti at tumango naman ang manong na sumalubon sa'min, may hawak siyang gasera.

"Tuloy ho kayo" tugon ng manong saka tinulungan si Niyong itabi ang kalesa sa gilid. Naunang bumaba si Sebastian, napakagat ako sa aking ibabang labi nang ilahad niya ang palad niya sa tapat ko nang hindi tumitingin sa'kin.

Napatingin ako sa paligid, walang ibang tao roon kundi kaming apat. Abala si Niyong at ang manong sa pagtali ng kabayo sa gilid. Napatikhim na lang ako, "H-hahawak lang ako sayo dahil wala talaga akong makapitan pababa. Ayoko namang mapilay kung lulundag ako" panimula ko sa kaniya. Tumingin siya sa'kin saka tinaas ang palad niya na para bang sinasabi niya na bumaba na ako.

Napatikhim ulit ako saka humawak sa kamay niya. Ngayon ko lang napagtanto na ang init at ang gaspang pala ng kamay niya bukod sa malaki ito. Sabay kaming napaiwas ng tingin nang makababa na ako. Inilagay na niya ang dalawa niyang kamay sa kaniyang likuran saka naunang pumasok sa loob ng bahay-panuluyan.

"Ano ho ang ibig niyong kainin?" tanong ng manong habang kinukuha ang tatlong susi sa isang mesa. Malaki ang salas ng bahay at sadyang napakaluwag at makintab ang sahig.

"Wag na ho, busog pa kami" tugon ni Sebastian saka nauna nang umakyat sa ikalawang palapag ng bahay na para bang sanay na siyang tumuloy dito. Sabagay, sa propesyon niya sadyang marami na siyang napuntahang lugar sa kwentong ito.

Sumunod na ako sa kaniya paakyat. Bitbit naman ni Niyong ang mga gamit namin. Gusto ko sana siyang tulungan kaso ayaw niya dahil trabaho niya raw iyon. Hindi na makausad si Niyong sa hagdanan dahil sa dami ng dala niya. Napatingin ako kay Sebastian, mas matanda at mas malaki ang katawan niya kaysa kay Niyong pero hindi niya ito tinutulungan.

Gusto ko sana sabihin na kung maaari ay tulungan naman niya si Niyon pero nagulat ako dahil bumalik siya sa hagdan at kinuha ang ilang gamit kay Niyong nang hindi nagsasalita. "Ano ho ang ibig niyong kainin bukas sa agahan?" tanong ng manong habang binubuksan isa-isa ang tatlong kwarto na magkakatabi.

"Anong ibig niyo?" tanong sa'min ni Sebastian. Nagkatinginan kami ni Niyong. Bukod sa nakakahiya, wala rin kaming pera. Napatigil ako nang maalala ko na wala pala akong sapat na pera para makapag-hotel ngayon.

"Madalas tumuloy dito ang matataas na opisyal. Ito ang paborito nilang silid" patuloy ng manong habang nakangiti, hindi niya napansin na hindi kami sumunod sa kaniya papasok sa unang silid na nabuksan niya.

Agad akong lumapit at bumulong nang pa-simple kay Sebastian. "Uhm, wala kaming salapi. Hindi ba pwedeng dumiretso na tayo sa Bulakan?" bulong ko. Nakatingin lang siya sa'kin dahilan para humakbang ako paatras.

Maging si Niyong ay pinagpapawisan na rin dahil hindi namin afford ang level ng budget ni Sebastian. Tiningnan lang ako ni Sebastian saka siya sumunod sa loob ng silid at inilapag niya ang bitbit na gamit sa isang silya.

"Kahit anong uri ng agahan ay malugod na kakainin ng aking dalawang kasama" wika ni Sebastian saka kinuha ang salapi sa loob ng kaniyang coat at inabot iyon sa manong. Napangiti naman ito sa laki ng binayad ni Sebastian.

"Makakaasa ho kayo, señor" ngiti ng manong saka mabilis na lumabas ng kwarto. Binuksan na rin niya ang dalawa pang silid. Napatulala kami ni Niyong. Ililibre ba kami ni Sebastian?

Tumingin ako sa kaniya, hinubad na niya ang kaniyang coat. Agad siyang tinulungan ni Niyong at inilagay iyon sa gilid, maging ang kaniyang sumbrero. Umupo na si Sebastian sa kama at akmang huhubarin na niya ang kaniyang sapatos.

Agad akong lumapit saka tinulungan siya magtanggal ng sapatos. "Sadyang naging mahaba ang ating paglalakbay. Mas mabuti nga na makapagpahinga tayo para makapagpahinga ang kabayo" ngiti ko, minasahe ko pa ng kaunti ang paa niya.

Kailangan naming magpa-good shot ni Niyong para hindi kami singilin ni Sebastian sa libre niya. "Binibini..." tawag ni Niyong dahilan para matauhan ako. Hindi ko dapat hinawakan ng gano'n si Sebastian at tahasang minasahe ang paa niya na parang ako ang asawa niya.

Napaupo ako sa gulat at namalayan kong nakataas na pala ang aking kamay na parang sumusuko ako. "Ah, p-pasensiya na. Masyado lang akong nadala..." agad akong tumayo ng maayos saka napakamot sa aking ulo. Gusto ko lang naman bumawi sa kaniya tulad ng ginagawa ni Niyong.

Hindi na makatingin sa'kin ngayon si Sebastian, maging si Niyong ay tulala rin sa ginawa ko na para bang sinasai niya na masyado akong mapusok para hawakan nang gano'n ang isang lalaki. "K-kung hindi naitatanong, magaling akong hilot" saad ko, nagbabaka-sakali na mapaniwala sila para mabawasan ang tensyon sa paligid.

"Hilot? Marunong kayong magpanganak ate Tanya?" nagtatakang tanong ni Niyong. Napatango na lang ako, "Oo, hilot saka masahista" dagdag ko pa. Napahinga na lang ako ng malalim, mukhang hindi naman si Sebastian 'yung tipong maniningil agad sa utang. Ipapabawas ko na lang sa kaniya 'yung gastos ko sa i-swesweldo niya sa'kin sa katapusan.

"Sige. Matutulog na ko" patuloy ko saka mabilis na naglakad papalabas sa silid ni Sebastian at pumasok ako sa katabing silid. Napahawak ako sa aking dibdib, isa na namang kapangahasan ang ginawa ko sa katawan ni Sebastian.

Hatinggabi na. Hindi pa rin ako makatulog. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa'min sa Bulakan. Kung makukumbinse ko ba si Amalia na 'wag sumama sa kasintahan niyang guardia civil. Kung Oo, posibleng may malaking epekto ito sa mga susunod na eksena ng Salamisim. Kung hindi ko naman siya mapapapayag, hindi ko alam kung magagawa pa ba akong patulugin ng aking konsensiya.

Napatitig ako sa kandila na nakapatong sa maliit na mesa, sa tabi ng aking higaan. Malaki ang silid na ito at malinis. Kasingganda rin ng silid ni Maria Florencita. Hinayaan ko lang na nakabukas ang bintana para makapasok ang sariwang hangin.

Bumangon ako saka kinuha ang kandila na natunaw na ngayon sa lagayan. Hindi ako sanay matulog sa dilim kaya hihingi ako ng bagong kandila o lampara na siyang magbibigay liwanag sa silid. Bumaba na ako sa salas ngunit wala roon ang manong. Nakabukas ang lahat ng lampara ngunit walang tao.

Naglakad ako papunta sa kusina, madilim doon at walang tao. Babalik na lang sana ako sa silid nang makita ko si Sebastian na naglalakad pababa ng hagdan. Nakasuot siya ng puting kamiso na pinatungan niya ng coat. Napatingin siya sa'kin ngunit hindi siya tumigil sa pagbaba.

"Saan ka pupunta?" tanong ko sa kaniya, hindi ko alam kung saan ko hinugot ang lakas ng loob at karapatan na alamin ang bawat gagawin niya. "Sa palikuran" tugon niya saka napatigil sa tapat ko. Nasa kaliwa ang palikuran ngunit pa rin siya dumiretso roon.

"Ikaw?" natauhan ako sa tanong niya. Napatingin ako sa hawak kong patungan ng kandila. "Hihingi sana ako ng kandila o lampara. Hindi kasi ako nakakatulog nang walang ilaw" tugon ko, napatingin si Sebastian sa paligid. Hinahanap din niya ang manong na nangangasiwa rito.

Nagulat ako nang kunin niya ang isang lampara na nakapatong sa gilid ng sofa at inabot iyon sa'kin. "Sandali. Baka magalit 'yung may ari" saad ko, alam kong kwento lang 'to pero ayoko naman ma-offend namin ang nangangasiwa na manong, baka palayasin niya pa kami ngayong kalagitnaan ng gabi.

"Sasabihin ko na lang sa kaniya bukas" wika ni Sebastian. Hindi ko alam kung bakit naging panatag ang pakiramdam ko sa sinabi niya. Kapag alam mo na may taong handang saluhin ang mangyayari, totoong nakakagaan ng loob.

"S-salamat" iyon na lang ang nasabi ko saka kinuha sa kamay niya ang lampara. Naglakad na siya papunta sa palikuran. Aakyat na dapat ako ngunit hindi ko alam kung bakit nakatayo lang ako sa tapat ng hagdan at hinihintay siyang lumabas sa palikuran.

Hindi nagtagal, lumabas na siya roon. Napatigil siya nang makita ako. Hindi ko alam kung bakit napangiti ako nang magtama ang mga mata namin. Nahihibang na talaga siguro ako. Wala na akong nagawa kundi panindigan iyon, "Ah, Sebastian. May gusto sana akong itanong..." napalunok ako. Sa sobrang tahimik ng paligid, natatakot ako na marinig niya ang kabog ng puso ko.

Nakatingin lang siya sa'kin na parang hinihintay niyang ituloy ko ang sasabihin ko. Napapikit na lang ako. Gusto kong sampal-sampalin at sabunutuan ang aking sarili dahil nagmumukha akong tanga sa harapan niya.

Huminga na lang ako ng malalim. "Doon tayo sa veranda" saad ko saka naunang naglakad papunta sa veranda ng bahay. Nasa tabi ito ng salas at nakaharap sa kalsada. Inilapag ko sa sahig ang lampara saka lumanghap ng sariwang hangin habang hinihintay ang pagdating niya. Ilang sandali pa, naramdaman kong nasa likod ko na siya.

Napatingin ako ng diretso sa madilim na kalsada. Kailangan kong tawagin ang kaluluwa ni Faye na hindi ma-issue, assuming at malisyosa. Nagmumukha na akong hibang sa harapan ni Sebastian mula kanina na parang kailangan kong ayusin ang kilos at bawat sasabihin ko upang maging kaibig-ibig sa harapan niya.

Bakit ko ba ginagawa iyon? Balak ko bang akitin ang isang fictional character?

Napahawak ako sa aking bibig. Isa na akong malaking kabaliwan! Hindi ko namamalayan na nagpapa-cute na ako sa harapan ng isang character!

Nagulat siya nang bigla akong humarap sa kaniya. "Sebastian. Magsabi ka ng totoo..." panimula ko, napahawak ako sa aking lalamunan dahil parang pumiyok pa ako sa kaba. "P-paano mo nalaman na si Amalia ang pakay ko sa Bulakan? At paano mo nalaman na ililigtas ko siya?!" sunod-sunod kong tanong. Tinaasan ko ang boses ko para labanan ang malakas na pagkabog ng aking puso.

Nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa bulsa ng kaniyang itim na coat. Naglakad lang siya sa tapat ng balkonahe saka pinagmasdan ang madilim na kalsadang lupa at ang iba pang mga bahay na medyo malayo sa tinutuluyan namin ngayon.

"Hindi ba't tinanong mo sa akin kung anong dapat mong gawin kung sakaling may taong malalagay sa panganib?" panimula niya nang hindi tumitingin sa'kin.

"Oo, pero hindi ko naman sinabi sayo kung sino iyon at kung saan"

"Ayon sa iyong sinabi, mahaba-haba ang magiging paglalakbay. Malayo ang Bulakan sa Maynila" saad niya. Napatango ako, matraffic din kung sa EDSA ang daan kung nasa labas ako ng nobelang ito.

"Nang magpaalam sa'kin si Lolita upang hiramin ang kalesa at si Niyong, nabanggit niya na may tutuluyan kang kaibigan doon na Amalia ang pangalan. Siya ang anak ng mag-asawang may ari ng Panciteria" patuloy niya, napatango rin ako. Tama naman ang lahat ng sinabi niya.

"Ngunit bakit ka magtutungo roon? Hindi ba't ibig mong manirahan sa Maynila?" tumingin siya sa'kin nang sabihin niya iyon.

"Bawal ba akong pumunta sa Bulakan?" saad ko. Napailing lang siya.

"Hindi sa gano'n. Ang ibig kong sabihin ay kung ibig mong umuwi sa iyong bayan, bakit hindi ka sumabay kay Amalia 'nung umuwi ito 'nung Sabado ayon kay Lolita?" hindi ako nakasagot sa tanong niya.

"Kay bilis ng pangyayari. Aking nababasa sa iyong mga mata na may bumabagabag sa iyong isipin 'nung nagkausap tayo noong isang gabi. Ang iyong mga tinuran tungkol sa pagsagip sa isang taong batid mong malalagay sa panganib... Hindi ba't nakikita mo ang pangitain na mangyayari sa hinaharap?" wika niya saka muling tumingin sa'kin.

Dahan-dahan akong napatingin at napatulala sa kaniya. Hindi ako makapaniwala na napagdugtong niya ang mga sinabi ko at ni Lolita "Madali lang mapagtagpi-tagpi ang lahat. Kung hindi ka mag-iingat, madaling mababasa ng sinuman ang tumatakbo sa iyong isipan" saad ni Sebastian na parang binilinan niya ako na 'wag masyadong ipakita ang tunay na layunin ko sa buhay.

"Si Amalia, kaibigan siya ni Maria Florencita. Anak siya ng mag-asawang may ari ng Panciteria. Ang mag-asawang iyon ay matagal ko nang pinaghihinalaan na kasapi ng mga rebelde" sa pagkakataong iyon ay muli akong nakaramdam ng kaba. Hindi dahil sa narito siya malapit sa'kin kundi dahil sa katotohanang tungkulin niyang sugpuin ang mga rebelde.

"Ang mga kasapi ng rebelde at ang pamilya nito ay higit na nalalagay sa panganib kumpara sa mga karaniwang mamamayan na hindi nakikisangkot sa gulo" napayuko na lang ako. Kahit saang anggulo tingnan, ako pa rin naman ang nagpasimula ng gulo at pag-aaway-away ng panig nilang lahat.

Sandali kaming natahimik. Wala na rin akong masabi. Kasalanan ko kung bakit nagkakagulo silang lahat. Ano kaya ang magiging reaksyon nila sa oras na malaman nila na ang lahat ng paghihirap na dinadanas nila ngayon ay kagagawan ng isang manunulat na ang hangad ay makagawa ng trahedyang kwento, ma-isalibro at maging pelikula.

"Ano bang mangyayari kay Amalia?" pagbasag ni Sebastian sa katahimikan. Napatulala lang ako sa aking mga kamay. Ang mga kamay na ito ang siyang dahilan kung bakit naisulat ko ang nobelang ito.

"Kung may kinalaman dito ang mga rebelde at pamahalaan. Ibig kong malaman mo na buong tapat pa rin akong naglilingkod sa pamahalaan" patuloy niya. Napahinga na lang ako ng malalim. Hindi ko naman siya masisisi dahil ito talaga ang role niya, ang maging tapat sa pamahalaan.

"Walang kinalaman ang politika kay Amalia" panimula ko habang nakatitig sa aking mga kamay na tinuturing ko na ngayong siyang dahilan ng pagkasawi ng mga characters sa kwentong ito. "Sasama siya sa kasintahan niya at makikipagtanan. Iyon ang magiging dahilan ng trahedya sa kaniyang buhay"

"Kung iisipin, sa laban ng politika, madaling pumili ng papanigan. Kung saan ka mas makikinabang, doon ka papanig. Kung saan ka maliligtas, doon ka sasama. Kung saang prinsipyo ang pinaniniwalaan mo, doon ka aayon. Mas madaling basahin ang takbo ng politika, Sebastian"

Nanlalamig na ang aking palad at hindi ramdam ko na rin ang pamamanhid nito. "Ngunit iba sa laban ng pag-ibig. Hindi mo batid kung hanggang saan mo ipaglalaban ang iyong nararamdaman. Paano mo ipaglalaban ang pag-ibig na sa umpisa pa lang ay batid mong isang malaking kahibangan? Saan ka lulugar sa mundo na walang kasiguraduhan?" napatingin ako sa kaniya. Nakatingin lang siya sa'kin na para bang sinasabi niya na gusto niyang maintindihan ang gusto kong iparating.

"Alam mo ba kung bakit may mga trahedyang kwento?" patuloy ko, hindi siya sumagot, sa halip ay nanatili lang siyang nakatingin ng diretso sa aking mga mata.

"Dahil madalas natatalo ang pag-ibig. Natatalo ito ng mga bagay na nakapalibot sa kaniya. Ang lahat ng pagdududa, paninibugho, pagtataksil, pagiging makasarili at kawalan ng tiwala. Lahat ng iyon ay maaaring maghari sa puso ng tao dahilan para mawalan ng puwang ang pag-ibig na dati ay naninirahan doon" sa pagkakataong iyon ay napatitig ako sa kaniya. Si Sebastian Guerrero na isa sa mga character ng kwentong ito ay magiging biktima rin ng pagkasawi sa pag-ibig.

***

Kinabukasan, halos tanghali na ako nagising. Naabutan ko si Niyong, umiinom siya ng kape. Nakaupo kami ngayon sa pabilog na mesa malapit sa veranda ng bahay panuluyan. "Hindi ba natin hihintayin si Sebastian?" tanong ko kay Niyong nang magsimula itong kumain. Sunod-sunod na dumating ang mga pagkain para sa agahan. Itlog, tinapay, kanin, karne ng manok at baboy sa hindi ko malamang luto.

"Hindi ho kumakain ng agahan si Señor Sebastian. Alas-diyes siya nagmemerienda saka kakain ng tanghali. Gabi na ang sunod niyang kain" tugon ni Niyong habang pinapalaman ang pulot sa tinapay. "Bakit hindi siya nag-aalmusal? Dapat malakas ang resistensya niya lalo na't..." napatigil ako saka tumayo.

Narinig kong tinawag pa ako ni Niyong pero dire-diretso lang akong umakyat sa hagdan at kumatok sa silid ni Sebastian. Kakatok pa lang sana ako ngunit biglang bumukas ang pinto dahilan upang gulat akong mapahakbang paatras.

Basa ang buhok ni Sebastian at nakabihis na siya. Maging siya ay nagulat nang makita ako sa tapat ng pintuan niya. "N-nakahanda na ang agahan. Kumain na tayo" panimula ko, hindi ko alam kung anong sabon o pabango ang gamit niya ngunit sadyang nakakahalina ang amoy niyon tulad ng mga mata niyang nakakahalinang nakatitig sa'kin ngayon.

"Ah, b-basta sumunod ka na lang sa baba. Hihintayin ka namin" patuloy ko saka mabilis na tumalikod at bumaba ng hagdan.

"Ano pong nangyari?" nagtatakang tanong ni Niyong nang bumalik ako sa upuan. Napapikit na lang ako at napahawak sa aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit ayaw na ako tantanan ng puso kong hindi na maawat sa pagkabog ng mabilis.

"Magandang umaga ho, señor" gulat na bati ni Niyong, napatayo pa ito at nagbigay galang kay Sebastian. Tila tumigil naman ang puso ko sa pagtibok hanggang sa makaupo siya sa tapat ko. "Kakain ho kayo ng agahan, señor?" nagtatakang tanong ni Niyong habang puno pa ng pagkain ang bibig niya.

Dahan-dahang napaupo si Niyong habang takang-taka na nakatingin sa kaniyang amo. "Iyong ubusin na ang kapeng hawak mo habang mainit pa ito" saad ni Sebastian, hindi niya sinagot ang tanong ni Niyong, sa halip ay nagpatuloy lang ito sa pagkuha ng tinapay at palaman.

Nang tumingin siya sa'kin ay agad akong napaiwas ng tingin at nagkunwaring abala sa paghalo ng kape. Hindi ko na lang sana siya tinawag na sumabay sa'min. Mukhang hindi tuloy ako matutunawan sa mga kakainin ko ngayon.

***

Magtatakipsilim na nang marating namin ang Bulakan. Hindi mawala ang ngiti sa aking labi dahil kitang-kita namin ngayon ang paghahanda ng lahat sa Fiesta. Nakasabit na ang mga makukulay na banderitas. Ang mga bata, matanda, lalaki at babae ay nakabihis din ng maayos para sa gaganaping Prusisyon mamayang gabi.

"Saan ang bahay niyo dito, ate Tanya?" tanong ni Niyong dahilan para matauhan ako. Mabagal ang pagpapatakbo niya sa kalesa dahil masikip na ang daan sa dami ng tao. "Ha?" napatigil ako nang maalala ko na dito nga pala sa Bulakan ang ginamit kong excuse noon na siyang bayan na kinalakihan ko.

Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay naghihintay din sa isasagot ko. "Ah, wala na kaming bahay dito. Nabenta na namin ni itay bago niya ako ipinasok sa beateryo" tugon ko saka ngumiti sa kanilang dalawa.

Maingay ang paligid sa dami ng tao at hindi na rin maawat ang mga tindero at tindera kakaalok sa kani-kanilang mga paninda. "Nasaan ho ang iyong itay?" patuloy ni Niyong, napakagat na lang ako sa aking labi. Kung nandito lang si Lolita, siguradong matatahimik itong si Niyong.

"Nasa Hongkong siya... Oo! Nandoon siya, matagal na" ngiti ko upang itago ang tensyon na nararamdaman ko. Bakit ba hindi ko naisip na hahanapin nila ang bahay ko dito sa Bulakan?

Napatingin ako kay Sebastian, "Uhm, kung nandito pa talaga 'yung bahay namin, buong-loob ko kayong papatuluyin kaya lang matagal na itong wala kaya..." saad ko saka napahinga ng malalim. Mukhang mababaon ako ng utang kay Sebastian kahit pa ako naman ang nagtakda ng yaman niya.

"Ikaltas mo na lang sa swledo ko 'yung gagastusin mo sa'min ni Niyong" patuloy ko saka ngumiti sa kaniya ng kaunti para iparamdam sa kaniya na hindi naman ako abusadong empleyado. Napalingon sa'kin si Niyong, mukhang wala siyang balak na sabihin na ikaltas ni Sebastian sa sarili niyang sweldo 'yung gagastusin nito sa kaniya.

Tumingin na si Sebastian sa tabing bintana niya, "Huwag niyo nang isipin iyon" saad ni Sebastian, nagkatinginan kami ni Niyong. Mukhang hindi naman na bago sa kaniya dahil palaging sinasagot ni Sebastian ang gastos.

Umupo na ako nang maayos. Hindi ko man tahasang sabihin sa harapan niya pero ibig kong magpakabait ngayong araw dahil sa kabutihang loob niyang ilibre kaming dalawa.

***

"Seryoso? Bakit?" hindi ko napigilan ang pagtaas ng aking boses habang nakatayo kami sa tapat ng bahay-panuluyan. May dalawang palapag din ang malaking bahay ngunit mas malaki ito kumpara sa tinuluyan namin kagabi.

"Marami ho ang dumating na opisyal upang makiisa sa pagdiriwang ng pista kung kaya't inihanda na namin iyon para sa kanila. Maaaring dumating na sila mayamaya. Paumanhin ngunit iisang silid na lang ho ang bakante" wika ng babae na sa tingin ko ay ka-edad ko lang. May kolerete ito sa mukha at panay pa ang tingin kay Sebastian kung kaya't pumagitna ako sa kanila.

"Pang-limang bahay-panuluyan na ang pinuntahan namin---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita ang babaeng may manipis na kilay na sa tingin ko ay ginuhitan niya tulad ng mga ginagawa ng mga geisha.

"Kung ibig niyo ay maaari naman kayong magsalo sa iisang silid" suhestiyon nito dahilan para mapahawak ako sa aking batok. Ramdam ko ang pagtaas ng aking blood pressure.

"Hindi pwede. Hindi kami kasal" paliwanag ko sabay turo kay Sebastian. Sa mga ganitong sitwasyon, si Sebastian 'yung tipong tatanggapin na lang ang sitwasyon kahit alam niyang sobrang mali ito.

"Kung nakatakda naman kayong ikasal, hindi na iyon malaking bagay sa amin" saad ng babae. Napahawak ako sa aking noo. Pinakita ko sa kaniya ang aking dalawang kamay, "Hindi kami engaged—Ah! Basta hindi kami nakatakdang ikasal. Wala kaming relasyon" paliwanag ko. Napatingin ang babae kay Niyong na nasa likuran namin ni Sebastian.

Bumulong ang isa pang babae sa kasama nito ngunit narinig namin dahil malakas ang pagkakasabi niya nito. "Marahil ay nagsisinunggaling ang babaeng iyan. Malaki na ang kanilang anak" wika nito sabay tingin kay Niyong.

"Anong---? Hindi namin anak ang batang 'to. Pitong taon lang ang tanda ko sa kaniya, mukha bang nanay na ako sa edad na pitong taon?" paliwanag ko pa pero napailing-iling lang sila at pinanidigan na hindi nila ibibigay sa'min ang mga bakanteng silid dahil para iyon sa mga matataas na opisyal.

Magsasalita pa sana ako ngunit kinuha na ni Sebastian ang susi. "Ibig ko nang magpahinga" wika niya saka umakyat sa hagdan. Dali-dali siyang sinundan ng dalawang babae para ituro ang silid. "Tayo na ho... Inay" pang-asar ni Niyong saka mabilis na tumakbo paakyat.

Pagdating ko sa kwarto, napatigil ang dalawang babae sa pagpapaliwanag kay Sebastian kung para saan ang mga gamit doon. Napahalukipkip na lang ako habang nakatingin ng matalim sa kanila. Wala namang high-tech na appliances sa kwartong 'to, bakit kailangan pa nila ipaliwanag ang lahat ng gamit pati 'yung kurtina?

Napatigil ang dalawang babae nang makita akong nakasandal sa pintuan. Abala naman si Niyong sa paglalagay ng mga gamit namin sa gilid. Habang si Sebastian naman ay nakatingin sa bintana at pinapanood ang mga taong nagtitipon sa labas ng simbahan para sa mangyayaring prusisyon mamaya.

Dali-daling lumabas ang dalawang babae, tinaasan pa ako ng kilay ng isa sa kanila. Isusulat ko mamaya sa aking kuwaderno na isasama ko siya sa mga tsismosa sa islang gagawin ko para sa kanila. "Ikaw na ang gumamit ng kama" saad ni Sebastian habang nakatalikod ito at nakatingin sa bintana.

Itinaas naman ni Niyong ang kaniyang kamay, "Ako ho, señor?" tanong nito dahilan para pandilatan ko siya ng mata. Ngayon alam ko na kung bakit palaging nawawala ang feelings ni Lolita sa kaniya. Tumingin si Sebastia kay Niyong, "Sa sahig tayo" saad ni Sebastian saka napatingin sa'kin.

"A-yos lang sa'kin sa sahig. Hindi naman ako maarte. Basta may ilaw lang, okay na" paliwanag ko. Nakokonsensiya ako dahil wala naman akong ambag, ako pa ang matutulog sa malambot na kama. "Ikaw ba ay nakasisiguro?" tanong ni Sebastian, nagpaikot-ikot ang aking mata. Ito ba ang version niya ng 'Is that your final answer?'

Siguradong sasakit ang likod ko kapag sa sahig ako natulog. Wala pang extrang sapin at unan. Baka may mga ipis o dagang gumagapang dito sa gabi. "Ah, dito na lang pala ako sa kama. Ayoko namang balewalain ang pagiging maginoo niyo" ngiti ko saka tinapik-tapik ang kama.

Iniwas na lang ni Sebastian ang tingin niya sa'kin pero nakita kong napangiti siya ng palihim.

***

Alas-sais na ng hapon. Nakatayo kaming dalawa ni Sebastian sa beateryo. Naiwan si Niyong sa bahay-panuluyan dahil alam naming pagod siya sa pagpapatakbo ng kabayo. Napatingin ako kay Sebastian, tumango lang siya sa'kin na parang sinasabi niya na kumatok na ako doon para makausap ko na si Amalia.

"Pwede bang hintayin mo na lang ako dito sa kabilang bahay? Baka kasi kung anong isipin nila kapag nakita nilang may kasama akong lalaki" saad ko, napaiwas ng tingin sa'kin si Sebastian nang mapagtanto niya na hindi dapat ako makita ng mga dati kong maestra at kasama sa loob ng beateryo na may kasamang lalaki.

Pero ang totoo, ayoko lang marinig niya na hindi ko kilala ang mga tao sa loob ng beateryo bukod kay Amalia. Naglakad na si Sebastian papunta sa katapat na bahay. Medyo malayo na siya ngayon at nakatingin na lang siya sa mga dumadaan na kalesa.

Kumatok na ako sa malaking pinto ng beateryo. Tumambad sa'kin ang isang dalagita, "Ano hong maipaglilingkod ko?"

"Ah, maaari ko bang makausap si Amalia? Kaibigan niya ako. May ibibigay lang ako sa kaniya na mula sa mga magulang niya" saad ko. Tumango lang ang dalagita saka isinarado muli ang pinto. Napatingin ako kay Sebastian, sumenyas ako sa kaniya na maghintay pa siya ng kahit sandali.

Hindi nagtagal bumukas muli ang pinto. "Tanya" ngiti ni Amalia at agad na yumakap sa'kin. Nakasuot sila ngayon ng puti dahil sasama rin sila sa prusisyon mamaya. "Anong ginagawa mo rito?" patuloy niya, inabot ko sa kaniya ang isang bayong na naglalaman ng mga pagkain at damit na pinadala nila Aling Pacing at Mang Pedro.

"Ibig lang namin makiisa sa pagdiriwang ng Pista dito" ngumiti si Amalia sa sinabi ko saka hinawakan ang aking kamay. "Nakakatuwang malaman na hindi mo pa rin nalilimot ang lugar na ito" wika niya, ang pagkakaalam din niya ay taga-rito ako.

"Siya nga pala, may gusto sana akong sabihin..." hindi ko alam kung paano ko sisimulan. Nagsimula na namang tumibok ng mabilis ang puso ko na parang nakasakay ako sa roller coaster at ngayon ay babagsak na ito ng mabilis.

"Ano iyon?"

Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay niya at tiningnan siya ng diretso sa mata. Mabuti na lang dahil umalis na ang dalagita na tumawag sa kaniya kanina at halos abala ang mga tao sa paligid upang isipin pa kung ano ang pinag-uusapan namin.

"Bukas ng gabi, 'wag kang lalabas dito. Kahit anong matanggap mo na liham. 'Wag mong sasagutin at 'wag mong pupuntahan" wika ko, napatigil si Amalia. Alam kong alam niya na may ideya ako sa napagkasunduan nila ng kasintahan niyang guardia civil na magtatanan silang dalawa.

"Kung anuman ang binabalak mo. 'Wag mong ituloy. Malalagay ka sa kapahamakan kapag sumama ka---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil bumitaw si Amalia sa kamay ko. Tulala siyang napayuko at hindi na mamakatingin ngayon sa akin.

"Hindi na kita tatanungin kung paano mo nalaman ngunit kung ito ang tunay na dahilan kung bakit ka naririto... Paumanhin ngunit buo na ang aking desisyon" seryoso niyang saad, napatingin ako sa kamay niyang nanginginig na ngayon. Hindi niya akalain na may makakaalam sa plano nilang pagtakas.

"Makinig ka, alam kong nakatakda itong mangyari pero... Gusto kitang iligtas. Gusto ko kayong iligtas. Masasaktan sina Aling Pacing at Mang Pedro"

Tinalikuran na ako ni Amalia, papasok na sana siya sa loob ngunit napatigil siya nang magsalita ako. "Mamamatay ka kapag sumama ka sa guardia civil na iyon. Mamamatay kayong dalawa" habol ko. Dahan-dahan siyang napalingon sa'kin, namumuo na ang luha sa kaniyang mga mata.

Napatingin siya sa gilid ko at nung sundan ko iyon ng tingin, doon ko lang napatanto na nasa likod ko na pala si Sebastian. Maging siya ay nagulat sa sinabi ko. Tumingin muli sa'kin si Amalia, sa pagkakataong ito ay tumulo na ang kaniyang mga luha.

"Matagal na akong patay Tanya. Ginawa ko ang kagustuhan ng aking mga magulang. Sinunod ko ang buhay na matagal na nilang binuo para sa akin. Matagal na akong patay dahil kailanman ay hindi ko nagawang gawin ang ibig ko"

Napaiwas siya ng tingin at agad niyang pinunasan ang kaniyang mga luha, "Oras na para isipin ko naman ang sarili kong kaligayahan. Aking napagtanto na hindi ako isang patay sa piling niya. Kung kaya't huwag mo na akong pigilan, ito ang unang desisyon na gagawin ko sa aking buhay" saad niya saka mabilis na pumasok sa loob at isinarado nang malakas ang pinto.

Naiwan akong tulala habang nakatitig sa mataas na pinto ng beateryo. Isa akong malaking hibang. Nahihibang sa ideya na magagawa kong baguhin ang mga tauhan at kalabanin ang sarili kong kwento.

***

Tulala akong naglalakad pauwi. Hindi ko alintana ang dami ng tao sa paligid, kung ilan ang mga batang masayang nagtatakbuhan ngayon, kung ilang mga binata at dalaga ang nagliligawan, kung ilang pamilya ang masayang naglalakad papunta sa simbahan.

Nagulat ako nang biglang may tumapat na puting belo sa tapat ko. "Hindi ba't ibig mong sumama sa prusisyon? Marapat lamang na isuot mo ito" wika ni Sebastian. Hindi ko rin namalayan na nasa tabi ko pala siya at kasabay na naglalakad.

Napatitig ako sa puting belo at isinuot iyon. Nagpatuloy kami sa paglalakad. Tiningnan ni Sebastian ang kaniyang kuwintas na relo. "Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang prusisyon" patuloy niya, hindi ako kumibo. Hindi pa rin mawala sa isipan ko kung paano na namin maliligtas si Amalia ngayon.

"Hindi mo sinabi sa akin na isang guardia sibil ang kasintahan ni Amalia" wika ni Sebastian, nasa likod niya ang dalawa niyang kamay habang mabagal kaming naglalakad papunta sa simbahan at sumasabay sa agos ng mga tao. Papalubog na ang araw at may mga hawak ng kandila ang karamihan.

"May kaakibat na malaking parusa ang pagtalikod sa sinumpaang tungkulin. Sabihin mo sa akin kung anong pangalan ng kaniyang kasintahan, ipagbibigay-alam natin ito sa heneral ng bayang ito upang hindi niya maitanan si Amalia" patuloy ni Sebastian.

Napatigil ako sa sinabi niya. May punto siya, kung ibabalita agad namin ang balak nila ni Amalia, siguradong hindi matutuloy ang pagtakas nila bukas ng gabi. Napatingin ako kay Sebastian na ngayon ay nakatingin din sa'kin. Magsasalita na sana ako ngunit napagtanto ko na wala nga palang pangalan ang kasintahan ni Amalia dahil hindi ko naman ito nabanggit sa kwento.

Pinangalanan ko lang itong guardia civil na kasintahan niya at siyang dahilan ng pagtatanan nila kung kaya't pareho silang nahuli at napatay habang tumatakas.

"Hindi mo batid ang kaniyang pangalan?" tanong ni Sebastian, napayuko na lang ako. Sa dinami-dami ng mga guardia civil na character dito ngayon. Hindi ko matutukoy kung sino sa kanila ang kasintahan ni Amalia.

Napatikhim si Sebastian, "Kung gayon, unahan na lang natin na ipagbigay alam sa hukbo na naririto upang higpitan nila ang kanilang pagbabantay" patuloy ni Sebastian. Napabagsak na lang ang aking balikat. Hindi ko akalain na mas komplikado pala ito sa inaakala ko.

Ilang sandali pa, napukaw ng atensyon ko ang grupo ng mga tao na nakikinig ng mabuti sa isang lalaki na nasa edad apatnapu at may bilugan na tiyan tulad ni Don Severino. Marami ring libro ang nakalatag sa kaniyang mesa. "Ito ay kwento tungkol sa taksil na lalaki. Iniwan niya ang kaniyang kasintahang babae upang sumama sa ibang babae na matagal na niyang gusto mula pagkabata" panimula ng lalaki, nagsimulang dumami ang mga tao na naging interesado sa librong hawak niya.

Napatigil din ako sa paglalakad at nakinig sa mga sinasabi niya, "Huwag mo sabihing ibig mong bumili ng mga aklat na tulad niyan?" narinig kong tanong ni Sebastian na para bang sinasabi niya na hindi magpapaawat ang mga babae basta tungkol sa kwentong pag-ibig.

Nang tingnan ko siya ay tumahimik lang siya. "Ilang dekada ang lumipas, naging mag-isa at malungkot ang babae. Wala nang ibig magpakasal sa kaniya. Tampulan din siya ng usap-usapan dahil iniwan siya ng dating kasintahan. Hanggang sa isang araw muling nagbalik ang lalaki bitbit ang anak nito sa babaeng ipinagpalit sa kaniya. Nakahanap ng iba ang babaeng kalaguyo ng lalaki at sumama sa mas mayaman kung kaya't binalikan niya ang dating kasintahan"

Halos magtayuan ang mga babae at lalaki na nakikinig sa kwento ng lalaki. "Ano hong nangyari?" tanong ng lahat. Napangiti lang ang matandang lalaki saka sinara ang libro. "Malalaman niyo ang wakas ng kwento sa oras na bilhin niyo ito" ngisi niya. Napapadyak naman ang lahat dahil sabik na sabik na silang malaman kung ano ang sunod na mangyayari.

Agad nag-unahan ang mga tao makabili ng librong iyon. Nanlaki ang mga mata ko habang tinitingnan kung paano sila mag-agawan sa iilang piraso ng libro na natitira roon. Halos mapunit naman ang mukha ng lalaki dahil nakabenta siya ng marami ngayon.

At dahil ramdam ko na pineperahan niya lang ang mga tao. Agad akong naglakad papunta sa gitna nila. "Sandali..." panimula ko, napatigil ang lahat at napatingin sa'kin.

"Batid ko na ang wakas ng kwentong iyan... Gusto niyo bang malaman nang hindi kayo gumagastos?" ngiti ko sa kanila. Napakunot lang ang noo ng lalaki, ibanaba niya pa ang suot na damit dahil hapit na hapit ito sa kaniyang tiyan.

"Sino ka upang pangunahan ang---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil nagsalita na ako. "Hindi tinanggap ng babae ang lalaki na nangaliwa at nang-iwan sa kaniya. Nabuhay siya mag-isa at puno ng pagmamahal sa sarili. Kinuha na lang niya ang bata at pinalaki na parang anak niya at hinayaan sa kalye ang dating kasintahan na walang ginawa noon kundi ang mangbabae at malulong sa sabong" taas noo kong pagtutuloy sa kwento ng librong binebenta niya.

Nagulat ang mga tao, napatakip pa sila sa kanilang bibig. "Bakit hindi sila nagkasama muli? Bakit hindi sila kinasal? Hindi ba't mas masaya kung naging buong pamilya sila?" sunod-sunod na reklamo ng mga tao at binalik niya ang librong binili.

Hindi ako makapaniwala sa naging reaksyon nila. Agad binuklat ng lalaking tindero ang libro at pinakita sa lahat, "Nagkamali ang babaeng iyan... Ang tunay na wakas nito ay nagkabalikan ulit sila. Kinasal sila at nagkaroon ng maraming supling" nag-unahan muli ang mga tao upang makabili ng librong iyon.

Magsasalita pa sana ako pero hinila na ako ni Sebastian papalayo roon dahil ang sama na ng tingin sa'kin ng tindero. Nagpatuloy na ulit kami sa paglalakad papunta sa simbahan. "Hindi ko maintindihan... Bakit mas gusto nilang ikasal pa sila? Hindi pa ba sapat na niloko at iniwan na niya 'yung babae? Nagkaanak pa siya sa iba. Tapos ngayon, dahil pinagpalit siya 'nung kabet niya sa mas mayaman, babalikan niya 'yung dati niyang nobya? Ang kapal naman ng mukha ng lalaking 'yon" hindi ko mapigilang maglabas ng aking hinaing.

Hindi rin mawala sa isipan ko ang reaksyon ng mga tao sa ending na ginawa ko para sa istoryang iyon. "Mas gusto talaga nila ang happy ending. 'Yung may kasal na eksena. Kahit anong mangyari, basta magwawakas sa kasal" napahawak na lang ako sa aking noo.

Narinig kong tumawa ng mahina si Sebastian at nang tumingin ako sa kaniya seryoso na muli ang mukha niya. "Narinig kong tumawa ka" wika ko, pero tumingin lang siya sa'kin na parang wala siyang nalalaman.

"Nakita ko sa peripheral view ng mata ko na tumawa ka. Tinawanan mo ang sinabi ko" patuloy ko pero napatagilid lang ang ulo niya na parang sinasabi niya na nahihibang lang ako.

Binilisan ko na lang ang lakad ko. Dinadagdagan pa ni Sebastian ang init ng ulo ko. Ilang sandali pa, dumami na ang tao kaya bumagal na ulit ang lakad ko. Hindi na lang ako umimik nang makasabay ko na ulit siya sa paglalakad.

"Ngayon batid ko na ang sagot tungkol sa sinabi mo kung bakit laging natatalo ang pag-ibig" wika niya, napatingin ako sa kaniya habang patuloy kaming naglalakad ng mabagal.

"Naroon nga ang pagdududa, paninibugho, pagtataksil, pagiging makasarili at kawalan ng tiwala ngunit sa kabila nang lahat ng iyon. Bakit may mga kwento pa ring nagwawakas ng masaya tulad nang narinig natin kanina?" tumingin siya sa'kin na para bang tinatanong niya sa'kin ang bagay na iyon.

"Karamihan kasi gusto happy ending. 'Yung mga malulungkot na wakas o kaya open-ended... Nababatikos" tugon ko. Mukhang hindi naman niya naintindihan pero nagpatuloy pa rin siya.

"Kung maghahari ang lahat ng hindi magandang bagay sa pagmamahalan ng dalawang tao. Bakit hindi nila alalahanin ang lahat? Kung paano sila nagsimula?" patuloy niya, sandali ko siyang pinagmasdan. Hindi ko alam kung paano niya nasasabi ang mga iyon sa kabila ng character niya bilang selosong karibal ni Lorenzo.

"Marapat lamang na balikan nila ang kanilang masasayang pinagsamahan sa pamamagitan ng kanilang alaala. Ang salamisim na ang bahala" napatigil ako sa sinabi niya at nang muli akong tumingin sa kaniya. Hindi ko lubos maisip kung ano ang gagawin niya bilang Sebastian Guerrero na masasawi sa pag-ibig hanggang sa wakas ng kwentong ito.


**********************

#Salamisim


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top