Kabanata 2
[Chapter 2]
NAALIMPUNGATAN ako sa lamig. Nang imulat ko ang aking mata, madilim pa rin. Napagtanto ko na nakahiga pala ako sa magaspang na sahig na wala man lang sapin. Dahan-dahan akong umupo, nilalamig na rin ang aking binti at nawawala ang isang pares ng sapatos ko.
Natigilan ako nang maalala ko kung bakit nandito pa rin ako. Agad kong pinagmasdan ang buong paligid. Nasa loob ako ng isang maliit na selda. May pinto na gawa sa makapal na bakal at may maliit na bintana sa itaas ng dingding kung saan tumatagos ang liwanag.
Ang huli kong naaalala ay may susugod dapat sa amin, hinila ako ni Sebastian at nawalan ako ng malay!
Agad akong tumayo at humawak sa maliit na bintana na may dalawang bakal na rehas. Humawak ako doon at buong pwersa kong binuhat ang aking sarili pataas. Umaga na. Natanaw ko ang mahabang ilog mula sa bintana na halos kasing laki lang ng ulo ko.
Hindi ganito ang Manila. Walang mga sasakyan, building at magulong kalsada. Napabitaw na ako sa bintana dahil hindi ko na kayang buhatin ang sarili ko. Pinagpagan ko ang aking kamay at naglakad-lakad sa loob ng selda upang makapag-isip ng mabuti.
Napansin ko ang isang lumang kumot na kulay brown, nakasuksok ito sa sulok at napapalibutan ng sapot ng gagamba. Kinuha ko iyon at pinagpagan, nilalamig ang binti ko kaya itinali ko ang kumot sa aking baywang. Amoy luma ang kumot na parang ilang taon na nandoon.
Hinawakan ko ang ulo ko, noong sabado may booksigning akong pinuntahan, kahapon pumunta kami dito ni Pia para mag-night tour. May kaguluhang nangyari kagabi, iyon ang paglusob na ginawa ng nga rebeldeng grupo na pinapangunahan nina Santino at Lorenzo Cortes.
Si Don Imo ang lolo ni Lorenzo na na-frame up noon at binitay. Ito ang dahilan kaya bumagsak ang pamilya Cortes, ang pamilya ni Lorenzo na siyang bida sa istorya ko. Napakagat ako sa aking daliri, ganitong-ganito nagsimula ang unang kabanata sa Salamisim. Ang pagsalakay ng lihim na grupo nina Lorenzo sa bilangguan.
Masyado ba akong nadadala ngayon sa story dahilan para mapanaginipan ko 'to? Pero bakit parang totoo? Pinagmasdan ko ang braso ko, may mga gasgas at sugat dulot ng kaguluhang nangyari kagabi. Pilit kong pinisil ang aking sarili, kailangan ko na magising. Baka ma-late ako sa trabaho!
Nagulat ako nang biglang bumukas ang pinto. Nakalikha ito ng nakabibinging ingay dahil makalawang na ang pinto na gawa sa bakal. Tumambad sa harapan ko ang dalawang guardia civil, seryoso lang silang nakatingin sa'kin. Agad nilang hinawakan ang magkabilang braso ko at hinila papalabas ng selda nang hindi nagsasalita.
"Hoy, ano ba! bitawan niyo nga ako!" reklamo ko sa kanila pero hindi sila natinag hanggang sa makarating kami sa isang mas malawak na kulungan. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang iba't ibang kagamitan na ginagamit para i-torture ang mga nasasakdal.
May mga bakas pa ng dugo iyon senyales na kakatapos lang nila magparusa sa ibang bilanggo. Itinulak ako ng dalawang guardia sa sahig, mabuti na lang dahil nagmistulang mahabang palda ang suot kong kumot kaya hindi nasugatan ang tuhod ko sa lakas ng pagkakatulak nila sa akin.
Tiningnan ko sila ng matalim pero sinampal ako ng isa. Napahawak ako sa aking pisngi, na-dislocate ata ang panga ko. "Hoy! Inaano ba kita?!" sigaw ko, sasampalin niya sana ako ulit pero napatigil siya nang dumating si Sebastian kasama ang iba pang kawal.
Naupo si Sebastian sa isang silya na animo'y isa siyang hari. Isang hari na handang panoorin ang mga taong papahirapan ngayon. May dumating pang ibang guardia bitbit ang iba pang bilanggo at pinaluhod din sila sa tabi ko.
Pinagmasdan ko si Sebastian, buti pa siya bagong ligo. Bakit maging sa panaginip nakakaamoy ako. "Isang beses lang ako magbibitaw ng katanungan. Inyong tandaan na hindi ako nagbibigay ng pangalawang pagkakataon kaninuman" seryosong saad ni Sebastian. Ganyan nga, marunong naman mag-tagalog ang Sebastian na nilikha ko. Nagmamagaling lang siguro siya kakasalita ng Espanyol kagabi. Sumenyas siya sa mga kawal. Una nilang isinalang sa gitna ang isang lalaki na hubo't hubad at puno ng sugat ang katawan dahil sa tinamo nitong mga hampas mula sa latigo.
"Sino ang nagpasok at nagbigay sa inyo ng patalim dito sa loob ng bilangguan?" tanong ni Sebastian, tiningnan lang siya ng bilanggo sabay dura sa sahig.
"Putulin ang kanyang daliri" saad ni Sebastian, agad nagpupumiglas ang bilanggo. Sinubukan kong tumayo para tingnan kung tototohanin ba nila. Kung panaginip man ito, hindi naman totoo kahit maputulan siya ng daliri.
Nasindak kaming lahat na nakaluhod sa sahig dahil sa lakas ng sigaw ng lalaki na ngayon ay pinutulan ng limang daliri. Napatakip ako sa aking bibig at pilit na pinakiramdaman ang aking mga daliri kung kompleto pa ba ito.
Itinulak nila ang lalaki pabalik sa pwesto nito saka hinila ang isa pang lalaki at siyang pinaluhod sa harapan ni Sebastian. "Hindi ka bilanggo rito, isa ka sa mga sumalakay kahapon. Sino ang nasa likod ng lahat ng ito?" tanong ng guardia. Nanginginig naman sa galit at takot ang lalaking bilanggo.
"Paslangin niyo na lang ako! Wala kayong mahihita sa akin!" sigaw ng lalaki, napatigil ako at napatitig sa lalaking iyon.
Tama! Naalala ko na, siya ang kanang-kamay ng samahan, si Tadeo na siyang matalik na kaibigan ng bida na si Lorenzo. Nahuli nga pala siya sa pagsakalay. Ililgtas dapat nila ang nakatatandang kapatid ni Lorenzo na si Santino. Nakakulong din dito si Santino pero nabigo silang iligtas siya.
Ang cool pala ng character ni Tadeo. Sige, go Tadeo! Hindi ka pa naman mamamatay ngayon, sumpain mo silang lahat!
Hindi ko namalayan na natatawa na pala ako sa kung anu-anong tumatakbo sa isipan ko. Napatingin sa akin si Sebastian "Anong nakakatawa?" tanong niya, napalunok na lang ako. Para siyang professor sa klase na seryosong-seryoso tapos nakita niyang may pasaway na estudyante sa likod na tatawa-tawa lang.
"Ah, wala po sir" sagot ko, napapikit ako para pigilan ang aking pagtawa. Hanggang dito ba naman sa panaginip puro pa ako kalokohan. Nagulat na lang ako nang bigla akong hilahin ng dalawang guardia patayo saka pinaluhod sa tapat ni Sebastian.
Naiinis ako sa pagiging brutal nila! "Sinong nagsugo sayo rito?" tanong ni Sebastian, napatikhim na lang ako. "Aba, malay ko. Hmm... Pero kung scientifically thinking, lahat ng nangyayari ngayon ay nasa loob ng utak ko dahil isa itong panaginip" sagot ko at ngumiti ako para inisin siya, para inisin silang lahat.
Nasindak ako ng tumayo si Sebastian, "Putulin ang dila ng dalawang iyan" utos niya sa mga guardia, nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Seryoso ba siya? Napatingin ako kay Tadeo na nakaluhod din sa tabi ko, maging siya ay nagulat sa gustong ipaputol ni Sebastian. Napaturo ako sa aking sarili, kaming dalawa ba ni Tadeo ang tinutukoy niya?
Nagsimula na siyang maglakad papalabas. Wala na dapat akong pakialam dahil panaginip lang ito. Tinulak, hinila at sinampal ako ng mga guardia. Siguradong mararamdaman ko rin ang sakit kapag pinutol nila ang dila ko!
Hinawakan na ng dalawang guardia ang ulo namin ni Tadeo at idiniin sa mesa. "Wait! Wait! Wait!' sigaw ko pero itinaas na nila ang matalim na kutsilyo. "Sebastian sandali! Magsasalita na ko!" sigaw ko pa, napatigil sa paglalakad si Sebastian at napalingon sa amin.
"Sasabihin ko na, 'wag niyo lang putulin ang dila ko, please" pagmamakaawa ko, baka binabangungot na ako ngayon. Kailangan ko magising!
Binitawan na ako ng mga guardia, agad akong bumalik sa pagkakaupo at humarap kay Sebastian na nakatayo sa tapat ng pintuan at nakalingon sa amin.
Napatingin ako kay Tadeo, iniisip niya siguro kung sino ako, hindi naman ako miyembro ng samahan nila. Pero isang malaking pagkakamali ng samahan nila ay hindi nila alam kung sinu-sino pa ang ibang nakakaalam bukod sa mga miyembro.
"Uhm... ganito kasi 'yan" panimula ko, nakatingin na silang lahat sa'kin ngayon lalo na si Sebastian. "Lahat ng nangyayari ngayon ay..." napatigil ako saka napalingon sa mga tao sa paligid. Baka tuluyan nila akong pugutan ng ulo kapag pinagpilitan ko sa kanila na panaginip lang ang lahat ng ito.
"A-ang totoo kasi niyan, hindi ko kilala kung sino nag-utos sa'kin" patuloy ko, napapikit na lang ako dahil siguradong iniisip nila na nagsisinunggaling ako.
Ganito rin ang sinasabi ng lahat ng mga inaakusahan. Napatikhim ako saka muling nagpatuloy, "N-nakatakip ang mukha niya at may suot siyang salakot" saad ko, gulat na napatingin sa akin si Tadeo, batid niya na ang tinutukoy ko ay ang isa sa mga miyembro nila na si Lorenzo dahil ganoon ang suot at porma ng bidang ginawa ko.
Mukhang hindi pa rin kumbinsido si Sebastian, dadagdagan ko pa sana ang description ni Lorenzo nang biglang may dumating na grupo ng mga kawal. Agad tumindig ng maayos ang lahat ng guardia, sumaludo si Sebastian sa isa pang naka-uniporme.
Tumigil ito saka tumingin kay Sebastian, "Malapit nang dumating si Don Florencio, pagbutihin mo ang iyong tungkulin" saad ng lalaki na nasa edad limampu. Kung hindi ako nagkakamali, siya ang ama ni Sebastian, si Don Antonio na kanang-kamay ng gobernador-heneral!
Nagpatuloy na sa paglalakad si Don Antonio, may binulong si Sebastian sa isang guardia sabay tingin sa'kin saka ito sumunod sa kanyang ama. Tatawagin ko pa sana siya kaya lang agad na akong hinila ng dalawang guardia pabalik sa seldang pinanggalingan ko kanina.
ITINULAK nila ako nang malakas papasok sa loob ng selda saka isinarado ang bakal na pinto. Napahiga na lang ulit ako sa sahig at tumitig sa kisame na gawa sa matibay na bato. Ipinikit ko ang aking mga mata, masyadong mahaba, nakakapagod at nakakagutom ang panaginip na 'to.
Napahawak ako sa aking sikmura. Bakit ako nakakaramdam ng gutom? Binabangungot na talaga siguro ako. Ilang sandali pa, may isang guardia na naglalakad nang pabalik-balik sa tapat ng selda ko. Dahan-dahan akong bumangon, bibigyan na ba nila ako ng pagkain?
Nang makatyempo, biglang dumungaw ang guardia sa selda ko, agad siyang sumenyas na lumapit ako sa kanya. Dali-dali akong tumayo at humawak sa rehas, "Saan mo nakausap ang lalaking nakasalakot na siyang tinutukoy mo?" bulong niya habang patuloy ang paglinga-linga sa paligid sa takot na may makakita sa amin.
Tiningnan ko siyang mabuti, interesado siyang malaman kung nasaan si Lorenzo? Kakampi ba nila ito o isa ring espiya mula sa pamahalaan? Inulit niya ang tanong, sa pagkakataong ito ay kitang-kita ko ang pagtagaktak ng kanyang pawis sa kaba at pagmamadali. "Alam ko kung nasaan siya" saad ko, gulat siyang napatulala sa akin. Hindi ko naman talaga alam kung nasaan si Lorenzo.
"Pero hindi ko sasabihin kung hindi mo ako tutulungang makalabas dito" patuloy ko na mas lalong ikinagulat niya.
"Paano ako nakasisiguro kung ikaw ay kaanib o kalaban?" tanong niya, napahinga ako nang malalim saka napahalukikip.
"Alas-sais nagbubukas ang pamilihan sa bayan" ngiti ko na siyang ikinagulat niya lalo. Ang code na iyon ang siyang ginagamit ng kanilang samahan para magpaabot ng mensahe sa mga miyembro. Syempre alam ko iyon dahil ako ang gumawa ng kwento. Dali-dali niyang kinuha ang susi at mabilis na binuksan ang aking kulungan.
"Lapastangan! Haharapin mo na ngayon ang kamatayan!" sigaw niya na ikinasindak ng iba pang mga bilanggo sa kalapit na selda. "Wala akong kasalanan! Saklolo!" saad ko upang mas lalong maging mukhang makatotohanan ang pagbukas niya ng selda at paghila sa'kin papalabas.
Mabilis naming tinahak ang kahabaan ng mga bilangguan "Ano ang iyong misyon?" tanong niya sa'kin, nagpalipat-lipat ang aking mga mata, "May mensahe dapat akong iaabot sa ating pinuno" saad ko, mukhang napaniwala ko naman siya dahil hindi na siya nagtanong pa.
Iniisip ko nang mabuti kung anong pangalan ng isa pang miyembro ng samahan na siyang nagpapanggap na guardia upang itakas ang pinuno na si Santino. "Berning!" saad ko nang maalala ko na ang kanyang pangalan. Tama! Si Berning ang kakambal ni Tadeo.
Napatigil siya sa paglalakad at gulat na napalingon sa akin, "Ako ay iyong nakikilala?" panimula niya, napangisi lang ako saka napahalukipkip muli.
"Ngunit kailanman ay hindi ka pa namin nakita sa samahan" dagdag niya, gusto kong matawa. Syempre kilala ko siya kasi ako rin ang bumuo sa kaniya. Pinag-iisipan ko pa nga noon kung gagawin ko bang magkamukha sila ni Tadeo bilang kambal, pero naisip ko na mas maganda kung hindi na lang sila magkamukha para hindi sila agad mahuli sa samahan.
"Bilisan na natin. Kailangan natin maabutan si Lorenzo" saad ko saka nauna nang maglakad.
"Akala ko ba ay hindi mo nakikilala ang lalaking nakasuot ng salakot na siyang sinabi mo sa harapan ng mga kalaban?" tanong niya dahilan para mapatigil ako saka dahan-dahang lumingon sa kaniya. Napalunok na lang ako sabay ngiti. Malapit na kami sa isang pinto papalabas, hindi siya pwedeng maghinala sa'kin ngayong nasa gitna kami ng pasilyo.
"S-syempre nagsinunggaling ako sa harapan nilang lahat. Alangan naman sabihin ko ang pangalan ni Lorenzo. Edi mapapahamak siya, mapapahamak ang ating samahan" buti na lang kahit gutom na ako mabilis pa ring makahabol ang utak ko.
"Kailangan ko na makaalis dito. Siguradong babalikan ako ni Sebastian mamaya para paaminin. Ayokong maputulan ng daliri o dila" reklamo ko, agad naman siyang tumango saka tinuro sa akin ang isang lagusan papalabas.
Napatigil ako nang makita ang malawak na putikan kung saan naroroon din ang ilang daang bibe. "Mararating mo agad ang ilog kapag dumaan ka riyan. Sa oras na matagpuan mo si Lorenzo, iyong iparating sa kaniya na nanganganib ang buhay nina Tadeo at Santino. Kailangan na nating makabuo ng sunod na plano" seryosong saad niya, ngayon ko lang napansin na sobrang payat niya, hindi ko maalala na ganito ko inilarawan ang pangangatawan ni Berning. Tila makakalas na ang kaniyang mga buto.
"Copy. Copy" saad ko saka tumango-tango. Nagtaka naman siya sa sinabi ko pero nagpatuloy pa siya sa pagsasalita.
"Magtungo ka sa daungan sa ganap na alas-sais mamayang gabi. Kung hindi mo mahahanap si Lorenzo, aking titipunin ang ibang miyembro upang bumuo ng sunod na hakbang" napatigil ako sa pagtango, si Berning nga pala ang character sa nobela ko na may inggit kay Lorenzo.
Aalis na dapat ako ngunit pinigilan niya ako "Siya nga pala, ano ang iyong ngalan?" nagpaikot-ikot ang aking mata, wala pala ako sa mga character dito sa libro. Ibig sabihin hindi ako pwedeng gumamit ng anumang pangalan na may kinalaman sa Salamisim.
"Angelita" sagot ko, tumango siya. Natatawa ako sa sarili ko, mala-anghel sa kabaitan ang pinili kong pangalan.
"Sige, una na ko" patuloy ko saka lumundag sa putikan at patingkayad na tinahak ang malawak na lupain na iyon patungo sa ilog.
MAHIGIT isang oras kong nilakad ang palibot ng ilog hanggang sa masumpungan ko ang tulay na nagdudugtong papunta sa Binondo. Pinagtitinginan ako ng ibang tao dahil sa suot kong brown na kumot na ginawa kong palda. Nababalot na rin ako ng putik at wala na akong isang sapatos.
Para akong kawawang babae na nawala sa sarili at nagpalaboy-laboy sa daan. Nagkalat ang mga tindero at tindera sa daan na nag-aalok ng kani-kanilang mga paninda. Napapalamutian din ng mga pulang banderitas ang mga kabahayan.
Nakakapanibago dahil walang mga kuliglig, basura, sirang kalsada, at mga sasakyan na halos hindi gumagalaw dahil sa traffic. Pinili kong sumilong sa isang tindahan dahil sa init. Tirik na tirik na ang araw, maalikabok din ang lupa at mas lalong umaalikabok kapag dumadaan ang mga kalesa.
Napatulala ako sa paligid, ang ganda talaga ng old Manila. Ganito ang mga nakikita ko sa mga lumang picture sa internet at mga video sa youtube. Kahit papaano ang ganda sa pakiramdam habang pinagmamasdan ko ang kapaligiran. Kahit madumi, nagugutom, nauuhaw at hinihingal na ako sa pagod sa panaginip na ito.
Sunod kong narinig ang tunog ng kampana mula sa simabahan ng Binondo. Nagsimulang maglabasan ang mga tao sa simbahan. Dahan-dahan akong napatayo, nakasuot ng naggagandahang baro't saya ang mga kababaihan, ang ilan naman ay mga makukulay na bestida at sombrero pang-Europa. Ang mga lalaki naman ay itim, puti o brown ang suot.
Napatingin ako sa isang ale na agad niyakap ang anak at sinabihan itong 'wag lalapit sa'kin dahil baka manakit ako. Napapamewang ako at humarap sa kanila, magpapaliwanag sana ako pero agad na tumakbo ang mag-ina papalayo sa akin.
Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad, hindi na ako nahirapan makihalo sa maraming tao dahil sila na mismo ang tumatabi at nagbibigay daan sa'kin. Napapangiwi ang mukha ng ilan habang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa.
Napatigil ako sa tapat ng simbahan, may isang character sa story ko na nandoon, si Padre Emmanuel. Papasok sana ako sa loob ngunit hinarang ako ng isang gaurdia. Hindi ito nagsalita ngunit sa seryoso at matalim nitong tingin ay tila ibabaon na ako sa lupa kung magpupumilit akong pumasok.
Aalis na dapat ako ngunit naisip kong inisin ang guardia at kapag binaril ako nito, siguradong magigising na ako sa napakahabang panaginip na ito. Kumuha ako ng bato at akmang babatuhin ko sana siya ngunit napatigil ako nang magsigawan ang mga tao at nag-unahan sa labas ng simbahan upang salubungin ang mag-amang sina Don Florencio at ang napakaganda nitong anak na si Maria Florencita.
Nabitiwan ko ang bato saka napatulala sa kanila, dahan-dahan akong napangiti. Tama, ito ang eksena kung saan pinakilala ko sa libro kung gaano karangya at katanyag ang pamilya Garza. Binati sila ng lahat at tuwang-tuwa ang mga tao sa kanilang pagdating sa Maynila.
Maraming salamat sa inyong lahat, kami ay nagagalak na makabalik sa ating bayan. "Maraming salamat sa inyong lahat, kami ay nagagalak na makabalik sa ating bayan" panimula ni Don Florencio. Natawa ako dahil saktong-sakto nga ang sinabi ni Don Florencio sa sinabi ko. Ngumiti si Maria Florencia na ikinatuwa ng lahat.
Aking inaanyayahan kayong lahat sa salo-salong gaganapin sa aming tahanan sa biyernes ng gabi. "Aking inaanyayahan kayong lahat sa salo-salong gaganapin sa aming tahanan sa biyernes ng gabi" patuloy nito sabay kaway sa mga tao. Napahawak ako sa aking ulo at patuloy na tumawa, halos sabayan ko ang mga sinasabi niya. Napatigil ako nang magbulungan ang ilang kababaihan sa tabi ko, agad silang lumayo at sinabihan pa akong nasisiraan ng bait dahil tumatawa ako mag-isa.
Inirapan ko na lang sila at pinakinggan ang sinasabi ni Don Florencio. Alam ko ang susunod na mangyayari, darating si Don Antonio saka sasalubungin at babatiin sina Don Florencia at Maria Florencita. Narito rin sa gitna ng mga tao si Lorenzo at pinapanood sila mula sa malayo.
Agad kong inilibot ang aking mga mata upang hanapin ang lalaking nakasuot ng salakot. Siguradong makikita ko ngayon si Lorenzo. Malapit na magkita ang dalawang bida sa istorya ko. Pero hindi pa iyon ngayon, sa biyernes ng gabi pa sila magkikita sa isang party.
Napatigil ako nang matapakan ko ang isang pamilyar na papel. Gulat kong pinulot iyon. Ito ang lumang papel na walang sulat na siyang nakita kong hinahangin sa dungeon. Sunod-sunod ang pagbagsak ng papel mula sa di-kalayuan, isa-isa kong pinulot ang mga iyon at sinundan ang pinanggagalingan niyon.
Dinala ako ng mga papel na iyon sa isang tindahan ng mga papel, tinta, pluma at libro. Nagliliparan at natatapakan na rin ng ibang tao ang mga papel ngunit tila hindi nila ito napapansin dahil abala sila sa pagtanaw sa dalawang Don na nag-uusap at nagtatawanan na ngayon.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto ng tindahan na gawa sa kahoy at salamin. Tumunog ang kuliling na nakasabit sa itaas ng pinto. "Uhm... Tao po?" panimula ko, tahimik lang ang loob ng tindahan. Malaki ito at napapalibutan ng malalaking shelves na puno rin ng mga libro.
Pumasok na ako sa loob at isinara ang pinto, magkahalong amoy ng libro at kandila ang loob. Nagkalat ang papel sa sahig na siyang sinusundan ko. Dahan-dahan akong humakbang patungo sa dulo kung saan patuloy na nahuhulog ang piraso ng mga papel na walang sulat.
Tumigil ang pagbagsak ng mga papel sa sahig, apat na hakbang na lang ang layo ko roon. "May tao po ba dito?" patuloy ko, baka mapagbintangan na naman akong trespasser. Napatigil ako nang makita ang isang mesa sa likod ng isang malaking shelf. May mga librong nakapatong doon ngunit ang nakapukaw ng atensyon ko ay ang librong nakabukas at walang nakasulat sa loob niyon.
Kinuha ko ang libro at pinagmasdan itong mabuti, itinapat ko ang lumang papel na walang sulat sa librong iyon upang kumpirmahin kung magkapareho ito. Hindi nga ako nagkamali dahil sigurado ako na ang mga napunit na papel na walang sulat ay nanggaling sa librong iyon.
Sinubukan kong tingnan ang libro hanggang sa huling pahina nito ngunit wala rin itong sulat. Nagulat ako nang biglang may magsalita sa aking likuran.
"Sino ka?" napalunok ako sa kaba at napapikit sa inis. Mukhang mabibilanggo na naman ako nito.
"Akin na ang iyong cedula!" patuloy niya, niyakap ko ang libro at akmang lulundag sa bintanang nakabukas sa tabi ng mesa ngunit napatigil ako nang maramdaman kong may humawak sa aking pulso at hinila ako. Halos lumuwa ang aking mga mata sa gulat nang tumambad sa aking harapan si Sebastian!
"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya, bakas sa mukha niya ang pagtataka. Nabitiwan ko ang libro na siyang bumagsak sa sahig. Ilang sandali pa, napaiwas na siya ng tingin at binatawan ang aking pulso. Dinampot niya ang libro at pinagpagan iyon.
Napatulala ako nang makita ang nakasulat sa book cover ng libro. Kulay brown lang ito na gawa sa leather. Inagaw ko sa kanya ang librong iyon at hinawakan ang nakasulat sa book cover na parang nakaukit sa harapan nito. Hindi ako makapaniwala. Ang pamagat ng librong iyon ay Salamisim.
Napailing na lang ako, siguradong may libro noon na kapareho rin ng pamagat ng nobela ko. Hindi naman maiiwasan na magkaroon ng kaparehong title. Binuklat ko muli ang libro, may nakasulat sa unang limang pahina nito. Sulat-kamay at may iilang bura.
Nagulat ako nang biglang kinuha ni Sebastian sa kamay ko ang libro. "Paano ka nakatakas sa bilangguan?" tanong niya saka ipinatong sa mesa ang libro, may kinuha siyang makapal na lubid sa drawer ng mesa at agad niya itong itinali sa akin.
"Hoy!" suway ko sa kaniya pero dahil mas malakas siya ay naitali na niya agad ako. "Bakit may copy dito ng librong sinulat ko? Saan mo nakuha 'yon?" tanong ko sa kaniya, napatigil siya saka tumingin sa akin.
Hinigpitan niya pa ang pagkakatali sa kamay ko saka tiningnan ako ng derecho. "A-ray..." reklamo ko, magsasalita pa sana ako pero biglang bumukas ang pinto. "Señor!" bati ng isang binatilyo saka dali-daling lumapit sa amin. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ko na wala na ang mga papel na nakakalat sa sahig kanina.
"N-nasaan na yung mga..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita ang binatilyo. "Paumanhin Señor, ibig ko lang alamin kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga tao sa labas kung kaya't lumabas ako sandali" saad ng binatilyo, hindi naman nagsalita si Sebastian. Hinawakan niya ang dulo ng lubid saka naglakad papalabas ng pinto dahilan upang mapasunod ako.
"Wait, let me explain. 'Wag mo naman ako dalhin sa kulungan, please!" pakiusap ko pero hindi niya ako pinansin. Hinawakan na niya ang pinto at akmang bubuksan iyon pero napatigil siya nang magsalita ang binatilyo.
"Señor, nabasa ko ang unang kabanata. Maganda ho ang simula ng inyong nobela" saad nito dahilan upang gulat akong mapalingon sa binatilyo at sa librong hawak niya.
Hinila ni Sebastian ang lubid pero hinatak ko ito pabalik, "Ano? Sinulat nino?" tanong ko sa binatilyo sabay tingin kay Sebastian.
Pilit kong inalala ang nakita kong ilang sulat sa unang pahina ng libro. Nakabibinging katahimikan at kadiliman ang naghahari sa malungkot at madugong bilangguan. Mga kaluluwang nagsusumamo at nanunumpa sa galit ang namamayani sa makapal na haligi na kanilang kinasasadlakan.
Ako mismo ang nagsulat niyon. Ang unang kabanata at pambungad na eksena ng aking nobela kung saan sumugod ang rebeldeng grupo nila Lorenzo sa bilangguan.
Tiningnan ko si Sebastian, hindi ko mabasa ang kaniyang mga mata ngunit pilit na gumugulo sa aking isipan kung bakit may libro siyang ganoon.
Ako ang sumulat ng Salamisim ngunit bakit isinusulat din ito ni Sebastian na siyang kontrabida sa kwento at hahadlang sa pagmamahalan nina Maria Florencita at Lorenzo.
*****************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top