Kabanata 19
[Chapter 19]
SUNOD kong narinig ang pagbagsak ni Niyong sa sahig. Gumulong ang nakasinding kandila na hawak niya kanina papasok sa silid.
"Niyong!" ilang ulit ko siyang ginising ngunit nanatili itong walang malay tulad ni Sebastian. Agad akong tumakbo papalabas upang humingi ng tulong ngunit laking gulat ko nang makita ang lahat ng tao sa paligid ay nakahandusay sa lupa.
Ang mga naglalakad ay nakahiga sa kalsadang lupa. Ang mga sakay ng kalesa ay wala ring malay, maging ang mga kabayo at ang kalesa ay tumagilid. Ang mga tindera at tindero na abala kanina sa pagsasara ng kani-kanilang mga tindahan ay wala ring mga malay.
Naghahari na ngayon ang kadiliman habang nakasindi ang iilang lampara at gasera sa bawat tindahan. Nagsimula akong humakbang papunta sa gitna, nagbabaka-sakali na baka may iisang tao na kahit papaano ay may malay sa mga oras na ito.
Wala akong ideya sa mga nangyayari. May kinalaman ba dito ang pagpatay ko sa sindi ng lampara?
Ilang sandali pa, napatigil ako nang makaramdam ako ng pagkahilo. Hinawakan ko ang aking noo. Tila umiikot ngayon ang paligid hanggang sa tuluyang dumilim ang aking paningin.
NAALIMPUNGATAN ako nang marinig ko ang mahihinang bulungan. Una kong nakita ang nakasisilaw na liwanag mula sa bintana. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, pamilyar ang kwarto kung nasaan ako ngayon.
"Gising na siya!" wika ng isang babae saka mabilis tumakbo palabas ng kwarto. Napahawak ako sa aking ulo at sinubukan kong bumangon. Naramdaman ko ang paghawak ng isang babae sa braso ko. "Ikaw ay magpahinga muna" saad nito, sandali ko siyang tinitigan at nanlaki ang aking mga mata nang makilala ko kung sino siya, si Amalia.
Sunod-sunod na yapak ng mga paa ang aming narinig at nang bumukas ang pinto, tumamabad sa aking harapan sina Aling Pacing, Mang Pedro, Aling Lucia at Lolita. "Kumusta ang iyong pakiramdam hija?" nag-aalalang tanong ni Aling Pacing saka hinawakan ang kamay ko.
"May masakit ba sayo?" tanong ni Aling Lucia.
"Magpapatawag lang ako ng manggagam---" hindi na natapos ni Mang Pedro ang sasabihin niya dahil nagsalita na ako.
"A-ayos lang po ako. 'Wag na po kayo mag-abala" tugon ko, biglang umupo si Lolita sa tabi ko at niyakap ako nang mahigpit.
"Labis kaming nag-alala sa iyo ate Tanya. Saan ka ba nagtungo?" wika nito dahilan upang gulat akong mapatingin sa kanila. Bakas sa kanilang mukha ang matinding pag-aalala. "Lolita, baka hindi makahinga si Tanya" suway ni Aling Lucia sa anak kung kaya't bumitaw na si Lolita sa pagkakayakap sa'kin at pinunasan niya ang luha niya.
Ngayon ko lang napansin na nakalugay ang mahaba kong buhok pero nakasuot ako ng kamiso at pantalon. "Halos dalawang buwan ka nawala hija. Tulad ng dati, hindi ka man lang nagsabi sa'min na aalis ka" wika ni Mang Pedro. Muli ko silang tiningnan isa-isa. Hindi ako makapaniwala na naaalala na nila na ako si Tanya na dating nakituloy sa kanila!
"N-naalala niyo na po ako?" halos wala akong kurap na nakatingin sa kanila. "Pasensiya na hija, hindi ka namin nagawang patuluyin noong nakaraan. May pagka-ulyanin na rin kaming dalawa" ngiti ni Aling Pacing, hindi ko masabi sa kanila na hindi naman ako nagdadamdam dahil hindi talaga nila ako naaalala noong mga oras na iyon.
Posible kayang may kinalaman ang pagpatay ko sa sindi ng lampara dahilan para mawalan ng malay lahat ng characters sa kwentong ito?
"O'siya magpahinga ka na muna Tanya. Sabihin mo lang sa amin kung may iba ka pang kailangan o ibig kainin" bilin ni Aling Pacing saka ito tumayo, hindi nila pwedeng pabayaan ang Panciteria sa baba dahil dumadagsa ang mga tao ngayong umaga.
"Magpahinga ka nang mabuti ate Tanya. Huwag ka na po munang magpapakapagod" wika ni Lolita saka inayos ang kumot. "Siya nga pala bakit na nakasuot ng damit panlalaki? Ate Tanya" patuloy niya, napatitig ako sa suot ko. Nabura na rin pala ang peke kong bigote. Hindi niya ako nakilala bilang Arturo.
"Ah—" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.
"Nakiani ka po ng palay sa kabilang bayan, hindi ba?" wika niya saka ngumiti at pinahiga na ulit ako sa kama. "Nagsusuot din ako ng kamiso kapag nag-aani kami ng palay nina inay at itay" dagdag niya habang nakangiti saka naglakad na papalabas sa kwarto.
Napatulala lang ako sa mga pangyayari. Hindi ako makapaniwala na naaalala na nila ako!
Natauhan ako nang biglang bumukas ulit ang pinto, pumasok si Amalia bitbit ang isang tasa. Kayumanggi ang kaniyang balat, mapupungay ang mga mata at sadyang tuwid at makintab ang kaniyang mahabang buhok. Umupo siya sa silya saka inabot sa'kin ang dala niyang maliit na tasa. "Makakatulong ito upang bumuti ang iyong pakiramdam" wika niya, tulad ni Maria Florencita ay mahinhin ang character na kaniyang ginagampanan.
Tiningnan ko muna siya bago ko ininom iyon. Mapait na medyo maalat ang lasa ng gamot. Nang maubos ko iyon ay kinuha na niya ang tasa sa kamay ko. "Ibig ko sanang malaman kung bakit ang pakilala mo sa aking pamilya ay magkaibigan tayo sa Bulakan?" tanong niya pero hindi naman siya mukhang nang-aaway.
Napakagat ako sa aking ibabang-labi, "Dinala ka ni inay at itay dito kagabi nang walang malay. Ayon sa kanila, natagpuan ka nila sa daan. Hindi ko na nagawang tanungin sa kanila kung sino ka dahil sila mismo ang nagsabi sa akin na matalik kitang kaibigan sa beateryo"
Napayuko na lang ako, "Huwag ka mag-alala, hindi nila nalalaman na hindi tayo magkakilala" patuloy niya, napahinga na lang ako nang malalim habang nakatitig sa mga kuko kong namamalat at namumutla ngayon.
"Pasensiya na. Hindi ko naman ginusto na magsinunggaling kaya lang..." napatingin ako sa kaniya, taimtim siyang nakikinig sa'kin. Si Amalia ay isang mabait na character na ang tanging gagampanan ay makipagtanan sa isang guardia civil at mamatay sa mga susunod na kabanata na siyang magiging pangunahing dahilan kung bakit magsisimulang lalong magalit ang mga rebelde sa pamahalaan.
"Kaya lang wala akong naisip na iba pang paraan. Wala akong kakilala dito, wala akong ibang matutuluyan" parang kumirot ang puso ko nang sabihin ko iyon. Kung hindi ko inunahan ang pagkamatay ng sindi ng lampara, siguradong kasama ko ngayon ang totoong pamilya ko.
Hindi nakapagsalita si Amalia, ilang segundong natahimik kaming dalawa. "Aking nararamdaman na hindi ka masamang tao. Maaari kang manatili rito, aalis na ako sa Sabado. Kailangan ko nang bumalik sa Bulakan" saad niya, sa pagkakataong iyon ay napatulala lang ako sa kaniya. Sa oras na bumalik siya doon, ilang araw lang ay mamamatay na rin ang character niya.
Tumayo na siya saka naglakad papunta sa pintuan, "Siya nga pala, maaari rin naman tayong maging totoong magkaibigan" ngiti niya dahilan para mas lalo akong makaramdam ng konsensiya.
TULALA akong naglalakad pabalik sa mansion ng pamilya Garza. Tanghali na, pinakain muna ako ng tanghalian nila Aling Pacing bago pinayagang umalis. Sinabi ko sa kanila na nagtatrabaho na ako sa pamilya Garza pero hindi ko sinabi na nagpapanggap ako bilang lalaki na siyang kutsero at bantay ni Maria Florencita.
Pagpasok ko sa loob, napatigil ako nang makita si Maria Florencita at Sebastian sa salas. Nag-uusap sila habang nakatayo sa gilid si Orinina. "Narito ka na!" napatayo si Maria Florencita at agad tumakbo papalapit sa'kin. Balak niya sana akong yakapin pero siguradong magugulat sila Ornina at ang iba pang mga kasambahay kapag niyakap niya si Arturo.
"Saan ka nagtungo? Buong gabi ka naming hinanap" wika niya sabay tingin kay Sebastian na ngayon ay nakatingin lang sa'kin. Napaiwas naman ako ng tingin sa kaniya, "Ah, pumunta lang ako sa mga kaibigan ko. Pasensiya na kung hindi ako nakapagsabi" tugon ko, tumango ng dalawang ulit si Maria Florencita, bakas sa mukha niya na nag-aalala siya sa'kin.
"Kumain ka na ba? Hindi pa kami kumakain. Sabayan mo kami sa azotea" wika ni Maria Florencita saka mabilis niyang pinag-utos sa mga kasambahay na dalhin na ang mga pagkain sa azotea. "Ornina, maaari ka nang magpahinga. Si Arturo na lang ang sasama sa amin" wika ni Maria Florencita, tumango naman si Ornina at nagtungo sa kusina.
Tatanggi sana ako pero wala na akong nagawa dahil alam kong hindi ako tatantanan ni Maria Florencita, mas komportable siya magsalita kapag ako ang kasama niya dahil sinusumbong ni Ornina kay Don Florencio ang mga naririnig nito mula sa señorita.
Tumayo na rin si Sebastian at sumunod sa amin sa azotea. May isang pabilog na mesa roon at apat na silya. Hinila ni Sebastian ang isang silya upang paupuin si Maria Florencita. Magalang naman na nagpasalamat sa kaniya ang dalaga. Hihilahin niya sana ang isang upuan sa tabi nito para paupuin ako pero inunahan ko na siya. Agad kong hinila ang upuan at umupo roon ng kusa.
Umupo na siya sa kanan ni Maria Florencita na nasa tapat ko. "Maaliwalas ang langit at sariwa rin ang simoy ng hangin. Hindi ba't napakaganda ng panahon ngayon" ngiti ni Maria Florencita, nagkatinginan kami ni Sebastian pero ako ang unang umiwas ng tingin. Tumango lang kaming dalawa sa sinabi ni Maria Florencita.
Alam kong hindi dapat ako mailang kay Sebastian pero malakas ang pakiramdam ko na naaalala na rin niya na ako si Tanya na espiya niya dati para alamin ang mga hakbang ng mga rebelde. Nawala na ako dati ng dalawang buwan at ngayon nawala ulit ako ng ilang buwan, nagpanggap na lalaki at nagpanggap na hindi siya kilala.
Si Maria Florencita ang nanguna sa pagdarasal at nagsimula na kaming kumain. "Siya nga pala, anong nangyari kagabi? Bakit may mga kalesa at kabayong tumagilid sa daan?" tanong ni Maria Florencita kay Sebastian.
Napatigil ako sa pagkain, wala ba silang ideya na nawalan din sila ng malay? "Ayon sa mga nakakita, halos karamihan sa mga kabayo ay nanghina. Naglabas na rin ng utos mula sa pamahalaan na palawigin ang pag-iingat sa paghihinala na may sakit na kumakalat ngayon" paliwanag ni Sebastian.
Napansin ko na hindi niya kinakain ang pasas na nakahalo sa gulay na ulam na hindi ko alam kung anong tawag doon. "Nakakabahala naman ang mga nangyayari" wika ni Maria Florencita saka mahinhin na uminon ng tubig.
Ilang sandali pa, may kalesang tumigil sa tapat ng kanilang bahay. Bumaba roon si Don Florencio. Agad siyang sinalubong ni Maria Florencita. Tumayo naman kami ni Sebastian para batiin ang Don. "Maria anak, kailangan kitang makausap sandali" wika ng Don saka sumenyas sa'min na kakausapin niya muna ang anak sa kaniyang opisina.
Nagkatinginan lang kami ni Sebastian nang makaalis sila. Gusto ko na sanang umalis doon para makapagpahinga pero nagsalita si Sebastian. "Sandali..." napatigil ako at napatingin sa kaniya, tinuro niya ang mga pagkain sa mesa. "Hindi natin maaaring iwan nang ganito ang pagkain" patuloy niya, hindi pa kami tapos kumain at isang kamalasan sa panahong ito ang magsayang ng pagkain at iwan lang ito sa mesa.
Napatikhim na lang ako, "T-tama ka" saad ko saka mabilis na umupo. Gusto ko sanang bilisan ang aking pagkain para makaalis na ako pero ayoko namang isipin niya na ngayon lang ako nakakain matapos ang ilang araw. "Siya nga pala, ibig kong itigil mo na ang iyong pagtatago sa katauhan bilang Arturo" wika niya dahilan para mapatigil ako sa pagkain at napatingin sa kaniya.
Tulala akong nakatitig sa kaniya habang puno pa ng pagkain ang aking bibig. "Sa oras na malaman ng iba na ikaw ay nagpapanggap bilang lalaki. Tiyak na dadalhin ka sa hukuman, aalamin nila kung bakit mo itinatago ang iyong katauhan. Maaakusahan ka bilang espiya o kaya naman ay isang kawatan na may pinagtataguan" paliwanag niya habang patuloy sa pagkain nang hindi tumitingin sa'kin.
Napahinga na lang ako ng malalim, tama naman siya. Mas mahirap tumanggi kapag nahuli ka sa akto. "Wala naman silang ebidensiya na espiya ako o ano. Mas okay na 'to kaysa maging babae ng kung sinong butanding na opisyal" tugon ko saka uminom ng pineapple juice. Medyo weird ang lasa dahil wala itong yelo.
"Nabanggit nga sa akin ni Maria Florencita na kaya ka nagpapanggap bilang lalaki ay dahil may isang opisyal na ibig kang gawing isang babaeng bayaran" wika niya, hindi naman ako nakapagsalita. Hindi pa nga ako nagiging babaeng bayaran pero nakita na niya ang lahat sa'kin.
"Ako na ang bahala kay Don Severino" patuloy niya dahilan para mapanganga ako. Napatingin siya sa'kin, "Isara mo ang iyong bibig" natauhan ako sa sinabi niya saka uminom ng tubig. "Paano mo nalaman na si Don Severino ang tinutukoy ko?"
"Hindi ba't narinig natin ang usapan nila ni ama noong nagtago tayo sa..." hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang maalala niya kung paano ko siya niyakap sa loob ng aparador. Bigla siyang nasamid at uminom ng tubig.
Napayuko na lang din ako, ang dami palang beses na naging mapangahas at mapusok ako sa kaniya. "Ewan ko ba kung bakit ang dumi ng utak ng butanding---" napatigil ako sa pagsasalita nang mapagtanto ko kung ano 'yung huling sinabi niya.
Naalala niya na nagtago kami sa aparador! Ibig sabihin ay naaalala na niya ako bilang Tanya!
Tiningnan ko pa siya nang mabuti, ayoko magpadalos-dalos. Bukod sa nakakahiya, masyado siyang matalino para maloko ko ulit. Napatikhim ako saka umayos ng upo, ilang minuto kung inisip kung paano ko malalaman na naalala na talaga niya ng buong-buo.
"Narinig mo na ba 'yung tungkol sa bagong awitin na inaawit ngayon sa kabilang bayan?" tanong ko, napatingin siya sa'kin. Ganiyan nga Sebastian, tumingin ka sa'kin para makuha ko ang buong atensyon mo.
Ilang segundo lang siyang nakatingin sa'kin, hinihintay ko na tanungin niya kung ano iyon. "Hindi mo ba ibig malaman?" patuloy ko, ngumiti ako ng kaunti para magmukha akong friendly ngayon sa harapan niya.
"Dapat ko bang malaman?" tanong niya saka nagpatuloy sa pagkain. Gusto kong sumabog at magsabi ng masasamang words. Palagi na lang niyang sinisira ang trip ko.
"Palibhasa wala ka kasing taste sa music. Hindi ka nga rin marunong kumanta e, pareho pang kaliwa 'yang paa mo kaya kapag sumasayaw ka, para kang semento" mukhang hindi naman niya naitindihan ang sinabi ko. Tumigil siya sa pagkain, napahalukipkip saka tumingin sa'king ng diretso.
"Ano ba ang ibig mong sabihin?" seryoso na ang mukha niya. Bakit siya 'yung galit? 'Diba dapat ako kasi siya 'yung snobber at walang kwenta kausap diyan.
Hindi rin ako nagpatalo, napahalukipkip din ako. "Ang punto ko ngayon, 'wag kang masyadong masungit diyan. Oo, ganyan talaga ang character mo pero nakakainis kasi. Babanat pa naman sana ako ng joke pero sinisira mo na agad 'yung mood"
"Hindi ko maunawaan ang iyong mga sinasabi" iyon lang ang sinabi niya saka napailing. Napagtanto ko na hindi ko rin naman siya masisisi talaga dahil ako ang gumawa ng character niya. Ganiyan talaga siya, masungit, tipid magsalita at straight to the point.
Napahinga ako nang malalim, ito ang isa sa malaking challenge sa'kin. Kailangan kong mapakisamahan nang mabuti ang mga ganitong character. "Gan'to, kapag sinabi kong knock knock... Sabihin mo, who's there" wika ko, kailangan mas habaan ko ang aking pasensiya pagdating sa kaniya.
Nakatingin lang siya sa'kin, ngumiti ako para iparamdam sa kaniya na hindi siya mabibigo sa gusto kong mangyari. "Hus der?" saad niya, napapikit na lang ako at pilit kong pinipigilan ang aking tawa. Kailangan ko maisakatuparan 'to.
"Yan tama! Ulitin natin" ngiti ko, pilit kong pinipigilan na matawa sa harapan niya.
"Knock knock?" patuloy ko saka sumenyas pa na parang kumakatok sa pinto.
"Hus der" saad niya na para bang isa siyang professional at may seryoso kaming meeting ngayon.
"Dubidubidiwapwap" ngiti ko, napakapit ako sa silya, kailangan kong pigilan ang aking tawa. Hindi na ako makapaghintay na sabihin niya ang iconic line na ito.
"Hindi ba't iyan ang sinabi mong lihim na salita na gagamitin nating dalawa?" wika niya dahilan para lumaki ang mga mata ko sa gulat. Naaalala na nga niya!
"Hindi ko na ibig alamin kung bakit ka nawala nang matagal. Wala na rin ako sa posisyon, kung ibig mo pa ring magsilbi sa pamahalaan bilang espiya ng mga rebelde, iyong kausapin si Roberto" wika niya saka uminom ng tubig. "Aalis na ako" patuloy niya saka tumayo at naglakad papalabas.
Sinabihan pa siya ni Ornina na malapit nang matapos ang pag-uusap nina Don Florencio at Maria Florencita ngunit sinabi niya na kailangan na niyang umalis. Napatulala na lang ako sa kaniya at sinundan ang kalesang sinasakyan niya papalayo.
Hindi ko alam kung nagalit ba siya sa knock knock joke ko? o sa katotohanan na hindi na siya heneral? o kaya naman dahil nawala ulit ako ng dalawang buwan?
"SA aking palagay ay mas makabubuti kung huwag ka nang magpanggap bilang Arturo" wika ni Maria Florencita, nagtatahi kami ngayon sa kwarto niya. Ayoko sanang magtahi kaya lang wala naman akong ibang maisip na gawin dito.
"Nakausap ko si Sebastian kanina, ang hinala niya ay si Don Severino ang opisyal na may pagnanasa sa iyo" patuloy niya, napahinga na lang ako ng malalim. "Oo. Si Don Severino nga ang tinutukoy ko"
Napatigil si Maria Florencita sa pagtatahi at gulat na napatingin sa'kin. "Sadyang napakatalino ni ginoong Sebastian. Aking hindi akalain na tama ang kaniyang hinala" ngiti niya sa sarili.
"Mas matalino si Lorenzo. Charot lang 'yon ni Sebastian" saad ko, naalala ko na naman ang kinilos ni Lorenzo noong huling beses na nagkausap kami. Mababaliw na ako kapag may isa pang character ang malihis ng landas.
"Charot?" nagtatakang tanong ni Maria Florencita. Natawa na lang ako, hindi bagay sa kaniya sabihin ang salitang iyon.
"Charot... Parang mga galawan 'yon ni Sebastian. Minsan kasi nag-bibida bida rin siya. Pareho sila ni Lorenzo na bida-bida" napahinga ako ng malalim saka madiin na tinahi ang punda ng unan.
"Kaya na-iistress ako sa kanilang dalawa kasi ginagawa nila 'yung mga hindi dapat gawin. Sasabihin nila 'to. Sasabihin nila 'yon. Sasasabihin nila 'yung mga gusto nilang sabihin. Gagawin din nila 'yung gusto nilang gawin. Oo alam ko na may kasalanan din ako kaya nagugulo 'tong kwento pero nakakadagdag talaga 'yung mga kilos nilang hindi naaayon sa takbo ng istorya" napakunot ang noo ni Maria Florencita, pilit niyang sinundan lahat ng sinabi ko.
"May nagawa ba silang mali sa iyo?" tanong niya, napahinga na lang ako nang malalim. Mabuti na lang dahil mabait, masunurin, magalang at mahinhin ang character ni Maria Florencita kaya hindi siya nahahawa sa kabaliwan ko.
"Kalimutan mo na 'yon. Nawawala lang ako sa aking sarili" tugon ko, tumango-tango na lang siya saka nagpatuloy sa pagtatahi.
"Siya nga pala, maaari ka pa rin naman manatili rito sa aming tahanan. Ikaw na lang ang magiging kapalit ni Ornina" ngiti niya.
"Anong mangyayari kay Ornina?" tanong ko, hindi rin sila gano'n kalapit sa isa't isa. "Maaari siyang tumulong sa kusina o kaya naman ay umuwi na lang sa kanila kung gugustuhin niya" tugon niya, napatahimik na lang ako. Hindi ako pwedeng pumalit sa posisyon ng isang character. Siguradong magkakaroon na naman ng malaking puwang ang istorya at magiging kulang-kulang ito dahil hindi naman ako nag-eexist sa libro mismo.
Umiling ako, "Wag na. Kailangan ni Ornina ng trabaho. Bukod doon, hindi ko rin kayang iwan si Doggie. Napamahal na ako sa kaniya"
"Sino si Doggie?"
"Yung kabayo mo" napaisip si Maria Florencita sa sagot ko.
"Guilliermo ang pangalan ng aking kabayo" napatingin ako sa kaniya. Mas maganda pala ang pinangalan ni Maria Florencita sa mga pag-aari niya. Mukhang masama ang loob sa'kin ng kabayo niya dahil mas maganda pala ang pangalan nito.
Natahimik kami ng ilang minuto. Focus din ako sa pagtatahi dahil malapit ko na itong matapos. "Tanya. Sinabi rin sa'kin ni Sebastian na kung maaari ay hahanap siya ng kapalit mo bilang kutsero at bantay ko" wika niya dahilan para mawala ang atensyon ko sa pagtahi at mapatingin ulit sa kaniya.
"Hindi ko batid kung paano niya nalaman na ikaw ay isang babae ngunit sa aking palagay ay dahil sa naging pagsasanay niyo" patuloy niya. Hindi ako nakapagsalita.
"Ibig niya na isang bihasa sa pakikipaglaban ang aking maging bantay upang hindi raw ako mapahamak" hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman.
Alam ko naman na wala dapat ako sa posisyon na 'to at ayoko rin malagay ang buhay ko sa panganib pero hindi ko alam kung bakit nasaktan ako nang malaman na mas nag-aalala si Sebastian sa kalagayan ni Maria Florencita at wala siyang tiwala sa kakayahan ko.
"Sa katunayan, may punto rin siya. Malalagay ka rin sa kapahamakan. Tayong dalawa" hindi na ako nagsalita. Tumango na lang ako. Ayoko rin naman dumating 'yung araw na ako ang sisihin niya kapag may masamang nangyari kay Maria Florencita.
MAKALIPAS ang dalawang araw. Maayos ko nang naligpit ang lahat ng gamit ko. Isang sako lang naman iyon dahil wala naman akong masyadong gamit dito at hindi rin gano'n kalaki ang pa-sweldo ng pamilya Garza.
"Mag-iingat ka ha. Nawa'y bumisita ka rin dito nang madalas" saad ni Maria Florencita habang nakayakap sa'kin. Nandito kaming dalawa sa loob ng maliit kong kwarto. Halos alam na ng lahat na aalis na si Arturo. Kay Maria Florencita ko lang sinabi na magbibihis babae na ulit ako at magiging serbidora ulit sa panciteria nila aling Pacing.
Tumango ako sa kaniya. Kahit papaano ay mamimiss ko rin siya at ang maganda nilang mansion kung saan nakakatulog at nakakaligo ako sa kwarto niya.
Lumabas na kaming dalawa. Nakaabang sa kusina ang mga kasambahay, may iilang nagsabi na mag-ingat ako sa aking paglalakbay pauwi sa probinsya pero karamihan sa kanila ay nagsabing sa wakas ay nagpakalalaki na ako at papanindigan ko na ang nabuntis kong kasintahan.
Bago ako makalabas sa pintuan ng kanilang mansyon. May isang magarang kalesa ang tumigil sa harapan. Bumaba roon si Roberto, "Magandang umaga, binibini" bati ni Roberto kay Maria Florencita habang nakatingin ito ng diretso sa mga mata ng dalaga.
Anong ginagawa niya dito?
Bago pa ako makapagsalita ay nakapasok na sila sa loob at magiliw na tinanggap ni Maria Florencita ang bisita.
DALAWANG araw na rin akong tumuloy sa Panciteria. Hindi naman ako nahirapan dahil sanay na ako roon. Medyo nahirapan lang ako magbihis ulit ng baro't saya dahil mas komportable gumalaw suot ang kamiso at pantalon.
Naging malakas muli ang benta ng Panciteria. Madalas sabihin nina Aling Pacing at Mang Pedro na swerte raw ako, hulog ng langit o isang diwata dahil lumakas ang kita ng kainan nila nang dumating ako ulit.
Nakatayo kami ngayon sa labas habang isa-isang hinahakot ng mga kaibigan ni Mang Pedro ang gamit ni Amalia pasakay sa kalesa. Ngayon na ito babyahe pabalik sa Bulakan. Hindi na mapigilan ang pagluha ni Aling Pacing at Lolita habang nakayakap kay Amalia. Tahimik naman at nakayuko si Mang Pedro.
Gusto ko siyang pigilan umalis pero ito ang nakatakda sa kwentong ginawa ko. Kung hindi siya mamamatay. Walang pag-aalsa ng mga rebelde ang sunod na mangyayari na siyang magpapabagsak kay Roberto bilang heneral.
Tumingin sa'kin si Amalia at ako naman ang niyakap niya, "Ikaw muna ang bahala kay inay at itay. Sandali pa lang tayo nagkakasama ngunit masaya akong maramdaman kung paano magkaroon ng kapatid" ngiti nito, saka bumitaw sa pagkakayakap sa'kin at humawak sa kamay ko.
"Hindi ka nga lang marunong gumalang sapagkat hindi mo ako tinatawag na ate" ngiti niya dahilan para mapangiti na rin ako. Mas matanda siya sa'kin ng isang taon ayon sa edad niya sa kwentong ito pero hindi ako sanay na tawagin siyang ate.
"Mag-iingat ka, ate Amalia" ngiti ko at sabay kaming natawa. Kahit papaano ay nabawasan ang konsensiya na nararamdaman ko para sa kaniya. Hindi man siya ang bida sa kwentong ito pero ang pagkamatay niya ay siyang magtutuloy sa sunod na yugto ng nobela.
Nang gabi ring iyon, naabutan ko si Lolita sa kusina. Nag-aaral siya magbasa at magsulat. "Maaga pa bukas magbubukas ang Panciteria, matulog ka na" wika ko saka umupo sa tabi niya. Inilapag ko ang baso ng tubig na kinuha ko.
"Hindi ako makatulog ate Tanya. Nangungulila ako kay ate Amalia" saad niya saka nagpatuloy sa pagsusulat sa isang kuwaderno.
"Ang sabi ni inay, maaari rin akong sumunod sa beateryo kung aking iibigin ngunit wala kaming sapat na salapi" patuloy niya, hinawakan ko ang kamay niya at tinuro ang tamang pagsulat ng letrang M.
"Bukod doon, ibig kong makapangasawa" hirit niya dahilan para matawa ako. Mabuti na lang nakakausap ko na ulit siya ng ganito.
"Tiyak na mahuhulog din ang loob sayo ni Niyong" ngiti ko pero hindi siya ngumiti. Nagpatuloy lang siya sa pagsusulat. "Hindi siya ang ibig kong mapangasawa ate Tanya. Ang tinutukoy ko ay si ginoong Arturo" napanganga ako sa sinabi niya.
"Aking nabalitaan na umuwi na si ginoong Arturo sa kaniyang bayan upang pakasalan ang kaniyang kasintahan na nagdadalang-tao na" malungkot na saad niya. Ngayon alam ko na kung bakit siya malungkot at nag-iisa ngayon.
"Ni hindi ko man lang naibalik sa kaniya ang kaniyang kabutihang loob. Ni hindi ko rin naipamalas sa kaniya ang aking paghanga dahil iba siya sa mga kalalakihang aking nakilala. May puso siyang matulungin" hindi ko alam ang sasabihin ko. Kung alam niya lang na hindi talaga ako matulunging tao.
"Sayang nga lang at hindi mo siya nakilala ate Tanya. Tiyak na mahuhumaling ka rin sa kaniya" wika niya sabay ngiti sa'kin. Napangiti na lang din ako, kung alam lang din niya na pareho kong katauhan sina Arturo at Tanya.
Pinagmasdan ko pa siyang mabuti, ayoko naman hayaan na malungkot siya nang ganito. Naalala ko ang ipinangako ko sa kanila ni Niyong noon, "May gagawin ka pa bukas?" tanong ko sa kaniya, napailing lang siya.
"Kung gayon, may pupuntahan tayo" ngiti ko.
ALAS-DIYES na kami nakaalis sa Panciteria matapos ang pagdating ng mga tao para sa almusal. Naghanda ako ng mga prutas at tinapay. Si Lolita naman ang gumawa ng suman at iba pang kakanin. Inilagay namin iyon sa basket saka masayang naglakad papunta sa tindahan ng mga libro.
Araw ng Linggo. Sarado ngayon ang tindahan ng mga libro. Napangiti ako nang makita si Niyong sakay ng kalesa. Nasa tapat iyon ng tindahan. Nakausap ko siya kaninang umaga at napilit na sumama sa akin ngayong araw.
"Binibini, batid ko na kakarating mo lamang ngunit ibig kong magpahinga ngayon sapagkat nalulungkot pa ako sa pag-alis ng aking kaibigan. Hindi man lang siya nagpaalam sa akin" saad ni Niyong, nakapila kami sa panaderia para bumili ng pandesal.
"Sinong kaibigan?"
"Ginoong Arturo ho ang kaniyang pangalan"
Napahawak na lang ako sa aking noo, nakalimutan ko na hindi niya pala alam na hindi naman lalaki si Arturo. Hindi na rin ako nakapagpaalam sa kaniya sa katauhan ni Arturo.
"Kaya nga sumama ka sa'kin mamaya. Magsasaya tayo"
"Saan ho tayo tutungo?"
"Basta. Pupuntahan ka namin sa pamilihan. Dalhin mo ang kalesa para may sasakyan tayo"
"Niyong!" tawag ko sa kaniya, nagtataka siyang napatingin nang makita si Lolita na nakakapit sa braso ko. Inilapag ko na ang basket sa loob ng kalesa at sumakay na kami roon ni Lolita "Pasensiya na kung natagalan ang ipinangako ko sa inyo noon. Mamamangka tayo sa ilog ngayon!" ngiti ko sa kanilang dalawa.
Wala namang reaksyon si Lolita, tahimik lang siya at medyo nahihiya sa presensiya ni Niyong. Puro Arturo pa siguro ngayon ang tumatakbo sa isipan niya.
Hindi naman nagsalita si Niyong, mukhang malungkot pa rin siya sa pag-alis ni Arturo. "Halika na. Umalis na tayo. Dapat bago mag-tanghalian, nandoon na tayo" patuloy ko pero biglang bumukas ang pinto ng tindahan ng mga libro.
Nanlaki ang aking mga mata nang makita roon si Sebastian, nakasuot siya ng pulang kamiso at puting pantalon. Ngayon ko lang siya nakitang mag-suot ng kamiso ngunit masasabi kong bagay na bagay din sa kaniya lalo na ang paghapit ng magkabilang manggas nito sa kaniyang braso.
Kinandado niya ang pinto ng tindahan saka naglakad papalapit sa kalesa. "Binibini, pag-aari ho kasi ni Señor Sebastian ang kalesang ito kung kaya't sinabi niya na sasama siya" wika ni Niyong sabay kamot ng ulo.
Nagulat na lang kami nang bigla siyang sumakay sa kalesa. Nasa tabi ko siya ngayon. Nasa gitna nila ako ni Lolita. "Handa na ho ba kayo?" tanong ni Niyong. Tumango lang si Lolita habang wala namang reaksyon si Sebastian.
Samantala, napatulala na lang ako ng diretso sa daan na parang istatwang hindi makagalaw habang pilit na naglalaro sa aking isipan ang ideya na mukhang may double date kami ngayon.
***********************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top