Kabanata 17
[Chapter 17]
MABILIS akong gumapang sa ilalim ng kumot at itinaklob iyon. Narinig ko ang mabagal na hakbang ni Sebastian papasok. Nanatili lang si Ornina sa tapat ng pintuan habang nakatalikod. Ano bang ginagawa ni Sebastian dito sa kalagitnaan ng gabi?
Narinig ko ang paggalaw ng silya. Siguro ay umupo siya roon. "Ibig kong humingi ng paumanhin. Batid kong natutulog ka na kung kaya't hindi na kita gigisingin" panimula niya. Binuksan niya ang bintana dahil narinig ko ang pag-usog niyon.
Pinagpapawisan ako sa kaba. Inangat ko nang kaunti ang kumot upang silipin siya. Nakatingin lang siya sa bintana habang nakaupo sa silya. "Sa katunayan, may bumabagabag sa aking isipan. Batid kong paniginip lamang iyon na maaaring kaya ko nararanasan dahil natunghayan ko kung paano namatay si ina. Hindi ba't nakwento ko na iyon sa iyo noong mga bata pa tayo?" patuloy niya saka napahinga nang malalim at tumingin sa sahig. "Marahil ay hindi mo na siguro naaalala"
Napapikit na lang ako. Hindi na talaga naaalala ni Maria Florencita dahil ginawa ko ang character niya na tanging si Lorenzo lang ang kaniyang iibigin. Lahat ng tungkol kay Sebastian ay hindi mahalaga sa bidang babae.
Iyon naman ang dapat mangyari hindi ba? Palaging nauuwi sa wala ang pag-ibig ng second male lead. Dahil sila lang naman ang mga characters na susubok sa tatag ng pagmamahalan ng dalawang bida sa istorya.
"Hindi ko batid kung bakit ganito ang aking nararamdaman. Tila may kulang sa mga nangyayari. Pakiramdam ko ay may nasasabihan ako ng mga ganito noon ngunit wala akong maalala. Pilit kong hinahanap sa iyong tingin kung ikaw ba ang napagsasabihan ko ng mga saloobin. Subalit tila wala ka ring ideya sa mga nangyayari"
Muli ko siyang sinilip sa ilalim ng kumot, nakatingin na muli siya sa bintana. Ibig sabihin, nararamdaman din niya na parang may kulang at nawawala rito sa mundo nila? Posible kayang maalala niya na nagkita na kami dati pa bago ko i-edit ang kwentong ito?
Biglang hinangin ang mga papel na nakapatong sa mesa dahil nakabukas ang bintana. Nahulog ang mga papel sa sahig, malapit sa ilalim ng kama kung saan nagtatago si Lorenzo. Tumayo si Sebastian at pinulot niya isa-isa ang mga papel.
Napapikit na lang ako sa kaba. Hindi niya sana makita si Lorenzo sa ilalim ng kama dahil siguradong magbabago at magugulo na naman ang mga nakatakdang mangyari sa kwento.
Nakahinga ako nang maluwag nang makuha na ni Sebastian lahat ng papel at ibinalik iyon sa mesa. Hindi niya nakita si Lorenzo sa ilalim dahil madilim ang buong kwarto. Paupos na rin ang sindi ng kandila. "Matulog ka na nang mahimbing. Hindi mo man narinig ngayon ang mga sinabi ko, kahit papaano ay ibig kong malaman mo na handa kong ipagkaloob ang aking tiwala sa iyo dahil ikaw ang aking mapapangasawa" wika niya habang sinasara ng dahan-dahan ang bintana.
Pinatay na rin niya ang sindi ng kandila saka lumabas ng kwarto. Isinara na ni Ornina ng dahan-dahan ang pinto at muling naghari ang dilim at nakabibinging katahimikan sa loob ng silid.
Tulala kong inalis ang kumot na nakataklob sa'kin at napatitig sa kisame. Tama nga ang hinala ko, napapanaginipan na niya ulit ang magiging kamatayan niya na bahagi ng pagwawakas ng kwentong ito. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit nalalaman niya iyon sa panaginip?
Nagulat ako nang biglang lumabas si Lorenzo sa ilalim ng kama. "Hoy!" tawag ko sa kaniya dahil agad siyang tumakbo sa bintana, binuksan iyon at lumundag pababa. Mabilis siyang sumampa sa bakod at naglaho sa dilim.
Hindi ko akailang magagawa akong takasan ng gano'n ni Lorenzo.
"SAAN ka ba nagpunta kagabi?" tanong ko kay Maria Florencita, kanina pa siya tahimik. Kasalukuyan kaming nasa kalesa. Ihahatid ko siya sa simbahan para sa kumpisal na ginagawa niya isang beses kada linggo.
"Wala siyang kwentang lalaki" wika niya na ikinagulat ko. Agad kong pinahinto ang kabayo sa pagtakbo at lumingon sa kaniya. "Inakala ko pa naman na naiiba siya sa lahat" patuloy niya, kasabay niyon ay bumagsak na ang kaniyang mga luha. Itinaklob niya ang hawak niyang panyo sa kaniyang mukha at nagpatuloy sa pag-iyak.
"Anong nangyari? Bakit ba hindi kayo nagkita ni Lorenzo?" nagpatuloy lang siya sa pag-iyak at nang mahimasmasan na siya ay dahan-dahan niyang pinunasan ang kaniyang mga luha.
"Hindi siya dumating sa aming tagpuan. Naghintay ako roon nang matagal" hikbi niya saka tumingin sa'kin, "Paano mo nalaman ang kaniyang pangalan?" natigilan ako. Hindi pa pala niya sa'kin nakwekwento ang pagtingin niya kay Lorenzo.
Nagpaikot-ikot ang aking mata, "Ah, dumating kasi siya kagabi. Hinahanap ka niya. Nagpakilala siya sa'kin kasi sinabi ko na ipapatawag ko ang mga bantay at ipapaaresto siya" natahimik si Maria Florencita saka nag-isip nang malalim.
"Pinuntahan niya ako sa aking silid kagabi?" sa pagkakataong iyon ay tila nawala na ang kunot ng kaniyang noo.
Tumango ako, "Oo, nag-aalala siya sayo. Hindi niya rin alam kung nasaan ka. Siguradong nagkasalisi kayo!" saad ko, napaisip muli siya. Hindi siya pwedeng magtampo o magalit kay Lorenzo. Nagsisimula pa lang ang kanilang pagtitinginan.
"Kung nakita mo lang kung gaano siya nabahala na wala ka sa iyong silid. Handa niyang libutin ang buong mundo at halughugin ang bawat sulok ng bansa para mahanap ka lang" dagdag ko. Napakagat si Maria Florencita sa kaniyang ibabang labi. "Handa niya bang gawin iyon para sa'kin?" tanong niya, tumango ako ng ilang ulit para mas lalo siyang makumbinse.
"Lumundag pa siya sa bintana at mabilis na umalis para hanapin ka. Sa kasamaang palad, nagkasalisi nga kayo" umayos ng upo si Maria Florencita saka inayos ang ilang hibla ng kaniyang buhok na nagulo dahil sa pag-iyak niya kanina.
"Ngunit hindi niya pa rin ako kinukumusta hanggang ngayon. Kailangan ko marinig ang kaniyang paliwanag" wika niya, napahinga na lang ako nang malalim. In short, gusto niyang suyuin siya ni Lorenzo.
"Sandali, kung nakausap mo siya kagabi... Hindi siya nagtanong kung sino ka?"
Napalunok ako, "H-hindi naman siya nagtanong. Ikaw kasi ang inaalala niya. Wala na siyang pakialam sa ibang bagay" napangiti si Maria Florencita nang sabihin ko iyon. Siguradong kinikilig siya sa ideya na mahalagang-mahalaga siya kay Lorenzo.
Pinatakbo ko na ulit ang kabayo, "Kaya 'wag ka na umiyak, siguradong magtataka ang lahat dahil namamaga ang mata mo" tumango-tango siya saka inayos muli ang kaniyang sarili.
"Kailangan maayos agad ang misunderstanding sa pagitan niyo ni Lorenzo. Kaya maraming relasyon ang nasisira kasi pataasan ng pride 'yung mga mag-jowa at 'di nila pinag-uusapan ng maayos 'yung mga problema nila" patuloy ko, naalala ko na naman si Pia at 'yung boyrfriend niya na pinaglihi ata sa pride.
"Ano ang iyong sinasabi?" nagtatakang tanong ni Maria Florencita. Ngumiti ako sa kaniya at lumingon, "Wala. Ang sabi ko bagay talaga kayo ni Lorenzo"
Narating na namin ang bayan. Mas mabagal na ang pagpapatakbo ko sa kabayo dahil maraming mga tao ang naglalakad sa daan. "Siya nga pala, nabanggit sa'kin ni Ornina kanina na bumisita raw si Sebastian sa aking silid kagabi" napapikit ako, isa pang malaking problema ang nangyayari kay Sebastian.
"Anong sinabi niya?" patuloy ni Maria Florencita. Napahinga ako nang malalim, hindi ko naman sa kaniya pwedeng sabihin na napapanaginipan ni Sebastian ang kamatayan nito.
"H-hindi ko matandaan. Tulog na ata ako 'nung dumating siya" tugon ko, hindi ko gustong magsinunggaling sa kaniya ngunit may mga bagay na mas mabuting hindi na lang niya malaman dahil baka mas lalong maging magulo ang Salamisim.
"Noong nakaraang gabi, ibig niya rin ako makita sa kalagitnaan ng gabi. Ngunit hindi naman niya sinabi sa akin kung bakit. Pakiramdam ko tuloy ay may bumabagabag sa kaniya"
"Baka nocturnal lang talaga si Sebastian. Mas gising ang diwa niya kapag gabi. Kaya siguro mukha siyang matamlay at walang imik pag umaga dahil hindi siya morning person"
"Sa totoo lang, nag-aalala ako sa kaniya"
"Siguradong nag-aalala rin sayo ng sobra si Lorenzo. Tiyak na ikakamatay niya kapag may nangyaring masama sayo"
"Hindi si Lorenzo"
Lumingon ako kay Maria Florencita. "Si Sebastian ang aking tinutukoy. Nag-aalala ako sa kaniya dahil tila may ibig siyang sabihin sa'kin ngunit hindi niya magawa"
Hindi ako nakapagsalita. Unti-unti nang nakukuha ni Sebastian ang atensyon ni Maria Florencita. Hindi niya dapat iniisip si Sebastian. Si Lorenzo lang dapat ang laman ng kaniyang isipan dahil siguradong maguguluhan siya sa kaniyang nararamdaman.
NASA loob ng confession room si Maria Florencita habang nagkukumpisal kay padre Emmanuel. Nakaupo lang ako at nakaharap sa altar. Hindi ko pa rin maitindihan kung bakit nauugnay lahat kay Sebastian ang mga nangyayari sa'kin. Maging ang mga kaunting kilos niya na wala sa takbo ng kwento ay nagdudulot ng malaking pagbabago sa mga susunod na eksena.
Ilang sandali pa, nakita ko si Lorenzo, mga pitong silya ang layo niya sa'kin. Nagdadasal siya nang taimtim.
Napasingkit ang aking mga mata. Hindi ko pa rin makalimutan na tinakasan niya ako kagabi. Nang matapos na siya magdasal, agad ko siyang sinundan papalabas.
Sinabayan ko siya maglakad, "Humingi ka na ba ng tawad kay Maria Florencita?" tanong ko habang nakatingin ng diretso sa daan. Napalingon siya sa'kin ngunit nagpatuloy pa rin kami sa paglalakad.
Tiningnan niya ako sandali saka ibinaling ang tingin sa daan. "Ikaw ang kutsero at bantay ni Maria Florencita hindi ba?"
Kilala niya pala ako bilang Arturo. Malamang dahil lahat ng nakapalibot kay Maria Florencita ay kinikilala niya nang mabuti. "Bakit hindi mo siya pinuntahan sa tagpuan niyo kagabi?" tanong ko na parang siga sa kanto. Naiinis pa rin ako sa pagtakas niya kagabi.
Nagulat ako nang tumawa siya na may halong pagkasarkastiko, "Ang bilis mo naman malaman. Tunay nga na pinagkakatiwalaan ka niya ng buong puso"
Inaalok kami ng ilang mga tindero at tindera ng kani-kanilang paninda. Nakapwesto sila sa labas ng simbahan. "Syempre kailangan ko siyang protektahan at---" napatigil ako sa pagsasalita at napatingin sa kaniya. Bakas sa mukha niya ang selos.
"Bakit mo ba ako hinahanapan ng sagot? Tiyak na nababatid mo sa iyong sarili kung bakit nahuli nang dating si Maria Florencita sa aming tagpuan dahilan para puntahan ko siya sa kanilang tahanan. Tiyak na sinamahan mo siya kagabi at iniligaw sa daan upang makasama mo siya nang matagal at hindi kami magkita" patuloy niya saka tumigil sa paglalakad saka tiningnan ako.
"Ibang babae ang naabutan ko sa kaniyang silid. Sinadya mo bang patulugin ang ibang babae roon upang mas makasama mo si Maria Florencita sa labas?" napanganga ako sa sinabi niya at napakurap ng dalawang beses. Ano bang pinagsasabi nito?
"Kasintahan ko ang babaeng iyon. At nagkakamali ka, hindi ko sinamahan si Maria Florencita. Mag-isa siyang pumunta---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil tumawa lang si Lorenzo.
"Ano pang kailangan niya sa'kin kung higit naman siyang maligaya sayo?" dagdag niya saka nagpatuloy na sa paglalakad. Naiwan akong tulala sa daan at ilang sandali lang ay natawa ako nang malakas sa gitna ng kalsada dahil hindi ako makapaniwala na pinagseselosan ako ni Lorenzo Cortes!
KINABUKASAN, maaga pa lang ay sinanay na kami ni Sebastian na sumuntok nang malakas. Paulit-ulit naming sinusuntok ni Niyong ang isang sako na puno ng buhangin. Natatawa ako sa aking sarili habang sinusuntok iyon. Hindi pa rin ako makapaniwala na nagselos si Lorenzo dahil masyado kaming close ni Maria Florencita at inaakala niyang lalaki ako.
"Niyong" tawag ko sa kaniya, dalawang dipa lang ang layo namin sa isa't isa. Abala naman si Sebastian sa pagpunas ng kaniyang baril. Medyo malayo siya sa'min.
Napalingon sa'kin si Niyong, "Sabihin mo nga sa'kin, sobrang gandang lalaki ko ba?" ngiti ko, napakunot naman ang noo ni Niyong habang patuloy pa rin kami sa pagsuntok sa sako ng buhangin.
"Hindi pa ho ba kayo kumakain ng agahan?" natawa ako sa sinabi niya.
"Huwag mo na sagutin. Alam ko namang nahihiya ka lang aminin na isa akong magandang nilalang. Sabagay, ang awkward naman kung sasabihin mong pogi ako. Ang mga lalaki talaga ay competitive" tawa ko saka tumango-tango sa kaniya. Siguradong magiging matalino 'to si Niyong dahil sa mga naririnig niya sa'kin.
Napa-iling lang si Niyong saka nagpatuloy sa pagsuntok. "Hindi talaga ako makapaniwala. Pinagseselosan ako ng bidang lalaki sa kwentong 'to" tawa ko pa habang kinakausap ang aking sarili. Tiningnan ako ni Niyong na parang iniisip niyang nawawala na naman ako sa katinuan.
Pero kailangan kong ayusin agad ang misunderstanding sa pagitan nila. Kailangan bang malaman ni Lorenzo na babae ako?
Napatingin ako kay Niyong, "Kamusta na ba kayo ni Lolita?" tanong ko.
"Wala namang namamagitan sa'min kuya Arturo. Bukod doon may narinig ako sa Panciteria" wika niya saka lumapit sa'kin upang bumulong.
"Ano?"
"May pagtingin daw sayo si Lolita" tawa niya, napakurap ako ng dalawang beses. "Madaling mahulog ang loob ni Lolita sa mga taong mababait sa kaniya. Tinulungan ko lang siya dati noong pinagkakatuwaan siya ng mga kalaro ko noong mga bata pa kami. Nang dahil sa pangyayaring iyon ay nahulog na agad ang loob niya sa'kin"
Tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan. Iyon nga ang flashback story nilang dalawa kaya may gusto na si Lolita kay Niyong hanggang sa magbinata at magdalaga sila.
"Mabuti na lang dahil hindi na niya ako ginugulo ngayon. Salamat kuya Arturo! Nawa'y mapagbigyan mo ang pag-ibig ni Lolita" ngiti niya saka sinagi ako upang asarin.
Magsasalita pa sana siya ngunit tumayo na si Sebastian at naglakad papalapit sa'min. "Sa loob ng limang minuto. Paunahan kayong lumangoy hanggang sa dulo ng ilog na iyon" wika niya na ikinagulat ko.
Nasa tabing ilog lang kami, tinuro niya ang dulo nito. Agad tumango si Niyong at naghubad ng kaniyang damit pang-itaas. Napatulala lang ako sa ilog at tila hindi makagalaw sa aking kinatatayuan.
"Ano pang hinihintay mo?" tanong sa'kin ni Sebastian. Nakasuot siya ng kulay krema na polo ngayon. Mukhang sineryoso niya ang sinabi ko na wala siyang fashion sense.
Napatingin ako ng diretso sa kaniyang mga mata, bukod sa hindi pwedeng mabasa ng tubig ang katawan ko dahil baka bumakat ang dibdib ko ay hindi rin ako marunong lumangoy.
"Mababaw lang naman 'to, kuya Arturo" saad ni Niyong saka naglakad na papunta sa ilog. Nanatili lang akong nakatayo roon habang nasa tabi ko si Sebastian. Tumingin siya sa ilog at tumingin din siya sa'kin. "Paano mo malalagpasan ang iyong takot kung hindi mo ito lalabanan?" wika niya at nang magtama ang aming mga mata, ramdam ko ang ibig niyang ipaunawa sa'kin.
"Paano mo matututunan ang isang bagay kung hindi mo susubukan?" kasabay niyon ay umihip ang marahan na hangin dahilan upang maglaglagan nang dahan-dahan ang mga patay na dahon mula sa matataas na puno sa tabi ng ilog.
Napakagat siya sa kaniyang ibabang labi saka humarap kay Niyong na ngayon ay lumublob na sa tubig. "Manghuli na lang kayo ng isda sa mababang bahagi ng ilog" wika niya saka tumingin muna sa'kin bago bumalik sa pwesto niya kanina kung saan pinupunasan niya ang kaniyang baril.
Napatitig ako sa kaniya, akala ko ay pipilitin niya akong lumangoy. Tila gumaan ang pakiramdam ko dahil inunawa niya ang aking kalagayan. Hindi ko akalain na may gano'ng ugali pala ang isang Sebastian Guerrero.
NAGLALAKAD ako mag-isa sa pamilihan, ibig kong bumili ng bagong kumot at banig dahil wala akong nagagamit kapag nilalabhan iyon kada linggo. Maraming tao ngayon kahit tanghali na. Nagulat ako nang biglang tumambad si Lolita sa harapan ko bitbit ang isang maliit na bayong.
"Magandang umaga ho, ginoo" ngiti niya. Napansin ko na naparami ang lagay ng kolerete sa kaniyang mukha. Tanghaling tapat na ngunit ang makulay ang kaniyang mukha.
Tumango lang ako saka umiwas sa kaniya ngunit hinarangan niya pa rin ang dadaanan ko dahilan upang mapatingin ang ibang mga tao sa amin. Ganito pala ang nararanasan ni Niyong sa tuwing kinukulit siya ni Lolita. Nakakahiya. Gusto kong magtakip ng mukha.
"Tanggapin mo sana ginoo ang aking nilutong kakanin para sa iyo" ngiti niya at pumungay pa ang kaniyang mga mata. Muntik pa akong masamid sa ginawa niya. Aalis na lang dapat ako pero sapilitan niyang inabot sa'kin ang bayong na naglalaman ng mga kakanin.
"M-may kasintahan na ako" wika ko, biglang nagbago ang kaniyang mukha ngunit ngumiti siya ulit. "Wala iyon. Hindi pa naman kayo kasal, hindi ba?"
Napanganga ako sa sinabi niya. Mukhang mas malala ata ang naging takbo ng utak ni Lolita mula nang i-edit ko ang kwentong ito.
Napatingin ako sa paligid saka hinila siya papunta sa isang sulok kung saan walang masyadong tao. Nakangiti lang siya na parang natuwa siya dahil hinawakan ko siya. "Girl, makinig ka. Hindi ako 'yung taong inaakala mo" panimula ko, seryoso na ako pero kinikilig lang siya dahilan para mas lalo akong kilabutan.
"Anuman ang iyong hanapbuhay o hangarin. Hindi iyon mahalaga sa'kin ginoo. Espiya, rebelde o isa ka mang kawatan" ngiti niya, napahawak ako sa aking noo. Ramdam ko ang pagtaas ng aking blood pressure dahil sa kahibangan ni Lolita.
"Lolita girl, hindi tayo talo" saad ko na parang naiihing istatwa. Nagtaka naman ang kaniyang hitsura sa sinabi ko.
"L-lalaki rin ang iyong napupusuan?" tanong niya, nakasimangot na siya. Napapamewang ako saka ngumiti. "Tumpak! Kaya kay Niyong mo na lang ibaling ang paghanga mo, girl!"
Napailing si Lolita, "Ngunit ang sabi mo ay may kasintahan ka"
Napakibit balikat ako, "Well, sinunggaling din akong tao" saad ko, bigla namang umaliwalas ang mukha niya.
"Ibig sabihin... Nagsisinunggaling ka lang din na lalaki ang iyong napupusuan?" unti-unting sumilay muli sa kaniyang labi ang ngiti.
Napapadyak ako, "Hindi! lalaki talaga ang gusto ko!" giit ko pero mas lalo lang siyang ngumiti.
"Girlalu ako... 'Di mo ba naaamoy?" pagpupumlit ko pa sa kaniya pero tumawa lang siya. Magsasalita pa sana siya ngunit natanaw ko sina Sebastian at Niyong. Naglalakad sila sa gitna ng pamilihan.
"Si Niyong dapat ang magustuhan mo e" ulit ko pa saka mabilis na tumakbo papalapit kay Sebastian at Niyong. Napatigil sila nang makita ako.
"Kuya Arturo, anong ginagaw---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil nakita niya si Lolita na nakatingin sa'min.
Maging si Sebastian ay napatingin din kay Lolita at sa akin. Sumilay ang ngiti sa labi ni Niyong na parang nang-aasar. "Ibig mong takasan si Lolita?" ngisi niya, napapikit na lang ako sa inis.
"Pwede ba akong sumama muna sa inyo? Uuwi na rin ako mamaya kapag hindi na tayo sinundan ni Lolita" wika ko, tumawa lang si Niyong saka umakbay sa'kin. "Tiyak na mapapagod si Lolita kakasunod sa iyo ngayong araw, kuya" ngisi niya.
Hindi naman nagsalita si Sebastian tulad ng palagi niyang ginagawa. Nauna na siyang maglakad habang nakasunod kami ni Niyong sa kaniya.
ALAS-TRES na ng hapon, naglalakad kami sa gitna ng gubat. "Ano bang gagawin niyo dito?" bulong ko kay Niyong. "Hindi ko ho maaaring sabihin" tugon niya. Napatingin ako sa likod ni Sebastian, parang alam na alam niya ang daan sa gubat.
Ilang sandali pa, nadaanan namin ang isang pamilyar na ilog na nasa gitna ng masukal na gubat. Napatulala ako sa ilog. May malaking troso ng kahoy na siyang tulay papunta sa kabila. Naunang tumawid si Niyong na tila sanay na rin siyang dumaan doon.
Napalingon sa'kin si Sebastian. Nakasuot naman siya ngayon ng brown na polo at may dala siyang espada. Kanina ko pa iniisip kung mag-huhunting ba sila dito ng hayop. "Anuman ang makita o marinig mo rito. Iyong tiyakin na hindi makakarating sa ibang tao" bilin niya, napakagat ako sa aking ibabang labi.
Dapat pala umuwi na ako kanina pa o kaya tumakbo na lang hanggang sa makabalik ako sa mansion ng pamilya Garza. Tumawid na si Sebastian sa ilog, sumunod naman ako sa kaniya. Pinagmasdan ko ang paligid, tila pamilyar nga ang lugar na ito.
Nagpatuloy pa kami sa paglalakad hanggang sa marating namin ang isang maliit na bahay kubo na nasa gitna ng kagubatan. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang mangkukulam na ale sa labas. Nagwawalis ito sa harap ng kaniyang bahay.
Nagmano si Niyong sa ale. Nagbigay-galang naman ang ale kay Sebastian at pinapasok ito sa kaniyang tahanan. Napatingin sa'kin ang ale dahilan upang yumuko ako ng kaunti. Kinakabahan ako na baka makilala niya ako kaya hindi na ako lumapit sa kaniya.
Silang dalawa lang ang pumasok sa loob ng kubo na parang may importante silang pag-uusapan. Naiwan kami ni Niyong sa labas kung saan naroroon ang ilang mga panggatong, niyog at kumpol ng dahon.
"Kakilala ni Sebastian 'yung---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang umiling si Niyong. "Hindi ho natin maaaring pag-usapan ang mga hakbang ni señor. Malalagay kayo sa panganib kuya Arturo kapag inalam niya pa. Kahit ako ay wala ring nalalaman" saad niya, napatingin na lang muli ako sa bahay kubo na iyon kung saan lumalabas ang usok mula sa pinapakulo ng matandang babae.
Anong koneksyon ni Sebastian sa babaeng mangkukulam?
GABI na, tulala lang ako habang nakasakay sa kalesa. Hinihintay ko si Maria Florencita dahil nagpaalam ito sa kaniyang ama na pupunta lang siya sa Panciteria upang dalawin si Amalia na kakagaling lang sa lagnat.
Hindi pa rin mawala sa isipan ko kung bakit nagpunta si Sebastian sa mangkukulam? May ipapakulam ba siya? Kasama ba ako doon?
Napahinga ako nang malalim. Dapat siguro maging mabait na ako sa kaniya simula ngayon. Baka dinibdib pa niya 'yung mga sinabi ko tungkol sa damit at buhok niya noong isang araw.
Nagulat ako nang biglang may humawak sa balikat ko dahilan para mapasigaw ako. "Tanya, ayos ka lang ba?" nagtatakang tanong ni Maria Florencita. Hindi ko namalayan na nakasakay na pala siya sa kalesa. Masyadong okupado ang utak ko sa kung anu-anong bagay.
Napahawak ako sa tapat ng aking puso. Iniisip ko pa lang 'yung mangkukulam kanina at 'yung biglang may humawak sa balikat ko, parang nasa loob na ako ng kwento na horror ang genre. Hindi naman horror ang Salamisim.
"Nasobrahan lang siguro ako sa kape" saad ko saka umupo na nang maayos sa harap ng kalesa. Ngumiti si Maria Florencita, "Siya nga pala, magkikita kami ni Lorenzo ngayon"
Napalingon ako sa kaniya, "Mamaya na tayo dumaan sa tahanan nila Amalia. Tiyak na hinihintay na ako ni Lorenzo sa tabing ilog" patuloy niya, napaisip ako sa sinabi niya. Wala namang ganitong eksena sa Salamisim. Pero baka ito na 'yung continuation ng dapat sanang pagkikita nila noong isang gabi sa tabing ilog.
Pinatakbo ko na ang kabayo, "Sinabi ni Lorenzo na magkita kayo ngayong gabi?" tanong ko. Kahit nasa likuran ko si Maria Florencita ramdam ko ang kilig at ngiti niya.
"Hindi. Ako ang nagpadala ng mensahe sa kaniya kanina" tugon niya, napatango na lang ako. May ugaling pabebe pala si Lorenzo. Si Maria Florencita pa ang gumawa ng paraan. Sabagay, nagseselos pa si Lorenzo kay Arturo kaya naiintindihan ko naman.
"Nakausap ko siya kanina. Hindi kami masyado nakapag-usap nang matagal dahil biglang dumating si Mang Tino sa imbakan ng dyaryo" patuloy niya. Nakahinga rin ako ng maluwag dahil mukhang si Lorenzo pa rin ang hinahanap-hanap ni Maria Florencita.
Hindi nagtagal ay narating na namin ang tabing ilog. Malayo pa lang ay natanaw na namin ang lalaking nakasuot ng salakot. Nakaupo siya sa isang malaking bato at nakatingin sa ilog. Pinatigil ko na ang kabayo sa tabi. Hindi na kami makakababa sa mabatong daan pababa ng tabing ilog dahil hindi iyon kakayanin ng kalesa.
Naunang bumaba si Maria Florencita at gaya ng dati palagi akong naiiwan sa kalesa pero nagulat ako dahil tumigil siya sa tapat ko. "Samahan mo ako pababa, Tanya" ngiti niya. Napatingin ako sa lalaking nakasalakot. Hindi ba aware si Maria Florencita na threat ako kay Lorenzo?
Bumaba na ako sa kalesa at sabay kaming naglakad pababa sa tabing ilog. Medyo mabato roon pero hindi naman ako nahirapan dahil mas magaan at komportable ang suot kong kamiso at pantalon kumpara sa magarbong baro't saya na suot ni Maria Florencita.
Agad tumayo ang lalaking nakasuot ng salakot nang makita niya kami. "Magandang gabi, ginoo" ngiti ni Maria Florencita saka nagbigay galang sa kaniya. Dahan-dahang hinubad ni Lorenzo ang kaniyang salakot at itinapat iyon sa kaniyang dibdib saka bumati sa amin.
Napatingin siya sa'kin, bakas sa mukha niya na hindi niya inaasahan na sasama ako at makikita niya akong kasama ni Maria Florencita. "Lorenzo, ibig kong malaman mo na hindi ka dapat manibugho kay Arturo" panimula ni Maria Florencita, tumango-tango ako. Buti na lang naitindihan niya ang sinabi ko sa kaniya tungkol sa pataasan ng pride ng mga mag-jowa.
"Gaya nga nang sinabi ko sa iyo kanina. Hindi tunay na lalaki si Arturo" patuloy niya saka tinanggal ang suot kong sumbrero at maingat na hinila ang tali ng aking buhok dahilan upang bumagsak ang mahaba kong buhok.
Napahawak ako sa aking ulo at gulat na napatingin kay Maria Florencita. Hindi ko inaasahan na magagawa niya akong ilaglag sa harap ni Lorenzo. "Patawad Tanya ngunit hindi maaayos ang hindi namin pagkakaunawaan hangga't hindi niya nalalaman na isa kang babae at aking kaibigan" saad ni Maria Florencita saka hinawakan ang kamay ko. Bakas sa mukha niya na hindi naman niya gustong iladlad ang pagkatao ko pero kailangan lang niya gawin upang maliwanagan si Lorenzo.
"Dapat sinabi mo sa'kin kanina. Ayoko pa naman ng mga surpresa" reklamo ko sa kaniya pero sa huli ay pareho na lang kaming natawa. Kahit papaano bilib ako dahil mabilis nakaisip ng paraan si Maria Florencita para ayusin ang gulo na nangyayari sa nobela ko.
Napatingin ako kay Lorenzo na gulat na nakatingin sa'kin. "I-ikaw ang babaeng naabutan ko sa silid ni Maria Florencita noong isang gabi" wika niya habang tulalang nakaturo sa'kin. Natawa kami lalo ni Maria Florencita. Parang partners in crime kami at ngayon na ang revelation ng mga krimeng ginawa namin.
"Oo, tapos tinakasan mo ko. Tsk" buwelta ko sa kaniya at natawa kami muli ni Maria Florencita. "Ngayon malinaw na sa iyo na walang namamagitan sa amin ni Tanya na kilala niyo bilang Arturo" wika ni Maria Florencita saka humakbang papalapit kay Lorenzo.
Humakbang na ako paatras at nakangiting naglakad pabalik sa kalesa para bigyan sila ng privacy.
Ilang minuto pa ang lumipas, nakaupo silang dalawa sa malaking bato at patuloy na nag-usap. Hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila dahil nasa itaas na bahagi ako ng patag na daan. Napangiti ako sa aking sarili dahil nasolusyunan ni Maria Florencita ang gulong nangyari sa kwento.
Inikot ko na lang ang aking buhok at inipit iyon sa loob ng sumbrero dahil nasira ang aking pantali.
Napatigil ako nang mapukaw ang aking atensyon ng maliit na liwanag mula sa gitna ng gubat. Alitaptap ba iyon? Ngunit bakit isa lang?
Agad akong bumaba sa kalesa. Dahan-dahan kong sinundan ang liwanag na patuloy na nagliliwanag sa likod ng mga puno at halaman. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa marating ko ang dulo ng daan.
Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang pamilyar na ilog. Ito ang ilog na tinawiran namin nina Sebastian at Niyong papunta sa bahay ng mangkukulam. Tatakbo na sana ako pabalik sa kinaroroonan nina Maria Florencita at Lorenzo sa kabilang bahagi ng ilog ngunit biglang may espadang tumapat sa leeg ko.
Tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan. Napapikit na lang ako at dahan-dahan kong itinaas ang aking kamay. Imposible man na mamatay ako sa loob ng kwento pero ayoko pa ring maranasan kung paano mahiwa ang aking leeg gamit ang matalim na espadang nakatutok sa akin ngayon.
Nagsimulang humakbang papalabas ang lalaking may hawak ng espada. May itim na tela na nakakip sa kaniyang ilong at bibig. Napatingin ako sa lupa, nakalapag doon ang isang lampara. Ang inakala kong kulisap kanina ay isa palang ilaw mula sa lamparang hawak ng lalaking ito.
Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko ang lamparang iyon. Ngunit ang mas lalong ikinagulat ko ay ang marinig ko ang boses ng lalaking iyon, "Sino ka? Bakit mo ako sinusundan?" tanong niya, gulat akong napatingin ng diretso sa kaniyang mga mata.
Hindi niya siguro ako nakilala ngayon dahil ibang sumbrero ang suot ko. Itim na sumbrero na pinaglumaan ni Don Florencio.
"Sebastian... Ako 'to" saad ko at akmang lalapit sa kaniya para magpakilala na hindi ako kalaban o anuman ngunit napatid ako sa sanga ng kahoy. Naitulak ko siya at diretso kaming bumagsak sa lupa.
Kasabay nang pagbagsak ko sa kaniyang dibdib ay natanggal din ang suot kong sumbrero dahilan upang bumagsak nang tuluyan ang mahaba kong buhok.
******************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top