Kabanata 16

[Chapter 16]

NANATILI lang akong nakatingin sa kaniya habang umiihip ang marahan na hangin. Siya na ang unang humakbang paatras. Muli siyang kumuha ng bala at inilagay iyon sa baril. Hindi ko mabasa ang tumatakbo ngayon sa kaniyang isipan. Alam na ba niya na isa akong babae?

Magsasalita na sana ako ngunit biglang dumating si Niyong "May agahan na tayo" wika niya, saka itinaas ang hawak niyang tatlong patay na ibon. "Anong---" hindi ko natuloy ang sasabihin ko nang mapagtanto ko na ang tatlong ibon na iyon ay tinamaan ng mga bala kanina.

Agad nagsindi ng apoy si Niyong. Kumuha naman ako ng mga panggatong. Tinanggalan ni Sebastian ng balahibo ang ibon. "Sandali..." awat ko sa kaniya, nakataas ang kaniyang manggas upang hindi iyon mabahiran ng dugo.

Napalunok ako, "Pwede naman sigurong 'wag na lang natin sila kainin" saad ko, nagkatinginan sina Sebastian at Niyong.

"Sinong sila?" tanong ni Niyong. Tinuro ko ang mga ibon na hawak ni Sebastian.

"Namatay na kasi sila dahil sa'tin. Kung hindi tayo nagbaril dito siguradong buhay pa sila ngayon. Paano na lang 'yung pamilya nila na naghihintay sa kanila pauwi" patuloy ko, napatigilid ang ulo ni Niyong. Nakatingin lang sa'kin si Sebastian na walang emosyon.

"Anong... gusto mong gawin sa... kanila?" tanong ni Niyong, bakas sa mukha niya na gulong-gulo siya sa mga sinasabi ko.

"Ilibing na lang---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagpatuloy si Sebastian sa pagtatanggal ng balahibo ng ibon sabay sabing, "Kakainin natin sila. Nang sa gayon, hindi mauuwi sa wala ang kanilang pagkamatay"

Napatango si Niyong saka nagpatuloy sa pagsindi ng apoy. Sinubukan kong magsalita ulit pero nagpatuloy si Sebastian, "Wala naman sigurong nilalang na ibig mamatay nang walang kabuluhan" tumayo siya saka naglakad papunta sa malapit na sapa at hinugasan ang mga kawawang ibon.

Alas-siyete na ng umaga nang maluto ang tatlong kalapati. "Mangunguha lang ho ako ng mga santol" saad ni Niyong saka naglakad patungo sa puno ng santol mula sa di-kalayuan. Tulala lang akong nakatitig sa mga ibon. Alam kong nasa loob lang naman ako ng kwento pero nalulungkot pa rin ako sa sinapit nila.

Kinuha na ni Sebastian ang isang lutong ibon saka inabot sa'kin. "Hindi pa ko nagugutom" saad ko, hindi siya nagsalita. Kinain na lang niya iyon. Iniisip na siguro niya na mahina akong lalaki dahil hindi ko kayang kainin ang ibon tulad nang kaya nilang gawin ni Niyong.

"Marahil ay nagmula ka rin sa may kayang pamilya" wika niya, napalingon ako sa kaniya. "Mas lalong dumaragdag ang aking pagdududa sa iyong pagkatao. Kung nagmula ka nga sa may kayang pamilya, bakit kailangan mo manilbihan sa pamilya Garza?" napapikit na lang ako. Halos kalahati ng buhay ko dito sa loob ng libro ay pinagduduhan at hinuhusgahan ng mga characters.

"Hindi ba pwedeng naaawa lang ako sa mga ibon kaya hindi ko kayang kainin? Maarte na ako agad?" reklamo ko sa kaniya, napakurap siya ng dalawang beses habang kagat-kagat 'yung karne ng ibon. Bakas sa mukha niya na nagulat siya sa tono ng pananalita ko. Nagugutom na rin ako pero hindi ko talaga kayang kumain ng kalapati.

Inilapag ni Sebastian ang kinakain niya sa isang dahon saka pinagpagan ang kaniyang kamay, "Hindi pa rin malinaw sa'kin kung paano ka nakapasok bilang bantay ni Maria Florencita" patuloy niya, napairap na lang ang aking mata. Walang katapusang interrogation ang inaabot ko sa kaniya.

Napatingala ako sa asul na langit, parang naitanong na niya sa'kin iyon dati. Pilit kong inaalala ang isinagot ko sa kaniya noon. "Tinulungan nga akong makapasok ng kaibigan ko na nagtatrabaho sa kanila" tugon ko, amoy chiken inasal 'yung kalapati kung kaya't nahihirapan din ako pigilan ang aking sarili.

"Sino ang kaibigang iyon?" tanong niya, tiningnan ko siya at kinilatis mabuti. Bakit ba kasi ginawa kong matalino at mahirap linlangin 'tong si Sebastian. Nahihirapan tuloy ako pakisamahan siya.

"Basta, secret. Alam mo bang bawal 'yan? Bawal ako magbigay ng private information kahit kanino. Kahit pa heneral ka, hindi pa rin ako basta-basta magbibigay ng personal information" saad ko, gusto ko pa sanang dagdagan na malinaw 'yon sa Data Privacy Act.

"Bihasa ka rin sa wikang Ingles" dagdag niya, mukhang gagamitin ko na naman ang family background ko na ginamit ko sa kaniya noon na isang trader ang papa ko sa Hongkong. "Malaking palaisipan din sa akin kung bakit nakiusap si Maria Florencita kay Don Florencio na huwag nang alamin kung sino ang babaeng dinala mo sa iyong silid. Ni hindi ka rin naparusahan sa ginawa mong iyon" nagpatuloy muli siya sa pagkain.

Kasalanan ko rin kung bakit ako nahihirapan ngayon, kung nanatili na lang sana ako sa bahay ng mangkukulam. Siguradong pagdidikdik lang ng halaman at pagtusok ng karayom sa mga manika niya ang pinoproblema ko ngayon.

Tiningnan ko siya, nagseselos ba siya dahil niligtas ako ni Maria Florencita? Sabagay, mukhang threat si Arturo sa kanila ni Maria Florencita.

"Kakilala niya rin kasi 'yung kasintahan ko. Syempre ayaw niya ring mapahamak si Faye" saad ko, malapit na niyang maubos ang pagkain niya. Mukhang nasarapan naman siya sa ibon kahit walang sauce.

"Nasaan na pala ang kasintahan mo?" tanong niya, bagay na hindi ko inaasahan. Si Sebastian 'yung tipong walang pakialam sa buhay ng ibang tao, depende na lang kung may kailangan siyang alamin.

Napataas ang aking kilay, "Bakit mo siya hinahanap?"

"Nahihiwagaan lang ako sa kaniya. Nakita ko na pala siya dati" napatigil ang puso nang sabihin niya iyon. Naalala na niya si Mary Faye Vasquez? "Nakapagtataka ang suot niya sa hukuman. Malaking palaisipan din sa lahat kung paano siya nakapasok sa hukuman gayong mahigpit ang bantay doon"

Bumagsak muli ang aking balikat. Namukhaan niya lang pala ako na pinagkamalang mangkukulam na baliw ni Don Severino noong araw na iyon. "May sinabi siya sa akin sa bilangguan, makakalaya raw ako roon sa tulong ni Don Florencio. Nagkatotoo nga ang sinabi niya. Tila marami siyang nalalaman" muli akong kinabahan. Ang dami kong sinabi sa kaniya na hindi dapat noong mga oras na iyon. Siguradong pagkakamalan na naman niya akong espiya.

"M-magaling lang manghula 'yon. Palaging tumatama mga hula niya" saad ko, ramdam ko ang panginginig ng aking boses nang sabihin ko iyon. Hindi niya dapat mahalata na kinakabahan ako. "Bakit ba inaalam mo kung sino ang kasintahan ko? May kailangan ka ba sa kaniya? Ha" pag-iiba ko ng usapan. Muli siyang nagulat sa tono ng pananalita ko. Siguradong na-weweirduhan na siya sa'kin dahil pabago-bago ang timpla ng aking emosyon.

"Hindi lang karaniwan ang kinikilos niyong dalawa" wika niya, napaisip ako sa sinabi niya. Kahit ako litong-lito na rin sa katauhan ko dito sa loob ng kwento. Natahimik kami ng ilang segundo, nakatingin siya ngayon kay Niyong na nangunguha ng santol sa puno.

Napangiti ako sa aking sarili nang may ideyang pumasok sa isipan ko. "Pero 'yung totoo, maganda siya 'diba?" ngiti ko, nagtataka siyang tumingin sa'kin. "Maganda ang kasintahan ko 'no?" ulit ko, hindi na mawala ang ngiti sa aking labi. Napansin kong namula rin ang tenga niya, nakakatuwang tuksuhin ang isang Sebastian Gurerrero.

"Hindi naman mahalaga pag-usapan iyon" saad niya saka kinain ang huling piraso ng karne. Umupo ako ng maayos saka humarap sa kaniya, "Tayong mga kalalakihan, karaniwan sa'tin pag-usapan ang mga naggagandahang binibini. Hindi ba?" ngisi ko, hindi niya ako pinansin. Nagpatuloy lang siya sa pagkain habang namumula pa rin ang kaniyang tenga at pisngi.

Sinagi ko ang balikat niya na parang close kami. "Sabihin mo na kasi ang totoo na nagagandahan ka sa kaniya. Hindi naman ako magagalit. Maganda talaga si Faye. Mabait, masipag, matalino, sexy---Ah, maganda ang hubog ng kaniyang katawan at sadyang nakakaakit ang kaniyang ngiti. 'Diba? Diba?" tukso ko saka sinagi pa siya ng ilang beses sabay tawa.

"Ang ganda ganda niya 'no?" ulit ko pa, umusog siya papalayo sa'kin dahil nakakailang sagi na rin ako sa balikat niya.

"Hindi" tugon niya dahilan upang mapatigil ako at mapanganga sa isinagot niya. "Anong hindi?!" sigaw ko na ikinagulat niya, nabitawan niya pa ang buto ng ibon dahil sa gulat.

"Karaniwan lang ang kaniyang hitsura" patuloy ni Sebastian dahilan para mas lalong uminit ang ulo ko. "Maganda siya! Mas maganda nga lang si Maria Florencita pero mas totoo si Faye. Siya lang naman ang lumikha kay Maria Florencita at sa inyong laha---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang mapagtanto ko na hindi ko dapat ituloy pa.

"Kalimutan mo na ang sinabi ko. Palibhasa wala ka kasing taste. Paulit-ulit na general uniform lang ang suot mo. Iisa lang din ang hairstyle mo. Rebulto ka ba?" panimula ko sabay turo sa buhok niya na maayos na nakahawi gamit ang pamada.

"Tatlong outfit lang ata ang nakita ko sayo, 'yung white polo shirt na lagi mong pantulog. Nilalabhan mo ba 'yon? Pati yung black coat mo, ang init-init dito sa Pinas tapos nag-cocoat ka? Okay ka lang ba?" inis kong buwelta sa kaniya.

Napakurap ng dalawang beses si Sebastian habang nakatingin sa'kin. Naistatwa siya sa lahat nang narinig niya sa'kin. Naiinis pa rin ako sa sagot niya. Masyado pa namang honest at straight to the point ang character niya kaya mas lalo akong naiinis.

Napatingin ako sa kaniya, nagtataka pa rin siyang nakatingin sa'kin. Mukhang wala siyang balak bawiin ang sinabi niya at sabihing nagbibiro lang siya. "Diyan ka na nga. Ubusin mo lahat 'yan hanggang sa maging kalapati ka" inis kong wika saka tumayo at naglakad papunta kay Niyong na nakasampa pa rin sa puno ng santol upang magpalamig ng ulo.

"SALAMAT sa pagkain, kuya Arturo" ngiti ni Niyong nang dumating na ang pansit na order na namin. Kumakain kami ngayon sa Panciteria ala Pacita. Tanghali na, dumaan ako kanina sa tindahan ng mga libro para bumili ng pluma dahil napudpod na ang nauna kong binili.

Niyaya ko siya kumain sa Panciteria para naman magkita sila ni Lolita. "Sabihin mo lang kung ano pang kailangan mo. Ako ang bahala sayo" saad ko saka tinapik ang ulo niya. Masaya siyang nagsimulang kumain. Masyado kasing diet si Sebastian at kontrolado nito ang mga masustansiyang pagkain na kinakain nila kaya hindi nakakakain ng marami si Niyong.

Halos puno rin ang Panciteria. Nakaupo kami sa tabi ng bintana. Napansin namin na agad tumabi sa gilid ang mga tao lalo na ang mga nagtitinda sa kalsada upang bigyang daan ang mga sundalo na nagmamartsa sa gitna sa pangunguna ni Roberto.

Pinapalibutan din nila ang isang magarang kalesa kung saan nakasakay si Don Severino. Sinundan namin ng tingin ang taas-noo nilang paglalakad sa gitna. "Ginagamit nila ang hukbo para sa kanilang pansariling kapakanan" wika ni Niyong saka nagpatuloy sa pagkain ng pansit.

Ginagamit nga nina Roberto at Don Severino ang hukbo para sa kanilang kaligtasan, seguradid at panakot sa ibang mamamayan na haharang sa kanilang daan. "Nalulungkot ako para kay Señor Sebastian" patuloy niya, tiningnan ko siya. Kung alam lang niya na mapapahamak din siya dahil kay Sebastian sa mga susunod na kabanata.

"Mahalaga kay señor Sebastian ang kaniyang posisyon bilang heneral. Pinaghirapan niya iyon ng ilang taon. Hindi siya humingi ng tulong sa kaniyang ama" wika nito, napahinga ako ng malalim. Mababawi naman ulit ni Sebastian ang ranggo niya bilang heneral pero hindi pa ngayon.

"Hindi ko lubos maisip kung bakit masama ang tingin ng mga tao sa hukbo? Kahit pa ang katotohanan ay sumusunod lang naman sila sa utos. Ginagawa lang naman nila nang mabuti ang kanilang sinumpaang tungkulin. Ang ipagtanggol ang bayan, panatilihin ang kapayapaan at pigilan ang kaguluhan"

"Anong masama sa kanilang ginagawa? Iyon ang tungkulin nila ngunit halos lahat ng mamamayan, iniisip na masasamang tao sila" patuloy ni NIyong, nabilaukan ako sa sinabi niya. Isa ako sa mga taong nagsulat para gawing kontrabida at masasama ang mga guardia civil sa pamumuno ni Sebastian. Dahil sila ang pumupuksa sa mga rebelde na siyang bida sa aking nobela.

"Kuya Arturo" tawag ni Niyong saka hinawakan ang balikat ko. Hindi mawala ang pagkakasamid ko sa aking kinakain dahil sa mga sinasabi niya kanina. Ilang sandali pa, biglang lumapit si Lolita at inabutan ako ng isang basong tubig.

Agad kong ininom iyon saka sumandal sa silya. Napahawak ako sa aking lalamunan. "Kailangan niyo pa ho ng isa pang tubig, ginoo?" tanong ni Lolita habang nakangiti sa'kin. Hindi ko maintindihan kung bakit siya nakangiti gayong muntik na akong mamatay sa pagkasamid.

"Hindi na. Salamat Lolita" saad ko. Nagulat kami ni Niyong nang mas lalong lumapit sa'kin si Lolita dahilan para mapaatras si Niyong dahil pumagitna ito sa amin. "Walang anuman ginoo. Inyong sabihin lang sa akin kung ano pa ang aking maipagliligkod. Handa kong gawin ang lahat" wika ni Lolita gamit ang mahinhin niyang boses na ginagamit niya lang kapag kausap niya si Niyong.

Nagkatinginan kami ni Niyong, napakurap pa ako ng tatlong boses saka napatingin muli kay Lolita na ngayon ay namumula ang pisngi at nakangiti sa akin. Napatingin din ako sa kusina kung saan naroon ang iba pang mga kusinera na nakasilip sa pintuan at sinusubaybayan ang mga sinabi ni Lolita.

Napatulala ako ng ilang segundo hanggang sa mapagtanto ko na mukhang nalihis na naman ang side love story nina Niyong at Lolita dahil sa'kin.

KINABUKASAN, sinama ako ni Maria Florencita sa pagpunta niya sa paimprintahan nila ng dyaryo. Magalang na sinalubong si Maria Florencita ng isang lalaking may katandaan na. Naalala ko na iyon ang lalaking tumawag sa'kin ng baliw at inuutusan niyang palayasin ako ni Lorenzo.

"Magandang umaga ho, señorita" bati nito sabay ngiti dahilan upang lumabas ang kaniyang gilagid. "Mainit ho sa loob. Marurumihan din ho ang inyong kasuotan" wika nito, ngumiti lang nang malumanay si Maria Florencita habang hawak ang kaniyang abaniko.

"Wala iyon sa akin, Mang Tino. Ibig ko lang masuri ang loob" ngiti niya, napayukod na lang si Mang Tino saka sinamahan kami papasok sa loob. Pagbukas pa lang ng pinto, napatigil ang mga manggagawa at mabilis na nagsuot ng damit pang-itaas. Karamihan sa kanila ay walang damit pang-itaas dahil mainit talaga sa loob.

Nanlaki ang mga mata ko, hindi ko akalaing magaganda ang hubog ng katawan ng mga kalalakihang nagtatrabaho rito. "Four pack to six pack abs pala ang labanan dito sis" bulong ko kay Maria Florencita na nagtaka sa sinabi ko. Nauunang maglakad si Mang Tino, sunod siya bago ako. "Ah, ang ibig ko sabihin ang ganda pala dito sa loob" ngiti ko, tumango si Maria Florencita saka ngumiti.

"Natutuwa rin ako makita kung paano nagagawa ang mga dyaryo kaya madalas akong magtungo rito" bulong niya sa'kin. Gusto ko sana siyang asarin na natutuwa rin siya makakita ng mga abs dito. Nagpatuloy kami sa paglalakad patungo sa silid kung saan nakatambak na ang mga natapos na dyaryo, handa na itong ipakalat sa bayan.

Ngunit bago kami pumasok sa silid, napatigil si Maria Florencita sa paglalakad saka napalingon sa kaliwa kung saan naroroon si Lorenzo na nakatingin din sa kaniya. Napangiti ako sa aking sarili, kinikilig ako sa kanilang dalawa. Si Maria Florencita ang unang umiwas ng tingin, itinago niya ang kaniyang namumulang pisngi sa likod ng hawak niyang abaniko.

Pumasok na sila sa silid, tumingin muli ako kay Lorenzo saka nakangiting sumunod sa loob.

KINAGABIHAN, pinatawag ako ni Maria Florencita sa kaniyang silid. Dumaan muna ako sa kusina para uminom ng tubig ngunit napatigil ako nang mapatigil ang mga kasambahay na nagliligpit sa kusina. Nakatingin silang lahat sa'kin na animo'y handa nila akong hatulan ng kamatayan sa hukuman.

"B-bakit?" tanong ko, sinundan nila ako ng tingin hanggang sa makainom ako ng tubig. Napatingin ako sa hawak kong baso, "A-ako na maghuhugas nito" saad ko, naiinis siguro sila dahil nagdagdag pa ako ng hugasan. Kakatapos lang din kasi kumain ng dinner ng pamilya Garza kasama ang iba pang bisita kaya marami silang hinuhugasan ngayon.

Nagulat ako nang biglang itusok ng isang kasambahay na nasa edad limampu na ang hawak niyang itak sa chopping board na gawa sa kahoy. "Ikaw" turo niya sa'kin, nagsimula namang lumapit ang ibang mga kasambahay at pinalibutan nila ako.

"A-anong meron?" tanong ko, sinubukan kong ngumiti pero seryoso silang lahat na nakatingin sa'kin. Mukhang nasa isang sorority sila at balak nilang simulan ang initiation ko.

"Nasaan na ang iyong kasintahan?" matapang na tanong ng ale.

"Ah, umuwi na siya sa kanila" tugon ko, kaya pala nitong mga nakaraang araw ganito nila ako tingnan. May kinalaman pa rin pala 'to sa babaeng nasa kwarto ko.

"Tinanan mo ba ang babaeng iyon?" usisa ng isa na malapit sa tenga ko, napahawak pa ako sa aking tenga dahil sa lakas ng boses niya.

"H-hindi!"

"Marahil ay ginamitan mo siya ng mga mabubulaklak na salita dahilan upang isuko niya ang kaniyang sarili sayo"

"Ha? Nagkakamali kayo... Walang pagsukong---"

"At matapos mong makuha ang iyong nais. Iniwan mo siyang luhaan at hinayaang mamatay sa kamay ng mga guardia!"

Napasandal na ako sa pader, dahan-dahan silang naglalakad papalapit sa'kin. "Hindi siya namatay? Nakauwi siya sa kanila" giit ko, buhay pa naman ako. Iyon nga lang hindi pa ako nakauwi sa totoong bahay ko.

"Ganiyan kayong mga kalalakihan. Sinasamantala niyo ang kahinaan naming mga kababaihan! Pauulanan niyo kami ng mga pangako at sumpa na handa niyong sungkitin ang bituin, languyin ang karagatan at akyatin ang bundok para sa amin ngunit kapag nakuha niyo na ang ibig niyo, iiwanan niyo kami na parang isang lantang bulaklak sa daan!" sigaw ng ale na sinang-ayunan ng lahat.

Napapikit na lang ako. Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanila na ako rin 'yung babaeng iyon.

"Tiyak na nagdadalang-tao na ang babaeng iyon kung kaya't panagutan mo siya!" patuloy nila at paulit-ulit akong pinaulanan ng mga salitang duwag, walang paninidigan at walang bayag. Hinayaan ko na lang sila magsalita saka inilapag nang malakas sa mesa ang hawak kong baso.

"Hindi na ako magpapaliwanag. Inaantok na ako mga kaibigan" Diretso kong saad saka mabilis na naglakad papalabas sa kusina para takasan sila.

"SINABI nila iyon?" tawang-tawa si Maria Florencita nang ikwento ko sa kaniya ang nangyari kanina sa kusina. Nakaupo sa kaniyang silya habang sinusuklay ko ang aking mahabang buhok. Suot ko pa rin ang kamiso.

Nakahiga siya sa kaniyang kama habang nagbabasa ng libro ngunit hindi na niya maipagpatuloy ang pagbabasa dahil mas interesado siya nang ikwento ko sa kaniya kung paano ako pagtulungan at pangaralan ng mga kasambahay nila.

"Pakasalan mo na ang iyong sarili nang mapanatag na sila" biro niya saka tumawa muli habang nakataklob ang libro sa kaniyang mukha dahil hindi kaaya-aya sa panahong ito na tumawa ang isang babae na labas ang ngipin.

"Mukhang hindi talaga nila ako tatantanan. Gusto ko tuloy sumulpot mamayang gabi. Tatakutin ko sila na isa akong multo at pagsasabihian ko sila na kapag hindi nila tinigilan si Arturo, bibisitahin ko sila gabi-gabi" saad ko dahilan para mas lalong tumawa si Maria Florencita. Seryoso ako sa ideyang iyon pero tinatawanan lang niya.

Makalipas ang ilang minuto, napagod na rin siya kakatawa. Tumayo siya saka binuksan ang kaniyang aparador. "Siya nga pala, aalis ako sandali" saad niya saka isinuot ang isang itim na talukbong. Tumayo ako, "Saan ka pupunta?"

Naalala ko na ito na pala ang eksena kung saan magkikita sila ni Lorenzo sa tabing ilog. Matagumpay niyang naipasa ang mensahe kanina kay Lorenzo nang magpunta kami sa paimprintahan ng dyaryo. Muli akong bumalik sa aking kinauupuan at sinuklay ko ang aking buhok.

Naglakad siya papunta sa likuran ko para pagmasdan ang kaniyang sarili sa salamin, "Hindi ko pa pala naibabahagi sa iyo. Maipapangako mo ba na ang lihim na ito ay sa ating dalawa lamang?"

Napatango ako saka ngumiti, alam ko naman kung ano iyon pero ang exciting lang din magkaroon ng girl's top secret. Lumapit siya sa akin saka bumulong sa tenga ko, "May katatagpuin ako sa tabing ilog" ngiti niya saka namula ang kaniyang pisngi.

"Kailangan mo ba ng kasama? Sasamahan ki---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil umiling siya saka nagsalita.

"Manatili ka lang rito. Kailangan kita rito sa aking silid" nawala ang ngiti ko dahil sa sinabi niya. Kung anu-ano ring ideya ang tumatakbo sa utak nitong si Maria Florencita. "Humiga ka lang sa aking kama at matulog. Babalik ako bago magbukang liwayway" ngiti niya saka kinuha ang iba pa niyang dadalhin.

Sinundan ko siya ng tingin. Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na kahit wala naman ako sa kwarto niya. Wala namang makakaalam na wala siya roon. "Matulog ka lang nang mahimbing hanggang sa makabalik ako" patuloy niya, napatitig ako sa malambot at malinis niyang kama. Ang tagal ko nang hindi nakakatulog sa gano'ng klaseng higaan.

"Mag-iingat ka, girl" saad ko, nasa tapat na siya ng pinto. "Gerl?" nagtataka niyang tanong, lumundag na ako sa kama niya. "Basta mag-ingat kayo ng iyong katagpo" ngiti ko saka pumailalim sa kumot. Ngumiti naman siya at mabilis na lumabas.

Hindi naman ako nangangamba dahil alam kong hindi naman sila mahuhuli. Pinatay ko na ang sindi ng lampara at hinayaan ko ang nag-iisang kandila na nakasindi sa tabi ng kama. Ipinikit ko na ang aking mga mata, mukhang makakabawi na ako ng tulog ngayon.

Sabihan ko kaya si Maria Florencita na tabi na lang kami matulog tutal ako naman ang author ng kwentong ito. Natawa ako sa ideyang iyon, na-imagine ko kaagad ang hitsura ng mukha niya parang sina Sebastian at Niyong kapag binibigyan ko sila ng trivia.

Hindi ko na namalayan ang oras, hindi ko alam kung ilang oras na ba akong nakatulog dahil naalimpungatan ako nang marinig ko ang mabagal na pagbukas ng pinto mula sa palikuran. Napatingin ako sa kandila, may sindi pa rin ito ngunit malapit nang mamatay dahil tunaw na ang kandila.

"Ang aga mo naman nakabalik" saad ko saka umikot sa kama at nagtaklob ng kumot. "Tabi muna tayo. Sumasakit kasi 'yung likod ko sa higaan ko" patuloy ko, ngunit laking gulat ko nang maramdaman kong umupo siya sa kama at nakita ko ang anino ng isang tao na nakasuot ng salakot.

Agad akong napaupo sa gulat. Maging ang lalaking nakaupo sa kama ay gulat ding nakatingin sa'kin. "Nasaan si Maria Florencita?" tanong ko kay Lorenzo na walang kurap na nakatingin sa'kin. "H-hindi ba't ikaw ang babaeng nawala sa katinuan? Anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong niya sabay turo sa'kin.

"Diba magkikita kayong dalawa sa tabing-ilog? Bakit ka nandito?" buwelta ko, puro tanong ang binabato namin sa isa't isa. Hindi dapat siya nandito. Nasaan si Maria Florencita?

Magsasalita pa sana ako ngunit biglang may kumatok sa pinto. "Señorita, narito ho si Señor Sebastian. Ibig niya ho kayong makausap" wika ni Ornina sa likod ng pinto.

Pareho kaming naistatwa ni Lorenzo. Walang dapat na makakita sa kaniya dito. Maging ako, hindi rin dapat ako makita ni Sebastian dito.

Agad nagtago si Lorenzo sa ilalim ng kama. Sumunod din ako sa kaniya at nagtago roon habang tinatali ang mahaba kong buhok ngunit nasira ang aking pangtali. "Gaya ho ng bilin ng inyong ama señorita, maaari pong pumasok si señor Sebastian. Mananatili lang ho ako dito sa tapat ng pintuan" patuloy ni Ornina.

"Ano ang iyong ginagawa?" halos pabulong na saad ni Lorenzo, bakas sa mukha niya na natataranta na rin siya.

"Nagtatago ako. Hindi ba obvious?"

"Malalaman nila na wala rito si Maria Florencita" giit niya, nasa ilalim kami ng kama at sadyang masikip dito.

"Iyon nga, nasaan ba si Maria Florencita? At bakit ka nandito?"

"Mamaya ko na sasagutin ang iyong mga katanungan. Sa ngayon, bumalik ka sa kama at magpanggap bilang Maria Florencita" wika niya, napatulala ako sa sinabi niya. May punto nga siya. Hindi pwedeng malaman ng iba lalo na ni Sebastian na wala ngayon dito ang babaeng papakasalan niya.

"Okay. Okay" saad ko saka mabilis na lumabas sa ilalim ng kama.

Bago pa man ako makabalik sa pagkakahiga sa kama ay biglang bumukas na ang pinto at ang una kong nakita ay ang pamilyar na mukha ni Sebastian sa tuwing binabagabag ito ng kaniyang kamatayan na nakikita niya sa kaniyang panaginip.

*******************
#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top